By: Ginoong A. Serrez

Oo, may ka-meetup ako, pero business lang… at business na hindi ko naman talaga gawain dahil wala naman akong kaalam-alam sa pagiging tour guide. Kahit na pa matagal na kami dito sa Capas, ni minsan, hindi pa ako nakakatungtong sa Pinatubo. Kungdi nga lamang talaga sa pakiusap ng isa sa mga naging kaibigan ko noon na dati kong katrabaho sa isang kompanya sa Global City, wala akong balak magventure sa pagiging tour guide.
“Sige na naman,” pamimilit sa akin ni Bea noon, pagbabalik-tanaw ko.
Iyon iyong tono at pakiusap na mahirap tanggihan pero kailangan ko talagang gumawa ng paraan para makatanggi.
“Pero wala talaga akong kaalam-alam sa Pinatubo. Kahit rates o kung ano ang mga gagawin, zero ang idea ko. Paano ko naman matutulungan ang boss mo ng ganoon?” katwiran ko.
“Sasamahan mo lang naman siya. Eh ikaw lang naman ang alam kong taga-Capas na puwede kong pagkatiwalaan sa boss ko. Tulungan mo naman akong magka-ganda points sa bago kong trabaho. Sige na…” litanya nito sa nakakaaliw niyang Ilonggo accent.
“Bea, kung alam ko lang ang gagawin, hindi ka magdadalawang salita sa akin. Kilala mo naman ako. Hindi ako mahilig gumawa ng mga bagay na ikasasakit lang ng ulo ko… at isa pa, hindi ko naman kilala ang boss mo.”
“’Drew… Sige na… birthday pa naman niya o, tapos magtatravel mag-isa. Napagtanungan lang ako kung may kakilala ako sa Tarlac, siyempre, ikaw agad ang naisip ko. Alam ko naman na hindi mo siya pababayaan kaya kampante ako na ikaw ang irekomenda.” Pangungumbinsi nito.