By: Arkinberg
Tawagin nyo na lang ako sa pangalang Marcus, isa akong tipikal na adult at masasabi ko na may presentableng itsura naman ako. Isa akong Nurse at nagtatrabaho sa isang ospital dito sa Muntinlupa. Masasabi kong boring ang buhay ko noon. Sunod lang kasi ako sa agos. Pinahahalagahan ko yung mga pagkakataon na may trabaho ako, hindi naman kasi kami mayaman para magpasarap ako sa buhay, sabi nga, kailangang kumilos para makakain sa araw-araw at siguro dahil dun ay parang walang buhay ang buhay ko.
Natutuwa ako sa kaibigan kong magpartner na sila Mike at Jay. Para kasi sa akin, sila ang ehemplo ng isang masayang couple. Alam na alam ko din kung paano sila nagkakilala. Nagkakilala sila sa Planetromeo nung nag-aaral pa sila ng College. Tumagal ang relasyon nila hanggang sa makagraduate sila at magkatrabaho. Masaya silang tignan pareho. Nagdadamayan sila sa lahat ng oras at kung mapagod man ang isa sa kanila ay paniguradong meron silang masasandalan sa isa’t isa, at yun ang wala ako nung panahong hindi ko pa nakikilala ang “the one” ko.
Hindi ko ipinilit na magkaroon ng love life nung mga panahong parang uhaw na uhaw ako dito, at lalong hindi ko din ipinagdasal ito. Para kasi sa akin may mga bagay na mas higit na kailangang ipagdasal kesa sa pagkakaroon ng love life, kung meron man para sa akin ay darating ito ang sabi ko sa sarili ko. Pero mukhang nadelayed ang pagdating nya at ilang taon din akong naghintay. Gusto ko nang mapagod sa paghihintay, kaya lang naisip ko, anong mangyayari sa akin kung susuko na ako sa bagay na yun, pakiramdam ko, para akong naghihintay sa wala.
May ilan akong nagugustuhan pero kadalasan ay hindi nila ako gusto. Sabagay, sino ba naman ang magkakagusto sa katulad ko. Nag-aalaga ako ng maysakit at hindi glamoroso ang trabaho ko. Ganun na nga lang siguro ang buhay ko. Pero nabago ang mga pananaw kong yun nang nakita ko si “Paul”.
Taong 2010 pa nun nung una kong nakita si “Paul” sa mall na malapit sa amin. Tandang-tanda ko pa ang suot nyang uniform nung nag-aaral pa sya sa PATTS. Nalaman ko na dun sya nag-aaral dahil nakita ko ang lanyard na suot nya. Matangkad sya, medyo maputi at merong balbas sarado na bagay na bagay sa kanya. Hindi ko alam ang tunay nyang pangalan at dahil dun ay binansagan ko syang “Paul” dahil hawig nya si Paulo Avelino.
Si “Paul” ang naging batayan ko ng ideal na partner sa panlabas na anyo. Kahit hindi ko sya kilala ng personal ay pakiramdam ko na mabuti syang tao. Hindi ko alam kung makikita ko pa sya ulit nun pero sadyang mabait ang pagkakataon dahil hindi pa yun ang huli naming pagkikita. Muli ko syang nakita sa sakayan ng tricycle sa amin. Natuwa ako dahil sa iisang barangay lang kaming dalawa nakatira, kaya mas may pagkakataon na makilala ko sya. Mas lumakas ang paghanga ko sa kanya nung mga oras na yun at umasa ako na makikilala ko din sya balang araw.
Nakita ko ulit si “Paul” nung minsang magsimba kami sa kabilang village na malapit sa amin. Hindi pa kasi tapos gawin ang chapel sa village namin kaya nakikisimba lang kami sa village nila. Dun ko nakumpirma na malapit lang sya sa amin. May ilang kaibigan kasi ako na nakatira sa village nila at malamang ay merong nakakakilala sa kanya. Sinubukan ko syang hanapin sa friend list sa Facebook ng mga kaibigan ko na taga roon sa village nila “Paul”. Umaasa ako na makikilala ko sya sa maliliit na profile pictures na nasa listahan. Walang pagod kong sinuyod ang mahigit 1000 na friends ng mga kaibigan ko, akala ko ay mahahanap ko sya doon pero hindi. Sa kasawiang palad ay hindi ko sya nahanap. Sinabi ko na lang sa sarili ko na kung malalaman ko ang pangalan nya ay mangyayari din yun, at kung sakali mang mangyari yun ay masaya na ako.
Makalipas ang mahigit anim na buwan ay muli ko syang nakasabay sa jeep pauwi sa amin. Kakagraduate ko lang noon at nagrereview pa kasi ako noon para sa board exam. Iba na ang uniform nya at sa tingin ko ay nagtransfer sya. Nag-aaral na sya ngayon sa FEATI at napansin ko din na parang mas lumaki ang katawan nya kesa sa dati. Umupo sya sa tapat ko nung mga oras na yun. Inaamin ko naintimidate ako sa kanya, yung crush ko ay nasa harap ko. Sa tingin ko ay pagod na pagod sya nun dahil nakatulog sya sa biyahe. Doon ko napagmasdan ang para sa akin ay perfect nyang itsura. Sumusulyap sulyap ako dahil gusto kong makabisado ang mukha nya. Masasabi nyong OA ako pero sa isang katulad ko ay isa na itong biyaya sa akin.
Hanggang sa pag-uwi sa bahay ay iniisip ko si “Paul”, nabuhay ang isang katauhan nya sa daydreams ko. Sa tuwing na-iistress ako ay pumipikit ako at iniisip ko sya. Malakas na talaga ang tama ko sa kanya ang sabi ko sa sarili ko.
Matagal-tagal na din na hindi ko nakikita si “Paul”, siguro ay hinayaan lang ako ng pagkakataon na makabisado ang mukha nya sa memorya ko. Sa mundo ko, isang mabait na partner sa akin si “Paul”, taga sundo sa tuwing uuwi ako galing sa review at kasama kumain sa fastfood sa tuwing gugutumin ako sa madaling araw. Sa mundo ko ay perpekto ang aming pagsasama, lahat ay payag at walang tutol. Sobrang na-obsessed ako sa ideya na ganun, napapasaya ako nito pero alam ko sa sarili ko na isa lang itong projection ng isang pangarap ko sa buhay, kahit na isa lang itong malaking ilusyon ay napapasaya ako nito.
Sa tuwing uuwi ako sa amin ay umaasa ako na makikita ko ulit si “Paul”, pero hindi na ito nangyari nung mga oras na yun. Siguro nga hanggang dun na lang yun. Itinigil ko na din ang pag-de-daydreams sa kanya. Wala kasi itong maidudulot sa akin at mas lalo lang akong mangungulila sa taong hindi ko kilala nang personal at alam ko naman na hindi sya mapapasaakin. Itinuon ko na lang ang atensyon ko sa mga bagay na mas kailangan ng pansin, kesa sa taong gusto ko, pero hindi naging madali ang makalimutan si “Paul” dahil sa buong buhay ko, kahit na sa daydreams lang ay napapasaya ako nito.
Nagsimba kaming pamilya nung Christmas Eve at nasorpresa ako na nakita ko ulit si “Paul”. Nakatayo sya sa labas ng Chapel na tanaw na tanaw ko. Napangiti ako nung makita ko sya. May kausap sya na parang kaibigan nya at dun ko nakita ang tamis ng kanyang ngiti. Hinding-hindi ko makakalimutan ang pagkakataong yun dahil tumatak sa akin ang tagpong yun. For the first time nagpasalamat ako sa may likha dahil napasaya ako nung mga oras na yun. Isang simpleng regalo na masaya kong tinanggap. Siguro nga ay dapat makuntento na lang ako sa mga pagkakataon na nakikita ko si “Paul”. Sa mga panahong pianghihinaan na ako ng loob sa buhay ay merong isang “Paul” na nagbibigay ng kakaibang saya sa akin.
Pero sabi nila ay may hangganan ang lahat.
Inaantok pa ako nung sumakay ako ng van biyaheng pa-LRT. Naupo ako sa bandang likod nito at hinintay na mapuno ang van. Nakita ko si “Paul” na sumakay sa bandang unahan kasama ang isang babae. Tinawag nya itong Ate at dun ko nalaman na may kapatid sya, for the first time ay narinig ko ang boses nya. Malalim ito at akmang-akma sa lalaking-lalaki nyang itsura. Nang pababa na ako sa van ay bumaba din sya, alam ko kasi na mag-e-LRT din sya dahil sa FEATI na sya nag-aaral. Hindi ko na sya nakasabay sumakay ng tren dahil parang may hinihintay sya na kasama at yun na ang huli kong kita sa kanya. Hanggang sa nakapasa na ako sa board exam ay hindi ko na ulit sya nakasabay manlang sa jeep o sa van. Umaasa ako na masusundan pa pero hindi na ito nangyari pa. Tinanggap ko na lang na hanggang dun na lang talaga marahil, pero hindi ang paghanga ko sa kanya. Para sa akin, ang katulad nya ang pipiliin ko kahit na anong oras.
Makalipas ang mga buwan ay lumipat na ako ng tirahan malapit sa ospital na pagtetrainingan ko. Natanggap kasi ako bilang trainee doon para maging staff nurse. Kinailangan ko din ito bilang training kasi alam ko mapapalayo din ako sa pamilya ko kapag nagtrabaho na ako abroad kaya habang maaga pa ay dapat matutunan ko na kung paano mamuhay na malayo sa pamilya para hindi ako ma-homesick. Nanibago ako sa lahat. Kung dati ay may pagkain na sa tuwing uuwi ako ngayon ay kailangan ko pang magluto o kapag hindi na kaya ay bumibili na lang. Ako na din ang naglalaba ng mga damit ko at namamalansta. Ibang klaseng independence ang binigay sa akin ng experience na yun at masaya ako na kinakaya ko ang pagiging independent.
Nung mga panahong yun ay suko na ako sa paghahanap sa “the one”. Narealize ko kasi na siguro pang-pamilya lang talaga ako kaya hindi na ako nabigyan ng pagkakataon na makilala man lang sya. Tinanggap ko ito ng paunti-unti. Sabagay, hindi naman nakakamatay ang pagiging single, hanggang may trabaho ako at nagigising pa din ako sa araw-araw ay tuloy pa din ang buhay.
Sa panahong hindi ako naghahanap ay dun naman dumadating yung taong hindi natin inaasahan. Mapagkatuwaang nagdownload si Mike ng Grindr sa cellphone ko at ginawan nya ako ng account dito at sinubukan ko ito. Nung una ay wala akong interes, pero nang tumagal na ay nakuha din nito ang atensyon ko. Madalas ko itong gamitin sa tuwing uuwi ako galing sa trabaho. Madami-dami din akong nakikita na malapit sa akin, pero ni minsan ay hindi ako nagtangka na makipagkita sa kahit na sino. Hanggang sa mapako ako sa isang account na ang username ay “AlphaHunk”.
May picture si “AlphaHunk” sa account nya pero hindi kita ang mukha nya. Hindi siguro sya ganun ka-out kaya may takip ang mukha nya. Malaki ang katawan nya, maputi at sa tingin ko ay matangkad sya. Siguro nga kaya “AlphaHunk” ang username nya ay Alpha talaga sya sa lahat ng mga hunks. Medyo nacurious ako kung ano ang itsura nya. Sa tuwing dadaan kasi ako ng right wing ng ospital ay mas nagiging malapit ang radius nya. Siguro may pamilya syang naka-admit o sya yung naka-admit. Halos tatlong araw ko syang nakitang online hanggang sa ika-apat na araw ay hindi ko na sya nakitang online. Siguro nakaalis na sila ng ospital. Nung hapong yun ay hinintay ko si Mike na sunduin ako sa ospital. Kakain kasi kami sa labas gawa ng anniversary nila ni Jay. Tinignan ko ulit ang Grindr ko habang nakaupo at naghihintay sa lobby. Umasa ako na kahit papaano ay makikita kong online si “AlphaHunk” pero hindi ko na sya nakita ulit.
Makalipas ang halos 30 minuto, habang nakaupo ako ay may isang lalaki na tumabi sa akin sa upuan sa lobby. Hindi ako palatingin sa mga nakakatabi ko dahil awkward ito at hindi ako sanay sa ganun. Natatanaw ko sya sa peripheral vision ko at parang nakaramdam ako na naiintimidate ako sa presensya nya, kaya para mabaling ang atensyon ko ay binuksan ko ang cellphone ko. Nang bumukas ang Grindr ko ay nakita ko ang account ni “AlphaHunk” na napakalapit ng distansya sa akin. Hindi ako makatingin sa lalaking katabi ko, pakiramdam ko kasi sya si “AlphaHunk” at hindi ko alam ang gagawin ko. Napansin ko din na napatingin sya sa cellphone ko at nakita nya siguro na tinitignan ko ang account ni “AlphaHunk”.
“Hi, I’m AlphaHunk” ang sabi nya sa akin.
“Ikaw?” ang pahabol nya habang nakangiti sya sa akin.
Hindi ako nakakibo agad, ni hindi ko sya natignan ng maayos dahil sa nahihiya ako sa kanya. Pero dahil sa ayaw ko naman syang mapahiya ay nagpakilala din ako sa username ko.
“Attius” ang tanging sagot ko sa kanya. Hiyang-hiya ako nung mga oras na yun. Patuloy sya sa pag-ngiti sa akin at napangiti din ako sa kanya para naman hindi sya mapahiya.
Hanggang dun lang ang una naming encounter ni “AlphaHunk” dahil sa dumating na si Mike. Sobrang awkward ang pakiramdam ko nung mga oras na yun. Kahit sa sasakyan ay hindi ako masyadong makakibo. Napansin ito ni Mike at nagkwento ako sa kanya. Sinabi nya sa akin na baka sya na yung hinahanap-hanap ko. Pero imposible ito, dahil parang masyadong perfect si “AlphaHunk” para sa akin. Matangkad, gwapo, maputi at lalaking-lalaki si “AlphaHunk”. Parang sya yung tipo na hinding hindi magkakagusto sa kagaya ko. At isa pa, hindi naman na ako umaasa na makikita ko pa sya sa ospital kaya walang chance na sya na yung taong para sa akin.
Halos nakalimutan ko na si “AlphaHunk” dahil sa hindi ko na sya nakikitang online sa Grindr, hanggang sa makita ko sya na papunta sa information booth ng ospital nung isang hapon na papasok ako for duty. Nakilala at binati nya ako. Nagtanong sya sa akin kung saan ang blood bank ng ospital. Dahil may isang oras pa ako bago mag-shift ay sinamahan ko sya. Masasabi kong mabait syang tao dahil ramdam ko yung sincerity nya nung mga oras na yun. Kahit na bagong magkakilala lang kami ay hindi sya nahihiya sa akin at nagkwento sya tungkol sa pasyente nila na naka-admit sa ospital. Halos mag-tatatlong linggo na daw ang Lolo nya na naka-admit at kailangan daw nya na salinan ng dugo. Nang makarating kami sa Blood Bank ay hinayaan ko syang kausapin ang mga Med Tech sa at nalaman namin na wala nang reserbang dugo na pwedeng gamitin ng Lolo nya. Type AB positive kasi ang blood type ng Lolo nya at walang may ka-match sa kanila nung mga oras na yun, ang tanging ka-match lang ng Lolo nya ay ang Tito nya na nasa Canada pa nung mga oras na yun. Naisip ko na pwede akong magdonate para sa Lolo nya. Pareho kasi kami ng blood type at wala namang kaso sa akin kung magbigay ako. Ginawa ko yun hindi dahil gusto kong mapalapit sa kanya, kundi parang tulong na lang din dahil kung ako man yung nasa sitwasyon ni “AlphaHunk” ay gusto ko din na may tutulong sa akin. Masaya si “AlphaHunk” nung mga oras na yun, nagpasalamat sya sa akin at natuwa naman ako sa gesture nya. Sinabi nya na after shift ko na lang ako magpapa-extract para hindi ako manghina during the shift. Pumayag naman ako at sinabi ni “AlphaHunk” na susunduin nya ako sa station namin pagkatapos ng shift ko. Bago kami maghiwalay ay nagpakilala kami sa isa’t isa. Nalaman ko na John ang pangalan nya at isang taon ang tanda nya sa akin. Sinamahan nya ako nung papunta na ako sa area ko, para malaman din daw nya kung saan akong area nagtatrabaho.
Kalagitnaan ng shift ay nagpadala ng pagkain para sa akin at sa mga kasamahan ko si John. Nagpasalamat ako sa kanya nung ihatid nya ito sa station. Hindi ko ito binigyan ng malisya, marahil nagpapasalamat lang sya sa akin dahil sa tulong na gagawin ko para sa Lolo nya.
Pinuntahan ako ni John sa area ko nang malapit na matapos ang shift ko. Matiyaga syang naghintay sa bench. At nang tapos na ako mag-endorse ay pinuntahan ko na sya. Masaya nya akong sinamahan sa blood bank at nagsimula na ang extraction sa akin. Medyo sanay na ako sa mga ganito. Naka-ilang beses na din kasi akong nakapagdonate ng dugo dati. Nakagawian ko ito dahil sa bihira lang ang blood type ko at gusto kong i-share ito sa mga nangangailangan. Ito yung bagay na hindi ko maaaring ipagdamot sa iba, kaya maluwag sa loob ko na magdonate.
Sinabihan ko si John na wag na nya akong hintayin matapos at bumalik na lang sya sa room nila, pero nung matapos ako ay nakita ko syang naghintay sa akin. Nakangiti syang lumapit sa akin at inaya nya ako sa kwarto nila para daw makapagpasalamat ang pamilya nya sa ginawa ko. Pumayag ako at nakilala ko ang mga magulang ni John at ang Lolo nya. Mabait ang pamilya nya dahil ramdam ko na kahit mayaman sila, hindi sila yung tipong matapobre at magaan ang loob ko sa kanila. Nang magpaalam ako na aalis na ay sinamahan ako ni John hanggang sa lobby ng ospital. Sa pag-aakala ko na hanggang dun lang sya ay nagpaalam na ako sa kanya, pero mapilit sya na ihatid ako sa dorm kahit na ilang lakad lang yun sa ospital. May dala-dalang supot si John na sa tingin ko ay may pagbibigyan sya. Nang makarating ako ng dorm ay inabot nya ito sa akin.
“Pamalit sa nawalang dugo sayo, thank you Marcus” ang sabi nya sa akin sabay abot ng supot na dala nya. Tinanggihan ko ito dahil ayoko naman na magkaroon sya ng impression na naghihintay ako ng kapalit sa ginawa kong tulong sa kanila, pero mapilit si John at tinanggap ko na din. Nang buksan ko ito sa loob ng dorm ay puro fruit juices at gatas ang laman nito. Natuwa ako sa gesture ni John. Kahit na ganun ay hindi kami nagpalitan ng number, pero ayos lang ang sabi ko sa sarili ko kasi hindi naman ako nag-eexpect na mangyari ang ganun, at sa itsura ni John ay paniguradong may partner sya kaya imposibleng kunin nya ang number ko.
Noong gabing bago ako matulog ay naisip ko si John. Marahil kung kagaya nya ang may kaya na mahalin ang tulad ko ay baka walang patid ang saya ko at magkakaroon na ng kahulugan at kulay ang boring kong buhay. Pilit kong sinisiksik sa utak ko na imposible yun at malabong magkagusto sya sa akin. Ayoko na umasa at bumuo pa ng pangalawang daydreams dahil hindi na ito makakatulong sa akin sa puntong yun.
Makalipas ang isang linggo ay sinubukan kong dalawin si John at ang Lolo nya. Dahil wala kaming communication ni John ay hindi ko na alam ang nangyari sa Lolo nya. Nang puntahan ko ang Nurses’ Station ay nalaman kong nadischarged na daw ang pasyente. Nakuntento na ako nung mga oras na yun dahil alam ko na nakatulong ako na mapabuti ang kalagayan ng Lolo nya. Inaamin kong medyo nalungkot ako dahil hindi man lang kami nagkapaalaman ni John, pero para sa akin ay ayos na din yun, para walang expectations sa aming dalawa at para hindi ako maging attached sa kanya.
Dumaan ang mga araw at halos nawala na sa isip ko si John. Nagpatuloy ako sa routine ko sa trabaho. Nang minsang isang araw ay nakita ko sya ulit sa ospital. Pauwi na ako nun at sya naman ay papasok pa lang ng lobby, sinubukan ko syang iwasan pero nakita nya ako. Nilapitan nya ako at binati ako ng matamis nyang ngiti. Halos hindi ako makapagsalita sa oras na yun. Doon ko lang nakumpirma na baka may tinatago akong pagtingin sa kanya.
“Sorry Marcus, hindi na kita nasabihan na nakauwi na kami. Sobrang busy kasi namin sa pag-aasikaso kay Lolo nakalimutan ko na. Sorry ha, sana hindi ka galit”
“Ok lang yun, hindi ako galit” ang sagot ko sa kanya.
“Gusto ka nga pala makita ni Lolo ulit, sama ka sakin ngayon, birthday nya kasi. Gusto din nya mag-thank you sayo kasi baka kung hindi daw dahil sa dugo mo baka hindi na sya nagcecelebrate ng birthday ngayon”
Ayoko sanang sumama dahil alam ko na family gathering yun. Pero dahil sa sinabi ni John na ang pakay nya sa pagpunta ng ospital ay para maaya ako ay sumama na din ako. Dali-dali akong nagpunta ng dorm para mag-ayos at magpalit ng damit. Hinintay nya ako matapos at pumunta na kami sa bahay nila. Nakatira sa isang executive village sa Makati sila John. Namangha ako sa laki ng bahay nila, kahit na ganun ay natutuwa ako dahil sa marunong silang makisama sa lahat ng tao.
Masayang natapos ang party ng Lolo nya. Nag-offer syang ihatid ako sa amin pero tumanggi ako dahil may ilang bisita pa silang naiwan nung mga oras na yun. Bago ako umalis sa kanila ay nagpalitan kami ng cellphone number. Simula noon ay parati na kaming magkatext, at hindi ko na mapigilan ang lumalaking paghanga ko sa kanya. Pero lagi kong pinapaalala sa sarili ko na hindi nya ako magugustuhan at yun ang naging mantra ko sa tuwing kikiligin ako sa mga pag-uusap namin.
Masaya ako sa tinakbo ng pagkakaibigan namin ni John. Minsan ay nag-aaya sya manood ng sine at kumain sa labas. Masaya ako na nararanasan ko ito sa kanya. Ako kasi yung tipo na hindi masyadong napagbibigyan ng pagkakataon na maparamdam sa akin na espesyal ako kahit papaano. Sa dinami-dami ng mga kaibigan nya ay mapalad ako na sakin sya nagpapasama. Minsan naiisip ko na baka gusto na din ako ni John, pero kung totoo man yun ay marahil matagal na kaming naging mag-on, at dun na ako nag-umpisa na umasa na baka mahal nya rin ako pero hindi lang nya maamin sa akin.
Hindi ko na maiwasan na lumaki ang paghanga ko kay John. Nahulog na ako sa kanya. Kahit na anong pigil ko sa sarili ko ay hindi ko na ito malabanan, at sa huli ay bumigay na din ako sa ideya ng pagmamahal ni John.
Madalas akong mag-aya sa kanya na lumabas at pinagbibigyan naman nya ako. Mas madami na din ang pagkakataon na nagkikita kami. Kahit na masaya akong kasama sya, ramdam ko na hindi mutual ang nararamdaman nya para sa akin. Ginawa ko ang lahat ng pwedeng ika-in-love nya sa akin, kahit na alam ko na malabo sa hinagap na mahalin nya ako kagaya ng pagmamahal ko sa kanya ay ipinaglaban ko ito. Hindi ko din naman kasi malalaman kung kaya nya ako mahalin kung hindi ko susubukan, kahit na alam ko na mas malaki ang kapalit nito sa akin, ang masaktan ako sa huli.
Sa tuwing magkasama kami ni John ay ako ang palaging nag-aasikaso sa kanya. Gusto ko kasi na maramdaman nya na ako lang yung taong kayang magmalasakit sa kanya ng buong-buo. Halos ibigay ko na ang lahat ng oras ko kay John, sa tuwing kailangan nya ako ay sinisigurado kong nandyan ako palagi para sa kanya.
Dahil sa mala-AlphaHunk nyang itsura ay lapitin si John. Tanggap ko yun at wala akong pagtutol dun. Pero minsan ay hindi ko maiwasang magselos sa mga friends with benefits nya, simula nung puntong yun kahit na virgin pa ako at wala pang nakakapasok sa akin ay gusto ko nang isuko ito kay John sa pag-asa na magiging akin na lang sya at hindi na sya titikim ng iba. Nakalimutan ko na ang estado namin at naging assuming ako sa lahat ng bagay noon. Ang alam ko, mahal na mahal ko si John at gagawin ko ang lahat makuha ko lang sya.
Sinabihan ako ni Mike na tigilan ko na ang kabaliwan ko kay John. Gusto ko sanang makinig at sundin ang payo nya pero mas nanaig sa akin yung kagustuhan ko na mapa-ibig ko si John.
Nung puntong yun ay para na akong obsessed kay John. Puro pictures nya ang nasa cellphone ko at halos lahat ng text namin ay hindi ko binubura. Sa tuwing nawawala ako sa mood ay isang tingin ko lang sa mga litrato ni John at gumagaan ang pakiramdam ko. Alam ko na minsan ay nakakasama na sa akin ang pagiging in-love ko kay John pero sa tingin ko ay mas madami pa itong nadudulot sa akin na maganda kesa sa masama.
Pinaniwala ko ang sarili ko na pasasaan pa at makukuha ko din ang gusto ko. Nasa punto na kasi ako noon kung saan ay parang gutom at sabik na ako sa pagmamahal ni John.
Madalas ko ding bisitahin ang Lolo nya nung mga panahong yun. Natutuwa kasi ako sa Lolo nya dahil hindi ko naranasan na makasama ang Lolo ko. Paraan ko na din siguro yun para mas madagdagan yung mga pagkakataon na nakikita at nakakasama ko si John. Pero nung mga nakalipas na araw ay hindi ko na madalas abutan si John sa bahay nila sa tuwing bibisita ako sa Lolo nya at dun na ako naghinala na baka may mahal na si John.
Naging madalang na din ang pagreply nya sa mga text ko. Hindi ko maiwasang magdamdam kay John. Dati kasi konting kibot lang magkatext na kami pero nung mga oras na yun ay parang ang hirap na nyang maabot. Hindi ko maiwasang mabugnot dahil dun. Alam ko na wala akong karapatan na maramdaman yun pero dahil sa sobrang pagmamahal ko kay John ay parang nakalimutan ko na kung ano ako sa kanya. Ang tanging alam ko lang ay yung ipaglaban sya.
Alam ko na destructive na ang mindset ko nun, pilit kong inaayos ito dahil ayoko namang magpaka-miserable ng dahil lang sa kanya, pero minsan, napakahirap nung pakiramdam na yung mahal mo may mahal ng iba, kahit na alam mo na kaya mo syang pasayahin, pero alam mo din na hindi sya magiging masaya kasama ka dahil hindi ikaw yung mahal nya.
Minsang off ko sa trabaho ay pumunta ako ng Makati para bilhan ng damit si John bilang regalo ko sa kanya sa birthday nya. Nang papauwi na ako ay nakita ko syang bumaba sa sasakyan nya na may kasamang lalaki at pumasok sila pareho sa hotel na katapat ng mall. Gusto ko sana silang sundan pero nanatili akong composed nung mga oras na yun kaya hindi ko na ginawa yun. Alam ko kung ano ang gagawin nila at nalungkot ako, dahil alam ko na kaya ko din naman yun ibigay sa kanya.
Nasa punto na ako kung saan naglalaban na ang isip at puso ko. Sinasabi ng isip ko na hindi worth it magmahal ng kagaya nya na alam ko na madami akong magiging kaagaw at alam ko sa sarili ko na hindi nya kayang mahalin ang isang tulad ko. Sabi naman ng puso ko na wag akong magsawa na magmahal sa kanya dahil saan ba’t makikita din yun ni John at mamahalin din nya ako. Sobrang litong-lito na ako nung mga oras na yun at dun ko nilunok ang pride ko at for the first time, at ipinagdasal ko ang love life ko.
Napanatag ako kahit papaano na hindi ko dapat madaliin ang lahat, na hayaan ko lang na ang tadhana ang magdikta ng magiging takbo ng buhay pag-ibig ko.
Nung bisperas ng birthday ni John ay nagdala ako ng mga paborito nyang pagkain sa bahay nila. Natuwa si John dahil ako ang unang nakasama nya na magcelebrate ng birthday nya. Diniretso namin sa kwarto nya ang mga dala ko at nilagay ang mga ito sa side table. Sinabi ni John na maliligo lang daw sya at hinintay ko sya na matapos. Nang matapos na syang maligo ay sinindihan ko ang kandila sa cake na dala ko ay agad ko syang pinagwish. Natuwa sya sa ginawa ko at masaya ako na nakita ko na napasaya ko sya, at dun ko na isinagawa ang balak ko, ang ibigay ang sarili ko sa kanya.
Nilapag ko ang cake na dala ko sa side table at sinabi ko sa kanya na,
“I love you, John, eto ang regalo ko sayo” at bigla ko syang hinalikan habang nakatayo kami. Mariin kong hinalikan ang labi nya. Sa pag-aakala ko na magugustuhan nya yun ay inilagay ko ang mga kamay nya sa likod ko, pero kumalas sya at naitulak nya ako ng malakas. Dahil sa kumapit ako sa side table nung naitulak na nya ako ay bumasak ang lahat ng pagkain na nasa side table. Doon ako natauhan sa ginawa ko.
Ramdam ko ang lamig ng softdrinks na tumapon sa akin, ang lagkit ng carbonara at ang cake na nasira at bumagsak sa bandang mukha ko. Tinulungan ako ni John na makatayo pero hindi ko inabot ang kamay nya at lumabas ako ng kwarto nya. Hinabol nya ako pero hindi na ako nagpapigil. Nang makalabas ako ng gate nila ay hiyang-hiya ako sa sarili ko. Ang laking kahihiyan ang nagawa ko. Hindi ko mapigilang maiyak habang pinupunasan ko ang cake na natapon sa mukha ko.
Nang makarating ako ng dorm ay dumiretso ako agad sa banyo para maligo. Hindi ko na nakuhang maghubad ng damit. Habang nagbubuhos ay sumabay ang pag-agos ng luha ko.
Hindi ko sinisisi si John sa mga nangyari dahil alam ko na kasalanan ko yun. Masakit lang makumpirma na hindi ako kayang mahalin ni John, hindi din nya kaya na makipag-sex sa akin, marahil wala naman talaga akong lugar kay John at isang kaibigan lang ang tingin nya sa akin, na nalamatan ko pa dahil sa ginawa ko.
Hindi ako nakapasok sa trabaho kinabukasan dahil sa hindi maganda ang pakiramdam ko. Tinext ako ni John na hindi daw sya galit at hihintayin nya ako sa party nya sa bahay nila nung gabing yun. Kung tutuusin ay mabait pa din si John, kung sa iba yun ay baka binugbog na ako nun. Hindi na ako nagpunta nung gabing yun dahil hindi ko din alam kung paano ko sya haharapin.
Hinayaan ko muna na lumipas ang isang linggo bago ako nagtext kay John. Nagsorry ako sa kanya sa mga nagawa ko. Nagreply naman sya na magkita daw kami at mag-usap. Sinubukan kong tumanggi pero dahil na din siguro na gusto kong maayos pa ang pagkakaibigan namin ay pumayag na din ako. Umaasa ako na magugustuhan ko ang sasabihin ni John sa akin. Nagkaroon ako ng pag-asa na baka yun na ang panahon na hinihintay ko.
Nag-usap kami ni John sa bahay nila. Sa kwarto nya kami nag-usap at nagpahanda sya ng mga pagkain na dinala ko nung bisperas ng birthday nya. Dahil daw sa hindi namin nakain ang mga iyon ay yun ulit ang pinahanda nya. Masaya kaming kumain ni John na parang walang nangyaring hindi maganda sa amin. Nang matapos kami kumain ay nag-usap na kami.
“Sorry John, alam mo kasi mahal na mahal kita kaya ko yun nagawa, sorry ha. Gagawin ko ang lahat para sayo, sana kaya mo kong mahalin” ang matapang kong paghayag ng nararamdaman ko sa kanya.
Tinignan lang ako ni John at niyakap nya ako. Sabay sabi nya na,
“Mabait ka Marcus, maalaga, maunawain, hindi ako magtataka kung may ma-in-love sayo, sorry, hindi kasi kita kayang mahalin kagaya ng hinihingi mo sa akin. Mahal kita pero bilang isang kaibigan. May mahal na akong iba at mahal na mahal ko sya. ” ang sabi ni John at mas lalo nyang hinigpitan ang yakap nya sa akin. Hindi ko na napigilan ang sarili ko na mapaiyak sa mga narinig ko. Hinayaan lang nya ako na umiyak sa braso nya.
Doon ko lang naramdaman ang pagmamahal sa akin ni John. Doon ko lang naramdaman ang sarap ng pagmamahal nya. Hindi ko alam na matagal na pala nya akong mahal bilang isang kaibigan. Marahil ay mas nangibabaw sa akin ang obsession ko sa kanya kaya hindi ko na yun nakita. Siguro, yun lang ang kailangan ko na maramdaman, na mahal ako ni John kahit bilang isang kaibigan lang.
Naayos namin ni John ang pagkakaibigan namin simula nung araw na nag-usap kami.
Minsan nagiging bulag tayo sa mga bagay na matagal na palang nasa atin, mas pinairal ko ang kasakiman at pag-asa na mababago ang tingin nya sa akin kapag naibigay ko na ang katawan ko sa kanya, pero hindi, hindi ko nakuha ang inaasam ko pero mas higit ang nakuha ko na hindi ko inaasahan, ang totoo at walang kundisyon na pagmamahal sa akin ni John bilang isang kaibigan.
Halos itapon ko na ang sarili ko noon para kay John, sa sobrang pagmamahal ko sa kanya ay wala nang natirang pagmamahal sa sarili ko, at yun marahil ang nakasira sa akin. Sabi nga sa isang kanta, “Learning to love yourself, is the greatest love of all”, at sa huli ay natuto ako na maglaan ng pagmamahal sa sarili ko.
Simula noon ay nabiyayaan ako ng pagmahahal ng walang katulad.
Linggo noon at natapos ang shift ko ng ala-sais ng gabi. Hindi na ako nagpalit ng damit at dumiretso na sa simbahan. Nang matapos na ang misa ay nilapitan ako ng isang lalaki at tinatanong kung Nurse daw ba ako. Sumagot ako at inaya nya ako sa office nila. Hinikayat nya ako na maging volunteer para sa First Aid Services ng simbahan. Pumayag ako dahil sa gusto ko din naman na makatulong sa iba. Dinala ako ni Kuya Tony, ang head ng First Aid Team sa training room nila. Doon ay binati ako ng mga miyembro ng team. Niyakap nila ako kahit dun pa lang kami nagkakilala. Doon ko lang naramdaman ang pagmamahal na hindi nanghihingi ng kapalit, yung pagmamahal na bukal sa puso, at simula noon ay nadagdag sila sa listahan ng mga kaibigan ko.
Masarap ang pakiramdam sa tuwing makakatulong ako sa mga taong nangangailangan ng tulong namin sa First Aid. Doon ko nararamdaman ang pagmamahal ng iba’t ibang klaseng tao, sa tuwing gagaan ang loob nila matapos namin lapatan sila ng unang lunas at sa tuwing aalis sila sa station na maayos ang kalagayan. Sa huli, ay hindi ako naging salat sa pagmamahal ng iba, mas lalo akong napatatag nito sa kabila ng ideya na kailangan ko ng isang taong nandyan para sa akin.
Doon ko lang napagtanto na baka wala naman talagang isang tao na nakalaan sa akin, na pinaniwala ko lang ang sarili ko na meron talaga nito. Doon ko lang naintindihan na kaya merong matatandang dalaga at binata dahil sa hindi na dumating ang taong para sa kanila o wala talagang nakatadhana para sa kanila. Sa huli, ay masaya kong tinaggap ang kapalaran ko, habang nakakatanggap ako ng pagmamahal mula sa ibang tao, ay hinding-hindi ako mangungulila sa pagmamahal mula sa isang tao lamang. Pero alam ko na bata pa ako at marami pang pwedeng mangyari sa akin. Ipinaubaya ko na lang sa “destiny”, “chance” at sa kupido ang buhay pag-ibig ko.
Makalipas ang tatlong taon ay nanatili pa din kaming magkaibigan ni John. Masaya sya sa piling ng partner nya. Doon ko natutunan na hindi talaga pinipilit ang pagmamahal dahil kusa itong nararamdaman at binibigay. Madami akong natutunan sa karanasan ko at ito ang mas lalong nagpatibay sa akin para sa isang bagong pag-ibig na hindi ko inaasahan na darating pa sa akin.
Pinili kong magcelebrate ng ika-24th birthday ko ngayong taon kasama ang mga kaibigan ko sa First Aid Team at nagsagawa kami ng medical mission sa isang barangay sa Maynila. Mas madami na kaming miyembro dahil sa tumatanggap na din ang grupo ng bagong miyembro kahit na hindi health-related ang background nito, basta sasailalim lang sila sa training.
Nagbigay ako ng pera na kakailanganin namin sa medical mission, imbis na gastusin ko ito para sa material na bagay para sa birthday ko ay napili ko na ilaan na lang ito para sa medical mission. Masaya ako nung araw na yun dahil alam ko na madami kaming matutulungan. Kahit na walang cake, o anumang bagay na may kauganayan sa birthday ko ay masaya ako na ipinagdiwang ito.
Bago kami magsimula ay may ipinakilala si Kuya Tony na mga bagong miyembro na sasama sa amin sa medical mission.
“Guys, sila nga pala mga bagong member natin, mga graduate sila ng FEATI” ang sabi ni Kuya Tony sa grupo. Lima silang lahat bale tatlong lalaki at dalawang babae sila. Hindi agad ako nakalingon sa kanila dahil nagbibilang ako ng mga gamot na ibabahagi namin sa medical mission. Naririnig ko na nagpapakilala sila sa bawat isa sa grupo. Nang humarap ako ay nagpakilala ako sa kanila at ganun din naman sila sa akin. Masaya ko silang winelcome sa grupo, pero hindi ko nakilala yung isa dahil nakita ko na tumulong sya sa pagbubuhat ng mga gamit namin na isasakay sa sasakyan. Nang settled na ang lahat ay bumalik ako sa station namin para magdouble check dahil baka may nakalimutan kaming dalhin. Biglang pumasok si Kuya Tony kasama ang bago naming miyembro. Sya na lang yung hindi ko pa nakilala dahil tumulong sya sa pagbuhat ng mga gamit. Nang lumapit sya sa akin ay nakilala ko sya agad. Bigla akong natulala sa kanya. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay dito ko pa pala sya makikilala.
“O, Marcus, hindi pa yata kayo nag-iintroduce sa isa’t isa” ang sabi sa akin ni Kuya Tony at bigla syang nag-excuse sa amin at umalis sya dahil nag-ring ang cellphone nya.
Inabot nya ang kamay nya sa akin at sinabi nyang,
“Paco po” ang sabi nya sa akin. Halos natulala ako nung mga oras na yun. Hindi ko maaaring makalimutan ang mukha nya, ang ngiti nya na minsan ko nang nakita, at ang boses nya. Parang binuhay nito ang natutulog kong puso. Muli ay bumalik sa akin yung pakiramdam ko dati. Si “Paul” ang tinuturing kong First Love ay sya ngayong nakaharap sa akin na nakangiti at nung mga oras na yun ay masaya ako na sa wakas ay nalaman ko din ang tunay nyang pangalan. Ang makilala sya ay isang malaking birthday gift para sa akin.
Inabot ko ang kamay ko sa kanya at nagpakilala.
“Marcus nga pala, welcome sa grupo” ang sabi ko sa kanya at nginitian ko sya.
“Parang pamilyar ka sakin Marcus, parang matagal na kitang nakita” ang pahabol nya sa akin.
Napangiti lang ako sa sinabi ni Paco. Hindi ko inaasahan na sa tagal ng panahon na nakikita ko sya ay napapansin rin nya pala ako. Ilang taon na din ang lumipas pero parang sariwa pa sa alaala nya ang presensya ko. Sa dinami-dami ng taong nakikilala nya ay parang may puwang ako sa kanya kaya nasabi nyang parang pamilyar sya sa akin.
“Taga-Marilao ako” ang sabi ko sa kanya at napangiti sya sa akin.
“Ah, oo natatandaan na kita, madalas kitang makasabay noon sa jeep o sa van” ang sabi ni Paco sa akin at hindi ko mapigilang mapangiti.
“Sana maging magkaibigan tayo, Marcus. Magaan ang loob ko sayo kahit noon pa” ang pahabol ni Paco. Tinignan ko sya at nakangiti sya sa akin.
Hindi ko mapigilang mapangiti nung mga oras na yun dahil sa saya na nararamdaman ng puso ko. Marahil ay yun na ang pinakamasayang birthday sa buong buhay ko. Nakatanggap ako ng isang regalo na habambuhay kong iingatan – ang pagmamahal ni Paco.
At sa huli ay nagkatotoo ang mga daydreams ko.
Remember your first.
The End
No comments:
Post a Comment