Pages

Monday, June 25, 2018

Hiraeth

By: Joshua Brand

ISA, DALAWA—TATLONG BESES ko na yatang inakala na nakatulog na ako. Sanlibong tupa na rin ang aking nabilang, ngunit mulat na mulat pa rin ang aking mga mata at napakalayo pa rin ang nilalakbay ng aking isipan. Paulit-ulit at pabalik-balik lamang ako sa paggunita sa mga nakalipas na pangyayari sa aking buhay.

    Marahil ay iyon ang dahilan kung bakit inakala kong nakatulog na nga ako. Panay kasi ang pag-alala ko sa mga iyon at tila nananaginip na ako nang gising. Nangangarap na sana ay muling iyong mabalikan lahat sa aking paggising.

    Sa totoo lang, parang ayaw ko na nga sanang gumising bukas.

    Bumangon ako’t muling binuksan ang maliit na ilaw sa tabi ng aking higaan. Ang akala ko ay hatinggabi na, ngunit nang aking silipin sa aking cellphone ang oras ay nakita kong halos alas-onse pa lang pala. Maging ang ilan kong mga kasamahan dito sa aming pinaglalagian ay nahihimbing na rin dahil sa pagod na sinapit mula sa halos buong maghapon naming paglalaro ng basketbol at paglalaboy.

    Maingat kong binuksan at isinara ang pinto ng aking silid bago bumama patungo sa kusina. Nais kong gumawa na lamang muna ng mainit na tsa-a at baka sakaling makatulong upang ako’y antukin. Hindi ko alam kung ano ang mali sa akin dahil mas nagiging aktibo ang aking isipan kung ako’y pagod—dahilan upang mas mahirapan akong makatulog.

    Patay na ang lahat ng ilaw, ngunit sapat ang liwanag ng buwan mula sa mga bintana upang makita ko ang aking nilalakaran. Sa bawat pag-ingit ng mga kahoy na baitang ng hagdanan ay napapakagat ako sa aking labi dahil iniingatan kong walang magising kahit na alam kong hindi naman iyon ganoon kalakas, kung tutuusin.

    Binuksan ko ang ilaw sa kusina at nagsimula nang maglagay ng tubig sa painitan para sa aking tsa-a. Nang makagawa ng tsa-a ay bumalik na rin ako paakyat sa aking silid at saka lumabas sa balkonahe matapos damputin ang aking cellphone. Isang napakalawak na balkonahe iyon na may mga pinto rin papasok sa bawat silid dito sa itaas, bukod pa sa mismong pinto nito papasok sa loob ng bahay.

    “Sabi ko na, ikaw ‘yun eh.” mahinahon na pagbati ni Markus bago ko pa man maisara muli ang pinto sa aking likuran.

    Kahit na nagulat ay nagawa ko pa rin siyang ngitian. Sa tingin ko ay natutuwa rin siya sa pagpapahangin dito sa labas. Malamig kasi ang hangin at talaga rin namang napakaganda ng liwanag ng buwan.

    Maingat kong inilapag ang aking cellphone at dambuhalang tasa ng tsa-a sa lamesa bago naupo sa mahabang upuan sa tabi niyon. “Tea?” pag-alok ko kay Markus na nag-iinat.

    “You know I can’t drink that.” pag-ngisi niya. Naupo siya sa kabilang dulo ng upuan at saka tamad na isinandal ang ulo upang mas maging kumportable.

    Bagay na bagay talaga sa kanya ang white floral shirt na iniregalo ko sa kanya noong isang taon at ang suot din niyang swimming shorts na plain mint ang kulay. Tanging iyon lamang ang kanyang suot.

    “Nasa’kin pa rin ‘to oh.” pagmamalaki ko sa gintong pulseras na bigay naman niya sa akin nang makapagtapos kami ng junior high. “Ilang beses mo akong pinaalalahanan na huwag itong iwawala.” Muli kong ibinaba ang manggas ng aking suot na jacket dahil nilalamig ako.

    Sandali niya rin iyong sinilip at saka ako nginitian.

    Heto na naman siya sa pangiti-ngiti niya nang ganyan. Aaminin kong isa iyon sa aking mga kahinaan. Isabay pa ang paglalaro ng hangin sa kanyang may kalaguang buhok at pangungusap ng kanyang mapupungay na mga mata—asul ang mga iyon at para bang sinasalamin ang kakalmahan ng anyong tubig na aming natatanaw.

    “Ba’t nandito ka?” tanong ko.

    Nagkibi siya ng balikat. “Waiting for you?”

    Tumawa ako nang mahina at naupo nang maayos.

    Mula sa aming kinauupuan ay tanaw namin ang halos kabuuan ng probinsiya. Siyempre, hindi maaaring hindi mapagtuunan ng pansin ang napakagandang bulkan ng Taal na nasa kalagitnaan ng kalmadong lawa. Kahit na halos araw-araw ko itong nakikita ay hindi pa rin ako nagsasawa na pagmasdan ang tahimik na bulkang ito. Sinabi rin sa akin ni Markus noon na ang bulkan na ito rin ang naging dahilan kung bakit siya napapayag ng mga magulang niya noon na umuwi rito sa Pilipinas at dito ipagpatuloy ang pag-aaral.

    “Akala ko tulog ka eh.” muli niyang pagsasalita,

    Maingat akong humigop ng tsa-a dahil sa totoo lang, hindi ko rin naman alam kung ano ang nais kong isagot sa kanya. Hindi talaga ako magaling sa ganitong mga usapan.

    “I wonder what Mom and Dad are doing right now?” tanong niya sa hangin, “Miss ko na sila sobra.”

    Hindi pa rin ako umiimik at tahimik lamang na pinagmamasdan ang aking tasa.

Dalawang beses ko pa lang nakausap nang personal ang mga magulang ni Markus: ang unang beses ay noong bigla silang dumalaw sa aming paaralan upang sorpresahin siya sa kanyang kaarawan; ang pangalawa naman ay noong isang taon lang.

    Ilang araw bago ang kaarawang iyon ni Markus ay bigla akong nakatanggap ng  mensahe mula kay Tita na balak daw nilang sorpresahin ang kanilang anak. Nagpatulong siya sa akin na maghagilap ng lugar kung saan iyon maaaring idaos, maging ang bilang ng aming mga kaibigan na maaari naming maimbita at iba pang mga detalye.

    Halos apat na buwan pa lamang nang mag-umpisa ang aming klase noon kaya’t abalang-abala rin kaming lahat sa aming pag-aaral.

    Hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa aking isipan ang aking saya nang makita ko ang saya ni Markus nang nagawa namin nang maayos ang sorpresang iyon. Rinig ko pa rin ang paghalakhak niya habang papalapit sa kanyang mga magulang upang sila’y yakapin. Hindi namin inisip na bigla siyang iiyak sa harap naming lahat dahil doon.

    Iyon ang unang beses na nag-iba ang tingin ko sa kanya.

    Kung noon ay para ko lamang siyang kapatid na nais kong samahan sa lahat ng pangyayari sa kanyang buhay, bigla ko siyang nakita bilang isang taong kaya kong mahalin nang lubusan. Doon nag-umpisa ang aking pusong mangarap na sana’y mahalin din niya ako.

    Sa pagsibol ng pagtingin kong iyon sa kanya ay siya ring pagsulpot ng mga bagay na bigla na lamang naging mahirap para sa akin na gawin o isipin. Para bang kung gaano kasarap isipin nang paulit-ulit ang nais kong pag-ibig mula sa kanya ay ganoon ding kasakit na malamang ang lahat ng iyon ay walang kasiguraduhan.

    May mga pagkakataong inisip kong nalilito lamang ako at hindi totoo ang aking nararamdaman para sa kanya, ngunit may mga sandali ring nakikitaan ko siya ng mga pagkilos na bigla ko na lamang nabibigyan ng kulay. Katulad na lamang ng palagi niyang pagdadala ng ekstrang bimpo pamunas ng pawis sa tuwing may laro kami na palagi niyang inihahagis sa akin sa tuwing ako’y pawisan na. O kaya naman ay iyong simpleng pagdalaw-dalaw niya sa bahay sa tuwing may sakit ako dahil ugali niyang hilutin ang aking mga paa. Mainam daw iyon upang mas gumaan ang aking pakiramdam.

“You’re so tahimik,” puna niya, “Kwento ka nga!”

    Bumalik ako sa kasalukuyan. “Ano naman ikukwento ko?” tanong ko, “Lagi naman tayo magkasama.”

    Muli siyang nagkibi ng balikat at saka lumapit sa akin. Nahiga siya at umunan sa aking isang hita katulad ng palagi niyang ginagawa. Patagilid ang kanyang pwesto paharap sa may kadilimang tanawin mula sa balkonahe.

    Tinitigan ko ang kanyang buhok at saka marahang hinaplos-haplos. “Naalala ko nung unang beses kong mahawakan ‘tong buhok mo.”

    “Mm?”

    Natawa ko nang mabalikan ang pangyayari. “Napuntirya ka sa ulo ni Benjie nung try-outs natin sa basketball. Biglang sabi ni Coach, hilutin ko raw ulo mo.”

    Bahagya rin siyang natawa. “Sakit kaya ‘nun. Gago si Benjie eh.”

    Nasa kabilang kwarto lang si Benjie at siguradong mahimbing na rin ang tulog. Bukod kay Marcus, si Benjie ang pinakamalapit kong kaibigan.

Halos dalawang taon pa lang nang magkakilala kami ni Benjie.

    Noong una ay hindi talaga sila naging magkasundo kaagad ni Markus dahil sa kanyang kaunting kaangasan. Lumipat siya sa aming paaralan para sa huling taon niya sa highschool. Nang mapagod sa kakakulit namin kung ano ang dahilan niya sa kanyang paglipat ay sinabi lang niyang naiwan siyang mag-isa dahil nag-alisan halos lahat ng mga kaibigan niya bago ang senior year.

    Iyon ang unang beses na nakita ko si Markus na mas naging maayos ang pakikitungo sa kanya. Nagsimula siyang hila-hilain si Benjie sa mga paglalaboy namin dahil ayon sa kanya, alam niya ang pakiramdam ng pumasok sa isang mundong wala ka ni isang kakilala.

“Good thing he can now play again.” sambit ni Markus, “I saw his moves kanina when you guys were playing, maayos na. He’ll need that for his college life.”

    “Andun ka pala? ‘Di ko napansin.”

    “I’ll be here lagi.”

    “Naks!”

    Iyon ang paborito niyang sabihin palagi.

    Unang beses kong narinig ang pangako niyang iyon isang araw habang nage-ensayo kami sa aming dula-dulaan. Pinilit kami ng aming guro na sumali dahil kulang daw sila sa mga actor na gaganap bilang mga kawal. Dahil may dagdag-puntos naman sa aming grado, sumang-ayon na rin kami. Ilang beses kong nalilimutan ang kaisa-isang linya na aking sasabihin at si Markus ang palaging nagpapaalala sa aking ng mismong mga salitang babanggitin. Sa sampundaan kong pasasalamat sa kanya ay iyon lamang ang kanyang naging sagot—“I’ll be here lagi.”

    “That was the very first time I was able to feel your palms. Malambot!” pagtawa ni Markus, “Kutis-mayaman talaga. Anak ng haciendero’t pulitiko eh.” pang-aasar pa niya,

    “Gago.”

    Ang nakakatawa sa kanyang pang-aasar ay iyong tono ng kanyang pananalita. Palibhasa’y laking Amerika kaya’t hindi maayos na nababanggit ang mga salitang dapat ay may kagaspangan kung bibigkasin.

    “Ilang beses kong sinubukan ‘nun na hawakan ulit ‘yang mga kamay mo eh.” Biglang naging seryoso ang kanyang tono. “Kaya lang ikaw ‘tong iwas nang iwas.”

    Natigilan din ako sa pagtawa.

Unang beses niyang hinawakan ang aking kamay nang magdaos ng Feeding Program ang aking ama sa isang komunidad malapit sa amin.

    Isinama ko ang buong team namin dahil nais din daw nila iyong maranasan. Matapos ang pagpapalaro’t pagsasaya sa mga kabataan ay kami ni Benjie dapat ang maghuhugas ng mga mangkok at basong ginamit sa pagpapakain sa mga bata. Ngunit bigla niyang sinabi na mas kailangan daw siya sa paghahatid sa mga bata pabalik sa kanilang mga bahay kasama ang ilang mga magulang. Si Markus ang siyang nagprisinta na maiwan upang samahan ako sa paghuhugas.

    Iyon pa lamang ang unang beses na naiwan kami ni Markus na kaming dalawa lang. Iyon din kasi ang punto sa aking buhay na nagdesisyon akong iwasan na muna siya dahil alam kong wala namang mapupuntahan ang pagtingin kong iyon sa kanya.

    May kaliitan ang lababo sa lugar na pinagdausan ng programa kaya’t dikit na dikit kami habang naglilinis ng mga pinagkainan. Abot-abot ang aking kaba nang mga oras na iyon. Para akong mapapahamak dahil sa sitwasyong iyon.

    Nag-uumpisa na akong magbanlaw ng mga mangkok bago masabunan. Pinuno ni Markus ang lababo ng tubig at saka nilagyan ng sangkaterbang sabon, dahilan upang halos malunod kami sa bula.

    “Ang saya ‘nung mga bata, ano?” pagtanong niya sa akin.

    Humuni lamang ako ng pagsang-ayon. Masaya naman din ako, ngunit nag-uumpisa nang mapagod kaya’t minabuti ko na lamang na manahimik.

    “They really love your father here.” May pailing-iling pa niyang sambit.

    Muli lang akong tumango.

    “Reuben,” mahina niyang pagtawag.

    Agad ko siyang nilingon at nakitang nakatitig lamang siya sa mangkok na sinasabunan. Napansin ko ang ilang mga butil ng pawis sa kanyang noo’t leeg. Alam ko rin na may nais siyang sabihin dahil panay ang paggalaw ng kanyang Adam’s apple na animo’y naghahanda sa pagbuka ng kanyang mga labi.

    Bigla ko muling itinuon ang aking paningin sa aking sinasabon. Hindi ko nais na marinig ang kung ano mang sasabihin niya kaya’t agad akong nag-isip ng ibang bagay na maaaring sabihin.

    “Aliw na aliw sa’yo ‘yung mga bata.” bigla kong sambit, “Iba talaga trato ng mga Pinoy sa mga may lahing kanluranin.” Mahina akong tumawa, ngunit hindi ko alam kung ang tunog ba ng tawang iyon ay natural o pilit.

    Muli kong nilingon si Markus upang siguraduhing nakangiti rin siya. Marahil ay isang hudyat iyon na maayos kong naiba ang usapan. Ngunit nang aking lingunin ay nakita kong tahimik pa rin siya sa pagsasabon at seryoso nakatikom lamang ang bibig.

    “Ready ka na sa laro natin next week?” tanong ko. “Sabi ni Benjie palagi ka raw niya nakikita sa plaza nagpa-practice eh. Bukas laro—”

    “Why are you avoiding me?”

    Natigilan ako sa tanong niyang iyon. Rinig ko ang lungkot sa tono ng kanyang boses. Kahit na hindi nakatingin sa kanya ay alam kong nakatingin na siya sa akin. Wala akong maisip na sagot sa kanya dahil ayaw kong umamin kaya’t panay lamang ako sa pagklaro ng aking lalamunan.

    “Did I do something wrong?” Marahan niyang sinagi ang aking balikat. Mahina rin siyang nagbibitaw ng pagtawa upang marahil ay pagaanin ang sitwasyon o pakalmahin ang sarili. “Because, you know… It doesn’t feel good when you try and avoid me.”

    Magkahalong hiya at lungkot ang aking naramdaman nang mga oras na iyon. Kumilos ako’t nag-akmang tumalikod dahil balak ko sanang lumabas na muna, ngunit bigla niyang hinawakan ang aking isang kamay sa ilalim ng mga bula at tubig. Magkasiping ang aming mga daliri habang ako’y naninigas pa rin sa aking kinatatayuan at hindi malaman kung ano ang gagawin.

    “I won’t let go of this hand.” utos niya sa sarili, “Bawal!”

    May kung anong kiliti akong naramdaman dahil doon, ngunit wala pa rin akong maisip na maaaring sabihin.

    “Please, don’t avoid me.” paikusap niya, “Ayaw kong iniiwasan mo ako eh.”

    Nag-iisip pa lamang ako ng sasabihin nang biglang pumasok si Papa sa kusina at nagsasaad patungkol sa ingay at tawanan ng mga bata sa labas.

    “Ayos lang kayo?” tanong ni Papa habang tinatapik-tapik ang likod ni Markus. Walang kaalam-alam sa sitwasyon ng aming mga kamay.

    “Ayos lang po, Tito!” magiliw na sagot ni Markus na sandali akong nginitian bago pasimpleng pinisil-pisil aking kamay na hawak pa rin niya.

    Maingat kong inililikot ang kamay kong iyon upang mabitawan niya, ngunit mas lalo niyang hinihigpitan ang pagakakakapit.

    “Today has been so much fun, Tito.” magiliw pa rin niyang pakikipag-usap sa aking ama na ngayo’y nakatalikod sa amin at may kung anong inaayos, “Thanks for allowing us to come and help.”

    “Nako, tumigil ka nga.” pagtawa ni Papa, “I should be the one thanking you.”

    “Oh, the pleasure’s ours po, Tito!” pisil niya muli sa aking kamay, “I think po your children are the ones na sobrang nag-work hard for this.”

    “Oo naman!” Lumapit sa amin si Papa at saka ginulo-gulo ang aking buhok. “Nakaka-proud itong anak ko.”

    “What about me?” tanong ni Gemma na bigla ring pumasok sa kusina.

    “Of course, ikaw din.” pagtawa ni Papa na lumapit naman sa aking kakambal upang halikan sa noo at sabay na muling lumabas.

    Nang muli kaming maiwan ni Markus ay bigla kong hinila ang aking kamay at saka siya sinimangutan. “What were you doing?”

    Umasta siya na parang nagmamaang-maangan. “What?” Muli niyang itinuon ang atensiyon sa mga sinasabunan, “I don’t know what you’re talking about.” Sambit niya bago ako muling ngitian.

    Ang ngiti niyang kahit kailan ay hindi ko mahindian.

    Muli niyang inabot ang aking kamay at inilublob sa sabon. “Don’t you dare let go of my hand again. Bawal bumitaw!” nakaloloko niyang pagbungisngis.

    Iyon ang simula ng mas malalim naming pagkakaibigan. Hindi masyadong malinaw kung ano nga ba ang tawag, ngunit ang alam ko lamang ay masaya kami. Naging malinaw sa akin na hindi mahalaga para sa amin kung malaman man iyon ng aming mga kaibigan o kakilala. Ang tanging nais lang namin ay palaging makasama ang isa’t-isa. May mga pagkakataong sabik na sabik naming hinahagkan ang isa’t-isa, ngunit may mga araw ding sapat na para sa amin ang mga nakaw na tingin at titig sa paaralan.

    Sa tuwing may pagkakataon ay tumatakas ako tuwing gabi sa bahay at saka sinusundo ni Markus gamit ang kanyang motorsiklo. Madalas kaming tumambay sa lawa at masayang pinagmamasdan ang mga alitaptap na nagsasayawan o kaya nama’y ang mga bituin sa kalangitan.

    Hindi naglaon ay naibahagi rin namin kay Benjie ang aming relasyon. Ako naman ay nagdesisyong ipaalam din iyon sa aking kakambal na si Gemma. Naging maayos naman ang kanilang pagtanggap sa amin ni Markus. Si Gemma, bilang aking kakampi sa lahat ng oras, ay palagi kong maaasahan sa tuwing kailangan kong tumakas mula sa aming tahanan.

    Iyon na yata ang mga pinakamasasayang sandali ng aking buhay.

“Hoy!” pagkalabit sa akin ni Markus na nakapagpabalik sa akin sa ulirat, “Antok ka na?”

    Ngumiti ako at nahikab. “Medyo.” Inayos ko ang zipper ng suot kong jacket.

    Bumangon siya mula sa pagkaka-unan sa akin hita at saka maayos na naupo sa aking tabi. “Do you wanna sleep now?”

    Umiling lamang ako.

    Tumawa siya nang mahina. “Remember when a dog chased us when we hiked here last year?” tanong niya.

    Pinipigilan ko ang aking pagtawa nang malakas dahil baka magising ang aming mga kaibigan sa loob. Ngunit si Markus ay halos kapusin ng hangin sa kakahalakhak. Iyon ang pagtawang labis-labis na nakapagpapasaya sa akin. Animo’y musika sa aking pandinig.

    “Benjie screamed like a girl!” pagpapatuloy niya, “And I just had to grab you and run away.”

    Hindi ko na rin napigilan ang aking sarili at natawa na rin. “Sila Austin nag-akyatan sa puno eh.” pahalakhak kong tugon.

    Halos ilang sandali rin kaming nagtawanan bago nagpunas ng mga luha dahil sa sobrang saya. Hinahabol ko ang aking hininga habang tahimik na nakangiti sa tanaw na lawa.

    Maya-maya pa’y naramdaman ko ang pagkilos ni Markus. Maingat niyang inabot ang aking isang kamay upang mahawakan. Para iyong totoo dahil sa init na aking naramdaman nang hawakan ko rin iyon nang mahigpit. Nilingon ko siya’t nginitian.

    “Why?” tanong ko.

    Nagkibi siya ng balikat. “There’s one thing I wanna ask of you.” Kita ko ang kaseryosohan sa kanyang mga mata kahit na bahagyang nakangiti ang mga labi.

    “Of course!” sagot ko, “Kahit ano…”

    “You—” sambit niya, “You have to let me go now.”

    Bigla akong napayuko, pinipigilan ang sarili na umiyak. Muli ko siyang nilingon, “B-bakit?” pailing-iling kong tanong sa kanya.

    Malungkot lamang siyang nakangiti sa akin.

    Muli na sana akong magsasalita nang biglang tumunog ang alarm ng aking cellphone. Alam ko kung para saan ang tunog na iyon kaya’t hindi ko iyon pinansin. Mas nais kong marinig ang magiging tugon sa akin ni Markus.

    “W-why do I need to—” Hindi ko matapos ang aking sasabihin dahil sa malalalim kong buntong-hininga.

    Sunod-sunod ding pagsinghot ang namamagitan sa bawat pagtatangka ko na muling makapagsalita. Ramdam ko ang init ng luha sa aking mga pisngi at lamig ng hanging dumadampi sa mga iyon. Nais kong tapusin ang aking sasabihin dahil gusto kong malaman niya na hindi ko kayang wala siya sa aking tabi.

    “A-ayaw ko, Markus. H-hindi ko pa rin k-kaya.” Pagsusumamo ko habang hindi inaalis sa kanyang mukha ang aking paningin.

    Patuloy sa pag-iingay ang aking cellphone at patuloy din ako sa hindi pagpansin sa ingay na iyon. Nang sinubukan ko na muling magsalita ay bigla akong nakarinig ng pagtawag sa aking pangalan mula sa aking likuran.

    “Reuben?” Mahina, ngunit klarong pagtawag sa akin ni Benjie.

    Agad ko siyang nilingon. Iniisip kung anong paliwanag ang sasabihin. “I-I was just—”

    “It’s okay…” rinig kong boses ni Markus.

    Sasabihin ko sanang kausap ko lamang si Markus upang hindi na mag-alala si Benjie sa akin, ngunit nang muli kong lingunin ang aking tabi ay wala na si Markus doon.

    “Markus? Markus!” pagtawag ko sa aking mahal. Agad akong tumayo at pinunasan ang aking mukha gamit ang laylayan ng aking suot na jacket. “Markus!”

    Nilapitan ako ni Benjie at mahinahon na pinapaupo. Pinakakalma.

    “No,” paglilinaw ko, “I was just talking to Markus.” Sandali ko siyang nginitian, “He was here just now, Benjie.” pagkukumbinsi ko sa kanya habang patuloy sa pagsinghot at pagpunas ng mga mata.

    “Reuben,”

    “No!” maging ako ay nagugulat sa paglakas ng aking boses, “Andito lang siya! Nagtatawanan nga kami eh.”

    Tahimik lamang si Benjie na naupo sa upuan na kanina lang ay kinauupuan ni Markus. Nakita ko na tahimik na rin siyang lumuluha. Naupo rin ako kahit na nalilito pa rin sa mga nangyayari.

    “He was just—” sambit ko, “He was just right here, Benjie.”

    Sinilip ko ang aking cellphone na kanina pa rin sa pag-iyak. Ang iniiwasan kong makita mula sa screen niyon ay hindi ko na naiwasan pang mabasa: Markus’ 1st Death Anniv.

    Para akong isang talunang sundalo na tahimik na binabagtas ang daan pauwi sa isang bayang ni minsan ay hindi ko nais na mabalikan. Para akong isang lantang dahon na walang-habas na nilalampaso ng malalakas na hangin. Isang alitaptap na inalisan ng ilaw at pakpak.

    Muli kong nilingon si Benjie at hindi na napigilan ang sarili sa pag-iyak. Pabilis nang pabilis ang aking paghinga. Palalim nang palalim ang aking paghapo. Isinubsob ko ang aking mukha sa aking mga palad habang palakas nang palakas ang aking pagsamo. Naramdaman ko ang pag-akap sa akin ni Benjie. Mahigpit. Ramdam ko rin ang malalalalim niyang paghikbi habang tahimik akong pinatatahan.

    “I wasn’t supposed to let go of his hand!” paliwanag ko, “Hindi ko dapat siya binitawan, Benjie! Hindi dapat!”

Nagkaroon kami ng outing noong isang taon sa malapit na dagat dito sa amin.

    Lahat kami na magbabarkada ay magkakasama, ngunit hindi namin alam na may bagyo nang mga oras na iyon dahil maayos naman ang lagay ng langit. Maging ang bangkero na aming nirentahan ay walang kaide-ideya patungkol sa bagyong paparating kaya’t pumayag siyang isama kami sa pamamangka.

    Halos lamunin ng dagat ang aming bangka habang nauubusan kami ng pag-asang may makauuwi pa sa amin nang buhay. Nahulog si Benjie sa dagat dahil sa tindi ng alon at hangin kaya’t tumalon din si Markus upang sagipin siya. Nang maiakyat si Benjie pabalik sa bangka ay nahirapan naman si Markus na makaakyat, dahilan upang hilain namin siyang lahat, ngunit dahil sa likot ng bangka at pagpulikat ng kanyang paa ay nahirapan siya.

    Ako ang huling nakahawak sa kanyang kamay habang sinasampal kami ng mga alon.

    Ako ang huling nakakita sa balisa niyang mukha habang hinihigop siya ng karagatan.

    Ako ang bumitaw.

    Ako.

Author’s Note:

It’s been a long while, guys!

I hope you still know me and my stories. I just got back from Leeds a couple of weeks ago and I thought about writing a new story for you all. It’s been very rainy the past couple of days and I think it was the weather that actually urged me to write a new story. Please, don’t despise me for the harrowing twist. My insanity has just tickled my entire being that actually made me succumb to the temptation.

If you haven’t yet, please take time to also read my other stories posted on here:
A Beautiful Artifice
Ang Kalinaw sa Pahimakas
Paper Planes
Lullabies of a Firefly (with Reuben and Gemma’s lives after this story)
Monochrome Rainbow (with Benjie’s life before entering Reuben and Markus’ story)

Thank you, guys, for always reading my stories on here. You, guys, are the best!

Love,
J

No comments:

Post a Comment

Read More Like This