Pages

Wednesday, November 27, 2019

Mama Sa Dilim

By: Ernesto

“Totoo ba ang multo?” ang palaging tanong ko sa aking isipan sa tuwing sasapit ang gabi.

Nagising ako sa kalagitanaan ng gabi dahil sa sobrang lamig. Wala namang ulan pero nangangaligkig ako dahil sa lakas ng hanging lumulusot mula sa silong ng bahay. Ang tipikal na bahay sa probinsya kasi ay binubuo ng kawayan, sawali at pawid. Ganun din ang sa amin kaya naman pag malamig ay talagang manginginig ka dahil sa dami ng butas na pwedeng pasukan ng hangin. Isa pa, magdi-December na rin nung mga panahong iyon kaya naman hindi na nakapagtataka ang mahalumigmig na panahon. Pag ganito kalamig ay hindi ko maiwasang maihi maya’t maya. Nasa ibaba pa ang c.r. namen kaya naman nakakainis dahil kailangan ko pang mag-akyat panaog.

Bumangon ako para umihi. Nang makababa ako ay agad akong dumiretso sa c.r., walang lingon lingon dahil ayoko namang makakita ng kung ano ano sa paligid ng madilim na palikuran. Mabilis akong natapos, kinakapa ko pa ang tabo kung nasaan dahil wala namang ilaw na maaari kong buksan dito. Wala akong makapa kaya naman hindi ko na nabuhusan ang inihian ko at umakyat na agad dahil nakakaramdam na ako ng takot sa dilim. Nang makatungtong na ako sa hagdan ay may nakita akong kung ano sa hindi kalayuan. Merong parang bagang gumagalaw. Bata pa lang alam ko na kung ano yung sigarilyo kaya naman mas lalo pa akong natakot. ‘Naku po! Kapre yata yun.’ Sabi ko sa isip ko. Dahil ang usap usapan samen ay may kapreng nakatira sa puno ng avocado na nasa bakuran namen. Nandun na yun nung lumipat kami kaya hindi ko alam kung gaano na yun katagal doon.

Nahiga na akong muli at sinubukang matulog. Hindi ko alam kung ano bang nangyayari saken. Hindi ko rin alam kung namaligno na ba ako o ano. Nakarinig kasi ako ng mga yabag ng paa na umaakyat sa hagdan namen. Sa tabi ako ng pinto natutulog kaya naman siguradong ako ang unang makakakita noon, kung sakali. Nagtalukbong ako ng kumot at hindi ako nagpakagalaw galaw. Ayaw kong malaman ng nilalang na iyon na gising pa ako dahil baka lalo nya lang akong takutin. Patuloy pa rin ang marahang pagyabag ng mga paa, pero sa pagkakataong ito ay alam kong mas malapit na sya. Sobra sobra na ang takot ko kaya naman pati ang paghinga ko ay tinitipid ko na para hindi ako makagawa ng kahit anong klase ng ingay. Baka sa kakaunting ingay na magawa ko ay makuha ko ang atensyon ng nilalang na iyon at.. ‘aynaku po!’ ayoko nang isipin ang maaaring mangyare.
Nakatulog din naman ako nung gabing iyon. Hindi ko na namalayan kung ano na bang ginawa nung misteryosong nilalang na naglalakad sa bahay namen. Basta naalimpungatan na lang ako nang magsisisigaw na si nanay sa bahay dahil tanghali na. Ganyan ang araw araw na gumigising saken. Parang alarm kasi ang bunganga ni nanay.

“Magsibangon na kayo! Tanghali na! Sa araw araw na lang na ginawa ng Diyos, kailangan kayong gisinging mga bata kayo! Tutubuan na kayo ng mga bulbol mga lintek kayo pero hanggang ngayon hindi nyo pa rin matandaan ang mga simpleng bagay! Ang sabi ko kasi magsitulog ng maaga para magising ng maaga. Mahuhuli na kayo sa mga klase nyo! Bangon Na!” Yan ang maagang sermon ni nanay.

Agad na kaming nagsibangong magkakapatid. Dahil ‘pag wala pang kumilos samen ay siguradong sasamain kaming lahat. Ayaw ko naman na ganito kaaga kami malapatan ng malapad na kawayang itinatago nya kung saan. Baka mag-almusal kami ng lagapak.

Pagkabangon namen ay agad na kaming nagsipag hilamos at tsaka naghanda ng aming kakainin. Nagpaplantsa ng mga uniform namen si ate. Nagsasandok si kuya ng pagkain. Ang isa ko pang kuya ay nautusang maglinis ng kariton na gagamitin sa pagtitinda ng fishball. Ako naman ay nagtitimpla ng aming iinumin at ang dalawa naming bunsong kapatid ay nakatunganga lang sa mesa. Si nanay ay gumagawa ng sauce para sa fishball habang tumatalak. Si tatay naman ay nagmamasa ng harina para sa gagawing fishball. Buhay na buhay ang pamilya namen sa araw araw. Simultaneous naming ginagawa ang lahat ng mga kailangan naming gawin kaya naman natatapos kami sa takdang oras. Nakasanayan na namin ang ganitong routine. Yung ibang kapit bahay nga namen ay natutuwa sa aming pamilya dahil ansarap daw tignan na lahat kami ay kumikilos. Masaya naman talaga lalo na pag natapos na naming lahat ang dapat gawin dahil humihinto na rin si nanay sa kakadak dak. Yun nga lang. Sabog sabog yung bahay bago kami magsialis.

Parang trumpo kami sa pagkilos hanggang sa matapos ang lahat. Yung tatlo naming panganay na sina kuya Ruel, ate Grace at kuya Mike ay sunuran sa pagligo sa c.r., samantalang kaming mga bunso ay sa labas naliligo. Nakabuyang yang ang mga pinakatatago naming kayamanan. Pinaliliguan ni nanay yung dalawang bunso na sina Iris at Leizl. Ako? Nakikipag-agawan ako kay nanay sa sabon at shampoo para mauna akong matapos. Ayaw ko kasi sa lahat eh yung mahuhuli ako sa school. Me pagka pasikat ako noon eh, gusto kong lagi akong napupuri na maaga pumasok at pinakamalinis sa klase. Wala lang, masaya lang ako pag may nakaka-appreciate ng mga bagay na pinaghihirapan ko.

Ayos na ang lahat sa aming anim na magkakapatid. Nakaligo na ang lahat at naka-uniporme na rin. Sa aming lahat ay kaming dalawa ni kuya Ruel ang maraming bit bitin papunta sa school. Si kuya palibhasa kasali sa top ten sa science high ay dala dala lahat ng anik anik nya. Projects, paper works at kung anu anupang uri ng libro, na kahit minsan ay hindi ko pa man lang sinubukang basahin. Ako naman ay dala ang aking mga libro, notebook, yung mga candy na ibinibenta ko sa klase at higit sa lahat ang alkansya ko na suksukan ng mga nabenta ko. Hindi ko iyon ipinapakita kay nanay dahil baka isipin nyang hindi pag-aaral ang inaatupag ko sa school kundi pagtitinda. Well, bata pa lang ako ay madiskarte na ako. Kaya pagdating ng panahon na walang maipapabaon samen ay may nadudukot ako.

Nakahilera na ang lahat ng mga baon namen. Walang gulangan dahil pare pareho lang namang tagsasampung piso ang perang nandoon. Yung mga panganay naming high school na ay malapit lang ang papasukan. Maglalakad lang sila dahil ilang kanto lang naman ang distansya ng Palawan High mula sa bahay namen sa Barangay Abad Santos. Kaming tatlong bunso ay kinakailangan pang mag-tricycle papunta sa West Central School. Kaya bago umalis ay may karagdagang tigli-limang piso kami para sa pamasahe.

Maaga kaming nakarating sa school namen. Grade 1 yung dalawang bunso namen. Saling pusa lang si Liezl, pero nakita ng teacher na kaya naman na nya kaya ginawa na syang opisyal na grade 1. At para hindi magi-iyak sa school ay napagdesisyunan nila na gawing magkaklase yung mag-ate. Ako naman ay Grade 3 na kaya iba ang room ko, na hindi naman kalayuan sa kanila.

Kagaya ng inaasahan ko ay isa ako sa mga nauna sa school. Dito kasi samen, pag mas maaga kang pumasok ay mas malaki ang chance mo na makakuha ng magandang upuan. Ampapangit kasi ng ibang arm chair eh. Yung iba walang sandalan. Yung iba naman ay chair na lang dahil wala ng arm. Dahil maaga akong nakarating ay sa akin mapupunta ang isa sa pinakamagandang upuan na pinapangarap ng mga estudyanteng late kung pumasok.

Napuno na ang classroom. Hindi ko alam kung ilan kaming lahat basta ang alam ko lang ay napakarame namen. Hindi naman kasi ako ang presidente ng klase kaya may pagkabitter ako. Nanominate ako noon, kaso ang mga traydor kong kaibigan ay hindi ako binoto. Hayun talo, kaya wala akong pakealam kung mag-ingay sila. Si Jergen Pueyo ang pinakamatalino sa buong grade 3 kaya sya ang naboto. Edi bahala syang mapaos sa kakapatahimik sa mga nasasakupan nya. Hmp! Ako? Basta napuno na ang klase ay masaya na ako dahil marami nang bibili ng tinda kong candy. Pero hindi lang si Jergen ang itinuturing kong kontrabida sa buhay ko noong elementary ako. Nandyan din si Christine Perillo na kalaban ko sa pagtitinda. Kung sa akin ay candy, sa kanya naman ay paper doll. Nakakainis pag may mga bagong labas na paper doll, dahil mas pinipili nila yung bilhin kesa sa candy. Pero wala syang laban saken pag dating sa mga classmate naming lalake. Mayayabang kasi ang mga classmate kong lalake kaya bumibili sila ng candy. Nagpapatapangan sila kung sino ang hindi maaanghangan sa snow bear na tinda ko. Mayat maya ang bili hanggang sa magreklamo silang naubos na ang baon. Nandyan din si Bea Aileen Potente na anak ng isang guro. Napakamaldita nya. Sabagay hindi lang naman ako ang galit sa kanya kundi ang buong klase. Si Neil Ivan Gonzales lang naman ang katapat nya eh. Pag nandyan na yun ay tahimik na si Bea, crush kasi nya si Neil. At higit sa lahat, hindi makukumpleto ang samahan ng mga kontrabida pag walang pinuno, si Marvin Tomenio, ang mataba at pinakamayabang sa aming lahat dahil anak sya ng may ari ng isang maliit na gasolinahan. Ilang private school na ang pinanggalingan nya pero palagi syang naki-kick out dahil ang hilig nya mang bully. Ayon dahil sa may kaya sya sa buhay at regular na nagdodonate ang tatay nya sa PTA ay pinagtyagaan sya ng school namen. Pera Pera lang yan!

Dumating na si ma’am Venturillo. Ang may kasungitan naming guro. Laging nakakunot ang noo nya at galit na galit sya sa mga estudyanteng may mahabang kuko. Kaya pag dating nya ay nagchehceck sya ng kamay. Kung sinuman ang makitaan nya ng mahabang kuko ay tiyak na may isang lagapak sa palad. Hindi naman yun ganoong kalakas pero bilang isang bata ay takot tayo sa lahat ng uri ng palo, mahina man yan o malakas. Natural kasing takot ang mga tao sa ideya na maaari silang masaktan.

Hindi ko alam kung bakit hindi pa nag-uumpisa ang klase. Oras na para sa una naming aralin pero wala pa rin kahit isang titik ang naisusulat sa pisara. Maya maya pa ay lumabas si ma’am at pagbalik nito ay may kasama na syang isang lalake na kasing edad din namen, malamang. Tinawag ni ma’am ang atensyon ng lahat ng estudyante at ipinakilala ang kasama nya sa harapan. Walang mababakas na kahit ano doon sa batang lalake.

“Class! Ito si Ernesto Madrigal, mula ngayon ay magiging kaklase nyo na sya. Transferee sya galing sa ibang school at bago lamang sya dito sa lugar naten kaya maging mabait kayo sa kanya.” Sabi ni ma’am

Palagi akong nakangiti kaya kahit sinong tignan ko ay nginingitian ko nang walang ibig sabihin. Inilibot ni Ernesto ang paningin nya sa buong klase. Siguro kinikilatis nya kung sino ang masayang kasama. Walang reaksyon sa mukha nya habang pabaling baling ang ulo nya kung saan saan nang bigla syang mapadako ng tingin saken. Pero hindi ko talaga alam kung saken sya nakatingin o doon sa likuran ko, basta na lang para akong biglang nahiya kasi nginitian nya ako. Para akong kinabahan na ewan.

Nang matapos na ang pagpapakilala sa kanya ay pinaupo na sya sa likuran. Nandoon kasi ang mga bakanteng upuan eh. Ang malas naman nya dahil pangit yung makukuha nya. Pero hindi ko na masyadong inintindi dahil agad nang nag-umpisa ang klase.

Ang pambansang subject at pinakapaborito ng lahat, lalo na ako ‘RECESS’.  Ramdam na ramdam ko ito kapag biglang nagkakagulo na sa room. Naglalabasan na yung iba at yung iba naman ay ipinagpatuloy ang mga naudlot na kwentuhan kanina. Ako naghintay pa ako ng konte baka may bumili pa ng candy bago ako lumabas. Walang bumuili -_- . Kaya naman nagtungo na ako sa labas ng school para hanapin sina tatay. Pag ganitong oras kasi ay dito sila nagtitinda ng fishball. Nang makita ko na sila ay agad na akong lumapit at nakisabay sa ibang estudyanteng tumutuhog sa fishball. Wala akong kahit anong ginagastos sa school kasi libre naman ang pagkain. Pero pinaghihirapan ko rin ‘yun ah, kasi tumutulong ako sa pagbibigay ng palamig, nagaabot ng bayad at nagsusukli. Kaya hindi ako pinagdududahan ni tatay sa tunay kong pakay sa kanya. Ang makikain.

Habang tumutulong ako sa pagtitinda at pagkain ay nakita ko si Ernesto. Nakasandal lang sya doon sa isang poste na katapat ng kariton namen. Mag-isa lang sya at wala man lang syang binili na kahit ano. Umalis ako sandale para puntahan sya. Nang makita nya akong papalapit sa kanya ay ngumiti sya. Mukha syang masayahin, kaya parang nakakatuwang maging kaibigan sya. At least madadagdagan na ang kakampi ko sa school kung saka sakaling makuha ko ang loob nya.

“Bakit mag-isa ka? Bakit hindi ka pa kumakain?” ang magkasunod kong tanong. Hindi ko pa alam noon na kagandahang asal pala ang magpakilala muna bago makipag-usap. Wala lang, hindi ko naisip magpakilala eh.

Sinagot ako ni Ernesto sa pamamagitan ng pag-iling. Wala man lang sinabi at panay ngiti lang sya. Para syang may tililing. Inulit ko lang ang tanong ko at doon ko lang narinig ang boses nya. Mas malaki ang boses nya saken. Well, nung bata ako kapag bumibili ako sa tindahan at hindi nakikita ang mukha ko eh madalas kong marinig na tinatawag nila akong ‘ineng’ dahil sa liit ng boses ko. Hindi ko naman sila kinokorek. Hindi ko alam, pero parang masarap kasing marinig.

“Hindi ako binigyan ni mama ng baon eh.” Sabi nya sabay ngiti na naman.

Yun lang naman pala ang problema nya kaya sya mag-isa. Alam ko yung pakiramdam na nahihiya ka kasi lahat ay may kinakain sa recess at ikaw lang ang wala. Naransan ko na rin kasi yung ganun, pero hindi dahil sa wala akong baon kundi ayokong mabawasan ang pera ko. Hindi kasi nagtinda noon sila tatay kaya walang libreng pagkain.

Naisipan kong isama si Ernesto doon sa tindahan ng fishball. Sinabi ko sa tatay ko na naaawa ako sa kaklase ko kasi wala syang baon. Naawa rin naman si tatay at pinayagan ako nitong bigyan sya ng fishball at palamig. Tinanggap naman ni Ernesto yung ibinigay ko at nagpasalamat. Habang kumakain sya ay nakangiti lang sya. Hindi ko sya nakitang sumimangot kahit isang beses sa buong oras na magkasama kami. Hanggang sa matapos na ang recess at kailangan na naming bumalik sa loob ng room.

Doon pa rin sya naupo sa likuran at ako naman ay… ‘asan na yung upuan ko?’ tanong ko sa sarili ko. At nakita ko si Jordan na pangiti ngiti.

“Hoy! Umalis ka dyan akin yan!” Sigaw ko sa kanya.

“Sayo ‘to? Bakit may pangalan ka dito?” tanong nito na parang nang-aasar pa.

“Wala! Pero tandang tanda ko yang upuan ko, kaya akin yan.” Sagot ko sa kanya.

“Akin na ‘to, nauna akong pumasok eh.” Sabi nya na talaga namang ikinainis ko dahil pinatunayan nya lang na akin nga yung upuan na ‘yon. At dahil ayoko nang may nang-iinis saken ay binatukan ko sya. Maliit lang si Jordan kaya naman alam kong kayang kaya ko sya kung sakaling magsuntukan kami. Tatayo pa sana silang dalawa ng bestfriend nyang si Jesrell para gumanti saken pero bago pa man sila makatayo ay agad kong binatukan si Jordan at isinunod ko si Jesrell. Pareho silang bansot kaya hindi nila ako kaya kahit magtulong pa sila. Bigla namang umentrada itong si Marvin dahil alipores nya nga yung mga banabatukan ko.

“Hoy! Bakit mo binabatukan yang mga tauhan ko ah?”Maangas na sambit nito saken. Hanggang ganun lang sya kasi alam nyang nananaksak ako ng lapis. Hindi ako nagpapatalo sa katarantaduhan nya kaya hanggang sigaw lang sya para mapanatili nya ang otoridad nya bilang bully.

“Inaagaw nya yung upuan ko eh.” Sabi ko.
“Kunin mo lang wag mong babatukan. Ikaw batukan ko dyan eh.” Pananakot nya. Ako naman ay nakahanda na ang lapis at ipinakita ko sa kanya para magkaroon man lang kahit konting takot saken ‘tong baboy na ‘to.

Bumaling ako ng tingin kay Jordan at sinabing “Alis dyan!” agad naman itong tumabi at kinuha ko yung upuan ko. Pag lingon ko sa likod ay nakita ko si Ernesto na nandoon at pangiti ngit lang. Pagkatapos ay ibinalik ko na sa dating ayos ang upuan ko at si Ernesto naman ay umupo na sa likuran.

Matatapos na ang araw. Yung dalawang kapatid ko ay hinihintay na ako sa tapat ng pinto ng room namen. Natutuwa ako pag andyan na sila. Ibig sabihin kasi ay malapit na ang uwian. Hindi nga nagtagal ay idinismiss na ang klase. Agad na nagkagulo ang lahat para maghanda na sa pag-uwi. Sobrang naexcite ako dahil maaga pa, baka maabutan ko pa yung ‘Sky Dancers’ pinakapaborito kong palabas sa hapon.

Naging close kami ni Ernesto. Ewan natutuwa lang ako sa ngiti nya. Yung itsura nya kasi pag nakangiti eh parang angsaya saya nya lang. May dahilan man o wala yung ngiti nya eh hindi ko na alam. Basta natutuwa ako sa kanya at gusto ko syang kasama.

Wala pa akong masyadong ideya tungkol sa kung alin ang maganda at alin ang pangit. Kung sino ang gwapo at kung sino ang dapat maging crush. Masyado kasi akong busy nun sa pagtitinda ko ng candy at pag-iipon. Gusto ko kasi noon na bumili ng mga gamit sa pagpe-paint. Hindi naman ako marunong mag-drawing nun, basta natutuwa lang ako pag nakakakita ako ng mga nagpe-paint sa tv. Kaya  gusto ko lang gayahin.

Yung itsura ni Ernesto, hanggang ngayon ay nakatatak pa sa isip ko. Mas maputi sya kesa saken, pero mas malinis ako tignan sa kanya. Medyo kulay tanso ang buhok nya, karaniwan lang yang makikita sa probinsya namen, dahil malapit kami sa dagat. Ganyan din yung kulay ng buhok ng mga Badjao. Ang hindi ko lang matandaan eh kung matangos ba yung ilong nya o pango. Basta ang naaalala ko ay yung mapusyaw na balat sa mukha nya. Halos kalahati ng mukha nya ang nasasakop ng balat na yun, hindi naman ganoong kapangit tignan dahil mapusyaw nga. Pero pag tinitigan mo iyon sa malapitan ay halatang halata. Mas maganda nang di hamak ang katawan nya kesa saken. Bata pa kasi ako ay payatot na talaga ako eh. Siguro mas matangkad sya saken, ewan hindi ko rin masyadong napapansin yun noon eh. Pero ang pinaka tumatak saken ay ang mga mata nya. Brown na brown ang mata nya na kapag nasinagan ng araw ay kitang kita mong mabuti ang bawat parte nito. Parang iginuhit ng napakamalikhaing kamay. Isa yun sa mga gustong gusto ko makita sa tuwing magkasama kami. Mas gusto ko pa yun makita kesa mapanood ang ‘Sky Dancers’.

Ilang buwan ang lumipas at palagian na kaming nag-uusap. Syempre masaya lang ang pinag-uusapan namen. Kung sino ba ang crush nya, kainis kasi isa pa sa mga kaaway ko ang crush nya, si Christine. Hmp! Pero hindi naman ako nagreact nun dahil kaunti lang naman ang kasalanan saken ni Christine eh. At tsaka yung pag-aaway namen eh sumpa lang yun ng classroom. Iba kasi kami pag nasa labas, magkakabati kami.
Napapasama na rin si Ernesto sa iba pa naming kaklase. Yung pumupunta kami sa bahay ng isa naming kaklase pag maaga ang uwian o kung walang pasok sa hapon. Naalala ko pa nga nung mapagkwentuhan namen yung mga kaluluwang ligaw na sumasapi sa katawan ng isang tao eh. Sa bahay kami ni Marvin tumambay nun. Yung dalawang kapatid ko naman ay sumabay na kila nanat at tatay. Ako ang sabi ko may gagawin pa kaming project.

Takot na takot ako nun dati sa ganung kwentuhan, yung tungkol sa mga multo o anupamang maligno. Kaya nakikinig lang ako at wala akong sinasabi. Pero si Ernesto ay panay ngiti lang at walang mababakas na kahit katiting na takot sa kanya.

“Si Marcelina yung namatay tapos kinuha ng engkanto yung kaluluwa. Yun! Yun yung sumapi sa kapit bahay namen. Analakas, grabe!” sabi ni Jordan.

“Anong nangyari sa kanya?” tanong ni Jergen na natatakot na rin. Ako naman ay nakayakap na sa tuhod ko at baluktot na ako sa takot. Tinignan ako ni Ernesto nang nakangiti pa rin. Sabay bigla syang tumabi saken, inakbayan nya ako at ipinatong nya ang ulo nya sa ulo ko. Dahil sa ginawa nyang iyon ay nabawasan ang nararamdaman kong takot.

Tinawag kami ng nanay ni Marvin, oo yung sinaksak ko dati ng lapis. Ganun naman talaga ang pamumuhay ng elementary eh, walang permanenteng kaaway at walang permanenteng kaibigan.

Pinapasok kami sa loob para daw makapagmiryenda kaming lahat. Agad na nagsitayo yung iba at ang ilan naman ay nagpaiwan at nagpakuha na lang sa iba pa naming kasama. Kami naman ni Ernesto ay nagpatuloy lang sa kwentuhan.

“Hindi ka ba natatakot sa multo?” tanong ko kay Ernesto.

“Hindi naman nakakatakot ang multo eh. Mas nakakatakot pa rin yung killer sa ‘Antipolo Masacre’ kasi yun totoong tao. Yung multo kasi hindi ka naman mapapatay nun eh.” Sagot nya.

“Nakakatakot pa rin yung multo. Lalo na sa madilim. Nakakatakot pag bigla silang lumabas sa gitna ng dilim.” Sabi ko.

“Nakakatakot lang naman sa dilim pag wala kang kasama eh. Pero pag may kasama ka na, hindi na nakakatakot yun. Kaya dapat nagpapasama ka.” Sabi nya.

“Pag gabi, palagi akong nagigising. Kasi naiihi ako. Pag bumababa ako mag-isa lang, kasi tulog na sila lahat. Magagalit sila pag ginising ko pa tapos magpapasama lang pala ako.” Sabi ko.

“Edi kunyare may kasama ka na lang. Pag naiisip mo kasing wala kang kasama, ang pakiramdam mo mahina ka at matatalo ka kaagad ng multo. Ang sabi saken ni mama, natatakot lang naman tayo sa dilim kasi hindi naten alam kung anong kapahamakan ang dala nito saten. Wala ka kasing nakikita kaya pinatototohanan ng isip mo yung mga bagay na kinatatakutan mo. Takot lang daw ang kalaban mo sa dilim, pero pag matapang ka yung mga multo na ang natatakot sayo.” Mahabang paliwanag nya na pinakinggan ko namang mabuti.

Natapos na ang kwentuhan namen. Pakiramdam ko ay para akong naging matapang pero konti lang kasi nung nagising na naman ako para umihi eh, ganun pa rin, takot pa rin ako. Pero sabi ni Ernesto saken na hindi raw ako mapapatay ng multo kaya kahit papaano ay nabawasan na. Isa lang ang pinagtataka ko. Bakit ba madalas kong makita yung isang multo na yun. Normal ba sa multo ang naninigarilyo?

Lumipas pa ang ilang araw. Medyo napapadalas ang pagliban ni Ernesto sa klase kaya naman parang nalulungkot ako. Pero isang araw matapos ang tatlong sunod sunod na pagliban nya sa klase ay pumasok na sya. Medyo nagtataka ako kasi malungkot syang pumasok. Inisip ko na baka nagkasakit lang kaya matamlay pa sya.

Nakaugalian ko nang ipagtabi sya ng upuan para naman hindi panget ang uupuan nya pag dating nya. Syempre katabi ko. Umpo na sya, katabi ko. Wala syang imik. Malungkot pa rin ang mukha nya at hindi ko naman sya matanong dahil baka magalit sya bigla.

Nung nag-uwian na ay tsaka ko lang sya kinausap. Gusto ko talagang malaman kung bakit sya buong maghapong malungkot eh. Pinauna ko na ang mga kapatid ko. Inihatid ko lang sila sa sakayan ng tricycle tsaka ko binalikan si Ernesto. Akala ko nga ay umuwi na sya eh, kasi hindi ko na sya makita sa classroom. Pero nakita ko sya sa may playground at nagduduyan mag-isa. Pumunta ako doon at sumakay din sa duyan na nasa tabi ng kanya.

“Bakit ka malungkot?” tanong ko. Iling lang ang isinagot nya saken. Pinilit ko sya pero wala pa rin akong nakuhang sagot mula sa kanya. Bigla na lang syang tumayo sa harap ko at tumalikod. Iniangat nya ang suot nyang puting t-shirt at ipinakita ang likod nya. Hindi ko pa alam kung papaano ako magrereact sa mga ganung bagay dati kaya “nakakaawa ka naman” na lang ang nasabi ko. Nakita ko kasi sa likod nya ang ilang latay. Yung isa pa doon ay nag-iwan ng sugat sa gilid na bahagi ng latay. Nakakabilib sya dahil hindi man lang sya nagsalita kahit kanino tungkol doon. Kung sa akin nangyari yun ay malamang na nalaman na yun ng buong paaralan dahil siguradong maghahanap ako ng simpatya mula sa iba. Sisiguruhin kong may maaawa saken sa sinapit ko. Pero sya hindi ganun. Iba sya.

“Sinong may gawa nyan sayo?” muli kong tanong. Bumalik sya sa duyan at umupo ulit.

“Yung tyuhin ko.” Sagot nya.

“Bakit ka naman nya ginanyan?” tanong ko ulit.

“Kasi, ayokong magpa-ano eh.” Sagot nyang hindi ko naintindihan.

“Ano? Anong ayaw magpaano?” pangungulit ko.

“Yung ano. Ayokong ipapasok yung ano nya saken. Yung parang sa aso.” Sagot nya na pinilit ko nang maunawaan. Hindi ko alam kung ano bang nangyayari sa ganun kaya naman wala na akong maisip na itanong pa ulit. Tumayo na sya at ganun din ako.

“Natatakot ako sa kanya.” Sabi nya saken habang naglalakad kami palabas ng playground. Alam ko kung sino ang tinutukoy nya. Ginaya ko yung ginawa nya saken nung natatakot ako sa mga multo. Inakbayan ko rin sya at nakita ko na medyo ngumiti na sya.

“Kunyare, may kasama ka pag sinasaktan ka nya. Natatakot ka lang kasi iniisip mong mag-isa ka. Kunyare kasama mo ako at sabay nya tayong sinasaktan. Masasaktan ka pa rin, pero hindi ka na matatakot.” At bigla ko na lang nakita na tumulo ang luha nya sa pisngi. Bigla na lamang syang napaharap saken at sa kauna unahang pagkakataon sa ilang buwan naming pagkakaibigan ay naganap ang isang mahigpit na yakap. Kumportable sa pakiramdam. At naibabahagi nya saken ang takot nya na damang dama ko na rin. Alam kong walang maitutulong iyon sa kanya. Pero at least, may nasandalan sya.

Pag uwi ko ng bahay ay nandoon na yung mga kapatid ko. Pero nasa isang tabi lang at umiiyak. Dahil sila nanay at tatay ay nag-aaway. Inaya ko yung mga kapatid ko na pumasok doon sa loob ng kwarto. Sigawan dito, sigawan doon. Maya maya pa ay naririnig na namen ang kalabugan ng mga ding ding. Alam naming nagsasakitan na sila. Sanay naman na kami sa mga ganitong sitwasyon. Kaya alam ko na ang gagawin. Ipinaghanda ko na lang ng makakain ang dalawang kapatid ko. Pagkatapos silang pakainin ay maaga ko na lang sila pinatulog.

“Matulog na lang kayo. Matatapos din yan bukas.” Sabi ko sa mga kapatid ko habang umiiyak pa rin.

Nang tumahimik na ang lahat ay tsaka lamang ako kumain. Nagsidating na rin yung mga ate’t kuya ko na galing din sa school.

“Oh! Bat tulog na sila Iris?” tanong ni kuya.

“Pinatulog ko na. Iyak ng iyak kanina eh.” Tapos senyas ko na nag-away sila nanay kanina. Pare pareho silang napakunot ng noo, sa isang pangyayaring nakasanayan na namen pero hindi pa rin namen matanggap. Sabagay kahit sino namang tanungin ko eh laging ‘normal lang sa mag-asawa yan’ ang sagot saken.

Kagaya ng palaging nangyayare ay nagising na naman ako sa kalagitnaan ng gabi para umihi. Pababa na sana ako ng hagdan pero hindi natuloy dahil may nakita akong pumasok sa c.r. May baga na namang kumikislap kaya naisip ko na yun yung naninigarilyo sa dilim. ‘Sya yata yung kapre!’ sabi ko sa isip ko tsaka ako bumalik sa higaan at tiniis na lang ang pag ihi ko. Muli ay nagtalukbong ako dahil naririnig ko na naman yung yabag na umaakyat sa bahay. Sobrang sakit na ng pantog ko dahil ihing ihi na ako, pero patuloy akong nagtiis hanggang sa makatulog na ako.

Nauna akong pumasok samen. Dahil Thursday ngayon at kailangan maglinis ng mga cab scout. Nang makarating ako sa school ay nakita ko kaagad si Ernesto. Anlaki ng ngiti nito na talaga namang nagpaganda ng umaga ko. Akala ko ay mag-isa lang sya, nang bigla na lamang sumulpot yung isang babae. Ipinakilala nya ako sa babae at sinabi nyang

“Ma! Bestfriend ko po!” sabi nya sabay nginitian ako nung mama nya. Hinawakan ako nito sa ulo sabay hinaplos ang buhok ko.

“Madalas kang ikwento saken ni Dudoy. Ikaw pala yung bestfreind nya.” Kung hindi pa sinabi nung mama nya ang salitang ‘bestfriend’ ay hindi ko pa sana malalaman kung sino ang tinutukoy nya. Medyo natawa ako nang malaman kong Dudoy pala ang palayaw nya.

“Opo! Bestrfiend po talaga kami ni Dudoy.” Sabay ngiti ko. Si Ernesto naman ay parang nahiya at napakamot na lamang sa ulo.

Matapos kaming maglinis ng bakuran ay pumasok na kami sa room. Kinakausap ng mama ni Ernesto si ma’am Venturillo. Alam kong tungkol iyon kay Ernesto kaya naman hindi ko maiwasang hindi makinig. Namamaltrato daw ng kinakasama nya si Ernesto kaya naman nakipag hiwalay na sya doon. Pupunta na daw silang Mindanao para doon na sa mga magulang nya tumira, sa lolot lola ni Ernesto. Nalungkot ako ng sobra sa narinig ko kaya naman hindi ko maiwasang tignan si Ernesto. Nakangiti lamang ito habang ako naman ay nakabusangot. Hinawakan nya ang kanang kamay ko nang mahigpit. Pagkatapos ay may dinukot ito sa bulsa nya, isang checkered na panyo na kulay pula. Ibinigay nya ito saken.

“Para saan ‘to?” tanong ko.

“Pang piring mo yan kapag maglalaro kayo ng hanapan.” Sagot nya. Ngumiti ako at nagpasalamat. “Sabi saken ni mama, takot daw ang mga multo sa kulay pulang panyo. Kaya sayo na yan para matatakot na yung mga multo sayo. Hindi ka na maduduwag sa dilim pag kasama mo yan. Maiihi ka pa rin sa gabi, pero hindi ka na matatakot.”

Pinaniniwalaan ko ang lahat ng sinabi ni Ernesto. Mukhang mabisa nga ang panyong ito, panakot sa mga multo ah. Kaya agad ko itong sinubukan. Hindi man ako naiihi ay bumaba pa rin ako papuntang c.r. Pagkababa ko ay nakita ko na naman yung kapre. Tinapangan ko ang sarili ko at iwinasiwas ko yung pulang panyo. Lumiliwanag yung sigarilyo hanggang sa unti unti na itong mawala. Nang mawala na ito ay tsaka ako pumunta sa hagdan. Bago ako makaakyat ay may naamoy ako. Hindi iyon amoy ng sigarilyo. Pero hindi ko na ‘yun pinansin. Mabilis akong umakyat ng hagdan at pumasok ng bahay dahil narinig ko na naman yung yabag. Aakyat na sya sa bahay namen. Yung kapre! Hindi ako nakapagpigil at napatakbo ako para buksan ang ilaw. Tumakbo ako sa kwarto nila nanay para manggising at ipaalam na may umaakyat ng bahay. Pero si nanay lang ang nandoon.

“Nanay! Yung kapre umakyat ng bahay!” pag gising ko kay nanay. Naalimpungatan sya at agad na bumangon.

“Anong kapre?” tanong nya.

“Yung naninigarilyong kapre! Umaakyat dito sa bahay, dali andyan na sya!” sabi ko. Papalapit na ng papalapit yung yabag. Sabay kaming napalingon ni nanay sa bandang pinto ng kwarto. Biglang sumulpot si tatay. Bigla na lamang kumunot ang noo ni nanay. Pinapasok nila ako sa kabilang kwarto at sa kalagitnaan ng gabi ay nag-umpisa sila ng isang matinding away.

Hindi totoo ang mga multo. Hindi rin totoo ang kapre. Walang maligno sa dilim. Masyado akong naniniwala sa sabi sabi. Madalas akong matakot noong kabataan ko. Buti na lang ay dumating si Ernesto para hatakin ako palayo sa dilim. Napatunayan ko na walang katotohanan ang lahat ng kinatatakutan ko. Tao ang nakakatakot. Sabi saken ni Ernesto, mas nakakatakot yung bagay na kaya kang patayin kesa sa pangit na itsura ng bagay na namamalagi lang sa isipan. Namulat ako sa isang katotohanang may mga bagay na mas nakakatakot pa kesa sa masasamang panaginip. Mas matinding takot ang kayang dalhin sayo ng realidad. Walang sini sino. Walang sinasanto. Magulong mundo ang kalaban. Hindi ang multo.

 Sa pamamagitan nung pulang panyo ay nagawa kong palabasin sa lungga nya ang kapreng kinatatakutan ko. Kulay pulang panyo ang naging dahilan kung bakit hindi na ako takot sa dilim ngayon. Ito rin ang naging dahilan para mabuksan sa akin ang panibagong pintuan ng katotohanan. Isang tanong ang sumulpot sa aking isip. Isang bagay kasi ang narinig ko mula sa maingay na bibig ni nanay na syang naging dahilan ng pag-aaway nila ni tatay.

“Ano yung Marijuana?”

No comments:

Post a Comment

Read More Like This