Pages

Sunday, December 29, 2019

Lovers and Friends (Part 1)

By: Nickolai214

"Minsan hindi mo pala talaga malalaman ang tunay na halaga ng isang tao sayo hangga't hindi siya tuluyang nawawala sa buhay mo. Kapag nawala na siya ay saka mo pa lang marerealize kung gaano mo siya kamahal."

- Mark Oliver Redelicia

Prologue

Mark's POV

2019

Napahugot ako ng malalim na paghinga saka ako sumulyap sa orasan na nasa braso ko.

9:45PM

Please, Nat! Huwag mo namang gawin sa akin ito. May fifteen minutes ka pa. Natraffic ka lang.

Please! Bumalik ka na sa buhay ko. Kailangan kita. Kailangan ko ang bestfriend ko.

Namimiss na kita. Kung alam mo lang kung gaano kita namiss. Ipagpapalit ko lahat ng mayroon ako makasama lang kita ulit.

Sana panghabangbuhay na. Hindi bilang bestfriend ko kundi long time partner ko na sa pagkakataong ito.

Tumayo ako mula sa bench na kinauupuan ko. Ilang beses akong nagpalakad-lakad.

Puno ng kaba ang dibdib ko. Paano kung hindi siya dumating? Isusuko ko na ba talaga siya?

Pero hindi ko yata kaya. Ilang taon din akong nagtiis na wala siya. Ilang taon ko siyang hinanap. Pero kung ayaw na talaga niya sa akin ay kailangan ko na siyang bitawan.

Masakit man para sa akin ay kailangan. Kasalanan ko rin naman kung bakit pinili na niya na layuan ako.

Dahil asshole ako.

Muli ay sumulyap ako sa relo ko. Five minutes na lang 10pm na. Nasaan na ba siya?

Halos pitong oras na akong naghihintay dito.

Pero may apat na minuto pa ako. 12:30AM ang flight ko patungong London.
Kapag hindi ako sinipot ngayon ni Nat ay wala na akong ibang pagpipilian pa kung hindi ang bumalik na lamang ng London kung saan na naninirahan ngayon ang buong pamilya ko.

Sumulyap ako sa main entrance ng Global Garden. Kahit anino ni Nat ay hindi ko pa nakikita.

Nanlulumo ako na muling napaupo sa isa sa mga bench na naroon. Tiningala ko ang madilim na kalangitan.

Napakarami ng bituin sa langit. Kagaya rin ng una naming pagsasama ni Nat.

Hindi ko na napigilan ang pagkawala ng isang butil ng luha mula sa mata ko. Mabilis ko iyong pinahid saka ako suminghot.

Muli kong sinulyapan ang relo ko. Exactly ten na pero wala pa rin si Nat.

Darating kaya siya?

Nanlulumo ako na napayuko na lang kasabay ng pagdaloy ng mga luha na kanina ko pa pinipigilan.

Nathaniel's POV

2010

Kasalukuyang bumabagyo nang makarating kami ni Mama sa bayan ng Carmen kung saan nakatira si Lola.

Sabi ni Mama ay dito na raw ako maninirahan kasama ni Lola dahil kailangan na niyang sumunod kay Papa sa amerika para doon na rin siya magtrabaho.

Si Ate Annie naman ay tuluyan nang sumama sa boyfriend niya sa edad na disi-nueve sa galit ni Papa.

Nalulungkot man ako dahil parang pinapamigay na ako ni Mama kay Lola pero naipaliwanag naman ng mga magulang ko sa akin ang sitwasyon namin.

Sabi ni Mama ay dito muna ako pansamantala na mag-aaral sa Carmen kasama ni Lola at ng mga pinsan ko pagkatapos ay aayusin daw nila ni Papa ang mga papers ko para makasunod kaagad ako sa kanila sa amerika.

Dahil wala na rin naman akong choice ay pumayag ako sa sinabi nila. Hindi rin naman iba sa akin ang mga tao na makakasama ko.

Madalas kaming dalawin nina Lola noon sa Maynila at close din naman ako sa mga pinsan ko.

Pagkahatid sa akin ni Mama ay kaagad din siyang umalis pabalik ng Maynila.

Isang napakahigpit na yakap ang ibinigay niya sa akin at sangkatutak na mga paalala na sa Maynila pa lamang ay inuulit-ulit na niya sa akin.

Hindi nagtagal ay naiiyak na siyang kumalas sa pagkakayakap sa akin saka niya ako hinalikan sa pisngi.

"Magpakabait ka. Huwag mong bibigyan ng sakit ng ulo ang Lola mo." paalala niya.

"Opo! Mag-iingat po kayo Ma!" sagot ko.

Sinundan ko na lamang ng tingin ang paglalakad niya pabalik sa kotse saka siya kumaway sa akin bago siya sumakas sa sasakyan.

Gumanti naman ako ng kaway at malungkot na pinagmasdan ang pag-alis ng kotse niya.

"Halika na sa loob Nathaniel. Naghanda ang Tita Loida mo ng masarap na hapunan." sabi sa akin ni Lola na sinunod ko naman.

Naging maayos ang unang linggo ko sa Carmen. Inalagaan naman ako ng maayos nina Lola.

Sa school naman ay wala na raw akong problema dahil noong nakaraan pa raw ipinadala ni Mama ang mga papers ko kaya kahit nasa Maynila ako ay naayos nina Lola ang enrollment ko.

Lumipas nga ang mahigit isang linggo at nakapasok ako sa school.

Dahil second year na kami ay halos magkakakilala na ang mga kaklase ko maliban sa amin na mga transferees.

Nang tawagin na ako ng teacher upang ipakilala sa mga kaklase ko ay may bigla na lamang humawak at lumamas sa pwet ko na labis kong ikinagulat.

Halos mapatalon ako sa pagkabigla at mabilis akong humarap sa pangahas na nanghipo sa akin.

Nagtawanan ang mga kaklase ko na nakakita sa ginawa ng gwapong lalaki sa akin.

Nakadama ako ng inis sa kanya saka ko siya marahas na sinampal na ikinagulat ng lahat.

Nawala ang mga ngiti sa labi niya saka niya hinaplos ang pisngi niya na nasampal ko.

"Mr. Redelicia. First day of class pa lang gusto mo na agad pumunta ng guidance office? Nakita ko ang ginawa mo. Napaka-unethical mo." sabi ng teacher namin.

Natahimik ang lahat ng nagtatawanan kanina at nakita ko pa ang pagbubulungan ng iba.

"Hindi naman siya babae Ma'am eh. Lambutin kasi kaya sinubukan ko lang po baka may foam." natatawang sabi na naman niya na ikinatawa ng mga kaklase namin.

"Quiet!" sigaw ni Mrs. Sanchez. "Mark, warning ka na. Isa pa ipapadala na kita sa itaas."

Naglakad na ako patungo sa harapan ng mga kaklase ko at nakakadama na ako ng pagkailang dahil sa mayabang na lalaking nambastos sa akin.

Sinulyapan ko pa siya saka ko tiningnan ng masama bago ako nagtanggal ng bara sa lalamunan ko at nagsimula na akong magsalita at magpakilala.

Natapos ang araw na iyon na hindi maganda ang mood ko kaya maaga akong umuwi pagkatapos ng klase.

Sa ikatlong araw ng klase namin ay inayos ng teacher namin ang seating arrangement namin sa classroom.

Dahil magkasunod ang mga apelyido namin ni Mark ay naging magkatabi kami sa upuan na labis kong ikinainis.

Kahit naging magkatabi kami ay hindi ko talaga siya kinakausap. Nag-oopen naman siya ng mapag-uusapan ngunit hindi ko talaga siya sinasagot kahit na anong sabihin niya.

Hanggang sa sumapit ang araw ng Induction Ball namin sa school. Ginanap iyon sa gymnasium ng school at dahil hindi ako nakakain sa bahay ay nagpasya ako na bumili na lang ng makakain at doon na kainin sa classroom.

Sa gym ay maingay at halos nagkakasiyahan ang lahat samantalang sa classroom namin ay tahimik kaya sigurado na meenjoy ko ang pagkain na binili ko.

Naglalakad na ako sa hallway patungo sa highschool department nang may makasalubong ako na tatlong lalaki.

Hindi ko sila pinansin at nagpatuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa makabangga ko sa balikat ang isa kahit pa iniwasan ko na.

"Pare diba siya yung transferee sa kabilang section?" sabi ng isa saka niya ako hinawakan sa kamay.

Nagpumiglas ako ngunit hinawakan na rin ako ng isa pa sa kabilang kamay saka nila ako isinandal sa pader.

"Bitawan ninyo ako. Ano ba?" sigaw ko. "Sino ba kayo ha?"

Ngumisi ang parang pinakalider nila saka niya ako hinawakan sa baba bago niya ako tinangka na halikan sa leeg.

Pero bago pa niya nagawa ang sa tingin ko ay balak niyang gawin ay mabilis ko na siyang naduraan sa mukha na ikinagulat nilang tatlo.

"Putang ina mo..." sabi niya matapos niyang pahirin ang laway ko sa mukha niya.

"Pakipot ka pang hayop ka eh bakla ka naman. Heto ang sayo Gago!" sabi niya saka niya ako pinagsusuntok ng tatlong beses.

Dalawa ang tumama sa mukha ko. Ang ikatlo ay sa sikmura ko tumama na ikinayuko ng katawan ko.

"Itayo ninyo nang mabuti yan. Babasagin ko ang mukha ng Gago na yan." malakas na utos ng lider nila na sinunod naman ng dalawa.

Ngumisi na parang demonyo si gago saka niya muling pinalipad ang kamao niya patungo sa mukha ko pero mabilis na nahawakan iyon ng isang kamay mula sa bandang kaliwa ko.

Mabilis akong napatingin sa bagong dating at nagulat ako nang makilala ko siya.

"Mukha mo babasagin ko tarantado!" galit na sabi ni Mark saka niya sunud sunod na sinapak ang mukha ng lalaking nanakit sa akin.

Mabilis akong nabitawan ng dalawa at tinangka nila na pagtulungan si Mark pero mabilis na nasipa ni Mark sa sikmura ang isa na tumalsik sa malayo.

Sumugod naman ang isa pa ngunit mabilis na nahawakan ni Mark ang braso niya saka niya ito siniko sa likod dahilan upang bumagsak din ito sa sahig.

Isang malakas na pagpito ang narinig namin na nagpalingon sa aming lahat sa may bungad ng hallway.

Naroon ang isa sa mga guwardiya ng school namon at kasalukuyang papalapit sa amin.

Mabilis na hinila ni Mark ang braso ko saka niya ako kinaladkad palayo sa lugar na iyon.

"Hoy! Saan kayo pupunta?" narinig ko pa na sigaw ng guwardiya ngunit tila bingi na si Mark na patuloy pa rin akong hinihila patakbo sa main gate ng school.

Mula sa labas ng main gate ay dinala niya ako sa isang sulok kung saan nakaparada ang isang motorsiklo.

Kaagad niya iyong inilabas saka siya sumakay bago siya bumaling sa akin.

"Sumakay ka na bago pa tayo mahabol ni Kuya Nilo." sabi niya sa akin.

Nag-atubili naman ako kung sasakay ba ako o hindi. Nalilito ako na tumingin lang sa kanyang gwapong mukha pagkatapos ay sumulyap ako sa upuan ng motor niya.

"Hindi tayo nakahelmet." bigla na lamang nanulas mula sa bibig ko.

Ngumiti naman siya saka niya hinila ang kamay ko kaya wala na akong nagawa kung hindi ang mapasakay sa likuran niya.

Mabilis niyang pinaharurot ang motorsiklo niya kaya natataranta ako na napayakap na lamang bigla sa matigas na katawan niya.

Teka naggygym ba siya? Nagtatakang tanong ko sa isip ko. He's only fourteen my goodness.

"Kumapit ka ng mabuti kung ayaw mong malaglag ka diyan." narinig kong sigaw niya habang mabilis niyang pinapaharurot ang sasakyan sa kahabaan ng highway patungo sa bayan.

Hinigpitan ko ang pagkakahawak ko sa tiyan niya ngunit sinikap ko na hindi totally mapayakap sa katawan niya. Naiilang ako sa totoo lang.

Nagulat pa ako nang bigla na lamang niyang ihinto ang sasakyan sa gilid ng kalsada saka siya nakangisi na sumulyap sa akin.

Hinawakan niya ang dalawang kamay ko saka niya mahigpit na iniyakap sa katawan niya.

"Yumakap ka ng mahigpit. Para naman akong may sakit sayo kung makapandiri ka sakin." natatawang sabi niya.

"Bababa na ako dito." sabi ko saka ako biglang bumaba ng motor niya.

Plano ko na mag-abang na lamang ng tricycle na dadaan doon saka na ako magpapahatid sa bahay ngunit mabilis din na nakababa si Mark saka niya hinila ang braso ko.

"Baliw ka ba? Bakit ka bababa eh nakaangkas ka na nga sa akin?" salubong ang mga kilay na tanong niya habang hawak pa rin niya ang braso ko.

"Hindi kasi ako komportable na ikaw ang kasama ko." honest na sagot ko sa kanya.

"Bakit naman?" kunwari ay inosenteng tanong niya na sinabayan pa niya ng paglabi na para bang inaapi ko siya.

Lumikot ang mga mata ko para makapag-isip ng magandang isasagot ngunit wala akong maisip.

"Wala lang. Feeling ko kasi manyak ka. Naaalala ko pa rin ang ginawa mong pambabastos sa akin noong first day of school no."

Natawa naman siya nang malakas pero hindi pa rin niya binibitawan ang kamay ko.

Nakakadama ako ng kakaibang init na nagmumula sa palad niya patungo sa buong sistema ko.

Masarap na pakiramdam. Kakaiba at ngayon ko pa lang naramdaman sa buong buhay ko.

Napatingin ako sa mukha niya. Medyo makapal na kilay. Maputi ang balat at talaga namang napakakinis niya.

Mahihiya siguro ang mga model ng gluta sa taglay na balat ng lalaking ito.
Pantay-pantay at mapuputing ngipin at ang mga mata niya na para bang nangungusap.

Napakasarap din sa tenga ng halakhak niya at sa tingin ko ay para bang sandaling huminto ang pagtakbo ng oras habang nakatitig ako sa kanya.

God! He was perfect! Hindi na ako nagtataka kung bakit napakaraming babae ang nagkakacrush sa kanya.

Napakaganda rin ng tindig niya at sa edad na katorse ay masasabi ko na malaki ang katawan niya idagdag pa na matangkad din siya.

Napasulyap ako sa matambok na dibdib niya at kitang kita ko ang malalaking nipples niya na bumabakat sa suot niyang manipis na kamiseta.

"I'm sorry about that. I mean it!" nakangiting sabi niya matapos ang paghalakhak niya. "Minsan talaga natural na gago lang ako." dagdag pa niya habang seryoso siya na nakangiti sa akin.

Naramdaman ko naman ang sincerity sa anyo at tinig niya kaya walang dahilan upang tanggihan ko ang paghingi niya ng paumanhin.

"Apology accepted. Now, can you please let go of my arm? Hindi na kasi madaluyan ng dugo dahil sa higpit ng pagkakahawak mo." sabi ko na ikinangiti na naman niya.

"Sorry!" sabi niya saka na niya binitawan ang kamay ko.

Sandaling katahimikan ang namagitan sa aming dalawa. Tahimik lang ako na nakatanaw sa kalsada at naghihintay ng dadaang tricycle.

Hanggang sa bigla na lamang akong may maalala. Sinulyapan ko si Mark. Nakatingala siya sa madilim na kalangitan.

Naramdaman yata niya ang pagtitig ko sa kanya kaya nagbaba siya ng tingin sa akin kaya mabilis ko na rin iniiwas ang tingin ko.

"Napakaganda ng panahon. Maraming stars. Bakit hindi kaya natin sulitin?" sabi niya.

Muli akong nagbaling ng tingin sa kanya. Nakatitig siya sa akin at may malapad na ngiti sa mga labi niya.

God! Bakit ba ang gwapo ng lalaking ito? Bulong ko sa sarili ko habang nagpapakawala ako ng malalim na paghinga.

"What do you mean?" bigla ay tanong ko dahil hindi ko makuha ang nais niyang ipakahulugan sa sinabi niya.

Sumulyap siya sa relo niya saka siya nakangiting bumaling sa akin.

"Alas-nueve pa lang ng gabi. Sigurado naman ako na wala ka nang balak bumalik sa school pagkatapos ng nangyari." sabi niya.

"About that. Thank you sa pagtatanggol mo sa akin kanina." sincere kong pasasalamat sa kanya.

Napakatamis na ngiti ang isinagot niya sa akin saka niya ginulo ang buhok ko.

"Akala ko hindi mo na ako pasasalamatan eh." nakangising sabi niya. Nakadama tuloy ako ng bahagayang pagkapahiya.

"Mahaba pa ang gabi. May curfew ka ba sa inyo?" tanong niya.

"W-wala naman." atubiling sagot ko.

"Good!" nakangiting sabi niya. "Ayoko pang umuwi sa bahay. Boring doon. Baka mabaliw lang ako. Gusto kong samahan mo ako buong gabi. Bayad mo sa pagligtas ko sayo kanina."

Nakakunot ang noo nang sulyapan ko siya. Nakangisi si gago habang nakatingin sa akin. Lumitaw tuloy ang puti at pantay-pantay na ngipin niya.

Nakadama ako bigla ng kakaibang pakiramdam sa dibdib ko. May kakaiba sa lalaki na ito na hindi ko matukoy.

"Saan naman tayo pupunta?" tanong ko.

Nag-isip muna siya sandali bago siya nagsalita. "First, pupunta muna tayo sa bayan. May bibilhin ako doon. Pagkatapos ay may alam akong lugar. Mag-stargazing tayo." nakangiting sabi niya.

"Oh ano pang hinihintay natin? Tara na!" nakangiting sabi ko.

Mahilig ako noon na tumingala sa kalangitan at panoorin ang mga butuin lalo na kapag malungkot ako.

Bigla ko tuloy naalala si Mama. Namimiss ko na siya.

Natawa naman si Mark sa akin saka na siya muling sumakay sa motor niya.

"Hop in!" he said.

Hindi na ako nag-atubili sa pagkakataong ito. Sumakay ako sa likuran niya saka ako kumapit sa balikat niya.

Lumingon siya sa akin nang magkasalubong ang kilay.

"Gusto mo bang malaglag? Kumapit ka sa akin kung paano ka kumapit kanina." utos niya.

Nagsimula na siyang magdrive kaya wala na akong nagawa kundi ang yumakap sa tiyan niya.

Dati na akong nakasakay ng motorsiklo pero hindi sa ganitong lugar kaya kahit mabilis ang patakbo ni Mark ay hindi ako natakot dahil sa tingin ko ay sanay naman siyang magdrive at hindi naman masyadong delikado ang kalsada na dinadaanan namin patungo sa bayan.

Mas binilisan pa ni Mark ang pagpapatakbo niya nang makarating na kami sa malawak na highway patungo sa bayan.

Wala kang ibang makikita sa lung kundi mga nagtataasang puno sa tabi ng sementado nang kalsada.

Maaaring maayos na nga ang kalsada sa lugar na ito ngunit napakadilim pa rin ng lugar dahil sobrang layo ng pagitan ng mga poste ng ilaw at sa ganitong oras ng gabi dahil nga probinsiya ay wala ka nang gaanong makikita na sasakyan.

Humigpit ang pagkakayakap ko kay Mark. Nakakaramdam na kasi ako ng pagka-kampante sa lalaking ito.

Marahan kong ipinikit ang mga mata ko at dinama ang malamig na hampas ng hangin sa mukha ko.

Pagkatapos ay bahagya akong tumingala at nagmulat ng mga mata. Nakita ko ang makikislap na bituin sa madilim na kalangitan.

Napangiti ako saka ko iginala ang paningin ko sa dinadaanan namin.

Kahit madilim sa lugar na ito ay nakakadagdag sa ganda ng tanawin ang malagubat na kapaligiran na nasisinagan ng liwanag ng buwan.

"Masaya ka ba sa nakikita mo?" narinig kong tanong ni Mark.

Napatingin naman ako sa kanya saka ako napakurap. Nag-iisip ng magagandang bagay sa lugar na ito kahit hindi ko kasama ang pamilya ko.

"Hindi ka makakakita ng ganito sa Maynila. Masaya dito sa Carmen Nat. Kaya hindi mo pagsisisihan ang naging desisyon mo na dito na manirahan." sabi ni Mark.

Ilang sandali akong napatanga sa daan dahil sa sinabi niya. Hindi ko naman maitatanggi na nasisiyahan din ako sa lugar na ito.

Pero iba pa rin kapag kasama mo ang pamilya mo. Si Papa. Si Ate. Si Mama. Kahit naipapakita ko kina Lola na masaya ako sa poder nila ay hindi ko pa rin maiwasan sa gabi ang umiyak dahil namimiss ko ang pamilya ko.

Isang masakit na alaala sa nakaraan ang mabilis na dumaan sa utak ko na kaagad ko ring pinalis dahil nagsisimula nang mamasa ang mga mata ko.

"Hindi naman ako ang nagdesisyon ng pagtira ko dito." malungkot na sagot ko. "Pero masaya ako dahil dito ako napunta at hindi sa ibang lugar." sabi ko sa pinasiglang tinig.

Hindi ko na narinig pa na sumagot si Mark kaya hinayaan ko na siya.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This