Pages

Saturday, January 11, 2020

Lovers and Friends (Part 2)

By: Nickolai214

Nathaniel's POV

Makalipas ang halos sampung minuto ay narating na rin namin ni Mark ang bayan.

Bumaba kami sa isang convenience store saka siya nagpatiunang pumasok doon matapos niya akong ayain.

Napapailing na lang ako na sumunod sa kanya hanggang sa bigla na lamang siyang dumampot ng ointment, bulak at plaster. Sinamahan pa niya iyon ng gamot para sa mga gasgas ko.

Pagkatapos ay nagtungo siya sa may freezer at kumuha siya ng yelo doon.

"Kumuha ka ng gusto mo. Snacks, drinks, ako na ang magbabayad." sabi niya.

Hindi ko siya sinunod dahil wala naman akong balak na magpalibre sa kanya. Sapat na ang ginawa niyang pagbili ng ointment at gamot para sa mga sugat at pasa ko.

"Hindi mo na kailangan bilhin lahat iyan. Tama na yung ointment ako na rin ang magbabayad." sabi ko.

Napangiti lang si Mark saka siya napapailing na nagtungo sa snacks section. Kumuha siya ng ilang mamahaling junk foods pagkatapos ay nagpunta siya sa beverage section.

Kumuha siya ng inumin doon at dalawang lata ng beer.

"Hindi ako umiinom." sabi ko sa kanya.

Sinulyapan niya ako saka siya natawa. Dahil maliwanag sa loob ng tindahan na iyon ay kitang-kita ko ang gandang lalaki niya lalo na kapag nakangiti siya na hindi naman nawawala mula pa kanina.

"Sino bang nagsabi na paiinumin kita?" sabi niya. "Sa akin ang dalawang to wag kang feeling diyan Natnat. Kung gusto mong uminom bumili ka ng sayo. Binilhan na nga kita ng gamot at pagkain gusto mo pa pati beer?"

Tumalikod na siya ngunit hindi nakaligtas sa mga mata ko ang pagpipigil niya ng ngiti dahil sa mga sinabi niya.

Gustuhin ko man na mainis sa kanya ay hindi ko na nagawa. Pero bakit natnat ang tawag niya sa akin? Hindi ako sanay na tinatawag ng ganun.

Naglakad na patungo sa counter si Mark at muli ay napapailing na lamang ako na sumunod sa kanya.

Nagprisinta ako na magshare para sa gamot ko ngunit hindi niya tinanggap iyon at isinara ng mga kamay niya ang kamay ko.

Napatingin ako sa mga kamay niya na nakahawak sa kamay ko. Nakakadama ako ng kakaibang pakiramdam sa simpleng paghawak lamang niya sa akin.

Mabilis kong binawi ang kamay ko saka ko ibinalik sa wallet ko ang pera na hawak ko.

Matapos makapagbayad ay lumabas na kami sa tindahan na iyon. Nauna siyang naglakad hanggang sa makarating kami sa parking area.

Wala naman masyadong nakapark doon maliban sa dalawang kotse at sa motorsiklo ni Mark.

Naglalakad kami at nang makalapit na kami sa sasakyan at umupo siya sa maliit na platform saka niya ako sinenyasan na maupo sa tabi niya.

Lumapit ako sa kanya saka ako umupo di kalayuan mula sa kinauupuan niya.

Hinawakan niya ang mukha ko saka niya iyon iniharap sa kanya. Pumalatak pa siya nang makita niya ang sugat sa kaliwang parte ng labi ko at ang pasa sa pisngi ko.

Sinimulan na niyang gamutin ang mga sugat ko at nilagyan niya ng ointment ang putok na labi ko.

Kinuha niya ang isang bimpo mula sa bulsa niya saka niya iyon nilagyan ng yelo at idinampi sa pasa ko.

Nailang na ako sa pagkakataong iyon dahil halos sa akin na siya nakatingin mula pa kanina.

Kinuha ko mula sa kamay niya ang cold compress na ginawa niya. Kinuha naman niya ang plaster at nilagyan ang maliliit na gasgas ko.

Nang matapos siya ay tumayo na siya saka niya iniumang ang kamay niya upang alalayan ako na makatayo.

Nagpasalamat ako bago siya sumakay sa motor niya.

"Bakit mo ginagawa ito?" bigla ay tanong ko.

Kunot-noo naman siyang bumaling sa akin. Nagtatanong ang mga mata.

"Dahil gusto kitang kilalanin. Gago ka kasi sinampal mo ako nung first day of class. Nacurious tuloy ako sayo." sagot niya.

Hindi ko siya sinagot. Nanatili lamang akong nakatingin sa gwapong mukha niya. Damn, this guy is perfect.

"Hindi ko naman talaga dapat gagawin iyon. Natalo kasi ako sa pustahan namin ni Joey. Sabi niya hipuan daw kita bilang consequence ko." paliwanag niya. "Pasensya ka na pati ikaw nadamay pa sa mga kalokohan namin."

Tumango naman ako. "It's okay! Atleast ngayon alam ko na ang dahilan." sagot ko.

"Alam mo ba na ikaw pa lang ang nakasampal sa akin?" nakangiting sabi niya.

"Gusto mo bang ulitin natin?" biro ko sa kanya.

"Nah!" natatawang sabi niya saka na niya ako pinasakay sa likuran niya.

Bumalik kami sa magubat na highway ng Carmen at ipinasok niya ang motor niya sa isang makitid na daan sa gilid ng kalsada.

Madilim na doon dahil natatakpan ng mga puno ang daan at hindi makapasok ang sinag ng buwan sa mga dahon.

Ilang sandali rin naming binaybay ang medyo malubak na daan hanggang sa huminto siya sa tabi ng isang puno.

Bumaba kami ng sasakyan.

"Lakarin na lang natin mula dito." sabi niya.

Duda man ako ay sumunod pa rin ako sa kanya. Kahit paano ay nakampante na ako sa lalaking ito. Hindi naman siguro niya ako pagtatangkaan ng masama dahil mukha naman siyang mabait.

Ilang sandali kaming naglakad sa napakasukal na gubat hanggang sa makarating kami sa isang lugar kung saan pabilog na nakahilera ang ilang puno at sa gitna nila ay damuhan na nasisinagan ng liwanag ng buwan.

Namangha ako sa ganda ng lugar. Ngayon lang ako nakakita ng ganito. Para talaga siyang inayos lang. Marahil ay sinadya talagang kalbuhim ang parteng iyon ng gubat.

Mabilis na naglakad patungo sa gitna si Mark saka siya humiga sa damuhan nang walang kaarte-arte.

"Halika na dito. Maganda ang view ngayon." sabi niya habang nakangiti sa akin.

Dala na rin ng curiousity ay sumunod na ako sa kanya doon at humiga ako sa tabi niya.

Halos mapasinghap ako nang masilayan ko na ang napakagandang tanawin na nakikita ko.

"Napakaganda pala dito." hindi ko napigilang sambit.

Humarap sa akin si Mark saka siya nakangiting nagsalita. "Kapag gusto kong panoorin ang mga bituin ay dito ako nagpupunta. Walang masyadong nagpupunta dito dahil liblib na masyado." aniya.

"Man-made lang ba ang lugar na ito?" usisa ko.

"Hindi. Natural na ganyan talaga ang tubo ng mga puno dito. Pero kapag nagpupunta ako dito minsan ay nililinis ko ang mga nakakalat na damo." sagot niya.

"Pwede mo ba akong dalhin ulit dito minsan?" masiglang sabi ko sa kanya saka ko siya sinulyapan.

Natawa naman siya. "Sikretong hideout ko to kaya sa tuwing sasama ka sa akin dito dapat babayaran mo ko." natatawang sabi niya.

Napasimangot ako saka ako muling tumitig sa napakatahimik na kalangitan.

Humahaplos sa amin ang liwanag ng buwan at nagkikislapan ang napakaraming bituin na nakalatag sa malawak na kalangitan.

"Hindi naman pera ang isisingil ko na bayad sayo." sambit niya.

"Ano?" seryosong tanong ko.

"Pakokopyahin mo ko sa biology kapag may exam tayo." sagot niya saka siya humalakhak.

"Gago!" natatawang sigaw ko sa kanya saka kami sabay na nagtawanan.

Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa amin matapos kaming magtawanan. Nakatitig lang kami sa langit at tahimik na nag-iisip ng mga bagay-bagay.

"Ikaw pa lang ang nagtiyaga na samahan ako sa lugar na ito Nat." bulong niya habang nakatingala siya sa itaas.

"Bakit? Hindi mo ba dinadala dito ang mga kaibigan mo?" sabi ko.

"Hindi nila gusto ang lugar na ito. Masyado raw boring at nababagot sila. Kahit mga naging girlfriends ko hindi rin gusto ang lugar na ito."

"Bakit ikaw gusto mo dito?" usisa ko.

Sumulyap siya sa akin saka siya nagpakawala ng paghinga.

"Tahimik dito. Nakakapag-isip ako ng maayos kapag may problema ako. Bukod pa sa maganda ang view."

Hindi na ako nagtanong pa pero base sa nakita kong anyo niya ay parang may nakatagong lungkot sa mga mata niya na hindi niya gustong ilabas.

Bumangon siya saka niya kinuha ang mga pagkain na binili niya kanina. Binuksan niya ang dalawang lata ng beer saka niya iniabot sa akin ang isa.

Tumanggi ako pero naging mapilit siya. "Sige na kahit kalahatiin mo lang. Para may kasama naman akong magrelax." sabi niya.

Marami pa kaming napag-usapan nang gabing iyon at nakita ko sa kanya ang isang gago na mabait.

Natapos ang gabi na iyon na nawala ang lahat ng pagdadalawang-isip ko na makipaglapit sa kanya.

Lumipas ang weekends na nasa bahay lang ako at naglalaro ng play station kasama ng mga pinsan ko.

Nakita ni Lola ang mga sugat at pasa ko nang ihatid ako ni Mark sa bahay. Si Mark na rin ang nagpaliwanag sa nangyari at nagpasalamat din sa kanya sina Lola.

Pagsapit ng lunes ay ipinatawag kaming dalawa ni Mark sa guidance office kasama ng tatlong nakaaway namin sa kabilang section.

Dahil sa ginawa namin ay nabigyan kami ng parusa. Isang linggo kaming maglilinis ng school pagkatapos ng klase namin.

"Nakakapagod maglinis ng buong gymnasium." reklamo ni Mark habang nagpapahinga kami matapos ipalinis sa aming lima ang buong gymnasium miyerkules ng hapon.

Natawa naman ako. "Pasensya ka na dahil sa akin nadamay ka pa dito." sabi ko.

"Ano ka ba? Hindi mo kasalanan iyon. Kasalanan ng tatlong mokong na yun." sabi niya saka niya inginuso ang tatlo na kasalukuyan na ring nagpapahinga.

Lumipas pa ang mga araw at dumadalas ang punta ni Mark sa bahay namin. Magyayaya na maglaro ng play station o kaya naman ay manonood kami ng mga movie dahil nagdadala siya ng mga bala ng dvd.

Mahilig siya sa action movies at scifi naman ang gusto ko. Minsan ay nagrerequest ako ng romance na nakakatulugan niya sa silid ko.

Madalas na rin na sa akin siya sumasama kapag nasa school kami. Minsan ay kasama namin ang mga kaibigan niya. Sina Errol at Joey. Napabilang na rin sa barkada namin ang kaibigan ko na si Kath na pinopormahan ni Errol pero lagi siyang supalpal.

Lumipas ang mga buwan at naging masaya naman ang buhay ko sa school at sa bahay. Kaya nakakasanayan ko na rin ang buhay dito sa Carmen.

Nakakasanayan ko na rin na malayo sa akin ang pamilya ko. Nahinto na rin ang pag-iyak ko sa kanila sa gabi.

Naging panatag ako sa mga taong nakakasalamuha ko. Sa bahay man o kahit sa school.

Minsan ay nagroroadtrip kami ni Mark sa buong Carmen kasama nina Errol.

Naging regular na rin ang pagtambay nila sa bahay kaya kilala na sila halos nina Lola. Lalo na si Mark na kung minsan ay nakikitulog pa sa silid ko.

Naiinis tuloy ako sa kanya minsan dahil ang sikip na nga ng kama ko ay madalas pa siyang sumisiksik doon.

"Huy pards makikitulog ako ah. Minsang paalam niya sa akin habang naglalaro kami ng play station sa sala.

Napasimangot naman ako. "Wala ka bang bahay?"sarkastic na tanong ko sa kanya pero sa tonong nagbibiro.

Natawa naman siya sabay sagot ng "Meron. Pero mas gusto ko dito. Komportable."

"Komportable. Napakasikip ko na nga doon siksik ka pa ng siksik." sagot ko.

"Nathaniel!" bulyaw sa akin ni Lola na naririnig pala kami. "Hindi ba ang sabi ko sayo ay hindi maganda ang nagdadamot?" sabi niya.

"Opo 'La. Sorry po! Binibiro ko lang po si Mark." magalang na sagot ko.

Nang-iinis naman na pinagtawanan ako ng baliw kong kaibigan.

"Pagawan ka na kaya namin ng sariling kwarto mo dito sa bahay? Tutal dito ka na halos nakatira eh." sabi ko sa kanya.

"Edi mas maganda. Pero mas gusto ko pa rin dun sa silid mo. May aircon." sabi niya saka siya dumampot ng chips bago siya nagpatuloy sa paglalaro.

Habang tumatagal ay mas lalong napapalapit sa akin si Mark. Hindi lang sa akin kundi pati na rin sa pamilya ko.

Naikwento niya sa akin minsan na hindi sila close ng daddy niya at ang mama naman niya ay wala na halos panahon sa kanya kaya mas gusto niya sa amin.

Naawa naman ako sa kanya kahit hindi ko pa nakikilala ang mga magulang niya ay nararamdaman ko na ang lungkot na dinaranas ni Mark sa tuwing naroon siya sa bahay nila.

Dumating ang araw na naging abala si Mark sa practice ng team nila para sa gaganapin na intramurals ng school.

Sumali kasi siya sa Basketball Team ng school samantalang kami naman ni Kath ay sa Drama Club sumali dahil wala akong talent sa sports.

Minsan na akong sinubukan turuan maglaro ni Mark ng basketball pero hindi ko talaga hilig ang sports.

"Bakla ka kasi kaya hindi ka makafocus sa laro! Anong gusto mo volleyball? Acting? Tang-ina naman kasi Nat pambabae lang mga yun." sigaw niya sa akin nang minsan na mainis siya dahil sinabihan ko siya na ayoko nang maglaro.

Hindi ko inasahan na sasabihin sa akin ni Mark ang mga salitang iyon.

Dahil sa inis ko sa kanya ay iniwanan ko sila at nag-walkout ako. Umuwi ako sa bahay nang masamang-masama ang loob ko sa kanya.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This