By: N.D. List
Dumaan ang mga sumunod na araw ng normal. Gumaan na din ang pakikitungo namin ni Mico sa isa't isa pero pinanindigan ko parin na wag muna syang tumira sa'kin at hindi na din naman sya nagpilit na. Okay na din siguro ang ganitong status quo, naisip ko.Hindi ko alam kung dahil sobrang dami ng trabaho sa opisina o dahil masyado lang akong madaming iniisip pero umuwi ako isang umaga na sobrang bigat ng pakiramdam. Hindi na ako naligo sa sobrang pagod at direcho na akong bumagsak sa kama at natulog.
Ginising ako ng alarm clock at nakaramdam ako ng matinding lamig. Nanginginig ang aking buong katawan at halos hindi ko mapindot ang remote control na aircon para patayin. Alam kong hindi nako makakapasok sa sama ng pakiramdaman ko kaya bumalik na lang ako ulit sa pagtulog. Nagising ako pagkatapos ng dalawang oras. Tiningnan ko ang celphone ko at nakita ko na meron akong dalawang missed call galing kay Chona at pitong missed call galing kay Mico. Tinext ko si Chona at sinabihan ko na hindi ako papasok dahil may sakit ako. Hindi ko na na-text si Mico sa sobrang sakit ng ulo ko. Naisip ko din kasi sasabihan naman siguro sya ni Chona kung bakit hindi ako pumasok. Bumalik ako sa pagtulog.
Nagising ako ng malalakas na katok at tawag ni Mico. Dahil hindi ako makabangon sa sama ng pakiramdam ko, kinuha ko nalang ang cellphone ko at saka ko sya tinawagan.
"Hello, kuya! Ayus ka lang dyan?" pag-aalala ni Mico.
"Sisirain mo ba yung pinto ko? Tulungan sana kita sa pagsira kaso hirap akong bumangon." Sarcastic kong sabi sa kanya.
"Ngek, eh papano ako papasok?"
"May susi si Camille sa unit ko. Kunin mo sa kanya."
Noong ako palang mag-isa sa unit ko, binigyan ko ng duplicate si Jael. Naisip ko mas maganda yung may ibang may susi sa unit in case of emergency. Tutal madalas din naman syang tumambay sakin nun para maki-internet. Minsan din kasi madalas akong may makalimutan sa bahay na tinatawag ko nalang sa kanya para dalhin nya sa opisina noong nauuna ang schedule ko sa kanya. Tiwala naman ako sa kanya noon. Yun ang binigay ko kay Mico noong tumira sya sakin na binigay ko naman kay Camille nung pinaalis ko na si Mico.




















