By: Joshua Anthony
Dahil na rin sa kabutihang loob ni Chard at pagsusumikap na mas makilala ako ay tuluyan nang naging magaan ang loob ko sa kanya.Madalas na rin kaming magkausap sa pamamagitan ng text messaging o kaya naman ay phone call. Madalas pa rin na ginagamit niya si Basty na dahilan upang pumunta sa aking tinutuluyan sa tuwing wala akong pasok.
Balik trabaho na rin ako sa coffee shop. Kasabay niyon ay ang pagtapos ko sa proyektong ibinigay sa akin ng aking propesor. Katulad ng orihinal na balak ay naisumite ko iyon ng mas maaga kaysa sa inaasahan.
Halos araw-araw din kung magpunta sina Chard at Basty sa coffee shop, kung minsan ay kasama pa si Tita Edith. Maigi na rin at ganito dahil nakababawas ng pagod ang sayang dulot ni Basty sa aming lahat. Maging ang mga customers ay magiliw siyang kinatutuwan.
Sa tuwing sila ay inaabot ng aming closing time ay inihahatid ako nina Chard sa aking bahay. Madalas ay doon na rin sila naghahapunan bago umuwi.
Si Chard. Ang napakagandang tao na si Chard.
Hindi mo aakalain na mayroon pa palang ganoong uri ng tao dito sa mundo. Halos lahat ay nasa kanya na: itsura, tangkad, kisig, kabaitan, at pagiging responsable.
Siya pa lamang muli ang taong nakapagpadama sa akin na hindi naman mahirap na muling magtiwala. Totoo siya sa lahat ng kanyang ipinapakita. Hindi ko pa man nasusundan pa ang kwento ng aking buhay sa kanya, walang pag-aatubili niyang ibinahagi sa akin ang kanyang buong buhay.
Dahil doon ay napag-alaman kong hindi niya pala biological son si Basty. Anak daw si Basty ng matalik niyang kaibigan na si Sebastian. Namatay daw ito dalawang taon bago sila makapagtapos ng kolehiyo. Mahal na mahal daw niya ang kaibigan niyang iyon kaya’t ganoon na lamang din ang pagmamahal niya sa bata. Alam ko ang kanyang ibig sabihin patungkol sa pagmamahal niyang iyon sa kaibigan.
Maging ang ina ni Basty ay nakausap ko na rin ng minsan sa pamamagitan ng Skype. Magiliw siya kung kausapin. Katulad ng anak ay matanong din at kung ituring ako ay parang matagal na kaming magkaibigan.
Kasabay daw nilang umuwi ng Pilipinas ang ina ni Basty, maging ang mga magulang ni Sebastian, upang makiramay. Kinailangan lamang daw na bumalik din kaagad ng London dahil sa kanilang mga trabaho’t negosyo.




















