Pages

Sunday, January 4, 2015

Amazing Grace (Part 1)

By: James Silver

1992
Ako si Aldwin, dalawampung taong gulang. Kung tatanungin mo ang itsura ko eh, sakto lang. May ilong, mata, bibig at tenga. Nabiyayaan din naman ako ng kumpletong bahagi ng isang normal na katawan. Pero kung ang hinahanap mo eh yung mukhang artista, aba eh bakit hindi ka pumunta sa ABS CBN o GMA, marami sila dun mamili ka pa. Ang sabi ko nga sakto lang, yung tipong hindi mo ako mapapansin pag inilagay mo ako sa gitna ng mga naga-gwapuhang lalake. Baka isipin mo pa na longkatuts ako o boy. Walang espesyal saken. Hindi ako kasing galing ni Einstein. Hindi ako kasing lakas ni Superman. Hindi ako kasing bait ng isang santo, pero hindi rin ako kasing sama ng isang demonyo. Ang buong pagkatao ko pisikal, mental at emosyonal ay ang perpektong pakahulugan ng salitang ‘NORMAL’. Wala akong masyadong drama sa buhay. Pero ang araw na ito ang pinaka-kakaiba sa lahat. Pasok sa telenobela ‘to. Ikaw ba naman ang magulpi eh ewan ko lang kung hindi ka magdrama.

“Magulang?” Medyo kakatwa ang tagalog ng salitang ‘parent’ kasi kung bibigyan ng ibang pakahulugan ang tagalog nito ay ‘madaya’ ang kalalabasan. Kaya ama’t ina na lang. Hanggang saan nga ba ang kayang saklawan ng pagmamahal ng isang magulang sa kanyang mga anak. Dalawampung taon na akong nabubuhay pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin ito kayang sukatin. Pagkaminsan ay sa tignin ko, natatalo ito ng pagmamahal sa isang kasintahan. Yun lang naman kasi ang uri ng pagmamahal na exclusive para sa isang tao eh. Maraming mahal ang Diyos. Hati ang pagmamahal ng mga magulang ko sa aming dalawang magkapatid. Kaibigan? Marami din yang mahal at kung minsan pa nga ay hindi totoo ang pagmamahal na kayang ibigay ng isang kaibigan. Ang pagmamahal lamang ng kasintahan ang walang kaagaw. Yun eh kung totoo, pero kung mamalasin ka, malamang may kabit yang isa, dalawa, tatlo at ang pinakamalala eh, yung kaibigang kinakausap mo, kasali rin pala sa club. Lintek diba?
Yan ang mga bagay na tumatakbo sa aking isipan habang nag-eempake ako ng damit. Maglalayas ako dahil nagulpi ako ng tatay ko, nalaman nya kasing lalake rin ang gusto ko. ( Tipikal na sitwasyon para sa mga katulad kong hindi matanggap ng ama ang dugong bughaw na nananalay-tay sa ugat. Deretsahan, walang pakeme. Bakla ako. At kung hindi mo naiintindihan ang salitang iyon eh mas liliwanagin ko pa sayo. Titi ang gusto ko, ayoko ng puke, kuha mo?!) Hindi nya ako matanggap kaya heto panay pasa’ ako. Mamumuhay na ako ng sarili. Galit na galit ako. Sobra! Ipapakita ko sa kanila na magkakaroon ako ng maayos na buhay. Na ang baklang isinusuka nila ay maipagmamalaki rin nila balang araw. Panay pa rin ang agos ng luha ko, hindi ko naisip na magagawa pala saken yun ng tatay ko. Ang nanay ko naman ay hindi nagawang pigilan ang tatay ko kaya naman damay sya sa galit ko. Lungkot at matinding galit lamang ang nasa loob ko. Nang matapos na akong mag-empake ay agad akong lumabas ng bahay. May naitabi naman akong pera galing sa inipon kong baon araw araw. Iniipon ko sana ito para usa bibilhin kong regalo para sa kaarawan ng nanay ko sa susunod na buwan. Wala sa hinagap ko na gagamitin ko ‘to para mag-umpisa ng panibagong buhay. Buhay na wala sila. Buhay sa kamay ng malupit na lungsod ng Maynila.

Nagpalaboy laboy ako sa Maynila. Walang pupuntahan. Basta ang nasa isip ko lang ay makalayo sa amin. Malayo ang Bulacan sa Maynila kaya nakasisiguro akong hindi ako matutunton ng mga magulang ko dito. Ang kaso lang hindi pa man din ako tumatagal ay nakikita ko na ang mga problemang kakaharapin ko. Nagugutom na ako, maga-gabi na at wala pa rin akong nakikitang matutuluyan. Ngayon lang naman ako napad pad dito eh. Ang totoo nyan ni hindi ko nga alam kung bakit dito ko naisip na magpunta. Basta na lamang ako nagtanong kung papaano makakarating dito at nang may sumagot sa akin ay tsaka ako lumarga. Wala lang. Ganito naman kasi ang napapanood ko sa mga pelikula eh. Sa tuwing may maglalayas sa isang pelikula ay tiyak na sa Maynila ang tungo noon. Ginaya ko lang. Kakatwa isipin, pero sa sarili kong pananaw ay Maynila ang kumakanlong sa mga taong walang masilungan. Hindi ko nga lang alam kung may makakasalubong akong anghel para tumulong saken dito.

Nang mapagod ako sa paglalaboy ay naupo ako sa isang bench. Dito sa lugar na maraming puno. Mula ditto ay makikita ang isang gusali, kung hindi ako nagkakamali ay post office yata yung nakalagay dun nung mabasa ko kanina. Halos wala nang tao sa lugar na ito. Makabubuti ito saken para makapag-isip ng maayos. Tahimik at walang istorbo. Nang makaupo ako ay sinilip ko ang aking wallet, binilang ko ang laman nito at tinatantya kung kakasya ba ito nang mga ilang araw. Ayoko namang mamatay sa gutom kaya kailangan ko itong tipirin. Kailangang may mapasukan akong trabaho kahit tindero lang ng kung ano ano, bago pa man maubos ito. “Tangina! Limang daan” yan lang ang halagang kailangan kong pagkasyahin hanggang sa makahanap ako ng trabaho. “Saklap” sabi ko sa sarili ko. Nang mabilang ko na ay pinakiramdaman kong mabuti ang sarili ko. Tinitignan ko kung gaano na ba ako kagutom, para malaman ko kung kinakailangan ko na ba talagang bumili ng makakain. Mukha namang hindi pa ako hihimatayin sa gutom kaya mamaya na lang. Kaya ko pa naman tiisin eh. Sumandal na lamang ako sa bench upang kahit papaano ay makapagpahinga. Maya maya ko na lamang ipagpapatuloy ang paghahanap ko ng lugar kung saan maaaring magpalipas ng gabi, tutal unlimited naman ang oras ko.

Tuluyan na ngang lumubog ang araw. Madilim na sa paligid at iilang tao na lang ang nakikita ko. Nakaidlip pala ako. Pagkamulat ko ay agad kong kinapa ang wallet ko dahil alam kong maraming mandurukot dito. Ayos naman. Wala namang nawawala. Nang masiguro kong wala ngang nawawala ay tumayo na ako para ipagpatuloy ang aking paghahanap sa wala. Lakad na naman. Lakad ng walang patutunguhan. Habang para akong tangang umuusad papunta kung saan ay may bigla na lamang akong narinig na palakpak. Isang palakpak na sinundan pa ng isa pa, ng isa pa at ng isa pa hanggang sa sunod s8unod na sila. Hindi ko alam ang nangyayari kaya naman tuloy tuloy lang akong naglakad. Nang bigla na lamang may bumulaga saking lalake. Pagkaharap nya saken ay pumalakapak sya ng mabilis. Iniwasan ko sya, at pag talikod ko ay may isa na naman, ganun din ang ginawa nya. Pumalakpak din ng mabilis. Iniwasan ko ulit at ganun na naman ang nangyare. Hanggang sa mapansin ko na lamang na napalilibutan na nila ako. Isang kasama nila ang humablot ng bag na dala ko. At yung isa naman ay kinap kapan ako tila naghahanap ng kung ano. “Hoy! Anong ginagawa nyo?!” tanong ko sa mga pesteng ‘to. Sumisigaw na ako para makatawag ng pansin, para matulungan ako. Pero sa tuwing sisigaw ako ay pumapalak pak sila na sinasabayan na rin ng sigaw. Walang nakakarinig saken. Malamang iniisip ng ibang tao na nagkakasayahan lang kami dito. “Tangina nyo!” sigaw ko na naman sa kanila. Nang bigla na lamang may sumapak saken. May kalakihan ang katawan nung sumapak saken kaya naman natumba ako. Babangon na sana ako ng bigla na naman akong binigyan ng isa. Sinundan pa iyon ng makailang ulit hanggang sa hindi na talaga ako makabangon. Tsaka lamang sila naghiwa hiwalay at iniwan akong nakabulagta sa lupa.

Napakasakit ng katawan ko. Mabuti na lang at hindi nila ako sinaksak, dahil kung nagkataon malamang tigbak nako. Umupo ako. “Puta! Bakit ngayon pa nangyari ‘to.” Nanggigigil ako, naiiyak ako sa sobra sobrang galit na nararamdaman ko. Para akong batang napektusan at hindi man lang nagawang makaganti. “Putang ina!” at pinagbuntunan ko ng galit ko ang walang kamalay malay na lupa. Patayo na ako ng mapansin ko ang isang kamay na nakalahad sa akin. Waring nag-aalok ng tulong, subalit matindi ang galit na nararamdaman ko kaya naman tinapik ko yung kamay at tsaka ako tumayong mag-isa. Hindi ko na pinansin kung sinoman yung nagmamagandang loob nay un, pasensya na sa kanya dahil badtrip talaga ako.

Lugmok na lugmok ako habang binabay bay ang kahabaan ng kalsadang hindi ko alam kung saan. Hindi ko na alam kung gaano na kalayo ang nalalakad ko. Hindi ko na rin alam kung gaano na katagal akong naglalakad. Lumilipad na ang isip ko sa pagod at gutom. Walang pag-asa. Walang pera, damit at matutuluyan. Ang malala pa dyan, ngayon ko lang naramdaman ang matinding gutom. Nanghihina na ako, kaya naupo ako sa kung saan. Dito malapit sa isang rebulto ng kalabaw. Sa hagdan na malapit sa kalye. Ewan! Wala talaga akong alam dito at puro kamalasan pa ang nangyari saken. Parang gusto ko na murahin ang lahat ng nagdaraan sa labis na pagkagalit. Hanggang sa bigla na lamang bumigay ang loob ko at umiyak ako ng umiyak. “Ano bang kasalanan ko? Bakit nangyayari saken ‘to!?”sambit ko sa aking sarili.

“Bakit ka umiiyak?” isang tanong na bigla ko na lamang narinig. Boses ng isang lalake. Nang mapalingon ako ay nakita ko sya na nakaupo na sa bandang kanan ko. Diretso lang ang tingin nya kaya ang gilid na bahagi lang ng mukha nya ang nakita ko. Hindi ko sya masyadong tinitigan dahil wala naman kasi akong pake.

Hindi ko sinagot yung tanong nya. Hindi naman ako nag-alala kung masamang tao ba o ano. Tangina, ano pa bang mawawala saken! Wala na. Puri gusto nya?!

“Wag ka mag-alala, hindi naman kita kakainin eh. At tsaka mukhang wala ka namang pera kaya malabong holdapin kita. Wala lang talaga akong magawa kaya kinakausap kita, mukhang kailangan mo ng kausap eh.” Sabi nya.

“Hindi ko kailangan ng kausap.” Maigsi kong sagot.

“Bahala ka, ikaw rin. Mamaya may raket na ako, hindi na kita makakausap. Kaya kung ako sayo sabihin mo na yang problema mo at baka may maitulong ako sayo. Ikaw rin, baka hanapin mo ako mamaya.” Muling alok nya.

“Wala nga sinabi eh! At tsaka hindi kita kilala, bakit naman ako makikipag-usap sayo?!” medyo pagsigaw ko.

“Oh, teka. Kalma lang brad. Ang akin lang naman eh, baka gusto mo lang ng kausap. Kung ayaw mo naman eh ayos lang din. At tsaka kinakausap mo na nga ako eh, pagalit nga lang.” Sabi nya sabay bigla syang tumayo at tsaka naglakad palayo.

Hindi ko alam kung magsisisi ba ako dahil sa ginawa ko o ano. Bigla na lamang parang naghinayang ako. Sayang. Tulong na sana yun eh, kaso badtrip talaga ako kaya hindi ko mapigilang magsungit. Nang humupa ang galit ko ay tumayo ako at lumingon lingon. Baka sakaling nandun pa yung lalake. Kaso minamalas talaga ako. Wala na sya, hindi ko na makita. Isa pa hindi ko naman masyadong nakita yung mukha nya kaya hindi ko rin alam kung anong itsura nung hinahanap ko. Tss! Ang arte ko naman kasi eh. Sana pala kinausap ko na sya kanina. Sana naisip ko na kanina ito, nung nandyan pa. Tulong na sana, nawala pa.

Nagpaikot ikot lang ako doon sa lugar kung saan ako umupo kanina. Hindi ako lumayo sa pag-asang makita ko ulit sya. Gabi na pero sa lugar na ito ay meron pang mga tao. Mga dalaga’t binatang naglalampungan sa dilim. Ang iba naman ay mag-isa. Yung iba, ewan hindi ko alam. Hanggang sa maya maya pa ay narinig ko ang isang malakas na sigaw.

“TULONG! TULUNGAN NYO AKO! MAY MAGNANAKAW!” sigaw ng isang babae.

Agad na naglapitan ang ilang tao sa kanya. Mga mabubuting tao na nakikiramay sa isang kababayan. Ewan lang, sa tingin ko naman yung iba, nandun lang para maki-usyoso. Ako? Wala lang, wala akong pakialam. Wala rin namang tumulong saken kanina eh, kaya bakit naman ako tutulong? Isa pa, wala rin naman akong magagawa. Kung maibalik yung nanakaw sa kanya, GOOD! Kung hindi naman, GOOD pa rin, at least alam kong hindi lang ako ang tanga na nasa Maynila na nanakawan. Nakita ko yung iba na kunyare hinabol yung magnanakaw. Tulong bang matatawag yun eh, ilang hakbang lang pagod agad? Baka pasikat?! Pessimistic na kung pessimistic, eh sa ganun talaga eh. Ikaw kaya lumagay sa lugar ko ewan ko lang kung maging optimistic ka pa.

Matapos ‘kong makiusyoso doon sa nangyaring insidente ng pagnanakaw eh umalis na ako. Tapos na ang pelikula, at nagtagumpay ang kasamaan laban sa kabutihan. Hindi naman kasi totoong palaging nananaig ang kabutihan sa kasamaan eh, wag tayong umasa sa mala-fairy tale na buhay. Ako kasi palagi kong iniisip na nasa balanseng mundo tayo, kaya walang kasiguruhan ang lahat. Katulad ko, malas ako kanina kasi ako yung nakatakdang malasin. Katulad din ng babaeng iyon. At dahil nasa balanseng mundo tayo eh magiging balanse rin ang kahihinatnan ng lahat. Pupwedeng may nangyaring masama doon sa mga nagnakaw saken kanina at pagkakataon naman nilang makaganti o kung hindi naman eh, malamang may mangyayari pa lang. Uy! Hindi ako masamang tao ah. Karma ang nagpapaikot ng mundo kaya walang kinalaman ang mga pananaw ko sa buhay dyan. ‘What goes up, must come down’ law of karma. Ganun lang yun.

“All is fair in love and war.” Ang pinakamatibay na quotation na alam ko. High school pa lang ako naiintindihan ko na yan. Pag ginawan ka ng masama, gawan mo rin ng masama. Matira matibay, lamunan kung lamunan. Palakasan lang naman yan. Kunin ang gusto mo sa paraang alam mong epektibo. At kung me pagka engot ka eh, malamang maging gusgusin ka sa pagkatalo. Katulad ko. Oo na, engot na kung engot, basta hindi na mauulit yun. Talo ako ngayon kaya ang pakiramdam ko sa sarili ko ay mukhang bagong hukay na patatas sa sobrang dumi ng damit ko. Siguro kung may mga taong pakealamero akong makakasalubong eh, malamang tanungin nila ako kung alam ko ba yung bagay na tinatawag na ‘TUBIG’.

Hindi ko na hinanap yung lalake. Napanghinayangan ko na sya kaya naman maghihintay na lang ako ng bagong makatutulong saken. Siguro naman time ko na para makabawi noh, sana lang may mangyaring mabuti saken. Sapat na siguro yung mga kamalasang dinanas ko kanina para ako naman ang panigan ng swerte.

Gutom na gutom na ako. Gusto ko na nga kainin yung mga halamang nakikita ko eh. Kaso ang corny namang maging vegetarian pag nakakaramdam ka ng ganitong gutom. Natural, ang maiisip mo eh, lechong manok, lechong baboy at kahit ano pa, basta karne at pwede na rin yung kaning lamig. Ikaw? Naisip mo bang kumain ng adobong sitaw pag nahihilo ka na sa gutom? Kung mga ganung klase ng pagkain ang nasa isip mo eh, aba magpatingin ka, may hindi tama sa utak mo.

Patuloy akong naglakad. Kung ano ano na ang hinihiling ko. Sana makapulot ako ng wallet na naglalaman ng limpak limpak na salapi o kung hindi naman eh, sana may lumagpak na lechong manok mula sa langit. Badtrip, gutom na talaga ako. Pakiramdam ko ay kinakayod na yung sikmura ko. Panay na rin ang lunok ko ng laway dahil nauuhaw na rin ako. Bigla ko tuloy naisip na kung hindi ako umalis ng bahay, malamang ay naghahapunan na kami ngayon. Libre yun ah at hindi ko kailangang paghirapan. Kaso bigla ko ulit naisip yung ginawa ng tatay ko kaya di bale na lang. Bading nga siguro ako, pero may mga pagkakataong mas matigas pa ang loob ko kesa sa mga tunay na lalake.

“Psst!” narinig ko mula sa kawalan habang para akong zombie na walang alam sa mga direksyon. Sa sobrang gutom, pagod at uhaw ko ba naman kasi, hindi ko na malaman ang kanan at kaliwa. Hindi na yata gumagana ang utak ko eh.

“Psst!” muli kong narinig ang sitsit na iyon. Nang bigla na lamang tumambad sa harapan ko ang isang lalake. Bakla ako kaya alam kong kumilatis ng mukha lalo na pag lalake. At masasabi kong pasok sya sa panlasa ko. Instinct yun ng bading kaya hindi ko na kailangan pang gamitan ng kokote. Sa itsura nya mukha syang tambay. Medyo madilim dito sa kinatatayuan namen kaya hindi ko alam kung maputi ba sya o maitim. At sa amoy nya, mukhang hindi pa sya naliligo. Amoy baktol, promise nanununtok. Nakangiti syang humarap saken at tsaka sinabing. “Hinahanap mo siguro ako noh?!”

“Ha? Ah..” hindi ko alam ang isasagot ko sa tanong nya.

“Alam mo kanina pa kita pinagmamasdan. May ano ka ba?” at pinaikot nya ang kanyang hintuturo sa tapat ng kanyang kanang sentido. Kahit sino naman siguro saten alam ang ibig sabihin nun. Tinatanong nya kung me sayad ba ako. Medyo nainis ako dun pero wala akong panahong magalit dahil effort pa yun. Makakadagdag lang yun sa gutom ko.

“Haha.. Nagugutom na kasi ako, wala akong pera pambili ng pagkain.” Sabi ko sa kanya. Diretso at walang paligoy ligoy. Jusme, konti na lang at hihimatayin na ako sa gutom.

“Yun naman pala eh. Tara na, kain tayo may nadale ako kanina eh.” Sabay angat nya ng kanyang kilay. Hindi na ako nagtanong kung ano ang ibig sabihin nya dun sa nadale. Sumama na lang ako at mamaya na ako magu-usisa.

Pumunta kami sa isang karinderya. Yung mga taong nandun medyo masama ang tingin samen. Marahil sa itsura namen, mukha kasi kaming mga palaboy. Normal. Nakikita nila ang buong pagkatao mo base sa suot mo. At dahil mukha kaming gusgusin, natural walang pera ang tingin samen. Totoo naman, ewan ko lang dito sa kasama ko. Pag wala syang pera kailangang maikondisyon ko ang mga binti ko para hindi ako pulikatin.

“May mga pambayad ba kayo?” tanong ng isang matabang ale.

“Mayaman po ako manang, naalikabukan lang.” yung lalakeng kasama ko sabay ngisi nya. Wala nang nagawa yung ale kundi papasukin kami.

Hindi na ako halos magkanda-ugaga sa paghihintay ng pagkain. Sya na rin ang pinapili ko ng lahat ng kakainin namen. Sa sobrang panghihina ko, malamang ay naipaliwanag na ng kilos ko kung gaano ako kagutom. Maya maya pa ay dumating na sya dala ang mga napili nyang pagkain. Tig-isang putahe kami ng ulam at tigalawang kanin. Nang maihain na nya sa lamesa ang mga pagkain ay agad ko itong nilantakan. Para lang akong patay gutom na kahit siguro may lason yung kinakain ko eh walang pakialam. Basta malamanan ang sikmura ko ngayon kahit kaluluwa ko ay ibebenta ko. Ganung katindi ang nararamdaman kong gutom.

“Hinay-hinay brad baka maimpacho ka nyan.” Paalala nya saken. Ako naman ay parang walang narinig. At nang mapansin kong hindi pa sya nakakasubo kahit isang kutsara ay.

“Oh ba’t di ka pa kumakain?” tanong ko.

“Ah, hindi naman kasi ako gutom eh. Sanay naman yung sikmura kong isang beses lang kumain sa isang araw.” Tugon nya sa tanong ko.

“Kain ka na rin, nakakahiya naman sayo.” Sabi ko sa kanya, kahit na parang huli na nang maisip ko yung salitang HIYA.

“Sige na nga, naiinggit ako sa pagkain mo eh. Sayo na ‘tong isa pang kanin. Para solve yang chibog mo.” Sabi nya habang nakangiting nakatitig saken. Hindi ko sya masyadong pinapansin at patuloy lang ako sa pagkain.

Hindi man lang kami inabot ng kalahating oras sa pagkain at naubos na ang lahat ng inorder nya. Busog. Ngayon ko lang naappreciate ng husto ang pagkain. Ito pa lang kasi ang kauna-unahang pagkakataong nagutom ako ng matindi. Biruin mo, pumasok kaya sa isip ko ang magpa-alipin kahit kanino para lang makakain. Okey. Ayoko na isipin, basta ngayon busog na ako at kailangan kong magpasalamat sa Diyos at kay… Teka, sino nga ba ‘to?

“Ahm, salamat… ahm..” sana lang mahulaan ko yung pangalan nya.

“Jiban. Ako si Jiban brad, ikaw sino ka?” Bigla akong napahagalpak, halos maihi ako sa kakatawa. Dahil kapangalan nya yung bida sa paborito kong panoorin dati. Si Jiban na counterpart ni Robocop sa Japan. “Tawa pa!” seryoso nyang sabi.

“Sorry, ako nga pala si Aldwin. Win na lang ang itawag mo saken.” Matapos kong ayusin ang aking sarili. Naramdaman ko na talaga ang matinding hiya dahil pinakain nya na nga ako eh tinawanan ko pa ang pangalan nya.

“May itatanong ako.” Sabi nya.

“Ano yun?” tugon ko.

“Istokwa ka noh?” Maigsi nyang tanong.

“Oo.” Diretso kong sagot. Ayoko na ikaila dahil kailangan ko ang lahat ng tulong na maibibigay nya saken. Makakabawi rin ako sa kanya pag dating ng araw, ang mahalaga ngayon eh kailangan ko sya. Kahit pa isipin nyang mapanamantala akong tao. Basta kailangan ko ng makakatulong saken ngayon.

“May tutuluyan ka na ba?” muling tanong nya.

“Wala” sabi ko sabay nakita ko ang marahan nyang pag-iling.

“Tsk! Tsk! Maarte ka ba?” tanong nya.

“Hindi ako maarte ah. Aarte pa ba ako sa ganitong sitwasyon?” sabi ko.

“Tara sa bahay. Mukha kang engot kaya sa tingin ko mamamatay kang dilat ang mata pag iniwan kitang mag-isa dyan sa lansangan. Tsaka kanina pa ako naaawa sayo eh, nakita na kita nung madale ka ng mga palak-pak boys. Eh mga engot lang naman ang madalas na biktima nung mga yun eh. Tinutulungan kita ayaw mo naman. Kinakausap din kita kanina ayaw mo pa din. Edi sana kanina ka pa nakakaen.” Hindi ako umalma nung sabihan nya akong engot. Sa kabilang banda naman kasi ay tama ang mga sinabi nya. Ang engot ko nga naman at tumambay ako sa lugar na kakaunti ang tao.

Tumayo na kami at tsaka nagbayad ng aming kinain. Nakakatuwa yung wallet nya. Hahaha pambabae. Pagkaalis namen ay may iminimwestra sya. Aakto syang tumatakbo at biglang lulundag at kunyaring kakapit. Tapos lingon saken na para bang nagtatanong kung nakuha ko ba. Hindi ko sya maintindihan kaya naman nagtanong na ako.

“Ano ba yang ginagawa mo?”

“Tinuturuan kitang sumabit sa jeep. Walang magpapasabit saten kasi bawal ang sabit dito.” Sagot nya.

“Eh bakit pa tayo sasabit?” tanong ko ulet.

“Sayang ang pera. Pwede namang mag- 1,2,3 eh.” Sagot nya at napatango na lang ako. Medyo kinabahan ako, dahil pag nagkamali ako malamang mabalian ako ng buto dahil sa pagkalaglag sa humaharurot na jeep.

Medyo nailang ako sa daan namin patungo sa bahay nila. Gabing gabi na kasi ang dami pang tao. Tatlong lamayan ang nadaanan namin at higit sa lahat eh marami rin kaming nadaanang lantarang sumisinghot ng rugby. “Puta, anong klaseng lugar ba ‘to?” tanong ko sa sarili ko.

Ilang kanto at eskinita pa ang nadaanan namen. Hanggang sa makarating na nga kami sa kanila. Madilim. Isang gasera lang ang nagbibigay tanglaw sa kabuuan ng barong barong na kinalalagyan namen. Habang nakatayo ako sa gitna ng barong barong at inililibot ang aking paningin ay bumalik sya sa pintuan at narinig ko ang tunog ng isang yero. Yero na nagsisilbing takip na naghihiwalay sa mundo sa labas. Okey, masyado akong matalinhaga. Pinto ‘yun, pinto ang ibig kong sabihin. Nang maisara nya na ang pinto ay may narinig akong tawa. Tawa na nanggagaling sa loob ng isang maliit na silid.

“Hahahahaha! Hahahahaha!” Tawa ng isang babaeng may edad na. Napatingin ako kay Jiban, at tinapik nya ako sa balikat.

“Nanay ko ‘yun. Wag mo syang intindihin. Maupo ka na lang muna dyan at pupuntahan ko sya.” Sabi nya. Sa mga sinabi nya ay alam ko na kung anong meron. Hindi ako ganung Katanga para hindi makahalata. Tunog masaya ang nanay nya, pero hindi sya nakakatawa.

Kinuha nya ang gasera at dinala ito sa loob ng maliit na silid. Mahina ang loob ko sa dilim kaya naman minabuti ko na lamang na sumunod sa kanya. Nang makapasok na kami sa loob ay nakaamoy ako ng hindi kaaya ayang amoy. Amoy dumi ng tao. Pero hindi ako umalis dahil mas ok na saken ang mabaho, wag lang madilim. Kaya nanatili na lang ako sa loob, at pinagmasdan silang mag-ina. Napansin ko na mayroong hawak ang kanyang nanay. Isang uri ito ng baril. Wala akong kahit anong alam tungkol sa baril kaya naman hindi ko alam kung ano ang tawag doon. Hinihimas ito ng nanay nya at niyayakap.

“Kuya! Kuya! Pupu na ‘ko.” Nanay ni Jiban ang nagsasalita.

“Sige lilinisan kita.” Tugon nya sa kanyang ina.

“Asan na pasalubong ko.” Tanong ng kanyang ina. At nakita kong dinukot nya ang isang plastic mula sa kanyang bulsa. Hindi ko mawari ang laman nito sa loob. Inilapag ng nanay ni Jiban ang baril na hawak nito. Iniabot ni Jiban ang plastic sa kanyang nanay at mabilis naman itong hinablot ng matanda. Pagkakuha ng plastic ay agad nya itong binuklat at tsaka itinapat sa ilong. Animo’y isa itong hikain na hindi magkamayaw sa pagsinghot ng laman ng plastic. Napakunot ako ng noo. Puta! Rugby yun ah. At biglang napatingin si Jiban saken. Tumango lamang ito. Hindi ko magawang kwestyunin ang tagpong iyon sa kanya. Kanina ko lamang sya nakilala at hindi ko alam kung gaano sya kabuti o kasamang tao para gawin iyon sa ina nya. Sa isip ko ay hinuhusgahan ko na sya. “Napakasamang anak naman nito. Puta, kung nanay ko yan ay hindi ko gagawin yan sa kanya.” Sabi ko sa isip ko. Kahit ano pa mang dahilan nya ay hindi ko pa rin lubos maisip na magagawa iyon ng isang anak sa kanyang ina. Puta talaga! Syet! Pero ano nga ba naman kasi ang alam ko tungkol sa kanilang mag-ina. Wala akong alam. Masama sa mata ko ang nakikita ko kaya, madali ko lamang silang nahuhusgahan. Ganyan naman ang tipikal na ugali ng isang normal na tao eh. Ang manghusga base sa nakikita nila. Masama agad, kapag ang nakikita ay hindi kaaya-aya sa kanilang paningin. At maganda naman kung maganda ang nakikita. Masyadong literal at hindi nag-iisip. Ganyan din ako kaya alam ko. Pero sa pagkakataong ito ay pinili kong manahimik dahil hindi ko nga sila nakikilala ng lubusan. Papaano na lang kung sasabihin ko kaagad yung opinyong iniisip kong makabubuti sa kanila, edi nagmukha pa akong pakealamero. Eh papano na lang kung engkanto pala yung nanay nya at yung rugby ay makakadagdag sa kapangyarihan nya, edi napahiya pa ako. Tahimik na lang ako para safe.

Matapos suminghot ng rugby ng nanay ni Jiban ay inumpisahan nya na itong linisin. Medyo dumistansya na ako dahil alam ko naman na kahit may problema sa pag-iisip ang nanay nya ay karapatan pa rin nito ang magkaroon ng privacy.

Pagkatapos ni Jiban ay lumabas na ito ng silid at may dala itong plastic. Wag nang itanong kung anong laman nung plastic, dahil kung kumakain ka ay hindi mo magugustuhang malaman pa yun. Dumiretso sya sa pinto at iniangat ng kaunti ito sabay ‘flying saucer’ nung plastic na hawak nya. Kung saan bumagsak yun ay hindi ko na syempre alam. Malas lang sa natamaan nun.

Pagkatapos ng lahat ng dapat nyang gawin ay tsaka nito inilatag ang isang plywood na sa tingin ko ay magsisilbing tulugan namin. “Dyan ka lang sandali ah. Bibili lang ako ng katol. Malamok kasi eh.”sabi nya saken at tsaka sya tuluyang lumabas.

Umupo ako sa nakalatag na tabla at muling inilibot ang aking paningin sa buong kabahayan. Tinitignan ang mga butas, ang iba’t ibang bagay na makikita sa ding ding hanggang sa mapansin ko ang isang larawan na malapit sa pintuan ng silid ng nanay ni Jiban. Medyo madilim sa bahaging iyon kaya hindi ko halos maaninag kung sino ang nasa larawan. Pero base sa imaheng nakikita ko ay larawan ito ng isang lalake. Pinipilit kong pagmasdang mabuti na para bang matanda na naniningkit yung mata sa labo ng paningin. Pero hindi ko talaga makita ng malinaw. Tahimik lamang akong nakatitig doon nang bigla na lamang mapansin ko ang pares ng kumikislap na matang nakatitig sa akin. Nanlaki ang mga mata ko “Waaah!” at napalundag ako sa nakalatag na plywood sa labis na nerbyos. Hanggang sa unti unti nang lumabas ang ulo. Jusko, nanay lang pala ni Jiban. Napahawak ako sa dibdib ko at ramdam ko ang mabilis na kabog nito. Paglabas ng ulo nya ay tila inusisa ako nito. Hindi naalis ang naramdaman kong takot. Dahil kahit hindi sya multo ay hindi pa rin maiaalis ang katotohanang may sakit ito sa pag-iisip. Buti na lamang ay agad na dumating si Jiban at sinaway ang kaniyang ina.

“Matulog ka na ma, gabing gabi na po.” Sabi nya sa kanyang ina na may buong pag-galang. Agad naman sya nitong sinunod at pumasok na ito sa silid. Si Jiban naman ay sinindihan ang katol. Inilagay nya ang isa sa loob ng silid ng kanyang ina at ang isa naman ay dito sa amin. Nang maiayos nya na ang lahat ay tsaka kami nahiga. Akala ko ay magkukwentuhan pa kami bago matulog, pero hindi na iyon nangyari dahil ilang sandali lamang ay narinig ko na ang mahina nyang paghilik. Ipinikit ko na ang aking mata at pinilit ko na ring matulog.

5 comments:

  1. Author im wating for your next chapter.please asap.

    ReplyDelete
  2. Napaseryoso ako sa aking nababasa...may mga sitwasyon dito na muntikan ko na ring pagdaanan. Napakaganda ng kanyang pagkakasulat, magaling! Looking forward for the next chapter.

    ReplyDelete
  3. Sana sa mmk mo nalang ito pinadala:-(

    ReplyDelete
  4. Ang ganda(too ironic na sabihin kung ikukumpara sa nakwento mo), pero nakaka-move, ramdam mo yung pangyayari... Next chapter po, please? thanks :)

    ReplyDelete

Read More Like This