Pages

Sunday, January 11, 2015

Yakap ng Langit (Part 14)

By: James Silver

Chapter 14: Raffy's POV

Napahugot ako ng napakalalim na hininga. Hindi ko inaasahan na sa dinami dami ng lugar ay dito ko pa pala makikita si James. Bigla na lamang lumakas ng husto ang kabog ng dibdib ko. Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko, pero gustong gusto ko na talagang tumakbo papunta sa kanya. "James" sabi ko sa isip ko. Sya lang ang taong pinangarap kong makita sa loob ng limang taon. Ngayon nandito na sya sa harapan ko at nakatitig din sa akin. Lalapitan ko na sana sya nang biglang may tumawag sa kanya. At paglingon nya sa tumatawag sa kanya ay hindi sinasadyang natabig ng isang lalake ang dala dala nyang tray. Natapon sa lalake ang mga inuming laman ng tray. Pagkatapos nun ay pinagsisigawan nya si James. Ipinahiya nya ito sa harap ng maraming tao. Edukado sya pero parang tambay kung makasigaw. Nang marinig ko na minura nya si James at pinagsasabihan ng masasakit na salita ay bigla na lamang nag-init ang ulo ko at susugurin ko na sana yung lalake. Nang bigla na lamang akong harangin ni Christian at pinigilan ako sa tangkang gulpihin yung lalake.

Christian: Kumalma ka lang at wag mong pairalin yang init ng ulo mo. Tandaan mo ikaw ang kinatawan ng kompanya. Wag mong ipahiya ang ama mo rito. (bulong nya sakin)

Raffy: Si James, putang ina si James!

Christian: Alam ko. Ako nang bahala.

Nilapitan ni Christian yung lalake at humingi ito ng tawad sa pagkakamaling nagawa ni James. Pero patuloy pa rin ang pagsigaw nito. Ayaw tumigil nung lalake at ipinamukha pa kay James kung gaano kamahal yung suot nyang damit. Kesyo kahit isang taon daw magpakakuba si James sa trabaho ay hindi nya mababayaran yung damit na yon.
Hindi na talaga ako nakapagtimpi at susugurin ko na talaga yung lalake nang bigla na lang isang waiter ang sumapak dun sa lalake. Pinagsasapak nya yung lalake hanggang sa mapahiga na ito at dumudugo na ang nguso.

Christian: Limuel tama na yan! (Habang inaawat yung waiter)

Limuel: Tangina neto eh! Marami ka pa lang pera eh! Bakit di mo ipaayos yang ugali mo! Yung ugaling angkop sa tao! Eto pang isa, bawasan mo yung kayamanan mo! Ipagawa mo naman ngayon yang mukha mo! (sigaw nya dun sa lalake)

Alam kong hindi maganda ang kalalabasan nito para dun sa waiter na bumanat sa mayabang na lalake. Pero parang gusto kong maiyak sa sobrang tuwa nung maiganti nya si James. "Sige pa! Durugin mo yung mukha! Tsk! Parang ang hina ng suntok mo eh" sabi ko sa isip ko, kahit na parang hindi na maitsurahan yung lalake sa dami ng tinanggap na suntok. Maya maya pa ay nagsidating na ang mga gwardya at hinawakan nila yung waiter at pinilit na ilabas. Nakatikim pa nga sya ng isang palo mula doon sa isang guard dahil kahit kinapitan na ng mga ito yung dalawang kamay nya ay bigla naman nyang pinagana ang paa nya para tadyakan yung mayabang na lalake na hanggang ngayon ay nakahiga pa rin. Napangiti ako dahil hindi na halos makabangon yung mayabang na lalake. "kulang pa nga yan eh. Kung ako ang bumanat sayo baka napatay pa kita." sa isip ko ulit. Tinulungan na ng mga kalalakihang nasa paligid na makatayo yung lalake. Sa sobrang tuwa ko doon sa ginawang pagtatanggol nung isang waiter kay James ay hindi ko napansin na nawala na pala sya. "san na kaya nagpunta yun si James?" Inilibot ko ang paningin ko pero hindi ko na makita si James. Lumapit sa akin si Christian at inaya akong lumayo na dun sa kaguluhan.

Christian: Tara na, baka madamay ka pa dito. Mahirap na baka mamaya madyaryo ka pa.

Raffy: Si James? Nasan na? Nakita mo ba kung saan sya nagpunta?

Christian: Sinamahan si Limuel, siguradong sa kulungan ang bagsak nun dahil sa ginawa nya.

Raffy: Bakit naman sya ikukulong eh kulang pa nga yung ginawa nya dun sa lalake.

Christian: Tsk! Tsk! Tindi mo talaga, basta pag dating kay James nagiging demonyo ka. Nakita mo ba yung itsura nung lalake? Hindi na nga halos makilala. Ayun oh dadalhin na yata sa ospital dahil hindi na makagulapay. Sa laki ba naman ni Limuel eh.

Raffy: Sino ba yung Limuel na yun? Bakit kilala mo rin sya?

Christian: Ah kaibigan ni James yun. Nakilala ko lang yun doon sa bahay nila James. Naging kaibigan ko na rin dahil madalas ko syang makita.

Raffy: Palagi syang na kila James? Ano naman ang ginagawa nya dun?

Christian: Nandon sya tuwing wala syang pasok. Tinutulungan nya si nanay Martha sa palengke.

Raffy: Talaga? Ibig sabihin sobrang lapit nya kay James. Baka naman may relasyon na sila.

Christian: Gago! Tumigil ka nga. Akala ko ba mahal mo si James, bakit wala ka na bang tiwala sa kanya? Tsaka nagmamagandang loob lang yung tao pinag-iisipan mo pa ng masama.

Raffy: May tiwala ako kay James noh. Naniniguro lang ako, baka mamaya pinipindeho nako ng mahal kong asawa.

Christian: Haynaku naman. Tsk! Minsan iniisip ko kung ano bang pinakain sayo ni James eh. Baka mamaya hindi na pagmamahal yang nararamdaman mo ah, baka sakit na yan.

Raffy: Kung sakit tong nararamdaman ko kay James, ayaw ko na gumaling.

Christian: Tingin ko nga eh, pati akong bestfriend mo handa mong awayin dahil sa kanya eh.

Raffy: Sandali, alamin mo kung anong nangyayari sa kanila. Kung makukulong yung Limuel piyansahan mo na rin. Kilala ko si James siguradong sisisihin nya ang sarili nya pag may nangyaring hindi maganda sa kaibigan nya.

Natapos na ang party at unti unti nang nalalagas ang tao sa loob. Hinahanap ko pa rin si James dahil baka isa sya sa mga nagliligpit. Pero wala talaga sya. Kaya nagtanong tanong ako sa mga waiter na nagliligpit sa loob. At napag-alaman ko na sinamahan nya yung kaibigan nya na dinala sa presinto. Tinawagan ko si Christian para tanungin kung nasan na sya.

Christian: Nandito kami sa presinto, sabi mo tulungan ko sila diba?

Raffy: Ah ok, sus! kunyari ka pa. Alam ko namang tutulungan mo si James kahit na di ko sabihin eh.

Christian: Syempre kaibigan ko 'to eh.

Raffy: Sige pupunta na rin ako dyan. Saan ba yan?

Christian: Wag ka na pumunta dito. May nakabantay sayo dyan. Isusumbong ka nyan sa daddy mo. Siguradong hindi mo na magagawa yung mga plano mo pag nagkita kayo ni James ngayon.

Raffy: Oo nga eh. Sige hindi na lang muna ngayon. Ang mahalaga siguruhin mong maaayos mo yung problema nila ah.

Christian: Areglado boss.

Raffy: Ulol!

Tama si Christian. Siguradong hindi ko na magagawa yung mga plano ko kapag ngayon kami nag-usap ni James. Dahil kilala ko ang sarili ko. Nakakalimutan ko ang lahat pag nakasama ko na sya. Kaya kailangan ko pa maghintay ng konting panahon pa. Gusto ko talagang maisakatuparan yun. After all yun naman talaga ang isa sa mga dahilan ko kung bakit pumayag akong malayo sa kanya. Pumunta na lamang ako kay lolo pagkatapos kong makausap si Christian. Kagabi pa sinabi sakin ni lolo na may mahalaga kaming pag-uusapan kaya yun muna ang uunahin ko.

James's POV

Natanggal si Limuel sa trabaho. Kinausap ko si sir Anthony na hindi nya dapat tanggalin si Limuel sa trabaho dahil ako naman talaga ang may kasalanan nun. Pero sabi ni sir, hindi rin naman daw nya gustong mangyari yun. Pero kailangan nyang gawin dahil baka sya naman ang sirain nung ginulpi ni Limuel. Isa rin pala yun sa investor nya kaya hindi nya magawang magreklamo. Mabuti nga daw at yun lang ang naging kasunduan nila nung mayabang na lalake. Muntikan nga daw iwithdraw yung investment sa kanya eh. Buti na lamang daw at napakiusapan nya ng maayos. At hindi na umabot pa sa delikado yung lagay ng business nya.

Napadalas ang pagdalaw ni Limuel dito sa bahay buhat nung mawalan sya ng trabaho. Halos araw araw na nyang tinutulungan si nanay sa palengke. Hindi naman ako nakakita sa kanya ng kahit konting kalungkutan nung matanggal sya sa trabaho. Pero alam kong dinamdam nya yun hindi nya lang pinapakita sakin. Sa totoo lang ay ikinatuwa ko ng husto ang ginawa nyang pagtatanggol sakin. Pero parang nasobrahan naman yata ang balik sa kanya. Nagmagandang loob na nga sya, sya pa ang nawalan ng trabaho. Wala naman akong magawa. Dahil ako man ay nangangailangan din ng trabaho. Pero sinubukan ko namang kausapin si lolo Ed tungkol dito at titingnan nya daw kung meron pang bakanteng posisyon doon sa opisina ng kakilala nya. Alam ko na parang nagiging abusado na ako. Pero lagi naman syang may ipinapagawa sa aking mahirap pag humingi ako ng pabor kaya sa tingin ko kwits lang kami. Bigla kong naalala ang pagkikita namin ni Raffy. Grabe wala pa ring pagbabago ang kagwapuhan nya. Nakakapanghina pa rin ng tuhod. Lalo na ngayon na medyo nagmature na ang mukha nya. Mas lalo syang naging astigin. Bakit kaya hindi pa nya ako pinupuntahan. Ngayung nakabalik na pala sya. Siguro ay busy sya sa mga gawain sa kompanya nila. At tsaka baka pinipigilan pa rin ng ama nya. Basta alam kong isang araw ay pupuntahan nya rin ako. Nahintay ko nga sya ng limang taon eh. Ngayon pa kayang alam ko na posibleng isa sa mga araw na 'to ay maiisipan nya akong puntahan. Basta masaya akong makita syang nasa maayos na kalagayan. Yun na lang muna ang mahalaga sa ngayon.

Maguumpisa na pala ako sa trabahong ibinigay sa akin ng kakilala ni lolo Ed nung nakaraang dalawang linggo. Ipinainterview ako at nakapasa naman ako. Orientation namin sa isang araw kaya naman inihahanda ko na ang mga kakailanganin ko para sa unang araw ko sa trabaho. Excited!

Nagluluto ako ng pananghalian nang biglang may tumawag sa cellphone ko. Si Christian. Nang makita kong sya ang tumatawag ay agad kong sinagot ito. Para na rin makibalita kay Raffy. Nang masagot ko na ito ay para akong mabibingi sa lakas ng sigaw nya sa telepono. Sa boses nya ay parang alalang alala sya at humahangos.

Christian: James si Raffy puntahan mo dito. (kinabahan ako sa pagbungad nya sa akin)

James: Bakit anong nangyari sa kanya?!

Christian: Basta puntahan mo sya rito bilisan mo.

Nang maitanong ko na ang address ng dapat kong puntahan ay hindi na ako nagpatumpik tumpik pa. Iniwan ko na lang kay Irene ang ginagawa ko. Nang makarating na ako sa lugar na sinasabi ni Christian ay agad ko syang tinawagan para masundo ako. Pinuntahan nya ako agad at sinamahan kung nasaan si Raffy. Nasa isang abandonadong warehouse kami.

James: Ano bang nangyari?

Christian: Si Raffy pigilan mo, nababaliw na ata.

James: Bakit naman?

Christian: Tanong ka pa kasi ng tanong eh. Ikaw na umalam, tsk! kung kaya ko sabihin sayo siguro kanina ko pa ginawa. Basta ikaw na ang umalam nandoon sya sa loob ng silid na yun. (sabay turo nya sa isang silid na nasa kanang sulok ng warehouse.

Hindi pa man din ako nakakalapit ng husto ay naririnig ko na ang sigaw ni Raffy. Putek mukang inaatake nga si kumag. Pero mukhang ibang klaseng galit 'to ngayon ah. Mura sya ng mura. At dinig na dinig mo sa kanya na umiiyak sya na may kasamang panggigigil. At naririnig ko rin ang sigaw ng ilang lalake na para bang nakakaramdam sila ng matinding sakit. Nang marating ko na ang silid ay agad kong pinihit ang pinto para makita ko na kung anong nangyayari kay Raffy. Pag pasok ko ay bigla na lamang akong nakaramdam ng panlalamig sa nakita ko. May tatlong lalake na nakatali sa upuan. Duguan sila at halos lantang gulay na. Si Raffy naman ay nakita kong may hawak hawak na bat. Sa di kalayuan ay may kutsilyo, plies at ang pinaka kinabahan ako ay nakakita ako ng isang baril. Merong pinapanood si Raffy. Sa tingin ko yun ang pinanggagalingan ng galit nya dahil sa tuwing maririnig ko ang sigaw doon ay ipinapalo nya sa sahig ang bat na hawak nya. Ibinaba na ni Raffy ang cellphone at akmang papaluin sa ulo ang isa sa mga nakatali. Mabilis akong kumilos para pigilan sya. Dahil siguradong ikakamatay iyon ng lalake. Sa porma kasi ng katawan ni Raffy ay makikita mong bumwelo ito ng husto kaya siguradong malakas ang impact nun kung sino man ang tatamaan. Siguradong basag kung sa ulo man tatama yun. Pumunta kaagad ako sa harap. Para kung sakaling hindi ko sya mapigilan ay sa akin nya maipatama ang bat. Dahil alam kong kakayanin yun ng katawan ko, kesa doon sa lalakeng parang halos patay na rin. Pagkapunta ko sa harap nya ay nakita ko ang panlilisik ng mga mata nya. Para syang nakadroga na ewan dahil namumula na ang mata nya sa labis na galit. Agad ko syang niyakap. Niyakap ko sya ng mahigpit at iniatras ko sya para hindi nya maabot yung lalake kung sakaling magpumiglas sya sa akin. Pag-atras namin ay nakita ko yung cellphone na hawak ni Raffy kanina na nakapatong sa isang lamesa. Nagpiplay pa rin yung video na pinapanood nya. Lumapit pa kami ng kaunti para naman makita ko ng husto. Tatlong lalake na pinagtutulungang tirahin ang isa ring... Halos hindi ako makahinga sa nakita ko. Ngayon alam ko na kung bakit ganito na lamang ang galit ni Raffy. Ako yung lalakeng pinagtutulungang babuyin sa video. Ibig sabihin?! Nilingon ko yung tatlong lalake na nakatali sa bangko. Hindi ko na sila halos nakilala dahil pare pareho silang nakatungo at latang lata. Kumalas ako ng pagkakayakap kay Raffy. At isa isa kong inangat ang mga mukha nila. Nag-umpisa nang mangatal ang bibig ko. Umagos na din ang luha ko kasabay ng pigil kong hikbi. Bumalik ng napakalinaw sa alaala ko ang ginawa nilang pambababoy sakin. Ang mga hayop na 'to si Gie, si Leroy at si Henry. Nanginginig ang mga kamay ko habang tinitingnan ko ang mga mukha nila. Naghalo-halo na ang nararamdaman ko. Hindi ko na alam kung maaawa ba ako sa kanila o magagalit.

Gie: James, sososorry! (halos hindi nya na mabigkas ang mga sasabihin nya sa sobrang panghihina.)

Henry: Papapatawarin mo kami James. (ganun din si Henry, pero sa tingin ko nanggagaling kay Leroy ang matinding galit ni Raffy. Dahil hindi ko man lang sya nakitaan ng pagsisisi sa ginawa nya. Para syang baliw na nakangisi pa rin kahit na hinang hina na.)

Leroy: Hihihihi! Patayin nyo na ako. Kung hindi nyo ako papatayin ngayon bubweltahan ko kayong mga hayop kayo. Hihihihi!

Raffy: Hehehe! Wag ka mag-alala darating tayo dyan. Pero sisiguruhin kong maghihirap ka muna hanggang sa magmakaawa ka sakin para patayin ka.

Nanginginig na ang katawan ko sa galit kay Leroy. Dahil pagkatapos ng lahat ng ginawa nila sa akin ay hindi man lang nya nagawang magsisi. Demonyo pala talaga 'tong hayop na 'to eh. Nilapitan sya ni Raffy at pinalayo nya ako. Hindi ko na magawang pigilan pa si Raffy dahil ako man ay halos mawala na rin sa sarili sa sobrang galit na nararamdaman ko. Bumwelo si Raffy at pinalo nya ng matindi ang alulod ni Leroy. Napasigaw si Leroy. Ako man ay parang nakaramdam ng sakit sa ginawang iyon ni Raffy. Muntikan na akong lamunin ng galit na nararamdaman ko. Pero bigla akong natauhan nang makita kong hindi na bat ang hawak ni Raffy kundi baril na. Parang wala na sa katinuan si Raffy. Panay na ang agos ng luha nya at halos nakatulala na lang habang itinututok nya sa ulo ni Leroy ang baril. Maging ako man ay hindi na yata nya nakikilala. Lumapit ako kaagad at kinuha ang baril sa kanya. Pero hindi nya iyon ibinigay sa akin. Itinulak nya ako papalayo. Mukhang hindi ko na sya mapipigilan kung ganito lang ang gagawin ko. Kaya naisip ko gawin ang bagay na yon. Nagbabakasakaling mabisa yon para mapakalma ko sya. Muli akong lumapit sa kanya at niyakap ko sya ng mahigpit. Pagkatapos ay binigyan ko sya ng isang mariing halik. Hindi sya lumalaban sakin pero narinig kong nalaglag ang baril. Naramdaman ko ang pagkalma ng katawan nya. At muli na namang umagos ang luha nya. Maya maya pa ay bumitiw na sya sa halikan namin at tinitigan ang mukha ko.

Raffy: James, sorry. (tinitigan nya ang mukha kong para bang awang awa sya sakin) Wala ako nun, sorry hindi kita naprotektahan. Hindi ko alam na ganun pala kahirap ang pinagdaanan mo. Hindi ko sinasadya na maiwan kitang nag-iisa nun. Sorry kung wala kang kakampi nung araw na yun. Sorry. Wag mong isiping narurumihan na ako sayo. James, walang nagbago. Mahal na mahal pa rin kita. Naiinis lang ako sa sarili ko dahil iniwan kita noon. Narinig ko James. Narinig ko ttinawag mo ako. Isinigaw mo yung pangalan ko..Pppero.. ppero. hhindi ako nakarating. James sorry.

Tuloy tuloy na lang ang pagdaloy ng mga luha namin. Sinariwa ko sa isip ko ang mga nangyari noon. Habang ginagawa nila ang kababuyan sa akin ay wala akong ibang isinigaw kundi pangalan ni Raffy. Mas naiiintindihan ko na kung bakit nagkakaganito sya. Sinisisi nya ang sarili nya sa mga nangyari sa akin.

James: Wag mo na isipin yun. Matagal ko nang itinapon yung alaala na yon. Sabi ko naman sayo na hindi mo na kailangang gumanti. Ikaw lang naman ang mahalaga sa akin eh. Ang malamang mahal mo pa rin ako sa kabila ng lahat ng nakakadiring nangyari sakin ay sapat na. Para magpatuloy ako sa buhay. Mahal na mahal kita Raffy. Kaya nakikiusap ako sayo tama na please! Tara na umuwi na tayo. Itigil na natin 'to.

Kinalimutan ko na lahat ng galit ko sa mga lalakeng hanggang ngayon ay nakatali pa rin sa upuan. Naisip ko na mas mahalaga talaga sa akin si Raffy kahit sa anong klaseng bagay. Mas pinipili ko sya kesa sa nararamdaman kong galit kanikanina lang. Naiganti nya na ako at sa tingin ko naman ay napagaan na nun ang loob nya. Ilalayo ko na sya bago nya pa mapatay ng tuluyan ang mga 'to. Kinausap ko si Christian na sya na ang bahalang umayos sa nangyari ngayong araw na ito. Kahit na parang napapraning sya sa kakaisip kung papano nya aayusin 'to eh hindi nya na nagawang magreklamo pa.

Christian: Oo na, mas mabuti na 'tong problemang ganito may solusyon kesa pigilan yang bipolar na yan. Tsk! Sige na alis na ako na bahala dito, tatawag na lang ako ng tao para makatulong sakin.

Raffy: Sorry Chris masyado yata akong napraning kanina. Pero dont worry dadagdagan ko sahod mo.

Christian: Buti naman naisip mo yan. Balak ko na kaya magresign kanina. Nung malaman kong may baliw pala akong bestfriend.

Raffy: Sorry na sinabi eh. Kinonsensya mo pa ako.

Christian: Oo na baliw ka. Magsialis na nga kayo dito. Tapalan na lang natin 'tong mga 'to para manahimik na lang.

Iniwan na namin ni Raffy si Christian na namomroblema kung papano nya aayusin ang gulong nangyari. Ang mahalaga ay mailayo ko si Raffy bago pa magkaroon ng mas malaking problema. Isa pa ayaw ko rin naman na makapatay sya ng dahil sa akin. Hindi ako nagdududa kahit konte sa pagmamahal ni Raffy dahil ilang beses ko naman na ding napatunayan sa sarili ko iyon. Pero ang araw na 'to ang habang buhay na tatatak sa puso't isip ko. Ito ang araw na pinatunayan sa akin ni Raffy kung hanggang saan ang kayang saklawan ng pag-ibig nya para sa akin. Oo alam ko ang iniisip nyo, lugi sa akin si Raffy dahil hanggang ngayon ay wala pa akong nagagawa para sa kanya. Pero kailan ba natin masasabi na sapat na ang ibinibigay nating pagmamahal sa kapareha natin. Nasusukat ba yan sa mga bagay na naibibigay mo sa taong mahal mo? Nasusukat ba yan sa kung papaano sya maglambing sayo. Kung ganun ang batayan ng pagmamahal eh ibig sabihin, ganun lang kababaw ang tinatawag nating pag-ibig. Isa lang ang alam ko, makakagawa ka ng mga bagay na hindi mo iniisip na magagawa mo pag nagmamahal ka na. Oo wala nga akong naibigay kay Raffy. Pero isinuko ko naman halos lahat ng mga natitirang bagay na pinanghahawakan ko para sa kanya. Kasama na dyan ang bagay na minsan ay bumuhay sa pamilya ko. Hindi ko iniisip ang mga bagay na 'to para sukatin ang pagmamahal ko para kay Raffy. Inisip ko lang 'to para paulit ulit kong maipaalala sa sarili ko na pahalagahan ang mga bagay na minsang sumubok sa katatagan ko bilang tao. Nagawa ko. Kinaya ko. At kakayanin ko pa. Sapat nang malaman ko na nakatayo pa rin ako ngayon. Dahil nagmahal ako ng totoo. Nagmahal ako ng walang alinlangan. Pagmamahal sa mga taong nagpapahalaga sa akin ang nagpapalakas ng espirito kong lumaban. Kaya mananatili akong nakatayo anumang ibato sa akin ng buhay.

Iniuwi ko muna si Raffy sa bahay. Una, gusto ko na talaga syang makasama. Pangalawa, ayaw ko muna syang pakawalan dahil baka maisip nya pang bumalik dun at pagbabarilin sila Gie. Alam ko naman sa sarili ko na sa mga panahong ganito ay ako lang ang makakapagpahinahon sa kanya. Kaya ko syang pakalmahin nang hindi nakakaramadam ng kahit konting takot. Noon pa man ako na ang gumagawa nito sa kanya, kaya alam ko ang pasikot sikot ng saltik nya. Baliw nga! Ansarap kaya balugbugan. Nang makapasok na kami sa bahay ay agad kaming binati ni tatay. Ngumiti lang si Raffy kay tatay at sumenyas ako na merong problema kaya naman hinayaan muna nya kami. Pumasok kami ng kwarto para makapagpahinga sya. Humiga sya sa kama sabay pumikit. Mukhang pagod na pagod sya sa mga nangyari. Umupo ako sa tabi nya para haplusin ang buhok nya. Ganito ko naman talaga sya ihele kapag nakakaramdam sya ng matinding galit o sama ng loob. Napangiti ako habang nakatitig sa mukha nya. Maya maya pa ay tumayo na ako para pabayaan syang makapagpahinga. Pero hinawakan nya ang kamay ko at muling iniupo sa tabi nya.

Raffy: Dito ka lang. Wag kang lalayo saken. James, sa loob ng limang taon ngayon lang ako makakapagpahinga ng maayos. Dito sa tabi mo, dito lang ako napapayapa kaya wag ka munang lalayo sa akin.

Naintindihan ko ang mga sinabi nya. Kaya nanatili lang ako sa tabi nya hanggang sa mapahimbing na ang tulog nya. Nang marinig ko ang mahina nyang paghilik ay hinalikan ko sya sa noo at lumabas na ako ng kwarto.

——————————

Raffy's POV

Ngayon ang unang araw ko sa planning department. Tapos na kasi ang pagkukunwari ko bilang presidente dahil bumalik na si daddy galing California. Hindi ko alam kung anong susunod na plano nya tungkol sa akin. Paghahandaan ko kung ano na namang binabalak nya para paghiwalayin kami ni James. Ngayon ko pa ba sya uurungan? Ngayong alam ko na, na meron pala akong matibay na kakampi.

Habang naglalakad ako papasok sa opisina ay hindi ko maiwasang marinig ang mga bulung bulungan nila tungkol saken. Natural na yata siguro ang ganito sa opisina dahil boring naman kasi talaga ang trabaho dito. Kaya kailangan ng chismisan para naman may mapaglibangan. Pero sana man lang bubulong sila, siguraduhin naman nilang hindi ko naririnig. Eh halos sabihin narin nila sa akin ng harap harapan yung pinag-uusapan nila eh. Inilibot ko ang paningin ko sa kanilang lahat. At bigla na lamang silang nagsitahimik. Magalang akong nagtanong kung saan ang pwesto ko. Pero halos mataranta sila sa pagturo sa akin kung saan ang cubicle ko. Bigla tuloy akong nailang sa kanila. Pumunta na ako sa mesa ko at doon na lang nanahimik. May lumapit sakin na isang babae. Andrea daw ang pangalan nya. Sya daw ang in-charge na magturo sa akin ng mga dapat kong gawin. At pagkatapos nya akong bokahin ay bumalik na sya sa mesa nya para ipagpatuloy ang naudlot nyang trabaho.

Puta! Maaga kong natapos lahat ng ipinagawa sakin. At ngayon ay nakatunganga na lang ako. Parang inaantok ako sa sobrang boring dito. Muntikan na akong makatulog. Naniningit na lalo ang mata ko sa antok nang bigla na lang akong mapamulagat ng makita ko yung pumasok na janitor. Para tuloy gusto kong magtago, dahil baka makita nya akong walang ginagawa sa trabaho samantalang sya ay panay ang pagwawalis sa sahig. "Naku! Lelang mo. Walis ka ng walis dyan eh malinis naman yung sahig. Tsk! Bangag siguro 'to at yan ang trip nya gawin." sabi ko sa isip ko ng makita ko si James na panay ang walis. Gusto ko sana syang gulatin at biglang yakapin kaso nakakahiya dito sa mga kasama ko. Baka sabihin nila kabago bago ko, anlandi landi ko na. Natapat na sa pwesto ko si James at nakita kong nagulat din sya nang makita ako. Nginitian ko sya at sinimangutan naman ako ni gago. Bumuka ang bibig nya pero walang boses. Nabasa ko sa labi nya na sinabi nyang "Antamad mo, magtrabaho ka nga." Sinimangutan ko din sya at nagtulog-tulugan ako. Maya maya pa ay lumipat na sya sa ibang pwesto. May naisip akong kalokohan. Nakita ko yung lapis na nasa desk ko at meron ding pantasa. Tinasahan ko yung lapis at tsaka ko naman itinapon yung pinagtasahan sa sahig.

Raffy: Ah boss pwede po bang pawalis dito. Angkalat kasi eh, hindi nalinis nung dating nakapwesto dito. (tawag ko kay James)

James: Ah ok po sir! Tapusin ko lang po dito.

Raffy: Thanks.

Medyo nainis ako dahil akala ko ay eepek kaagad yung plano ko. Halos 15mins pa sya bago pumunta sa pwesto ko. Nakakainis!

James: Sir saan po yung makalat. (mwinestrahan ko syang pumasok sa cubicle at agad naman syang pumasok.)

Raffy: Dito oh. (sabay turo ko sa sahig)

Pagpasok nya ay mabilis nyang winalis lahat ng kalat at aalis na sana sya nang may itinuro pa akong marumi sa ilalim ng mesa. Napayukod naman sya para walisin yung pinakailalim ng mesa. Habang ginagawa nya iyon ay luminga ako sa paligid ko kung may nakatingin banda sa pwesto ko. Wala naman ang lahat ay busy sa trabaho nila. Binalingan kong muli si James sabay himas ko sa likuran nya. Yumuko rin ako.

Raffy: Mahal, mahal kiss mo 'ko. (sabay nguso ko sa kanya)

James: Tumigil ka nga nasa trabaho tayo. Tsk!

Raffy: Isa lang, dali na kiss mo na ako.

"one more thing po pala sir, may welcome party po kayo mamaya. Kaya bawal po kayong umuwi ng maaga" Halos lumabas ang puso ko sa sobrang nerbyos ng marinig kong nagsalita sa likuran ko si Andrea. Tanginang babae 'to ansarap tanggalin sa trabaho. Nandun na eh, ikikiss nako ni James eh.

Andrea: Sir ano po palang ginagawa nyo dyan?

Raffy: Ah eh, medyo metikuloso kasi ako sa kalinisan kaya itinuturo ko sa kanya yung dumi. Pasensya na, lam mo na O.C. hahaha.

Andrea: Hahahaha. Ganun po ba sir? Kailangan ko rin palang maging O.C. hahaha.

"hahahaha! As if naman papatulan kita. Haliparot kang babae ka. Isabit kaya kita sa elesi ng helicopter. Tsk!" sabi ko sa isip ko habang nakangiti ako sa kanya. Kinindatan nya ako at bumalik na muli sya sa kanyang pwesto. "Malandi" sabay irap ko ng palihim. Narinig ko naman ang mahinang paghagikhik ni James. Bunatukan ko sya.

Raffy: Tawa ka pa dyan.

James: Bambuhin kita netong walis eh. Tumigil ka nga sa kalokohan mo. Nagtatrabaho ako ng matino eh, iniistorbo mo ako.

Raffy: Eto, isang kiss nga lang eh. Ikiss mo na kasi ako para manahimik ako dito. Ang arte arte mo pa kasi eh.

Yumuko ulit ako ngumuso na naman sa kanya para halikan nya na ako. Pumikit ako para f na f. Naramdaman ko na lang ang biglaang paglapat ng labi nya sa labi ko. Pagmulat ng mga mata ko ay nakita kong nakangiti sya sakin at hinalikan ulit ako.Hanggang sa tumayo na sya at lumabas. Back to normal boring na naman.

Uwian na. Binati ako ng lahat at tsaka niyaya sa inihanda nilang welcome party para sa aming tatlo na bagong salta. Ayaw ko sanang sumama kaso baka isipin nila killjoy ako. Kaya wala na akong nagawa kundi sumama. Habang sama sama kaming naglalakad papunta sa elevator ay biglang nakasalubong namin si James. Nagkatinginan kami pero hindi kami masyadong nagpansinan. Syempre ilugar pa rin ang kalandian. Hindi naman sa lahat ng oras ay pwede kaming maglambingan. Pero medyo nainis ako nung makita kong sinusundan sya ng lingon ng mga babae't baklang kasama ko. "hmm! Yummy!" sabi nung isa. "Oo nga!" Pagsangayon naman nung isa. "Kayo talaga, pag nakakita kayo ng macho't gwapo, tingin nyo pagkain. Kung maka-yummy kayo wagas." pag-iinasim nung isa, sabay lingon din kay James. Pag naghulog kaya ako ng bomba sa gitna namin mapansin kaya nila? Tsk! Lahat ng atensyon nila na kay James eh. Isa pa itong si Andrea na kanina pa tingin ng tingin sa akin. Bangasan ko kaya 'to para matauhan. Nag-aala ampalaya na ako dito. Nasa harap na kami ng elevator at pagpasok namin ay agad kong kinuha ang cellphone ko. Nagtext ako. "Villacorta, anong oras ka uuwi?" sabay tago ko ulit. Maya maya pa ay may nagreply na "9pm pa ako makakalabas. Bakit?" nagreply ako "Antagal naman miss na kita eh. May pupuntahan kami, sunod ka mamaya ah." hindi nagtagal ang reply nya "Hindi na nakakahiya dyan sa mga kasama mo. Bukas na lang tayo magkita ulit. Sige na magi-in na ako tapos na break ko eh. Raf, Mahal na mahal kita." napangiti na lang ako at nagreply din sa kanya na "sige na nga. Jam, Mahal na mahal din kita."

Nang makarating kami sa isang bar na malapit lang din sa opisina ay agad silang umorder ng maiinom. Kwentuhan sympre at uratan sa mga magkaka-close na. Sabay tanong sa aming tatlo na mga baguhan. "Ikaw sir Raffy ilang taon ka na?" Tanong ni Minerva na sa tingin ko ay pinakamatanda sa aming lahat.

Raffy: 24 po mam.

Minerva: Ayaw ko 'tong itanong pero may namimilit saken eh. May girlfriend ka na daw ba?

Iniisip ko na baka si Andrea yung nagtatanong kaya naman sumagot ako ng meron na. Sabay sabay silang umungol na padismaya. Napapahaba na ang inuman namin at maya maya pa ay lumapit na sa akin 'tong si Andrea. Mukhang nalalasing na kaya makulit.

Andrea: Sir sino yung girlfriend mo? (nabigla ako sa naitanong nya sa akin)

Raffy: Ahm si Jam.. Jamaica hehehe.

Andrea: Gaano mo naman sya kamahal?

Raffy: Personal na yata yan ah. (nagsigawan sila.)

Minerva: Ok lang yan sir. Para na rin naman tayong pamilya dito eh. Sagutin mo na lang kapatid.

Raffy: Ahm, mahal na mahal.

Minerva: Anong klase. Ako rin naman mahal na mahal ko yung asawa ko pero may pagkakataon na gusto ko syang sagasaan sa daan. Ikaw papano ba yang pagmamahal mo?

Raffy: Mahal na mahal. Ahm, sorry for this pero handa akong pumatay para sa kanya.

Natahimik sila sa sinabi ko. At maya maya pa ay nagsigawan sila at inasar nila si Andrea. "Ahy kawawa ang merlat, walang pag-asa hahaha" sabay tawanan ulit nila. Sa tingin ko ay hindi naman pikunin si Andrea kaya tuloy tuloy lang sila sa pang-aasar. Hanggang sa nakikitawa na rin ako sa kanila at ibinaling naman ang hotseat sa dalawa ko pang kasama na baguhan din.

16 comments:

  1. next chapter please

    ReplyDelete
  2. worth the wait!:)

    [D]

    ReplyDelete
  3. ai ang sad ang ikli nakakabitin. kelan nnman kaya yung next chapter.?

    ReplyDelete
  4. ai ang sad ang ikli kelan nnman kaya yung next chapter?

    ReplyDelete
  5. asan na po ang next chapter..?
    ang ganda po talaga eh..��

    ReplyDelete
  6. Ang ganda ng story!next chapter pls...pnagpuyatan ko tlga basahin from chapter 1 to 14!worth it!

    ReplyDelete
  7. Maraung salamat author sa kwentong mo u inspired me a lot. Pinagpuyatan ko talagang basahin mula 1 to 14

    ReplyDelete
  8. Ang ganda talaga xcited na aq sa nxt chapter nito

    ReplyDelete
  9. Ang Ganda ng story Asan na po Ung next

    ReplyDelete
  10. Kakaingit amn ang story nila,, next chapter po please

    ReplyDelete
  11. This is extremely well-written.. Ang galing.. Next chapter na pic 4 months na oh.. I finished all 14 chapters in one reading.. Galing!!! Kudos, James..

    ReplyDelete
  12. Pls pls pls pleaaaasssseeee... Nxt chapter po ;( cge n po please...

    ReplyDelete
  13. Seriously? I went back far as 2014 to read the first chapter, only to be left hanging? No chapter 15 and so on? Wag ganun. Ang ganda nung kwento eh, tapos bitin? This is one of the few reasons why I want to believe in love again and that someone is out there for me, kaya please lang...NEXT CHAPTER NA PO PLEASE.

    ReplyDelete

Read More Like This