Pages

Sunday, April 12, 2015

Kapit sa Patalim (Part 1)

By: Loop Kenon

"Boy......boy.......gising! bawal matulog dito"

Ito ang boses ang gumising sa mahimbing na pagkakatulog ni Derick sa isang sikat na park sa Maynila. Isang unipormadong lalaki ang nakita niya sa pagdilat ng kanyang mga mata. Bigla itong napatayo sa takot at muntik pang mahulog sa sementadong upuan na kanyang hinihigaan. Buti nalang at nahawakan ito agad ng taong gumising sa kanya.

"Uy....ingat ka! muntik ng tumama ang ulo mo semento"

"Boss.....pasensya na! hindi ko sinasadyang makatulog....." takot na paliwanag ni Derick.....

"Boss....huwag nyo akong ikulong, pangako hindi na ako matutulog at aalis nalang po ako dito" nagmamakaawang pahabol nito.....

"Relax lang boy, wala naman akong sinasabing ikukulong kita. Wala namang nakukulong dahil natulog lang sa isang park. Ginising kita kasi bawal matulog dito at baka mapagalitan din ako ng boss ko, ako kasi ang nakatoka sa area na ito at isa pa baka mapagtripan ka ng ibang mga tambay dito. Mukha ka pa namang anak mayaman"

"Ganun po ba, salamat po boss....aalis na po ako....pasensya na po at salamat ulit!" paalam ni Derick.....

"Sige......ingat ka at huwag kung saan saan tumambay, maraming loko at mga gago sa daan"

Habang nag aayos ng sarili at ng ibang gamit si Derick. Hindi naiwasang pagmasdan at titigan ito ng unipormadong lalaki. Napansin agad nito ang maruming paa ni Derick habang suot ang sira at nakabuka ng mga sandals nito. Ngunit nagtataka ito dahil mukhang mamahalin naman ang suot nitong short at T-shirt maging ang dala nitong backpack. Idagdag mo pa magandang kutis at maamong mukha na talagang halata mong anak mayaman.
Habang papalayong naglalakad si Derick hindi parin maalis ang tingin ng pulis dito. At para bang may bumubulong dito na sundan nito ang lalaking kanina pa nakakuha ng kanyang atensyon. Sakay ang service na motor, hinabol nito si Derick.

"Boy......gusto mong kumain? Libre ko" bungad ng lalaki habang sakay ng umaandar motor.....

"Hindi na po boss, busog pa po ako....salamat po" tanggi ni Derick habang patuloy sa paglalakad......

"Busog? Parang hindi naman halata..... huwag kang matakot sa akin at isa pa libre ko naman, eat all you can! Uy biro lang.....tara na! may malapit na kainan dito at mura lang.....sakay kana"

Gusto sanang tumanggi ni Derick pero alam nitong gutom na gutom na siya at buong araw itong walang kain. Naisip niyang hindi lahat ng taong makikilala ay malilibre siya ng kain. At isa pa tiwala siya sa taong ito dahil sa pulis naman ang nag alok sa kanya at halata din naman na mabait ito. Huminto sa paglalakad si Derick ganundin ang motor. Agad na sumakay sa likod, bago umandar inabot muna sa kanya ang isang helmet.

"Boy, suot mo.....mahirap na baka mahuli tayo.....kapit ka sa akin ng mabuti baka malaglag ka"

"Ok po boss....." sabay hawak sa balikat ng pulis.......

"Oh, bakit nanginginig ka? Huwag ka matakot!"

"Kinakabahan lang po ako"

"Bakit naman, kinakabahan ka dahil ngayon ka lang nakasakay ng motor o dahil sa pulis ang kasama mo?"

"Parehas po........."

"Hahaha......Huwag ka matakot, mabait ako..... relax lang ha....alis na tayo!"

Habang umaandar sila tuloy lang ang pulis sa pagsasalita at pagtatanong pa minsan minsan.........

"Ano palang pangalan mo boy?"

"Derick po boss....."

"Alam mo nakakatuwa ka.....sobrang galang mo naman, boss na nga ang tawag mo sa akin, panay pa ang "po" mo"

"Kasi po.....pulis kayo....."

"Teka....ilang taon kana ba?"

"29 po....."

"Ha! Seryoso..... 29 kana talaga..... nadaya mo ako doon, akala ko mga nasa 21 or 22 ka palang...eh mas matanda ka pa pala sa akin..."

"Sorry po....."

"Bakit ka nag sosorry? PO1 Nathan Alvarez pala kuya...." sabay tawa nito

"Bakit ka natawa?"

"Wala....natawa lang ako nun tinawag kitang kuya, pero kuya na talaga kita 25 palang kasi ako, kahit hindi halata sa itsura pero totoo yun...."

"Malayo pa ba yun kakainan natin?"

"Malapit na....sandali nalang....isipin mo na ang gusto mong kainin. Huwag ka mahihiya at huwag mong sabihin na busog ka kasi kanina ko pa naririnig ang tiyan mo at alam ko gutom ka"

Hindi na nagawang magsalita ni Derick. Gusto nitong umiyak sa tuwa at may tao pa palang gaya ng pulis na ito na handang tumulong sa mga taong hindi naman kilala.

"Nandito na tayo Derick........." sabay hinto ng motor sa tapat ng isang tapsihan sa gilid ng intramuros.

"Good Evening Sir...." bati ng isa sa mga bantay ng kainan.....

"Anong Good Evening....alas dos na kaya ng madaling araw! kaya dapat Good Morning na!" sagot ni Nathan....

"Good Morning Sir......ok na po ba boss? Teka lang sir, may kasama pala kayo...."

"Ay oo, kaibigan ko si Derick, pinilit ko lang na sumama sa akin na dito kumain, kaya sarapan nyo kung anuman ang order nya para hindi ako mapahiya....."

"Kaming bahala sa inyo Sir, upo na muna kayong dalawa at pag isipang mabuti kung ano ang kakainin nyo"

"Dito tayo Derick.....pagpasensyahan mo na kung dito kita dinala, ito lang kaya ng budget pero huwag kang mag alala dahil masarap dito kahit mura tapos dahil mura marami tayong makakain.....pili kana ng gusto mo"

"Boss.....ikaw na bahala"

"Nathan nalang ang itawag mo sa akin, pwede ba iyon?...... mas nakakabata kasing pakinggan"

"Kasi.......parang ang bastos ko kapag sa pangalan ko lang kayo tatawagin tapos naka uniporme pa kayo...."

"Ok lang basta ikaw ang tatawagan sa akin, tsaka ako naman ang may gusto at nakiusap, kaya walang problema doon"

"Sige....Nathan....."

"Yan.....edi nagmukhang mga bagets tayo....ano Derick may napili kana? Da best ang tapsilog at bulalo nila dito...gusto mo tig isang tapsilog tayo tapos isang order ng bulalo, payag ka?"

"Kahit anong gusto mo Nathan, ok lang.....nahihiya nga ako sa iyo at nililibre mo ako, kakakilala lang natin kanina"

"Huwag mong isipin iyon, alam ko namang mabait kang tao at isa pa ramdam ko parang may pinagdadaanan kang mabigat at kailangan mo ng kausap. Nandito lang ako ha......"

"Salamat talaga sa iyo Nathan"

"Walang anuman, simula ngayon magkaibigan na tayo..... teka, order na tayo....... Miss Beautiful! dalawang tapsilog at bulalo sa amin......"

Habang inaantay ang kanilang pagkain, tuloy lang sa kwentuhan ang dalawa.....

"Saan kaba umuwi Derick at ano ba ang ginagawa mo sa lugar na iyon?

Hindi nakasagot si Derick sa tanong ni Nathan, bigla itong yumuko at hindi na ulit nagsalita. Napansin ni Nathan ang kakaibang reaksyon nito at tila naiiyak pa habang hindi makatingin sa kanya ng diretso.

"Uy, may nasabi ba akong masama? Hindi mo kailangan sagutin ang tanong ko kung hindi ka kumportableng pag usapan. Pero nandito lang ako... PO1 Alvarez at your service" sabay saludo nito kay Derick......

Maya maya dumating na ang kanilang pagkain. Ngunit bago nagsimulang kumain nagdasal muna si Nathan at sinigurado niyang maririnig ni Derick ang kanyang dasal......

"Lord.......maraming salamat po sa pagkain na ito at sa mga biyayang aming natatanggap. Maraming salamat din po sa bagong kaibigan na kasama ko ngayon. Lord....sana po huwag nyo pong pababayaan si Derick at sana malampasan na niya kung ano man pagsubok ang pinagdadaanan nya ngayon. Ulit, maraming salamat po....Amen"

Hindi inaasahan ni Derick na ganun ang magiging dasal ng pulis. Tila nabawasan ang lungkot na kanyang nararamdaman ng marinig ang dasal na iyon. Ngayon lang ulit may isang taong nag alala sa kanya at nagparamdam sa kanyang mahalaga siya.

"Bakit ganun ang dasal mo?"

"Bakit? may mali ba sa dasal ko at sinabi ko?"

"Wala naman......salamat ha......"

"Tama na nga ang drama.....kumain na tayo habang mainit pa ang sabaw. Kumain ka ng marami ha, huwag ka mahihiya....."

Sa hindi sinasadyang pagkakataon naglapat at nagkadikit ang kanilang mga kamay ng sabay sana nilang aabutin ang mangkok ng bulalo. Nagkatinginan silang dalawa at nangiti na lamang sa nangyari.

"Ikaw muna boss......"

"Hindi.....mauna kana Derick, alam ko gutom kana....

"Ikaw na muna Nathan"

Tila nagturuan pa ang dalawa kung sino ang mauuna. Ngunit para matapos na ang pasahan. Kinuha na ni Nathan ang pinaglalagyan ng bulalo at siya na mismo ang naglagay sa hiwalay na mangkok para kay Derick.

"Ayan.....sige kumain kana.... kailangan ubusin natin lahat ito at magsabi ka lang kung gusto mo pa ng extra rice"

"Salamat......."

Kakaibang saya ang nararamdaman ni Nathan sa tuwing naririnig niyang nagpapasalamat sa kanya si Derick. Nangingiti lang ito habang pinagmamasdan ang bagong kaibigan. Hindi niya maalis ang kanyang paningin sa mala anghel na mukha ng kasama. Ngunit palaisipan parin sa kanya ang tunay na pagkatao ni Derick. Maraming tanong ang gumugulo sa kanyang isipan na nag aantay ng mga kasagutan. Ngunit isa lang ang sigurado niya, mabait at matinong tao ang bagong kakilala.

"Ano bang meron sa taong ito at bakit ang gaan gaan ng loob ko sa kanya. Nagiging abnormal na naman yata ako pero bakit sa isang estranghero pang tulad niya. Siguro naaawa lang ako sa kanya at lilipas din ang nararamdaman kong ito......" bulong sa sarili ni Nathan habang patuloy na pinagmamasdan si Derick.

"Bakit mo ako tinitingnan? At parang hindi mo pa ginagalaw ang pagkain mo Nathan?"

"Huwag mo akong pansinin, kumain ka lang dyan......nakakatuwa ka kasing tingnan, ang sarap mong kumain....at isa pa ang gwapo mo pala.....pero mas gwapo parin ako sa iyo......"

Biglang namula't nahiya si Derick at hindi nalang nag react sa sinabi sa kanya ni Nathan at nagpatuloy sa pagkain.

"Tama ka nga Nathan, masarap ang pagkain nila dito"

"Sabi ko sa iyo, mura na! masarap pa....pero mukhang mas masarap ka!"

"Anong sabi mo?......."

"Wala! ang sabi ko, mas masarap kung lalagyan mo ng patis na may kalamansi"

"Ganun ba? Parang iba kasi ang narinig ko"

"Huwag mo nang pansinin iyon at kumain na tayo at kailangan ko pang bumalik sa station bago ako mag off duty, pero huwag kang magmadali... kumain ka lang diyan"

Nagpatuloy na ang dalawa sa pagkain at tila hindi muna nagpansinan para matapos na. Nang matapos kumain........

"Nabusog kaba Derick?"

"Oo naman......salamat ng marami Nathan"

"Naku....walang anuman, sigurado ka bang nabusog ka...."

"Oo naman....."

"Mabuti.....teka lang ha, magbayad lang muna ako" sabay tayo ni Nathan at tinungo ang cashier para bayaran ang kinain nila.....

"Tara.....ok na! San ka uuwi nyan? Gusto mo ihatid kita para siguradong safe ka...."

"Huwag na.....diba babalik ka naman ng station nyo dun sa park. Ibaba mo nalang ako doon sa kanto, yun may tawiran at stop light"

"Sigurado ka? Mukhang delikado doon at madalas may nahoholdap sa lugar na iyon"

"Ayos lang ako, tutal mag uumaga narin naman doon nalang ako mag aantay ng masasakyan pauwi"

"Saan kaba uuwi? gusto mo antayin mo nalang ako mag off duty tapos ako mismo maghahatid sa iyo"

"Huwag na.....sobrang abala na iyon sa iyo....doon nalang at sanay naman ako sa lugar na iyon at isa pa wala na silang mahoholdap sa akin....unless ipahubad nila itong mga suot ko" sabay tawa nito.....

"Loko.....Sige ikaw bahala....sakay kana, suot mo ulit itong helmet at kapit ng mabuti....."

"Yes.....sir!"

Kapansin pansin na biglang sumigla at sumaya si Derick. Hindi rin maitago ni Nathan ang kasihayan sa nakitang pagbabago sa kanina lang na tahimik at walang kibong kaibigan. Umaandar ang motor na parehas may ngiti sa labi ang bawat isa. Ngiti ng pasasalamat para kay Derick at ngiti naman ng kaligayan at nakatulong sa simpleng paraan para kay Nathan.

"Nathan, diyan nalang ako sa kanto ha....salamat ng marami"

"Sigurado ka, dito mo lang gusto magpahatid....pwede kitang ihatid mamaya, antayin mo lang ako....."

"Hindi na....Ok lang ako dyan, ihinto mo lang sa bandang gilid....." huminto ang motor sa kanto gaya ng napag usapan at tuluyan ng bumaba si Derick sabay abot ng helmet kay Nathan....

Pero tila may kakaibang nararamdaman si Nathan at hindi siya mapalagay sa lugar kung saan niya iiwan ang kaibigan....

"Ano....sigurado ka, ayos ka lang dito....ayaw mo ba talagang antayin nalang ako para maihatid kita"

"Ok lang ako Nathan....relax lang....bumalik kana sa station at malamang kanina kapa hinahanap matagal ka din nawala.....salamat ng marami....hanggang sa muling pagkikita" sabay yakap nito kay Nathan.....

"Teka lang.....tanggapin mo ito" sabay abot ng calling card at 300 pesos"

"Ano ito.....hindi ko matatanggap ang pera" habang pilit binabalik ang 300 pesos....

"Tanggapin mo yan....kung hindi magagalit ako....tapos may number ako dyan....text o tawagan mo ako anytime kailangan mo ng tulong.... Pangako! tutulong at darating ako para sa iyo...."

Hindi na napigilan ni Derick ang mapaluha at muling niyakap ang kaibigan.....

"Salamat sa iyo.....Maraming Salamat..."

"Walang anuman yun....huwag ka ng umiyak....mag ingat ka palagi at itxt mo ako kapag may pagkakataon ka"

"Sige....salamat! Lakad kana...."

Muling pinaandar ang motor ni Nathan at bago tuluyan makalayo isang sulyap ulit sabay kaway sa kaibigan ang kanyang ginawa. Isang pansamantalang pamamaalam muna at alam nitong magkikita pa naman sila.....

Habang nasa station si Nathan at nag aantay ng oras para makapag out na ito. Hindi maalis sa kanyang isip ang kaibigan at makailang beses itong napapangiti mag isa sa tuwing naaalala ang mukha nito at ang mga nangyari kanina......

"Hoy.....PO1 Alvarez.....mukhang in love ka yata at kanina ka pa nakatulala dyan at pangiti ngiti pa.... Sino ba ang bagong chicks natin dyan?" biro ng isang kasamahang pulis......

"Baliw! In love agad....huwag nga ako ang pagtripan mo....may iniisip lang ako" sagot naman nito.....

"Saan na kaya siya? Nakauwi na kaya siya? Iniisip din kaya niya ako gaya ng pag iisip ko sa kanya ngayon?...... Ano ba itong nangyayari sa akin.....haaay" bulong sa kanyang sarili......

Ilang minuto bago ito mag off duty, biglang nagkagulo ang mga kasamahang pulis sa station at tila may emergency nangyayari.....

"Anong meron bakit parang nagkakagulo kayo?" tanong nito sa isang kasamahang pulis.....

"Ang mga notoryos na holdaper nang biktima na naman. At iyon iniwang patay at puro saksak ang biktima"

"Saan nangyari ang holdapan at pananaksak? Kilala nyo na ba ang biktima?"

"Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki naka short at tshirt doon sa may kanto malapit sa stop light.....mukhang nasa edad 25 pababa, maputi at halatang anak mayaman. Ang sabi pilit daw inaagaw ang backpack na dala ng biktima pero naglaban ito kaya pinagsasaksak ito" kwento ng kasamahang pulis....

Biglang naalala ni Nathan si Derick na doon mismo sa lugar na iyon niya iniwan. Bumilis ang kabog ng kanyang dibdib at tila nanginginig ang buong katawan sa kabang nararamdaman. Dali dali itong lumabas at sumakay sa kanyang motor upang puntahan ang lugar na pinangyarihan ng krimen.

Nang marating nito ang lugar kung saan nangyari ang krimen at ang mismong lugar kung saan niya iniwan ang kaibigan. Tumambad sa kanya ang isang bangkay ng lalaki na natatakip ng itim na tela. Hindi nito agad nilapitan ang bangkay dahil sa kabang nararamdaman. Mula sa kinatatayuan pinagmasdan niya ito ng mabuti. Bigla nanlamig ang buo nitong katawan ng makita ang suot na sandals ng biktima. Hindi siya pwedeng magkamali at kay Derick ang sandals na iyon.

..........ITUTULOY

19 comments:

  1. mukhang ok,bilis sa next part..thanks

    ReplyDelete
  2. Ang sad nmn ng dulo ng story ang bigat sa damdamin sana buhay pa sya.

    ReplyDelete
  3. Ay ganun? patay agad si derick? pero teka? straight ba yung Pulis? so meaning? parang biglang naattract nalang yung PO1 nathan kay Derick?

    ReplyDelete
  4. Sana may next part ito Author. Tagal ko na din kasi hinihintay yung 'Ang Lalaki Sa Bintana'. Ganda ng story. Sana buhay pa si Derrick. Author, next part please. :) - Johnny

    ReplyDelete
  5. earl gerald mendozaApril 13, 2015 at 4:57 AM

    ...grabe ang bigat agad ng story.. next chapter na please..

    ReplyDelete
  6. gago ka Loop Kenon ikaw pala ang author ng Ang Lalaki sa Bintana sobra akong bitin dun gago ka nangilabot ako sa sobrang ganda. nasan na yung part 2 nun?!!!!!!
    Tapos eto naman putcha ang bigat parang kami yung nasa part ng pulis na sobrang nalungkot. Update kagad ng part2 pleaseeee gago kaaaaaa :'(

    ReplyDelete
  7. Shocks.... Grabe professional writer siguro itong si Author mahilig sa mga intense....
    Pati yung ang lalakr sa bintana.....
    Hahahaha XD
    Gusto niya tayo yung mag iisip ng karugtong ng story niya....
    Hahahaha XD

    ReplyDelete
  8. Narinig siguro ng mga holdaper si Nathan nung sinabi nya kay Derick na i-text na lang sya kung may kailangan pa sya. Nag-assume tuloy ang holdaper na may celphone (na mamahalin) si Derick since mukhang mayaman. Imbes na nakawan lang si Derick, sinigurado ng holdaper na patayin si Derick kung sakaling mamukhaan siya at magsumbong kay Nathan. Di ko alam kung sa Nathan may kasalanan ng pagkamatay niya pero baka yun ang isipin niya.

    ReplyDelete
  9. Haha lalaki sa bintana. Ung part 2 nun.
    Ganda p nmn. Update din sana yun ni author.

    ReplyDelete
  10. Woooh.....SALAMAT NG MARAMI sa magagandang comments nyo.....Guys......sensya na ha, delay ang update....nasira kasi CP ko at medyo busy sa work....pero don't worry ready na ang part 2 ng Lalaki Sa Bintana at Kapit Sa Patalim......sa payagan ni Admin na ma publish un dalawa next week....SALAMAT PO.....
    -Loop Kenon :)

    ReplyDelete
  11. Hi po Loop Kenon. Nagsusulat ka din pala dito sa KM? Kala ko doon ka sa "ibang" site. Gusto ko yung Ang Lalaki Sa Bintana, hanggang sa part 2 nabasa ko na :) Keep this up, bro! Btw, I have already followed you "there".

    ReplyDelete
  12. Next week pa?!!! Grabe tagal namaaaan!!
    Dapat mamaya na hehe kakabitin.. Kakakaba haizt hihintayin ko to hehe

    ReplyDelete
  13. Hoy author maawa ka naman huwag mo patayin sa storya si derick.. sana dumating na ang part 2

    ReplyDelete
  14. Hi author, sana mabasa ko din ung lalaki sa bintana.. kela ba un nalathala?

    ReplyDelete
  15. Author, nasan na yung continuation nito at ng 'Ang Lalaki sa Bintana'? Excited na ko eh! Hahaha! Sana mapublish na. Thanks Author.

    ReplyDelete
  16. Author, akala ko ba ready na yung part 2? Huhu! 😢😩 Anong petsa na, wala pa rin.

    ReplyDelete
  17. Author, anong petsa na? Wala pa rin po update sa part 2 nito at yung 'Lalaki sa Bintana'. 😢

    ReplyDelete
  18. May part2 ba ito? Interesting ung kwento kaso bitin

    ReplyDelete

Read More Like This