By: GoldenBoy26
Alas tres pasado ng hapon, sa Rose Garden. Mag-isa akong nagtungo dito dahil may problema akong iniisip. Actually, niyaya ako ng mga friends ko na gumala, mag-SM City Baguio daw kami tapos kumain, para mailayo ako kahit na isa o dalawang oras lang mula sa problema ko. At para mapag-usapan na din daw namin at baka sakaling makatulong sila. Na maayos ko namang tinanggihan kasi gusto ko nga talagang mapag-isa. So ‘yun nga, pagkatapos na pagkatapos ng klase namin, inayos ko na ang mga gamit ko, nagpaalam na ako sa mga friends ko (na puro babae, by the way), dumaan ako sa cafeteria para bumili ng kaunting pagkain (na wala din naman akong nakita dahil sa pagmamadali ko at napakaraming tao… medyo takot ako sa mga tao), tapos lumabas na ako ng campus at naglakad papuntang Burnham Park. Malamig, sobrang lamig. Malapit na kasing mag-Pasko eh. I’m just wondering kung kailan ba magpapasko dito sa Baguio, wala pa akong nakikitang Christmas decoration na naka-set up sa Session Road o ‘di kaya dito sa Burnham Park. Siguro epekto ng nagdaang bagyong Lando, halos hindi pa rin naaayos ang SM eh. Pero decorated na ito. Napabuntunghininga ako. Feeling ko dapat masaya ako dahil magpapasko na, favourite holiday ko ito, pero hindi kasi nga may problema ako ngayon, at hindi ko alam kung paano ito masosolusyunan. Biglang humangin nang mayumi. May araw pa – actually, maganda ang sikat nga raw ngayon, ansarap damhin sa aking balat, pero talagang malamig na kaya mas natatalo pa rin ang init. Kapag ganitong malamig, talagang hihilingin mo na sana umaraw nang maayos kahit na isang oras lang tapos tatanggalin mo lahat ng suot mo. Ansaya noon, pero hindi pwede, napaka-eskandaloso, baka masita pa ako o kaya makunan ng video tapos makikita ko na lang ang sarili ko online nang hubo’t hubad, nakakahiya naman. Kaya naman niyakap ko na lang nang sobrang higpit ang sarili ko, at mas mahigpit pa, baka sakaling mawala din ang lamig na ito.
Hi! Ako nga pala si Zeus, 20 years old, college student dito sa Baguio, pero taga-Norte talaga ako, dito ko lang talaga gustong mag-aral. Sa physical characteristics, uh, olats talaga ako, walang-wala ako. Hindi naman ako katangkaran, mga 5’7” lang, payat sa timbang na 128 lbs., tisoy siguro pero wala, hindi talaga ako guwapo, promise, normal lang, pero hindi normal sa marami. Guwapo naman daw talaga ako, kaso lang parang ‘yung kaguwapuhan ko daw ay uso pa noong 70s or 80s, in short, laos na o kaya baduy lang talaga akong mag-ayos. Pero higit sa lahat, bading talaga ako, nagkakamaling magkagusto sa mga babae minsan pero bading talaga, bakla, badaf, shokla, vakler, etc.