By: GoldenBoy26
Alas tres pasado ng hapon, sa Rose Garden. Mag-isa akong nagtungo dito dahil may problema akong iniisip. Actually, niyaya ako ng mga friends ko na gumala, mag-SM City Baguio daw kami tapos kumain, para mailayo ako kahit na isa o dalawang oras lang mula sa problema ko. At para mapag-usapan na din daw namin at baka sakaling makatulong sila. Na maayos ko namang tinanggihan kasi gusto ko nga talagang mapag-isa. So ‘yun nga, pagkatapos na pagkatapos ng klase namin, inayos ko na ang mga gamit ko, nagpaalam na ako sa mga friends ko (na puro babae, by the way), dumaan ako sa cafeteria para bumili ng kaunting pagkain (na wala din naman akong nakita dahil sa pagmamadali ko at napakaraming tao… medyo takot ako sa mga tao), tapos lumabas na ako ng campus at naglakad papuntang Burnham Park. Malamig, sobrang lamig. Malapit na kasing mag-Pasko eh. I’m just wondering kung kailan ba magpapasko dito sa Baguio, wala pa akong nakikitang Christmas decoration na naka-set up sa Session Road o ‘di kaya dito sa Burnham Park. Siguro epekto ng nagdaang bagyong Lando, halos hindi pa rin naaayos ang SM eh. Pero decorated na ito. Napabuntunghininga ako. Feeling ko dapat masaya ako dahil magpapasko na, favourite holiday ko ito, pero hindi kasi nga may problema ako ngayon, at hindi ko alam kung paano ito masosolusyunan. Biglang humangin nang mayumi. May araw pa – actually, maganda ang sikat nga raw ngayon, ansarap damhin sa aking balat, pero talagang malamig na kaya mas natatalo pa rin ang init. Kapag ganitong malamig, talagang hihilingin mo na sana umaraw nang maayos kahit na isang oras lang tapos tatanggalin mo lahat ng suot mo. Ansaya noon, pero hindi pwede, napaka-eskandaloso, baka masita pa ako o kaya makunan ng video tapos makikita ko na lang ang sarili ko online nang hubo’t hubad, nakakahiya naman. Kaya naman niyakap ko na lang nang sobrang higpit ang sarili ko, at mas mahigpit pa, baka sakaling mawala din ang lamig na ito.
Hi! Ako nga pala si Zeus, 20 years old, college student dito sa Baguio, pero taga-Norte talaga ako, dito ko lang talaga gustong mag-aral. Sa physical characteristics, uh, olats talaga ako, walang-wala ako. Hindi naman ako katangkaran, mga 5’7” lang, payat sa timbang na 128 lbs., tisoy siguro pero wala, hindi talaga ako guwapo, promise, normal lang, pero hindi normal sa marami. Guwapo naman daw talaga ako, kaso lang parang ‘yung kaguwapuhan ko daw ay uso pa noong 70s or 80s, in short, laos na o kaya baduy lang talaga akong mag-ayos. Pero higit sa lahat, bading talaga ako, nagkakamaling magkagusto sa mga babae minsan pero bading talaga, bakla, badaf, shokla, vakler, etc.
(sorry sa kabadingan diyan na maaaring ma-offend sa aking mga sinabi). Pero bakla talaga ako, at sana daw naging babae na lang daw ako. I don’t know, nasasarapan ako sa pagiging ganito pero ayoko naman ‘yung umabot pa ako sa puntong magcro-cross-dress ako, iba na ‘yun, at ayoko nun. Never pa akong nagka-boyfriend, although nagkakagusto ako sa lalaki, bakla nga ako ‘di ba? So anyway, masyado na akong maraming nasabi, marami pa siguro kayong malalaman tungkol sa akin as I go on with this story but in the meantime, diretso na tayo sa ‘mahaba-haba’ kong kuwento para ‘di kayo ma-bore…
So ‘yun nga, nung araw na iyon, pakiramdam ko talaga pinagsukluban ako ng langit at lupa dahil sa problema ko. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Ipaglalaban ko ba iyon o hindi? Ipipilit ko ba na tama ako at siya ang nagkamali o papabayaan ko na lang na mangyari iyon, na ganun na iyon at wala na akong magagawa, na sa huli, talo na ako. Gusto ko na talagang umiyak, sobrang naninikip na ang dibdib ko, kaso nakakahiya naman sa mga tao dito, andami pa naman, baka sabihin nababaliw na ako. Pero talagang mababaliw na ako! Hindi ko matanggap, HINDI TALAGA!
So ‘yun nga, sobrang daming tao sa Burnham kaya pumunta na lang muna ako dito sa Rose Garden, at dito na lang ako nag-emote. I know na namumula na ang mukha ko at ang mata ko dahil sa emotion at luha na pinipigilan ko. Masakit na eh. Pero tiis, tiis-tiis nang kaunti. Kailangan ko lang siguro talagang mahanginan para gumaan ang pakiramdam ko. At para nga mapagaan ang pakiramdam ko, nagpunta ako sa isa sa mga pinakapaborito kong punto sa Rose Garden – ang fountain areas. Tatlo iyon kaya mamimili lang ako kung saan ako pupunta, at napagpasyahan ko na pumunta doon sa isa na malapit sa bukana ng Rose Garden.
Pagdating ko doon, pinanood ko ang mga tubig na nagtataas-baba sa semi-circle na motion. Ansarap panoorin, feeling ko minamasahe ako. Maya-maya, naramdaman ko na lang na may tao na sa tabi ko. Hindi ko muna pinansin, pero nung naramdaman ko na palapit na siya nang palapit, lumingon na ako. Hindi ko makita ang mukha niya dahil sa hoodie na suot niya, tapos nakapamulsa ang kamay niya sa kupas at medyo maluwag na denim jeans, tapos naka-Converse shoes siya mukhang dalawa o tatlong taon na niyang ginagamit dahil sa sobrang kalumaan, at naka-Jansport bag siya na, well, sobrang luma na din. Mukha siyang pulubi, at mandidiri na dapat ako kasi alam ko na hindi maganda ang amoy na masasagap mo kapag may mga pulubing nakapaligid sa iyo, pero contrary sa akala ko, mukha siyang presko at mabango. Hindi ko na lang pinansin at ibinalik ko ang attention ko sa fountain. Maya-maya, naramdaman ko na dumaan siya sa likod ko, akala ko aalis na siya pero lumipat lang pala sa kaliwa ko. Hindi ko ulit iyon pinansin pero nung dumaan ulit siya sa likod ko at naramdaman ko na parang dumampi ang hindi ko alam sa aking likuran, bigla akong kinilabutan at naisip, “BAKA SNATCHER SI KUYA!” Chineck ko ‘yung bag ko, ang mga bulsa ko, lahat, at nung nasiguro ko na walang nawawala, umalis na agad ako nang walang lingun-lingon. Pumunta ako sa isang fountain, ‘yung lumalabas mismo ‘yung tubig mula sa concrete pavement tapos medyo umiilaw-ilaw pa ng green, red, blue, o sabay-sabay sila. Natutuwa ako dahil sa mga batang naglalaro, tapos ‘yung mga turista siguro na nagpi-picture sa harap ng fountain. Gumagaan na ulit ang loob ko dahil sa tunog ng tubig na bumabagsak sa semento. Inilibot ko ang tingin ko sa mga tao sa palibot ng fountain, at nagulat ako dahil nakita ko na naman ‘yung lalaki na nakita ko kanina, naka-hoodie pa rin at nakayuko, parang papunta sa akin. Bigla akong kinabahan, naisip ko na baka hindi lang siya snatcher o magnanakaw, baka mamamatay tao din siya. Umalis agad ako mula sa fountain na iyon, at naglakad-takbo papunta sa likuran ng liwaliwan na iyon. Baka naman hindi niya na ako masusundan, naisip ko. Nang sa tingin ko nga wala na siya, napabuntunghininga ako sa galak. Naupo ako sa isa sa mga upuan doon, at dahil nga nag-iisa na naman ako, naalala ko na naman ang problema ko. Naalala ko ang lahat. Bakit kaya ganun? Ibinigay ko naman ang lahat, nag-exert ako ng maraming effort para lang doon, sa kanya, nagpupuyat na ako gabi-gabi, hindi kumakain at hindi naliligo para maibigay ko ang lahat, para wala siyang masabi. Inuuna ko na siya, pero sa huli, kulang pa rin pala, hindi pa rin pala sapat lahat ng ginawa ko. At ngayon nga, ngayon…
Nandito na naman ako sa pakiramdam na ito na sumasakit ang lalamunan ko, naninikip ang dibdib ko, at feeling ko tutulo na ang luha ko nang may marinig akong nag’ehem’ sa tabi ko. Paglingon ko, SI KUYANG NAKA-HOODIE NA NAMAN! Sa gulat ko, samahan pa ng inis at pagka-buwisit, bigla ko siyang nakumpronta. Hindi ko ito ginagawa pero bahala na, bahala na kung bigla niya akong susuntukin o lalagyan ng gripo sa tagiliran, bahala na kung may mga kasama pala siya at bigla akong pagtulungan na bugbugin, besides, wala naman nang silbi ang buhay na ito, wala na… kaya nasigawan ko si kuya.
“ANO BA ANG PROBLEMA MO, KANINA MO PA AKO SINUSUNDAN, MAGNANAKAW KA BA?! SNATCHER?! IF SO, SORRY, WALA KANG NAKUKUHA MULA SA AKIN, WALA AKONG PERA, DUKHA LANG AKO, BARYA-BARYA LANG ANG IBINABAYAD KO PARA MAKAPAG-ARAL, WALANG IPHONE O HIGH-END PHONE NA PWEDENG MANAKAW, WALANG MAKAPAL NA WALLET NA PWEDENG MAKUHA, WALA! ANO NANG GUSTO MO? OKAY LANG, SIGE, PATAYIN MO NA AKO, TUTAL WALA NAMAN NANG MANGYAYARI SA AKIN NGAYON, WALA NA AKONG BUHAY!”
Biglang tinanggal ni kuya ‘yung hoodie niya at hinarap akong, mukhang nabigla sa sinabi ko.
“Hindi naman, hindi ako magnanakaw, wala akong masamang –“
“ANONG WALANG MASAMANG ANO?! KUNG HINDI KA MAGNANAKAW, ANO KA? NAGHAHANAP KA NG MAI-INVITE PARA SA NETWORKING?! IBI-BIBLE STUDY MO AKO?! ANOOOO???” ang naisagot ko naman. Sobrang inis na inis na talaga ako noon.
Nang medyo humupa ang inis ko, napatingin ako sa paligid, may mga nakatingin. “Sh*t, nakakahiya, buwisit kasi,” ang naibulong ko sa sarili ko. Bigla akong tumalikod at tumakbo paalis, nakakahiya talaga, nakakainis.
“Wait, sandali!” ang narinig kong sigaw mula sa likod ko.
Hindi ko na siya pinansin, wala na akong pakialam. Naghanap ako ng pwedeng maupuan sa Burnham, ‘yung malayo sa Rose Garden, ‘yung walang makakakita sa akin, pero mukha yatang minamalas talaga ako, wala akong mahanap. ‘Yung natitirang bakante na nakita ko, ‘yung malapit pa sa trash bin, tapos medyo open pa, makikita ako ng mga tao sa page-emote ko. At hindi ko na din mapigilan ang luha ko dahil sa pesteng kahihiyan, kainisan at problema. Yumuko na lang ako, at tahimik na humikbi. Tiningnan ko ang paligid, maraming mag-jowa na naglalakad-lakad, magkahawak-kamay, masayang nag-uusap, naghahalakhakan, naglalambingan. Bigla na naman akong inatake ng kalungkutan dahil nandito ako, may problema at nag-iisa, walang makausap, walang karamay. At bigla, napalakas nang kaunti ang paghikbi ko. Nakakainis talaga! At mukha namang may mga nakakarinig sa akin dahil may mga naririnig akong bulungan.
“Huy, umiiyak si kuya, kawawa naman, siguro brokenhearted.”
“Sayang, ang guwapo pa naman, sino kaya ang nanakit sa kanya?”
“Nabasted siguro ng nililigawan.”
“Aluhin mo nga, kawawa naman.”
‘Yan ang mga naririnig ko. Pero wala na akong pakialam. Bahala na. Niyakap ko nang mahigpit ang sarili ko dahil sa lamig, at napaisip ako, may mga tao pa rin pala na may pakialam sa iba kahit na city ito and supposedly, walang pakialaman.
Nagpatuloy lang ako sa tahimik na pag-iyak nang biglang may makita akong panyo na inaalok sa harapan ko. Nag-aalangan akong tanggapin kasi, well, hindi ako sanay. Hindi ko rin matingala ang taong nagbibigay sa akin kasi nahihiya akong ipakita na umiiyak ako. Hindi ko rin mapansin ang features niya dahil malabo talaga ang paningin ko dahil sa luhang namamalisbis mula sa aking mga mata. Mas idinukdok niya pa ang panyo sa harap ko, as if ipinipilit niya sa akin iyon. Ayaw ko talaga sanang tanggapin pero ambango ng panyo, sobrang bango na talagang parang gumagaan ang pakirmdam ko sa amoy. Pakiramdam ko inaalo ako. Dahil nahihiya naman akong tumanggi, tinanggap ko na at pinunasan ang mga mata ko. Nang medyo mas malinaw na ang paningin ko, napansin ko ang pamilyar na pares ng Converse shoes, at bigla ko itong tiningala.
“Ikaw na naman?! Paano mo ako nahanap? Makulit ka rin talaga ‘no?” ang nasabi ko na lang.
“Hep, chillax bro, sobrang puti mo tapos puro puti pa ang suot mo, kaya madali kitang nakita at nahanap, at saka wala akong planong masama sa iyo, it’s just that –“
“What? What do you want?” ang patutsada ko.
“Wala lang, naaawa lang ako sa iyo, mukha kasing may problema ka eh,” ang sagot niya.
Hindi ako makasagot. Mukhang concerned lang naman pala ang tao, sinungitan ko pa. Tinitigan ko siya. Guwapo si kuya, matangkad, mukhang batak ang katawan. Ang mga mata, maliliit, pero hindi naman singkit, in fact, mukhang inaantok na ewan, pero parang nakangiti palagi. Makakapal ang kilay, May nunal sa kaliwang pisngi. Goatee, at mukhang bagong ahit ang balbas at sadyang iniwan ang goatee niya. Moreno. Maninipis na labi, na medyo nagingitim, “…naninigarilyo siguro si kuya.” Maya-maya, bigla siyang ngumiti, ang ngiti na biglang nagpatigil ng buong mundo ko. Mapuputi at pantay-pantay ang mga ngipin niya, mapula ang gilagid. In short, guwapo nga talaga si kuya. “Kamukha ni, kamukha ni…”
“O, napatigil ka na diyan, may problema ba?” ang sabi niya. At sa lalo niya pang pagngiti, napansin ko na may biloy din pala siya sa kaliwang pisngi, medyo malalim. “Sheeeeet…”
“Uh, wala naman, o, heto na ang panyo mo, salamat.”
At napayuko ako. Pero hindi pa rin siya umaalis kaya tiningala ko ulit siya. Nakangiti pa rin siya, at sobrang naiinis ako kasi ang cute niya.
“Ahm, pwede bang makiupo, kanina pa kasi ako nakatayo dito eh, nangangawit na ako.”
Bigla akong nahiya sa sarili ko. Where are my manners? Dahil sa problema ko, hindi ko na siya inalok na maupo. Pero medyo hindi pa rin kasi ako nagtitiwala eh, so…
“Sige, maupo ka, sorry, hindi ko naisip ‘yun.”
“Okay lang, hehe. I’m Kenneth nga pala, ikaw?” at inabot niya ang kamay niya sa akin, for handshake.
Sa una, ayokong tanggapin ang kamay niya. Medyo maarte ako eh, pero sige na nga, para hindi mapahiya si kuya.
“Zeus,” at inabot ko ang kamay niya.
“It was nice meeting you, Zeus, finally.” Hinigpitan niya ang hawak sa kamay ko at shinake ito, at hinawakan niya pa nang mas matagal ang kamay ko.
“Yeah, it was nice to meet you, too. Now, can I have my hand back?”
“Ay, oo nga pala, sorry, ansarap kasing hawakan ng kamay mo, anlambot, haha.”
“Hmp, nambola ka pa. Manyak!”
Tumawa lang siya. Ansarap pakinggan ng boses, malalim, buo, parang musika sa aking pandinig, nanunuot sa bawat himaymay ng diwa ko. Maya-maya, tinanggal niya ‘yung hood niya at ‘yung bonnet na suot niya. Semi-kalbo pala siya. Hindi pa siya nakuntento, tinanggal niya na ang buong jacket niya, mukhang nainitan. Pagkatanggal niya ng jacket niya, humampas sa mukha ko ang singaw ng katawan niya. Pumuputok ang mg braso niya at dibdib sa suot niyang V-necked shirt, bumabakat din ang nipples. Amoy pawis, lalaking-lalaki ang amoy. Medyo nahilo ako dahil hindi ako sanay sa amoy. Pagkatapos nun, nilingon niya ulit ako at nginitian.
“O, natigilan ka na naman diyan bro,” ang sabi niya sa akin nang nakangiti.
“Nagulat lang ako sa, uh, hampas ng singaw ng katawan mo sa akin, mainit at…”
“Mabango?”
“Hindi, nahilo ako so sa tingin ko hindi.”
“You mean, may body odour ako?”
“Hindi naman, amoy pabango siya, pero ‘yung pabango na hindi ko gusto.”
“Ah, ganun ba? Sorry. Pero okay lang, may karapatan kang husgahan ang amoy ko, sobrang bango mo eh, ano ang pabango mo?” tanong niya.
“Uh, hindi ako nakapabango ngayon, walang time mag-ayos,” ang sagot ko.
“Ikaw pa ang hindi nakapabango niyan? Yabang ah! At ikaw pa ang hindi nakaayos niyan? Ang guwapo-guwapo mo nga eh…”
Hindi ko alam pero pakiramdam ko namula ako. Dahil sa sinabi niya. At naiinis na naman ako. Grrr!
“Yieee, namumula siya, nagblu-blush, hahaha!” ang pang-aasar niya sa akin.
“Ako? Hindi ‘no, at ano bang pakialam mo? Close ba tayo?” ang sagot ko.
“Ito naman, hindi na mabiro. Pero okay lang, ang guwapo mo kapag nagblu-blush. Tisoy ka kasi eh.”
“Duh? Pwede ba? ‘Wag mo akong bolahin, ang mukhang ito na puno ng tigyawat, guwapo? Nagpapatawa ka ba?”
“Sige lang, mainis ka pa, mas lalo kang namumula, mas nagiging cute ka. At wala ka naman nang mga pimples eh, acne marks or pimple marks lang iyan, which is bagay naman sa iyo, mukha ka lang teenager na tadtad ng freckles sa mukha. Ang cute!” at akma niya na sanang pipisilin ang pisngi ko.
“Tumigil ka nga, nakakadiri ka!” ang tangi kong naisagot.
“So, ano ang problema mo? Bakit ka umiiyak?” ang tanong niya.
“Wow, close friend ba kita para ikuwento ko sa iyo? Parang kakikilala ko lang sa iyo ah!” ang sagot ko ulit.
“Ito naman, ang sungit-sungit mo naman. May dalaw ka ba? Grabe, nagmamalasakit lang naman ‘yung tao eh.” At bigla siyang yumuko na para bang nalulungkot.
Naiinis ako sa kaartehan ng isang ito, pero nakonsensya din ako kasi nga mukhang nagmamalasakit lang siya. Nasobrahan yata ako sa kasungitan.
“Sorry. Sorry talaga, medyo problemado lang kasi talaga ako.”
“Okay lang. So, ikuwento mo na ah! Tungkol saan ba? Love life? Binasted ka ng nililigawan mo? Brineak ng girlfriend mo?” ang sunud-sunod niyang tanong.
“Okay, hold your horses, dude! Isa-isa lang, mahina ang kalaban. Anyway, alam mo ‘yung pakiramdam na ibinigay mo na ang lahat, puso mo, katawan mo, kaluluwa, tapos sa huli, wala naman pala, wala kang mapapala? Minahal ko siya, sobrang minahal. Isinantabi ko ang lahat para sa kanya, tapos hindi niya pala mare-reciprocate ang nararamdaman ko.”
“Ibinigay ko ang lahat, sex ang hanap niya? Ibinigay ko. Pera? Wala ako nun pero sige, ginawan ko ng paraan. Oras? Okay lang din, para masaya lang siya. Siya ang nakauna sa akin, tapos ginanito niya ako,” dagdag ko pa.
“Sorry, sana hindi ko na lang pala tinanong sa iyo, you must be really hurt. Okay lang iyan, maraming babae sa mundo, hindi siya ang natatangi. At hindi naman ikaw ang nawalan eh, siya. Tingnan mo nga ang pinakawalan niya,” tapos ngumiti siya.
“Hindi babae, sa lalaki ko nawala ang lahat,” sagot ko.
Bigla siyang napanganga at napadilat talaga siya ng mata. Mukhang nabigla siya. Sa anong dahilan, hindi ko alam…
“Ibig mong sabihin, bakla ka?” tanong niya na talagang manghang-mangha.
“Uh, yeah? Bakit, hindi mo pa rin alam hanggang ngayon? Ang hina ng gaydar mo ah! Pero kung naa-awkward-an ka na, okay lang kung iiwan mo na ako, I don’t want you here in the first place” patutsada ko.
“Wala lang, natatawa talaga ako, sa ayos mo, sa kaguwapuhan mong iyan, bakla ka? Seryoso ka? Sayang naman, sayang ang lahi mo, lalaki din pala ang hanap mo. At, hindi naman ako nawe-weirduhan, okay lang, marami din naman akong kilala at kaibigang bakla kaya okay lang,” ang sabi niya.
“Well, ganyan talaga eh, wala akong magagawa. At hindi nga ako guwapo, kulit?” sagot ko.
“Oo na, sige na, maganda na lang, hahaha. Pero kapag naging babae ka, maganda ka rin siguro, sexy mo eh,” sabay kindat niya.
“Manyak ka talaga,” ang naisagot ko na lang.
“So, ano ang pakiramdam ng may, alam mo na, ‘yung nakikipag-sex sa kapwa lalaki? O ‘yung namb-BJ? Masarap ba? Masakit? Guwapo din ba siya?” ang tanong niya.
Natahimik lang ako. Sobrang tawang-tawa na ako dahil sa mga tanong niya pero pinigilan ko na lang. Kung alam lang niya…
“Um, sorry, hindi ko sinasadya na tanungin ka pa tungkol sa kanya. ‘Wag kang iiyak, okay?” ang sabi niya.
At dahil sa sinabi niya, hindi ko na napigilan ang sarili ko, napabunghalit na ako ng tawa. Siya naman, nagtataka sa inasta ko.
“O, bakit ka natawa?” ang tanong niya.
“Wala lang, nakakatawa ka kasi, nakakatuwa ang mga reactions mo, for once, nakalimutan ko ang mga problems ko. Anyway, joke lang iyon, never pa akong nagkaroon ng boyfriend, nagkaroon ng manliligaw pero, well… nagkaroon ng girlfriend, once (actually, nakalimutan kong sabihin ito pero totoo, promise). After nun, wala na. Pero totoo, bakla ako. At iba talaga ang problema ko,” ang sabi ko, at itinuloy ko ang pagtawa.
Nakakunot naman ang noo niya dahil sa naloko ko siya. O kaya dahil sa hindi niya tanggap na naloko ko siya.
“Alam mo kung ano talaga ang problema ko? Mababa ang nakuha ko sa exam sa isang subject ko eh, masama lang ang loob ko dahil baka hindi na ako makakuha ng mataas na grade sa subject na iyon. Ibinigay ko ang lahat, sobra-sobra ang effort na ibinigay ko, tapos ganun lang?” ang sabi ko na medyo naiiyak-iyak na naman.
“Ah, okay, okay, mga High School student talaga, sobrang grade conscious, grade lang iyan, okay lang iyan,” ang sabi niyang nakangiti.
Biglang kumunot ang noo ko, hindi dahil sa sinabi niya na ‘grade lang iyan’ kundi sa ‘mga High School student talaga’.
“Uh, wait lang dude huh, excuse me? Sinong nagsabi na High School ako? College na po ako,” ang sagot ko.
“Totoo? College ka na? You look so young to be a college student, really. So, first year college?” ang sabi ni Kenneth na manghang-mangha.
“No, senior na ako, 20 years old,” ang sagot ko.
“Wow, e ‘di wow talaga. Ikaw na. So huhulaan ko, taga-UB ka ‘no?”
“Actually, no din, ang hina mong manghula. Taga UP Baguio ako,” ang sagot ko nang nakangiti.
“Wow, taga-rival school ka pa pala. Matalino!”
“Bakit, saan ka ba nag-aral?”
“Architecture ako sa SLU, 4th year,” ang sabi niya.
“Ikaw, anong course mo?”
“Language and Literature (yes, iyan ang course ko sa UP naming mahal. Nakakahiya dahil napaka-walang kwenta kong sumulat).”
“Ah, so magtuturo ka?” ang tanong niya.
“Bakit ba ganyan kayo? Kapag Language ang Literature lang ang course, magtuturo agad?” ang medyo asar kong sagot.
“Okay, sorry na, so anyway, bakit masama ang loob mo sa grade mo? May mali ka? Naka-tres ka? What?” ang pangungulit niya pa rin.
“Uh, hindi naman, pero masama lang ang loob ko kasi uno ang grade ko palagi doon eh, tapos biglang may 1.25 ako, nakakasama lang ng loob,” ang nakasimangot kong sagot.
“Pucha, iniiyakan mo ang 1.25? Ako nga maipasa ko lang ang mga exams ko, masaya na ako eh. Hayop talaga, eh ‘di kayo na! Mga taga-UP talaga, hahaha!” ang nakatawa niyang sagot.
“Sige lang, tawanan mo lang akong buwisit ka, kainis, sabi na eh, dapat hindi na ako sa’yo nagwento,” ang inis kong sabi, pero maya-maya, nakitawa na din ako.
Alas-singko na, at nag-uumpisa nang magdilim pero nandoon pa rin kami sa upuan na iyon, parang mga timang na nagku-kuwentuhan at nagtatawanan. Medyo niyayakap ko na rin ang sarili ko dahil gumiginaw na. Napansin niya yata ito kaya ibinalot niya sa akin ang jacket niya na medyo malaki.
“O, giniginaw ka na, baka sipunin ka, isuot mo muna ang jacket ko.”
“Naku, ‘wag na, nakakahiya naman sa iyo, ikaw dapat ang mag-jacket, baka giniginaw ka.”
“Hindi ako giniginaw, kaya nga ibinibigay ko sa iyo ang jacket ko ‘di ba?” ang nakatawa niyang pamimilit.
Tinaggap ko na lang ang jacket niya. Sa totoo lang, kinilig ako sa act of chivalry niya. Pero mas kinilig ako noong niyakap niya ako. Ayoko ang amoy ng pabango niya pero gusto ko ang init na nararamdaman ko kaya pinabayaan ko na lang. Hindi ko na lang nilagyan ng malisya kasi alam ko naman na lalaking-lalaki siya, wala lang sa kanya ‘yung ginagawa niya sa akin.
Nung medyo nagdilim na, tumayo na kami, nagugutom na din ako. Niyaya niya akong kumain sa pinakamalapit na Jolibee, sa Harrison, pero sabi ko mag-fishball na lang kami kasi wala akong pera noon. Namilit na naman siya (bakit kaya ganun ang mga lalaki, mapilit?) pero hindi niya ako napilit kaya nag-fishball na nga lang kami, ‘yung malapit dun sa Danes sa Lower Mabini. Nang matapos kami, naglakad-lakad kami sa Harrison, tapos pumasok sa Melvin Jones Grandstand, wala na kasing masyadong tao doon noon. Kwentuhan, tawanan, hanggang sa magpasya akong umuwi na dahil gabi na.
“Salamat talaga sa pangungulit mo, Kenneth, nag-enjoy ako, sobra. Biruin mo, sinusungitan lang kita nung umpisa, ikaw pala ang magpapasaya sa akin,” ang sabi ko sa kanya.
“Walang anuman, nag-enjoy din ako, nakakatuwa kang bata, hahaha,” ang sabi niya.
“Bata ka diyan, baka nga ka-edad lang kita eh, peste ‘to. O siya, uuwi na ako, see you again, someday, one day,” ang sabi ko.
Hindi ko alam pero parang lungkot ‘yung nakita kong emotion sa mata niya noong nagpaalam na ako.
“Yeah, sige, see you someday, one day. Na-enjoy ko talaga ang gabing ito, I’ve never been so happy in my life,” ang sabi niya nang nakangiti. “Ihatid na kita sa inyo, gusto mo?”
“Naku, huwag na, nakakahiya naman sa iyo. Taga-Engineers Hill lang naman ako,” ang pabebe kong sagot.
“Sige na, kahit na hanggang SM na lang,” ang pangungulit pa rin niya.
“Hindi na talaga, okay lang,” ang sabi ko, “bye Kenneth.”
Nakatayo lang ako. Nakatayo din siya. Naghihintay kami at nagpapakiramdaman kung ano ang gagawin ng isa’t isa. Sa huli, tumalikod na lang ako at inumpisahan ang paglalakad. Lakad, tapos lakad pa. Gusto kong lumingon pero pinigilan ko ang sarili ko. Noong paakyat na ako sa stage, hindi ko rin natiis at lumingon ako, pero wala na siya. Nalungkot ako, sa totoo lang. Pero ganun nga siguro talaga. Ang tanga ko lang kasi hindi ko man lang hiningi ang number niya, hindi niya rin hiningi ang number ko. Sayang talaga, sayang. Pero okay lang, hayaan mo na.
Nakaakyat na ako ng stage at nakalabas na ako ng grandstand. Naalala ko ang moment namin ni Kenneth, at napangiti ako. Hindi ko namamalayan, may luha na palang naglandas sa aking pisngi. Nagtaka ako kasi bakit ko iiyakan ang isang tao na isang beses ko pa lang nakita at nakilala? Nah, baka bumalik lang ulit ang problema ko.
Nakatayo ako noon sa harap ng grandstand, iniisip ko kung itutuloy ko pa ba ang pag-uwi o babalik na lang ako sa Burnham para mag-emote. Mga lima, sampung minuto din ang lumipas, at hindi talaga ako makapag-decide. Nang napagpasyahan ko na umuwi na lang at inumpisahan ko na ang paglalakad, may matigas at mabigat na kamay na biglang humawak sa balikat ko, at nung lumingon ako…
Niyakap niya ako. Hindi ko namalayan ang lahat pero nahuli ko na lang ang sarili ko na binabalot ng dalawang matitipunong bisig. Feeling ko nasa ulap ako, parang naging magaan ang lahat, gumaan ang pakiramdam ko. Hindi ko alam kung pinagtitinginan na kami ng mga tao pero nakakahiya man, wala na akong pakialam. Pagkatapos ng ilang minuto, kumalas na ako sa pagkakayakap sa kanya kahit na parang ayaw niya pa. Tapos hinawakan niya ang magkabila kong pisngi.
“Hindi ko kayang umuwi nang hindi kita nayayakap. Ilang minuto pa lang ang nagdaraan pero miss na miss na kita agad. Hindi ko man lang nakuha ang number mo. O Zeus, parang hindi ko kayang umuwi, knowing na hindi na kita makikita ulit, o maaaring hindi na kita makitang muli. Kaya kinailangan kitang habulin at yakapin, nagbabakasakali ako na makikita pa kita. Hindi naman ako nabigo. Thank God I found you,” at muli niya ulit akong niyakap.
Wala akong masabi noon, siguro dahil sa tuwa.
“Umiyak ka na naman ‘no? Na-miss mo ako?” ang pang-aasar niya.
“Hindi ah, naalala ko lang ulit ‘yung problema ko,” ang sabi ko.
“Weh, sinungaling!” sabi niya, “pero seryoso, bakit ka nga umiyak?”
“Uh, nalungkot lang din ako kasi naisip ko na baka hindi na kita makita ulit. Pero okay lang, ‘cause I thought this is one of the best nights of my life,” ang sabi ko.
“O siya, sige na, tama na ang drama. I-type mo nga dito ang number at Facebook name mo, itetext kita at ia-add. I-accept mo ah? At sumagot ka sa mga text ko,” ang sabi niya pagkalabas ng phone niya.
“Wow ah? Demanding much? Sige na, akin na nga,” at kinuha ko ang phone niya para i-type ang mga detalye ko.
Nagyakap ulit kami bago kami tuluyang maghiwalay. Masaya ako kasi may nahanap akong bagong kaibigan. May maichichika na naman ako sa mga friends ko. Bahala na kung magselos na naman ang iba, hahaha! Masaya ako kasi may panibago akong ‘boy friend’, someone na tanggap ako kahit na sino pa ako o ano ang oryentasyon ko. ‘Yung grade ko naman, nakalimutan ko na ‘yun, sabagay, sigurado namang 1.0 din ang magiging grade ko sa subject na iyon.
Masaya akong naglalakad at nung nasa SM na ako, may natanggap akong text. Unknown number.
“Zeus, masaya talaga ako na nakilala kita, sana pwede ka sa Linggo o anumang araw next week, kita ulit tayo.”
Wala akong load kaya hindi ko siya nasagot. Sasagutin ko siya kapag nakapagpa-load na ako. Ibinulsa ko na lang ang mobile ko at itinuloy ang paglalakad ko. Pakiramdam ko magiging masaya ang pagtatapos ng year 2015 ko.
Maya-maya, nag-vibrate na naman ang phone ko at nakita ko na iyon ulit ang numero na nagtext.
“Hindi ko talaga alam pero, pero…”
Pagkalipas ng ilang segundo, “Akala ko noon kilala ko ang sarili ko, na alam ko kung ano ang gusto ko, pero ngayon parang nalilito ako.”
At maya-maya, “May gusto akong sabihin sa iyo…”
At biglang may tumawag sa phone ko. Iyon pa rin naman ang number, at alam kong si Kenneth iyon kaya sinagot ko.
“Hello?”
“Hi, don’t freak out. This may sound so absurd pero…”
“Pero ano?”
“…mahal na kita.”
-wakas-
No comments:
Post a Comment