Pages

Sunday, April 17, 2016

Tales of a Confused Teacher (Part 12)

By: Irvin

“Tawagan natin sila sir, pasundo tayo.” Tama naman yung naisip niya pero nang maalala ko naiwan ko ang cell phone ko sa tent, dahil hindi ko naman alam na mapapalayo kami ng ganon.  Wala akong memorize na number ng mga kasama namin kaya kahit may cellphone si Kenn wala din kaming magawa. 

“Sir paano iyan, parang papadilim na po  oh, paano tayo makakabalik sa kanila?” nag-aalala niyang tanong.

“Bahala na, basta hanapin natin ang daan pabalik sa campsite, talasan mo na lamang ang paningin mo, baka may makita ka o maalala don sa mga dinaanan natin kanina.” At nagsimula na nga kami maglakad.  Bagamat kinakabahan na rin ako dahil nagsisimula na ngang dumilim at lumalamig pa ang simoy ng hangin.

Lakad lang kami nang lakad, palinga-linga. Mukhang malayu-layo na rin ang aming nalalakad pero wala pa rin kaming mahanap na magiging palatandaan na aming nadaanan yun kanina.  Pagud na pagod na rin kami na bagamat malamig ang simoy ng hangin ay pareho kaming pawisan. Masakit pa sa paa dahil naka tsinelas lamang kami.

Sa haba ng nilakad namin at sa nararamdaman naming pagod hindi ko siya naringgan ng reklamo.  Nakita ko kung paano siya muntik-muntikan ka ng madulas lalo pa at sa may batuhan kami dumadaan.  Madalas siyang mapakapit sa akin at kita ko sa mukha niya ang hirap.  Marami na ring hiwa ng matatalas na damo ang aming mga  binti at masyado ng  maputik  ang shorts namin parehas.  Hindi ko na alam ang gagawin namin, natatakot na ako, pero ayokong ipahalata sa kanya dahil baka lalo siyang matakot kaya nagpatuloy kami sa paglalakad.  Pero talagang pagod na rin ako at alam ko mas pagod siya.

“Boi, pahinga muna tayo, Pagud na tayo parehas.” Hinawakan ko siya sa kamay at niyaya sa nakita kong nakausling malalaking ugat.

“Pero sir, baka mas mahirapan po lalo tayo maghanap pag inabot tayo ng mas madilim,” bagamat sumunod pa rin siya sa akin.

“Saglit lang, pahinga lang muna tayo,” ang totoo kaya ko pa naman, ang inaalala ko lamang ay siya, dahil alam ko namang hindi siya sanay sa ganon, tapos ay wala pa kaming dalang tubig. Ako kahit papaano ay sanay sa lakaran dahil madalas naman naming  ginagawa yon sa scouting.  Ang kaibahan nga lamang ngayon ay natatakot ako kasi hindi ko alam kung gaano pa kami kalayo sa campsite namin o talaga bang papunta kami doon o palayo pa nang palayo habang naglalakad. 
Totoong nakakatakot naman sa katahimikan ng paligid, tanging huni lamang ng mga kulisap at kiskisan ng mga dahon ang maririnig mo.  Pero mas nagbibigay ng kakaibang pakiramdam ang ibat-ibang huni ng mga ibon na parang kung saan-saan lamang nanggagaling bagamat wala naman kaming nakikitang nakadapo at kung mayroon man mangilan-ngilan na lumilipad   na marahil ay pabalik na sa kanilang mga pugad upang magpahinga. Pero napaka eery ng huni ng mga panggabing ibon na marahil ay kakagising lamang at naghahanda sa kanilang paglipad.

Medyo kalat na ang dilim at bahagya na lamang ang liwanag nang magpasya kaming ipagpatuloy ang paglalakad. Kung mahirap kanina ang paghahanap, mas mahirap ngayon dahil kailangan pa naming tantiyahin ang aming mga hakbang,  Dahil nga sa mabato at marami pang putol na sanga ang aming dapat iwasan.  Naging madulas din ang mga tuyong dahon na nagkalat sa mga dadaanan namin kung kaya pati ako ay muntikan ng madulas.  Mabuti na lamang at my tig-isang kahoy kami na bukod sa ginagawa naming tungkod ay naipangtutulak din namin sa mga nakaharang sa daan at minsan ay pang tantiya na rin kung pwede kaming humakbang.  Mas mabagal ang lakad namin dahil mas delikado kaya nagpasya na akong huminto.

“Boi, mukhang kailangan na nating mag give-up muna.  Hindi na natin nakikita ang dinadaanan natin.  Hindi natin alam kung tama pa ang pinupuntahan natin.  Wala na talaga akong matandaan sa mga ito.  Mas delikado rin ginagawa natin. Baka madulas pa tayo at tumama ang mga ulo natin sa mga batong iyan mas madisgrasya pa tayo.”

“Paano po sir, saan tayo ngayon?”alam kong naguguluhan din siya sa nangyayari sa amin at sa desisyon ko lamang din siya umaasa.

“Hanap lang muna tayo kung saan tayo pwedeng magpalipas ng gabi, kasi mas mahirap ngayon o madilim hindi rin naman natin sure ang pupuntahan natin, baka nga mas mapalayo pa tayo sa campsite sa kakalakad natin” at umakyat na kami iniwan na namin ang tabing batis na iyon.  Sa pamamagitan naman ng liwanag ng buwan na kahit hindi kabilugan ay sapat na para maaninag namin ang daang hindi masyadong madamo pataas.  Nakakakita ako ng dalawang punong nakabuwal na magkatabi doon ko siya niyayang maupo.  Lagi naman akong may hunting knife sa bewang ko. Pumutol ako ng ilang sangang may dahon habang iniilawan niya ako ng flashlight ng cellphone niya,  inilatag ko sa lupa saka kami naupo pasandal sa nakabuwal na puno.

“Sir, hindi ka po ba natatakot?” bigla niyang tanong sa akin habang tahimik kaming nakaupo.

“Natatakot siyempre, pero ayokong isipin ang takot ngayon, kasi lalo tayong hindi makakapag-isip ng tama kapag naunahan tayo ng takot. Sa ganitong sitwasyon dapat buo ang loob natin at hindi magulo ang isip para makagawa ng tamang desisyon. Ikaw ba natatakot? Balik na tanong ko sa kanya. 

“Sir kanina pa po, naglalakad pa lamang tayo, kabadung-kabado na ako, lalo na kapag muntikan na tayong madulas. Pero iniisip ko na lamang nandiyan ka naman, alam ko hindi mo po naman ako pababayaan.”seryoso niyang sagot sa akin.

Nasa ganon kaming pag-uusap nang may marinig kaming mahihinang yabag.  Nagkatinginan kami pero walang nagsasalita. At parang nagkakaintindihan kami kaya sabay tumayo  para tingnan kung saan nanggagaling ang naririnig namin.  Natanawan namin sa pamamagitan ng liwanag ng buwan ang  isang lalaki na may akay na kabayo. May nakasabit na dalawang malalaking basket sa tagiliran ng kabayo.  Sinalubong namin ang nasabing lalake.

“Magandang gabi po kuya. Pwede ba kaming magtanong?” agad kong bati ng malapit na siya.

“O magandang gabi naman, ano bang itatanong ninyo? Nakangiti niyang sagot.

“Malapit po ba rito ang Buruwisan Falls? Galing po kasi kami don kaya lang hindi na namin makita ang daan pabalik at inabot na kami ng dilim.” ang paliwanang ko sa kanya, hindi ko na dinitalye sa kanya kung paano kami naligaw.

“Nako ay may kalayuan na iyon dito, Doon pa iyon sa bandang iyon” at ang turo niya ay pabalik sa aming dinaanan. “Ang mabuti pa ay sumama na muna kayo sa akin sa aming dampa at bukas ay ihahatid ko kayo doon, delikado na ring maglakad ngayon dahil bukod pa sa madilim ay may mga taong labas din na kadalasan ay naglipana na pag ganitong oras.” Mas lalo akong kinabahan, alam ko kung ano ang ibig sabihin ng taong labas na alam ko naman na hindi nila ginagalaw ang mga ordinaryong tao alam kong kinakatakutan din sila sa lugar na iyon.  Wala na kaming pagpipilian kung hindi ang sumama sa kaniya.  Tiningnan ko si Kenn, nakatingin din lamang siya sa akin at naghihintay ng pasya ko.  Alam kong nagtataka siya kung ano ang pinag-uusapan namin.

“Sige po kuya, nakakahiya man ay sasama na kami sa iyo at lulubusin na namin ang pang-aabala sa inyo.” Tumango lamang siya inakay ang kabayo at sumunod na naman kami.  Habang daan ay tanung siya nang tanong kung taga saan kami, trabaho ko, ilan kaming magkakasama sa campsite at kung anu-ano pa. Nahihiya nga akong sabihin ang dahilan kung bakit kami napalayo sa kasamahan namin at tuluyang naligaw. Pero kailangan kong sabihin kasi kailangan namin ang tulong niya kaya ipinagtapat ko na rin.  Wala naman siyang masyadong reaksiyon.  Patangu-tango lamang habang kami ay naglalakad.  Napansin ko rin ang laman ng dalawang basket.  Niyog, ilang buwig ng saging, kamote, at iba pang gulay na ayon sa kanya ay ibaba niya sa bayan sa umaga, pero ihahatid muna kami sa campsite dahil iba dadaanan niya papuntang bayan.

Nagpasalamat na lamang kami dahil napakabait ng taong ito at mabuti na lamang at siya ang nakakita sa amin.  Pagdating sa sinasabi niyang dampa.  Isa itong kubo, may nakita rin akong isa pang lalaki na nagluluto sa labas.  Iniwan muna niya kami at saglit silang nag-usap bago muling lumapit yung kasama naming lalaki sa amin kasama yung isa pang lalake dinatnan namin.  Binati namin   siya at humingi ng pasensiya dahil naabala namin ang ginagawa niya.  Parang mas matanda kesa don sa nauna naming nakita.

“Naku, ay bakit kayo lumakad na kayong dalawa lamang, hindi nyo pala naman kabisado ang daan?” ang tila may paninisi niyang tanong. “Hindi kayo dapat naglalakas ng loob na lumakad na walang kasamang bihasa lalo na sa lugar na unang kita nyo pa lamang.”Nagsasalita siya pero binalikan ang kanyang ginagawa bago pa kami dumating.

“Nalibang po kami sa kalalakad, huli na ng mapansin naming napalayo na pala kami.” Iyon ang nahihiya kong naisagot sa kanya.  Si Kenn naman ay kanina pa tahimik hindi ko alam kung dahil sa pagod o kinakabahan pa rin.  Palipat-lipat lamang ang tingin niya sa amin habang naiilawan kami ng isang sulo.

“Sige, dumito na muna kayo at makapagpahinga, sa umaga ay sasamahan kayo ni Oscar para maituro ang dadaanan ninyo bago siya bumaba ng bayan.” At muli ay humarap siya sa niluluto niya.  Naisip ko Oscar pala ang pangalan nong mabait na lalaking nakasama namin sa paglalakad.  Nang tingnan ko siya ay maingat niyang ibinababa ang mga basket mula sa tagiliran ng kabayo.  Gusto ko sanang tulungan kaso ay pinigilan niya ako.  “Huwag na kaya ko ito, magpahinga na lamang kayo at nang bukas ay handa kayo sa muling paglalakd. Malayu-layo rin iyon.” Ang paalala ni Kuya Oscar. 

Muling nagsalita iyong nagluluto.  “Kayo ba ay kumakain ng inihaw na daing, wala akong maihahandang anuman sa inyo. Iyon lamang ang meron kami dito. Kung gusto ninyo naman ay may kamote, saging o kaya ay mais.”

“Kuya, may buko ako dito baka gusto nila.” Ang sagot ni Kuya Oscar.

“Nako, huwag na kayong mag-abala ayos lamang po sa amin kahit ano, sobra ng pang-aabala namin sa inyo.” Muli ay nahihiya kong pahayag sa kanilang dalawa. “Iyong meron lamang kaming mapagpahingahan ngayon ay malaking bagay na po.”

“Kumain nga kami at bagamat, amoy usok ang kanin at parang sunog ang pagkaihaw ng daing dahil tanging sulo lamang naman ang ilaw na tinutulungan lamang ng liwanag ng buwan ay masarap na rin ang kain namin.  Siguro dahil sa pagod at uhaw, napakalamig ng tubig na kinukuha nila sa isang banga na nakatayo sa ilalim ng isang malaking puno.   Pinapasok nila kami sa kubo, may ilang tuyong mais na nakasabit sa loob.  May ilang sako na siguro ay palay at 2 buwig na saging at ilang piraso ng panggatong na nakaayos sa isang tabi. Isang gasera ang ilaw na nakapatong sa maliit na table.

Sa isang papag ay naupo kami.  Malimit kong tingnan si Kenn, upang tiyakin na okey lamang siya at madalas ay ngiti lamang naman ang isinasagot niya sa akin.  Alam kong pagud na pagod siya kaya hindi ko masyadong pinagkakausap. 

“Sige mahiga ka na muna at nang makapahinga ka, dito lamang muna ako at papaantok.” Hindi naman siya kumontra.  Nahiga sa tabi ko.  May unan naman doon, pero hindi niya ginamit, bagkus ay inilagay sa ilalim ng ulo niya ang kanyang kamay. Tanging manipis na banig lamang ang nakalatag sa kawayang papag kaya ramdam ang lamig.  Maya-maya ay nakaramdam na rin ako ng antok kaya nahiga ako sa tabi niya.  May kaliitan ang papag para sa dalawa.  Kaya tumagilid ako patalikod sa kanya at nakaharap sa pinto.  Marahil dahil sa pagod at sa natural na lamig ng paligid madali akong nakatulog.

Hindi ko alam kung gaano na ako katagal na natutulog ng maalimpungatan ako.  Narinig ko ang pag-uusap ng dalawa na nasa labas pa rin.

“Iyan ang sinasabi ko sa iyo, hindi ka pa nadala sa nangyari noon.”

“Kuya, sa pagkakataong ito titiyaking kong hindi tayo papalpak, magkakapera tayo.”

“Paano kung hinde?”

“Mukha namang bigatin yang dalawang iyan at tiyak hindi sila pababayaan ng pamilya nila..”

Sapat na ang narinig ko, hindi ko na kailangang marinig pa ang iba pa nilang pinag-uusapan.

“Kenn, Kenn, bangon, aalis tayo.’ Sabay tapik ko sa pisngi niya at pabulong lamang ang pagsasalita ko.

“Bakit po sir?” pupungas-pungas siyang naupo.

“Basta, halika na, mamaya ko na sasabihin.” At dahan-dahan kaming bumaba ng papag. Sinenyasan ko siyang gumapang, sumuot kami sa ilalim ng papag dahil natanaw kong bukas ang dingding sa kabila.  Iisa lamang kasi ang pinto ng kubo at matatanaw kami ng dalawa kung doon kami dadaan sa palabas dahil malapit lamang iyon kung nasaan sila. Pagdating sa dulo ng papag, palabas na kami kaso may mga tuyong dahon ng niyog pala doon kaya bahagyang umingay na matuunan ng aming mga kamay.

“Ssshhh, dahan-dahan maririnig nila tayo.” Ang bulong ko.  Maingat na maingat kaming tumayo at dahan-dahan lumakad palayo,  “Pag tumako ako tumakbo ka na rin ha, huwag ka na munang magtanong, kailangan nating maka alis agad dito.” Muli bulong ko sa kanya. Hindi ko alam kung tama ang dinadaanan naming dalawa, pero ang mahalaga sa akin ng mga oras na iyon ay makalayo lamang sa mga taong iyon.  Mangiyak-ngiyak ako sa nangyayari sa amin.  Takot at galit ang nararamdaman ko ng mga sandaling  iyon pero kailangang lakasan ko ang loob ko. Hinawakan ko ang kamay ng naguguluhan pa ring si Kenn at tumakbo kami.  Nang may marinig ako sigaw.

“Tigel, tumigil kayo….” Boses iyon ni Kuya Oscar.

Sa pagkarinig na iyon, lalo kong binilisan ang pagtakbo, binitiwan ko si Kenn at hinayaan kong mauna siyang tumakbo. Sa pamamagitan ng liwanag ng buwan ay pinilit naming aninagin ang aming dinadaanan.  Takbo pa rin kami nang takbo .  Nakita ko si Kenn, na  nadapa, napatid yata sa nakausling ugat ng puno.  Nilapitan ko siya at itinayo.  Nang may marinig kaming putok ng baril.  Lalo akong kinabahan. Gumapang kami, hila ko ang isang kamay niya.

“Sir, ano yun?” ang buong gulat na tanong ni Kenn, bago pa man makatayo.

“Basta halika na.. kailangan nating matakasan ang mga iyon.” At inalalayan ko siya patayo.

Takbo ulit kami. Hingal na hingal na kami.  Habol na ang aming mga hininga.  Pero hindi ako tumitigil.  Ganon din si Kenn.  Ilang ulit akong napatid at natumba.  Ganon din siya, minsan ay nagpagulung-gulong pa kami dahil pababa pala iyong dinaanan namin at parang taniman ng gulay dahil malambot ang lupa.

Malayu-layo na kami nang magpasya akong magpahinga, nagkubli kami sa isang malaking puno at nakaabang lamang baka kasunod namin ang dalawa.  Abot ang hingal naming pareho.  Nakita ko sa liwanag ng buwan ang takut na takot ang itsura ni Kenn at umiiyak. Niyakap  ko siya.  “Sorry Kenn, hindi ko gusto itong nagyayari sa atin.” At halos mapaiyak na rin ako.

“Hindi mo po  kasalanan sir, wala naman pong may gusto sa nangyari. Bakit po ba tayo tumakbo at bakit may putok ng baril sir, ano po ang nangyari?” ang usisa niya kahit umiiyak at takot pa rin.

Ikinuwento ko sa kanya kung ano ang narinig kong pag-uusap ng dalawa. At ang binabalak nilang gawin sa amin. Kahit nangangatog ako idinitalye ko sa kanya kung ano ang narinig ko.

“Buti na lamang sir, nagising ka kung hindi pala yari tayo parehas kidnaper pala ang mga iyon.”takut na takot pa rin niyang pahayag saka sumiksik sa pagkakaupo ko.

“Oo nga, akala ko pa naman mababait sila, yun pala may masama lamang motibo kaya nagpakita ng ganon.”

“Paano yan sir, paano na tayo ngayon? Lalong hindi na natin alam kung nasaan tayo ngayon.”

“Maglakad pa rin tayo, kailangan lamang makalayo tayo sa mga demonyong iyon, saka na natin pag-isipan ang pagbalik sa campsite.  Pag nakalayo na tayo pwede na rin nating matawagan si Lester para makahingi ng tulong. Basta kailangan lamang makakita tayo ng landmark para masabi natin kung nasaan tayo.  Nasa iyo pa ba ang cellphone mo?” iyon ang naisip ko agad dahil mahihirapan lalo kami kung hindi makakahingi ng tulong.

“Opo sir, pati camera, iniingatan ko nga po kahit nadadapa ako, sinisiguro kong narito pa rin sa bulsa ko.” Ang halos bulong niya.

“Tayo na, baka masundan pa tayo ng mga iyon.” At muli ay  diniretso namin yung nakikita naming daan sa pamamagitan ng liwanag ng buwan.  Pero hindi na kami tumatakbo dahil pagud na pagod pa  rin kami.  Mabilis na lakad na lamang ang aming ginagawa.

Mataga-tagal na rin kaming naglalakad nang may matanawan siyang ilaw.  “Sir mukhang may bahay sa banda ro’n. Baka pwede tayong humingi ng tulong.”

“Nakakatakot ng  humingi ng tulong, baka gaya rin nila ang mapuntahan natin.  Pero sige subukan pa rin natin.  Mag-ingat na lamang siguro tayo.”

Malayo rin pala ang natanaw namin at matagal pa bago kami nakalapit.  Nagkubli muna kami sa isang puno at pinakiramdaman kung sino ang nasa bahay.  Mukang 2 tao rin ang nakatira. Isang babae at parang isang binatilyo lamang naman. Kaya lumapit kami sa kanya habang abala siya sa pagtatali ng mga sitaw na nakalatag sa papag at may isang maliit na gasera na siya niyang ilaw.

Nabigla pa yung binatilyo pagkakita sa amin.

“Magandang gabi sa’yo, pwede ba kaming magtanong?” nanginginig kong bati sa kanya.

“Opo, ano po iyon?” Hindi pa siya nakakatapos magsalita nang may marinig  kaming boses mula sa loob. “Anak sinong kausap mo?” At pag labas niya ay nabigla siya nang makita kami. 

“Sino kayu, anong ginagawa ninyo dito sa ganitong oras?” ang buong pagtataka niyang tanong.

Pagkatapos naming magpakilala, ay pinaupo niya kami at halos mangiyak-ngiyak kong ikinuwento sa kanila ang nangyari sa amin.  Mula sa pagkaligaw namin sa batis, ang pagtulong ng dalawang lalaki, ang aking narinig na usapan nila at kung paaano kami nakatakas.

“Surmayosep, ano ba yang napasukan ninyong dalawa?  Sige maglinis muna kayo ng katawan ninyo at nang makapahinga muna kayo.”

Medyo hindi ako kumportable at marahil ay naramdaman niya iyon. Tumingin din sa akin si Kenn na para bang nagtatanong kung maniniwala pa ba kami o baka maulit yung nangyari kanina.

“Huwag kayong mag-alala, hindi kami gaya ng mga iyon.  Ipanatag ninyo ang loob ninyo, hindi namin kayo sasaktan ano ba ang magagawa namin mamag-ina lamang kami dito. “

“Pasensiya na po, nagkatrauma  lamang kami sa nangyari.”

“Oo nga po hanggang ngayon nangangatog pa rin ang mga tuhod ko sa takot at pagod.” Si Kenn.

“Naiintindihan ko kayo, ako man ang makaranas ng ganon ay marahil ganyan din ang mararamdaman ko. Siyanga pala si Jasper, ang aking anak.  Pababa siya sa bayan mamaya, para magdala ng mga gulay sa palengke, maari kayong sumabay sa kanya.  Bagamat hindi ang papunta sa talon ang short cut papunta sa palengke, maaari naman siyang dumaan doon para kayo ay maihatid.  Kaya magpahinga kayo at maya-maya ay aalis na rin kayo para bago magliwanag ay naroon na kayo sa campsite.” Mahaba niyang paliwanang. Saka lamang ako napatingin sa relo ko at nakita kong 3:00 am na pala. Napakarami na nangyari sa gabing ito, nasabi ko sa isip ko.

“Jasper, anak, siguraduhin mong ligtas na sila bago mo iwan ha, at umiwas kayo don sa sinasabi nilang dalawang lalaki at baka mamukhaan pa sila.” Paalala niya sa anak niya. Si Jasper naman ay tumango lamang at tinuloy ang ginagawa.

“Nanay, ano po pala pangalan ninyo,? Ang naitanong ko.  “Kasi hindi ko alam pano magpapasalamat sa inyo?”

“Annie, Annie, ang pangalan ko Irvin. Ate Annie na lamang masyado naman akong tumatanda kapag nanay ang itatawag mo” habang nagsasalita siya ay lumapit kay Jasper at tinulungan sa pag –aayos ng mga gulay.

Nakipagkwentuhan na rin kami sa kanila, habang tumulong na rin kami sa pagtatali ng mga sitaw.  Naghanda naman si Ate Annie ng inihaw na mais.  Nalaman ko na patay na pala ang asawa niya at dahil sa hirap ng buhay ay napilitan silang mag-ina na lumipat na lamang sa taniman ng kanyang asawa dahil wala rin naman silang ikinabubuhay sa bayan.  2 beses isang linggo ay bumababa si Jasper sa bayan upang ipagbili ang mga gulay na inani mula sa tanim nilang mag-ina.  At ang napagbentahan ay ibinibili naman niya ng mga kailangan nila sa buhay.

“Paano po iyan, hindi na siya nakapag-aral?” tanong ko.

“Gustuhin man niya ay hindi naman maari, Napakalayo ng eskwelahan dito at hindi ko rin naman kayang magpanhik panaog sa bundok para magbaba ng aming mga gulay. Kung hindi iyan nahinto ay graduate na sana siya ng high school ngayong taon. Kahit sana papaano ay makapapasok na siya ng trabaho kahit sa pabrika.  Kaya lang ay wala kaming magagawa.” Ang malungkot niyang kwento samantalang si Jasper naman ay nakatungo lamang at ipinagpapatuloy ang paglalagay ng mga gulay sa malaking basket.

Maya-maya ay tumingin sa amin si Jasper, “Sir tayo napo, baka abutan pa tayo ng sikat ng araw mas mahirap maglakad kapag mainit.” Ang halos pabulong lamang niyang sabi.  Lumapit siya sa nanay niya at magmano.

“Kaawaan ka ng Diyos anak, mag-iingat sa daan ha at yung bilin ko, bumili ka ng damit mo at napag liitan mo na yang mga suot mo.” Tumango lamang si Jasper.

Lumapit din kami kay Ate Annie, at nagmano, “Thank you sa lahat, sana ay makaganti kami ng utang na loob sa inyong mag-ina.” Nako ikaw talaga sir, pinapatanda mo ako.  Wala iyon, masaya kami at kahit sa gitna ng gubat ay nakatulong kami sa inyo.  Mag-iingat kayo sa susunod at huwag aalis ng walang kasamang may alam sa daan ha” napapangiti siya habang nagmamano si Kenn sa kanya.  “Thank you po Tita.” Bahagya niyang ginulo ang buhok ni Kenn.  “Ay ka cute naman nitong si Kenn, kaya lang ay para ding si Jasper ko, masyadong mahiyain.” At gaya ng dati kamot na naman sa ulo naging sagot niya.

“O siya kayo ay lumakad na at nang makarating kayo ng maaga sa pupuntahan niyo, pagpalain kayo ng Diyos.” Ang pahabol niya.  Kahit madilim ay kumaway kami sa kanya.

Sa daan ay ganoon pa rin si Jasper, akay ang kabayong may dalawang kaing daw ang tawag sa malaking basket na puno ng ibat-ibang gulay.  Na ayon sa kanya habang nakatungo sa  pagkukuwento ay hanggang tanghali niyang ibebenta sa palengke pero minsan inaabot din ng hapon.

Tukuy na tukoy niya ang daan kahit mas madilim ngayon dahil bahagya na nakukubli ang buwan sa mga puno.  Si Kenn naman ay ginagamit ang flashlight ng cellphone niya para magbigay liwanag sa amin.    Sa kakatanong ko paminsan-minsan ay nagkukuwento na rin siya at minsan din ay napapatawa na rin kapag may nakakatawa kaming napag uusapan.

Matagal ang naging paglalakad namin. Pero hindi naman nakakainip dahil nagkukwentuhan  kami. “Sir, baka gusto ninyo munang magpahinga, alam kong uhaw na kayo, may makukuhanan tayo ng buko sa banda ron, nang makainom tayo.” Tumigil siya sandali nang mapansing naiiwan kaming dalawa, Bagamat mabagal lamang ang paglalakad namin ay masasakit pa rin ang paa naming dalawa dahil sa haba at tagal na ng aming naranasang paglalakad.

Dahil palagay na ang loob namin sa kanya pumayag kami.   At huminto nga kami sa kabila ng mababang puno ng niyog.  Inakyat niya ang isa sa mga puno kahit bahagyang liwanag lamang mula sa buwan ay mabilis siyang nakarating sa taas. Pinitik-ptik yung bunga at kinuha ang itak mula sa bewang niya at mabilis na tinaga ang isang buwig.  Bumagsak iyon sa lupa at pinulot namin ni Kenn.  Pitong buko ang nakuha niya. 

Binutasan agad niya ang isa, at iniabot sa akin, ang isa pa ay sa kay Kenn, Nagbutas din siya para sa kanya. Pagkatapos naming magpasalamat na ngiti lang ang sagot niya sa ininom na namin ang sabaw ng buko.  First time kong  uminom ng sabaw ng buko ng madaling araw.  Maya-maya ay gumawa siya ng parang kutsara at iniabot sa amin saka biniyak ang mga buko.  Nakuha ko agad na pangsandok iyon ng laman ng buko dahil ginagawa rin namin iyon sa probinsiya dati.  Hindi na kami pumayag na magbutas pa siya ng kasi ang bigat na ng pakiramdam ng tiyan ko.  Isinakay na lamang niya sa likod ng kabayo pagkatapos pagtaliin ang mga buko sa pamamagitan ng sariling balat nila. Dalhin na lamang daw namin sa tent at nang may mainom kami pagdating.

Nagpatuloy kami sa paglalakad at gaya ng sinabi ng nanay niya nagliliwanag ay dinig na namin ulit ang lagaslas ng tubig.  Nagkatinginan kami ni Kenn Lloyd at hindi pa man ay sigurado nga kami na safe na kami.  Dahil maliwanag na napagmasdan ko si Jasper.  Halos kasing tangkad rin ni Kenn.  Maganda ang mata parang Pakistani, medyo kulot ang buhok at may katangusan ang ilong. Gwapo siya lalo na at ngumingiti. Ang balat niya bagamat halatang sunog sa araw ay makinis.  Kung hindi sa kanyang suot na pambukid hindi mo iisiping mahirap ang kanyang buhay.   

“Sir, paano, hindi ko na kayo mahahatid sa tent ninyo, hindi pinapadaan doon ang kabayo. Diretso lamang po iyang daan na ‘yan tapos may tulay sa kabila ng puno na iyon. Pagkatawid ninyo ng tulay matatanaw na ninyo ang campsite.” Ang nakangiti niyang pagtuturo.

Inakbayan ko siya, bago kinamayan.  “Thank you ha, salamat sa lahat.  Pakisabi na rin sa nanay mo maraming salamat.” May inipit akong pera sa kamay niya.  Nang tiningnan niya.

“Nako sir, huwag na po, hindi po ako nagpapabayad sa pagtulong,” at pilit niyang ibinabalik ang pera.

“Ano ka ba, sinong may sabing bayad iyan, napakaliit niyan kung babayaran ko ang ginawa ninyo sa amin. Pasasalamat lamang iyan at tulong na rin kung makakatulong sa inyo.”  1,000 pesos lamang iyon wala din naman akong dalang maraming pera dahil alam ko ngang bundok naman ang pupuntahan namin.

“Salamat sir, malaking tulong na rin nga po ito sa amin ng Inay.  Sige po ingat na lamang kayo, Kenn, sige.” At nagpatuloy na siya sa paglalakad.

“Wait, Jasper,” habol ko, inabot ko sa kanya ang calling card ko. “Hindi ko alam kung magkikita pa tayo ulit. kung sakaling mapasyal ka sa Manila at kailangan mo ng tulong kontakin mo lamang ako.  Yung landline diyan number yan ng school, yung cellphone number ang personal ko.” Nakangiti naman niyang kinuha.

At pagkatapos magpaalam ulit at kumaway saka nagpatuloy na sa kanyang paglalakad.  Kami naman gaya ng sinabi niya ay naglakad at tumawid sa tulay at sandali lamang ay tanaw na ang tent namin.

Nakatayo ang apat sa labas ng tent.  Pero nakatalikod sa amin. Pagharap ni Kyle.

“Bro, langhiya, san ba kayo nanggaling, pinag-alala nyo kami. Magdamag kaming hindi mapakali sa kakaisip sa inyo.  Tumawag na rin kami sa baba at papunta na sila dito para hanapin kayo may kasama silang taga baranggay.

“Sorry bro,” nakipag appear ako sa kanilang apat.” No need na. Ok na kami sabay abot sa kanila ng apat na  buko, o ayan pasalubong namin sa inyo.  Tawagan ninyo na lang yung taga baranggay sabihin ninyo nandito na kami. Saka ko nalang ikukwento sa inyo ng buo ang lahat ng nangyari pagod lang talaga kami.  For now gusto ko munang kalimutan iyon”
  
Naintindihan naman nila kami kaya kinuha na lamang ang buko, samantalang kami ni Kenn ay pumasok sa tent at pagkatapos kong isara, ay nahiga lamang ng walang imikan. Ako na rin ang nagsimula ng usapan.

“Nagsisisi ka ba sa mga nangyari?” tanong ko na halos pabulong.

“Hindi po sir, masaya pa rin ako kahit may nangyaring ganon kasi napatunayan ko na kahit ano ang sitwasyon hindi mo talaga ako iiwan. At isa pa sir, ligtas na po tayo kaya masaya pa rin ako.“ Nakangiti siya. Hindi ako nagsalita pero niyakap ko siya at yumakap din siya sa kin. “Tulog muna tayo kahit sandali, kailangan nating makapagpahinga.” Iyon lamang ang sinabi ko nang maghiwalay kami sa pagkakayakap.

Nakatulog nga kami sandali, mga 9:00 am nang bumangon kami may nakahandang pagkain. Wala ang apat pero may note sa isang tabi na nasa falls sila. Kumain kami at nagpakabusog.  Pagkatapos ay sumunod  kami sa kanila sa falls.  Kahit papaano ay nalimutan namin ang antok at pagod. Nag enjoy din naman kami. Langoy, laro, basaan.  Tawanan. Hindi namin pinag-usapan ang mga nangyari gaya nang ipinakiusap ko.

Hapon nang papauwi na kami. Tinatanong kami nong mga taga baranggay kung ano ang nangyari pero gaya ng sinabi ko kay Kyle, gusto ko ng kalimutan yun.  Nang mapahiwalay kami sa kanila, binulungan ako nong isa.

“Nakita nyo ba si Oscar?” tanong ng isa sa kanila.

Hindi ako makasagot, hindi ko alam kung aamin ako o itatanggi ko.  Pero siya na rin ang sumagot. “Sir basta mag-iingat na lamang kayo sa susunod.  Huwag na huwag kayong lalabas ng campsite na walang kasamang tagarito.  Sa loob ng campsite safe kayo.” Tumango na lamang ako at nagpatuloy kami sa paglalakad. Pero sa loob ko, after what happened ni sa panaginip yata hindi ko na gustong bumalik dito.

Madilim na rin ng makarating kami ng Manila.  At parang nakahinga kami ng maluwag pagkaupo sa sofa.  As usual nahiga si Kenn, nakaunan sa hita ko.

“Sir, akala ko hindi na po ako makakahiga dito ng gaya nito.  Namiss ko po ang pwesto nating ito.” Ang umpisa niya habang nakatingin sa akin.

“Oo nga e kung nagkataon, pagkukwentuhan na lamang nila tayo ano?” pagpapatawa ko pero sa totoo lamang nangangatog pa rin ako tuwing maiisip ko ang nangyari kagabi. Hindi siya kumibo.

“So ano ang plano mo sasabihin mo ba sa Daddy mo ang experience natin?” bigla kong naalala.

“Gaya po ng sabi mo sir, hanggang tayong dalawa lamang po ang may alam, safe ang anumang sikreto natin.  Kaya ganon din po yun wala namang maitutulong kung may makaaalam pang iba ng nangyari, kayu nga kahit kay Kuya Kyle hindi nyo po ipinagtapat diba?”

“At least now may natutunan tayong importanteng lesson sa buhay diba?” at pinisil ko ang  ilong niya.

“Ano nga pong lesson yun sir?” pangungulit niya

“Huwag maging usisero” at nagtawanan kami.

“Sir gusto mo po bang i-upload ko sa FB yung mga pictures?” ang muling pangungulit niya.

“Oo sige i upload mo agad, at pag nakita yun ni Oscar, mati-trace niya kung nasaan tayo.” Pananakot ko sa kanya.  Pero ang totoo parang ayoko munang makita ang mga iyon.  Tulad ng sinabi ko gusto ko munang kalimutan ang lahat ng nangyari.

“Huwag na sir, hindi naman magaganda ang mga iyon.” Ang nakangiti niyang sagot saka itinuloy ang pagkutingting sa cellphone niya.

At dahil wala namang pasok, halos hanggang taghali kami sa higaan kinabukasan.  Hindi ko siya ginising pero naghanda ako ng breakfast namin.  Pagkaluto ay tinakpan ko lamang sa table at bumalik ulit sa higaan.  Past 12 na nang magising ako.  Nabigla pa ako ng makita ko siya sa tabi ko.  Dahil nang mahiga naman ako kanina pagkaluto ay nasa kwarto niya siya.  Gaya ng pinag-usapan namin kagabi na hiwalay muna kami ng kwarto para makapahinga.  Nasa ganon akong pag-iiisip nang magsalita siya.

“Sir, kain na tayo, kanina pa po ako gutom.” Nagsasalita siya pero nakapikit.

“May pagkain naman sa table ah, bakit hindi ka kumain?” ang nagtataka kong tanong.  “Ayaw mo ba sa niluto ko?”

“Hindi sir, kasi, tulog ka pa, kakain po ako ba akong mag-isa? Kaya pumasok na lamang ako po dito at gigisingin sana kita kaya lang alam kong pagod ka po kaya hinayaan ko na lamang, pero ngayong gising ka na sir, kain na tayo please”ang paglalambing niya hinawakan ang braso ko at pilit na hinihila. Napangiti ako sa ginagawa niya, napakalambing talaga nitong batang ito kaya paano ko ba ito makakalimutan. Iyon ang naisip ko. Parang lahat ng ginagawa niya sa akin masarap sa pakiramdam.

“Breakfast lang yung na prepare ko e, lunch time na. ganito na lamang, kain muna tayo ng light, tapos ligo tayo at kain tayo sa labas.  Kain tayo ng marami, yung maraming-marami, magpakabusog tayo hanggang kaya natin  kasi, naka survive tayo sa bundok, ok ba yun baby boi?” at pinisil ko ulit ilong niya.

“Okey sir, sinabi mo e, takot ko lamang po na kumontra.” At hinila na niya ulit ako sa kamay. “Aba ay tayo na diyan sir, hindi ka po lalapitan ng pagkain kung nakahiga ka?” ang muling pangungulit niya kasabay ang pagpapa cute ng kanyang mga mata. Kaya napilitan akong bumangon dahil paano ko ba tatanggihan ang isang taong ganito kagwapo, ganito kalambing at sure ako mahal na mahal ako.

At nagtawanan kami habang papalabas ng kwarto. Hila-hila pa rin niya ako sa kamay.

Tulad ng pinag-usapan namin ay nagpakabusog kami.  Hindi ko nga maisip noong una kung kaya naming kainin ang mga inorder namin. Pero dahil nga sa gutom ng nakaraang araw at dahil na rin sa tuwa na ayus na kami parehas ay ganadung-ganado kami sa pagkain.  Kayat parehas mabigat ang pakiramdam namin pagkatapos.

“Sir, lakad-lakad muna tayo, sakit ng tiyan ko, sobrang busog.” Ngumiti lamang ako at nagikut-ikot nga kami sa loob ng mall.

Pabalik na kami sa bahay ng tumawag sa akin ang tita niya. Nasa harapan kami naghihintay ng taxi. Nagtaka ako kasi hindi naman iyon tumatawag sa akin.  Kadalasan kung kakausapin niya ako ay sa cellphone ni Kenn siya tatawag saka sasabihing ibigay sa akin.  Pagkatapos naming mag batian ay sinabi agad niya ang kanyang pakay.  Kukunin ng pamilya niya si Kenn at doon na titira sa Bulacan.  Marami siyang sinabing dahilan, na yun daw ang bilin ng namatay nilang ina, at nagdesisiyon na rin ang mga kapatid nila na mas makabubuti sa bata kung doon mag-aaral sa Bulacan dahil mababantayan nila.  Nakatingin lamang sa akin si Kenn dahil alam naman niyang tita niya ang kasuap ko.

“Mrs, Nazareno gaya po ng nasabi ko, hindi ako ang dapat ninyong kinakausap, hindi sa akin ninyo siya dapat ipagpaalam.  Kasi po ay umuupa lamang siya sa bahay at wala akong karapatang magdesisyon para sa kanya.  Sa kanya pong ama ninyo siya ipag-paalam.” Iyon lamang ang nasabi ko at pagtingin ko kay Kenn, kita ko sa mukha niya ang pagkalito sa kung ano ang pinag-uusapan namin.

“Kaya nga sir, nakikiusap ako sa inyo na kumbinsihin ninyo si Kenn Lloyd  na lumipat sa amin, kung okey na sa kanya ay saka ko na sasabihin sa kanyang ama,  mahirap kasing ipagpaalam siya kung ayaw naman niyang lumipat.” Ang ulit niyag pakiusap.

“Sge po kakausapin ko siya.” At tinapos na namin ang usapan.

“Sir naman, pumayag po kayo?” iyon agad ang tanong niya nang ikwento ko sa kanya ang pinag-usapan namin ng tita niya.  Kita ko sa mga mukha niya ang disappointment. Nakasimangot siya kahit nakatingin sa akin na hindi naman niya dati ginagawa.  Dati kapag naiinis siya nakatungo siya o kaya ay sa malayo nakatingin kaya sigurado ako ng mga oras na iyon na talagang masama ang loob niya.

    “Hindi ako ang magdedesiyon, ikaw  at ang Daddy mo dapat ang mag-usap.”hindi ko alam kung paano ipapaliwanag sa kanya na wala akong karapatang magdesisyon pero ayoko ng dagdagan pa ang disappointment niya.

    “Sir, ayoko, bakit ako lilipat sa kanila, bakit nila ako kukunin bakit hindi nila ginawa iyon noong maliit pa ako.  Kung kailan malaki na ako saka nila naisip iyan.  Hindi nga nila ako naalala noon, pero bakit ngayon biglang nagbago ang isip nila.”

    “Pamilya mo yung mga yun at may karapatan sila sa iyo.” Iyon lamang ang nasabi ko pero naiisip ko pa lamang ay nasasaktan na ako.

    “Bakit sir, ibibigay mo po talaga ako ng ganon na lamang? Ganon lamang po ba ako sa iyo? Akala ko ba mahalaga  po ako sa iyo? Sir pag ibinigay mo ako sa kanila, maglalayas ako hindi mo na po ako makikita.” At tumakbo siya palayo sa akin. Nabigla ako hindi ko inaasahan na gagawin niya iyon.

    “Kenn, Kenn Lloyd, ano ba, bumalik ka nga rito.” Pero tuluy-tuloy pa rin siya, hindi naman ako makasigaw ng malakas dahil nasa harapan kami ng SM.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This