By: Confused Teacher
Hindi malinaw sa akin pero para talagang may tumatawag, at iisang tao lamang ang tumatawag sa akin ng ganon. Dali-dali akong bumangon, dumungaw sa bintana, nagpalinga-linag ako, bukod sa ilang bata na naglalaro harapan ng mababang gate, wala akong nakitang tao. Tumayo ako at dumiretso sa pinto.
“Apo, ang haba ng tulog mo, alas kwatro na, Magmiryenda ka muna, nagluto ako ng ginataan. Magugustuhan mo dahil ang sarap ng langka.” Bati ng matandang masayang nakatingin sa akin habang nanonood ng TV.
“Salamat po Lola, sandali lang po may titingnan lamang ako sa labas.” At diretso akong dumaan sa harapan niya.
Patakbo akong lumabas ng pinto, muling nagpalinga-linga. Pinuntahan ko ang tagiliran ng bahay, wala. Ang puno ng mangga na may nakataling duyan, wala . Tiningnan ko maging ang itaas ng puno. Wala. Lumabas ako ng gate, at tumingin sa magkabilang dako ng kalsada. Wala. Napansin ko ang ilang bata na nag hahabulan sa kabila sa tabi ng maliit na tindahan nakatingin sila sa akin. Iniiwas ko na lamang ang aking paningin sa kanila at malungkot na pumasok sa gate. Naupo ako sa duyan at muli kong naramdaman ang pagkabigo.
“Akala ko bumalik ka, akala ko pinuntahan mo ako dito. Akala ko magpapakita ka na” bulong ko sa aking sarili at muli ay naramdaman ko ang nag-uunahang pagpatak ng mga luha ko. Akala ko hindi mo ako matitiis. Miss na miss na kita Kuya Paul”
Ako si Josh Patrick Villanueva, mas kilala ng mga tao bilang Josh. Dito ako ngayon sa Davao pero hindi talaga ako tagarito. Sa mga susunod na parts malalaman ninyo kung bakit ako narito. Menopausal baby ako, 4th year College na ang Kuya ko at 1st year college naman ang ate ko nang ipanganak ako ni Mommy at the age of 42. Nang maka graduate si Kuya ay sumunod na rin siya kay Daddy sa Dubai kaya wala akong matandaan tungkol sa kanya, hanggang nag pakasal sila ng girlfriend niya at bumukod sa amin. Hindi ko rin madalas makita ang ate ko dahil nagboboard siya at twice a month lamang kung umuwi o minsan pa nga ay hindi umuuwi at si Mommy na lamang ang nagpapadala ng allowance niya. Nagkaisip na akong si Kuya Paul ang kasama ko. Ninang niya si Mommy nakatira sila sa katapat na bahay namin. Namamakyaw daw ng isda sa Malabon ang parents niya at dinadala sa mga palengke at madalas ay sa gabi iyon o madaling araw kaya kung nasa bahay sila ay tulog. Dahil doon ay sa amin siya naglalagi dahil si Mommy ay hindi na nagtrabaho pagkatapos akong ipanganak. Narinig ko lamang sa kanilang mga usapan na sapat naman ang kita ni Daddy at nakakatulong pa minsan ang kuya ko . Pero naging busy naman siya sa maliit na grocery store sa harapan ng bahay namin. Kahit pa sabihing meron siyang katulong doon si Ate Carol, halos maghapon pa rin siya sa loob ng tindahan. Kasi hindi rin daw niya maiasa ang lahat lalo na pag may dumarating na supplier. Lumaki ako na si Kuya Paul na ang halos kasama ko araw-araw.