By:Joshua Anthony
Ang aga-aga at nakatirik na naman ang motorsiklo ni Caleb sa ilalim ng isa sa mga puno. Sa tapat niyon ay nakasalampak ako sa lilim din ng isa pang puno, ni hindi ko magawang tumayo at maghanap ng magagamit na pamaypay mula sa aking bag dahil sa pagkahilong nararamdaman.
Ramdam ko na rin ang panlalagkit dahil sa tagaktak ng pawis sa aking leeg at likod na siyang dahilan ng pagdikit ng tela ng suot kong jersey sa aking balat.
“Matagal pa ba ‘yan?” sigaw ko kay Caleb na halos kalahating oras nang kinakalikot ang makina ng kanyang palpak na motor. “Tang ina. Hindi na natin maaabutan ‘yung parada!” dagdag kong reklamo.
“Konti na lang!” sagot niya nang hindi lumilingon sa akin. “Alam mo ikaw, puro ka reklamo! Kung nagpapaturo ka rin kasi sa tatay mo ng mga ganito, edi sana natutulungan mo ako.”
“Bilisan mo na lang! Ang dami mo pang kuda eh.” inis kong sambit.
Nilingon ako sandali ni Caleb at saka tinawanan. Dumampot ako ng isang maliit na bato at saka ibinato sa kanya. Hindi naman siya tinamaan dahil hindi ko rin naman talaga iyon balak na ipatama sa kanya. Nakita niya siguro ang bato at muli niya akong nilingon at sinimangutan.
“’Pag ako lang talaga tinamaan niyan, tignan mo, ihuhulog kita diyan sa bangin sa likod mo, gago ka.” pagbabanta niya bago muling ituon ang atensiyon sa makina ng kanyang sasakyan.
“Bilisan mo na, Caleb!” reklamo ko pa.
Panay ang paglalabas ko ng mga mapagreklamong tunog habang palingon-lingon sa paligid. Nagbabaka-sakaling dumaan ang sasakyan nina Jerry upang doon na lamang ako sumabay. Ngunit wala. Siguradong maaga pa lamang ay naihatid na iyon sa aming paaralan dahil maaga rin ang pasok sa opisina ng kanyang ama na siyang naghahatid-sundo sa kanya.
Biglang tumunog ang aking cellphone dahil sa isang bagong mensaheng natanggap.
“San na kayo?” text ni Jerry na malamang ay nababato na rin kakahintay sa amin.
Wala akong load kaya hindi ko siya masagot sa kanyang text. Wala ring hangin na bumubulusok kaya’t kahit na maaga pa ay grabe na rin ang init ng araw.
Tumalikod na lamang ako at tiningnan ang napakalaking tanawin. Mula sa aking kinatatayuan ay kitang-kita ko ang kabuuan ng bayan sa ibaba.
Huwebes ngayon at may parada kaming mga manlalaro. Bukas ang huling araw ng intramurals sa aming eskwelahan. Kami na mga juniors ang siyang punong abala ngayon sa mga programa. Palagi namang ganoon, kaya kahit na marami pa akong nais na ireklamo ay wala naman na akong iba pang magagawa at kailangang kumilos na lamang.
Malaki ang aking panghihinayang na hindi maabutan ang parada dahil kasama kami doon nina Caleb at Jerry bilang mga miyembro ng basketball team. Ngayon na rin kasi ang huling laro namin para sa intramurals laban sa seniors.
“Ben! Ben!” nagulat ako sa sigaw sa akin ni Caleb na nakasakay na sa kanyang motorsiklo. “Tara na. Akala ko ba gustong mong makahabol sa parada?”
Agad kong isinabit sa balikat ang aking bag, isinuot ang helmet, at saka tumakbo pasakay sa motor niya. Pagkadako’y agad niyang ihinarurot ang motor pababa papunta sa aming paaralan.
Katulad ko ay may kaputian si Caleb. Matangos ang ilong, may kakapalan ang kilay, at may matipunong katawan na batak dahil sa paglalaro ng basketball. Ako naman ay may katangusan din, hindi nga lang ganoon kakapal ang kilay ngunit mas matangkad ng kaunti kaysa sa kanya. Mas may hubog din ang aking katawan kumpara sa kanya.
Halos makipag-patintero kami sa ilang mga tricycle at jeep upang makahabol sa parada. Panay busina sa amin ang mga sasakyang mabilisan naming sinasalubong at iniiwasan. Mabuti na lamang at kilala na si Caleb ng mga bantay sa kalsada dahil katulad nila ay traffic enforcer din ang kanyang ama.
Halos magkatabi lamang ang mga bahay namin ni Caleb. Iyon ang dahilan kung bakit palagi kaming sabay kung pumasok. Kahit na palpak ang kanyang motorsiklo ay laking pasasalamat ko dahil may libre akong nasasakyan sa tuwing papasok.
Si Jerry naman ay malapit na sa bayan ang tirahan; may kalayuan pa rin mula sa aming paaralan kung tutuusin, ngunit mas malapit kumpara sa kung saan kami nakatira ni Caleb. May pagka-moreno ang kanyang balat at bahagyang singkit. Katulad ko ay mas matangkad din siya ng kaunti kay Caleb. Oo, bansot si Caleb kumpara sa amin.
May maliit lamang na negosyo ng mga tinapa at daing ang aking mga magulang. Nagpapatuyo sila ng mga isdang iyon at ipinalalako sa mga kapitbahay namin. May pwesto rin sa palengke si Nanay at itinitinda roon ang iba kasama ng iba pang paninda. Nag-iisa lamang akong anak kaya’t kahit papaano’y kasya naman sa amin ang kanilang mga kinikita.
Gaya ng nabanggit, ang ama ni Caleb ay isang traffic enforcer habang ang kanyang ina naman ay nasa Amerika at doon ay nagtatrabaho bilang isang nurse. Ang kanyang ate ay sa isang boarding house sa Maynila nakatira habang nag-aaral ng kolehiyo. Ninong ko ang ama ni Caleb kaya’t anak na rin ang turing at tawag niya sa akin. Ganoon din naman sina Tatay at Nanay kay Caleb dahil ninang naman niya si Nanay.
Si Jerry naman ay nitong highschool lamang namin nakilala. Sa isang pribadong elementary school siya galing at dahil sa desisyon ng konsehal na ama, ay ipinasok sa aming paaralan sa halip na sa isang pribadong paaralan sa kabilang bayan.
Mabilis din naming nakasundo si Jerry dahil mabait naman siyang tao. Hindi nga namin akalain na ganoon siya dahil ang akala namin ay may kayabangan din siya. Tatlo silang magkakapatid at siya ang panganay. Hindi sila magkalapit ng kanyang ama; masyado raw itong strikto at perfectionist. Ang lahat daw ng kanyang desisyon ay desisyon ng kanyang pulitikong pamilya.
Kinatutuwan ko ang pagpunta sa bahay nila sa tuwing kami ay may mga proyekto na dapat tapusin. Mabait kasi ang kanyang ina at isa pa, napakarami rin nilang pagkain. Sa kanila rin ako unang nakatikim ng Swissmiss chocolate drink. Sa bahay kasi ay Milo lamang, paninda pa.
Nang makarating sa paaralan ay agad akong ibinaba ni Caleb sa mismong tapat ng quadrangle at saka sinabihan na humabol na kaagad sa pila. Mabilis niya muling ipinaandar ang motor pabalik sa likod upang doon iparada.
Napakaraming estudiyante ang nagkukwentuhan at nagtatawanan habang papunta sa pila. Ang ilan ay may mga dala pang pagkain na nabili nila sa labas. Malapit lang din kasi sa palengke ang kinatatayuan ng aming paaralan.
Katulad ng palagi ay samu’t saring mga pamilyar na mukha ang bumabati sa akin. Hindi ko sila magawang batiin din dahil wala akong ideya sa karamihan kung ano ang kanilang mga pangalan. Tanging pagtango at ngiti lamang ang aking isinusukli sa kanilang mga bati.
Nasa bandang unahan kasi ang pila ng mga manlalaro mula sa junior batch, katabi ng mga seniors na nasa mismong tapat naman ng stage ang pila. Nang makalapit ay panay kantiyaw naman ang bungad sa akin ng mga kaibigan at mga kaklase. Panay ang pang-aasar dahil huli na naman akong nakarating.
“Nasan si Caleb?” tanong ni Jerry na bigla akong inakbayan. “Gagi, kanina pa kayo hinihintay ni coach. Yari na naman kayo.” malakas niyang dagdag na bulong sa tainga ko.
“Kaya nga eh. ‘Yung motor kasi neto ni Caleb palaging palpak.” paliwanag ko. “Ayun, pinaparada niya sa likod. Papunta na ‘yon dito.”
“Gagi, sarado pa ‘tong school andito na ko.” natatawa niyang sabi.
“Sabi na eh. Gago, sana dinaanan niyo ‘ko ni Tito sa bahay para di na ‘ko na-late.” sagot ko. “Wala ka ring kwenta minsan eh.”
“Gago ka ba?” batok niya sa akin. “Parang close kami ni dad ah. Papasundo ka pa, gago ka.”
“Puro—” hingal na sabat ni Caleb sa likod namin. “Puro na naman kayo kagaguhan diyan eh. Nakakapagod, tang ina.”
Bigla siyang hinila ni Jerry at saka pinapila sa harap namin. Bumitaw ako sa akbay ni Jerry at saka naglakad na papunta sa bandang unahan; doon kasi ang pwesto ko.
“Balik ako maya ‘pag parada na.” pasigaw kong sabi sa kanilang dalawa.
Habang palayo ay naririnig ko ang pagku-kwento ni Caleb patungkol sa mga sophomores at freshmen na makukulit din siyang binati papunta sa aming pila. Katulad ko ay hindi rin niya iyon kinatutuwan.
Nang makarating sa aking pwesto ay nasulyapan ko sa hagdan ng stage si Mr Reyes, ang aming coach. Pinandilatan niya ako ng mata kaya’t mabilis akong umiwas ng tingin. Natatawa-tawa rin ako dahil alam kong sermon na naman kami neto mamaya.
“‘Yung sintas mo hindi nakatali.” sambit sa akin ni Michelle na palagi kong katabi maging sa upuan. Magkasunod kasi ang aming apelyido kaya’t palaging ganoon.
Agad akong yumuko at paupong inayos ang sintas ng aking sapatos. Pagkatayo’y nginitian ko lamang siya. Hindi ko siya palaging kinakausap dahil palagi akong nauutal sa kanya. Siguro nga ay totoo ang sabi ni Jerry na tulad ni Caleb ay may pagtingin din ako sa kanya.
Ang ganda niya kasi. Bukod pa roon, malinis sa katawan at palaging mabango; parang hindi pa nararanasang pagpawisan.
Ngunit wala naman akong nararamdaman na espesyal sa kanya… O kaya ay hindi ko pa lang alam na mayroon na pala. Hindi ko alam.
“Late ka na naman ah.” muli niyang sabi.
“Ah, oo.” alangan kong sagot. “Tu—tumirik kasi ‘yung motor ni ano… ni Caleb.”
Tinanguan niya lamang ako at saka muling humarap na sa stage. Nagsimula nang magsalita ang isa sa mga guro at muling pinaalalahanan ang lahat na pumila nang maayos.
Eto na naman ang lintek na “arms forward, raise” at kung anu-anong kagaguhan sa tuwing may ganito. Maging sa mga flag ceremonies, palaging may mga katarantaduhang utos ang mga guro bago pa talaga simulan ang mga programa.
Hindi ko alam kung ako lang ba ang bwisit na bwisit sa mga ganoong kaartehan sa tuwing may pagtitipon sa school quadrangle.
Nagdatingan na rin ang mga mayayabang na C.A.T. officials na akala mo ay mga gintong yaman sila ng Pilipinas kung umasta. Hindi nila alam, mukha lamang silang mga abnormal kakamartsa buong maghapon. Sa totoo lang, ayaw ko sanang pagdaanan ‘yang mga ganyan eh. Ngunit katulad ng palagi, wala naman akong ibang magagawa kung hindi ay ang sumunod na lamang.
Si Samuel Urindain ang siyang nagmamartsa bitbit ang bandila ng Pilipinas.
Kung gaano kabantot ang kanyang pangalan ay ganoon din kabantot ang ugali. Isa siya sa mga kinaiinisan namin nina Caleb at Jerry. Maging ang karamihan sa buong paaralan ay inis sa kanya dahil sa kagaspangan ng kanyang ugali. Anak kasi ng assistant principal kaya’t may angas kung umasta.
May nagsasabi sa aking sarili na puntahan siya at saka patirin upang sumadsad sa init ng magaspang na sementadong sahig ang kanyang makapal na mukha. Siguro ay mamumula na naman ang mukha ng kanyang ama habang ako ay pinagsasabihan.
Minsan na kasi kaming nagkainitan dahil sa pagbunggo niya sa akin sa canteen. Nabuhos sa akin ang bitbit niyang inumin at saka pa ako tinawanan. Hindi ko na alam kung papaano, ngunit ang sabi sa akin nina Caleb ay bigla ko na lamang daw siyang sinapak sa bunganga. Natural, inireklamo niya ako at ipinatawag ng kanyang ama ang aking mga magulang. Ganoon naman palagi; kapag may kapit, sumbungero.
Palagi silang tumatambay sa aming building dahil kabarkada nila si Michelle. Nobyo kasi ng ate ni Michelle si Samuel.
Muli kaming maghaharap ngayon dahil kabilang din siya sa basketball team ng kanilang batch.
Sila ni Bart, na siyang may bitbit na isa pang watawat, ang sinusundan ng aming pila upang pumarada sa kalakhang bayan. Nakakatawa dahil alam kong maya-maya pa’y baka himatayin na sila dahil sa tindi ng init.
Nang maka-tatlong ikot at liko na ang parada, ay isa-isa akong nakikipila sa mga kaklase ko papunta sa likod upang balikan sina Jerry at Caleb. Siguro ay nasa sampu o labindalawang mga kaklase at kaibigan lamang ang nasa aming pagitan kaya’t hindi ganoon kahirap. Kailangan ko lamang maging alisto dahil baka makita ako ng isa mga guro na nagmamasid.
“Tang ina mo ka, Ben.”
“Gago, Benjamin, ‘pag ako nadamay ah.”
“Huy, bumalik ka dun!”
“Alvarez, gago ka talaga. Bilisan mo!”
Mga mahihinang sambit sa akin ng mga kaklase ko sa bawat pagsingit ko sa mga likod nila. Hindi naman sila galit, may mga natatawa pa nga.
“Gagi, nakita mo ‘yung martsa ni Samuel kanina?” natatawang tanong sa’kin ni Caleb nang makarating na ako sa kanila. “Mukhang matatae na eh.”
“Oo, gagi. Si Bart nga nakasimangot na eh.” sagot ko. “Sarap sipain mukha ni kolokoy eh.”
Natatawa lamang si Jerry habang nagmamasid-masid kung may nakapansin ba sa pagdating ko.
Ganoon kami palagi kapag hindi kami magkakasama.
Maging sa mga gawain sa paaralan, ginagawan namin ng paraan sa tuwing hindi kami magkaka-grupo. Wala rin naman magawa ang aming mga guro dahil kahit na may kakulitan kami ay hindi naman kami nagpapahuli sa aming mga grado at partisipasyon sa klase.
Naging mainit ang aming laro laban sa mga seniors, ngunit katulad ng inaasahan ay natalo kami. Masyadong agresibo kasi ang karamihan sa kanilang mga miyembro. Panay rin ang simangot ni coach sa amin kaya’t napanghinaan din kami ng loob. Mabuti na lamang at naroon si Michelle na isa sa mga sumisigaw upang kami ay lumaban pa rin.
Matapos ang laro ay buong pagmamayabang na suot-suot ni Samuel ang medalya ng pagiging MVP nang buong maghapon sa paaralan. Abot kilay din ang ngiti ng aming assistant principal dahil sa pagkapanalo ng anak. Maging ang mga sipsip naming mga guro ay panay ang bati sa mas tumataas na tubo ng sungay ng anak ni Satanas.
Kinabukasan ay milagrong hindi tinopak ang motorsiklo ni Caleb kaya’t maaga kaming nakarating ng paaralan.
Wala naman na kaming klase sa araw na iyon, ngunit hindi maaaring umuwi kaagad. Kinakailangan daw naming manood ng iba pang mga laro o kaya ay makisali sa mga booths sa kabuuan ng quad.
Sa umaga naidaos ang Ms Intramurals.
Sa backstage kami nakatambay ni Caleb dahil isa sa mga emcees si Jerry. Kinakailangan din niyang ayusin ang kanyang page-emcee dahil isa sa mga hurado ang kanyang ama. Daig pa niya ang mga kandidata kung tratuhin namin siya ni Caleb—punas sa kanyang pawis, tulong sa pagpalit ng coat, at alalay sa pagmememorya ng mga sunod na sasabihin.
Maigi na rin ang ganito dahil may dahilan kami upang hindi magsuot ng unipormeng pang-P.E.
Kalahok si Michelle at isa sa mga pambato ng aming batch. Maging ang kanyang ate ay kabilang sa mga kandidata. Isa rin siya sa mga pinakasikat talaga sa aming paaralan kaya’t hindi na kataka-takang maging runner-up siya matapos ang patimpalak na iyon.
Wala ring pinapalampas na sandali si Caleb at palaging binabati si Michelle sa tuwing magkakaroon ng pagkakataon.
Katulad ng aming ninais ay naiuwi ni Michelle ang titulo kaya’t ganoon na lamang din ang saya ng aming mga guro dahil sa pagkapanalo niyang iyon.
Matapos ang Ms Intramurals ay binati namin si Michelle sa kanyang pagkapanalo. Niyaya niya kaming kumain upang ipagdiwang kasama siya, ngunit kinailangan ni Jerry na puntahan ang kanyang ama dahil may mga gagawin pa raw itong meetings kasama ang ilang mga opisyal ng aming paaralan.
Dahil nais ni Caleb na sumama kina Michelle ay nagpasya na lamang din ako na samahan si Jerry sa mga dapat niyang gawin.
Matapos ang walang katapusang kwentuhan sa loob ng office ay kinailangan nang umalis ng ama ni Jerry. Kinausap pa niya ng ilang minuto ang anak bago rin ako kinamayan at saka nagpaalam.
Maingay pa rin ang buong paaralan dahil sa mga booths na iyon na puro kaartehan lang naman ang laman.
Wedding booth, kissing booth, jail booth…
Iba-iba pa ang mga pangalan, iisa lang naman ang dahilan ng mga iyon—kalandian. Ang mga kaklase kong mga babae, halos himatayin sa tuwing mati-tiyempuhan ang kanilang mga crush na nakukulong sa isang booth kasama nila. May mga lalaki rin na handang magbayad makasama lamang sa isang booth ang kanilang mga nobya.
Kamuntikan na rin akong makulong sa jail booth, mabuti na lang napiyansahan ako kaagad ni Jerry. Mabuti na lang talaga at mapera itong si Jerry at palaging maaasahan.
“Tang inang mga booth ‘yan.” inis kong sambit. “Pineperahan lang tayo niyan eh. Kulang na lang gawing motel ‘tong school para magkaalaman na!”
“Gagi, may makarinig sa’yo.” sita ni Jerry.
“Totoo naman eh. Ano ba mahihita natin sa mga ‘yan? Kalandian lang ‘yan eh.” sagot ko.
Nakaupo kami ni Jerry sa isa sa mga benches sa quad.
“Teka, nasan na naman ba ‘tong si Caleb?” tanong ko kay Jerry bago kinuha ang cellphone upang tingnan kung may text ba sa akin ang loko-loko.
“Baka kasama na naman si Michelle. Alam mo namang patay na patay din ‘yun sa babaeng ‘yun.” sagot niya.
May kung ano sa aking sikmura na parang sumakit. Hindi ko mawari kung ano ba. Mula sa pagkakatitig sa aking cellphone ay ibinaling ko ang tingin sa mga estudyanteng naglalakad sa paligid.
“Ba’t, selos ka?” pang-aasar ni Jerry.
Nagulat ako sa tanong niyang iyon. Hindi ko naman kasi alam kung paano ba ang magselos. Ni hindi ko nga alam kung may pagtingin din ba ako kay Michelle.
“Gago.” tanging naging sambit ko.
Tumayo si Jerry at saka nag-unat bago humikab. Ibinalik ko naman sa aking bulsa ang cellphone at saka nag-hikab din.
“Tang ina, nahahawa na ko sa hikab mo eh.” sabi ko.
“Inaantok na ko, tang ina.” reklamo niya. “Tara, libot-libot tayo! Mamaya pa yata magbubukas ‘yang tang inang gate na ‘yan eh.” paanyaya niya.
“Ano naman gagawin natin, tunganga?” sagot ko. “Wala ‘kong pera para sa mga laro-laro diyan eh.”
“Sus, paawa ka pa eh.” natatawa niyang sabi. “Oo na, libre ko na! Tang ina mo ka eh.”
Sinipa ko siya sa binti habang natatawa-tawa.
“‘Yun! Tang ina mo, dapat kanina ka pa nag-aya.” sabi ko bago siya inakbayan at nagsimulang hilain palakad.
Sa aming tatlo, ako ang halos walang inilalabas na gastos o tulong; si Caleb ay palagi akong isinasabay sa kayang motor habang si Jerry ay halos sa amin na ipahawak ang wallet sa tuwing kami ay magkakasama.
Kung anu-anong laro ang aming pinuntahan ni Jerry. Panay din ang bili namin ng pagkain sa tuwing may madadaanan. Parang balewala lang sa kanya ang paggastos dahil ayon sa kanya, doon lamang daw siya bumabawi sa kahigpitan ng kanyag ama.
Habang naglalaro ay biglang tumunog ang aking cellphone kaya’t sinabihan ko si Jerry na sagutin na muna iyon. Agad niya naman iyong kinuha sa aking bulsa at saka sinagot.
“Gago, nasan ka na?” panimula niya. Malamang ay si Caleb iyong tumawag.
“Andito kami sa mga laro, arcade. San ka ba?” pagpapatuloy niya. “Kanina ka pa namin hinahanap. Walang load si Ben, patay naman phone ko…”
Nang matapos sa nilalaro ay nakatingin lamang ako kay Jerry habang kausap pa rin si Caleb.
“Huh? Bilisan mo na lang. Puro ka Michelle eh.” sambit pa niya. “Oo na, dali!” dagdag niya bago ibinaba at ibinalik sa akin ang aking cellphone.
“Punta na raw siya dito.” sabi niya sa akin.
“Si Michelle?” tanong ko.
Nagkibi lamang ng balikat si Jerry at saka naupo sa isang sementong upuan sa aking tabi. Maya-maya pa’y dumating na si Caleb na hingal na tinawag ang aming mga pangalan. Tinanaw ko si Michelle sa kanyang paligid, ngunit wala siya.
“Gago ka, indyan ka rin eh.” sabi ko sa kanya. “Si Michelle?”
“Wala, andun na yata sa mga kaibigan niya.” sagot niya. “Hindi pa raw bukas ‘yung gate eh. Ang tagal! Ba’t si Jerry sumagot ng phone mo?” tanong niya.
“Naglalaro ako kanina.” sagot ko. “Ba’t ang tagal mo?”
“Nahuli kami sa wedding booth eh.” natatawa niyang sabi habang may pakindat-kindat pa sa amin ni Jerry.
Sinimangutan ko siya at nilingon si Jerry na tinaasan lamang ako ng dalawang kilay.
“Tang ina mo, kasal ka na pala!” natatawang sagot ni Jerry sa kanya. “Nag-kiss kayo?”
Napalunok ako ng laway habang hinihintay ang sagot ni Caleb sa tanong na iyon ni Jerry. Matalim ang pagkakatitig ko sa kanya habang nag-aabang sa kanyang magiging sagot.
Ngumiti lamang ng malaki si Caleb at saka tumalikod—nag-aaya na maglibot-libot pa.
Parang may kung anong matalim na bagay ang sumaksak sa aking sikmura. Hindi ko alam kung bakit, ngunit nais kong malaman kung ano ba talaga ang nangyari sa kanila ni Michelle sa wedding booth dahil tulad ng aking nabanggit, kalandian lamang ang dulot niyong mga iyon.
Muli kaming naglibot-libot. Kahit na anong pilit ay hindi ko magawang maalis sa aking isip ang patungkol sa nangyari sa wedding booth kina Caleb at Michelle. Hindi ko namalayan na naging mainit pala ang ulo ko sa buong oras na magkakasama kami nina Jerry at Caleb.
Maya-maya pa’y muli naming nakasalubong si Michelle na namumula pa nang makita si Caleb. Ang pagkamangha ko sa kanyang kagandahan ay parang napapalitan ng inis. Hindi rin malinaw sa akin kung dahil ba iyon sa kagustuhan kong makasama siya o ang malamang nagkakamabutihan na sila ng loob ni Caleb.
“Bukas na raw ‘yung gate.” sabi niya matapos batiin ni Caleb.
“Oh?” bigla kong sabat. “Uwi na tayo.” Paanyaya ko kina Jerry at Caleb.
“Uwi agad?” natatawang sambit ni Michelle na ikinatawa rin ni Caleb.
Tumawa rin ako ng kaunti upang mapagtakpan ang inis. “Kanina pa natin gustong umuwi, ‘di ba?” tanong ko kina Jerry at Caleb.
“Mamaya pa ko susunduin ni dad eh.” sagot ni Jerry. “Kayo ba?” tanong niya sa amin ni Caleb.
“Mamaya pa rin.” sagot ni Caleb. Nag-aalangan na sagiin ako sa paningin dahil baka bigla ko siyang ayain na umuwi.
“Tol, uwi na tay—” putol kong sabi.
“Mamaya na, Ben. Gala na muna tayo sa bayan!” paanyaya ni Michelle sa amin. “Sama kayo sa amin ng mga friends ko.”
“Ayoko. Kasama mo yata si Ungas eh.” bigla kong bara.
“S-sino?” tanong ni Michelle.
“Ayan oh. Si Urin-DAING.” sabi ko sabay nguso sa papalapit sa amin na si Samuel. Ang sarap isakal sa kanya ang suot pa ring medalya.
“Sama ka ba, Chelle?” tanong niya kay Michelle nang makalapit.
“Suot mo pa rin ‘yan? Hindi ka pa naligo simula kahapon, no?” sabi ko.
Tiningnan niya lang ako sandali at saka ibinaling ang tingin kay Caleb. Nagulat ako nang makita silang mag-fistbump. Napalingon ako kay Jerry at nakitang maging siya ay gulat din sa nasaksihan.
“Sama ba kayo, Cal?” tanong niya kay Caleb.
“Oo, oo.” mabilis na sagot niya.
“Habol kayo ha?” nakangiting sabi sa amin ni Michelle.
Tumalikod na palayo si Samuel kasama si Michelle. Bigla naman akong inakbayan ni Caleb gamit ang kaliwang braso habang sa kabila naman si Jerry.
“Tang ina mo, tol. ‘Wag mong sirain diskarte ko. Kanina ka pa nagsusungit, may regla ka ba?” bulong niya sa akin. Nakangiti siya upang hindi mahalata ni Michelle ang kanyang sinasabi sakaling lumingon ito sa amin.
“Tang ina mo rin, tol. Hindi ko alam kung anong kaluluwa sumapi sa’yo at bigla kang tumitiklop sa ungas na ‘yan. Tang ina mo ka.” mahina ko ring bulong sa kanya habang nakangiti.
Narinig pala iyon ni Jerry at saka tumawa ng malakas.
“Tang ina niyong dalawa. Para kayong mga sira ulo, murahan ng murahan.” bigla niyang sabat sa amin ni Caleb, gaya-gaya ang mahina naming pagsasalita. “Ikaw, Caleb, tang ina mo ka. Magpaliwanag ka samin bukas.”
Nang makarating sa labas ay bumili kaagad ako ng load. Kailangan ko kasing i-text sina Tatay upang magpaalam na baka abutin ako ng gabi dahil sa aming lakad. Pinayagan naman nila ako dahil alam naman nilang kasama ko rin si Caleb.
Anim silang mga kasama ni Michelle. Hindi ko tanda ang pangalan ng iba. Tanging si Michelle, ang ate niyang si Valerie, at ang kambal na ungas na sina Samuel at Bart lamang ang kilala ko. Hindi ko naman na sila tinanong pa patungkol sa kanilang mga pangalan dahil wala naman talaga akong balak na makipag-kaibigan sa kanila.
Mas maingay sa aming paaralan ang naging kaganapan sa bayan. Nagkataon din kasi na ngayon ang huling gabi ng night market dito. May mga iba’t-ibang kainan na may kanya-kanya ring pakulo katulad ng karaoke, malalakas na tugtugan, at mga maliliit na banda.
Panay ang pangungulit sa akin ni Jerry dahil kami lang naman din ang madalas na magkausap. Kahit na anong pilit ni Caleb na balansehin ang sarili, kay Michelle pa rin natutuon ang kanyang atensiyon. Hindi ko lang din talaga mapaniwalaan ang aking mga mata sa tuwing makikitang nagtatawanan sila kasama si Samuel.
Napagpasyahan namin na kumain na lamang sa isa sa mga kainan doon. Dahil na rin siguro sa kayabangan ay nagprisinta si Samuel na sagutin ang aming pagkain. Siyempre, hindi na rin masama kung minsan ay malibre ng prinsipe ng impyerno.
Matapos kumain ay mabilis na nagpaalam si Jerry dahil susunduin na raw siya ng kanyang ama.
“Uwi ka na agad?” tanong ni Michelle sa kanya.
“Oo eh. Sinusundo na ko ni Dad dun sa labasan.” sagot niya.
Tinignan ko ang oras sa aking cellphone. Alas-siete na pala, gusto ko na rin umuwi.
“Mamaya ka pa ba, Caleb?” tanong ko kay Caleb.
“Uwi ka na rin?” biglang tanong din sa kanya ni Michelle.
Napansin ko ang pagkadismaya sa mukha ni Caleb. Marahil ay hindi pa rin niya gusto umuwi kaya’t tumayo na lamang din ako.
“De, ano… sabay na lang din ako kay Jerry palabas, tol.” sabi ko. “Ayos lang.”
“Sure ka?” tanong sa akin ni Caleb.
“Oo. Tang ina neto, kala mo naman sa’kin bata?” natatawa kong sagot, umiiwas sa kanya ng tingin. Isinabit ko na lamang sa balikat ang bag at saka tumayo.
“Alis na kami, mga kumags!” pagpapaalam ko sa kanila.
“Sige, tol.” paalam sa akin ni Caleb. “Bukas laro tayo ah.”
“Ingat kayo!” nakakagulat na paalam ni Samuel.
Sabay kaming nagkatinginan ni Jerry at saka lumingon sa kanila. Paglingon ko ay nakatingin sa akin si Caleb at nang tingnan ko siya ay parang sumesenyas siya na huwag ko nang sagutin pa si Samuel.
Natawa ako ng bahagya dahil sa itsura niyang iyon kaya’t naisipan kong sagutin pa rin ang ungas.
“Ingat ka rin diyan sa medalya mo, tol. Masakal ka diyan!” natatawa kong sabi. “Ligo-ligo rin.”
Nagtawanan din silang lahat dahil doon. Kita ko ang pamumula ni Samuel nang bigla niya akong nilusob at kinuwelyuhan.
“Gago ka, pinalamon kita tapos babastusin mo pa ‘ko?” galit niyang sabi.
Biglang nagtayuan ang iba sa amin. Si Jerry ay agad na itinulak si Samuel palayo sa akin na ikinatumba niya sa lapag. Si Caleb naman ay agad na tinulungan si Samuel patayo na padabog-dabog pang inaalis ang pagkakahawak sa kanya nina Caleb at Bart.
“Tang ina mo, sino ba nagsabi sa’yo na magpasikat ka at magbayad sa mga kinain namin?” sagot ko habang inaayos ang nagusot kong damit. “Hirap sa’yo masyado kang mayabang eh.”
“Tara na, Ben.” biglang akbay sa akin ni Jerry at hinihila ako palayo.
“Tang ina. Ang yabang mo, lampa ka namang ungas ka. Ano, sapakan tayo?” sunod kong sabi.
Muli kong sinulyapan si Caleb na hindi rin alam ang gagawin. Si Samuel naman ay hindi nakapagsalita.
“Duwag, tang ina.” huli ko sinabi bago na lamang naglakad palayo kasama si Jerry.
Matapos ang Intramurals ay balik kami sa normal na buhay-estudyante.
Madalas man sumama kina Michelle ay hindi pa rin naman kami kinakalimutan ni Caleb. Hindi man araw-araw ay madalas pa rin niya akong isabay sa kanyang motor papasok at pauwi. Mas naging abala naman si Jerry sa mga extra-curricular activities ng school dahil sa pagtutulak din sa kanya ng ama.
Si Caleb, abala kay Michelle.
Si Jerry, abala sa mga gawain sa paaralan.
Ako lang talaga ang boring ang buhay. Hindi ko rin talaga alam kung papaano ako napagti-tiyagaan ng dalawang kumag na ‘to. Ibinubihos ko na lang din sa paglalaro ng basketball ang aking mga libreng oras. Hindi na nga lang katulad noon na si Caleb ang palagi ko ring nakakasama makalaro.
Sabado ng hapon nang magtungo ako sa plaza upang manood ng mga naglalaro ng basketball. Wala kasi ako sa mood upang maglaro dahil dinalaw ako ng katamaran ng araw na iyon.
Naupo ako sa sementong upuan kasama ng ibang mga tambay. Kantiyaw doon, kantiyaw dito.
Nang tingnan ko ang aking cellphone ay nakita ko ang isang mensahe mula kay Jerry. Sinabihan niya lang ako na hindi raw siya makakapasok ng ilang araw dahil isasama raw siya ng kanyang ama sa mga gawain nito sa kabilang bayan.
[Sama ako, tol.]
[Gago, kung pweds lang eh.]
[Hanggang kelan ba ‘yan?]
[Baka Thursday pasok na ko. Nagpaalam na ko sa school.]
[Bored ako neto sa school, tang ina.]
[Gago si Caleb anjan lang.]
[Tang ina. Mag-aasawa na yata ‘yun eh.]
[Haha. Gago!]
Hindi na ako nag-reply pa. Naalala ko lang mga pinaggagawa ng mga kaibigan ko. Abalang-abala sila sa magkaibang mga bagay samantalang ako heto, tunganga kung walang ginagawa.
Alam ko naman na napipilitan lang si Jerry sa mga pinapagawa sa kanya ng kanyang ama, pero kahit naman papaano ay may katuturan ang lahat ng ‘yon. Maganda rin ang mga karanasan niyang ‘yon dahil para rin naman ‘yon sa kanya.
Si Caleb naman… Para akong maiiyak sa tuwing maalala ko kung papaano siya nagiging abala para kay Michelle. Sa tuwing magkasama sila sa aming paaralan ay bigla na lamang nag-iiba ang mood ko. Sa umpisa ay hindi ko iyon pansin, ngunit habang tumatagal ay mas lalo akong naiinis sa tuwing nakikita sila.
Hindi ko pa rin alam kung ano ang dahilan ng pagkainis ko sa kanila. Wala naman akong pagtingin kay Michelle. Mas lalo naman kay Caleb. Hindi ako bakla! Hindi ako pwede maging bakla. Hindi ngayon, hindi kailanman.
Aaminin ko, mas tumindi ang pagkasabik kong makita siya. Hindi ko alam kung pansin niya, ngunit mas hinihigpitan ko ang pagkakakapit sa kanya sa tuwing tatahakin namin ang daan papasok ng paaralan o kaya ay sa tuwing kami ay uuwi. Hindi ko rin itatanggi na sa tuwing nakasakay ako sa motor niya ay may nagtutulak sa akin na akapin siya.
Wala akong ideya kung bakit ganoon ang aking nararamdaman, ngunit alam kong payapa ang aking pag-iisip sa tuwing kasama ko siya. Pinakakinatutuwan ko ang mga sandaling kausap siya. Hindi katulad ng dati, mas nais kong mapakinggan ang kahit na anong kwento niya—may saysay man ang mga iyon o wala.
Sa tuwing may maririnig akong tunog ng motor ay sumisilip ako kaagad sa aming bintana upang tingnan kung siya na ba ‘yon. Madalas ay biglang kalungkutan ang pumapalit sa pagkasabik kong nararamdaman dahil hindi naman na kami katulad ng dati.
Halos gabi-gabi ko ring tinitignan ang kanyang mga litrato sa aking cellphone. Mga litratong kuha niya sa sarili sa tuwing kami ay tatambay sa canteen o kaya naman ay sa tuwing nakapila kami bago magsimula sa programa ng aming flag ceremony sa aming paaralan. May isang video rin sa aking cellphone na aming kinunan ni Jerry at nire-record ang pagrereport ni Caleb sa aming klase. Pinipigilan namin ang aming pagtawa habang nagsasalita siya sa unahan at sa bandang huli ay muli kaming napagalitan tatlo.
Binabalik-balikan ko rin ang mga pag-uusap namin sa text o group chat na puro lamang tawanan at kagaguhan. Ilang gabi ko ring pinigilan ang sarili na tawagan siya sa kanyang numero.
Siguro ay nami-miss ko lamang siya. Normal lang naman iyon sa magkaibigan, ‘di ba? Kahit na pareho kaming lalaki, normal lamang na ma-miss ko siya. Nami-miss din kaya niya ako?
Nais kong magalit sa kanya. Nais ko siyang sigawan at tanungin kung bakit bigla siyang nagbago. Ibig kong malaman kung hindi na ba niya kami gustong maging kaibigan pa ni Jerry—kung hindi niya na ba ako pinahahalagahan katulad ng dati. Gusto ko siyang murahin at saka yakapin.
Isa nga ito sa mga ikinakatakot ko. Pinilit kong hindi masanay sa mga pag-aalalay sa aking iyon ni Caleb. Ngunit ganoon nga yata talaga; kapag unti-unting nawawala, saka hahanap-hanapin… saka mas magkakaroon ng kahulugan.
Minsan ko na ring naisip kung may posibilidad bang magkaroon ako ng pagtingin sa kanya. Agad ko na lamang itong iwinaksi dahil naisip kong gulo lamang ang dulot niyon. Mas maigi na ang ganito; maaga pa lang ay naaagapan na.
Pagkauwi ay nadatnan ko si Tatay na nagsasalansan ng mga pinatuyong isda sa isang basket. Siguro ay dalawang balik na lamang at tapos na siya sa kanyang ginagawa. Kinuha ko na lamang din ang isa basket at saka inilagay doon ang mga natitirang isda na ibinilad sa araw.
“Oh, akala ko maglalaro ka?” tanong niya sa akin.
“Tinatamad ako, ‘tay.” sagot ko.
“Parang si Caleb hindi ko na madalas nakikita ah.” puna niya. “May problema ba kayo?”
“Wala. Baka busy lang ‘yun.” sambit ko. “Busy sa nililigawan.”
Tumawa nang bahagya si Tatay at saka nagsindi ng sigarilyo.
“Ikaw ba, wala pang nililigawan?” tanong niya bigla. “Baka naman may nobya ka na rin at hindi pa sinasabi sa amin ha?”
“Wala, ‘tay. Para ka namang ano diyan.” inis kong sagot na ikinatawa niyang muli.
“Normal lamang ‘yan, anak. Hindi naman kami magagalit.” malumanay niyang sabi matapos ibulsa ang lighter. “Mag-iingat ka lang, baka sa maling tao ka umibig. Iyon ang mahirap.”
Napaisip ako sa sinabi niyang iyon.
Ang mahulog sa maling tao? Siguro nga ay pasakit lamang ang dulot niyon… Isang bagay na kahit kailanman ay hindi ko nanaising maranasan.
Dahil sa sinabing iyon ni Tatay ay mas naging buo ang aking desisyon: Hindi ako bakla. Malabong magkaroon ako ng pagtingin sa kapwa ko lalaki. At malabo ring romantikong pag-ibig ang nararamdaman ko kay Caleb.
Mahal ko siya, oo. Katulad ng pagmamahal ko kay Jerry, mahal bilang isang kaibigan.
“Gusto ko na agad makatapos ng highschool at mag-aral ng college.” mahinanong sambit sa akin ni Jerry habang nakahiga sa kanyang kama. “Gusto ko nang umalis probinsiyang ‘to.”
Isinara ko ang laptop niya matapos itong i-shut down. Katatapos lang kasi namin tapusin ang aming ire-report bukas sa school.
“Ako rin, tol.” sagot ko naman. Mula sa kanyang study table ay naupo na ako sa nakalatag kong higaan sa tabi ng kanyang kama. “Kaso iniisip ko sina Tatay.”
“Oh, akala ko ba ayos na sa kanila na sa Maynila ka na rin mag-aral ng kolehiyo?” tanong niya.
Humikab ako. “Oo nga.” kumurap-kurap. Nilalabanan ang antok. “Kahit naman papano malungkot para sa’kin na iwan sila. Kahit pa umuwi ako tuwing weekends.”
“Pagud-paguran ka nun, tol.”
“Ayos lang.” sagot ko. “Mas masaya akong kung mas madalas akong makakauwi sa kanila.”
“Sabagay.” pagsang-ayon niya. “Ako kasi sa Tita ko ako makikitira eh.”
“Saan ka ba? San sa Maynila?” tanong ko.
“Hindi ko pa alam. Basta ‘yung tita ko, kapatid ni daddy, sa Makati nakatira.” sagot niya. Nag-unat siya at saka humikab din.
“Ang swerte mo talaga sa mga magulang mo, tol.” sambit ko. “Inggit nga ko sa’yo eh.”
Mula sa aking gilid ay nakita ko siyang tumagilid ng higa paharap sa pader.
“Mas inggit ako sa’yo, pare.” mahina niyang sagot. “Simple lang buhay niyo, tapos kitang-kita ko na mahal na mahal ka nila.”
“Gago, lahat naman ng magulang mahal mga anak.”
Narinig ko na bigla siyang natawa. Maikli. Mahina. Pilit.
Bumangon ako at saka naupo pasandal sa kanyang higaan. Magkatalikod kami, ngunit alam ko na ramdam niya ang pagkilos ko.
“Anong problema, tol?” seryoso kong tanong.
Pinakikiramdaman ko kung sasagot ba siya at kung nais niyang pag-usapan namin ang kung ano mang bumabagabag sa kanya. Ayaw ko siyang pilitin na magsalita patungkol doon. Maiintindihan ko naman kung ayaw niya iyong pag-usapan. Maging ako ay ganoon minsan; sinasarili ang problema.
May nasabi na rin naman siya sa akin noon patungkol sa problema niya sa pamilya. Minsan niya raw nahuli ang kanyang ina na kasamang ibang lalaki sa kanilang bahay. Hindi niya naman raw alam kung ano ang gagawin dahil ayaw niya na pagmulan pa iyon ng away ng kanilang mga magulang.
Alam ko na ilang buwan niya nang dala-dala ang bigat niyon.
Naramdaman ko ang pagkilos niya. Malamang ay tumihaya na muli sa pagkakahiga.
“Wala.” maikli niyang sagot at saka muling naghikab. “Miss ko na si Kolokoy Caleb ah.” pag-iiba niya ng usapan.
Napapikit ako nang sabihin niya ang pangalan ni Caleb. Hindi madiin, hindi marahan. Biglaang pagpikit na animo’y pag-iwas sa isang nakapupuwing na bagay. Bumalik ako sa pagkakahiga.
“Ako rin.” mahina kong sabi habang nakapikit pa rin.
Tumawa ng mahina si Jerry. Mahina pa rin naman, ngunit sa pagkakataong ito ay masasabi kong totoong tawa na.
“Bakit?” tanong ko. Hindi pa rin dumidilat.
“Tang ina mo, puro ka ‘Ako rin, ako rin!’” natatawa niyang sagot.
Tinawanan ko lang din siya.
“Kamusta na kaya ‘yung gago na ‘yon?” tanong niya. Tanong na hindi naman naghihintay ng sagot mula sa akin. “Tang inang ‘yun, seryosong-seryoso kay Michelle.”
Dumapa ako at ibinaon ang mukha sa unan. Tumawa ng marahan.
“Ganun yata talaga ‘pag may lovelife…” mahina niyang dagdag.
Ramdam ko ang pagkabasa ng unan dahil sa hindi inaasahang pagdaloy ng luha. Ikiniskis ko ang aking mukha sa unan at saka tumagilid patalikod kay Jerry. Mahina rin akong suminghot.
“Tang ina, sinisipon na ako sa antok ah. Tulog na tayo.” bigla ko na lamang sinabi habnang nakapikit pa rin.
Narinig ko ang pagbangon ni Jerry upang patayin ang ilaw at saka muling bumalik sa kanyang kama. Gusto ko pa sanang pagkwentuhan ang patungkol kay Caleb, ngunit huwag na lang. Muli kong pinaalalahanan ang sarili, “Matagal na panahon ka nang nakapag-desisyon, Benjamin, ‘di ba?”
Kaysa magmukmok o kaya ay magpakalunod sa kalungkutan at madalas na pagka-inip, minabuti kong mas ituon ang atensyon sa mga mas makabuluhang mga bagay.
Tinuruan ko ang aking sarili na hindi na masyadong umasa kay Caleb patungkol sa pagpapa-angkas niya sa akin sa pagpasok at pag-uwi o patungkol sa pagiging malapit ulit namin sa isa’t isa. Nagpatulong ako kay Jerry na isali ako sa mga gawain sa paaralan na maktutulong sa akin upang mas umunlad pa bilang isang mag-aaral. Maging sa mga gawain ng kanyang ama ay nagsimula akong boluntaryo na nakikilahok.
Hindi man inu-obliga ay pinili ko ring tumulong kina Tatay at Nanay sa aming munting kabuhayan. Sa halip na pagurin ang katawan sa paglalaro ng basketball ay sumasama ako kay Tatay sa paghahatid ng mga paninda sa bayan at pagde-deliver ng mga tinapa at daing sa iba pang mga manininda sa palengke sa katabing baryo.
Madalas din akong tumanggap ng pagtu-tutor sa mga kapitbahay naming nasa elementarya pa. Kahit naman papaano ay may kahiligan ako sa Maths—isang dahilan kung bakit may laban din ako sa aming paaralan.
Palagi pa rin naman kaming magkakasama nina Jerry at Caleb dahil magkakaklase naman kami. Ngunit hindi nga lamang katulad noon, mas madalang na kaming magsama sa tuwing break time o kaya naman ay may libreng oras. Sa tuwing magkakaroon din ng pang-grupong mga gawain ay mas ninanais ni Caleb na sumama sa grupo kung nasaan si Michelle.
Dahil na rin sa mga extra-curricular activities na aming sinasalihan ni Jerry ay mas madalas na kaming dalawa ang magkasama. May mga pagkakataon din na sa kanila ako minsan natutulog dahil sa mga kailangan naming tapusin na mga proyekto sa aming pag-aaral at sa mga gawaing pulitikal ng kanyang ama.
Iyon ang isa sa pinakamalaking dahilan kung papaanong mas naging malapit kami ni Jerry bilang magkaibigan at kinakatuwan din ako ng kanyang mga magulang. Sinabihan din ako ng ama ni Jerry na maaari niya akong bigyan ng scholarship sa aking pag-aaral sa kolehiyo, kaya naman ganoon na lamang din ang mas pagpupursigi ko sa aking pag-aaral.
Mabilis na lumipas ang mga buwan at natapos na namin ang isang buong taon bilang mga juniors.
Kung ngayon ay sobrang abala na ako sa mga tinatapos na mga gawain, ay paniguradong mas magiging abala ako sa panibagong taon na bilang isang graduating student.
Si Jerry ay nagbakasyon sa Maynila kasama ang kanyang buong pamilya. Halos isang buwan daw silang mananatili roon. Tanging ang kanyang ama lamang ang babalik-balik dito upang gampanan ang mga tungkulin sa aming bayan.
Wala naman akong balita sa kung anong balak ni Caleb ngayong bakasyon. Nabanggit niya sa akin noon na nais niyang maghanap ng summer job upang magkaroon ng karanasan sa pagtatrabaho.
Wala rin naman akong ibang balak ngayong bakasyon dahil katulad ng palagi, tengga lamang ako dito sa aming munting probinsiya. Wala kaming malapit na kamag-anak sa Maynila upang bisitahin. Wala rin kaming kapamilyang inaasahang umuwi galing sa ibang bansa.
Habang isinasaayos ang mga ide-deliver na mga tinapa’t daing ay biglang tumunog ang aking cellphone. Agad ko itong kinuha dahil sabik din naman ako sa mga ikukwento sa akin ni Jerry patungkol sa Maynila. Buo na rin kasi ang aking desisyon na doon mag-aral ng kolehiyo.
Nagulat ako nang makita ang pangalan ng tumatawag sa aking cellphone.
“Caleb?” tanong ko nang sagutin ang kanyang pagtawag.
“Tol,” sagot niya. “May plano ka ba ngayong bakasyon?”
“Wala naman. Bakit?” tanong ko. “Himala at nakaalala ka—”
“Sama ka sa’kin!” paanyaya niya. “Lalaban kami sa kabilang probinsiya eh. Kulang kami sa team, sali ka!”
Nalilito man ay aaminin kong may pagkasabik akong naramdaman sa paanyaya niyang ‘yon.
“Ano?” tanong niya. “Ako na bahala magpaalam kina Ninong Gener!”
“Ah, kasi—” putol kong sambit.
“Sige na! Ha?” pagpipilit niya. “Sige, kita tayo maya. Bye.”
“Gago, ba’t—”
Tanging isang maliit na beep na lamang ang sunod kong narinig.
Ang gago, bigla na lang ako pinatayan ng cellphone. Wala akong kaide-ideya kung ano ang sasalihan ko o kung saang probinsiya ang kanyang sinabi, ngunit ang muling malaman na makakasama ko siyang muli ay parang isang kiliti na hindi ako malubay-lubayan.
Natapos ko ang lahat ng dapat kong tapusin mula sa pagsasaayos ng mga isdang ihahatid sa mga pagdadalhan hanggang sa pagdedeliver niyong mga iyon. Natuto na rin akong magmaneho ng tricycle kaya’t madalas din na ako na lamang mag-isa ang siyang naghahatid ng mga paninda naming iyon. Maigi na rin ‘yun dahil mas maitutuon ni Tatay ang atensyon sa iba pang mahahalagang bagay.
Halos alas-otso na ng gabi nang ako ay makauwi. Nadatnan ko si Caleb na kausap sina Tatay at Nanay. Ganoon pa rin, katawanan pa rin nila ang ungas. Parang anak pa rin ang turing sa kanya ng aking mga magulang.
Umubo ako ng marahan upang ipaalam na dumating na ako at saka isinabit ang susi ng tricycle sa tabi ng pinto ng kwarto nina Tatay.
“Nagmo-motor ka na rin? Angas ah.” bati ni Caleb.
May pagkasabik man, may kirot pa rin akong naramdaman nang makita kong muli ang kanyang mga ngiti. May kung ano sa ngiting iyon na hindi ko nais pang pagtuunan ng pansin.
“Kailangan eh.” sagot ko bago mag-mano sa aking mga magulang.
“Kaawaan ka ng Diyos.” sambit ni Tatay nang mag-mano ako sa kanya. “May laro raw kayo sa kabilang bayan, anak?” tanong niya.
“Ah, opo.” sagot ko. “Hindi ko pa nga po alam kung saan at anong laro ‘yun eh.”
Natawa si Caleb at pakamot-ulong tumingin kina Tatay at Nanay. “Eh kasi ngayon ko pa lang po sana idi-detalye.”
“Nako, kayong dalawa talaga. Sugod ng sugod, di pa pala alam kung ano susugurin.” natatawang sabat ni Nanay matapos akong abutan ng malamig na tubig.
“At sa pagkaka-alam ko, hindi pa rin ako umo-oo sa’yo, Caleb.” pang-aasar ko pa. “Tapos bigla mo na lang ako ipagpapaalam sa mga magulang ko ngayon. Ayos ka rin ah.”
Nakasimangot siyang lumapit sa akin at saka ako inakbayan. Natatawa rin naman ang aking mga magulang dahil sa pang-aasar kong iyon.
“Eh kaya nga ako nandito diba, tol?” mahina niyang paliwanag. “Papaliwanag ko na. ‘Wag mo na ‘kong ipahiya kina ninong oh.”
Tumawa lamang ako at saka ininom ang tubig na iniabot sa akin ni Nanay. Si Tatay naman ay natatawa ring pumasok na ng kwarto.
“O siya, kumain ka na, anak. Nauna na kami ni Tatay mo kanina.” sambit ni Nanay. “Kumain ka na ba, Caleb? Sabayan mo na ‘yang kaibigan mo para mapag-usapan niyo na rin ‘yan.”
Nakahanda naman na ang kakainan ko sa mesa. Kumuha na lamang ako ng isang pang plato at isang pares ng kubyertos para kay Caleb upang sabayan na ako.
Nang makaupo ay nauna na akong sumubo dahil sa gutom na rin.
“Gutom na gutom ah.” puna ni Caleb na mukhang gulat na makita akong halos mabilaukan kung kumain.
Pinilit kong lunukin ang napakalaking subo upang sagutin siya.
“Oo. Kagutom mag-deliver, gago.” sagot ko.
“Ang sarap pa rin ng Sinigang ni ninang.” sabi niya matapos humigop ng sabaw. “Kailan ba ko huling nakikain dito?”
Nais ko siyang sagutin dahil nakakagulat man, alam ko ang eksaktong petsa nang huli niyang pagbisita dito sa aming bahay. Mula sa pagkakatitig sa kanya ay itinuon ko na lamang ang aking panigin sa aking plato at saka muli sumubo ng malaki.
“Sa kabilang bayan kasi may liga. Inilista ni Coach ‘yung team ng school eh. Hindi naman lahat pwede kaya may ibang isinali na lang.” kwento niya. “Buti na lang naalala kitang isali. At least, magkasama tayo diba?”
Nginitian ko siya habang ngumunguya. Paulit-ulit na sinasambit sa sarili na hindi ko na siya dapat pang masyadong pakaisipin… na pakatitigan.
“Sino-sino bang kasali?” tanong ko.
“Sina Matt, Baldo—mga ka-batch din natin.” sagot niya. “Si Bart din pala at Samuel kasali. Wala pa naman daw silang kailangang gawin ngayong bakasyon eh.”
“Hindi sila mag-aaral ng kolehiyo?” lito kong tanong.
“Si Bart, hindi raw. Si Samuel, sa isang buwan pa yata ‘yung enrollment nila eh.” paglilinaw niya. “Si Jerry sana isasama ko rin kaso—”
“Sayang.” mahina kong sabi. “Miss ka na nun eh.”
Napatingin sa akin si Caleb. Naiilang siyang umiwas ng tingin nang matitigan ko siya. Umubo siya ng marahan at saka uminom ng tubig. Marahil ay may nasabi akong hindi niya nais marinig. Iniisip ko kung ano ba iyon.
Kung may isang bagay akong mabilis na natutunan sa mga nagdaang panahon na hindi na nakakasama si Caleb, iyon ay ang huwag nang mag-isip ng sobra patungkol sa kung anu-anong mga bagay.
Ang sabi sa akin ng ama ni Jerry, ang tawag daw sa ganoong estado ng pag-iisip ay “analysis paralysis.” Hindi ka umuusad dahil natetengga ka sa isang bagay na hindi naman ganoon kahalaga kung tutuusin.
Kaya minabuti ko na lamang na hindi na pakaisipin pa masyado ang kung anong maaring mangyari sa laro namin sa kabilang bayan. Lalo pa’t naroon si Samuel na hindi ko talaga kasundo. Inisip ko na lamang na ilang araw lang iyon, at pagkatapos noon ay hindi ko na ulit siya makikita pa ng madalas dahil mag-aaral na siya sa Maynila.
Biyernes ng hapon nang umalis kami papuntang kabilang bayan. Sabado kasi ang unang laro at kung palaging mananalo ay tuloy-tuloy na iyon hanggang Lunes. Bale, Martes na ang balik namin, kung sakali.
Sasakyan ni Coach ang aming gamit. Isang mahabang van lang iyon at saktong-sakto lang sa amin. Sa dulo sa likod ako pwesto dahil wala akong balak na makipagtawanan o kwentuhan sa kahit na sinong naroon.
Hindi ko rin inaasahan na kakausapin ako nang madalas ni Caleb dahil sila na ang bago niyang mga barkada. Marahil ay isa na lamang akong parte ng nakaraan para sa kanya. Isang kaibigan na wala lamang siyang lakas ng loob na kalimutan.
Katabi ko ang isa naming kaklase na si Matt. Hindi kami masyadong nag-uusap sa aming paaralan dahil hindi ko naman siya nakakatabi o nakakasama sa mga gawaing pampaaralan. Ngunit kilala namin ang isa’t isa—sapat na upang mag-ngitian at maging magkasama sa paglalaro.
Nakasuot ako ng hoodie at nakikinig ng mga paboritong kanta mula sa aking earplugs na nakakonekta sa aking cellphone. Hawak ko ito dahil maloko kong kausap sa text si Jerry. Panay ang reklamo niya dahil sa panghihinayang na makasama sa laro namin ni Caleb.
Bago tuluyang lumarga ang sasakyan ay nakipagpalit si Caleb ng upuan kay Matt. Hindi ko masyadong naintindihan ang kanyang dahilan ngunit nalaman ko na kasama roon ang aircon ng sasakyan dahil na rin itinuturo-turo iyon ni Caleb habang nagrarason.
Nang makatabi ay tinanguan ko lamang siya at saka ibinaling ko na ang paningin sa bintana ng sasakyan upang magmasid-masid. Hindi ko naman maituon ng maayos doon ang aking atensiyon dahil panay ang text sa akin ni Jerry.
Marahil ay napansin iyon ni Caleb kaya’t bigla niya akong kinalabit at saka bigla isinaksak sa aking bibig ang isang maliit na chewing gum. Sa inis ay hinila ko mula sa aking mga tainga ang earplugs.
“Tang ina, aray naman!” reklamo ko bago tuluyang pinindot ang pause ng aking music player sa cellphone. “Ang sakit nun, gago.” sunod kong reklamo bago hinawakan ang bibig at saka ngumuya-nguya.
Tumawa siya ng mahina. Napansin ko kung papaano niya nginunguya-nguya ang kanyang chewing gum. Nakita ko rin ang banayad niyang pagbabasa ng mga labi gamit ang dila.
Agad kong inialis doon ang aking atensyon at saka sinimangutan siyang muli.
“Gago, baka mapanisan ka ng laway. Nguya-nguya rin.” nakangiti niyang sabi. “Sino ‘yang katext mo? May girlfriend ka na ba, tol?”
Tiningnan ko sandali ang aking cellphone at saka napaisip.
“Gagi, si Jerry ‘to.” batok ko sa kanya. “Nagrereklamo dahil gusto sanang sumama sa laro natin.”
“Ah…” sambit niya. “Oo nga, no? Sobrang tagal na rin natin hindi nakapaglaro magkakasama.”
Tuloy lamang din sa kwentuhan ang iba naming mga kasamahan. Tawanan, asaran, kulitan.
Siniksik niya ang kanyang sarili sa akin na halos dumikit na ang aking mukha sa salamin ng bintana. Itinulak ko siya at saka muling binatukan.
“Tol, ‘wag kang maharot. Nahihilo ako.” sabi ko. “Sukahan kita diyan, gago ka.”
“Edi sukahan mo!” pang-aasar pa niya. “Na-miss lang kita eh. Pa-kiss nga!”
Bigla niyang inilapit ang mukha sa akin at saka ako hinalikan sa pisngi. Sa gulat ay agad ko siyang siniko na ikina-aray niya naman ng malakas. Agad ko rin hinila ang manggas ng suot na hoodie at saka pinunasan ang pisngi.
“Caleb, ang likot mo!” reklamo ni Bart na nasa unahan namin. “Nanghahalik ka pa, kadiri kang bading ka!” dagdag pa niya na ikinatawa ng lahat.
Ramdam ko ang pag-iinit ng aking pisngi at tainga. Marahil ay inis iyon, ngunit parang wala naman akong inis talaga na nararamdaman.
“Gagi, kapag hinalikan kita, ikaw mababading sa’kin.” natatawa naman niyang banat na ikinatawa lalo ng lahat.
Nakikita ko rin sa rearview mirror na natatawa-tawa sa amin si Coach. Tumitingin-tingin lang din siya sa amin at umiiling-iling.
Maya-maya pa ay muli na naman akong kinulit ni Caleb. Alam ko naman na may kakulitan talaga siya noon pa at gamay ko na rin ang kakulitan niyang iyon. Iba lang talaga ang kakulitan niya ngayon. Parang hindi siya… o baka naman ay dahil hindi na ako sanay sa kakulitan niya.
“Eto pakinggan mo, tol.” sabi niya at saka ikinabit sa aking isang tainga ang isa niyang earplug. “Relaxing.”
Pamilyar ako sa boses ng kumakanta, ngunit hindi ko alam ang mismong awitin. Malungkot ang mensahe niyon, maging ang himig ay kapansin-pansin ang nakakalungkot na tono.
~ Oooh... How I miss you…
My symphony played the song that carried you out
Oooh… How I miss you… and I,
I miss you and I wish you’d stay… ~
Muli, kahit na anong pagpipigil sa sarili ay bigla na naman akong nakaramdam ng lungkot, ng takot. Ayaw ko na muling masanay pa sa ganito at mahirapan sa bandang huli kung sakaling mawala na naman ito sa akin. Hindi ko na nais na muli pang maguluhan o hanap-hanapin ang isang bagay na kahit kailanma’y hindi naman naging akin.
Tinanggal ko sa aking tainga ang kanyang earplug at saka iniabot sa kanya.
“Ayaw ko.” walang emosyon kong sambit. “Hindi maganda.”
Iniwas ko ang tingin sa kanya. Ayaw ko kasing makita kung ano ang naging reaksyon niya sa sinabi kong iyon. Hinila ko na lamang ang aking hood upang matakpan ang mga mata at saka sumandal ng maayos habang nakapikit.
Ganito na lamang dapat palagi. Ganito kasi ang nararapat.
Umiwas.
Dumistansiya.
Nang makarating sa aming tutuluyan ay agad kaming nagbitbitan ng mga kanya-kanyang gamit papasok. Bahay iyon ng isa sa mga sponsors ng liga na naglaan sa amin ng dalawang kwarto. Ang mismong may-ari ay kumpare rin ng aming coach at siya mismong nag-imbita sa amin na sumali sa palaro ng kanilang kapistahan.
Sa labas ng bahay na iyon ay matatanaw ang isang napakagandang dagat. Kahit na gabi na ay masasabing malinis iyon at hindi basta-bastang binababoy lamang ng mga residente sa lugar na iyon. Ang sabi sa amin ni coach ay malapit na raw magtayo ng ilang malalaking cottages sa paligid niyon dahil nagiging mas popular na raw sa mga turista.
Bago tuluyang pumasok ay iginrupo kami ni Coach sa dalawa. Kasama ko sa isang grupo sina Matt, Bart, Samuel, at Caleb. Mas maliit ang aming grupo kumpara sa matutulog sa kabilang kwarto kasama ni Coach. Higit na mas malaki naman ang kwartong iyon kaya ayos lamang na mas marami sila roon.
Tatlong malalaking kutson ang nakalatag na magkakadikit sa sahig. Hindi ko alam kung sino ang magsasaayos ng aming pagkakatabi-tabi. Agad ko na lamang inilapag ang aking bag sa pinakadulo sa tabi ng pader.
“Dito na lang ako, mga boss.” sambit ko bago naupo at hinubad ang suot na sapatos. “May gagamit ba ng banyo? Ihi na muna ako, tapos toothbrush na rin.”
“Sige, tol, una ka na.” sagot ni Matt sa akin.
Abala naman ang iba na inaayos ang kanilang mga bag o kaya naman ay may kinakalkal sa mga loob niyon. Hindi ko na sila masyadong pinansin at pumasok na lamang kaagad sa banyo matapos hubarin ang suot na hoodie at t-shirt.
Matapos umihi at magsipilyo ay hinubad ko na rin ang aking shorts at saka lumabas na tanging boxers na lamang ang saplot. Ang nakasabit na tuwalya sa aking balikat ay inilapag ko na lamang sa aking bag at doon na rin ipinatong ang toothpaste at toothbrush na ginamit bago nahiga at nagkumot. Balak ko na lang din matulog kaagad dahil nais kong gumising ng maaga upang mag-ehersisyo at magsanay.
Sa kalaliman ng aking pagtulog ay nararamdaman ko ang kalikutan ng pagkilos ng aking katabi. Marahil ay si Matt lamang iyon at sadyang may kalikutan matulog.
Maya-maya pa ay naramdaman ko ang pagtanday ng kanyang binti sa akin, patagilid kasi akong nakahiga paharap sa pader. Sa pagkakatanday niyang iyon ay para akong isang tuod na hindi makagalaw. Nais kong kumilos nang bahagya upang alisin ang kanyang hita sa akin, ngunit hindi ko kakagad magawa. Siguro ay dahil na rin sa antok.
Nang hindi na makatiis ay dahan-dahan akong kumilos upang mahawi ang tanday sa akin ni Matt. Ilang galaw pa, ngunit walang nangyayari. Bahagya akong umikot paharap sa kanya at nagulat nang makitang mukha ni Caleb ang aking nakaharap.
Halos tatlong pulgada lamang ang agwat ng aming mga mukha sa isa’t isa.
Kahit na may kadiliman ay naaninag ko mula sa liwanag ng buwan sa bintana ang kanyang maamong mukha. Ang makakapal niyang mga kilay, maninipis na mga labi, at maliit na nunal sa ilalim ng kaliwang mata na animo’y tuldok na tinta lamang ng bolpen.
Ang kanyang binti na kanina lamang ay sa aking balakang nakapatong, ngayon ay nakaibabaw na pala sa aking harap. Nang sumagi iyon sa aking isip ay napabalikwas ako at napaupo.
Mula sa pagkakaupo ay nailapat ko ang aking kanang kamay sa aking harap at naramdaman ang unti-unti pagkagalit ng aking alaga. Alam ko na hindi lamang iyon dahil sa lamig. Ngunit hindi ko maubos maisip kung bakit ko iyon naramdaman kay Caleb.
Marahil ay dahil sa aking biglaang pagkilos at biglang umupo rin si Caleb at saka pumupungay-pungay pa ang mga matang tinanong ako kung ano ang problema.
Tinitigan ko siya sandali.
“N—nauuhaw ako.” mahina kong alibi.
Kumakamot-kamot siya ng ulo at tumingin sa paligid upang tingnan marahil kung mayroon bang ibang gising.
“Bigla kang natulog kanina, di ka na kumain.” mahina niyang sabi bago tuluyang bumangon. “Tara sa kusina, dali.”
Nalilito man ay bumangon na rin ako at saka sumunod sa kanya sa labas. Hindi ko masyadong nalibot ang bahay na iyon kanina kaya’t hindi ko rin alam ang pasikot-sikot.
Nang makarating sa kusina ay naupo lamang ako sa isa sa mga upuan ng maliit na mesa roon. Dumeretso sa tauban ng plato si Caleb at saka kumuha ng plato at saka ako sinandukan ng kanin at ulam. Inilapag niya iyon sa aking tapat saka muling bumalik upang kumuha ng baso at nilagyan ng malamig na tubig mula sa water dispenser.
“Ay, kutsara pala.” sabi niya.
Muli siyang bumalik at kumuha ng kubyertos. May pakamot-kamot pa siya ng puwet habang nakatalikod sa akin. Matambok iyon at parang masarap pisil-pisilin.
Nagulat ako nang bigla siyang humarap at saka nagsalita.
“Ininit ko lang ‘yan kanina bago matulog kaya medyo mainit pa ‘yan.” sabi niya. “Teka, lang. Ihi lang ako, tol. Kain ka lang diyan.”
Agad siyang naglakad papasok sa aming kwarto.
Hindi mawaglit sa isip ko ang nangyari kanina. Iyon pa lamang kasi ang unang beses na nagtabi kami sa pagtulog ni Caleb. Oo, madalas kami noong magkasama dahil sa pagpapa-angkas niya sa akin sa kanyang motor, ngunit iba ang sensasyong naramdaman ko kanina. Sensasyong kahit kanino ay hindi ko pa naramdaman.
Sa totoo lang ay wala naman talaga akong ganang kumain dahil dis-oras na rin ng gabi. Naghanap ako ng orasan sa paligid at nang makakita sa pader sa itaas ng ref, nakita ko na lampas ala-una na pala ng madaling araw.
Kahit na napipilitan ay sumubo ako ng ilan mula sa sinandok sa akin ni Caleb.
“Gago, ubusin mo ‘yan.” pabulong niyang sabi sa akin bago naupo sa harapan ng aking pwesto. “Kahit hindi kasing sarap ng luto ni Ninang Lilia, ubusin mo kasi sinandok ko ‘yan.” pagpapa-kyut niyang dagdag.
Ngumiti lamang ako at saka muling sumubo.
“Kanina ‘di mo nakita ‘yung bulyawan nina Bart at Matt.” natatawa niyang kwento. “Nag-aagawan kasi sila na pumwesto sa kabilang dulo dahil mas malapit sa aircon. Pikon si Bart eh. Gagi, sayang ‘di mo nakita.”
Panay ang kwento niya patungkol sa mga kakulitan ng aming mga kasamahan, at panay tawa lang naman ako. Hindi ko na halos maintindihan ang iba sa kanyang mga istorya dahil nauunahan na niya ng tawa, ngunit masaya lamang akong muling makinig sa kung ano ang mga nais niyang ibahagi sa akin.
Sa bawat salita na kanyang sinasabi, ramdam ko ang pagkasabik niyang ikwento ang mga iyon sa akin. Marahil ay totoo nga na kinasabikan niya muli akong makakwentuhan. Marahil ay totoong kaibigan pa rin talaga ang turing niya sa akin.
Nang maubos ko ang kinakain ay hindi na muna ako tumayo pa. Siguro ay naubusan na rin ng kwento si Caleb kaya’t pawang katahimikan ang pumapagitan sa aming dalawa.
Pilit kong nilalabanan ang sarili na muli siyang titigan sa mga mata, ngunit ramdam ko na ang mga titig niya sa akin. Para akong natutunaw at hindi malaman ang gagawin. Kinuha ko na lamang ang aking baso at saka inubos ang tirang tubig niyon.
May kadiliman sa paligid; tanging ilaw na maliit lamang malapit sa lababo ng kusina ang liwanag naming kasama. Maririnig mo rin ang mga huni ng kuliglig, maging ang pagsasayawan ng mga dahoon ng puno dahil sa banayad na ihip ng hangin. Mahina man ay mapapakinggan din ang paghampas ng alon sa dalampasigan.
Iniwasan ko pa rin na tingnan din siya at umubo na lamang ng marahan. Patayo na sana ako upang hugasan ang aking kinainan nang biglang nagsalita si Caleb.
“Sobrang miss na kita, Ben.” malumanay niyang sabi.
May kung ano sa tono ng kanyang pagsabi niyon na parang isang kutsilyo na pumuntirya sa aking sikmura.
Napatingin ako sa kanya at nakita ang seryoso niyang mukha, ang kanyang nangungusap na mga mata na kumukurap ng mabilisan—waring nilalabanan ang pagtulo ng mga luha. Nakita ko rin ang paglunok niya ng laway at paggalaw ng mga labi habang nakasara ang bibig. Animo’y inihahanda ang sarili sa susunod pang sasabihin.
“H-hindi ko na kaya, tol.” sunod niyang sabi. “Akala ko, wala na eh. Akala ko, ayos na.” dagdag niya bago nilamutak ng dalawang palad ang sariling mukha.
Hindi ko naiintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin. May nagawa ba ako sa kanya noon na hindi niya nagustuhan? May kasalanan ba ako sa kanya na hindi ko alam?
Tulala pa rin ako sa kanya at iniisip kung anong dapat sabihin o kung may kailangan ba talaga akong sambitin.
Bigla siyang tumayo at tumalikod. Nakapamaywang siyang tumitig sandali sa kung saan, hindi ko alam. Pansin ko ang malalalim niyang paghinga dahil sa pagtaas-baba ng kanyang likod at dibdib. May nag-uudyok sa akin na lapitan siya at yakapin, ngunit hindi ko iyon pinagtuunan ng pansin—katulad ng madalas, katulad ng dapat.
Humarap siyang muli at saka diretsong naglakad papasok ng kwarto.
Maliit na liwanag ng ilaw.
Huni ng kuliglig, at ihip ng hangin.
Paghampas ng alon sa dagat.
Tanging mga bagay na malinaw sa napakalaking kalabuan ng nangyari.
Kinabukasan ay maaga kaming ginising ni coach upang magsanay.
Katulad ng balak ay mas maaga akong gumising kaysa sa lahat upang mauna nang tumakbo-takbo at mag-ehersisyo. Hindi man gaanong makapal ang naisuot kong damit ay pwedeng-pwede na upang labanan ang lamig ng umaga sa tabing-dagat.
Hindi katulad ng sa amin, may bubong ang basketball court dito. Mabuti nga iyon dahil matindi rin ang naging sikat ng araw sa bawat laro namin. Maayos din ang pakikitungo sa amin ng mga tao, maging ang mga binatilyong aming nakalaban sa laro. Bisitang-bisita ang turing nila sa amin.
Mahigpit man ang laban ay nagawa pa rin naming manalo hanggang sa huli. Ang tropeyong pagkalaki-laki ay napag-pasyahang sa aming paaralan iiwan upang doon i-display. Mas gaganahan siguro kaming maglaro ulit sa susunod dahil sa tagumpay naming ito.
Sa buong oras na magkakasama kami ay hindi ko magawang matingnan si Caleb. Sa ilang araw na nagdaan na kami ay magkasamang naglaro, napagod, at nanalo, ay hindi pa rin namin napag-usapang muli ang patungkol sa kanyang nasabi.
Marahil ay nahihiya ako at naiilang dahil sa kanyang sinabi noong madaling araw na iyon. Wala rin akong lakas ng loob na tanungin siya patungkol doon dahil baka mahiya rin siya. Siguro ay hahayaan ko na lamang na siya na ang unang gumawa ng hakbang patungkol sa kung paano niya ibabahagi sa akin ang nais niyang sabihin sa akin.
Lunes ang huling araw namin sa lugar na iyon. Nagkataon din na iyon ang huling araw ng kanilang kapistahan kaya’t halos ang bawat tahanan ay may magagarbong handa ng mga pagkain. Maging ang aming tinutuluyang pamilya ay naglitson pa ng mga manok at baboy. Selebrasyon na rin daw iyon ng aming pagkapanalo.
Hapon ang oras kung saan mas naging maingay sa labas. Dumami rin ang mga tao na nagkakainan at nag-iinuman. Halos ang bawat pamilya yata ay nagtayo ng kanya-kanyang mga mesa at pwesto upang doon magsaya. May malalakas ding tugtugan na mas dumagdag pa sa kasiyahan.
Bawal man kaming uminom ay nagawa pa ring makapuslit ng mga alak ng iba naming kasamahan mula sa mga nag-iinuman. Ang pasimuno ay sina Bart at Samuel na kahit naman papaano ay hindi na ganoon na nakakaasar kasama. Siguro ay nagsisimula na rin sa pagiging totoong binata. Mayroong tuba, gin, at iba pang uri ng mga alak.
Ang tanging ininom ko ay isang maliit na bote ng beer na hindi ko alam kung makakaya ko bang ubusin. Hindi rin naman din ako sanay sa inuman. Paminsan-minsan ay hinahayaan ako ni Tatay na tumagay ng kaunti sa tuwing nag-iinuman sila ng kanyang mga kumpare sa aming bahay, ngunit hanggang isa o dalawang tagay lamang. Tikim-tikim lang, ika nga ni Tatay.
Mas nilantakan ko ang mga pagkain. Kahit saan ka kasi magtungo ay maaari kang kumuha lamang ng kumuha. Mas kinatutuwan nga ng mga tao roon ang pagtikim namin sa kanilang mga nilutong putahe.
Ang iba sa amin ay nakikisali sa sayawan o kaya naman ay naliligo sa dagat. Ang sinuot kong damit ay ang mismong ipambabasa ko kung sakaling maisipan ko ring maligo. Hindi ko alam kung ano ba ang gusto kong gawin. Banayad naman ang alon, ngunit paniguradong may kalamigan ang tubig.
Nakikita ko rin si Caleb na umiinom-inom. Hindi man kami mismong magkasama ay masasabi kong hindi rin niya balak na magpakalasing. Responsableng tao naman din kasi siya; alam niyang maaga kaming uuwi bukas kaya’t ayaw niyang maging isa sa mga mahirap gisingin o mahilo sa biyahe namin pauwi.
Naisipan kong maglakad-lakad lamang sa dalampasigan—may kalayuan sa ingay ng mga taong nagsasaya’t nag-iinuman. Hawak ko sa magkabilang kamay ang mga tsinelas at nilalaro ang mga buhangin sa paa habang inaanod ng tubig-dagat.
Naupo ako sa buhanginan upang ipagpatuloy ang pagmumuni-muni. Mula sa aking kinauupuan ay kita ko ang pagkukulitan nina Samuel kasama nina Matt at iba pa. Malakas ang kanilang tawanan, ngunit hindi ko naman masyadong napapansin.
Sina Tatay at Nanay ang unang sumagi sa isip ko.
Ang isa sa pinakanais kong makamit na pangarap ay ang bigyan sila ng maginhawang buhay. Hindi na rin sila bumabata. Ang aming hanapbuhay ay hindi naman palaging nandiyan din. Nais kong makapagtapos at magkaroon ng magandang trabaho upang kunin ko sila sa Maynila o kaya naman ay bilhan sila ng mas malaking tirahan kung sakaling mas nais nilang lumagi doon sa amin.
May lungkot at takot din ako sa tuwing naiisip kong malapit ko na silang iwanan na muna upang mag-aral ng kolehiyo. Uuwi-uwi naman ako panigurado, ngunit iba lang talaga ‘yung hindi ko na sila makikita araw-araw.
Sina Jerry at Caleb ang sunod kong naisip.
Kamusta na kaya si Jerry? Hindi ko siya masyadong nakakatext nitong mga huling araw dahil wala naman na akong load. Palagi ring nawawaglit sa isip kong bumili ng load sa tuwing may pagkakataon.
Laking pasasalamat ko sa gagong ‘yun. Siya ang tumutulong sa akin ngayon sa lahat ng mga kailangan kong gawin upang mas maging maganda ang aking mga grado. Dahil din sa kanya at kanyang pamilya ay nakasalamuha ko ang ibang mga kabataan at importanteng tao sa aming probinsya. Higit sa lahat, ang pangakong scholarship sa akin ng kanyang ama.
Si Caleb. Naudlot man ang pagiging malapit naming muli sa isa’t-isa, hindi ko pa rin maipagkakaila na mahalaga pa rin siya sa akin. Espesyal siyang tao para sa akin. Hindi ko kayang ipaliwanag kung papaano, ngunit siya ang pinakakinatutuwan kong tulungan o samahan. Matamis para sa akin ang bawat sandali na maiisip kong parte ako, kahit papaano, ng kanyang buhay.
“Maliligo ka?” biglang tanong ni Caleb na naupo na rin pala sa aking tabi.
Sandali ko siyang nilingon at saka muling ibinaling sa dagat ang paningin. Sa bandang likuran ko siya naupo kaya’t hindi ko talaga siya maaaninag kung sa dagat ako nakatingin.
“Mamaya siguro.” maikli kong sagot.
“Ang saya ng fiesta rito, no?” sunod niyang sabi. “Dapat ganito rin kasaya fiesta sa’tin eh.”
Hindi ko siya kinibo at tahimik lamang akong tumingala sa papadilim nang kalangitan.
“Ben, ano—” pagtawag niya. “Tungkol dun sa nasabi ko nung nakaraan…”
Hindi ko alam kung kailangan ko ba siyang lingunin. Maging ako kasi ay naiilang pa rin na mapag-usapan iyon.
“Oh?” tugon ko.
“Ano, kasi…” sabi niya. “‘Wag mo na lang ‘yun masyadong isipin, tol. Kalimutan na lang natin…”
Napansin ko ang ilang ibon na naghahabulan sa himpapawid. Ang isa ay halos lamunin ng alon nang magtangka itong magtungo pababa roon.
“Pano kung gusto kong malaman kung tungkol saan ‘yun?” bigla kong tanong.
Hinihintay ko siyang magsalita at sagutin ako sa tanong kong iyon, ngunit tanging katahimikan ang kanyang naging tugon. Bigla ko siyang hinarap at nagulat nang makita ang mga nangingilid na luha sa kanyang mga mata. Hindi siya nakatingin sa akin dahil nakayuko lamang siya habang pinipigilan ang sarili sa pagluha.
“Uy, tol?” pagtawag ko. May pagtawa pa sa tono ng pagkakasabi ko niyon dahil nais kong pagaanin ang sitwasyon para sa amin. Marahil ay masyado na ngang mabigat.
Gamit ang isang kamay ay hinawakan ko ang kanyang balikat at saka marahan siyang iniyugyog.
“Tol, ano ba ‘yan? Para kang gago, anong problema?” tanong ko.
Huminga siya ng malalim at saka tumingin sa akin. Nais ko siyang yakapin dahil sa kalungkutan na nakikita ko sa kanyang mga mata.
“Tol!” pagtawag ko sa kanya.
“M-mahal mo ba ako, tol?” utal niyang tanong.
Nagulat man sa tanong na iyon ay masasabi kong walang kahit na anong bahid ng malisya para sa akin ang tanong niyang iyon. Hindi ko alam kung bakit, ngunit ang naging dating sa akin ng tanong na iyon ay patungkol lamang sa pagmamahal bilang isang totoong kaibigan.
“Oo naman, tol!” bigla kong sagot. “Mahal kita! Mahalaga ka sa’kin. Kaya sabihin mo na kung ano ‘yang lintek na problema na ‘yan para mapag-usapan natin.”
Hinawi niya ang aking kamay at saka biglaang tumayo.
Nakatalikod man ay kita ko kung papaano niya pinupunasan ang mga luha gamit ang mga palad. May pag-aalala sa akin dahil baka may mga buhangin iyon at ikapuwing pa niya.
“Ito ang problema ko!” malakas niyang sagot. “Ikaw! Ikaw ang problema! Ikaw ang dahilan ng lahat ‘to…”
“Tang ina, tol, ano ginawa ko?” gulat kong tanong. Hindi ko rin sinasadyang magbigay ng isang nakakatawang reaksiyon sa mukha dahil sa kanyang sinabi.
“‘Yung paglapit ko kay Michelle, ‘yung pagsama ko sa mga kaibigan niya, ‘yung paglayo ko sa inyo… lahat ‘yun dahil sa’yo!” sunod niyang sabi.
Nakakunot lamang ang aking noo habang nakatitig sa kanya. Pinipigilan ko ang sarili na magsalita dahil baka maging hadlang iyon upang ipagpatuloy niya ang pagpapaliwanag.
“Nagiging malapit na rin kasi kayo ni Michelle nun. Nagselos ako ng sobra sa’yo, Ben. Ang buong akala ko gusto ko lang na makasama si Michelle dahil ikaw ang pinagseselosan ko sa kanya.” paliwanag niya. “Hanggang sa malaman kong ikaw pala ang gusto kong palaging kasama, tol. Gusto ko ako lang lagi mong kausap, gusto ko ako lang lagi mong kasama… Pero hindi pwede. Hindi pwede kasi ayaw kong malaman mo na may pagtingin ako sa’yo; ayaw kong pandirihian mo ako o layuan.”
“Ah, so kaya ikaw na lang ‘yung lumayo?” bigla kong sagot. “Dapat ba kitang pasalamatan dahil sa pagsasakripisyo mo?”
“Hindi ‘yan ang ibig kong sabihin! Tang ina naman, tol, eh.” tugon niya.
“Tang ina, eh parang ganun ‘yung pinapalabas mo eh.” inis kong sagot. “Akala ko ba kilala mo ‘ko? Kung kilala mo ako, tol, alam mong hindi kita ipagtatabuyan kahit kailan. Tang ina, ang tagal na panahon kong inisip kung may nagawa ba ‘ko sa’yong hindi maganda kaya mo ako iniwan.”
“Hindi kita iniwan, Ben!” sigaw niya.
“Iniwan mo ‘ko, Caleb.” mahina kong sagot. “Iniwan mo kami ni Jerry na naghahanap ng rason kung bakit bigla ka na lang nag-desisyong lumayo sa’min.”
“Lumayo ako dahil ‘di ko kayang magpanggap sa harap mo!” naiiyak niyang paliwanag. “May pagtingin ako sa’yo matagal na at iyon lang ang naisip kong paraan para mawala ‘yun.”
“Tang inang rason ‘yan!”
“Tang ina talaga dahil hanggang ngayon nandito pa rin!” mabilis niyang tugon. “Nandito ka pa rin sa’kin!”
“So, ano ‘to? Makikiusap ka ngayon na ako naman ang lumayo sa’yo?” tanong ko. “Ganun ba, tol?”
Nakatitig lamang siya sa akin at hindi makapagsalita.
“Tang ina mo, Caleb…” sabi ko.
“Ayaw kong mawala ka sa’kin.” mahina at kalmado niyang sagot. “Kung hanggang kaibigan lang tingin mo sa’kin, ayos lang. Basta kasama kita… basta nandito ka lang sa’kin.”
Hindi ko alam kung ano ang isasagot sa sinabi niyang iyon. Mayroon sa akin na nagsasabing dapat akong magtatatalon sa tuwa dahil sa wakas ay nalaman ko na rin ang katotohanang iyon mula mismo sa kanya. Ngunit iniisip ko pa rin ang kinabukasan niya—paano kung makahadlang ito upang maabot niya ‘yun?
“Hindi ka bakla.” mahinanon kong sabi. “Siguro nasanay ka lang na laging akong kasama noon, kaya nalito ka. Pero hindi ka bakla!”
“Hindi ako bata. Hindi mo ako kailangang utuin…” sagot niya. “Alam ko kung sino ako, Ben. Alam ko rin kung ano ako!”
“At lalaki ka!” bigla kong tugon bago lumapit sa kanya at saka siya inakbayan. “Hindi ka bakla, tol. Hindi.”
Tumahimik siya ng ilang segundo at saka tumawa ng mahina.
“Sabi ko na eh.” sabi niya. “Dapat hindi ko na lang talaga sinabi sa’yo. Hindi mo ako matatanggap.”
Agad siyang tumalikod at akmang paalis na nang bigla ko siyang hinila at saka niyakap.
“Ako pa ba, tol?” tanong ko habang akap-akap siya. “Lagi kong pipiliin na tanggapin ka, Caleb! Ikaw at ikaw lang lagi pipiliin ko.”
Bumitaw siya sa aking yakap at saka ako itinulak.
“Hindi mo na kailangang magpanggap, tol. Ayos lang naman!” pasigaw niyang sabi.
Sasagot na sana ako nang biglang may tumawag sa aming mga pangalan.
“Caleb! Ben!” si Jerry na tumatakbo papalapit sa amin.
“Jerry?” halos sabay naming sigaw ni Caleb.
Nang makalapit ay hingal siyang nagpaliwanag patungkol sa kanyang biglaang pagpapakita. Umuwi raw siya upang humabol sana sa huling laro namin ngayong araw. Sumabay daw siya sa kanyang ama na nagkataong may importanteng meeting bukas sa aming munisipyo.
“Tang ina niyo! May yakap-yakap pa kayong nalalaman, para kayong mga bading!” natatawa niyang sabi.
Nanlaki ang aking mga mata at saka tumingin kay Caleb na akala ko’y bigla na lamang susumpungin ulit. Sa halip ay tumawa siya ng malakas.
“Tang ina mo ka, Jerry, puro ka pa rin kagaguhan.” tanging sabi niya saka biglang niyakap si Jerry.
Bigla akong hinila ni Jerry upang sumali sa kanilang yakapan.
“Tang ina, tara orgy na!” biglang sigaw ni Jerry. “Nagsama-sama na naman ang mga ungas na tropa!”
Naiilang man ay natatawa kaming pareho ni Caleb dahil sa biglang paggaan ng sitwasyon. Agad na kaming bumalik at nakisali sa kasiyahan.
Matapos makisali sa mga kasiyahan ay muli kaming bumalik sa dagat upang maligo kasama ang iba naming kasamahan. Natuwa rin si Coach nang makita si Jerry, marahil ay masaya rin siya na makita kaming muli na magkakasama.
Kumpara sa iba ay mas maaga kaming pumasok ng bahay at nagpahinga dahil na rin sa pagod.
Habang ang halos buong baryo ay maingay na nagsisiya sa labas, kaming tatlo naman ay maingay na rin sa paghihilik dahil sa lalim ng tulog.
Kinabukasan ay maaga ulit akong nagising dala na rin marahil ng maagang pagtulog kagabi.
Iniayos ko ang aking gamit at saka naglabas ng susuoting damit pauwi. Natawa ako nang makitang nakaunan sa bandang tiyan ni Caleb si Jerry na may tulo pa ng laway. Kinuha ko ang aking cellphone at saka kinunan sila ng litrato sa ganoong posisyon. Hindi ko napansin na bukas pala ang flash ng aking phone camera kaya’t bahagyang nagising si Caleb nang makunan ko sila ng litrato.
“Gago.” mahina niyang sabi bago nag-unat at itinulak ang ulo ni Jerry palayo.
“Shhh…” sabi ko nang mahina. “Maaga pa, tulog ka ulit.”
Bigla ko na lamang siyang tinalikuran habang natatawa pa rin at saka lumabas ng kwarto.
Madilim pa ang kalangitan nang ako ay lumabas. May kaunting liwanag kaya’t makikita rin ang mga naglalakihang ulap na hindi kasusulyapan ng banta ng pag-ulan. Naglakad ako patungo sa tabing-dagat. Nais ko muling maupo malapit doon upang masaksihan ang pagsikat ng haring araw.
Malamig man ay masarap sa pakiramdam ang paggising mula sa isang kumportableng pagtulog.
Nang makaupo ay muling sumagi sa isip ko ang mga nasabi ni Caleb sa akin kahapon. Ano na nga ba ang kahihinatnan ng aming kwento ngayon na nalaman kong may pagtingin din pala siya sa akin? Aaminin ko na mayroon akong malakas na pagnanasa noon na muli siyang makasama, ngunit iba na ngayon… Lalo pa’t sinabi niya na ayos lang naman daw sa kanya kung hindi rin ganoon ang pagtingin ko sa kanya.
Nagulat ako nang maramdaman ang pag-ubo ng isang tao sa aking bandang likuran at pagtabi sa akin ng isa pa. Si Caleb pala ang siyang umubo, habang si Jerry naman ay antok pa rin na umupo sa aking tabi habang nakalundo sa suot na jacket.
Inakbayan ko si Jerry at sinenyasan si Caleb na maupo sa aming tabi.
Walang ibang tao nang mga oras na iyon bukod sa aming tatlo. May kung anong kapayapaan akong naramdaman dahil sa katahimikan.
Kinasabikan ko na muling makasama ang dalawa kong matatalik na kaibigan… katulad ng dati, katulad ng aking palaging nais.
“So ano na balak niyong dalawa?” biglang tanong ni Jerry sa amin ni Caleb.
Nagulat ako at nalilito kung ano ang ibig niyang sabihin patungkol sa kanyang tanong. Nilingon ko si Caleb at nakitang nangingiti lamang siya.
“Alam mo?” tanong ko kay Jerry.
“Oo.” natatawa niyang sagot. “Simula’t simula pa, gago.”
“Tang ina niyong dalawa ah.” sabi ko sa kanila.
“Tang ina mo rin, manhid ka.” biglang sabat ni Caleb.
“Anong manhid, ikaw ang manhid!” natatawa kong sigaw sa kanya.
Bigla na lamang akong inakbayan ni Caleb habang natatawa-tawang nakatingin sa akin. Hindi ko siya magawang tingnan din dahil nahihiya ako.
“Oh, baka bigla na kayong mag-chupaan diyan ah.” biro ni Jerry sa amin. “Dun kayo sa plaza, gago. Para live show!”
Binatukan ko lamang siya bago kami nagtawanan lahat. Sandali kami muling nanahimik at nagpakiramdaman.
May dalawang komang sa ‘di kalayuan na mistulang naghahabulan. Malapit sa kanilang dalawa, may ilan pang maliliit na biglang naglabasan sa isang malaking kabibe. Parang silang nag-uunahan na mapunta ng dagat. Sumagi sa isipan ko kung ilan nga ba ang galamay ng isang komang.
Umubo nang marahan si Jerry na parang inihahanda ang sarili na magsalita.
“Ita-transfer daw ako ni dad sa isang school sa Makati.” seryosong sabi niya sa amin. Hindi niya kami nililingon at nakatitig lamang sa dagat.
Hindi ko rin alam kung ano ang sasabihin dahil naunahan ako ng lungkot.
“Si mommy kasi…” sabi niya. “Umalis na kasama ‘yung lalaki niya. Sinama pa sina Carla at Tristan.”
“Tol,” biglang tugon ni Caleb at saka inabot niya ang balikat ng kaibigan upang marahang pisilin.
Huminga lamang siya ng malalim at saka nilaro-laro ang buhangin gamit ang mga paa.
“OK lang...” sabi niya. “Doon na rin naman ako magka-college eh.”
Katahimikan…
“S-si daddy iniisip ko, pano na siya dito mag-isa.” sunod niyang sabi.
Ramdam ko ang bigat ng saloobin ni Jerry sa kanyang ina, maging ang pag-aalala niya sa kanyang ama at mga kapatid.
Nakita ko na kinuha ni Caleb ang isang ga-lapis na sanga ng kahoy at saka iginuhit-guhit sa buhangin.
Kumuha naman ako ng isang maliit na kabibe at ihinagis sa tubig.
“Kukunin na ‘ko ni Mama sa US.” biglang sabat naman ni Caleb.
Parang may sanlibong balde ng tubig ang ibinuhos sa aking ulo nang marining ko ang sinabing iyon ni Caleb. Nararamdaman ko ang pagbilis ng aking paghinga dahil sa hindi kumportableng pakiramdam.
“Tang ina, tol…” gulat na sambit ni Jerry.
“Mamadaliin na lang daw ‘yung pag-proseso ng mga documents ko para makasama sa kanya pabalik dun kapag dumating na siya dito sa susunod na buwan.” dagdag pa ni Caleb.
Nilingon ko siya at saka maluha-luhang tinitigan.
“Graduating ka na ah…” sabi ko. “Pano ‘yung pag-aaral mo?”
Nagkibi lamang siya ng balikat at saka malungkot akong nginitian. Ibinaling ko muli sa dagat ang paningin at saka huminga ng malalim.
Ang tanging nasa isip ko ay ang pag-iwan nilang dalawa sa akin.
Ako ang maiiwan mag-isa sa aming lugar. Hindi ko alam kung papaano ko magagawang lampasan ang pagpasok araw-araw na hindi sila kasama. Hindi biro ang isang buong taon na biglaang mag-isa.
Ilang beses kong pinangarap na makasama silang mag-martsa sa entablado upang abutin ang aming diploma. Hanggang pangarap na nga lang pala iyon talaga. Wala nang mangyayaring ganoon sa totoo naming mga buhay.
Hindi ko napigilan ang sarili na maluha. Hinila ko ang aking damit at saka mabilis na pinunasan ang mga mata.
Bigla na lamang akong niyakap ni Jerry.
“Sorry, tol.” sabi niya.
Nangingiwi na ang aking bibig dahil sa tindi ng emosyon, ngunit pinipigilan ko pa rin na tuluyang maiyak. Si Caleb ay tahimik lamang na nakatingin sa akin, hawak-hawak pa rin ang maliit na sanga. Binitawan niya ito at saka hinawakan ang aking ulo na animo’y nang-aamo ng isang batang paslit.
Muli akong huminga ng malalim at saka bahagyang pumikit.
“Tang ina niyo, pupunta na lang akong Pluto.” naiilang kong biro na ikinatawa naman nilang dalawa.
Naririnig ko ang pagsinghot nilang dalawa ng mga sipon. Marahil ay mag pagpipigil din sila ng luha.
May kung anong dinukot sa kanyang bulsa si Jerry at saka ibinato sa amin ni Caleb. Dalawang bracelets na gawa sa mga tali at maliliit na shells.
“Anklets. Nakita ko kahapon na tinda diyan sa labasan.” sabi niya habang ipinakita sa amin ang isa na nakakabit na sa kanyang paa. “Binilhan ko na rin kayo, kawawa naman kayo eh.”
Isinuot ko rin ang akin sa aking kanang paa. Si Caleb naman sa kaliwa inilagay. Itim ang kulay ng sa akin samantalang puti naman ang kay Jerry at kulay abo ang kay Caleb.
Nakita ko ang nahihiyang pagsilip sa amin ng haring araw. Malinaw at maliwanag, ngunit hindi pa masakit sa mata kung tititigan.
Sa gilid ng kanyang paglitaw ay kapansin-pansin ang ilang guhit ng liwanag sa kanyang paligid. Parang mga bahagharing may iisang kulay lamang.
Tahimik lamang naming pinagmasdan iyon, maging ang pag-asa na kanyang kasama.
- W A K A S –
Author’s Note:I stayed at a friend’s house over the weekend. I got bored after finishing all the school stuff I needed to finalise and submit, so I decided to write a story and finished typing this after four looooooong hours! I even used my friend’s laptop for this because I didn’t bring mine coming here. I’m so happy to have done this!
I don’t know if this is good enough, but I really like how the flow of this one went. A part of me says that a part two is needed, but I’m still not decided yet. So far, I like how it ended like this—puro cliff-hung questions.
Apologies for not including any sex scenes (or even kissing scenes) on this one. I’m really not certain why it didn’t appear in the flow, but I guess, there’s really no need for those naman in this story.
One last thing, there’s a character here that’s also linked to my first story. That’s for you all to figure out, yeah? Cheers.
~ Joshua Anthony
No comments:
Post a Comment