Pages

Friday, August 3, 2012

Envy Me (Part 2)

By: v_i_nce

“HUY! NAKITA MO NA ba ang bagong estudyante dito sa school natin? Ang gwapo niya, promise.”
“Oo nga. Ang astig niyang tingnan saka mukha siyang yummy. Ayiiiiee! Kinikilig ako, super,” sabay hawak ng babae sa sariling pisngi na animo’y high school student at first time nagkaroon ng crush.
“Tse! Magtigil ka nga. Speaking of, andiyan pa ang isang pogi oh, paparating. Teka, huwag kang papahalata, nakakahiya ka. Pasimple ka lang,” ang bulong naman ng naunang nagsalita sabay hablot sa kamay ng kaibigan upang pigilin ito sa akmang pagpihit para makita kung sino ang sinasabing pogi.
Ewan kung matatawag pa nga bang bulong iyon dahil nakakarating naman sa mga tenga ni Grey ang pinag uusapan ng dalawa habang naglalakad siya sa corridor. Miyerkules ng umaga at magsisimula na ang pangalawang subject niya. Sumaglit muna siya sa CR kaya naman mag isa na lamang siyang papunta sa classroom dahil nauna na doon ang kaniyang mga kaklase.
Ayos ang lalaking iyon ah, nakakuha na agad ng mga fans kahit bago pa lang, ang nasabi niya sa sarili patungkol kay Hal. Alam niyang ito ang pinag uusapan ng mga nadaanang estudyante kasi wala naman siyang nabalitaang ibang transferee kundi ito lang, saka aminado siya na gwapo talaga ito at malakas ang appeal. Argh! Kahit nga ako ay naaapektuhan sa lalaking iyon.
Simula noong Lunes ng hapon na nagkita sila ay di na nawaglit sa kaniyang isipan ang mukha nito. Kung minsan, kahit may ginagawa siyang iba kagaya ng paghahanda ng makakain ay bigla na lamang niyang maaalala ang kanilang titigan sa klase at siyempre pa, hindi rin niya maiwasang pamulahan ng pisngi. Naisip niya na nagmumukha na siyang timang dahil sa hindi maipaliwanag na epekto nito sa kaniya. Buti na lang ay mag isa lamang siya sa unit niya dahil kung hindi,
ay talagang maninibago ang kaniyang mga magulang sa ikinikilos ng nag iisang anak nila. Sa pagtulog naman ng gabing iyon ay mas tumindi ang kaniyang panaginip subalit kinabukasan ay hindi na niya ito napagtuunan ng pansin dahil naging abala siya sa pag prepare papasok sa eskwela. Parang may mga pakpak ang kaniyang mga paa habang gumagalaw. Ang gaan ng pakiramdam niya na para bang ganadong ganado siyang mag aral ng araw na iyon. Alam niyang ang bagong salta ang dahilan ng mga pagbabagong ito sa kaniya at nasasabik na siyang makita ulit ang lalaki subalit sinusubukan pa rin niyang itanggi ito sa sarili.
Kaya naman laking panlulumo niya ng magsimula ang klase noong Martes ng umaga at wala siyang Hal na nakita. Umasa pa rin siya na baka sa mga susunod na subject ay magiging classmate niya ito ngunit natapos na lang ang buong araw ay hindi niya nasulyapan ni anino ng lalaki. Napansin naman ni Matthew ang kawalan niya ng gana ng araw na iyon at tinanong siya kung ano ang problema. Nagpalusot na lamang siya na medyo masama ang kaniyang pakiramdam, saka idinagdag na pahinga lang ang katapat noon para hindi na ito mag alala.
KATATAPOS LANG NG PANGALAWANG SUBJECT AT LUNCH BREAK NA. Sabay na nagtungo sina Grey at Matthew sa cafeteria para kumain ngunit pagdating pa lamang sa may pintuan ay pansin na nilang pareho na puno ito kaya nagpasya na lamang sila na magtake out na lang at magtungo sa kiosk sa may hardin para doon kumain.
Habang pumipila para makabili ay di mapigilan ni Grey ang mapangiti dahil sa kaalamang makikita na rin niya sa wakas si Hal sa susunod na klase. Alam niya na hindi man niya ito nakakasama sa ibang subjects ay siguradong papasok ito sa Philosophy class nila mamaya. Fixed kasi ang schedule nila kada Lunes, Miyerkules at Biyernes, at ibang schedule naman tuwing Martes at Huwebes. Nananabik siyang masilayan ito, kung ano man ang dahilan ay hindi niya alam at wala siyang balak na pag aksayahan ng panahong alamin sa ngayon. Nababatid niyang sasakit lang ang kaniyang ulo sa kaiisip at posible pang porblema lang ang magiging hatid ng konklusyon na makukuha niya sakali mang pagtuunan niya ng pansin ang rason kung bakit interesado siya sa lalaking iyon. Kaya naman ineenjoy na lamang niya ang nakakakiliting sensasyon na dulot ng presensya ni Hal at ipinagpapasabukas ang kung ano man ang kahihinatnan nito.
Hindi naman nakatakas sa mga mata ni Matthew ang pagliwanag ng kaniyang mukha. “Tol, masaya ka yata ngayon ah. Sinagot ka na ba ng nililigawan mo?”
“Wala naman akong nililigawan, at alam mo iyon. Sinasabi ko naman sa iyo ang mga bagay na ganyan.”
“Malay ko ba kung naglilihim ka na pala sa akin ngayon. Ano? Nakascore ka ba kagabi?,” ang bulong nito sa kaniya na may malisyosong ngiti sa mga labi at tinataas baba pa ang mga kilay.
“Di ako manyakis na kagaya mo. Ulol!,” sabay batok dito. Napalakas yata ang ginawa niya dahil napa ‘Aray!’ ang kaibigan sabay himas sa ulo nito. Pinagtinginan naman sila ng mga ibang estudyante sa paligid dahil sa ingay nila. May mga napasulyap lang at pinagpatuloy na ang kung ano man ang kanilang ginagawa, at ang iba naman ay parang kinikilig na nakikita ang dalawa sa pinakagwapo sa kanilang campus na nagbibiruan.
“Ang sakit nun ah. Mamaya gaganti ako, huwag kang papalag.”
“Oo na, oo na. Pero huwag mo naman lakasan masyado ha, please?,” pagpapacute niya dito. Kapag kasi nagkasakitan silang dalawa ay hinahayaan nilang makaganti ang isa’t isa. Naging kaugalian na nila ito simula pa noong una silang maging close. Sa pamamagitan nito ay naiiwasan nilang magkaroon ng matinding alitan at napapanatili nilang matatag ang kanilang pagkakaibigan.
“Ang daya mo talaga kahit kailan,” pagmamaktol nito.
“Sige na tol. Andiyan pa naman si Carla oh, nakatingin. Invite mo kaya para sabay na tayong kumain doon sa kiosk,” pag iiba niya ng usapan sa pagbabakasakaling makalimutan na nito ang pagganti.
“Talaga? Saan?,” halos mabali na ang leeg nito sa kakahagilap sa babae. “Sige tol, sabay natin siyang lapitan mamaya ha.”
“Sige ba,” ang sagot niya sabay dugtong sa mahinang boses habang napapailing ng “ tsk, torpe na nga, duwag pa.”
“Anong sabi mo?”
“Wala, order na tayo.”
Pagkatapos makuha ang mga binayarang pagkain ay tumungo na sila sa kinaroroonan ni Carla kung saan kasama nito ang mga kaibigang babae na kumakain ng lunch. Habang papalapit ay mapapansin ang pag aalinlangan ni Matthew na kinailangan pa niyang itulak ng bahagya, at nang nasa harapan na sila ng table ng mga ito ay hindi naman makapagsalita ang kaibigan kaya naman napilitan na siyang umimik.
“Hi girls. Hello Carla.”
“Hi Grey, wanna join us?,” ang sagot nito na bahagya pang pinapungay ang mga mata. Halata namang kinikilig ang mga kasama nito sa table na para nang maiihi sa kanilang mga upuan.
“Actually, may sasabihin sana sa iyo si Matthew,” ang sambit niya kaya nabaling ang lahat ng atensyon ng mga nandoon sa kaibigan niya na parang hihimatayin na yata sa kaba.
“H-hi Carla. Iimbitahan ka sana naming kumain doon sa may garden, pero parang patapos ka na yata kaya pasensya na lang sa istorbo. Sige, alis na kami,” ang mabilis at dire diretsong sabi ni Matthew sabay talikod.
“Teka sandali, tol. Di pa nga nakakasagot si Carla eh,” ang pagpigil niya dito.
“Oo nga, Matthew. upo ka muna dito,” ang segunda naman ng isa sa mga babae na sa pagkakatanda niya ay nagngangalang Monique, sabay hila ng isang upuan sa tabi nito.
“You know what, that’s a great idea. Maiwan na muna kita dito tol kasi naalala ko may, ah, kailangan pa pala akong daanan,” ang mabilisan niyang sabi sabay tulak sa kaibigan papunta sa upuan. “Kita na lang tayo mamaya sa klase tol,” ang pagpapaalam niya.
“Teka, sandali,” ang narinig pa niyang sabay na tawag nina Matthew at Carla subalit nagbingi bingihang nagpatuloy lang siya sa paglalakad palabas ng cafeteria.
Dang it, mag isa na tuloy ako maglalunch ngayon,  ang naisip niya. Pero okay lang. Baka magiging maayos na ang takbo ng love life ng mokong na iyon pagkatapos nito.
Hindi siya manhid para hindi mapansin na may gusto sa kaniya si Carla. Naisip niya na kung siya ang nagkainteres dito ay malamang sa hindi, nobya na niya ito noon pa man. Subalit hindi niya naramdaman na attracted siya dito kahit pa nga sabihin na isa ito sa mga magaganda sa ekswelahan nila. Karagdagan rason pa kung bakit hindi siya nagpapakita ng motibo ay dahil sa kaniyang kaibigan na noong una pa man ay nagpahayag na ng ibayong pagkagusto sa babae. Nirerespeto niya si Matthew at importante sa kaniya ang samahan nilang dalawa. Para sa kaniya, mas matimbang pa ang pagkakaibigan nila kaysa sa isang romantikong relasyon sa isang babae na hindi niya alam kung hanggang kailan ang itatagal. Pipilitin niyang gawin ang kung ano man ang kailangan para lang sumaya ito. Kung pwede nga lang sana ay siya na ang nanligaw kay Carla para dito ay ginawa na niya. Ganyan katindi ang pagpapahalaga niya sa kaibigan.
Nakakalungkot pa naman kumain na mag isa. Parang wala na tuloy akong gana. Kung tutuusin ay pwede naman siyang maghanap ng kasabay na kumain sa buong campus. Tiyak na marami ang magpapaunlak sa kaniya kasi sikat naman siya at marami ang gusto na maging kaibigan niya. Subalit lingid sa kaalaman ng lahat, hindi siya sanay na makihalubilo sa ibang tao. Mas gugustuhin pa niyang magmukmok sa kwarto at magcomputer, mag ehersisyo, o di kaya ay magbasa ng libro kaysa gumimik at makipagsosyalan. Likas sa kaniya ang pagiging mahiyain lalung lalo na kapag nag iisa lang siya. Ayos lang kapag kasabay niya ang kaniyang kaibigan dahil nagkakalakas loob siyang makipag usap sa iba, dahil alam niya na kung hindi siya magsasalita ay mas lalo namang hindi iimik iyon. Kung may kilala siyang mas mahiyain pa kaysa sa kaniya ay si Matthew na iyon. Kaya naman tuloy kapag nag iisa siya, ang tingin ng iba sa kaniya ay ubod ng suplado at mahirap malapitan at pakisamahan. Ang hindi nila alam, nahihirapan lang siyang gumawa ng unang hakbang, pero kapag inunahan ay siguradong wala silang magiging problema sa kaniya.
Malapit na siya sa hardin kung saan madalas silang tumambay ni Matthew kapag walang ginagawa. Tanaw na niya ang bukana nito. Sa loob ay makikita ang mga naggagandahang mga bulaklak na iba’t iba ang kulay at laki. Mayroong mga nakalagay sa paso habang ang iba naman ay nakatanim diretso sa lupa. Sa bandang kanan ay nakahilera ang mga orchids habang sa kaliwa naman ay puro mga cactus ang naroon. Mga bato na pinagtagpi tagpi para makagawa ng isang maliit na dingding ang makikita sa may sulok. Dinadaluyan ito ng tubig  na bumabagsak sa isang artificial pond kung saan nakalagay ang mga carp at iba pang klase ng isda. Ang parte ng lupa na walang tanim ay nalalatagan ng berdeng damo, habang ang walkway naman ay nilagyan ng mga puting bato. Sa gitna ng lahat ng ito ay matatagpuan ang nag iisang kiosk kung saan pwedeng tumambay ang mga estudyante, subalit walang masyadong nagagawi dito dahil malayo ito sa quadrangle ng campus at kapag may nahuli na mga nagkakalat o sumisira sa mga halaman ay mabigat na parusa ang naghihintay sa kanila. Pinapanatiling maayos ng eskwelahan ang lugar at labis ang paghihigpit nila sa pagbabantay dito kaya naman minabuti na lamang ng nakararami na dumistansya. Ang mga napapadpad lang sa hardin na ito ay iyong mga taong naghahanap ng katahimikan at nag eenjoy mag isa, mga magnobyo na gustong makahanap ng romantikong lugar para palipasin ang oras, o hindi kaya’y mga responsableng magkakaibigan na alam kung papaano ito pangalagaan.
Papasok na siya ng may mamataang isang tao na nakaupo sa loob ng kiosk. Nakatutok ang atensyon nito sa pagsusulat kaya bahagya itong nakayuko, dahilan kung bakit hindi niya masyadong maaninag ang anyo nito. Subalit, kapansin pansin ang medyo may kakulutang buhok ng lalaki kaya naman nagrigudon agad ang puso niya sa posibilidad na si Hal ang kaniyang nakikita.
Napakamisteryoso naman niyang tingnan. Bakit kaya siya mag isa dito?, ang mga katagang pumasok sa isip niya habang napako siya sa kinatatayuan sa pagkakatitig sa imahe nito. Ngayon ay sigurado na siya na si Hal nga ang nakikita. Natatandaan niya ang mga mahahabang binting iyon na kahit nakaupo ay halata pa rin, at saka nasa tamang distansya na siya kung saan nasisilayan na niya ang mukha nito na seryosong seryoso sa ginagawa. Nagsasalubong ang mga kilay nito at bahagya pang nanunulis ang mga labi na parang sa isang bata na may kinaiinisan pero sa pagsusulat na lang inilalabas ang saloobin. Nag eenjoy siyang panoorin ang samu’t saring emosyon na nakadisplay sa gwapo nitong mukha dahil wala pang sampung segundo ay napansin niya na napawi na ang pagkakakunot ng noo nito at napalitan na  ng isang nakakabighaning ngiti na nakikita hindi lamang sa mga labi nito kundi pati na rin sa mga mata.
Hindi na niya namalayan kung ilang minuto na siyang nakatayo sa lugar na iyon. Namataan na lamang niya ang sarili na nakatitig na pala ng diretso sa mga mata nito na nakabaling sa kaniyang direksyon. Ang lalaki rin ang unang nagbawi ng tingin sabay mabilisang nagsulat ng kung ano sa notebook nito.
Lagot, nakita niya ako. Akmang aalis na siya sa lugar na iyon ng marinig niya ang pagtawag nito.
“Wait up!,” ang sigaw ni Hal sa tangkang pagpigil sa kaniya. Di sana niya ito papansinin dahil di niya alam kung papaano magrereact sa harapan nito subalit natigilan siya ng marinig ang sumunod na lumabas na kataga sa mga bibig ng lalaki.
“Greyson, sandali!”
Napalingon siya sa gawi nito na may pagtatanong sa kaniyang mukha. Hindi niya namalayan pero dinadala na pala siya ng kaniyang mga paa patungo sa loob ng kiosk kung saan nagmamadaling nag aayos si Hal ng kaniyang mga gamit para siguro habulin siya.
“Paano mo nalaman ang pangalan ko?,” ang tanong niya habang papasok sa loob, sabay upo paharap dito. Kagyat namang napahinto sa ginagawang paglalagay ng mga kagamitan sa loob ng packbag ang lalaki na napatulala sa pagkakatitig sa kaniya, na sinabayan pa ng bahagyang pag awang ng mga labi.
Anak ng tinapa. Ang sarap naman halikan ng mga labing iyan. Hoy! Huwag kang matulala ng ganiyan. Lalaki lang ako at baka hindi ako makapagpigil, susunggaban na kita, ang sigaw ng utak niya. Ibayong pagnanasa ang naramdaman niya ng mga panahong iyon na hindi niya alam kung saan nanggaling at kung ano ang dahilan. Siguro ay epekto ito ng pagbabago sa mukha ni Hal na kuminis gawa ng pag aahit. Noong una kasi niya itong makita ay nagsisimula nang tumubo ang balbas nito kaya tuloy nagmukha itong matured, pero ngayon ay para itong batang nakatanaw sa isang magandang laruan sa mall habang nakaawang ang mga labi sa kainosentehan ng itsura nito. Nararamdaman niyang nagsisimula na siyang tablan, patunay ang pagsikip ng kaniyang pantalon, kaya naman hindi niya naiwasang pamulahan ulit ng pisngi. Hindi na niya maintindihan ang kaniyang sariling katawan sa mga reaksyong pinapakita nito kapag si Hal na ang involved.
Upang mapagtakpan ang biglaang pagkailang sa sitwasyon ay kinaway na lamang niya ang kaniyang kamay sa harapan ng mukha nito sabay tanong ng, “Pare, ayos ka lang?”
“A-ah, oo naman. Ang cute mo kasing tingnan, lalo na sa malapitan,” ang sagot naman nito na mas lalong ikinapula ng mukha niya.
Nahihiya siya sa papuring ibinigay nito subalit ipinagtataka niya na hindi siya nandidiri na marinig mula sa isang lalaki ang ganoon. Bagkus ay nakaramdam pa nga siya ng ibayong kilig na nagdulot ng mainit na pakiramdam sa kaniyang dibdib, at kumalat hanggang sa kaniyang mga daliri sa kamay at paa.
“Salamat pare. Ikaw rin naman, ang gwapo mo.” What the heck? I can’t believe that I’m saying it to a guy, and a macho one for that matter, ang sumagi sa isip niya matapos ipahayag ang paghanga sa pisikal na kaanyuan nito. Hindi na niya napansin na may sinabi na pala ito sa kaniya. Ang nakita na lamang niya ay ang pagngiti nito sabay dugtong ng ‘never mind’.
“Ano ulit ang sinabi mo?,” ang hiling niya sabay bitaw ng nagpapaumanhing ngiti.
“I said, you can call me Halex.”
“Oh, kaya pala ‘Ramirez, Hale’ ang nasabi ni Mr. Domingo.”
“Napansin mo pala iyon,” ang nasambit naman nito.
“Bakit mo naman siya pinutol nang bibigkasin na sana niya ang buo mong pangalan?,” ang tanong niya dito na may halong pangungulit sa boses. Interesado siyang malaman ang mga detalye tungkol sa buhay nito kahit gaano man ito kaliit.
“Hindi ko lang gustong gamitin ng ibang tao ang buong pangalan ko sa pagtawag nila sa akin, as if they know me well.”
Napakunot naman ang noo niya sa sinabi nito dahil sa dalawang rason. Una, pareho silang ayaw na tawagin ng iba sa buo nilang pangalan. Para sa kaniya, ang pagpapangalan ng mga magulang sa kanilang mga anak ay may kalakip na pagmamahal at pag aaruga. Kaya naman reserved lang para sa mga taong malalapit sa kaniyang puso ang priviledge na tawagin siya sa buo niyang pangalan. Pangalawa, kung iyon ang dahilan kung bakit ayaw nitong malaman ng buong klase ang totoo nitong pangalan, bakit kani kanila lang ay sinabi nito na pwede niya itong tawaging Halex?
“But you’re not just ‘any other person’,” ang makahulugang dugtong nito sa mahinang boses na para bang nabasa ang katanungan sa kaniyang isip.
Biglang silang natahimik pareho dahil sa deklarasyong iyon. Si Grey ay hindi alam kung paano tutugon na nagbaling na lang ng tingin sa malayo habang si Hal naman ay patuloy pa rin sa pagtitig sa kaniya na para bang kinakabisa ang kaniyang kabuuan.
Maya maya, napansin nito ang kaniyang dalang pagkain na di na niya nagalaw dahil sa mga pangyayari. “Hindi mo ba kakainin iyan? Kung hindi, akin na lang.”
“Ano ka, hilo? Bumili ka ng sa iyo kung gusto mong kumain. Di pa kaya ako naglunch,” ang pabirong sagot niya dito sabay bukas ng styro para simulan ang pagkain.
“Ang damot mo,” ang nasabi nito sabay labas ng dila na parang bata na nang aasar.
Natawa naman siya sa inasal nito kaya naman nawala na ang kanina’y parang mabigat na hangin na pumapalibot sa kanila. Siyempre, biro lang naman niya ang pagtanggi sa panghihingi nito ng pagkain kaya ang ginawa niya ay lumipat siya ng upo papunta sa tabi nito at inalok itong sabayan na siya sa kaniyang lunch.
“Huwag na lang, napahiya na ako,” ang sagot nito sa malungkot na boses sabay buntong hininga.
“Ang arte mo.”
“Joke lang. I already ate my lunch. At saka parang kulang pa yata iyan sa iyo eh,” ngingiti ngiting sabi nito.
“Eh, di huwag,” iyon lang at sinimulan na niya ang pagkain, subalit maya maya lang ay kumuha ito ng kapirasong pritong manok. Siguro ay nadala ito sa kaniya kaya ginanahan na rin, kaya naman masaya nilang pinagsaluhan ang kaniyang pananghalian ng nakakamay habang nagkwekwentuhan. Wala silang kaarte arte sa pagkain. Buti na lang ay marami siyang binili kanina, kung hindi ay baka nagkulang pa iyon at napilitan pa silang bumalik sa cafeteria para dagdagan ito.
Masayang kausap si Hal at ramdam niya na kahit bago pa lang niya itong kakilala ay panatag na ang loob niya dito. Hindi siya nanibagong kasama ito na para bang dati na nilang ginagawa ang ganoon. Minsan nagbibiruan sila at minsan naman ay tinatanong niya ito ng mga personal na bagay na sinasagot naman nito ng walang pag aalinlangan. Nalaman niya na pareho na silang 20 years old. Nagtungo pala ito sa Amerika tatlong taon na ang nakakaraan subalit bumalik din dito dahil hindi raw nakayanan ang pangungulila sa ibang bansa, kahit pa nga sabihin na nandoon na ang mga magulang nito pati na rin ang nag iisang nakababatang kapatid na lalaki rin. Kaya nang nagkaroon ng chance ay nagmadali itong umuwi dito sa Pilipinas. Sa ngayon ay nag iisa lamang itong nakatira sa bahay, ngunit after three months ay susunod rin naman daw ang kapatid nito na 18 na ang edad.
“Buti na lang ay sa isang International school ako pumasok kaya wala akong nasayang na panahon, maliban na lang noong first year ako dahil kinailangan kong habulin ang mga subjects that I dropped when I left for the States,” ang pahayag nito.
Pareho kami ng sitwasyon ah, ang naisip niya ng maalala ang unang taon niya sa eskwelahang iyon dahil sa kanilang paglilipat ng tirahan.
“Teka nga muna, paano mo nga pala nalaman ang buo kong pangalan?,” ang naalala niyang itanong dito.
“Ah, eh, kasi, ah, sikat ka naman sa school na ito kaya marami ang nakakakilala sa iyo,” ang tugon nito na parang nahihirapan sa paghahanap ng rason.
“Grey naman ang tawag sa akin ng mga tao dito ah. Paano mo...,” subalit naputol ang katanungan niya ng marinig ang tawag ni Matthew na paparating na sa kanilang kinaroroonan.
“I guess I better leave. Andito na ang nobyo mo,” ang biglang sabi nito sa seryosong boses. Naramdaman niyang nag iba ang mood nito, ngunit bago pa man niya ito mapigilan ay nakalabas na ito ng kiosk at mabilis na naglakad palayo.
Ano daw? Nobyo?
“Sino iyon?,” ang tanong ni Matthew na nakatingin pa rin sa papalayong si Hal. Nagsasalubong ang mga kilay nito na para bang kamukha ng lalaking palayo ang nangutang dito ng milyon na hindi nagbayad.
Naalala niya na tulog pala ang kaibigan ng pumasok si Hal noong lunes kaya hindi nito nakikilala ang lalaki. “Bagong kaklase natin iyon sa Philo. Tulog ka kasi noon kaya hindi mo namalayan na may transferee pala tayo,” ang sagot niya sa katanungan nito.
“Oh, kumusta ang lunch mo doon sa table nila Carla? Ayos ba?,” ang pag iiba niya ng usapan, subalit talagang wala yata ito sa mood kasi kahit ang pagganti nito sa pambabatok niya kanina ay di na nito naaalala.
“Huwag na lang natin iyong pag usapan, tol. Tara na sa klase at baka malate pa tayo,” ang pag iwas nito sa katanungan niya.
PAGPASOK PA LANG SA CLASSROOM AY hinanap na agad ng kaniyang mga mata si Hal. Nakita niya itong nakaupo sa may likuran gaya ng dati. Babatiin sana niya ito subalit mukhang abala na naman ito sa pagsusulat. Nang makaupo na siya ay may napansin siyang papel na nadikit sa ilalim ng kaniyang mesa.
Sino kayang loko ang nag iwan ng kalat sa pwestong ito, ang naiirita niyang naisip sabay kuha sa papel para itapon na sana pero napansin niyang napakaayos ng pagkakatupi nito para maging basura, at pagbaligtad niya ay may nakasulat pa na ‘Please Read’. Kaya naman nacurious na nagpalingon lingon muna siya sa paligid, at nang masiguradong walang nakatingin sa kaniya, kahit si Matthew na akmang matutulog na naman, ay binuksan na niya ito.
Thank you for the lunch. I had  so much fun. Next time, it will be my treat.
-    Halex
Napalingon siya sa direksyon ng lalaki subalit busy pa rin ito kaya naman ibinalik na lamang niya ang kaniyang atensyon sa sulat na iniwan nito para sa kaniya. May kalakip pa pala itong larawan na naglalaman ng tula. Binalot ito ng mismong papel na pinagsulatan ng lalaki ng naunang mensahe.

 Sa likod ng larawan ay may nakasulat pa na karagdagang mensahe:
I admit that this poem isn’t my composition. It was made by a friend for somebody who’s  important to him. Shinare niya ito sa akin and I immediately loved it. Nagpaalam ako kung pwede ko bang idedicate ito sa iba at pinayagan naman niya ako. Sana magustuhan mo. I mean every single word that’s written in there, kahit hindi ako ang sumulat. I hope, someday makakapagsulat din ako ng gaya nito. And always know na kung dumating man ang araw na iyon, ikaw lang ang nag iisang inspirasyon ko.
-    Halex
P.S.
Here’s my number: 091x683xx23
It’s up to you if you will text me or not. Nahiya na akong hingin ang numero mo, given that you already have a boyfriend. Hindi ko kayo guguluhin, kung iyon ang ikaliligaya mo. Pero sana kahit pagkakaibigan man lang ay paunlakan mo ako. - halex
Nyemas naman, oo!, ang sigaw niya sa kaniyang utak ng mabasa ang huling parte ng mensahe. Ayos na eh, pero sinira mo pa. Saan mo naman nakuha ang ideyang nobyo ko ang adik na ito? Kung di ka ba naman masyadong assuming, ang pagpapatuloy ng litanya niya sa sarili sabay pukol ng masamang tingin sa natutulog na kaibigan.
Alam niya na wala naman talagang kasalanan si Matthew sa mga nangyayari pero saglit na pumasok sa isip niya na sana ay hindi sila naging ganoon ka close ng kaibigan para hindi na sana nagkaroon ng maling akala si Hal. Ngunit ang isiping ito ay agad din niyang kinontra.
Naku po, ano na ang nangyayari sa akin? Pati ang adik na ito ay nadadamay na sa kalokohan ko. Sorry tol, nakapag isip ako ng ganoon. Hindi na mauulit, promise, ang tahimik na paghingi niya ng paumansin sa kaibigan kahit na wala naman itong kaalam alam.
Binalingan niya ulit ng tingin si Hal na ng mga panahong iyon ay nakatitig na rin pala sa kaniya. Akmang magsasalita na sana siya ng bigla namang dumating ang propesor nila na naghuhudyat na magsisimula na ang klase, kaya naman wala na siyang nagawa kundi ang tumahimik na lang at maghintay ng pagtatapos ng subject, subalit gaya noong lunes, nang tumunog na ang bell ay nagmamadali ulit itong lumisan kaya hindi na niya ito nakausap. Idagdag pa na kailangan na naman niyang gisingin ang kaibigan dahil natulog na naman ito sa kahabaan ng klase... iyon ang akala niya.
Lingid sa kaniyang kaalaman ay napansin ni Matthew ang kaniyang kakaibang kinikilos. Nagkunwari itong natutulog habang palihim siyang minatyagan kaya naman kitang kita nito kung paano dumako ang paningin niya sa direksyon ni Hal at ang kaniyang pasimpleng paulit ulit na pagbasa sa isang kapirasong papel at larawan na may sulat sa likuran habang nagkaklase.
NANG MAPAG ISA SA SARILING UNIT ay hindi mapakali si Grey na nagpabalik balik sa paglalakad habang tangan ang wireless na telepono. Maya maya ay may dinayal siyang numero at sumalampak ng upo sa couch.
“Hello,” ang tinig ng babaeng nakasagot sa kabilang linya.
“Good evening. May I speak to Sheila?,” ang tugon naman niya.
“Speaking. Sino po sila?”
“Shei, si Grey ito.”
“Oh, How are you? Napatawag ka?”
“Ayos lang ako. Itatanong ko lang sana kung okay pa ba iyong imbitasyon mo para sa sabado,” naeexcite na siya sa kaniyang binubuong plano.
“But of course. I’ll tell you the details bukas sa school,” ang sagot naman nitong halatang nasisiyahan.
“Good. I’ll see you tomorrow, then. Bye. Sleep tight,” ang paalam niya na hinaluan ng kaunting lambing ang boses para naman ganahan ito.
“Bye Grey. Dream of me. Mwahh,” ang malandi naman nitong sambit sabay baba ng awditibo.
Pagkatapos mailapag ang telepono ay nagmamadaling kinuha naman niya ang kaniyang cellphone at saka nag type ng message at saka sinend:
Greyson to. Kita tau ds sat. Gimik tau. i wl tke u on ur ofer. Sabi mo ur treat nxt tym kya ito na un. Hehehe
Pagkatapos kumain at makapagligpit ay nagshower na siya para makapagpahinga ng maaga. Gaya ng nakaugalian, nang matuyo na ang buhok pati buong katawan ay walang saplot na sumampa na siya sa kama at saka natulog.
Nang gabing iyon ay mas tumindi ang kaniyang naging panaginip. Nakita niya ang mga pangyayari bago pumutok ang baril. May dalawang lalaki ang nagtatalo. Napansin niyang hawak ng mas matangkad na lalaki ang sandata at iwinawagayway ito habang nagsasalita sa malakas na boses, subalit hindi niya maintindihan kung ano ang mga sinasabi nila. Maya maya ay biglang lumabo ang lahat, pagkatapos ay narinig na naman niya ang putok at ang kasunod noon ay ang pag uulit ng kaniyang mga nagdaang panaginip.

Journal Entry
@garden kiosk
Note: ang sarap tumambay dito
Mamaya ay makikita ko na naman siya sa klase. Sana magkaroon na ako ng lakas ng loob na kausapin siya... kahit masakit.
I saw him again with this other guy. Tinanong ko ang isa naming kaklase kung ano ang meron sa kaniya at sa lalaking parati niyang kasama. Sinabi naman nito ang katagang ‘ang mag asawa’ sabay dugtong ng isang tawa.
So, may iba na pala siya. I’m too late. Hindi ko na siya pwedeng guluhin. Baka mas makasakit lang ako sa kaniya kung ipipilit ko pa ang sarili ko. Pero sa puntong ito ay ako naman ang labis na nasasaktan.
It’s hurting me to see him with somebody else. Hindi ko alam kung kakayanin ko ito. Siguro kapag nakita ko na masaya siya, baka mabawasan ang sakit na nadarama ko.
Who am I kidding? Kahit pa sabihing hangad ko ang kaniyang kaligayahan, mas gugustuhin ko pa rin na ako ang makakapagbigay sa kaniya nun. Kapag nakikita ko silang dalawa, parang sinasaksak ako ng paulit ulit. Kung pwede nga lang sana na totohanin na lang ang pagsaksak sa akin ay gugustuhin ko pa iyon so that I can only experience the pain once.
It’s just too much to know na kakasimula ko pa lang ulit ay talo na pala ako. Para akong tumakbo sa isang karera na tapos na pala. I can only hope that things will turn out okay for me from now on. I know that I won’t have a better life without him in it, because his presence is the one that makes it the best. Pero ano pa nga ba ang magagawa ko?
Buti na lang makikita ko na ulit siya ng malapitan. I miss the way he looks at me. Sana magblush ulit siya. Ang cute niya kasi talagang tingnan kapag namumula ang kaniyang mga pisngi.
Haizt, may tao na paparating...
Woah! He’s on his way here, and I even called out his name  out loud without thinking. I guess this is it. Wish me luck!
-    Halex
Journal Entry
@class
Ang saya ko na... sana. Kung hindi pa dumating ang lalaking iyon. Borrowed time na nga lang, kailangan pa talagang istorbohin.
Ang kulit niya pa rin kausap. Parang walang nagbago sa aming dalawa. I can’t describe how much I love him. Words are not enough to give justice to what I truly feel. Minsan naiisip ko na napaka inadequate ng human language.
 I once read it in a book na masyadong limited ang vocabulary ng tao. Ang salitang love kung saan tinutukoy ang pinakaimportanteng tao ng buhay mo, kung minsan ay mas importante pa sa buhay mo, ay ginagamit din bilang pantukoy sa mga material na bagay o di kaya’y sa mga alagang hayup na kung tutuusin ay hindi naman papantay sa kahalagahan ng taong mahal mo.
Ang gulo, gaya din ng tao mismo. Kanina naramdaman ko na parang gusto rin naman niya ako pero hindi ko kayang umasa. Baka sa bandang huli ay masasaktan lang ako. Bugbog na ako masyado, at ayaw ko nang dagdagan pa ang aking pagdurusa sa sarili kong kagagawan.
Pero hindi ko pa rin mapigilan. Kaya naman bumabalik na naman ako sa dati kong gawi when we were still together back in high school and even sa first year college. Mamaya, bago pa dumami ang mga tao, mag iiwan ako ng kaunting regalo para sa kaniya. Sana naman ay magustuhan niya ito kahit simple lang.
Hindi na ako manggugulo. I just want to show my love for him through these simple things, just like what I used to do back in the good old days.
-    Halex

ITUTULOY

7 comments:

  1. maganda ung story sana next chapter na agad, pero alam ko na hindi ganun kadali ang magsulat lalo na kung ganito ka ganda kaya wait ko lng siya..kudos para sa nagsulat

    ReplyDelete
  2. ang galing m0 mr.author..
    Curious pa rn aq about sa 'past' between greyson and halex.. Kya susubaybayan q pa toh, at parang my something na twist dn ito with matthew's feelings.. Sna tama ako.. Haha..

    ..pero ms mgi2ng msya kung damihan u pa po ang characters para rambulan. Hahaha.. Tyak mahirap un.. Haha..

    Kudos mr.author..

    Very egzoytinggg.!

    -krishtoffer-

    ReplyDelete
  3. kailan kya next chapter nito? sana bukas na hehe

    ReplyDelete
  4. Vince. Paki update pls.

    ~frostking

    ReplyDelete
  5. 4 months after the last comment!!! Ang tagal naman ng part 3!!! May taning na ang buhay ko!!!! Hehehehehehe. But seriously now, this is good literature. Galing.

    ReplyDelete
  6. Ang galing! Dati ko lang nilalaktawan ang kwentong 'to dahil sa titulo nyang di masyadong nakakaenganyo sakin. Ang galing ng pagkakagawa ng kwento. Nakakamangha!Walang biro. You surely know what your'e doing. Thank you so much for sharing with us your gift. Napakagaling mo yet you seem to be so humble. Ramdam ko yan sa pagka-ironic at kakaibang title ng kwento mo. Fan mo na ako. I can't wait to read next chapter(s) ng kwento mo. I'm dying to read it, believe me!!!

    ReplyDelete
  7. tagal ng kasunod isang taon na wla pa di pls nxt chapter na :-)

    ReplyDelete

Read More Like This