Pages

Tuesday, September 26, 2017

Calumpit Tree

By:Speller

Marso 2005. Tanaw ko mula sa ikaapat na palapag ng aming eskwelahan ang mayabong na puno ng Calumpit Tree na mula nang ako’y tumuntong ng sekondarya ay walang mahanap na explanasyon mula sa mga local na aklat ng aming bayan na nagsasabi ng dahilan kung bakit itinanim ang punong yoon sa tabi ng dike. Payapa ang daloy ng aking isip, sabay sa paggalaw ng mga dahong mahinang hinihipan ng hangin. Pati ang mga nagkukumpulang maliliit at mapupusyaw na dilaw na nagsisilbing bulaklak nito ay tila kumakaway at pinagbubunyi ang aking gagawin.
Tiyak, sa ilalim ng matandang puno ay nag-uumpukan ang mga COCC trainees na nagpapahinga mula sa paglilinis ng malawak na basketball court na magsisilbing upuan ng mga magulang at estudyante na dadalo sa nalalapit na taunang pagtatapos.

Mga ilang sandali pa’y napansin ko ang ilang COCC trainees na mabilis na naglalakad patungo sa simbahan ng Calumpit. Malamang ay nabigyan na sila ng panghuling mga utos mula sa magsisipagtapos na opisyal. Hindi ko maiwasang hindi alalahanin ang nangyari sa simbahan na yon. Nung una akong taimtin na humiling ng isang bagay na alam kong kinakailangan ko. Tuwang tuwa ako, at sobrang nagpapasalamat sa Kanya na hindi mang lang lumipas ang araw ay nandoon na ang Kanyang kasagutan.

Kanina, bago pa ako umakyat patungo sa silid-aralan ng IV-Narra, nanalangin ulit ako sa loob ng simbahan. Ngunit kung nung una ay simple lang yung aking hiling, kaiba na ngayon. Masalimuot na kasi ang mga pangyayari. Napapikit ako. Dinadama sa sarili kung nasa akin na ba ang aking hiling na kalakasan para sa isang bagay na kinatatakutan kong gawin. Palagay ko wala pa. Wala pa, sapagkat sa mga oras na ito’y ang bilis pirin ng pintig ng aking dibdib. Maaring kailangan ko lang ng konti pang katahimikan.

Sa bandang kaliwa naman, kapansin pansin ang ilang bahagi ng gusali na unti-unti nang tinitibag. Napangiti pa ako, sapagkat nuong isang araw lamang ay kumuha pa ako ng ilang piraso ng bato mula sa natibag na pader. Kung gaano karami ang tinuturing ko na kaibigan, ganoon din karami yung bato na aking kinuha. Mga bahagi ng haligi nang gusali kung saan ko naranasang unang umibig.
May pumukaw sa aking pagmumuni-muni mula sa basketball court, kumakaway siya sa akin. Nanggaling siya sa may dike kung saan naroon ang ilang mga studyante at COCC trainees na nagpapalipas ng oras o di kaya’y sinusulit ang nalalabing panahon upang magkasama-sama sapagkat sa susunod na araw ay simula na nang bakasyon, at para sa mga katulad namin naman, panibagong yugto ng buhay studyante.

Kumaway ako pabalik sa babaeng halatang tuwang-tuwa sa nagawa nyang bagay na pinakiusap ko sa kanya kahit pa mula sa ikaapat na palapag ay mahirap maaninag yung emosyon sa kanyang mukha. Mula sa aking posisyon, matatanaw pa rin yung kulay puti at kulay maroon na palda na uniporme sa ng aming paaralan. “Bopis” yun ang tawag nang kaibigan kong iyon sa kulay ng kanilang palda at neck-tie.

“Sa wakas, hindi ko na rin isusuot ‘tong bopis na uniporme,” yan yung mga katagang lagi nyang nababanggit nung kami ay kumukuha na ng mga huling pagsusulit.

Ilang sandali pa ay narating na ng babae ang entablado na nasa unang palapag. Ang entablado ay nakaharap sa dike, at sa Calumpit tree. Naupo siya roon, at saka sumigaw ng buong-buo na “Good luck!” sabay takbo, at kumaway ulit bago tuluyang nawala nang pumasok na sa loob ng canteen. Tiyak ako, uuwi na sya at maghahanda para sa okasyon mamayang gabi.

Good luck. Kailangan ko iyon. At higit pa.

Nang nawala na siya sa aking paningin, doon ako nakaramdam ng konting agam-agam. Subalit pilit ko tong sinupil. Nasimulan na, sabi ko sa aking sarili. Dalawa lang naman ang pwedeng patunguhan nang aking pagpapasya.

Dalamhati o pag-ibig.

Nakakatakot na pagpipilian. Nakakatakot na desisyon. Subalit aking napag-isip-isip, hindi ba’t lagi ko nang katuwang si dalamhati? Mula noong nagkaroon sya ng kasintahan at mula nang nahati na ang oras nya sa amin. Kaya’t napagpasyahan ko nang umamin. Na sabihin kung ano talaga ang aking saloobin. At para na rin hindi ko masabi ang katagang ‘sayang’ kung sakali mang may pag-asa palang ang puso nati’y magsabay ng pagpintig. At saka, sino ba naman ang makakatanggi sa alindog ng pag-ibig? Na sa mura kong edad na disi-sais, alam kong wala nang mas tatamis pa sapagkat nakita ko sa’yo at sampu sa ating mga ka-eskwela ang ligayang hatid. Yun nga lang, sa larangan ng pag-ibig ng mga kagaya naming Narda, mas madalas kambal ang tamis at pighati. Subalit, subalit may iilan rin namang nauuwi sa tamis. Kagaya noong nabalitaan kong magkaibigang nagtapos nga sa paaralang ito ay naging sila pa rin.

Nahagip ng aking mga mata ang iyong bulto na naglalakad palayo sa lilim ng Calumpit tree. Siguro nga’y kahit pa nakatalikod ka ay makikilala kita sapagkat ikaw ang sagot sa Niya sa dati kong panalangin. Pansin kong patungo ka sa simbahan, huminto saglit sa magarbong pintuan at tumayo ng ilang minuto. Nanalangin ka ba? Bago ka pa muling maglakad, napansin kong sumulyap ka saglit sa aking kinaroroonan.

Dama ko sa aking mga kalamnan ang pag-akyat ng lamig. Parang nangasim ang aking sikmura sa antisipasyon sa kung ano ang iyong gagawin. Subalit kahit na ang mga laman koy nanginginig, hindi parin maiaalis na sa unti-unti mong paglapit ay nasisilayan ko ang iyong matiim na ekspresyon na sa akin ay nagdulot ng aliw sa nakalipas na mga taon.

Naglakad kang muli dala ang nakabibighani mong tikas na hingangaan ng mga COCC trainees. Wala nang lingon lingo, mabagal na lakad subalit diretso ang direksyon, patungo sa aking kinatatayuan.

“Handa ka na ba?” sabi ni Richie. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala. Kagaya ko rin siya. Kagaya natin. Subalit isa sya sa mga nilalang na piniling pilit sikilin ang pag-ibig. Takot rin siya sa maari kong sapitin.

Tango lang ang naisagot ko sa kanya.

“Kita tayo mamaya, bilangin natin yung mga medalya na makukuha natin ah” dagdag nya bago siya lumabas ng silid-aralan.

“Pag nakasalubong mo siya pababa, pakisabi mag-hihintay ako dito.”

Tango lang din at isang malungkot na tingin ang isinukli nya bago tuluyang naglakad palayo.

Pumikit na ako. Pilit inaalala yaong mga panahon na naramdaman kong sayo ako’y umiibig. Naalaala ko pa na ito’y aking sinupil.Sinubukan kong ibaling sa iba pagka’t alam kong madudungisan ang ating pagkakaibigan. Kaya lang ay hindi maari. Maaring mawala, pero hindi puwedeng maibaling.

Ilang mga eksena nang nakaraan ang patuloy na sumasagi sa aking pag-iisip. Yung mga panahon na madalas tayo lang ang magkasama. Nariyan ang intrams na sabay tayong nagpapinta ng peklat na kagaya ng kay Harry Potter. At ang nakakatwang insidente na sabay tayong lumahok sa paligsahan nang chess na kung saan tayo rin dalawa ang naglaban para sa kampyonato para sa ating year-level.

Bigla ko ring naalala nung unang piyesta kong nakitulog sa inyo. Yaong araw na sabi nyo ay ipagbunyi na rin natin ang una kong pag-inom ng nakalalasing na inumin. Kasama na rin ang gulat ninyo nang malamang matagal akong malasing. Na bagsak na ang ilan sa atin pero ako pa rin ay gising na gising. Diba’t nagpilit ka na sa iyong silid ako matulog? Ayaw ko sana pero nagpumilit ka. At yun nga, nanakawan kita ng halik.

E iyong pagsasayaw natin ng street dancing, yung pagpipintura natin sa ating katawan ng kulay itim, at yung lagi mong payo na dapat lumahok tayo palagi sa cheering squad para makapagbuhat ng magagandang chix? Tanda ko pa. Tanda ko pa lahat. At ngayon nga’y ambilis nilang nagpapa-ikot ikot sa aking isip. Diba sinunod naman kita? Lahat nang sinasalihan mo sinubukan kong samahan ka.

Tanda mo pa rin kaya yung ginawa mo nung nakita mo akong nakaluhod sa simbahan? Yung mga oras na akala ko ako lang ang nagdarasal kaya’t malakas ang loob kong banggitin ng malakas ang aking kahilingan. Hindi ba’t tumabi ka at ginitgit ako sa upuan. Bigla mo akong nginitian at sabing ikaw na ang kasagutan.

“It’s God’s will,” iyong turan. “Kaya pala dito ako dinala ng mga paa ko eh.”

 Dumilat na ako, mula sa mesa ng mga guro, tumayo ako at lumipat sa aking silya sa loob ng silid-aralan. May pangalan yon. Ukit mula sa Panda mong hindi na sumusulat.

Ikalawang linya ng mga upuan mula sa blackboard, ika-apat na silya mula sa center isle, left group pag kaharap ng mga guro. Naalala mo? Iyan mismo yung padala kong mensahe sa’yo gamit ang luma kong Nokia 3310,  noong pinakukuha ko yung aking bag dahil kami ay nasa pagpupulong ng mga pamunuan ng mga studyante.

Naupo ako sa parehong bilang ng silya mula nang ako’y malipat sa unang pangkat. Biglang nagbalik sa akin noong nagtatakbo ka papasok sa silid-aralan namin noong tayo’y nasa ikatlong antas. Bakas sa mukha mo noon ang saya. Hindi mo nga pinunasan yung pawis na dumaloy sa ‘yong patilya. Binigyan mo ako ng isang maluwang na ngiti noon. At inaya papasok sa loob yung magandang dilag na nasa likuran mo pala.

“CJ, si Chritina. GF ko,” sabi mo na may halong pamumula pa ng pisnge.

Sinagot ka na pala niya.

Hindi ko alam kung ano ang nabasa mo sa itsura ko noon.

Ang alam ko lang biglang napahinto si Richie sa pagkanta-kanta nya non.

Pero alam kong natahimik ako non.

Pero hindi sa akala mong dahilan. Hindi dahil sa nagulat ako at nakabingwit ka ng gold fish. Hindi. Hindi. Wala akong nasabi noon kasi hindi ako makapaniwala na bago maging kayo, nagpakalunod tayo sa alak. Sinabi mo pa nga na parang wala ka nang pag-asa sa kanya. Na tingin mo yung taga-kabilang eskwelahan ang sasagutin nya. Tumangis ka noon na parang bata. At hindi ko natiis na pigilang yakapin ka. Hanggang unti-unti kang tumahan. Tapos hindi ko na napigilan, ang sarili ko kaya may nangyari sa atin. Pero wala ka atang malay noon. Kasi kung meron, hindi mo naman ako sasaktan sa paraang alam mong mahina ako diba?

E nung Mr. and Ms. Campus pageant night? Tanda mo pa ba? Noong nagkahamunan yung grupo natin na magpalakasan ng loob sa paghahanap ng multo duon sa lumang gulasali ng ating paaralan? Saka yung pag lalakad nating grupo sa bukid ng Sapang Bayan? Naaalala mo ba? Umiiwas na ako noon. Pilit ko nang ibinabaling sa pag-aaral yung panahon ko sayo. Pero alam mong takot ako sa dilim.

“Hawak ka lang sa kamay ko.”

Sinabi mo yan, kahit nandoon pa ang iyong kasintahan. Kaya buong magdamag, nakahawak ako sa kamay mo. Walang pagsidlan ang aking kaligayahan noon. Tila nabura nang iglap yung mga pagtitimpi ko. Alam kong pansin nila Richie ang saya ko. Pero saglit lang yon. Pagkatapos ng bakasyon ng pasko, nabalitaan ko kaya ka pala hindi nagpaparamdam e nagkahiwalay na pala kayo.

Kinausap ka ng barkada diba. Syempre inuman ulit yung paraan para magkwento ka. Napakadami nga ng iyon iniyak. Di mo lang alam, ako din nasasaktan. Wala kasi akong magawa. Hindi ko man lang kita mahawakan sa kamay para mapagaan ang iyong dinadala. Kaya nung malasing ka na nang tuluyan, isa lang ang alam kong paraan na magagawa ko, yun ay paligayahin ka sa paraang alam ko. Pero tingin ko panaginip yun para sayo, kasi pangalan ng ex mo ang inuungol mo.

Masakit pero heto na nga. Bukas hindi na tayo mga highschool. Napagpasyahan ko nang umamin ng nararamdaman sayo. Di bali nang dalawa lang ang pwedeng kahinatnan. Di bale na. Basta, gusto kong masabi sayo na “Shano, mahal kita,” nang hindi ka tulog, nang hindi ka lasing, at  nang hindi ka manhid.

Heto na, dinig ko na ang mga yabag mo sa hagdan. Isang silid-aralan pa. At ayan, heto kana. Tumayo na ako. Handa na ako.

“May sasabihin ako sayo,” panimula ko.

“Cj,” tugon mo na umiiling-iling pa “Alam ko na. wag mo—“

“Sa graduation natin. Dun mo sagutin yung itatanong ko,” putol ko sayo. Ayaw kong mauna ka. Sapagkat alam ko na din naman, o tingin ko alam ko din naman ang isasagot mo.

“Mahal kita, Shano. Pwede bang maging tayo? Yan yung itatanong ko. Gusto ko mamaya mo na sagutin. Kung hindi pwede ang sagot mo, pag akyat mo ng stage, mag whistle ka. Yung tulad ng ginagawa mo pag tinatawag mo ako mula sa malayo.”

Kita kong umiilng ka pa din. Hindi ka makatingin ng diretso sa akin. Nagtatagis ang yong mga panga. Ramdam ko, gusto mo akong yugyugin. Tinakpan mo ang yong mukha ng iyong mga kamay.

“Cj, kelan pa?” sabi mo.

“Second year. June 24, nung una kitang nahalikan.”

Napatingin ka sa akin. Pansin kong namula yung pisngi mo.

“Alam mo rin bang napagsamanta—“

Bigla mo akong nilapitan. Sing bilis ka ng pagkurap ng mga mata ko. Akala ko mararamdaman ko na naman yung mga suntok mo gaya dati nung pinag-awayan natin yung report natin. Pero bigla mo akong hinalikan.

Unang beses yon. Ang sarap ng halik na yon. Masarap, pero masakit rin. Sapagkat isang reyalidad ang natutunan ko non. O baka talagang nais mong iparamdam yung katotohanang yon ng hindi ako masasaktan. Pero ibang-iba pala yung halik mo na kusang loob na bigay. Yung gumaganti yung kahalikan mo. Yung may buhay. Yung pareho nyong alam na iyon ay nakalaan. Na hindi nakaw.

Pagkatapos nang halik na yon, tahimik mo akong nilisan sa silid-aralan ng IV-Narra. Habang naglalakad ka palayo, rinig ko naman ang mga masasayang sigaw nung mga COCC trainee sa baba na naghihilera ng monoblocks na mauupuan ng mga panauhin at mga magsisipagtapos. Naupo muli ako sa aking silya. Hindi ko maalala kung gaano ako katagal roon, subalit magdidilim na nung ako’y umuwi para maghanda.

Naunang tawagin ang aming pangkat. Kaya’t una rin akong natawag keysa sayo. Nang tawagin ang aking pangalan at ang mga karangalang aking nakamit, alam ko isa ka sa mga sumigaw ng pagbati.

Pumikit na ako ng ang pangkat nyo na ang nagmamartsa paakyat ng entablado. Kakatwa, sapagkat ngayon, wala akong nararamdamang lamig. Walang agam-agam o kung ano pa man. Payapa ako. Mukhang sinagot muli Niya ang aking dalangin. Maya-maya pa’y tila napunta ako sa dimensyon ng mga panaginip. Subalit may pilit sumira sa aking pananahimik.

Isang malakas, matinis, matagal at dumadagundong na sipol na sumabay sa lagaslas ng mga dahon ng Calumpit tree.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This