Pages

Friday, March 9, 2018

Because I Love You (Part 3)

By:Confused Teacher

Pagpasok sa room ay nilibot ko lamang ang aking paningin. Hmm, maganda ang room niya napaka organize ng lahat ng bagay parang hindi ginagamit. Kulay white at gray ang pinta, tapos ay dark blue na cover ng kama at kumot at unan na magkapareho ang design at kulay. Napaka cool pagmasdan.  Sa isang table sa corner meron siyang naka frame na picture na nakahubad.  Lumapit ako at hinawakan ko ang picture frame,  Naupo ako sa bangko at itinapat sa mukha ko ang picture frame.

“Mahal naman kita, pero bakit hindi mo ako hinintay, nasaktan din naman ako sa ginawa ko, pero handa naman akong punan anuman yung magagawa kong pagkukulang.  Sana binigyan mo ako ng pagkakataong makabawi.  Sana hinintay mo ako….” Nang biglang gumalaw ang pinto,

“Bro…” dali-dali kong ibinalik ang picture at nagkunwaring nakasubsob sa table.  Hindi ko alam kung nakita niya ako pero sure akong si Russel iyon.  Tinapik niya ako sa balikat.

“Xander, bakit naman diyan ka natulog, don ka na sa kama nang makahiga ka ng maayos.” Nagmulat ako ng mata at kunwari ay nagising.

“A pasensiya, na sige don na ako mahihiga, salamat.” Sagot ko na hindi siya tinitingnan. Abut-abot ang kabog ng dibdib ko. Inabot ko ang aking bag at binuksan ko para lamang maitago ang aking mukha.

“Are you sure okay ka lamang? Mukha ka kasing namumutla.” Tumango ako. Nakakainis itinatago ko na nga napansin pa rin.

“Magsuswimming kasi kami ni Karl, kapag okay na ang pakiramdam mo at magbago ang isip mo, sabihan mo lamang si JD sasamahan ka non papunta sa amin.” Dagdag   pa niya. Muli ay tumango lamang ako at nagkunwaring abala sa laman ng aking bag.

“Sige, lalabas na ako.” Hindi na ako sumagot.  Narinig ko na mahina niyang isinara ang pinto at tuluyan nang umalis. Nakahinga ako nga maluwag pagka alis niya.  Tiningnan ko pa ang nakasarang pinto.

“Sana ay hindi niya nakita na hawak ko ang picture niya. Sobrang nakakahiya pag nagkataon.” Iyon lamang ang naibulong ko.  Nahiga ako. Ang bango ng bed niya, pati ang unan niya ang bango.  Pero kahit anong gawin ko hindi ako dalawin ng antok.  Sari-sari ang naiisip ko.  Pero kailangan kong makatulog kaya ipinikit ko ang mga mata ko. Hanggang makatulog na nga ako.

Bahagya akong nagising nang maramdaman kong may tao sa room. Mahina ang usapan nila pero sure akong sina Karl at Russel iyon. Naisip ko hindi ba sila tumuloy mag swimming.  Nagkunwari akong tulog. Pero pinakinngan ko ang usapan nila.

“Sure ka ba sa ginagawa natin?” si Russel.

“Trust me bro, alam kong ito ang tama.” Sagot ni Karl

“Natatakot lamang ako.” Muling sabi ni Russel

“Akong bahala..” si Karl.   Bahagya kong iminulat ang mata ko saka ko lamang nakitang pareho silang basa.  Naka shorts lang din sila parehas at walang pang itaas.  Naisip ko tapos na sigurong mag swimming. “Malalandi!” Iyon agad ang naisip ko.  Ang bigat talaga sa dibdib hindi na nahiya dito pa sa room ginagawa ang kabulastugan nila.  Nang makapag-isip ako, room nga pala ito ni Russel, nakikitulog nga lamang pala ako. Ayoko na silang madinig kung pwede lamang lumabas ginawa ko na, pero mas pinili ko ang tumahimik.

Iyon ang huli kong natatandaan muli akong pumikit at pinilit na makatulog.  Sobrang sakit na ang aking nararamdaman. Ayoko silang makita o madinig man lang. Nagbilang ako ng tupa, maraming-maraming tupa ang binilang ko, pero hindi pa umaabot ng 1 million ay nakaramdam na ako ng antok.

Nang muli akong magising ay madilim na ang buong room.  May nakatapat sa aking electric fan at naramdaman ko may kumot na ako. Alam ko naman na hindi ako nagkumot nang matulog ako.

Kinapa ko ang cellphone ko at binuksan ang flashlight.  Hinanap ko ang switch ng ilaw.  Nang magliwanag na saka ko lamang napansin na 7:30 na pala ng gabi.  Ang tagal ng tulog ko.  Lumabas ako at nakita ko si Lola sa salas.

“O Xander, mabuti at gising ka na, hinihintay ka nong dalawa kanina, isasama ka sana sa sayawan.  May kasalan kasi don sa duluhan at alam mo na dito sa isla pag may kasalan may sayawan.  Naroon halos lahat ng kabataan sa isla.”

“Ganoon po ba, sumama po kasi ang pakiramdam ko kaya natulog ako.” Pagdadahilan ko.

“Ayos ka na ba? Kumain ka kaya muna, baka nabaguhan ka lamang sa pagsakay sa bangka.  Pagkakain mo ay uminom ka agad ng gamot ha.” Tumango lamang ako saka naupo sa isang bangkong paharap sa kanya.

“Halika na ipaghahanda kita ng pagkain. Ipinagbilin nga ni Russel na pasamahan ka kay JD kung gusto mong sumunod doon.”

“Huwag na po, magpapahinga na lamang ako dito baka sumama ulit ang pakiramdam ko doon mas mahirap.”

“Ikaw ang bahala,” sagot niya habang naghahain.” Ayun ang medicine kit.  Ikaw na ang bahalang tumingin kung anong gamot ang sa palagay  mo ay pwede sa iyo.” Dagdag pa niya.

“Sige po ‘La, ako na po ang bahala dito. Magpahinga na po kayo.”  Tumango naman siya at lumabas na rin ng kusina.

Pagkakakain ay hinugasan ko muna ang aking pinagkainan.  Pagkatapos ay  bumalik ako sa kwarto.  Hindi na ako uminom ng gamot alam ko namang wala akong sakit.  Naligo ako at nagsuot ng isang sando at jogging pants. 

“Ano bang gagawin ko dito.  Tiyak naman mahihirapan akong makatulog dahil ang tagal ng tulog ko.  Ayoko namang sumunod sa kanila dahil masasaktan lamang ako.  Nasa ganon akong pag-iisip nang tumunog ang phone ko. Ang Inay tumatawag.

“Nay,” bati ko sa kanya.

“Ano ka ba naman Xander kanina pa kita tinatawagan, bakit hindi mo sinasagot?” naiinis niyang tanong.

“Nakatulog po kasi ako. Pagkagising ko naman pinakain ako ni Lola Ana.  Naiwan ko ang phone dito sa room ni Russel.” Paliwanang ko, pero ang totoo dala ko naman ang cellphone sa labas ewan ko lamang bakit hindi ko napansin ang missed calls ng Inay.  Siyempre hindi ko iyon pwedeng sabihin dahil lalo siyang magagalit.

“Sabi ni Karl masama raw ang pakiramdam mo, ayus ka na ba? uminom ka ba ng gamot? Gusto mo na  bang umuwi na?”

“Nay. Wag OA ha?” natatawa kong sagot kasi kung sasabihin kong gusto ko ng umuwi as if naman ay may magagawa siya para makauwi ako.

“Xander hindi ako nagbibiro ha, nagagalit nga ako kay Karl bakit iniwan ka ganong masama pala ang pakiramdam mo. Ang sabi ay babalikan ka raw agad yun pala ay wala pa diyan at nasa sayawan pa raw sila sabi ng Lola Ana mo.” Patuloy pa niya.

“Okay lamang po ako, huwag na ninyo akong alalahanin.  Manood na kayo at malalampasan kayo ng teleserye ninyo. Nahahawa na tuloy kayo kakanood nyo ng drama.”  Pagpapatawa ko.

“Ikaw bata ka lahat ginagawa mong biro. Tawagan mo ako maya-maya ha para sure akong ayus ka lamang talaga bago ako matulog.  Ikaw na ang tumawag para sigurado, pag ako baka hindi mo na naman sagutin.”

“Okay po, sige na manood na kayo ng TV ha!.” Pangungulit ko.

“Mag-iingat ka Xander at huwag kang lalabas ng mag-isa ka lamang.” Hindi na ako sumagot Kasi hahaba pa ang usapan namin.

Pagkababa ko ng phone.  Lumabas ako ng bahay.  Wala naman akong alam na gagawin. Nakita ko si JD sa resthouse hawak ang phone niya. Binati agad niya ako pagkakita sa akin.

“Kumusta Xander, gusto mo bang sumunod sa kanila?” tanong niya.

“Hindi na siguro, tinatamad na rin ako. Kung gusto mong pumunta don okay lang.  Kaya ko naman dito mag-isa.  Maya-maya rin papasok na ako.  Papahangin lamang ako sandali.”

“Hindi rin naman ako mahilig sa ganon, ayoko rin ng maingay saka inuman.”    Pumasok ako sa resthouse naupo sa tapat niya.

Matagal din kaming nagkwentuhan at marami akong nalaman tungkol sa kanya.  Tama ako magka edad lamang kami.  Estudiyante pa lang pala siya ay nag ta trabaho na kina Lola Ana kapag weekend, at nang maka graduate ay tuluyan na na hire,  siya ang nagpapasweldo sa lahat ng trabahador kaya literal na sa kanya nagrereport ang lahat. Malapit lamang ang bahay nila kina Lola pero madalas ay hindi na rin siya umuuwi lalo nat sa madaling araw kadalasan ang daong ng mga bangka galing sa laot.

“Ikaw, mukhang sa Manila ka naglalagi, kutis Manilenyo ka kasi parang si Kuya Russel.”

“Ah oo, don ako nag-aral at pagka graduate ay doon na rin nagtrabaho. Ikaw wala ka bang balak magtrabaho sa Manila?”

“Ayus na ako dito, sapat naman ang kinikita ko rito isa pa ay ayoko ring iwan ang Inay at Inay ng matagal, yung Ate ko kasi nang mag-asawa ay sa Baguio na nanirahan sa pamilya ng napangasawa niya.

“Ganon ba, mas masarap nga ang buhay dito sa inyo, simple lamang pero masaya.” Tumango naman siya

“Siyanga pala gusto mo bang mamasyal sa buong paligid ng isla? May mga nagpaparenta ng bangka diyan,  Wala pang dalawang oras maiikot mo na ang buong isla. Pwede kang magpa picture”

“Talaga, maganda yata iyon ah, hindi rin ako sanay ng sumasakay sa bangka, magandang experience nga iyon para naman hindi ulit ako manibago pag-uwi namin. Sige gusto ko iyon, samahan mo ako ha?”

“Sure!”  bukas agahan natin para hindi pa mainit, bago mag ala sais dapat ready ka na.” Naisip ko mas mabuti pa nga iyon tutal ay lagi rin namang abala yung dalawa, unfair naman siguro na nag-eenjoy sila tapos ako magmumukmok lamang.

Naramdaman kong medyo malalim na rin ang gabi at isa pa ay may usapan nga kami na maagang aalis kaya sinabihan ko siyang magpahinga na kami.

“Basta hihintayin kita dito after 5:30 ng umaga.” Tumago lamang ako at pagkatapos magpasalamat ay pumasok na rin para matulog. Pero tinawagan ko muna ang Inay at tama ako hindi pa nga natutulog hinihintay talaga ang tawag ko.

Kinabukasan kagaya ng pinag-usapan namin 5:45 ready na ako, nakita ko si Lola Ana, nagluluto , nagpaalam ako sa kaniya.  Pinagdala niya ako ng pandesal saka cheese. Paglabas ko ay nakita ko si JD nakatayo sa pinto ng resthouse.  Medyo madilim pa pero sa pamamagitan ng ilaw ay kita kong nakangiti siya.

“Good morning Xander, are you ready?” masayang bati niya,

“Kanina yes, pero nang tanungin mo ako parang bigla akong kinabahan.” Natatawang sagot ko.

“Nakow, tipikal na taga Manila, kinakabahan sa simula pero kapag naroon na enjoy na enjoy na.  Don’t worry narito naman ako, saka safe yung bangka, pinili ko yung sa kumpare ko kasi maganda yung katig niya.” Nginitian ko lamang siya kasi ramdam ko yung concern niya.
 
Gaya ng sinabi niya, sobrang ganda nga ng isla, hindi ako nainip kasi instant tour guide si JD.  Sa pagitan ng pagkuha ko ng pictures at pagpapapicture ko ay ineexplain niya ang bawat lugar na madaanan namin. 

“Pare baka gusto ninyong magswimming, maganda diyan sa lugar na iyan, pwede kayung bumaba diyan.”  Biglang sabi ng aming bangkero.

Tiningnan ako ni JD na parang nagtatanong, pero umiling ako.

“Hindi rin ako masyadong sanay lumangoy lalo na sa dagat.  Malakas lamang ang loob ko kapag sa swimming pool kasi tantyado ko ang lalim. Dito mahirap.”  Tumango naman siya kaya nagpatuloy kami.

Unforgetable nga ang experience na iyon.  Napakasaya at na enjoy ko talaga.  Pagdating namin sa bahay sinalubong kami ni Lola Ana.

“Utoy, pupunta raw kayo sa taas sa kubo.  Umuna na iyong dalawa at bibili muna ng isda at uling.” Bati niya sa amin.  Alam ko iyong lugar na iyon nabanggit na sa akin ni Russel dati, Nasa isang hill daw yun na over-looking sa buong isla,  Sinabi niya sa akin na kapag pumasyal ako sa isla ay pupunta kami doon para mag buko  maganda rin daw mag overnight doon kasi bukod sa tahimik ay napakaraming alitaptap sa gabi na parang buhay na Christmas lights. Tumango lamang ako kay Lola. Napansin ko ang dalawang basket sa tabi niya. May laman itong food keeper na may lamang kanin, may mga pinggan at iba pang gamit sa pagkain, kutsilyo mga sangkap sa pagluluto, isang panlatag na parang ginagamit kapag nagpipiknik at kung anu-ano pa.

“JD, ihatid mo muna si Xander sa may hagdan don daw sila maghihintay, hindi na nila dinala ang mga ito kasi inihahanda ko pa nang umalis sila.  Pagkahatid mo ay bumalik ka agad at kailangan natin ang gas.” Dagdag pa niya. Tumango lamang si Xander at nginitian ako.

Pumasok ako sa kwarto at kumuha ng damit, dahil malamang overnight nga iyon kaya kailangan kong magdala ng pampalit. Paglabas ko ay bitbit na ni JD yung dalawang basket. Sinubukan ko na kuhanin yung isa pero huwag na raw kaya naman daw niya, Kaya sumabay na lamang ako sa kanya sa paglalakad

Malayo pa ay tanaw ko na ang dalawa.  Nakaupo sila sa may hagdan at magka share sa iisang earphone.  Parang may pinapanood sila kasi tawa sila nang tawa habang hawak ni Russel ang phone na nakaharap sa kanila.  Nang matanaw nila kami ay tumayo sila.

“Heto na pala sila tayo na” si Russel.  Inalis niya ang earphone sa tenga niya at binitbit yung mga dala nila.  Mga nakataling isda, uling at isang taling kahoy ang dala nila. Diretso na silang umakyat ni hindi tinanong kung kasama namin si JD.  Wala na akong nagawa, kinuha ko yung dalawang basket at nagpasyang sumunod sa kanila,  Kita ko sa mga mata ni JD ang pagtatanong kung kaya kong dalhin ang dalawang basket. Nagkibit balikat na lamang ako at pagkatapos magpasalamat sa kanya ay nagsimula ng humakbang sa hagdan kasunod ng dalawa.

Mabagal ang lakad ko dahil sa mga dala ko, na hindi pansin ng dalawa dahil abala sa kung anong tinitingnan nila sa cellphone.  Hindi ko na lamang sila pinansin at nag concentrate sa paglalakad.  Hindi naman gaanong mabigat.  Ang totoo mas mabigat ang paa kong humakbang.  Ang gusto ko ay ibato sa kanila ang dala ko.  Hindi ko mapaniwalaan na ang best friend ko ay parang bale wala lamang ako.  Buong buhay ko siya ang sandalan ko kapag may problema ako pero ngayon walang lang pakialam sa akin.  Tapos ang taong mahal ko mukhang wala na ni katiting na pagtingin sa akin.

Gusto kong umiyak, gusto kong magwala.  Gusto ko silang tanungin kung nananadya ba sila,  pero para saan pa.  Hindi naman naging kami ni Russel at wala sigurong alam si Karl tungkol sa amin.  Ayoko rin gumawa ng eksena kasi baka pagtawanan lamang nila ako. Ang panalangin ko na lamang ay matapos na ang apat na araw kong kalbaryo.  Pero pangalawang araw pa lamang parang susuko na ako.

Nang dumating kami sa taas, literal na basa na ako ng pawis.  Kahit hindi mainit ay nakakapagod pa rin dagdag pa iyong mabigat kong dibdib na parang sasabog.

“Boi ang dami mo palang dala, bakit hindi mo isinama si JD?” tanong ni Karl nang abutin ang dala ko.

“Pinabalik kasi siya ni Lola Ana, may iniuutos sa kanya.” Walang emosyon kong sagot sa kaniya

“Sana tinawag mo kami para natulungan ka namin.” Dagdag naman ni Russel nang abutin yung isang basket.  Ihampas ko kaya iyan sa ulo mo, ni hindi ka nga lumilingon sa akin kanina dahil enjoy na enjoy kayu sa harutan ninyo. Hindi na lamang ako kumibo.  Nagpalinga-linga ako at nakakita ako ng isang duyan kaya kaagad akong pumunta doon.  Pagkababa ko ng bag ko sa isang malaking bato ay nagpunas agad ako ng pawis gamit ang tuwalya. Pagkatapos ay nahiga ako sa duyan, inilabas ko ang cellphone ko at pinili ko na lamang mag sounds. Ayokong bad tripin ang uatak ko. Marami ng problema ang mundo at ayokong mapabilang don.

 “Bahala kayung dalawa diyan sa buhay ninyo.  Ayokong sumali sa kung anumang binabalak ninyo.” Iyon lamang na naibulong ko sa sarili ko. Dinig ko pa din ang tawanan nila pero nilakasan ko ang volume ng pinapakinggan para hindi sila madinig.

Maya-maya ay natahimik sila.  Nagpatuloy ako sa pakikinig hanggang naramdaman ko ang antok.  Nagising ako sa tawag ni Russel. Tinatapik niya ako sa balikat.

“Bro, magbuko ka muna oh, pampaalis ng pagod.”  Paglingon ko may hawak siyang isang buko na may butas iniaabot niya sa akin.  Tumingin ako sa kubo naroon si Karl, may kausap na isang lalake na mukhang siyang umakyat sa puno dahil sa porma niya.  Muli kong tiningnan si Russel nakangiti siya na parang wala lang.  o parang tanga lang. Naisip ko buti pa yung buko naalala niyang paborito ko pero ung pinagsamahan namin parang wala na talaga.

“Sige ibaba mo na lang  diyan, mamaya ko na lamang kukunin.” Mahina kong sagot sa kanya.  Ipinaramdam ko sa kanya na hindi ako intresado.  Pero ang gwapo niya ang ganda talaga ng mata niya, kaya lang ay  ayoko ng i entertain sa utak ko ang mga bagay na iyon, sasaktan ko lamang ang aking sarili.

“Siyanga pala, mag-ihaw tayo ng isda, samahan mo kami don.” dagdag pa niya.

“Susunod ako don maya-maya, magpapahinga lamang ako sandali Pagud na pagod pa ako.” Sagot ko sa kanya. Gusto kong iparamdam sa kanya ang hirap ko baka sakalingmakunsensiya.  Tumango lamang siya at pagkababa ng buko sa tabi ng isang bato ay tumalikod na wala man lang ibang comment.

Pagkatalikod niya ay bumangon ako at inabot ko ang buko.  Ang sarap kaya non, kahit naiinis ako sa kanya ay hindi ko idadamay ang buko. Hindi pwede paborito ko to.  Sa Manila nga bumibili ako ng fresh kahit mahal.  Pagkatapos kong inumin ang sabaw ay namurublema ako kasi wala akong pambiyak.  Gustung-gusto ko pa naman ang laman ng buko. Tumingin ako sa bahay.  Nakita ko iyong itak nasa isang bangko, wala sila don pareho baka nasa loob,  dali-dali akong bumaba sa duyan at pasimpleng kinuha ang itak, napansing ko ang dami pang buko kaya kumuha pa ako ng isa saka mabilis bumalik sa aking pwesto. Tumingin ulit ako mukang hindi naman nila ako nakita saka ano ba kung makita nila, hindi naman nila kayang ubusin lahat iyong buko na yun. Subukan lamang nila, ibabato ko sa kanila mga buko nila.  Huwag na lang kaya, sayang!

Gumawa muna ako ng improvised na kutsara bago ko biniyak ang buko at inenjoy ang pagkain ng malambot na laman niya. Nalimutan ko ang pagka badtrip, sobrang hilig ko talaga sa buko. Nahiga ulit ako sa duyan habang may hawak na laman ng buko at ngumunguya.

“At least may magandang nangyari kahit nakakainis sila pareho” nagingiti kong bulong sa aking sarili saka muling inilagay ang earphone. Pero bitin kulang talaga ang isang buko sa akin. 

Kaya bumaba ulit ako at binutasan ang isa pang buko.  Pero hindi ko na kinain yung  laman, hindi ko na kaya, busog na talaga ako. Pagkainom ko ay naramdaman ko ang bigat ng tiyan ko. Ang hirap mahiga. Kaya naisipan kong maglakad-lakad.  Ang ganda nga pala doon. Habang nakatanaw ako sa malawak na gubat, dinig na dinig  ko ang mahihinang huni ng mga ibon at sa pamamagitan ng mahinang hangin ay ang malambing na tunog ng mga dahon ng puno. Tumingin ako sa bandang kanan doon ko natanaw ang malawak na asul na dagat. Breathtaking ang view. Ang ganda, gusto kong magpakuha ng picture kaso naman nagsosolo ako. Sayang! Pero nag selfie rin ako ng ilan, mas maganda nga lamang sana kung kita yung background,

 Haist! Buhay. Parang nag-iisa lang ako sa lugar na iyon. Ang boring! Nagkalad na lang ulit ako.  Nang mapadako ang paningin ko sa bandang taas.  Naroon pala ang mga love birds.  Masayang nagkukuhanan ng pictures.  Hindi nila ako pansin dahil bukod sa nakukubli ako sa isang puno abala rin sila sa kanilang ginagawa.  Gusto ko sana silang sundan kaso masasaktan lamang ako kung kasama nila ako. Saka mukhang hindi naman sila intresadong isama ako baka nga maka istorbo pa ako sa kanila.  Kaya nagpasya na akong bumalik sa aking duyan at ituloy ang pagsa sounds.  Kinain ko na rin yung natirang laman ng buko.

Maya-maya ay naramdaman kong nagluluto na sila, naamoy ko ang inihaw na isda, pero hindi ako pumunta gaya ng sinabi ko kay Russel.  Bahala silang magluto.  Ako na nga nagdala ng gamit namin ako pa magluluto.  Ano ako katulong ninyo?  Nadinig kong tinatawag nila ako pero kunwari ay hindi ko nadinig. Deadma! Sanay kaya ako sa ganon. Na master ko na yun mula ng maghiwalay kami ng ex kong walang kwenta.

Matagal-tagal na rin akong nagsa sounds nang maramdaman ko si Karl sa may ulunan ko. Niyugyog niya ang duyan.

“Hoy Kulokoy, kakain na bumangon ka na diyan.” Iyon lamang ang sinabi niya at tumalikod na rin.

Sumunod ako sa kanya at nadatnan kong nakahanda na ang pagkain sa isang maliit na mesang kahoy.  Walang sabi-sabi ay sumandok ako at nagsimulang kumain napansin ko naman na parehas silang natigilan.  Pero maya-maya ay sumandok na rin sila at nagbulungan. Ang sweet nila nagsusubuan pa talaga sa harapan ko.  Binilisan ko na lamang ang pagkain at pagkainom ko ay umalis din agad sa harapan nila. Lumakad lamang ako palayo sa kubong iyon.

Hindi ko alam kung kanino ako magagalit, sa sarili ko ba o sa kanila.  Ang hirap ng pakiramdam, napaka helpless ko gusto ko ng umiyak pero alam kong hindi ko iyon pwedeng gawin.  Kaya lang ay hirap na hirap na ako sa pag torture na ginagawa nila sa akin.

Naupo ako sa isang bato, at nagsimulang dumampot ng maliliit na tuyong sanga saka ko ibinato kung saan-saan.  Nang biglang may magsalita.

“Di ba sabi ni Lolo sa tin noong bata pa tayo, huwag bato nang bato ng kung anu-ano kapag nasa gubat tayo?”si Karl.  Hindi ko siya pinansin at tuloy lang ako sa ginagawa ko.

“Tigilan mo nga iyan baka may matamaan kang engkanto o lamang lupa, hindi mo alam kung anong pwede nilang gawin sa yo” matigas niyang sabi sabay pigil  sa kamay ko.

“Bitiwan mo nga ako, ano bang pakialam mo kung anong mangyari sa akin?” bulyaw ko sa kaniya saka siya tiningnan ng masama. Tumungo na lamang ako, ano ba kasing pakialam niya.  Hindi ko nga pinapakialaman ang ginagawa nila kahit nakakainis na.

“Xander, anong problema, ano bang ipinagkakaganyan mo, kahapon ka pa badtrip kahit nong nasa bangka pa lamang tayo ang init na ng ulo mo?” mahina niyang tanong sa akin saka naupo malapit sa kinauupuan ko.

“Wala!” walang emosyon kong sagot. Napikon yata kaya tumayo.

“Kung hindi mo gustong pumunta dito sana sinabi mo na lang, hindi iyang para ka diyang bata na nagmamaktol.  Ayaw mo namang sabihin kung anong dahilan niyang sumpong mo”

“Ikaw ang may sumpong hindi ako, pwede ba umalis na ka, ayokong  kausap ka iwan muna ako dito.” Pagalit kong sagot sa kanya. 

“Iyan ang problema sa iyo, ayaw mong makipag-usap, hindi mo kayang sabihin kung ano ang gusto mo.” Ramdam kong galit na rin siya dahil sa lakas ng boses niya. Nong mga bata pa kami madalas kaming mag away pero never kaming nagsigawan, mas madalas ay parehas kaming tumatahimik pag nagkakapikunan na, saka maghihiwalay.  Pero mas maraming pagkakataon siya ang unang lalapit para makipagbati.

“Ang problema sa iyo masyado kang manhid, napaka insensitive mo!” sigaw ko sa kaniya. Hindi ko alam nadala na ako ng emotion ko.

“At ikaw naman duwag. Isa kang malaking duwag!” sigaw din niya.  Doon na ako napatayo  sabay suntok sa kanyang mukha.  Hindi niya inaasahan ang gagawin ko kaya hindi niya nailagan.  Nakita kong napaupo siya sa mga tuyong dahon.

“Hindi ako duwag, alam mo iyan kahit noong mga bata pa tayu.” At napaiyak ako.  Nakita ko naman tumakbo si Russel at pinunasan ng damit niya ang dugo sa labi ni Karl,   saka siya inalalayang tumayo.  Nakita ko rin ang pagpatak ng luha ni Karl.

“Oo nga pala, bata pa tayu basag ulero ka na.” Pinahid niya ang mga luha niya  saka ako malungkot na tiningnan.  Inakay siya ni Russel pabalik sa kubo.  Si Russel naman hindi man lamang nagsalita. Nakatungo siya habang naglalakad sila.

Nang makaalis sila napasuntok ako sa lupa. Hindi dahil galit ako sa kaniya.  Kundi sa galit ko sa sarili ko. Hindi na kami nag-uusap ni Hans mula nang mag break kami ni Hannah. Ngayon naman si Karl ang kagalit ko. Ano bang kasalanan ko sa mundo bakit ganito ang kapalaran ko. Ano bang kasalanan ang pinagbabayaran ko at pinaparusahan ako ng ganito?

“Ang gusto ko lamang naman maging masaya, oo ngat natakot akong magmahal dahil akala ko kaya kong kalimutan siya dahil hindi kami pwede. Hindi ko naman sinasadya kung nasaktan ko man siya, nasaktan din naman ako ah. Pero bakit hanggang ngayon kailangang masaktan pa rin ako.” Umiiyak kong bulong sa aking sarili.

Matagal-tagal din ako sa ganoong ayos.  Hindi ko na kayang magtagal sa lugar na iyon.  Mabilis akong tumayo at bumalik sa duyan.  Kinuha ko ang bag ko at agad na bumaba.  Habang daan ay patuloy ang pagpatak ng mga luha ko.

Pagdating sa bahay ay agad kong inayos ang mga gamit ko.  Nakita kong pumasok si Lola Ana.

“Xander, anong nangyari bakit ka umiiyak at anong ibig sabihin niyan?” naguguluhan niyang tanong.

“Lola, ano pong oras ang last trip ng pabalik sa Batangas?” sa halip na sumagot ay iyon ang itinanong ko.

Kadalasan ay alas kuwatro ng hapon, maliban na lamang kung may mga special trip galing Batangas walang oras iyon kaya lamang ay bibihira naman ang ganon.” Naguguluhan niyang sagot. Tumingin ako sa relo ko.

“Bakit Utoy, uuwi ka na ba? may nangyari ba doon sa kubo, bakit ka nga umiiyak?”

“Opo Lola, uuwi na po ako, pasensiya na po.”

“Sabihin mo sa akin ang totoo, nag-away ba kayo? Nasaan iyong dalawa bakit hindi mo kasama.  Kanina lamang ay tumawag ang Inay mo ang sabi mo raw ay nag-enjoy ka sa pamamangka.  Bakit bigla kang uuwi ngayon?”

“Pasensiya na po Lola, alas tres pa lang naman po ngayon, aabot pa ako sa last trip. Salamat po sa lahat at pasensiya na ulit sa abala.” Iyon lamang ang naisagot ko sa kanya  dahil hindi ko na napigilan ang pagpatak ng luha ko.

“Batang ito talaga, hindi ka abala sa akin, masaya ako’t nakapag bakasyon ka dito kaso ay hindi ko naman alam kung anong nangyari sa iyo.  Sayang may mga ipapadala pa naman ako kay Ate, hindi pa nga lamang nakahanda ay paano ba iyan mukhang nagmamadali ka naman.”

“Sige po Lola, mauuna na ako. Salamat po ulit” yumakap ako sa kanya at tumalikod na rin.

“Maaga pa naman, hintayin mo muna si JD padating na rin iyon, pahatid ka kahit hanggang sakayan man lang.”

“Huwag na po kaya ko na pong pumunta doon.” At nagmamadali akong lumabas. Hindi ko na rin nadinig ang iba pa niyang sinasabi.  Ang mahalaga sa akin ng mga sandaling iyon ay makalayo.  Para bang bawat segundo na nasa lugar na iyon ako ay lalong nagdadagdag sa nararamdaman kong sakit sa kalooban.

Gaya ng sinabi ni Lola Ana, mag aalas kwatro ng hapon ay paalis na ang bangka. Hindi naman madaming pasahero kasi Monday noon kaya madali akong nakapagbayad at sumakay na din agad.  Habang papaalis ang bangka ay tumanaw pa ako sa pampang.  Marahil ay huling beses ko ng makikita ang magandang lugar na iyon. 

Pero nabigla ako sa aking nakita sina Karl at Russel malungkot na nakatingin sa akin o baka sa bangka.  Nag-iwas ako ng tingin sa kanila. O mas madali pang sabihin hindi ako makatingin sa kanila, alam ko malaki ang kasalanan ko lalo na kay Karl.  Hindi ko alam kung paano ko aayusin ang problemang iyon. Tumungo lamang ako at nagkunwaring may hinahanap sa aking bag ayoko ring mapansin ng ibang pasahero ang itsura ko alam kong namumula ang mga mata ko. Buong biyahe namin ay magulo ang utak ko.  Kung anu-ano ang naiisip ko pero wala akong mabuong desisyon. Nagulat pa ako nang maramdaman kong malapit na kami at naghahanda na ang mga kasama ko sa pagbaba.  Naghanap agad ako ng tricycle at sinabi ang lugar namin.

Hindi ko namalayan nasa tapat na pala kami ng bahay ng Inay.

“Kuya, dito ba kayu?” boses ng driver ng tricycle driver ang nagpabalik sa katinuan ko.

“Ahh oo, pasensiya na, bumaba ako saka siya inabutan ng bayad, hindi ko na rin kinuha ang sukli kaya pagkatapos kong mag thank you ay tuluy-tuloy na pumasok sa gate. Sanay naman akong hindi iyon nila lock ng Inay kapag araw.

Naabutan ko siyang nasa terrace mukhang balisa.

“Xander, anong nangyari tumawag ang Lola Ana mo. Nagmamadali ka raw umuwi. Hindi mo raw sinabi kung bakit.” Nakakunot ang noong bungad niya sa akin.  Hindi ko alam ang isasagot. Gusto ko sanang umiyak sa kanya pero ayokong mag-alala pa siya. Nagmano muna ako sa kanya bago nagsalita.

“Di ba nga po, masama ang pakiramdam ko.  Masakit ang ulo ko ah.” Iyon na lamang ang naisip kong palusot.

“Anak, alam kong hindi iyan ang totoong dahilan. Sigurado akong may problema ka.  Nararamdaman ko iyon kahit noong isang araw pa. At iyang pamumula ng mata mo. Teka Umiiyak ka ba Utoy?” nabigla siya nang makitang basa na ang mga mata ko. Bigla niya akong niyakap.

“Ngayon ay sigurado akong mabigat ang pinagdadaanan mo, kaya lang ay kilala kita, kung may gusto kang sabihin sasabihin mo kahit hindi ako magtanong, pero kung may gusto kang ilihim kahit pilitin kita hindi mo iyon sasabihin, kaya hahayaan na muna kita, basta tandaan mo ha, narito lamang ako kung kailangan mo ng kausap, nakahanda akong makinig.” Sinabi niya habang hinahaplos ang aking likuran.

“Salamat po ‘Nay”

“O siya, ipasok mo iyang mga dala mo at magpahinga ka na muna. Baka  kapag nagpahinga ay  makapag-isip ka ng maayos. Huwag mong kalilimutan ha huwag pabigla-bigla sa pagdedesisyon pag-isipan mong mabuti ng walang pinagsisihan sa bandang huli. At huwag daanin sa init ng ulo ang anumang gagawin.” Ginulo pa niya ang buhok ko.  Tumango lamang ako para hindi niya mapansin na umiiyak pa rin ako. Bwisit naman bakit ba sobrang naging iyakin ako. Hindi naman ako dating ganito.  Ngayon kapag may problema pag-iyak na lamang ang lagi kong ginagawa. Binitbit ko ang aking bag at pumasok na sa kwarto ko.

Nang maghapunan kami hindi na nag-usisa pa ang Inay.  Nagpasalamat na lamang ako at hindi siya nangulit.  Hindi pa ako handa na magkwento sa kanya. Pagkatapos ay ako na ang nag volunteer na maghuhugas ng pinggan.  Hindi naman siya tumutol.

Kinabukasan ay maaga akong nagising at naligo agad.  Pagkakain ay nagpaalam ako sa Inay.

“Nay, don muna ako sa amin ha, maglilinis lang ako.” Malapit lamang naman ang bahay dalawang bahay lamang ang pagitan namin kina Tita na kapatid ni Daddy at yung kina Karl na anak ng eldest  sa kanilang magkakapatid.

“Malinis naman yun, nong sinabi mong uuwi ka at magbabakasyon ipinalinis ko yun.”nakangiti niyang sagot habang inilalagay sa ref yung mga tira naming pagkain. “Naisip ko kasi baka puntahan ka nung mga kaibigan mong madalas nasa inyo kapag nalamang narito ka at nagbabakasyon,  Sa isip ko naman  sana hindi na lamang sila pumunta wala rin naman akong ganang makipagkulitan. Hindi ko rin alam ang isasagot sa napakarami nilang mga tanong

“Ganon po ba? kahit yung room ko na lamang may mga gamit ako don na gusto ko ng alisin hindi ko na nagawa nong last akong umuwi.”

“Bahala ka, pero dito ka ba magtatanghalian?” muling tanong niya.

“Opo, pero mamaya pagkakain pupunta ako sa sementeryo, sasama ba kayu”

“Baka hindi na, ako’y isinasama ng Tita mo, ibibili raw niya ako ng mga bagong damit.  Ayaw ko na nga sana, sabi koy bahala na siyang bumili, ayaw naman, mabuti na raw iyong makalabas ako kahit minsan lamang.”

“Tama naman yun ‘Nay, sumama na kayo nang hindi naman kayu laging narito lamang sa loob.” Ayos na yung ako na lamang ang magmukmok , bulong ko pa.

Gaya nang sinabi ko pagkahugas ko ng mga pinagkainan namin ay lumipat na ako sa bahay,  Dala ko ulit ang bag ko.  Tahimik sa bahay ni Tita Irene, wala ang dalawang pinsan ko na makukulit. Tiyak nasa school na. May pasalubong pa naman ako sa kanila.   Si Tito Mike malamang na nasa shop na yun.  Hindi ko alam kung nasaan si Tita,

Sa kabilang bahay naman kina Tito Doy, wala ring tao sa labas, pero may sounds akong nadidinig,  Nasa work na siguro yung dalawa kong pinsan, si Karl naman… kumusta na kaya siya.  Nakakahiya kay Tita Grace pag nalaman niya ang ginawa ko.  Hindi na bale si Tito, hindi naman kami close noon bihira nga kaming mag-usap, mas mabuti pa nga si  Tito Mike kahit asawa lamang ng kapatid ni Daddy, madalas kaming magbiruan. Haist! Ang dami kong problema sa buhay, ang dami kong dapat isipin ayoko  na ngang isipin pa ang tungkol sa kanila.

Pagdating sa bahay namin naupo muna ako sa terrace.  Hmp! May bahay nga kami pero wala namang nakatira.  May balak pa kaya ang mga magulang ko na tumira dito?  Sabagay noon pa nila sinasabi na ipinagawa nila ang bahay na ito para sa akin at sa magiging pamilya ko. Ang saklap talaga ng buhay ko.  Buti pa ang mga magulang ko may lovelife. Ako nganga pa ren hanggang ngayon.

Para ma divert ako sa pag-eemo.  Pumasok na lamang ako, at tama ang Inay, malinis ang bahay, Bagong palit ang mga kurtina. Mabuti na lamang, nakakabad trip din kasi minsan kapag dumating kang maalikabok. Dumiretso ako sa aking room.

Naglinis ako sa room ko.  Yung mga books ko noong college ay inilagay ko sa isang box saka dinala don sa isang room na lagayan namin ng lumang gamit.  Wala kasi kaming store room.  Yung pinakahuling room lamang na walang laman ang ginagawa naming lagayan ng lahat ng gamit na hindi alam kung anong gagawin.  Hindi ko na ginalaw ang bed dahil mukha namang bagong palit ang cover pati punda ng unan. Nilinis ko ang study table ko.  Inalis ko yung maraming notes na nakakalat sa ibabaw.  Ang sumunod naman ay ang damitan ko.  Ang dami ko na palang damit na hindi nagagamit.  Inalis ko sila sa hanger at inilagay sa lumang maleta saka ko dinala don sa dulong room. Kinuha  ko na rin yung mga boxes sa ilalim ng kama,  may laman iyong mga toys na pinaglalaruan ko minsan kahit malaki na ako. Nakita ko ang collection ko ng shadier. Napangiti ako nang maisip ko kung gaano ako ka obsess sa robot na iyon. Pero hindi ko sila kayang itapon malaki ang naging bahagi niya sa aking pagkabata. Madalas kapag wala akong makausap o makalaro noong bata pa ako ay siya lamang ang hindi nagsasawang pakinggan ako. Kaya pagkatapos punasan ay isinama ko sila don sa malalaking robot ko glass cabinet sa itaas ng head board.   Nakita ko rin yung maraming CD’s at DVD’s sa isang box. Napakarami ko nga palang basura sa room ko.

Naalala ko pa kapag pinapagalitan ako ni Mommy noong bata pa ako.

“Xander, ito bang mga laruan na ito ay talagang ginagamit mo pang lahat? Baka naman pwede mo ng ilabas itong iba?”

“Mommy, gusto mo bang magalit ang mga iyan sa iyo, magkakaibigan iyan, hindi sila pwedeng magkakahiwalay.”

“Puro ka kalokohan. E iyang mga papel na nagkalat jan wag mong sabihing kaibigan din nila ang mga iyan.”

“Basahin mo kaya, iyan ang paraan nila para magkausap, nagsusulatan sila kaya pag inalis mo ang mga iyan, wala na siang communication.”

“Hay, nako, ako ang mababaliw sa iyo, bahala ka ngang bata ka sana lamang ay huwag pagbahayan ng daga iyang kwarto mo at ewan ko lang kung hindi pati ikaw ay umalis diyan.”

Napangiti na lamang ako dahil halos every weekend ay ganon ang eksena namin ni Mommy.  Kailangan ko pang ipaalam sa kanya na wala siyang pwedeng alisin sa loob ng room ko maliban sa alikabok at damit na labahin, kahit maglilinis siya ay hindi niya pwedeng baguhin ang ayos ng mga gamit ko at kung nasaan ang mga robots ko dapat ay naroon pa rin sila pagkatapos niyang maglinis. Kaya kahit naiinis ay walang magagawa si Mommy kundi sundin ang gusto ko dahil kung hindi ay isusumbong ko siya kay Lolo at tiyak iyon kakausapin sila ni Daddy at mapipilitang ibalik yung inalis niya sa room ko.

Nakaramdam akong gutom pero hindi na ako nag abala na pumunta sa kitchen dahil sure akong walang makakain don.  Naka off din ang ref kaya kahit malamig na tubig tiyak wala don.   Noodles lamang at de lata ang siguradong meron.  Hindi rin naman ako sure kung may hinandang meryenda ang Inay. Pero hindi ko na kaya gutom na talaga ako.  Kaya nagpalit lamang ako ng T-shirt at lumabas sa harap na gate ako dumaan. Saktong may dumaang tricycle kaya nagpahatid ako sa 7/11.  Bumili lamang ako ng sandwich at juice.  At ipinag take out ang Inay.  Kumakain na ako nang may mapansin ako sa labas.

“Si Hannah!” Bulong ko sa aking sarili.  “Ang ganda pa rin niya,  After 2 years ngayon lamang ulit kami nagkita.  Pinakiramdaman ko ang sarili ko.  Naka move on na nga siguro ako, kasi hindi ko na maramdaman ang galit sa kanya.  Namiss ko lamang siya pero hanggang doon na lamang.  Maya-maya ay sumakay siya ng tricycle.  Pagka ubos ko ng kinakain ko ay lumabas na rin ako at bumalik sa amin.  Idinaan ko sa Inay ang binili ko at bumalik sa bahay para tapusin ang ginagawa ko. Pero hindi pa rin mawala sa isip ko si Hannah. Kumusta na kaya siya, muka naman siyang happy.  Ang last kong nadinig ay sa kapitolyo siya nag wo work.

Nalibang ako sa mga ginagawa ko nang mapansin kong 12:25 na pala.  Dali-dali akong lumabas dahil tiyak naghihintay na ang Inay.  Hindi iyon kakain hanggat wala ako dahil sinabi kong doon ako magtatanghalian. At tama nga ako nakaupo ito sa isang bangko sa terrace at hinihintay ako.

“Mabuti at dumating ka na, kanina pa ako nagugutom,” bati nito.

“Sensiya na po ‘Inay, hindi ko napansin ang oras.” Nahihiya kong sagot. Sabay na kaming pumasok at nagtanghalian na.

Pagkakain ay naligo lamang ako at nagpaalam na  sa Inay. Nakita ko rin naman na naghahanda na siya para sa lakad nila ni Tita.

Dumaan ako sa flower shop at ibinili si Lolo ng bulaklak. Pagdating doon inalis ko lamang yung mga tuyong dahon at bulaklak sa ibabaw ng nitso niya, saka ko ibinaba ang dala ko.

“Tay, pasensiya na po, ang tagal kong hindi kayu napuntahan.  Halos isang taon na rin yun.  Next month death anniversary mo na ulit. 3 years ka na diyan.  Ang daya mo Tay, diba dapat aalagaan pa kita? Diba sabi mo gusto mo akong makitang engineer na, gusto mo akong makitang masaya? Tay engineer na ako pero hindi po ako masaya.  Hindi ko alam paano ba maging masaya. Mula ng mawala ka parang wala ng magandang nangyari sa buhay ko. Tay miss na miss na kita. Sana gaya ng dati nandito ka para may nakakausap ako, ikaw lang naman talaga yung nakakaintindi sa akin diba, kayo lang ng Inay, pero nahihiya akong magsabi sa kanya kasi kasalanan ko naman talaga yung mga nangyari. Si Karl naman… ang laki ng kasalanan ko sa kanya Tay” At tuluyan na akong napaiyak. Naramdaman ko may umakbay sa akin. Paglingon ko si Karl.  Tiningnan ko siya. Umiiyak din siya.  Hindi ko na napigil ang luha ko yumakap na ako sa kanya.

“Sorry boi, hindi ko naman alam na aabot sa ganon.” Nahihiya kong sabi sa kanya.  Isinubsob ko ang mukha ko sa balikat niya. Gusto kong ilabas sa kanya ang lahat ng nararamdaman ko. Naramdaman ko hinigpitan niya ang pagyakap sa akin.

“Hayaan na natin yun, hindi naman ako galit sa iyo alam ko may problema ka lamang.” Mahina niyang sabi.  Naupo kami sa bangko na nakaharap sa lapida ni Lolo.

“Pero bakit ka narito diba bukas pa ang uwi mo?” iyon na lamang ang naitanong ko pagkatapos ng ilang sandali na walang imikan.  Isa pa ay nagtataka rin talaga ako.  Alam ko namang nag-eenjoy siya kasama si Russel.

“Sira ka ba? Ikaw ang nag plano ng lakad na iyon, tapos bigla kang nag walk out anong gagawin namin don wala ka na.” parang naiinis niyang sagot.

“Pasensiya ka na talaga Boi, hindi yata ako makapag-isip ng tama ngayon.”

“Dapat nga kahapon uuwi na rin ako, ayoko namang umalis kang mag-isa alam kong bad trip ka, baka bigla kang tumalon sa dagat bano ka pa naman sa paglangoy.” Tiningnan ko siya nakita kong nakangiti siya kaya alam kong nagbibiro lamang. “kaso pagdating namin sakto paalis na yung bangka kaya wala na akong nagawa naghintay na lamang ako ng umaga.” Naisip ko kaya pala nakita ko silang dalawa kahapon. 

“Tinatawagan naman kita kaso naka off ang phone mo.” Sinadya ko talagang mag off ng phone kahapon dahil naiisip ko na nga baka tumawag siya hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Nahihiya talaga ako sa ginawa ko.

“Pero nakausap ko naman si Lola noong bago kayu mag hapunan sabi nakauwi ka na nga raw at nagpapahinga na.”

“Thank you!” iyon lamang ang naisagot ko pagkatapos ng mahaba niyang kwento.

“Thank you saan?” nakakunot ang noong tanong niya,

“Sa lahat, kasi kahit ganito ako, minsan magulong mag-isip nariyan ka pa rin at inuunawa ako,”

“Sapakin kaya kita, bata pa tayo, tayo na ang magkasangga, at kahit kailan hindi ko malilimutan iyon hindi lamang tayo mag pinsan,  magbestfriend tayo,  magkapatid at walang iwanan, remember.” Pagpapatawa niya saka ako inakbayan. Huminga lamang ako ng malalim.  Totoo naman iyon, noong mga bata pa kami nangako kami na hanggang sa paglaki, magbestfriend kami at kahit anong mangyari walang iwanan.

Noon, lagi niyang inuuna ang kapakanan ko, kasi alam niyang sabik ako sa kapatid, solong anak kasi ako samantalang tatlo sila.  Kaya madalas ay nagpaparaya siya sa akin.  Pero paano ko sasabihin sa kanya ang totoo. Alam kong hindi niya gustong masaktan ako pero sigurado akong mahal niya si Russel.

“Hanggang kailan ang bakasyon mo?” iyon na lamang ang naitanong ko.

“One month ang leave ko.  Nakaka one week pa lang so may 3 weeks pa ako dito.”

“Buti ka pa, ako 2 weeks lamang pinayagan kaya hanggang next week na lamang ako.”

“Maiba ako boi, ano nga palang kalokohan ang naisip mo at nagpalit ka ng simcard pero hindi mo sinabi sa akin number mo.  Tapos lumipat ka pala ng bahay hindi mo rin ako sinabihan.  Ilang beses akong pumunta doon, laging sarado, tas yung last may iba ng nakatira.” Eto na nga ba ang kinakatakot ko, pano ko sasagutin ang tanong niya.

“Ewan ko, hindi ko rin alam.”

“Walanjo, pinaglilihiman mo na ba ako ngayon?” tila nagtatampo niyang sagot.

“Ang hirap kasing ipaliwanang boi, parang status lang sa FB, it’s complicated.” Napatawa din ako nang bigla siyang tumawa sa sinabi ko.

“In love ka ba? o may pinagtataguan ka, wag mong sabihing may nabuntis ka o meron kang nilokong tao.”

“Gago kaba, kaya ko bang gawin iyong manloko ng tao?”

“So may nabuntis ka at pinagtataguan mo?”

“Baliw, wala akong pinagtataguan at lalong wala akong nabuntis.”

“Kung ganon e di inlove ka! Haha.. umamin ka ngang kupal ka. In love ka ano.” Si Karl ang isa sa mga taong hindi ko kayang pagsinungalingan.  Hindi na lamang ako sumagot at tumitig sa lapida ni Lolo.

“Parang kailan lang 3 years na pala, iniisip ko noon hindi totoo ang lahat, pag natulog ako at nagising panaginip lang pala ang mga nangyayari. Pero ganun pa rin ilang beses na akong natulog at nagising hindi pa rin nagbabago ang lahat.” Wala sa loob kong sabi.

“Hoy Kulokoy wag mong ibahin ang usapan. Alam kong inililihis mo lamang ako.” Sabay batok sa akin.

“Nagiging bayolente ka na naman.” Kunwari ay malungkot kong pahayag saka ko hinaplos ang batok ko.

“Sino kaya ang bigla-bigla na lamang nananapak at ang sakit pa.  Putok kaya ang labi ko oh tingnan mo pa.” napahiya naman ako kaya sa halip na tumingin sa kanya ay tumungo ako.

“Akala ko ba kakalimutan na natin ang nangyari?” bulong ko.

“Sus, seryoso ka na naman, naninibago talaga ako sa iyo  hindi ka naman dating ganyan.  Ano nga kasi ang ipinagkakaganyan mo?”

“Wala nga, bang kulet!”

 “Ayaw mo kasing sabihin ang totoo, bakit ka nga bad trip? In love ka ano. Woooh in love na ulit si Kulokoy! Lo nadinig mo in love na ang apo mong gwapo.. haha” Haist!  Bwiset. Tinakpan ko ang bibig niya.

“Oo na nga, in love ako oo,  ano masaya ka na ba?” naiinis kong tanong saka ko lamang tinanggal ang kamay ko.

“Oo masaya ako kasi in love din ako, e ikaw sabi  mo  in love ka bakit naka busangot yang mukha mo.  Akala ko sabi mo pogi ka, humarap ka nga sa salamin. Iyan ba ang itsura ng in love.” Hindi ko alam kung anong isasagot.  Nacorner ako ng mokong na ito.

“Mahal mo ba talaga siya?” nabigla ako kung bakit iyon ang lumabas sa bibig ko.” Tiningnan muna niya ako bago nagsalita.

“Ikaw ba mahal mo pa ba siya?” nagulat din ako sa tanong niya. Bakit ganon ang tanong niya.  Alam na ba niya ang totoo.  Nakwento kaya sa kanya ni Russel ang tungkol sa amin.

“Huh! Anong sinasabi mo?” napatitig ako sa kanya at kita kong iba ang ngiti niya parang may ibig sabihin hindi ko lang alam kung ano.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This