Pages

Sunday, July 15, 2018

Hiraeth The Old Chapters (Part 2)

By: Joshua Brand

NAGING ABALA AKO NITONG mga nakalipas na araw sa paglilinis ng aming bahay. Kahindik-hindik kasi ang naging reaksyon ng aking mga magulang nang makita nila ang maruming sitwasyon ng aming bahay.

    Aaminin ko: hindi ako iyong tipo ng tao na araw-araw naglilinis ng kwarto, higit lalo na ng buong bahay. Hindi naman kasi ako maselan at bukod pa ‘run, ibang klase lang din talaga ang depinisyon ng aking ina sa “kalinisan.”

    Noong mga unang buwan ko palang na naninirahan dito sa Pilipinas ay sinamahan ako ng isa kong tiyahin. Siya ang nag-gabay sa akin kung ano ang dapat kong gawin upang mamuhay mag-isa katulad ng pagko-commute papuntang paaralan at iba pa. Kinalaunan ay kinailangan niya na ring umalis dahil naghihintay lang din siya noon na matanggap sa trabahong pinapasukan niya sa ibang bansa. Magmula noon ay mag-isa na lamang akong namumuhay. Kung minsan ay binibisita ng iba naming mga kamag-anak, ngunit madalas ay nilalapitan lang upang makautang.

    Si Reuben lang din ang palaging nag-uudyok sa akin na maglinis. Kadalasan ay hindi ko siya pinakikinggan, ngunit bigla siyang magkukusa na maglinis upang konsensiyahin ako.

    Noong gabi ng aking kaarawan, naiilang man, ay pinadalhan ko siya ng mensahe upang magsabi ng aking pasasalamat. Ang regalo niya sa aking dream catcher ang siyang tanging nagpapagaan ng aking loob. Isinabit ko iyon sa bandang ulunan ng aking kama. Nasabi ko kasi sa kanya na paulit-ulit akong nananaginip ng masama patungkol sa walang katapusan kong paglalangoy. Wala akong ideya kung saan ako patungo sa panaginip na iyon, ngunit palagi akong hapo’t uhaw sa tuwing magigising.

    Siguro ay nasa dalawang oras din akong naghintay ng kanyang tugon sa aking mensahe habang binabalikan ang ilang mga litrato namin na naka-upload na sa Facebook. Sa kakahintay ay nakatulog na rin ako at ay wala pa rin siyang sagot hanggang ngayon.

    Iniisip ko kung naiilang na ba siya sa akin dahil sa pagtatangka kong hawakan ang kanyang kamay. Ito na nga ba ang sinasabi ko eh, heto’t nangyayari na ang pinakakinatatakutan ko.

    Ayaw ko ng ganitong pakiramdam. Higit lalo na’t wala akong ibang mapagsabihan dahil sa kanya lang din ako palagay na magsabi ng mga ganitong bagay. Hindi rin naman kasi ako ganoon ka-kapalagay kay Benjie upang ibahagi sa kanya ang suliranin kong ito. Bukod pa ‘run, hindi ko alam kung ano rin ang magiging reaksyon niya kung sakaling sabihin ko sa kanya ang patungkol dito.

    “Promise me that you’re gonna clean this house at least twice a month, bub.” paglalambing ni Mom habang ginagawan kami ng sandwich ni Dad.

    Katatapos lang kasi naming ayusin ang garahe at magbawas ng mga gamit na nakatambak doon. Karamihan sa mga iyon ay mga trophies lamang mula sa mga sinalihan kong patimpalak simula nang mag-aral ako rito. Minadali na namin iyong ayusin dahil bukas ay bisperas na ng pasko at mas magiging abala na rin kami.

    Naghuhugas ako ng kamay habang si Dad naman ay panay ang pagpupunas ng pawis at dumi sa katawan.

    “Yeah,” tugon ko kay Mom, “But you know, I’m super busy all the time.”

    “Busy doing what?” ani Mom.

    “Hon, I’m sure he has lots of things going on in his studies.” pagsuporta sa akin ni Dad, “It’s his last year in high school.”

    Nilingon ko si Dad at saka tinanguan. Nakita iyon ni Mom kaya’t bigla siyang natawa.

    “Don’t tell me you’re just so busy flirting with tons of girls here.” pang-aasar ni Mom.

    “What? No!” pagtanggi ko.

    “What about Reuben?” biglang tanong ni Dad, dahilan upang bigla akong masamid.

    “What?” hingal kong tanong nang matapos ang pag-ubo, “What about him?”

    “Is he busy dating some girls, too?” pagpapatuloy ni Dad.

    Huminga lamang ako nang malalim.

    “What about Phil and Austin?” gatong ni Mom, “Baka naman you, guys, are being playboys here ha?”

    “Why are we even talking about my friends’ lives?” reklamo ko.

    Natawa si Mom at sinenyasan na akong maupo sa bar stool. “Because we are interested in your friends, bub.” Nilagay niya ang isang sandwich sa isang platito at saka inilapag sa harap ko. “In fairness, that Reuben boy’s a catch.” sabi niya at saka tumawa.

    “Hon!” bulyaw ni Dad na natatawa rin, “Inappropriate!”

    Bata pa nga talaga ang aking ina.

    “What?” natatawa niyang tugon, “I’m just saying, the boy is handsome and tall and sexy!”

    “MOM!” sigaw ko, “What the actual hell?!”

    Nagtawanan lang sila ni Dad. Alam kong natatawa sila sa pang-aasar nila sa akin dahil akala nila ay naiilang lang ako sa pag-aasta nila bilang cool parents. Ang hindi nila alam ay ayaw ko iyong pag-usapan dahil nakikita ko sa aking isipan ang katawan ni Reuben.

    Para sa isang purong Pilipino, matangkad si Reuben. Kung susukatin, siguro ay nasa isa o dalawang pulgada lamang ang tangkad ko sa kanya. May mga araw na moreno ang tingin ko sa balat niya, ngunit kung minsan ay parang may kaputian siya sa aking paningin. Siyempre, hindi naman iyon uri ng puti na katulad ng sa akin. Dahil sa hilig sa sports, maganda rin ang hubog ng kanyang katawan. Iyon bang batak at may kaunting kapayatan, ngunit mukhang mapang-akit dahil sa laki ng kanyang mga balikat.

    Ako naman ay maayos din ang pangangatawan. May hubog, ngunit mas malaman nang kaunti kay Reuben. “Laking halimaw” ika nga nila dahil sa lahi ko ring kanluranin.

    Iniisip ko kung ano kaya ang magiging reaksyon ng aking mga magulang kung dumating ang araw na ibahagi ko sa kanila itong nararamdaman ko para kay Reuben. Si Dad, palaging brusko ang tingin sa akin. Ang sabi nilang dalawa ni Mom noon ay nakikita raw niya ang kanyang kabataan sa akin dahil pareho raw kami ng kilos at pag-uugali ni Dad. Hindi ko naman sila masisisi kung wala silang kaide-ideya sa sekswalidad ko dahil hindi naman ako malambot.

    Iyon din ang aking dahilan kung bakit nahihirapan akong lubusang ipakita kay Reuben ang aking nararamdaman.


Matapos kumain ay nagpaalam na rin akong umakyat upang maligo’t magpahinga sa akin silid. Aalis din kasi sila upang mamili ng mga pagkain para sa Noche Buena bukas.

    Tagilid akong nakahiga sa kama paharap sa aking bintana. Bukas iyon at malayang nilalaro ng hangin ang bagong kurtinang nakasabit roon. Ang sabi sa akin ni Mom ay kailangan ko raw iyong palitan kada-buwan upang malabhan.

    Sumagi muli sa isip ko si Reuben. Kamusta kaya siya? Ano kayang pinagkakaabalahan niya ngayon?

    Kinuha ko ang aking cellphone at saka binuksan ang WiFi connection niyon. Ilang sandali pa ay nagdagsaan ang mga mensahe mula sa group chat naming magkakaibigan sa Messenger. May ilang mga mensahe rin mula sa iba ko pang mga kaklase, ngunit katulad ng madalas ay hindi ko binubuksan. Pare-pareho lang din naman kasi ang lagi nilang sinasabi.

    Sa pagbabasa ay nalaman kong may inaayos pala silang usapan patungkol sa feeding program ng ama nina Reuben at Gemma sa isang baryo malapit sa kabilang bayan. Nagpapalitan sila ng mga suhesyon patungkol sa kung ano ang maaaring gawin sa programa upang mapasaya ang mga bata.

    Sa mga kapapasok lamang na mensahe ay nabasa ko ang suhesyon ni Benjie na umawit kami ni Reuben ng isang pambatang kanta. Mas maganda rin daw na samahan namin ng simpleng sayaw upang makasunod din sila. Sa mga nakaraan naming pagsasagawa ng mga feeding programs ay palaging si Reuben ang humahatak sa akin upang magprisintang maghanda kami ng sayaw at kanta, ngunit sa pagkakataong ito ay tumanggi si Reuben sa suhesyong iyon.

    Reuben:
    i don’t know if pwede ako to do that
    markus hasn’t even confirmed his attendance yet

    Austin:
    what?
    of course he’ll be there

    Phil:
    yeah

    Markus:
    Hey I’ll go

    Benjie:
    Markus!

    Phil:
    yon nagparamdam din si kano haha

    Austin:
    hahaha
    buti naman sama ka at least kumpleto tayo lahat

    Phil:
    oo nga
    kasama rin yung iba sa team eh
    pati si coach jess

    Benjie:
    Kanina ka pa namin hinihintay ah
    Ano balita

    Markus:
    Sorry
    So busy cleaning the house

    Austin:   
    sa wakas!
    that’s good news

    Phil:
    house arrest?
    so sama ka sa feeding program ah

    Markus:
    Yes yes

    Hinihintay ko na sumagot din si Reuben, ngunit wala.

    Markus:
    When is this happening again?
    Reuben?

    Ang hirap sa group chat sa Messenger, hindi mo makita kung nagta-type na ba ng sagot ang mga kausap mo. Hindi ko tuloy makita kung sasagot na ba si Reuben.

    Markus:
    ?

    Benjie:
    Reuben!
    San ka na hoy

    Phil:
    HAHAHA
    patay na yata

    Ayaw ko pa ring isipin na umiiwas talaga siya sa akin.

    Markus:
    Guys video call?

    Austin:
    ok
    i’ll make the call, no sweat

    Phil:
    guys
    skype na lang
    wag dito

    Austin:   
    oo
    this sucks

    Benjie:
    Ge
    See you sa skype

    Hinihintay ko pa rin sagot ni Reuben, ngunit wala pa ring nangyayari. Naisip kong baka sakali ay mas maging palagay siya kung malaman niyang normal pa rin akong nangungulit sa kanya.

    Markus:
    Reubennnnnnnnnn!!!!!
    Skype tayoooooooo

    Matapos ang ilang segundo ay tumawag na rin sa akin si Austin sa Skype. Naroon na si Benjie na laptop ang gamit at nakapwesto sa kanilang kusina. Si Austin naman ay gamit din ang kanyang cellphone at nakahiga sa kanilang couch. Nang makasagot si Phil ay nakasuot siya ng headphones na malamang ay kanina niya pa gamit sa pagalalaro.

    “Si Reuben ba?” tanong ni Phil.

    “Eto na,” sagot ni Austin.

    Maya-maya pa ay sumagot na rin siya. Tahimik lamang siyang kumaway sa camera katabi si Gemma. “Sorry,” paghingi niya ng tawad, “I peed.” Nakaupo silang pareho sa kanyang kama. Alam kong kama niya iyon dahil alam ko ang itsura ng kanyang silid.

    “Eww!” pang-aasar ni Gemma sa kakambal, “Hi, Benjie!”

    “Hello,” sagot ni Benjie na ikinatawa naman nina Phil at Austin.

    “Ba’t si Benjie lang, Gem?” tanong ni Phil.

    “Oo nga,” si Austin, “Pa’no naman kami?”

    “Baliw!” natatawang tugon ni Gemma.

    “Hey, Reuben,” pag-uumpisa ko, “So—”

    “December 26th ‘yung feeding, guys. Ilang araw pa from now.” bigla niyang sabi, “May shirts tayo from munisipyo so bigay niyo na lang sa’kin shirt sizes niyo.”

    Kung papansinin ay mukha namang hindi siya naiilang. Siguro ay ako lang talaga ang nag-iisip ng kung anu-ano magmula nung gabi ng aking kaarawan.

    “Alright,” sagot ni Austin.

    “So,” muli kong pagsisimula, “What have you, guys, been up to? Kamusta ang bakasyon?”

    “Eto,” si Benjie, “Kain-tulog-repeat.”

    Nagtawanan kami, ngunit si Gemma ang may pinakamalakas na tawa. Maging si Reuben ay natigilan at sandali siyang tinapik nang pabiro.

    “What about you, guys?” pagpapatuloy ko, “Reuben?”

    May kung anu-anong sagot sina Austin, Phil, at Gemma, ngunit si Reuben ang hinihintay kong sumagot.

    Nagkibi siya ng balikat at saka nag-thumps up. “Ayos lang, ganun din.”

    “I—” nag-iisip ako ng iba pang sasabihin upang patuloy siyang makausap, “I’m free for the rest of the day, wanna hang?” tanong ko, “Guys?” pahabol ko upang hindi mahalata na para kay Reuben lang sana ang tanong na iyon.

    “Uh,” sagot ni Phil, “House arrest din ako eh.”

    “Yeah, ako rin.” ani Austin, “Sorry.”

    Tumawa lamang ako at saka tumango-tango. “Kayo?” tanong ko sa iba.

    “Daan na lang ako maya, bro.” si Benjie, “Hi-hello na rin kina Tita.”

    “Kami rin!” biglang sagot ni Gemma, “Sabay-sabay na tayo!”

    Naririnig ko si Reuben na mahinang kinakausap si Gemma. Hindi ko maintindihan, ngunit alam kong mayroon siyang idinadahilan upang hindi makapunta.

    “Uh, guys,” ani Reuben, “I still have some things to finish, baba na muna ako.” pagpapaalam niya at saka lumabas na ng kanyang silid.

    Hindi ko na lamang iyon masyadong pinansin dahil panay pa rin sa kulitan sina Austin at Phil upang asarin si Benjie kay Gemma na namumula na sa hiya.

    Ilang sandali pa ay nagpaalaman na rin kami at saka tinapos ang tawag.

    Bumalik ang aking atensyon sa kung anong bagay na nangyayari sa amin ni Reuben. Kung maibabalik ko lang ang oras ay pipigilan ko ang sariling gumalaw o maging ang huminga sa loob ng sasakyan para lamang hindi siya mahawakan. Sana ay hindi ko na lang iyon ginawa kung ganito lang din pala ang kahihinatnan.

    Muli kong tinitigan ang text convo namin ni Reuben. Nag-iisip ako ng maaari kong i-type upang ipadala sa kanya, ngunit blangko ang aking isipan. Baka ay mas makulitan siya sa akin at mas ilayo ang kanyang sarili.

    Sa kabilang banda, naniniwala naman ako sa dahilan niya kanina na marami pa siyang gagawin. Palagi naman kasi siyang aktibo sa mga gawain ng kanyang ama dito sa aming probinsiya. Madalas din siyang utusan ng kanyang ama na pangunahan ang ilang mga gawain sa kanilang opisina. May mga pagkakataon ngang ramdam ko na ang pagod niya, ngunit hindi pa rin niya magawang magreklamo sa lahat ng iyon.

    Sana ay maging malakas siya at matapos niya ang lahat ng dapat niyang tapusin.

    Patuloy lang ako sa pagtitig sa screen ng aking cellphone at paulit-ulit na binabasa ang pangalan ni Reuben sa aking isipan hanggang sa makatulog.


Bigat na bigat ako sa aking katawan nang maalimpungatan ako kinahapunan.

    Hindi ko pa rin pala naisampay ang aking tuwalya matapos maligo kanina kaya’t may kaunting basa sa paanang parte ng aking kama. Mula sa aking silid ay rinig ko ang pag-uusap ng aking mga magulang at ang kanilang tawanan. Naninibago pa rin ako na marinig ang boses nilang dalawa, o kahit na sinong tao, rito sa aming bahay dahil nasanay akong mag-isa lamang dito.

    Iniisip ko kung bakit ba ako nagising at biglang naalala ang pagtawag sa akin ni Mom.

    “Bubba!” muli niyang sigaw mula sa baba, “Your friends are here!”

    Bigla kong naisip na baka si Reuben ay nasa baba rin kaya’t bigla akong napabangon matapos ihagis ang aking mamasa-masa pang tuwalya sa aking desk chair. Pagtingin ko sa aking cellphone ay nakita ko ang apat na missed calls mula sa numero ni Benjie.

    “Yes, yes. I’m coming!” sigaw ko.

    Naririnig ko rin si Dad na inaaya silang maupo sa aming couch habang kinakamusta. Kung alam lang nilang mas kabisado pa ng mga kaibigan itong bahay kaysa sa kanila na aking mga magulang.

    Pagkababa ay nakita ko sina Benjie at Gemma na nakaupo sa couch. Kinawayan ako ni Gemma nang makita niya ako at tinanguan ko silang dalawa habang sinisilip ang sarado na naming pinto.

    “What’s up?” pagbati ko, “Kayo lang?”

    “Yeah,” Hinalikan ako ni Gemma sa pisngi bago niyakap. “Reuben’s still in Papa’s office, helping.”

    “Wow,” puna ni Dad, “Does that guy know how to rest?”

    Natawa si Benjie, “Tito, we call that ‘kayod-kabayo’ here.”

    “K-kayod? What?” pagsubok ng Amerikano kong ama.

    Natawa naman si Mom, “Bub, why don’t you go there and help?” sabi niya sa akin.

    “Oo nga, tol.” sagot ni Benjie, “Kaya kami pumunta dito para ipaalam ka.” nakangiti niyang dugtong.

    “Bakit, ano ba gagawin?” tanong ko.

    “Auditing some items,” ani Gemma, “Eh, may iba pang gagawin ‘tong si Benjie eh.”

    “Oo,” tugon naman ni Benjie, “May pinapa-deliver pa si Tatay.”

    “Okay,” sagot ko, “Ikaw?” tanong ko kay Gemma.

    “I’ll go there din pero sa baba lang ako,” sagot niya, “Working with the banners and stuff.”

    “Dala ‘ko naman tricycle eh,” sambit ni Benjie, “Hatid ko kayo tapos balik ako pagkatapos ng errands ko.”

    Nakasuot lamang ako ng puting t-shirt at jersey shorts habang may suot na flipflops. Hindi na rin kasi ako nagbihis pa dahil pambahay lang din naman ang suot nina Benjie. May kaunting kasungitan ang panahon kaya’t may paambon-ambon ang langit nang tahakin namin ang daan. Mabuti na lamang at hindi iyon ganoon kalakas.

    Nang makarating ay dumeretso kami ni Benjie sa taas ng munisipyo habang si Gemma naman ay sa bandang likod nagpunta. Sa gym kasi nila inaayos ‘yung mga bandera at iba pang kailangan pintahin.

    Pagpasok sa office ni Tito Raul ay nakita ko si Reuben na binibilang ang mga pakete ng noodles na ilalagay din sa mga plastic bags maya-maya kasama ang ilan pang mga grocery items. Nang matanaw niya kami ay pansin ko ang pagkagulat niya na mabilis din niyang nabawi nang bigla niya kaming ngitian at tanguan. Nakasuot lang din siya ng jersey shirt, board shorts, at flipflops.

    “You’re here na agad, Benjie?” tanong niya kay Benjie, “Kala ko marami kang errands?”

    “Oo nga,” sagot ni Benjie, “Well, napag-usapan namin ni Gem na puntahan ‘tong kumag na ‘to para tumulong sa pag-audit. Hindi kasi sumasagot kanina sa phone eh, tulog pala.”

    Tinanguan siya ni Reuben at saka tumingin sa akin.

    Ngumiti lamang ako at saka parang hibang na kumaway kahit na halos isang dipa lang ang agwat naming dalawa. “Here I am! To the rescue!” bibo kong sabi.

    Ramdam kong maging si Benjie ay nawi-wirduhan sa aking mga ikinikilos, ngunit hindi ko alam kung bakit hindi ko rin mapigilan ang aking sarili.

    Ngumiti lamang siya at muli nang ibinalik ang tingin kay Benjie, “Pero balik ka maya?” tanong niya.

    “Oo,” sagot ni Benjie, “Hatid ko rin ‘to maya sa kanila.”

    Nais kong malaman kung ano ang nasa isipan ni Reuben dahil nakikita kong maging sa pagkurap ay parang pinipigilan niya ang sarili. Alam na alam ko na ang ugaling iyon ni Reuben. Basang-basa ko na ang mga kilos niya. Natutuwa ako’t kinakabahan dahil doon at hindi ko alam kung bakit.

    Matapos magpaalam sa amin ni Benjie ay bumalik na rin si Reuben sa kanyang ginagawa. Para naman akong batang hindi alam ang gagawin.

    “So,” pag-klaro ko sa aking boses, “What can I help you with?” masigla kong tanong kay Reuben.

    “Uh,” bigla niyang paglingon sa akin, “There’s a list there on the table. Check lang natin kung tama ‘yung bilang ng mga items.”

    Sa pagkakataong ito ay alam ko nang may ilang nga talaga siya dahil masyado siyang pormal at seryoso makipag-usap. Parang nakakatakot kausapin.

    “Okay, thanks.” sagot ko.

    Maingat kong inilapag ang aking hawak na cellphone sa mesa at saka kinuha ang sinasabi niyang listahan. Ayon sa listahan ay para sa animnapung pamilya ang mga tulong na ito. Nakita ko rin na bukod pa sa iba-ibang grocery items na kasama roon, may isa pang package para naman sa mga bata na naglalaman ng ilang mga kendi, biskwit, at laruan.

    “Who’ll do the packaging?” tanong ko.

    “May mga tao na pupunta rito later to do that,” sagot niya.

    Pagkalipang ng siguro’y halos dalawampung minuto na nakatutok kami sa aming ginagawa ay natapos ko na rin ang listahan ko. Mabilis kong natapos ang sa akin dahil naka-dalawang listahan lang naman ako, habang ang hawak ni Reuben at pangatlo na simula pa noong hindi pa kami dumarating. Nag-inat ako ng katawan at saka naupo muna sa upuan. Alam kong pagod na rin si Reuben dahil panay ang paghikab niya kanina na nakakapagpa-hikab din sa akin.

    “Hey,” pagtawag ko sa kanya, “Upo ka muna over here.”

    “Ayos lang,” bigla niyang sagot na hindi man lang ako sinisilip, “Konti na lang ‘to.”

    Natatawa akong tumayo at lumapit sa kanya. “Ang kulit talaga.” sambit ko nang malapitan siya, “What time did you sleep last night?”

    Sandali niya akong tiningnan sa aking paglapit, “Uh, late?”

    Kinuha ko ang listahan niya upang tulungan siya sa ilan na lamang na items na kanyang bibilangin. “You know you’re not supposed to stay up late. Anemia.”

    “What—” singhal niya, “Okay, mother.”

    Nilingon ko siya’t nginitian. “Gago,” marahan kong tinapik sa kanyang ulo ang listahan, “I’m just saying… You should be having fun while it’s still bakasyon.”

    Nang matapos kami sa pagbibilang ay naupo na rin kami sa upuan. Magkatapat ang mga upuang iyon kaya’t magkaharap din kami. Naupo siya nang halos pahiga at saka nag-pangalumbaba.

    “I’m sure those kids will love these gifts.” sabi ko. Nais kong malaman niya na maayos niyang natapos ang kanyang gawain, ngunit hindi ko alam kung papaano sasabihin.

    Tumango siya sa akin at saka ngumiti. “Your hair,” puna niya, “You seriously need a haircut.”

    “Eh,” natatawa kong sagot habang hinahawi ang aking buhok na nakakalat sa aking noo, “You need to stop saying that.”

    “Bakit ba ayaw na ayaw mong nagpapagupit?” tanong niya.

    Nagkibi lamang ako ng balikat.

    Tamad na tamad siyang tumawa. Marahil ay nais niyang maging maingay, ngunit dahil sa pagod na nararamdaman ay hindi niya magawa. Sa itsura niyang iyon ay mukha siyang isang maliit na kuting na kahit na hindi ka pinapansin ay mas nais mong panggigilan at kulitin. Nakakatakot nga lang dahil baka mangalmot.

    “Pagupit ka na, boy.” muli niyang sabi, “Samahan pa kita sa barber shop.” paniniguro niya habang itinataas-baba pa ang mga kilay.

    Muli, hindi ko mapigilan ang aking pag-ngiti. May init din akong nararamdaman sa aking dibdib. “Okay.” sagot ko, “After the feeding program.”

    “Promise?”

    “Cross my heart.” nakangiti ko pa ring tugon, “Hope to d—”

    “Gago!” Hindi ko natuloy ang aking biro dahil bigla niyang sinipa ang isa kong binti. “Sabi ko sa’yo, stop saying what Austin and Phil says. Mga siraulo ‘yun.”

    Natawa lamang ako, “Hope to…” pang-aasar ko pa habang malakas na natatawa, “Hope to…”

    Muli niya akong sinipa, ngunit sa pagkakataong ito ay nahawakan ko ang kanyang paa. Tinanggal ko ang suot niyang tsinelas at saka ipinatong ang paa niya sa aking mga tuhod bago sinimulang hilutin.

    “You seriously need a break,” nakangiti kong sambit, “You have to learn how to say ‘No’ to your father sometimes, you know.”

    Natahimik siya.

    “You’ve done so well, so far.” pagpapatuloy ko, “I’m sure that Tito Raul is so proud to have you as his son.”

    Muli ko siyang tiningnan at nakitang maging siya ay tahimik lamang din na nakatingin sa paghihilot ko sa kanyang paa.

    “I mean,” muli kong sabi, “I’m proud of you.”

    Bigla siyang tumingala at tinakpan ng mga kamay ang mga mata. “You’re making me cry, though!” reklamo niya habang bahagyang natatawa.

    “I’m sorry,” sambit ko.

    Bahagya siyang natigilan muli. “Joke lang.”

    “I’m sorry about last time,” maingat kong pagpapaliwanag, “In the car, when I—”

    Bigla niyang inialis ang kanyang paa sa aking tuhod at saka tumayo bago kinlaro ang lalamunan. “Tara na. Let’s wait for Benjie outside.” pag-iiba niya ng usapan.


Sa daan pauwi ay una nila akong hinatid sa bahay.

    Halos mapanis ang laway ko dahil hindi na naman kami nagkikibuan ni Reuben habang magkatabi sa loob ng sidecar. Nagpumilit kasi si Gemma na mag-backride at sa buong biyahe ay tanging tawa niya at ingay ng motor an gaming naririnig.

    “Basketball?” imik ko kay Reuben na nakatanaw lamang sa labas.

    “Ha?” tanong niya.

    Inilapit ko ang aking bibig sa kanyang tainga, “Basketball.”

    Ramdam ko ang bahagya niyang pag-iwas, ngunit dahil sa sikip ng aming pwesto ay wala na rin siyang nagawa. Nagkibi lamang siya ng balikat.

    “Hey,” Natawa ako at marahan siyang sinagi. “Are we cool?” muli kong bulong sa kanya.

    Sandali niya akong tinitigan at saka inilapit din ang kanyang bibig sa aking pisngi, “Oo naman. Why?”

    “You—” bulong ko, “You seem so distant.”

    Hindi siya kumikibo. Alam kong nais niya muling iwasan ang pupuntahan ng aming usapan, ngunit wala lang talagang magawa.

    “I don’t know,” muli kong pagbulong, “After my birthday party, you just started—”

    “Oh,” pagputol niya sa sinasabi ko, “It’s just the feeding program preparations. That’s all.”

    Tinitigan ko siya at hinihintay na magtama an gaming mga mata.

    “Sorry, bro.” huli niyang sabi bago ikinabit ang earphones sa kanyang tainga at nagpatugtog mula sa kanyang cellphone.

    Nagkunwari akong nais na makita ang kantang kanyang pinakikinggan kaya’t bigla kong hinawakan ang kanyang cellphone na kanya ring hawak, dahilan upang muling magdikit ang aming mga kamay. “What song is that?” kunwari kong tanong.

    “Just,” sagot niya, “Just some chill songs.” Pasimple niyang inalis ang aking hawak at saka umiwas ng tingin.




KINABUKASAN AY MAAGA AKONG nagising dahil wala naman akong ibang magawa kaya’t tumulong na lang din ako kay Mom na mag-ayos ng mga lulutuin nila ni Dad.

    Akyat-baba lang ako lagi sa kwarto at kusina dahil panay din ang pagkain ko ng mga kung anu-anong makita ko sa ref o mesa sa tuwing tumitigil ako sa paglalaro ng Xbox. Sina Austin at Phil ay pasingit-singit lang din sa laro dahil marami rin daw silang ginagawa.

    Si Benjie naman ay paniguradong abala rin sa kanila. Si Gemma na tinext ko nitong umaga ay nagsabing nagsimula na ring magdatingan ang ilan nilang mga kamag-anak. Ganoon naman sila palagi dahil ganoon ang palaging takbo ng kanilang pasko kada-taon.

    Mabilis na lumakad ang oras, hindi ko rin alam kung bakit. Sa tingin ko ay dahil sa pagiging abala ng lahat ng tao. Ang aming komunidad ay nagiging maingay na rin dahil sa mga kapitbahay naming nag-umpisa nang maglabasan ng kani-kanilang mga karaoke. Halos lahat ng bata ay naglalaro sa labas, maging ang ilang mga matatandang nag-iihaw sa kani-kanilang mga bakuran.

    Kaiba sa mga naging karanasan ko nitong mga nagdaang taon sa bahay nina Reuben, tahimik lamang naming idinaos ang aming Noche Buena sa bahay. Masiglang ibinabahagi sa akin ng aking mga magulang ang ilan pa nilang mga plano sa pagbalik ko sa Amerika. Wala rin naman ako ibang maibahagi kundi ay ang mga ginagawa kong paghahanda upang makapagtapos nang maayos.

    Matapos ng aming kainan ay naimbitahan sina Mom at Dad ng aming kapitbahay na mag-inuman doon kasama ang iba pang mga tatay at nanay. Malugod naman nila iyon pinaunlakan dahil siniguro ko rin sila na ayos lang naman sa akin. Maganda na rin iyon kaysa naman dito sila sa aming bahay mag-inuman at mag-kantahan.

    Halos ala-una pa lang ng madaling araw, ngunit tinamad na agad ako sa paglalaro ng Xbox. Nahiga ako sa aking kama at tiningnan kung may mga bagong mensahe ba ako sa aking cellphne. Wala.

    Binuksan ko ang Gallery niyon at binalikan ang mga litrato na naroon. Lahat ay isa-isa kong tiningnan hanggang sa umabot na ako sa mga litratong mula pa sa dati kong cellphone nanggaling. Huminto ako sa isang litrato ni Reuben na nakunan noong nag-eensayo kami para sa isang play sa school noong nakaraang taon. Nakasuot siya ng kalasag dahil isa rin siyang kawal katulad ko, ngunit hindi niya alam na nakuhanan ko siya ng litrato nang mga oras na iyon dahil pasimple ko iyong kinunan habang nakikipag-usap sa aming guro. Nakaupo siya sa isang arm chair at tamad na nakasandal. Mayroon siyang suot na earphones upang marahil ay malibang habang hinihintay ang aming cue.

    Naalala ko kung bakit ako nag-desisyon na kunan siya ng litrato nang palihim. Iyon ang unang beses na nag-iba ang pagtingin ko sa kanya. Nagbago. Mas naging maganda.

    Ang maamo niyang mukha na kadalasan ay nakabungisngis ay mas naging maganda sa aking paningin. Ang ugali niyang pagtapik-tapik ng dalawang daliri sa kung anong madikitan sa tuwing nakikinig ng isang magandang awitin. Ang dahan-dahan niyang pagpikit dahil pinipigilan ang sarili sa paghikab.

    Doon. Doon ito nagsimula. Doon ito unang sumibol.

    Nitong mga nagdaang araw ay palagi ko na lang iniisip kung ano ang mangyayari kung sakaling aminin ko sa kanya ang aking nararamdaman. Palagi akong may takot na baka biglang may magbago sa amin. Ngunit ngayon ko lamang napagtatanto na ilang buwan na lamang din at aalis na ako. Milya-milya ang magiging agwat naming sa isa’t-isa at mas magiging mahirap iyon sa akin kung araw-araw akong mabubuhay na iniisip kung ano sana ang nangyrai kung nagsabi ako sa kanya.

    Ayaw ko nang ganoon. Ayaw kong mabuhay na araw-araw na lamang nagtatanong ng “Paano kaya?”

    Agad akong nagpunta sa Contacts at tinawagan ang numero ni Reuben. Kinakabahan man ay mas sabik akong marinig ang kanyang boses. Hindi ko alam kung ano mismo ang sasabihin, ngunit marahil ay nais ko lang ipaalam sa kanya na espesyal siya sa akin. Naupo ako sa habang patuloy na pinakikinggan ang pag-ring ng aking tawag. Matapos ang ilan pang pagtunog ay ibinaba ko iyon at saka muling tinawagan.

    Tatlo, apat, limang beses na muling pagtawag na, ngunit wala pa ring sumasagot.

    Anin, pito, walong beses. Wala pa rin.

    Tumigil ako sandali at ini-lock ang aking cellphone. Muli akong humiga nang patihaya habang hawak ang aking cellphone sa aking dibdib. Nagmumuni-muni.

    Ilang sandali pa ay nagulat ako sa pagtunog niyon dahil sa isang tawag. Halos hindi ko alam ang gagawin dahil sa pagkasabik, lalo na noong nakita ko ang pangalan ni Reuben sa screen.

    “Fuck, fuck, fuck, fuck, fuck, fuck—” paulit-ulit kong sambit sa sarili. Agad ko na rin iyong sinagot, “H-hello?” bumangon ako’t naglakad patungo sa aking desk chair at saka doon naupo.

    “Markus!” pansin ko ang pag-aalala sa kanyang boses, “You okay? What’s wrong?” rinig ko ang kaunting hinga sa kanyang pagsasalita, “Sorry, I’m just trying to get outside kasi maingay sa loob ng bahay.”

    Mahina akong natawa. “Hi, hey…” hiya kong tugon.

    “Ano problem?” muli niyang tanong, “Nag-away ba sila Tito?”

    Muli akong napangiti. “No, no. They’re perfectly fine.”

    “Oh,” paghinga niya nang maluwag, “So what’s wrong?”

    “Nothing,” mahina kong sambit, “I just—”

    “Mmm…” seryoso niyang paghihintay sa aking sasabihin.

    Sandali akong umayos ng upo at saka huminga nang malalim. Pilit na iniisa-isa ang samu’t-saring mga bagay na aking naiisip. “W-when—”

    Tahimik lamang siya sa kabilang linya. Tanging ang mahinang ingay ng tugtugin mula sa kanilang bahay ang aking naririnig.

    “When I left America,” pagpapatuloy ko, “I left everything: my friends, my home, my life. I’d thought it would be easier to never look back and just completely ghost on everybody. Inisip ko na for sure, my friends would find a way to get in touch with me because they know me.”

    May kung anong kapayapaan akong nararamdaman habang pinakikinggan ang marahan at mahina niyang paghinga. Muli akong nahiga at inilalarawan siya sa aking isipan habang nakatingin sa kisame.

    “That I’m just quiet and all, but I would really want them to reach out to me and ask how I was.” Sandali akong sarkastikong natawa. “But that never happened.”

    Rinig ko ang pagbuntong-hininga ni Reuben.

    “That never happened because none of them was able to see who I really was—who I really am.” Maging ako ay namamangha sa lungkot ng aking boses. “After that realisation, I told myself that I shouldn’t expect people around me to fully understand who I really am… Because that just leads to a huge disappointment. Because that’s selfish.”

    “M-mark—” mahina at putol niyang pagsambit sa aking pangalan.

    “But then, you came…” pagpapatuloy ko, “You came into my life and made me see that I could learn to open myself up to people again. You—you saw me, Reuben, and you never looked away since…” Sandali akong tumawa. “When all the world is so busy minding its own business, you were there asking how I was or if everything that was happening around me was okay.”

    Habang sinasabi ko ang mga salitang iyon ay muli kong nararamdaman ang init na yumayakap sa aking dibdib.

    “T-that’s what friends do,” sambit niya.

    “I know,” sagot ko, “And I just want to thank you.”

    “D-dude—”

    “I’m leaving soon,” sabi ko, “And I actually don’t know what else to say, really.”

    “Markus, that’s still an eternity away.” mahina niyang pagtawa, “Gago.”

    Tumawa rin ako nang bahagya. “I—I just hope that you know how special you are to me.”

    Naririnig ko ang malakas niyang pag-hinga. Hindi ko alam kung bakit ganoon din ang nangyayari sa akin, ngunit pilit kong hindi ipinahahalata.

    “I—” sambit niya, “I know.”

    Bigla iyong naglapat ng napakalaking ngiti sa aking labi.

    “And I feel the s—” biglang naudlot ang kanyang sasabihin dahil sa boses ni Gemma na tinawag ang kanyang pangalan.

    Bigla akong napatakip ng mukha habang mahinang tumatawa. Tumayo ako’t naglakad-lakad at saka inilipat sa kabilang tainga ang cellphone habang hinihimas-himas ang aking batok.

    “Uh,” muli niyang sabi, “I’m sorry, but…”

    “It’s okay,” paniniguro ko, “Merry Christmas, Reuben.”

    “Merry Christmas!” pagbati rin niya, “I’m really sorry. See you on the 26th!” huli niyang sabi bago ibinaba ang tawag.

    “I love you.” bulong ko sa sarili.

    Nag-inat ako at saka naibaling ang tingin sa dream catcher na regalo niya sa akin. Hindi ko maiwasang mangiti sa tuwing matatanaw ko iyon.

    Sa tingin ko ay alam ko naman ang naudlot niyang sasabihin sana. Sa tingin ko ay naging maganda naman ang resulta ng desisyon kong sabihin sa kanya nang kaunti ang aking nararamdaman. Sa tingin ko ay isa na rin ako ngayon sa mga batang humihiling na sana araw-araw ay pasko.

To be continued...

No comments:

Post a Comment

Read More Like This