Pages

Sunday, July 15, 2018

Sunsets Horizon

By: James Silver

Sumapit na naman ang hapon. Kagaya ng parati kong ginagawa ay naupo na naman ako sa isang rocking chair na nakalagay sa balkonahe, upang muling pagmasdan ang papalubog na araw. Pero iba ang hapong ito, labis na akong napapagod kaya kailangan ko na ng pahinga. Sisilipin ko lamang muna ang paborito kong panoorin sa tuwing magdadapi’t hapon; ang pag-idlip ng araw matapos nyang magbigay liwanag sa daigdig.

Habang hinihintay ko ang pagbaba ng araw mula sa pedestal na kaniyang kinalalagyan, ay may isang bisitang dumating na hindi ko inaasahan. Matamis ang ngiti nitong lumapit sa akin. Wala syang pinagbago. Kung papaano ko sya nakilala noon ay ganun pa din sya hanggang ngayon. Magandang ngiti, nangungusap na mga mata at matangos na ilong. Ang matagal ko nang pinanabikang makita at muling makasama ay nandirito ngayon. Ngumiti lang rin ako. Hindi ako makapagsalita. Nais kong maluha sa sobrang tuwa. Muling bumalik sa akin ang pakiramadam na iyon. Ang kabahan sa harap nya. Ang pagdagundong ng dibdib ko kasabay ng pagkapipi. Hindi ko masabi ang mga nais kong sabihin dahil abala ang utak ko sa pag-iisip kung gaano sya kahalaga sa akin.

“Alex, kumusta ka na?” tanong nya na may malambing na boses. Patuloy ko lamang syang tinitigan at wala pa rin akong masabi. Nang makalapit na sya nang tuluyan sa akin ay bigla na lamang nyang inilapat ang mainit nyang kamay sa aking pisngi. Napapikit ako. Ang init ng kamay nya. Napakasarap damhin. Napatulo na lamang ang luha ko. Panatag ang loob ko. Nandito sya sa harap ko ngayon at hinahaplos ang kanang pisngi ko. Napawi na lahat ng pangungulila ko sa kanya. Hindi nagbabago. Walang nagbago sa nararamdaman ko para sa kanya. Ang epekto nya noon at magpahanggang sa ngayon ay iisa. Ganun pa rin. Sya pa rin. Ang minahal ko noon at patuloy kong minamahal ngayon. Ang nag-iisa sa puso ko. Si Ereneo.

Kinapitan kong mahigpit ang kamay nyang nakalapat sa pisngi ko. Sinisigurong totoo ang nangyayari ngayon at hindi ako nananaginip. Nang maramdaman ko sa kamay ko ang kamay nya ay doon lamang ako nakapagsalita. “Bakit antagal mo?” tanong ko sa kanya.

“Hindi na mahalaga kung natagalan man ako. Ang mahalaga ngayon ay nandito na ako. Winawakasan ko na ang matagal nating paghihintay. Nangulila ako ng husto sayo Alex.” Napaluhod sya para hawakan ng kanyang dalawang kamay ang kanang kamay ko upang halikan ito. Nakita ko ang pagpatak ng luha nya. Alam ko, kagaya ko ay nanabik din sya sa pagdating ng araw na ‘to.
Gusto ko sanang tumayo para mayakap ko sya. Pinigilan nya ako at sinabing manatili na lamang daw ako sa kinauupuan ko. Pagkatapos noon ay patuloy nyang hinawakan ang kamay ko at naupo sya sa patungan ng kamay ng rocking chair. Sininghap ko ang amoy ng katawan nyang matagal ko ring hinanap hanap. Napatitig sya sa akin at napangiting muli. Isinandal ko ang aking ulo sa kanya. Ang kaliwa naman nyang kamay ay kumilos upang iakap sa akin. Bigla na lamang nagbalik ang mga ala-alang akala ko ay hindi na mauulit pa. Simula nung magkakilala kaming dalawa.

Eto na naman po kami ng tatay ko. Panay na naman ang sermon nya saken dahil bagsak na naman ang grado ko sa eskwelahan. Alam kong gustong gusto nya na akong gulpihin dahil sa pagkadismaya nya saken. Sobra ang takot ko sa tatay ko kaya naman hindi ako sumasagot sa kanya kahit katiting. Dahil siguradong lilipad na naman ang kamao nya sa mukha ko.

“Pag naulit pa ito. Hinding hindi na talaga kita palalabasin ng bahay. Sisiguruhin kong magtatanda ka.” Sabi ng tatay ko. Napatungo na lamang ako dahil sa takot at kahihiyan.

Pagkatapos akong masermonan ng tatay ko ay pumunta na kami sa hapag-kainan upang kumain ng hapunan. Walang imik si nanay. Sigurado akong nadismaya rin sya sa kinalabasan ng grado ko. Ikaw ba naman kasi ang magkaroon ng nakatatandang kapatid na ubod ng talino eh, malamang mararanasan mo rin ang nararanasan ko. Hindi naman kasi talaga bagsak ang grades ko eh. Mababa nga lang talaga. Ikinukumpara kasi nila ako sa cum laude kong kuya. Wala akong imik. Ganun din sila. Tsk! Ganito na lang parati ang nangyayare. Para kaming namatayan sa tuwing ipapakita ko ang grades ko sa kanila. Pinipilit ko namang mag-aral, kaso wala lang talagang pumapasok sa kokote ko. Kapiranggot na utak lang yata ang naibiyaya saken kaya ganito ako.

Matapos kaming kumain ay ako na ang naghugas ng plato. Sa totoo lang, hindi naman kami pinapakilos ng nanay ko sa bahay, dahil lalake daw kami at ang gawaing bahay ay para lang daw sa mga babae. Pero dahil nga sa mababa ang grado ko ay ako na lang ang naghugas para naman makabawas sa init ng ulo nila. “Nakakainis talaga.” Gigil ako sa sarili ko.

Pagkatapos kong maghugas ay dumiretso na ako sa kwarto ko para mag-aral kunyare. Kunyari lang, hindi naman ako ganoong ka-martyr para puyatin ang sarili ko sa pag aaral noh. Magbabasa lang ako ng konte at hihintayin ko si nanay na silipin ako sa kwarto para makita nyang matiyaga akong nagbabasa. Kunyare!

Kinabukasan ay tinanghali akong magising. Putek! Eto na naman ang problema namen. “KO” lang pala. Nagmamadali akong kumilos para makaabot sa school. Dahil pag nalate ako ay siguradong hindi na naman ako papapasukin nung prof namen sa una kong subject. Oo tama! Puro terorista ang nasa buhay ko. Terorista sa bahay at terorista sa school. Ano pa nga ba? Edi kawawang bata. Pagkatapos kong maghanda ay para akong kabayong tumakbo palabas ng bahay. Jusme, napaka-stressful talaga ng buhay estudyante. Magkaroon ka pa ng amang militar + kuyang matalino + terror na teacher na mukhang panda = kalbaryo.

Kagaya nga ng kinatatakutan kong mangyari ay nahuli nga ako at hindi na pinapasok ni panda. “Lintek na matandang dalaga na yan kaya hindi na nagka-asawa eh, sobrang sungit.” Sabi ko sa sarili ko sabay iling. Wala na akong nagawa kundi tumambay na lamang sa cafeteria habang hinihintay ang susunod kong klase.”Bwiset talaga!”

Habang nakatambay ako sa cafeteria ay napansin ko ang isang janitor. “Wow” lang ang nasabi ko. Ang gwapo nya kasi para sa isang janitor. Alam kong hindi ako purong lalake kaya hindi malabong magkaroon ako ng crush na lalake. Hindi ko nga lang pwede ipahalata dahil baka malaman ng tatay ko. Siguradong paktay ako, baka pati gilagid ko ay magkaroon ng pasa dahil siguradong gulpi de gulat ang aabutin ko. Habang nagma-map sya ng sahig ay napansin kong pasulyap sulyap rin sya saken. Ilang beses rin kami nagkahulihan ng tingin kaya naman parang ang awkward na. Naiilang na ako sa kanya kaya naman lumabas na lamang ako ng cafeteria.

Natapos na rin magturo si Bb. Panda kaya naman tumuloy na ako sa susunod kong klase. Tatlong oras din yon kaya naman anlaki ng panghihinayang ko.

“Uwian na!” ito lang ang oras na pinakahihintay ko sa buong araw. Wala na yun lang talaga. Papalabas na ako ng eskwelahan nang makita ko na naman yung janitor. Pero hindi katulad nung kanina, ngayon ay nakabihis sya ng pang-estudyante. Napamangha ako sa kanya. Working student pala sya. Mukhang kakatapos nya lang sa isa nyang subject. Ahm, mabagal kasi sya maglakad at mukhang hindi nagmamadali kaya yun ang naisip ko. May kakapalan ang mukha ko kaya naman nilapitan ko sya para makipagkilala. Dahil kanina pa talaga ako nako-curious sa kanya. Papalapit na ako sa kanya ng makita nya ako. Para syang nagulat at bigla na lamang syang nagbago ng direksyon sa paglalakad. Tinawag ko sya pero hindi nya ako nilingon. Hahabulin ko pa sana, ang kaso lang ay tumakbo sya. Ayoko namang magmukhang tanga na naghahabol sa taong hindi ko naman kilala. Wala na akong nagawa kundi umuwi na lang.

Nasa kwarto ako. Nag-iisip. Hindi ko alam kung ano bang dapat kong gawin sa buhay ko. Para akong tinatamad na ewan. Wala akong magawa. Gustohin ko mang magbasa pero sigurado naman akong walang papasok sa utak ko. Lumalalim na rin ang gabi kaya ang maganda kong gawin ay matulog na lang dahil baka tanghaliin na naman ako ng gising bukas at mahuli sa klase.

Normal lang na umusad ang mga araw sa buhay ko. Wala. Ganun pa rin. Nakakatamad pa rin mag-aral. Ewan, nakakainis lang kasi parang hindi man lang ako masayaran ng kahit konting sipag sa pag-aaral. Pero kailangan ko na talagang magtino dahil nagbigay na ng ultimatum ang erpat ko. Seryoso pa naman yun sa lahat ng sinasabi nya. Pero papaano? Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Tuwing makikinig naman ako sa prof ko eh parang sumasakit ang ulo ko tapos wala akong naiintindihan. Naku naman!

May showing ng isang play sa school. Required na umattend ang lahat ng estudyante. Wala naman akong hilig sa mga play, play na yan. Pero bumili ako ng ticket, alam ko naman na yun lang ang habol nila eh. Kahit mahal eh ok na rin, wag lang ako magkaroon ng problema dahil lang sa hindi ako umattend ng play.

Hanggang alas kwatro lang ang klase ko nun kaya naman masaya ako dahil maaga na naman akong makakauwi. Habang naglalakad ako ay nakita ko na naman yung janitor. Nakaupo sya sa isang bench na nasa gilid ng isang building. Nakatingala lang sya at mukhang malalim ang iniisip. Napangiti ako dahil sa wakas ay malalapitan ko na sya. Dahan dahan akong lumakad papalapit sa kanya. Maingat. Ayokong mapansin nya ako dahil baka bigla na naman syang umalis. Nang makalapit na ako sa kanya ay umupo ako sa tabi nya na sya namang ikinagulat nito kaya napausog ito sa kabilang gilid ng bench.

“Kumusta!” bati ko sa kanya. Nagulat man sya ay hindi na sya umalis. Nahiya na siguro. Syempre, angganda ng bati ko tapos aalis sya? Ano yun, bastusan?

“Ah, ayos naman.” Sabi nya sabay ngiti. Natameme ako sa ganda ng ngiti nya. “Syet!” parang bigla akong nakaramdam ng kaba. Parang nalusaw lahat ang kapal ng mukha ko nung makita ko ang mga ngiting iyon. Nakakapanghina.

“Ah! Ahm, ako nga pala si Alexander, ah Alex na lang ang itawag mo saken.” Sabi ko na parang tanga kasi halos tig-dadalawang segundo  ang interval ng bawat salita ko. Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko nang makita ko na naman syang ngumiti at sabihin din ang pangalan nya.

“Ereneo, ang pangalan ko” anlambing ng boses nya. Malalim pero malumanay. Napabuntong hininga ako para irelax ang sarili ko. Baka mahalata nyang hindi na ako mapakali sa kinalalagyan ko ng dahil sa ngiti nya.

“Ahm, nakita kita nung nakaraan. Estudyante ka rin pala dito? Akala ko janitor ka lang dito eh. Ah! ‘lang’ Wag mo isipin yung salitang ‘lang’ ah. Ahm, hindi kita minamaliit ahm, ang ibig kong sabihin ah ano….” Hindi ko na naituloy yung sasabihin ko dahil bigla nya akong pinutol.

“Okay lang yun. Nasabi mo lang yung salitang ‘lang’ para bigyan ng emphasis yung singularity ng obligasyon ko dito sa school. Ngayon alam mo na, hindi lang ako trabahador dito, isa rin akong estudyante.” Sabi nya habang nakangiti. Buti na lang at sya na mismo ang nagpaliwanag ng gusto kong sabihin sa kanya.

“Bakit? Bakit, kailangan mo pa mag-janitor habang nag-aaral?” tanong ko sa kanya.

“Scholar ako dito. Pero bumaba ang grades ko last semester kasi napadalas ang absent ko dahil nagkasakit yung nanay ko. Akala ko nga aalisin na nila yung scholarship ko eh, buti na lang hindi. Kaso lang tinanggalan na nila ako ng allowance kaya nakiusap ako sa school kung pupwede akong magtrabaho dito para may mapagkunan ako ng allowance. Pumayag naman sila kaya eto, janitor ako and at the same time estudyante din.” Sabay ngiti na naman. Sa tuwing magsasalita sya ay inaabangan ko yung ngiti nya. Nakakaadik. Angganda talaga.

“Ah, ganun ba? Nakakabilib ka naman.” Sabi ko. Tapos kumamot sya ng ulo nya na para bang nahihiya saken at sa hindi ko na mabilang na pagkakataon ay ngumiti na naman sya. Yung puso ko parang biglang nagwawala sa tuwing makikita ang mga ngiting iyon. Hindi ko na napansin na nakatunganga na lang pala ako sa mukha nya.

“Ah, sige may huling klase pa ako eh.” Paalam nya. Ako naman ay nagpaalam na rin na uuwi na. Nagkamayan kami bago kami tuluyang lumakad sa magkaibang direksyon.

Hindi ako halos makatulog ng gabing iyon. Iniisip ko lang si Ereneo at ang pamatay nyang ngiti. Parang gusto ko na hatakin ang araw para mag-umaga na. Sa tanang buhay ko ay ngayon lang ako nainip sa paghihintay sa muli kong pagpasok sa school. Puta! Para syang droga, anlakas ng tama. Hanggang ngayon ay nakikita ko pa rin ang ngiti nyang tumunaw sa puso ko, sa kauna-unahang pagkakataon.

Alas dos, alas tres, alas kwatro. Pagising gising ako. Umaasang pagmulat ng mga mata ko ay umaga na. Pero halos napuyat na ako sa kahihintay na sumapit ang umaga. Nakakainip.

“Putragis! Tanghali na naman.” Agad akong napabalikwas sa higaan ko. Para magmadali sa pagpasok. Kung kelan mo naman gustong magtino eh, tsaka naman nangyayari ang mga ganitong bagay. Isinumpa na yata ako ng oras. Dati rati kasi ay wala akong pakealam sa oras. Pero ngayon ay iba na. Siguradong malilintikan na talaga ako pag mababa na naman ang grado ko. “Naloko na”

Sapat naman ang mala-kidlat kong pagkilos. Nakaabot naman ako sa tamang oras ng pagsisimula ng klase. Buti hindi si Bb. Panda ang propesor naming ngayon. Dahil pag nakita nya akong mukhang gusgusin sa pawis ay tiyak na matatalakan na naman nya ako.

Tapos na naman ang araw. Pero buong maghapon kong hindi nakita si Ereneo. Wala naman akong mapagtanungan tungkol sa kanya. Takot ko lang, baka mahalata ng iba na interesado ako sa kanya. Naghintay pa ako ng kaunti, baka matsambahan ko sya. Ang kaso hindi ko talaga sya nakita. Yayayain ko sana syang sabay kaming pumunta ng play bukas.

Midsummer Night’s Dream. Ang showing ngayong gabi. Nakakabagot, ang –aga kong dumating sa play. Habang naghihintay ang lahat na magsimula ang pagtatanghal ay medyo naidlip muna ako. Wala rin naman kasi akong malalapit na kaibigan para makakwentuhan eh. Kaya ito ang pinakamaganda kong gawin, ang matulog este, umidlip.

“If we shadows have offended

Think but this, and all is mended

That you have but slumbered here

While these visions did appear

And this weak and idle theme

No more yielding but a dream

Gentles, do not reprehend

If you pardon, we will mend

And, as I am an honest Puck

If we have unearned luck

Now to 'scape the serpent's tongue

We will make amends ere long

Else the Puck a liar call

So, good night unto you all.

Give me your hands if we be friends

And Robin shall restore amends.

Goodnight”

Natulala na lamang ako at hindi na nakapag-salita. Simula nung makita kong sya pala yung main character ng play ay halos ayoko ikurap ang mga mata ko. Ayokong may makaligtaan akong tagpo kahit konte, habang sya ang nasa entablado. Ibang iba sya. Napakagaling nya.

Standing ovation. Para akong wala sa wisyong nakaupo lang habang nakanganga. Hanggang sa natakpan na ng mga taong nasa harapan ko ang entabladong sinisilayan ko. Napatayo na rin ako at pinipilit na silipin si Ereneo. Napakaganda ng ngiti nya. Sya ang bida ng gabing ito. At ako ang pinaka masugid na tagahanga. Pumalakpak ako ng napakalakas na may kasamang pagsigaw nang bigla na lamang magsiupuan ang lahat at naiwan akong nakatayo. Alam ko nakita ako ni Ereneo, dahil napangiti sya banda sa pwesto ko. Nahiya ako ng konte at napakamot na lamang sa ulo ko tsaka umupo na rin.

Pagkatapos ng play ay agad akong lumabas para hintayin si Ereneo para bigyan ng papuri. At nang makita ko na sya ay agad ko syang nilapitan pinagyuyugyog sa sobrang tuwa. Sya naman ay nakatingin lang saken at parang nagtataka sa ikinilos ko.

“Ah, eh, hehehehe. Nahihilo na ako sa pagyugyog mo.” Sabi nya.

Ako naman ay nahiya sa kanya. Oo nga pala, hindi naman kami ganung kaclose pero kung makaasta ako ay parang matagal ko na syang kakilala. “Ah, pasensya na. Natuwa lang ako, galing mo kasi eh.” Sinabi ko na lang.

“Maraming salamat.” Sabi nya sabay ngiti na ikinangiti ko rin.

Ilang buwan na din ang lumipas. Nakasanayan ko nang kulitin si Ereneo at sya naman ay nasanay na rin saken. Hindi katulad nung una, na parang naiilang sya saken, ngayon ay palagay na rin ang loob nya. Minsan ay nagsasabay na rin kami sa paglabas sa eskwelahan. Tatambay sa kung saan bago kami umuwi. Palaban pala sa school ‘tong kaibaigan ko. Kahit bumaba ng bahagya ang grades nya nung nakaraang semester ay hindi pa rin sya nawala sa dean’s list. Galing! Natuturuan nya na rin ako sa mga aralin naming hindi ko maintindihan. Sa tingin ko magiging mahusay syang guro pag dating ng araw. Eh, mas malinaw pa kasi syang magpaliwanag kesa kay Bb. Panda eh. Minsan iniisip ko kung ano pa ba ang hindi nya kayang gawin. Magaling sa klase, magaling umarte, kumanta at maglinis ng c.r. Grabe! Wala ako sa kalingkingan nya sa husay sa maraming bagay. Pero talo ko sya sa isang bagay. Magaling kasi akong gumuhit at magpinta. Sa talent kong ito ay hindi ako basta basta kakabugin ng kahit sino.

Medyo makulimlim nung mga panahong iyon. Sabay kaming papalabas na sa eskwelahan. Tumambay kami sa isang park nang bigla na lamang bumuhos ang malakas na ulan. Agad kaming napatakbo sa isang abandonadong gusali at doon kami sumilong. Wala nang tao sa paligid. Tahimik at tanging patak lang ng ulan ang maririnig mo. Walang nagsasalita sa aming dalawa. Pinapanood lang namin ang buhos ng ulan.

“Nakakalungkot ang ulan.” Sabi nya.

“Ano namang malungkot sa ulan? Nakakainis kamo, maputik na naman kasi ang daan.” Sagot ko sa kanya.

“Hindi ko rin alam, basta sa tuwing uulan ay nalulungkot ako. Ewan” sabi nya.

“Bakit? May naaalala ka bang nakakalungkot kapag umuulan?” tanong ko sa kanya.

“Wala naman, basta nalulungkot lang ako bigla.” Nakita ko ang mukha nya. Totoo ngang nalulungkot sya. Walang ngiti. Ang kalungkutan ng mukha nya ay parang nakakahawa. Parang hindi ko kayang makita syang nalulungkot.

Patuloy lamang akong tumitig, salitan, sa mukha nya at sa ulan. Ganun pa rin ang mukha nya. Wala akong nakita kahit konting bahid ng tuwa. Para akong nagtatampo sa kanya. Hindi sapat ang presensya ko para mapalitan ang kalungkutan nya ng kasiyahan.

Wala pa ring tao. Madilim na ang paligid. Ang ilaw sa poste na lamang ang tanging tanglaw namen. Ang mumunting liwanag na yon ang syang nagbibigay ng pahintulot sa aking masilayan ang mukha ni Ereneo. Tinitigan ko sya ng matagal. Nanghihina ako sa nakikita kong kalungkutan sa mukha nya. Hanggang sa napatitig ako sa mga labi nya na parang nanginginig dahil sa lamig. Parang blangko ang paligid. Sya na lamang ang tangi kong nakikita. Nakatitig lang sya sa ulan. Ako naman ay hindi na mapakali. Bumibilis na naman ang tibok ng puso ko. Katulad ito noong una ko syang makilala. Pero mas matindi ang nararamdaman ko ngayon. Mas mabigat ang bawat bitaw ng pintig ng puso ko. Para akong kinakapos ng hininga. Hindi ko mawari kung anong nararamdaman ko. Bigla ko na lamang iginalaw ang kaliwang kamay ko at inilapat  ito sa pisngi nya. Napatitig naman sya saken. Kinabahan ako dahil baka magalit sya. Nanginig ang kamay ko kasabay ng pagtambol ng dibdib ko. Tinitigan nya lamang ako, mata sa mata. Unti unti akong nanghihina. Nakapanghihina ng kalamnan ang nangungusap nyang mga mata. Marahan kong inilapit ang mukha ko sa mukha nya. Hindi nya ako pinigilan. Walang alinlangan. Bahala na.

Nang makauwi kami ay agad akong nagbihis. Niyaya ako ng nanay kong kumain pero sinabi ko na lang na hindi ako nagugutom. Kinakabahan pa rin ako. Patuloy ko lamang na inisip si Ereneo. May ngiti na may halong matinding kaba. Masarap sa pakiramdam. Nakakahumaling, pero nakakatakot.

Lumipas ang ilang linggo. Dinalangan ko na ang pakikipagkita kay Ereneo. Kailangan ko na syang iwasan dahil natatakot akong mahulog ng husto sa kanya. Ngayon lang ako nagsisi ng ganito. Sana hindi ko na lang sya nakita. Sana hindi ko na lang sya kinulit. Sana hindi ko na lang sya nakilala. Sana hindi ko na lang nakita ang mga ngiti nya. Itutuon ko na lamang ang atensyon ko sa pag-aaral. Sa pamamagitan nun ay baka mabura ang umuusbong nang damdamin ko para kay Ereneo. Mahirap na. Baka magkamali ako.

Patuloy akong umiwas sa kanya. Pero dumarating ang pagkakataon sa akin na para bang hindi ko sya matiis, kaya kinakausap ko na lamang sya sandali para kahit papaano ay mabawasan ang pagkamiss ko sa kanya. Ewan, pero parang naiinis ako sa inaasal nya. Wala namang pagbabago sa kanya. Ang nakakainis ay parang hindi man lang nya iniinda ang pag-iwas ko sa kanya. Parang wala lang. Akala ko ay matindi na ang epekto ko sa kanya. Tsk! Nagkamali ako. Ako lang pala ang tinamaan. Lintek! Sa ipinakita nyang iyon ay parang lalo lang akong nagkaroon ng dahilan para isipin sya. Gusto kong malungkot sya kapag hindi nya ako nakikita kagaya ng kalungkutang nararamdaman ko kapag iniiwasan ko sya. Gusto kong hanapin nya ako katulad ng paghahanap ko sa kanya. Gusto ko nararamdaman nya rin ang nararamdaman ko. Gusto ko sabay kaming nagtitiis dahil sa pangungulila. Hindi ganun ang nangyayari. Ako lang mag-isa ang nakakaramdam. Balewala sa kanya.

Umiwas ako. Pinilit kong burahin ang damdamin ko para sa kanya. Pero habang pinipilit kong alisin sya sa isip ko ay bigla ko na lamang naaalala ang mga ngiti nyang pumukaw sa naiidlip kong pagkatao. Hindi ako nagtagumpay. Imbes na mawala ang mga nararamdaman ko ay lalo lang akong nahulog sa kanya. Lintek, para akong tumalon at umaasang may sasalo saken, pero wala.

Lalo lang lumalim ang mga nararamdaman ko para sa kanya. Badtrip! Walang silbi ang pag-iwas iwas ko sa kanya. Tinamaan ako, bigtime! Hindi ako nakailag sa palasong itinutok saken ng lintek na unanong yon na may pakpak. Walang kawala.

Ilang araw kong hindi nakita si Ereneo. Nakakalungkot man ay wala akong magawa. Hindi ko alam kung saan ko sya dapat puntahan. Pero isang ugong ng usap-usapan ang nasagap ko mula sa ilang kaklase. Tsismis lang naman tungkol sa biglaang pagkamatay ng dean namen. Baka hindi totoo. Hindi ako naniniwala. Pero isang pangyayari ang hindi ko inaasahang magpapatunay saken ng balita.

Magdadalawang linggo nang hindi pumapasok si Ereneo. Nakita ko si Bb. Panda, okay, Ms. Christina Mallari ang totoo nyang pangalan. Bb. Panda lang ang tawag ko kasi mataba sya at hayop sa eyebag. Nakita ko syang naglalakad sa isang pasilyo. Mukha syang nag-aalala at hindi sya mapakali. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa kanya. Ayoko naman syang tanungin dahil baka bigla na lamang nya akong bulyawan. Iiwas na sana ako sa kanya nang bigla na lamang nya akong tawagin.

“Alexander Potente!” pagtawag nya saken ng may otoritadong boses.

“Yes! Po! Ma’am!” sabi ko na para namang nataranta.

“Wala na akong maisip na pwedeng sumama saken. Pero wag kang maingay, kailangang sikreto lang ang pupuntahan naten. Ikaw lang ang pupwede kong pagkatiwalaan. Ikaw ang pinakamalapit na kaibigan ni Ereneo hindi ba?” tanong nya saken.

“Ahm, opo.. per…” mautal utal kong pagsasalita.

“Tara na. Kailangan nating magmadali.” Hindi na ako nakatanggi. Mukhang may kinalaman kasi kay Ereneo ang pupuntahan namin. Gustong gusto ko na talaga syang makit kaya naman sumunod na lang ako kay Ms. Mallari.

Isang squatters area ang pinuntahan namen ni ma’am Mallari. Medyo natatakot ako sa paligid dahil may mga nakikita akong mga bata’t matanda na lantarang sumisinghot ng solvent. Ilang beses na rin akong nakakakita ng mga ganun, pero hindi katulad dito na grupo ang nakikita ko. Ramdam ko ang mga matatalim na mga matang nakatitig sa amin ni Ms. Mallari. Kaya naman alerto ako sa anumang maaaring mangyari. Habang ako ay praning sa pag-iisip ng kung ano ano. Si ma’am Mallari naman ay diretso lang ang lakad at mukhang walang inaalala. Mabilis ang lakad nya at ako naman ay hindi magkanda ugaga sa pagsunod sa kanya. Hanggang sa makarating kami sa isang maliit na bahay na maraming tagpi.

“Ereneo!” Tawag ni Ms. Mallari mula sa labas ng barong barong. At ilang sandali pa ay lumabas na si Ereneo. Walang makikitang kahit anong reaksyon sa mukha ko. Pero sa loob ko ay malakas ang kabog ng dibdib ko at halos manghina ako sa labis na pagkasabik sa kanya. Walang pagsidlan ang kaligayahan ko. Si Ereneo. Nasa harap namin ngayon. Agad nya kaming pinapasok sa loob. Nakatitig lamang ako sa kanya. Uminit ang pakiramdam ko sa mukha ko nang pasimple nya akong tapunan ng pansin at gawaran ng isang matipid na ngiti. Bigla na lang lumalim ang paghugot ko ng aking hininga. Umupo kami sa isang papag. Yun lamang kasi ang meron. Isang maliit na lamesa, aparador at ang papag na nagsisilbing upuan para sa mga bisita at higaan naman sa pagsapit ng gabi.

“Wag kang mag-alala Ereneo, gagawin ko lahat ng magagawa ko para hindi ka madiin sa kaso. Kilalang abogado ang tiyuhin ko, kaya hindi ka mamomroblema sa magtatanggol sayo.” Bungad ni Ms. Mallari. Nais kong magtanong tungkol sa pinag-uusapan nila, pero mas minabuti ko na lamang na manahimik at makinig na lang. Walang maitutulong ang kakulitan ko ngayon.

“Salamat po ma’am. Nahihiya po ako sa inyo. Alam ko pong nadisappoint kayo sa akin. Patawad po.” Sabi ni Ereneo na may maluha luhang mukha.

“Hindi ka dapat humingi ng tawad. Alam kong nagagawa mo lang ang mga bagay na yon dahil ang makatapos sa kolehiyo na lang ang natitira mong pag-asa para makawala ka sa ganito kahirap na buhay hindi ba? Wag ka mag-alala, lahat kaming mga naging propesor mo ay naniniwalang wala kang kasalanan. Pumasok ka bukas, nahuhuli ka na sa klase. Hindi ka pa naman nila maaaring tanggalin sa eskwelahan dahil wala pa naman silang nakikitang ebidensya na nagtuturo sayo.” Sabi ni ma’am.

“Pero, baka hindi na po ako tanggapin sa school. Sira na po ang pangalan ko at tsaka ayoko naman pong hulihin ng pulis sa loob ng campus.” Sabi naman ni Ereneo.

“Wag mo muna sila isipin. Ang isipin mo ay ang pag-aaral mo at kung sakali mang may mangyari, wag kang mag-alala, nandun ako, hinding hindi kita pababayaan. Nakalimutan mo na yatang ako ang pinaka terror na propesor sa school eh.” Sabi ni ma’am habang pinipilit ngumiti.

“Pero ma’am” si Ereneo

“Wala nang pero, pero.” At wala na ngang nasabi pang muli si Ereneo.

Hindi ko nakausap ng masinsinan si Ereneo nang hapong iyon. Marami akong gusto itanong pero hanggang sa umuwi kami ay wala akong nasabi kundi ‘paalam’. Nang makauwi na ako sa bahay ay agad akong nagtungo sa kwarto ko. Parang napagod ako ng husto sa buong araw. Kailangan kong magpahinga. Naaawa man ako sa kalagayan ni Ereneo ngayon, pero ano nga ba ang maaari kong gawin para sa kanya. Nakakapanghinayang sya. Sobrang talino pa naman nya at napaka sigasig sa pag-aaral. Napabuntong hininga na lamang ako dahil alam ko naman na wala akong magagawa.

Maaga akong pumasok kinabukasan. Ilang oras pa ang dapat kong hintayin bago magsimula ang aming klase. Nasa labas lang ako ng gate at hinihintay ko si Ereneo. Hindi nagtagal ay nakita ko na sya. Malungkot ang mukha nya at parang ilag sya sa paningin ng sinuman. Alam ko ang pakiramdam na yon kaya naman agad ko syang nilapitan upang sabayan sa pagpasok. Nakita nya ako pero napatungo na lamang sya. Hindi nya ako pinansin at tuloy tuloy lamang syang naglakad papasok sa campus. Nasa likuran lamang nya ako at patuloy lang na sumusunod sa kanya. Hanggang sa may ilang estudyante ang nagtipon tipon.

“Nakakadiri naman ang ibang estudyante dito. Kaya pala matataas ang grade kasi nakikipagsex sa propesor. Hindi na nahiya.” Sabi ng isa

“Oo nga, ang masama pa nyan, sa kapwa pa nya lalake. Nakakadiri talaga prostitute na, bakla pa.” sinundan naman ng isa pa.

“Killer pa. Grabe ang tibay ng loob nya oh! Talagang pumasok pa. Ang kapal ng mukha. Diba dapat nasa kulungan na yang hayop na yan?” Hindi ko alam kung papaano ako magrereact. Naiinis ako sa mga sinasabi nila, pero para akong inutil na walang magawa. Sunod sunod na ang ugong ng mga paratang na ibinabato nila kay Ereneo at nakita ko syang nakatungo pa rin. Pero nadurog ang puso ko nang sumilip ang patak ng luha sa kanyang pisngi. Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Tumakbo akong papalapit sa kanya at tsaka ko sya inakap ng mahigpit sabay tingin ko ng masama sa mga estudyanteng pumaparatang sa kanya. Naramdaman ko na lamang na nanginginig na ang katawan ni Ereneo kasabay ng isang mahinang paghikbi. Lalo kong hinigpitan ang yakap ko sa kanya.

“Nandito ako, hindi ka nag-iisa.” Sabi ko sa kanya. Inakay ko sya papalayo sa mga estudyante pero sinusundan kami ng mga ito. Gusto ko na silang pagsususuntukin isa isa nang biglang.

“Patunayan nyo yang mga sinasabi nyo! Ngayon na! Ikaw! May ebidensya ka?! Ikaw may napatunayan ka ba sa mga ipinaparatang mo sa kanya. Hala! Kung may patotoo kayo sa mga sinasabi nyo. Bakit hindi pa kayo magpunta ng presinto para isuplong ang sinasabi nyong criminal? LAHAT KAYO! MAY NAPATUNAYAN BA KAYO?! Alam nyo ba kung bakit nasa labas pa rin sya ngayon? Dahil walang makitang ebidensya ang mga pulis para ituring syang suspect sa krimen. Pero kayo ang kakapal ng mga mukha nyo kung makapag bintang. Magsipag-aral nga kayo! Palakihin nyo yang mga kakapiranggot nyong utak para makapag-isip kayo ng tama. Tandaan nyo, na maingay lang ang lata kapag walang laman. Magsipasok na kayo sa mga klase nyo! MGA BOBO!” ang galit na galit na pananalita ni ma’am Mallari na ngayon ay nakatayo sa harapan ng mga estudyanteng walang magawa.

Wala nang pumansin sa amin ni Ereneo matapos gawin iyon ni ma’am. Buti na lamang at ginawa nya yon dahil kung hindi ay malamang na buong maghapong ginugulo ng ibang estudyante si Ereneo. Hanggang sa maguwian ay wala na. May iilan na nagbubulong bulungan pa rin pero pag tinitignan ko ay bigla na lamang silang humihinto. Sabay kaming lumabas ni Ereneo mula sa school. Gusto kong mabawasan kahit papaano ang mga dalahin nya kaya naman niyaya ko syang tumambay muna at nang makahinga sya ng maluwag. Pero hindi nya na ako pinaunlakan dahil kailangan daw nyang umuwi ng maaga dahil pupuntahan pa raw nya ang nanay nya sa pinaglalabhan nito. Sasama sana ako para makatulong pero hindi rin sya pumayag at nakakahiya raw saken. Nagpasalamat na lamang sya at tuluyang nagpaalam.

Unti unting bumalik sa dati ang katahimikan ng eskwelahan tungkol sa issue ng pagpatay ka sir Panzo, na si Ereneo ang napagbibintangan dahil may nagbalita na nakikipagsex daw sya sa propesor bago ito natagpuang patay. Pero dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya na makapagtuturo sa kanya ay malaya pa rin ito. Alam ko. Marami kaming naniniwala sa kanya. Inosente sya.

Pero isang hindi magandang balita ang dumating kay Ereneo. Nasa school kami noon nang bigla na lang may nagpatawag sa kanya. Kapitbahay nya raw at ibinalitang nasawi ang kanyang ina sa isang aksidente. Nasagasaan ito ng humaharurot na jeep. Naitakbo pa raw ito sa ospital pero doon na rin ito binawian ng buhay. Nang makita ko si Ereneo ay naguluhan ako sa naging reaksyon nya sa balita pero maya maya pa ay naintindihan ko na rin. Nang marinig nya na wala na ang nanay nya ay bigla na lamang itong napangiti. Hanggang sa ang mga ngiting iyon ay unti unting napalitan ng hinagpis. Nangatal na ang kanyang bibig at umagos ang masaganang luha sa kanyang mukha. Napapatingin ito sa kalangitan. Bakas sa mukha nya ang kawalang pag-asa. Nilapitan ko sya at niyakap at doon sya tuluyang humagulgol ng iyak. Nakatapat ang mukha nya sa dibdib ko at doon nya isinisigaw lahat ng hinagpis nya. “PUTANG INA! PUTANG INA! PUTANG INA! WAAAAHHHH!” sigaw nya sa dibdib ko. Hindi ko na rin mapigil ang luha ko. Hinaplos ko na lamang ang buhok nya at humalik ako sa ulo nya. Wala akong masabi para pakalmahin sya. Ang ibigay sa kanya ang dibdib ko na lamang ang magagawa ko para maibsan ang pinaghalong lungkot at galit na nararamdaman nya.

Sinamahan ko si Ereneo sa morgue na pinaglagakan sa katawan ng kanyang ina. Sinilip nya ito, umaasang sana ay nagkamali lamang ang balita. Pero nang makita ko ang biglaang pagtangis nya doon ko na lamang nasigurong yun na nga ang nanay nya. Parang gusto kong mamatay sa sobrang lungkot at awang nararamdaman ko para sa kanya. Sana kahit konte ay maipasa nya saken ang dalahin nya. Wala akong magawa kundi yakapin na naman sya. Yakapin sya habang may epekto pa ito para pagaanin kahit papaano ang loob nya. Yakapin sya hanggang kailangan nya. Yakapin sya kahit hindi nya na kailangan.

Nagpaalam ako sa nanay at tatay ko na hindi ako makakauwi. Ipinaliwanag ko sa kanilang mabuti ang sitwasyon kaya naman pinayagan nila ako. Hindi naman na sila masyadong mahigpit saken dahil nitong huling semester ay nagulat sila sa itinaas ng mga grades ko. Syempre dahil iyon kay Ereneo.

Ilang araw din akong nagpupuyat sa lamay ng nanay ni Ereneo. Medyo ayos naman na sya pero hindi ko pa rin sya magawang iwan dahil wala naman syang ibang kamag-anak na nandito para tumulong sa kanya. Kaming dalawa lang ni ma’am at ilang kapitbahay ang maasahan nya. Dahil na rin sa mga donasyon ng iba’t ibang kagawad at ng kapitan ng barangay ganun din ng ilang may kakayahan kasama na ang pamilya ko ay nakalikom kami ng sapat na halaga para maipalibing ang nanay ni Ereneo. Oo! Malungkot talaga pero ayos na rin at nabawasan na ang ilan nyang problema. Dito lang ako sa tabi nya at hindi ko sya iiwan.

Naging maayos nang muli ang takbo ng buhay ni Ereneo. Ako mas maayos na rin dahil mas gumaganda pa ang grades ko. Naging malapit kami ng husto sa isa’t isa. Hanggang sa tuluyan na nga akong nahulog sa kanya. Halo halong klase na ng pagmamahal ang nararamdaman ko para sa kanya. Sya naman, kahit na walang sinasabi tungkol sa nararamdaman nya ay alam ko at nararamdaman kong ganun din sya saken. Hinahanap nya na ako. Mas mabilis ko na syang napapangiti. Iba talaga ang epekto nya saken. Mahal ko na talaga sya.

Isang araw ay bigla akong tinawag ng aking ina. Wala akong pasok nun kaya naman nasa bahay lang ako. Lumapit ako sa nanay ko at tinanong kung anong kailangan nya.

“Anak may napapansin ako sayo. Mukhang masaya ka nitong mga huling araw ah. May nagpapasaya na bang babae sayo?” napangiti lamang ako sa itinanong ni nanay. Tama na sana ang hula nya ang kaso lang mali yung kasariang binanggit nya. Napatango na lamang ako at ginulo nya ang buhok ko.

Normal na tumakbo ang bawat araw. Mas madalas na kaming magkasama ni Ereneo. Kung minsan pa nga ay doon ako natutulog sa kanila. Wala. Walang nangyayari samen. Masaya lang ako dahil mas nagkakamabutihan na kami ngayon. Napakasarap sa pakiramdam. Mahal ko sya at alam kong mahal nya ako, kahit wala kaming sabihin sa isa’t isa. Simpleng sulyap lang ng mata, alam na alam ko na ang ibig sabihin.

Dumating ang araw na kailangan nang harapin ni Ereneo ang kasong halos nakalimutan na ng lahat. May naglabasan na kasing ebidensya na nagdidiin sa kanya sa pagpatay sa isa naming propesor, si Sir Panzo. Tinulungan sya ni ma’am Mallari, Katulad nga ng ipinangako nito sa kanya. Hindi nya sya pababayaan at tinupad naman ito ni ma’am. Tiyuhin ni ma’am ang nagsilbing tagapagtanggol ni Ereneo sa kaso. Pero nagkaroon kami ng problema. Isang witness ang lumabas na hindi namin inaasahan. Isa ring estudyante at inamin nito sa korte na minsan syang nagpagamit kay Mr. Panzo para makapasa. At sinabi nitong si Ereneo daw at si Mr. Panzo ay matagal nang may relasyon. Tanggal na daw dapat ang scholarship ni Ereneo noon pa, pero ginawan daw ito ng paraan ni Mr. Panzo para makapagpatuloy sya ng pag-aaral. Ilang kasamahan nya rin sa scholarship ang nagpatunay nito. Ganun din ang iba pang propesor. Si Ereneo man ay nasabi sa akin ang bagay na ito kaya naman walang makitang butas ang panig namin. Ilang mga bagay rin na pag-aari ni Ereneo ang inilahad sa korte na natagpuan sa pinangyarihan ng krimen hindi raw ito inilalabas noon dahil mahina raw ang ebidenysang ito. Pero ngayon ay magagamit na ito upang tuluyang madiin si Ereneo. Kinabahan na ako dahil sa nakikita ko ay panig sa kalaban ni Ereneo ang husgado. Naiiintindihan ko dahil pamilya sila ng napatay. Pero gaano naman kaya sila nakakasigurong si Ereneo nga ang gumawa. Naghahanap lang sila ng masisisi. Kahit anong klaseng hustisya ay tatanggapin na nila masabi lang na bingyang hustisya nila ang pagkamatay ng isang kaanak. Kahit mali, kahit baluktot basta meron. Yan ang karaniwang mukha ng batas.

Natalo si Ereneo sa kaso at nahatulan ito ng habang buhay na pagkabilanggo. Ewan hindi ko alam pero hindi ko napigilang magwala sa loob ng korte. “Putang ina nyo mali ito. Nagkakamali kayo! Ambobobo nyo.” Sabi ko at ilang pulis ang lumapit saken para hulihin ako pero nakuha naman ang mga ito sa magandang pakiusap ng tiyuhin ni ma’am Mallari. Tinignan ko si Ereneo. Walang mababakas sa mukha nya. Blangko lang. Hindi ito galit. Hindi ito malungkot pero hindi rin ito masaya. Wala. Parang ako ang mababaliw sa nangyare. Nakakainis ang bulok na Sistema. Ang mabagal na usad ng kaso. Ang mga nababayarang opisyal. At higit sa lahat ang hindi makatuwirang paghusga. Walang batayan. Puro mahihinang ebidensya. Mga sinungaling na saksi. Silang mga nagpapahirap at kaming mga mang mang sa batas. Magulo ang mundong ito at walang kinabukasan sa sarili kong pananaw.

Umihip ang malakas na hangin at tinangay ang ilang mga dahon na galing sa puno ng caimito patungo sa aming paanan ni Ereneo. Ganun pa rin ang posisyon namen. Nakaupo pa rin sya sa patungan ng braso ng rocking chair at nakaakbay sa akin. Hinihintay ang paglubog ng araw habang patuloy naming inaalala ang mga nakaraan sa aming buhay.

"May oras pa ba?" tanong ko sa kanya. Piniga nya lamang ang aking balikat at ginawaran nya ako ng matamis na ngiti.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This