Pages

Monday, April 6, 2020

Lovers and Friends (Part 3)

By: Nickolai214

Mark's POV

Napabalikwas ako ng gising sa sigawan ng mga magulang ko sa labas kasunod ng pagkabasag ng mga vase doon.

Mapipikit man ang mga mata ko dahil napuyat ako kagabi sa kakachat kay Angela ay pinilit ko pa ring bumangon upang silipin ang nangyayari sa labas.

"Sawang-sawa na ako sa mga kalokohan mo. Mabuti pa siguro na maghiwalay na tayo!" narinig kong sigaw ni Mama.

Marahan kong pinihit ang seradura ng pinto saka ko iyon bahagyang binuksan upang makasilip ako sa labas.

Nakita ko si Mama na nasa bungad na ng hagdan dala ang isang malaking maleta habang si Dad ay hubad baro na nakatayo sa may pintuan ng silid nila.

Naiinis akong nag-angat ng eyeballs sa itaas saka ako napahawak sa noo ko. Lumang tugtugin na naman.

Lalayas si Mama dahil nambabae na naman si Dad. Pagkatapos ay babalik din siya kapag naubos na ang pera sa bank account niya.

"Sa tingin mo ba ay pipigilan pa kita? Umalis ka kung gusto mo. Babalik ka rin naman dito kapag naubos na ang salapi mo na galing din naman sa akin." ganting sigaw ni Dad habang hirap na ibinababa ni Mama ang maleta niya sa hagdan.

"Hindi na sa pagkakataong ito. Akala mo ba ay ikaw lang ang marunong magloko? Sasama na ako kay Edmundo." galit na sabi ni Mama.

"Oh edi magsama kayo. Mas gusto ko pa nga yun hindi na sasakit ang ulo ko sa nakakagasgas bulsa na mga bisyo mo!" sigaw ni Dad.

Napahinto ako sa kinatatayuan ko. Naalala ko ang nangyari sa bayan nung nakaraang linggo. Habang nasa mall kami ng girlfriend kong si Angela ay nakita ko si Mama na sumakay sa isang hindi pamilyar na sasakyan.

Lalaki ang nagdadrive at base sa suot niya ay hindi lamang siya basta driver. Nakabusiness attire siya at mukhang mayaman.


Muli ay sumilip ako sa kanila. Lumapit kay Mama ang isang katulong upang tulungan siyang magbuhat.

"Ano ba? Bakit napakatagal mo? Kanina pa kita tinatawag. Istupida!" sigaw niya sa kawawang katulong.

Napapangiwi na lang ako dahil sa awa sa kasambahay namin na palagi na lamang tinatalakan ni Mama.

Nakababa na sina Mama nang pabagsak na isinara ni Dad ang pintuan ng silid nila.

Babalik na sana ako sa pagtulog ko nang makita ko ang umiiyak na si Anjo pababa ng hagdan saka niya isinisigaw ang pangalan ni Mama.

Si Anjo ang nag-iisang kapatid ko at matanda ako sa kanya ng walong taon. Sa pagkakita ko sa kanya ay para akong naparalisa.

Sa murang edad ng kapatid ko ay namumulat na siya sa hindi magandang pundasyon ng magulong pamilya namin.

Kagaya ko rin noon. Noong unang beses na magloko si Dad dahil na rin sa mga bisyo ni Mama.

Inaabot na siya lagi ng umaga sa mga pasugalan ng mga amiga niya. Minsan ay halos hindi na siya umuuwi ng bahay sa loob ng dalawang araw.

Mabilis kong dinampot ang sando ko saka ko iyon isinuot habang patakbo akong bumababa ng hagdan para habulin ang kapatid ko.

Nakasakay na si Mama sa kotse nang mahabol siya ni Anjo. Naabutan ko pa ang pag-andar ng sasakyan at ang patakbong paghabol doon ng kapatid ko.

Mabilis akong tumakbo para habulin siya. Napamura pa ako nang madapa siya at iyak siya ng iyak habang nakatanaw sa papalayong sasakyan ni Mama.

Naabutan ko na nakaupo si Anjo sa semento. Umiiyak. Puno ng luha ang mga mata at ang dalawang tuhod niya ay parehas na duguan.

Hinawakan ko ang mga braso niya saka ko tiningnan kung may sugat din siya doon.

May sugat ang isang siko niya ngunit ang isa ay wala naman. Napahugot ako ng malalim na paghinga saka ko binuhat ang umiiyak na kapatid ko pabalik sa bahay.

Hindi pa rin matigil ang paghagulgol niya at ang pagtawag niya kay Mama. Yumakap siya ng mahigpit sa akin nang tuluyan ko na siyang mapangko.

"Shhh! Tama na yan. Nandito si Kuya. Hindi kita papabayaan Anjo." alo ko sa kanya habang naglalakad na ako pabalik ng bahay.

Naabutan namin na pababa ng hagdan si Dad habang buhat ko pa rin si Anjo. Nakatingin lang siya sa amin at balewalang nagpatuloy sa paghakbang.

"Oh anong nangyari diyan?" tila walang amor na tanong niya sa akin na ikinainit ng ulo ko.

Mabilis kong inilapag si Anjo sa pinakamalapit na sofa saka ko hinabol si Dad.

"Nakita mo nang duguan si Anjo dahil sa paghabol niya kay Mama tapos kung umasta ka parang wala lang?" galit na sermon ko sa kanya.

"Kasalanan mo kung bakit siya nadapa at nasugatan ngayon. Kung kayo wala kayong pakialam sa kapatid ko ako meron."

"Edi ikaw ang mag-alaga. Pareho naman kayong walang silbi. May dalawang lalaking anak nga ako. Pareho namang mahina ang utak."

Nag-init nang husto ang ulo ko dahil sa sinabi niya. Hindi matataas ang grades ko sa school katulad ng paborito niyang pamangkin na si Elizer. Pero hindi ibig sabihin nun ay mahina na ang utak ko.

Pinili kong huwag magfocus sa academics ko dahil kahit makakuha naman ako ng mataas na grades ay balewala lang din naman sa kanila.

Sa kaso naman ni Anjo. Hindi siya natututukan ng mabuti at lumaki siya na puro katulong ang nag-aalaga.

Ngayon ko naisip ang mga pagkakamali ko. Halos lahat ng oras ko ay ginugugol ko sa bahay nina Nat.

Hindi ko na naisip na nandito ngayon ang kapatid ko at kailangan niya ako sa tabi niya dahil ang mga magulang namin ay parehong walang kwenta.

Nagpupuyos ang damdamin ko habang nakatingin ako sa walang kwenta naming ama.

Balewala niya akong tinalikuran kaya sumabog ang kinikimkim kong galit. Hinila ko siya sa braso saka ko siya sinuntok ng malakas.

Hindi niya inasahan ang ginawa ko kaya hindi siya kaagad na nakahuma.

"Wala kang kwentang ama!" galit na sigaw ko sa kanya.

Nakita ko ang pagbalatay ng matinding galit sa kanya pagkatapos ay ako naman ang sinugod niya ng suntok.

Ilang beses akong gumanti pero mas magaling sa akin si Dad at sa huli ay ako pa rin ang nabugbog niya.

Dahil sa galit niya ay ayaw pa niya akong tigilan. Mabuti na lamang at inawat siya ng mga tauhan niya.

"Sir tama na po. Baka kung ano ang magawa ninyo sa anak ninyo." sabi ni Kuya Vener.

"Walang utang na loob ang tarantado na yan. Nagmana talaga siya sa sugarol niyang ina. Mga wala na ngang silbi. Perwisyo pa sa buhay ko." sabi ni Dad.

Masakit ang katawan ko nang bumangon ako dahil hindi ako sa mukha nilamog ni Dad kundi sa katawan.

"Hindi mo dapat ginagawa sa kapatid ko ang ginawa ninyo ni Mama sa akin noon. Kung ituring ninyo kami ni Anjo ay para lang kayong aso na nanganak. Sa simula lang maalaga. Kapag nakapaglakad na ang anak ay na lang pababayaan." sabi ko.

"Tarantado kang..." susugurin pa sana ako ulit ni Dad pero pinigilan na siya ni Kuya Vener.

"Mark, tama na. Huwag ka nang sumagot." babala ni Kuya Vener sa akin pagkatapos ay inilayo na nila si Dad sa akin.

Nakita ko pa ang nahihintakutan na tingin ng mga katulong sa amin. Lumambot naman ang anyo ko saka ko sinulyapan si Anjo na umiiyak pa rin at nakatingin sa akin.

Napapikit ako dahil sa frustration. Hindi dapat nakita ni Anjo ang nangyari sa amin ni Dad.

Bumaling ako sa mga katulong na nakasilip sa may hamba ng hagdan.

"Pakikuha po ninyo ng first aid kit si Anjo. Gamutin natin ang mga sugat niya." malumanay na utos ko.

Mabilis naman silang tumalima. Ginamot ko ang mga sugat ni Anjo pagkatapos ay nagtungo na ako sa silid ko para ipahinga ang katawan ko na nilamog ng magaling kong ama.

Kasalukuyan akong nagpapahinga nang makatanggap ako ng text message mula kay Errol.

Bro may practice game tayo ngayon 1pm.

Mabilis na akong bumangon para maligo. Pagkabihis ko ay nagdrive kaagad ako patungo sa covered court kung saan kami nagkasundo na magkita-kita.

Naabutan ko doon sina Errol at Joey. Naroon na rin ang iba pa naming kalaro. Pero hindi ko nakita si Nat.

Nagsisimula na ang practice namin nang dumating si Nat kasama si Kath.

"Bakit ngayon ka lang? Hindi ba 1pm ang usapan?" inis na tanong ko sa kanya.

"Nagpunta pa kasi ako sa school. May practice kami sa Drama Club." paliwanag niya.

"Tang-inang Drama Club yan inuna mo pa kesa sa mga tropa mo." galit na sermon ko sa kanya.

"Oops! Tama na yan bro. Masyado kang mainit. Sumasabay ka sa panahon." sabi ni Joey. "Nat magready ka na. Maglalaro na tayo para mawala init ng ulo ng kaibigan natin."

"Ano ba kasing nangyari diyan?" sabi ni Nathan na naringgan ko ng bahagyang pagkainis sa tinig.

Hinayaan ko na lang siya kaysa mag-away pa kami dito. Hindi ko gustong mangyari iyon.

Nagsimula na kaming maglaro pero umabot na sa ikalawang game ay parang gago si Nat na hindi man lang makaagaw ng bola.

Hindi rin makashoot at madalas ay naaagawan pa ng mga kalaban.

Inuuna pa kasi ang lamya kesa sa focus. Nakakagago lang. Kahit practice game lang ito naiinis pa rin ako dahil natatalo kami.

Hanggang sa matapos ang ikalawang laro ay natalo na naman kami. Pawisan akong uminom ng tubig pagkatapos ay binalingan ko si Nathan.

"Bakit ba hindi ka magfocus ha? Tinuruan na kita diba? Ano bang nangyayari sayo?" inis na sermon ko sa kanya.

"Hey! Hey! Bro, chill ka lang." awat ni Joey sa akin.

Nakita ko ang paggalawan ng mga muscles ni Nat sa mukha pagkatapos ay naniningkit ang mga mata niya akong tinitigan.

"Puro ka kasi Drama Club. Putcha, makakain mo ba yun ha?"

"Ikaw makakain mo ba ang letseng basketball na to?" galit na sagot niya sa akin. "Hindi ako ang may problema dito. Sa tingin ko parang ikaw ang may problema."

"Ako pa talaga ah. Eh ikaw nga itong napakabobo turuan. Tang-ina maliit na bagay lang hinihingi ko sayo hindi mo pa maibigay? Anong klaseng kaibigan ka?"

"Bro ano ba? Tama na yan baka magkainitan kayo ng husto." awat sa amin nina Errol.

"Sige. Gusto mo ba ng sumbatan? Pumayag ako na maglaro ng letseng basketball mo kahit hindi naman talaga bukal sa loob ko dahil kaibigan kita at ayoko na tanggihan ka. Noon pa sinabi ko na sayo hindi ito ang gusto ko. May iba akong gusto pero hindi mo iyon nirerespeto."

"Ginagawa ko to dahil ayoko na napapahiya ka. Naiinis ako sa tuwing pinagtatawanan at pinag-uusapan ka nila." sagot ko.

"Hayaan mo sila. Wala akong pakialam sa mga sinasabi nila. Gagawin ko ang gusto ko kahit pag-usapan pa ako ng lahat ng tao." giit pa niya.

"Tang-ina na yan!" inis na mura ko.

"Tama na yan. Relax lang kayo okay? Practice game lang to wag masyadong seryosohin." sabi ni Joey.

"Siguro ito na muna ang last game ko sa basketball. Hindi talaga ako para dito. Nakita mo naman hindi ako makapagfocus kasi hindi naman talaga ito ang gusto ko."

Nag-init na ang ulo ko dahil sa sinabi niya. "Fuck! What's wrong with you?" sabi ko.

"What's wrong with you?" balik niya sa akin at in-emphasize pa niya ang bawat kataga.

"Bakla ka kasi kaya hindi ka makafocus sa laro! Anong gusto mo volleyball? Acting? Tang-ina naman kasi Nat pambabae lang mga yun." sigaw ko sa kanya. Kahit ako ay nabigla sa ginawa ko.

Nakita ko sa mga mata niya na nasaktan siya sa sinabi ko. Ilang beses siyang napakurap. Tila ina-analyze sa utak niya ang mga sinabi ko.

Fuck!

Hindi na niya ako sinagot pa. Mabilis niyang dinampot ang bag niya saka na siya patakbong umalis sa lugar na ito.

"Tang-ina. Ano bang problema mo bro?" inis na sabi sa akin ni Errol pagkatapos ay hinabol niya si Nat. Sumunod sa kanya si Kath na galit din akong sinulyapan.

"Magpalamig ka muna bro. Sa nakita ko parang ikaw talaga ang may kasalanan. Fuck! Bestfriend mo si Nat. Kahit ako masasaktan sa mga sinabi mo. Masyado kang below the belt kung bumanat. Kahit malumanay yun kaibigan natin siya. Diba nga ikaw pa ang may gusto noon na kaibiganin natin siya?" mahinahon na sermon sa akin ni Joey.

Kahit papano ay napapaisip din ako sa mga sinasabi sa akin ni Joey. Tama siya ako ang mali kaya kailangan ay makahingi ako ng sorry kay Nat.

"Sundan mo siya bro. Magsorry ka sa kanya bago pa lumala ang problema ninyo." sabi ni Joey.

Tumayo na ako saka ko siya tinapik sa balikat. "Salamat!" sabi ko saka na ako nagmamadaling umalis sa lugar na iyon para sundan si Nat.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This