Pages

Tuesday, July 18, 2017

Ang Kalinaw Sa Pahimakas

By:Joshua Anthony

Nakapangalumbaba lamang ako habang nakapatong ang mga siko sa bukas na bintana nitong sasakyan. Bahagya mang naiinip kakahintay kay Julian na siyang magmamaneho ay pilit ko na lamang nililibang ang sarili at pinagmamasdan ang kaingayan ng paligid.

Dito sa isang munting motel siya namalagi ng ilang araw nang bigla siyang lumayas ng bahay.

Hindi rin naman ako madalas na nakapupunta rito sa Maynila kaya’t nakaaaliw din naman pagmasdan ang mga taong naglalakad-lakad na animo’y parating nagmamadali. Kinagigiliwan din ng aking mga tainga ang ingay ng kalsada dahil sa mga samu’t saring usapan at busina ng sasakyan sa paligid.

Wala rin akong masyadong ideya kung saan mismo ang lugar na ito. Mabuti na lamang at sinagot na ni Julian ang kanyang cellphone nang makarating ako ng bus stop.

Napakahaba ng biyahe; halos masuka ako sa hilo dahil hindi naman ako sanay sa ganoong mga biyahe lalo na’t sa bus pa.

Labis-labis na rin kasi ang pag-aalala naming lahat nang biglang bumalik si Julian dito sa Maynila nang wala man lamang paalam sa aming lahat. Ilang gabi na rin akong hindi mapakali kaya’t naglakas-loob na rin talaga akong lumuwas mag-isa upang muli siyang makita.

Lumingon-lingon ako sa paligid dahil patuloy pa ring nahuhumaling ang aking mga paningin sa panibagong tanawin na hindi ko palaging nakikita. Mataas man ang sikat ng araw, hindi naman ganoon katindi ang init dahil na rin sa dami ng nagkakapalang ulap na paminsan-minsang ikinukumot ng haring araw sa sarili.

Kinuha ko ang aking cellphone upang tingnan kung anong oras na. Lampas alas-onse na pala.

May sumitsit sa akin kaya’t bigla akong napalingon pabalik sa bukana ng motel at nakita si Julian na bitbit ang isang malaking gym bag. Kahit na malaki ay kapansin-pansin na hindi naman ganoon karami ang laman niyon. Marahil ay iilang mga damit lang din ang kanyang nabitbit nang biglaan siyang lumuwas dito.

Sa kanyang paglapit ay patuloy ko siyang tinitigan.
Ang simple niyang pananamit at ganda ng tindig ay ilan lamang sa mga bagay na talaga namang mas nakakapagpa-guwapo sa kanya. May kakisigan si Julian dahil na rin sa kahiligan niyang pagpapapawis sa gym at pagtakbo-takbo sa aming subdivision.

Kaakibat niyon ay ang kanyang katangkaran at pagiging moreno ng balat.

Naalala ko noong kami ay mga bata pa, lagi niyang inihahambing ang kulay ng kanyang balat sa akin at ipagmamalaki na mas malakas daw siya sa akin dahil bukod sa mas matanda siya sa akin ng dalawang taon, ay may kalamlaman daw kasi ang aking pagkamoreno. Biruan lamang naman iyon, alam ko. Mag gunitang nakatutuwang balik-balikan kung minsan.

Katulad ngayon; ngayon ay isang minsan…

“Tagal ba?” tanong niya sa akin nang makasakay na sa driver’s seat. “Kinausap pa kasi ako sa reception desk. ‘Yung relo kong nawala, wala raw talaga silang nakita. Sana nasa bahay lang!”

Nakatingin lamang ako sa kanya at iniisip kung ano ba ang sasabihin. Initsa niya ang bag sa upuan sa likod bago dinukot ang cellphone at wallet sa bulsa at inilapag din sa dashboard ng sasakyan.

“Gutom ka na?” tanong niyang muli. “Drive Thru na lang tayo?”

Nakatingin din siya sa akin habang hinihintay ang aking sagot. Nakangiti at kitang-kita sa balintataw ng kanyang mga mata ang payapang pakiramdam. Iyon ang nais kong makitang muli sa kanya at hindi naman ako nabigo.

Tumango lamang ako at saka rin ngumiti. Aaminin ko, may pagka-ilang pa rin ako na kausapin siya. Hindi ko kasi mawari kung wala na ba talaga sa kanya iyong nagawa kong kasalanan o kung kasalanan ba talaga iyon para sa kanya.

Magulo, oo. Ngunit heto nga’t kaya ako naparito ay para makapag-usap kami.

Ikinabit niya ang seatbelt niya at ikinabit ko rin ang akin. Binuksan niya ang makina ng sasakyan at bago tuluyang paandarin ay iniunat-unat muna ang leeg.

Walang hirap kaming naka-order ng kakainin kaagad dahil mayroon naman na kaming madalas kainis sa paborito naming fast food chain.

Mabilis na kinain ni Julain ang kanyang pagkain dahil ganoon naman talaga siya sa tuwing nagmamaneho; ayaw na ayaw na may ibang ginagawa at nakatutok lamang sa daan. Siyempre, hindi kasama doon ang pakikipag-usap. Madalas niya akong kulitin at tanungin ng kung anu-ano sa tuwing siya ay nagmamaneho dahil mabilis daw siyang antukin.

Hindi katulad kanina ay nakasara na ang mga bintana ng sasakyan.

“Raf,” pagtawag niya matapos uminom ng softdrinks. “Tigil tayo mamaya para sa late lunch.”

“Okay.” sagot ko habang ngumungya pa rin.

“Kamusta sila dun?” tanong niya.

Uminom na muna ako matapos ang huling subo ng kinakain. Marahan din ako umubo upang klaruhin ang boses para sa isasagot.

“Ayun, sobrang nag-alala.” sagot ko. “‘Di ka man lang nag-text o ano.”

Tumawa lamang siya ng mahina at saglit akong nilingon bago muling itinuon ang paningin sa daan.

“Lagot ka rin.” sabat niya. “Mas mag-aalala sila sa’yo! Lalo na mag-isa ka lang lumuwas, loko ka.”

“Akala ko ba kinausap mo na rin si Mama?” tanong ko. “Ba’t lagot pa rin ako?”

“Baliw ka ba?” sagot niya agad. “Malamang, bunso ka!”

“Ganun ba ‘yun?” pasimangot kong tugon at saka bahagyang itinagilid ang sarili upang humarap ng kaunti sa tabing bintana ng sasakyan.

Kahit na sa edad kong ito, aaminin kong abot-abot pa rin ang aking kaba kapag si Mama na ang pinag-uusapan. At oo, mabilis din akong mapikon kapag patungkol sa pagalit sa akin ni Mama ang usapan.

Naramdaman ko ang banayad na paghaplos ni Julian sa aking pisngi.

“Huy.” pagtawag niya. “Nagbibiro lang eh. ‘Di ka na nasanay…”

Nilingon ko siya at saka marahang tinapik ang kanyang kamay, Hindi ko naman ugali ang magpaka-bunso, ngunit kinakabahan lang talaga ako sa magiging usapan namin ni Mama pag-uwi.

“Bakit ka ba kasi umalis?” tanong ko upang mawala sa isip ang takot ko kay Mama.

Ngumiti lamang siya at parang iniisip kung sasagot ba.

“Eto na naman tayo sa mga ganyang galawan eh.” sambit ko.

May pagka-inis sa tono ng aking pananalita, ngunit mas nais kong iparating sa kanya ang aking pag-aalala sa kanyang biglaang paglisan.

“Jul—” naputol ang aking pagtawag sa kanya.

“Hindi ko alam, actually.” bigla niyang sagot.

“A-ako ba?” tanong ko. “Dahil ba sa’kin, Julian?”

Kumukurap-kurap lamang siya habang nakatutok pa rin sa pagmamaneho. Huminga ako nang malalim at saka muling tumingin-tingin sa labas. Papunta sa Timog ang aming tinatahak na daan. Kahit ano pang pagpipilit ay hindi ko talaga alam kung anong lugar na ba itong aming kinaroroonan.

“Kung tungkol ‘to sa lintek na paghalik—”

“Rafael,” bigla na naman niyang sabat. “I don’t wanna to talk about it.” pareklamo niyang dagdag.

Bigla ko ulit siyang nilingon.

“So kailan?” pareklamong tanong ko naman sa kanya. “Jul, ‘di ba ikaw lagi nagsasabi sa’kin na dapat kung pwedeng mapag-usapan eh pag-usapan? Ano ‘to?”

Iniiiling-iling lamang niya ang ulo habang bahagyang nakakunot ang noo.

“Ewan ko. ‘Di ko alam kung kailan…” sambit niya.

“Ngayon…” sabi ko. “Dapat ngayon na, ‘di ba? Right now is all we have.”

Bigla na lamang niya binuksan ang radyo ng sasakyan at saka nilaksan ang volume niyon. Tinitigan ko siya at hinihintay kung papatayin din ba niya iyon. Ngunit hindi. Patuloy lang siyang nakatitingin sa daan at muli na naman akong hindi pinapansin.

“Really?” sambit ko.

Agad ko na lamang pinatay ang radyo at mas humarap sa kanya. Muli niya iyong pinindot upang muling mabuksan, ngunit agad ko ulit itong pinatay.

“Raf!” sigaw niya at saka muling binuksan ang radyo.

“Eto na naman tayo, Jul.” inis kong sabi.

Hindi ko alam kung naririnig ba niya ako dahil sa lakas ng radyo na ayaw niyang ipapatay. Ramdam ko rin ang init ng aking kaliwang tainga dala siguro ng inis.

“Lumayo lang tayo ng lugar, pero ganito pa rin.” pasigaw kong sambit. “You’re just ignoring me again tapos ako, bahala na ako sa sarili kong hulaan kung ano tumatakbo diyan sa isip mo.”

Binalot na rin ng init ang aking mga pisngi dahil sa pagpipigil sa sarili na maiyak. Lumingon ako sa bintana sa aking tabi at nanghihinang sumandal sa aking upuan.

“Hindi ko alam kung anong balak mo ngayon…” mahinahon kong sabi. “I’m so tired of this, Julian.”

Wala akong alam kung naiintindihan ba niya ang mga sinasabi ko, ngunit wala na akong pakialam.

Naramdaman ko ang marahang pagyugyog sa akin ni Julian habang mahina at kalmado tinatawag-tawag ang aking pangalan. Nakatulog pala ako sa aming biyahe.

Nang lubusang magising ay inilibot ko ang paningin sa paligid. Nasa isang pit stop na pala kami at ginising ako ni Julian upang kami ay bumili ng makakain.

Agad ko na lamang tinanggal ang aking seat belt at nauna nang lumabas ng sasakyan.

Sa di kalayuan ay napansin ko ang pagtatalo ng dalawang lalaki. Hindi ko sinasadyang marinig ang kanilang argumento, ngunit parang nagtatalo sila patungkol sa pagkahilo at kamuntikan nang pagsuka noong isa sa kanila habang nasa biyahe. May isa pang lalaki na lumabas mula sa driver’s seat ng kanilang malaking van at siyang umaalalay sa pagtatalo noong dalawa.

Hindi ko mapigilan ang sarili na patuloy silang panoorin dahil namamangha ako sa lalaking huling lumabas. Mukha siyang Aprikanong-Amerikano, ngunit mahusay siyang magsalita ng Tagalog. Marahil ay dito na siya lumaki.

“Seb, para kang gago!” sigaw noong isa sa dalawang nagtatalo. “Nakikita mo ba ang sarili mo ngayon?”

Wala na ako masyadong naintindihan dahil nilapitan na rin sila ng iba nilang mga kasamahan.

“Chismosang kapitbahay?” biglang pang-aasar sa akin ni Julian.

Sinimangutan ko lamang siya at saka nauna nang naglakad sa kanya palayo.

“Joke lang. Masyado ‘to!” sigaw niya at saka humabol sa akin.

Hindi ko siya nilingon dahil inis pa rin ako sa inasal niya kanina. Oo, nais ko pa rin na makapag-usap kami. Pero hindi ko talaga alam kung papaano iyon mangyayari kung hindi naman niya nais na magsalita at kausapin ako.

Bigla na lamang niya akong inakbayan at patuloy na naglakad. Kahit na anong gawin kong simpleng pag-alis niyon, ay hindi madiin pa rin niyang ipinako ang mga braso paikot sa aking magkabilang balikat.

Siopao at mami lamang aking naisipang kainin. Hindi rin naman kasi kami lumaking sanay sa kanin. Mabilisan naming nilantakan ang aming mga pagkain nang hindi nagkikibuan. Pansin ko rin na palaging nakatitig sa akin si Julian habang kami ay kumakain, ngunit hindi ko siya tinitingnan.

Hindi ko alam kung ano ang eksaktong dahilan, ngunit may parte sa akin na nais ipadama sa kanya ang pakiramdam ng hindi pinapansin o kaya ay parang nakikipag-usap sa hangin.

Hanggang sa makabalik kami sa sasakyan at magsimula muling bumiyahe ay hindi ko pa rin pinapansin si Julian. Ramdam ko rin na maging siya ay parang naiilang na magsalita at ako ay kausapin. Ganoon naman palagi, siya pa rin ang makikipagmatigasan kahit na siya ang may kasalanan.

Maliban na lamang kung ako ang mapapahamak o kaya ay ang mapapagalitan.

Naalala ko noon sa tuwing mapapahamak ako dahil sa kalokohan ay agad niyang iibahin ang kwento at saka aakuin ang aking kasalanan—lalo na kapag ang magpapagalit sa akin ay si Papang. Hindi pa man sila nag-uumpisa na ako ay tanung-tanungin dahil sa aking kapilyuhan, ay paniguradong nakabuo na ng panibagong kwento si Julian sa kanyang isipan upang ako ay mapagtakpan. Sa bandang huli, hindi na ako mapapalo o kahit na mapagalitan.

“Okay.” pagbasag ni Julian sa nakabibinging katahimikan. “I’m sorry for ignoring you kanina.”

Hindi ko pa rin siya nililingon.

“Raf, come on.” pagtawag niya habang kinikiliti ako sa tagiliran.

“Ano ba?” inis kong sabi. “Ayaw mong makipag-usap, ‘di ba? Panindigan natin.”

Huminga siya nang malalim. Hindi ko pa man nililingon ay sigurado akong nag-iisip siya ng susunod na sasabihin. Hinihintay ko lamang na mabuo niya iyon sa kanyang isipan at saka muling makapagsalita.

Kasabay ng kahabaan ng daan ang haba rin ng aking paghihintay sa kanyang sunod na sasabihin. Hindi ko mawari kung naiilang lang ba siya o wala talaga siyang maisip na kaya niyang sabihin.

“W-why did you kiss me?” bigla niyang tanong. “M-may nararamdaman ka ba para sa’kin?”

Bigla ko siyang nilingon habang bahagya pa ring nakakunot ang noo.

“Why did you kiss me back?” tanong ko rin sa kanya. “May nararamdaman ka rin ba para sa’kin?”

Muli ay kumukurap-kurap lamang siya.

“Ano?” tanong ko ulit.

“I asked you first!” sagot niya. “Answer me first!”

“Mahal mo ba ako, Julian?” pasigaw kong tanong pa rin.

“Raf—”

“Julian, natural!” bigla kong sabat. “Oo, mahal kita.”

“Hindi pwede, Raf.” sagot niya. “This is so wrong.”

“Is that why you left?” tanong ko.

Pilit niyang ikinakalma ang sarili dahil nauutal na siya sa kagustuhang makapagpaliwanag. Huminga siya nang malalim. Nakatitig pa rin ako sa kanya.

“This is wrong.” sabi niya. “Alam mo naman ‘yun, ‘di ba?”

“But do you love me?” tanong ko.

“It doesn’t matter, really…”

“Do you love me?” muli kong madiin na tanong.

“Raffy…”

“Mahal mo rin ba ako, Julian?” mas mahina at kalmado kong tanong ulit.

Inilapit ko ang aking mukha sa kanya at bahagyang nakangiti kahit na may kalungkutan na nararamdaman. Nais kong ipakita sa kanya na umaasa akong sasagot siya na oo, mahal niya rin ako.

Hindi niya ako sinagot at biglang inihinto ang sasakyan sa isang tabi. Mabuti na lamang at wala na kami sa expressway kaya’t mas madali nang huminto.

“Julian?”

Bigla niyang inialis ang seatbelt at saka lumabas ng sasakyan at naglakad papunta sa likod. Agad ko rin tinanggal ang aking seatbelt at saka lumabas.

Nakita ko siyang nakasandal sa compartment ng sasakyan at nakatingala habang may mga malalim na paghinga. Hindi pa man ako lubusan nakalalapit at bigla na siyang nagsalita.

“Mahal na mahal, Raf.” bigla niyang sabi. “Gusto kitang protektahan sa lahat, kahit noong mga bata pa tayo. Gusto ko ako lang lagi mong kasama, kakampi. Gusto ko rin lagi ka lang nandito sa tabi ko. Kung pwede lang kitang itakas, gagawin ko.”

“Let’s leave then.” bigla kong sambit at mabilis na nagtungo sa tapat niya. “Sasama ‘ko sa’yo kahit saan, Jul. Mahal naman natin ang isa’t isa eh, ‘di ba?”

Nilamukos niya ang kanyang mukha at saka tinitigan ako nang sandali sa mga mata.

“It’s not that easy, Raf.” sabi niya.

“But we love each other…” rason ko.

“Love isn’t enough.” sabat niya kaagad. “If it was, this would not be a problem at all.”

“But why?” tanong ko. “Bakit hindi pwede? Wala naman tayong ginagawang masama; mahal lang natin ang isa’t isa. Tell me, kasalanan ba ‘yon?”

Napayukong muli si Julian at saka huminga nang malalim. Patuloy pa rin sa pagkurap nang madiin marahil ay upang pigilin ang sarili sa pagluha.

“Kahit ano pang rason ang sabihin natin, hindi tayo maiintindihan ng mga tao.” mahina niyang sagot. “Kahit anong paliwanag at pilit na pagpapaintindi sa kanila, mali tayo sa kanilang paningin. Mali ito sa kanilang paningin.”

Hindi ko na napigilan ang sarili at bigla na lang napaluha. Sa kanyang mga mata nakita ko ang isang perpekto at masayang buhay sa kabilang dako—kung saan masaya kaming magkasama at nagmamahalan. Walang panghuhusga ng iba. Walang pangungutya’t pagmamaliit.

Nagpatuloy na ako sa pagluha na nauwi sa malakas na pag-iyak nang makitang maging si Julian ay nagsimula na rin sa kanyang hapis.

Agad niya akong niyakap at tahimik lamang na sumasabay sa aking pagsamo.

Sa tanging mga puno sa paligid at rumaragasang mga sasakyan ang siyang saksi sa pagkakataon ng pagkawasak na ito. Hindi ko alintana kung gaano kalakas ang aking paghagulgol at pagsamo. Ang alam ko lamang ay ang tindi ng sakit na aking nararamdaman na hindi maiibsan kahit gaano pa kahigpit ang yakap sa akin ni Julian.

Hinagpis.
Hapo.
Hapis.

Takipsilim na at siguro ay nasa kalahating oras na lamang ang haba ng aming natitirang biyahe. Kasabay ng pagdilim ng kalangitan ay ang pagkapal ng ulap; pagbabadya ng ulan.

Pagod na pagod ang aking pakiramdam dahil sa labis na pag-iyak kanina. Tahimik lamang akong nakasandal sa aking kinauupuan at nakatulala sa aming tinatahak na daan.

Naglalaro sa aking isipan ang napakaraming mga bagay patungkol sa aming mga buhay. Iniisip kung papaano kami magpapatuloy muli pagkatapos nito.

May parte sa akin na masaya dahil sa wakas ay nalaman ko na rin na pareho naman pala ang nadarama ni Julian para sa akin. Sa kabilang banda naman ay ang labis na kalungkutan. Katulad ng kanyang sinabi, hindi sapat na mahal lamang namin ang isa’t isa. Sang-ayon naman ako sa kanyang paliwanag at tanggap ko iyon. Hindi nga lang ganoon kadaling kalimutan ang pait ng aming tadhana.

Kahit anong pilit na iwaksi sa isipan, hindi ko pa rin maubos isipin kung kailangan ko bang sisihin ang aking sarili dahil dito. Sa bandang huli, wala namang masama kung magmahal ka, hindi ba?

Nag-umpisa nang pumatak ang ulan.

Kasabay ng lamlam ng gabi ang kalungkutan na nakaakap sa aming dalawa ni Julian. Kasabay ng pagpatak ng ulan ang pag-agos ng mga nakatagong luha.

“Aalagan mo ‘tong si White Ranger ha?” biglang sabi ni Julian.

Ako na ang bagong magmamay-ari sa sasakyan niyang ito. Aalis na rin kasi siya papuntang Italya at doon ay magtatrabaho na. Doon na muna siya makikitira sa aming tiyahin na siyang nakatulong niya na makahanap ng trabaho doon.

Siguro ay pagdating na pagdating namin ng bahay ay magbibihis lamang siya at aalis na sila ni Papa pabalik ng Maynila dahil maaga pa bukas ang kanyang flight.

Noong isang araw pa siya nakapag-impake ng mga dadalhin. Tinulungan ko siya at kami ay nakapagpaalam na sa isa’t isa kahit na papaano. Masyadong naging mabigat ang emosyon namin sa mga oras na iyon at ang tanging bugso ng aking damdamin ay ang malaman kung ano ang totoo niyang nararamdaman para sa akin.

Matapos niyang isara ang huling maleta ay naupo siya sa aking tabi at ako ay inakbayan. Ramdam ko noon ang pawis sa kanyang braso na mahigpit na nakayapos sa akin. Hinding-hindi ko malilimutan kung papaanong isinubsob ko ang aking mukha sa aking mga palad habang tahimik na umiiyak sa tabi niya. Marahan niya iyong hinawi at saka ako niyakap nang mahigpit.

Hindi ko tiyak kung papaano, ngunit ang huling bagay na lamang na aking naaalala ay ang paglapat ng aming mga labi sa isa’t isa. Madiin, ngunit banayad.

Iyon din ang huling beses na kami ay nagkita bago nga ako nagpasyang lumuwas ng Maynila nitong madaling araw upang sunduin siya.

Hindi na rin ako nagpaalam kina Papa at Mama dahil alam ko namang hindi nila ako hahayaan na umalis. Tanging tibay ng loob at mga katanungan ang aking kasama nang bagtasin ko ang daan paluwas doon. Ang nais ko lamang ay makausap ang taong pinakamahalaga sa akin.

Ang aking kakampi.
Ang aking tagapagtanggol.
Ang aking pinakamamahal at nag-iisang kapatid.

“Raf,” pagtawag sa akin ni Julian matapos abutin ang aking kamay.

Nilingon ko siya at malungkot na nginitian.

“Aalagaan mo sina Mama at Papa ha?” muli niyang pakiusap. “Dalawang taon na lang naman at makakapagtapos ka rin ng kolehiyo. Kaunting panahon na lamang iyon. And please, don’t worry about me.”

Pinisil niya ang aking kamay at saka marahang binitawan. Hindi ako umiimik.

“You take care of yourself din.” paalala niya. “Ikaw na lang muna magtitimpla ng sarili mong kape sa umaga dahil wala na ako…”

Muli kong napapansin ang pagtaas-baba ng kanyang dibdib at mahinang pagsinghot-singhot. Natatanaw ko na rin ang aming tahanan sa ‘di kalayuan.

“You’ll be okay, alright?” pagsisiguro niya. “You’ll be okay.”

Nang makaparada sa loob ng aming bakuran ay nanatili muna kami sa loob ng sasakyan at inihahanda ang sarili. Hindi ko alam kung para saan ang paghahanda ni Julian, ngunit ako ay naghahanda na huwag magpakita ng kahit na anong emosyon lalo na sa harap ng aming mga magulang.

“Raf—”

Hindi ko na muling pinatapos si Julian sa kanyang sasabihin at bigla na lamang lumabas ng sasakyan.

- W A K A S –

Author’s Note:

“Ang Kalinaw sa Pahimakas” (“The Serenity in the Last Farewell”) is one of the three stories I made last week for a competition (short story category) and talks about the bittersweet aftertaste of having the audacity and valiance to validate one’s own feelings towards a very special person whose presence (and love) isn’t always promised.

This was a very challenging story for me to make because it doesn’t only tackle homosexuality, but also incest. Yes, incest. Apologies for those who are not really into that sort of subject, as I also am so against that. However, as a writer, it is my duty to tell a story—no matter how sensitive the subject required. Yes, a hard pill to swalloe, but I needed to wear these people’s shoes and narrate on their behalf. In other words, magbigay boses sa mga taong nagiging pipi na dahil sa kabingihan ng lipunan.

I chose to share this story here because this is the one that also has a connection to the other stories I submitted here.

I hope you, guys, liked this. I also hope that this would also enable us to question ourselves about how we judge people and put into perspective the reasons of those whom we judge so easily.

Thank you.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This