Pages

Tuesday, July 18, 2017

Ang Tangi kong Inaasam (Part 26)

By: Confused Teacher

“If only you would realize some day, how much have you hurt me,
If only your heart ever, craves for me or my presence…
If only you feel that love again someday for me,
If only you are affected someday by my absence…
Only you can end all my suffering and this unbearable pain,
If only you would know what you could never procure…
If only you go through the memories of past once again,
Since the day you left my heart has bled, no one has its cure…
If only you would bring that love, those showers and that rain…
If only you would come back and see what damage you create,
I’ve been waiting for your return since forever more…
If only you would see the man that you have made,
You said we cannot sail through, how were you so sure?
If only you can feel the old things that can never fade,
You may have moved on, but a piece of my heart is still with you…
I know how I’ve come so far alone; I know how I’m able to wade,
People say that I’m insane and you won’t ever come back again…
Maybe you would have never made your separate way,
Maybe you would have stayed with me and proved everyone wrong…
If only you would know the pain of dying every day,
If only you would feel the burden of smiling and being strong…”

Paul

If, puro ifs, puro sana,  Kung sana hindi ako umattend ng letseng reunion na iyon, Kung sana nakinig ako kay Patrick na umuwi na kami.  Kung sana hindi ako lesenggo. Kung sana hindi ako gago. Kung sana, kung sana.
Kaso wala na kahit isang daan o isang libong sana pa ang bigkasin ko, wala na ring mangyayari.  Narito na, nasira ko na ang anumang magandang binuo namin ni Pat.  Sinira ko ang mga pangarap namin at higit sa lahat sinaktan ko ang pinakamahalagang tao sa buhay ko.
Ngayon ang araw ng aking kasal, ang araw ng pagkamatay ng aking puso. Magdamag halos hindi ako makatulog.  Magdamag akong nakipagtitigan sa kisame at inaalala ang lahat ng magagandang pinagsamahan namin ni Patrick.  Sa kwartong ito habang pinagmamasdan ko ang maamo niyang mukha habang natutulog.  Ang mga paglalambing niya at pangungulit.
Parang nadidinig ko pa.
“Pat mahal mo ba si Kuya?”
“Opo Kuya love na love na love kita”
“Gaano mo kamahal si Kuya?”
“Hanggang langit, hanggang dagat, hanggang sa malayung malayo.”
Naramdaman ko na lamang ang muling pagpatak ng mga luha ko kahit nangingiti ako. Ang sarap sa tenga ng mga salita niyang iyon. Pero ang sakit isiping hindi ko na ulit madidinig iyon.
“Alam ko Pat, kahit napakabata mo pa noon, pinanindigan mo ang mga sinabi mo, minahal mo ako ng totoo. Sorry Baby Pat, hindi ko natupad ang pangako ko sa iyo, hindi ako naging mabuting kuya at lalong hindi naging mabuting boyfriend para sa iyo. At ang pinakamasakit pa ako ang dahilan ng paghihirap mo ngayon.”
“Paul, anak bangon na, magbihis ka na,” boses ni Mama.
“Sige po Ma” malungkot kong sagot sa kanya.
Wala kaming imikan na lumabas ng bahay, Alam ko naiintindihan nila ang nararamdaman ko kaya hindi na rin sila nagsasalita. Alam ko naman na lagi nila akong naiintindihan kaya labis akong nagpapasalamat na sila ang naging mga magulang ko. Sa mga pinagdaraanan ko marahil kung wala sila sa tabi ko baka nagpakamatay na nga lamang ako.
Sa simbahan nakita kong nakatayo sina Ninang at Ninong.  Lumapit ako at yumakap kay Ninang.
“Ninang sorry, hindi ko natupad ang pangako ko sa inyo.  Sinabi kong hindi ko siya sasaktan, pero sinaktan ko pa rin siya. Ninang mahal na mahal ko si Patrick.  Kung may magagawa lamang po ako.” Sinasabi ko sa kanya habang umiiyak.  Wala akong pakialam kung ano man ang sasabihin ng mga taong nakatingin sa akin,
“Alam ko Paul, naiintindihan kita.” Iyon lamang ang isinagot niya. Nagmano naman ako kay Ninong.
“Ninong, pasensiya na po talaga.” Tumango naman siya.
Hindi ko na napansin kung sinu-sino ang mga naroon sa simbahan, ang nasa isip ko nang mga oras na iyon ay matapos na ang lahat at nang makauwi na kami.  Pakiramdam ko pagud na pagod na ako. Ayaw ng gumana ng utak ko.
Nang magsimula ang wedding march, pakiramdam ko ay tugtog sa libing ang nadidinig ko sobrang lungkot.  Ilang ulit kong hiniling na bumuka ang lupa at kainin ako. Wala akong naintindihan sa lahat ng sinasabi ng pari na nagkakasal ang tanging nasa isip ko noon ay ang marinig ang boses ni Patrick.  Handa na ako kung sa mga pagkakataong iyon ay darating siya para pigilan ang kasal, papayag ako.  Sasama ako sa kanya at lalayo kami.  Pero hanggang natapos ang seremonya, wala akong nadinig, Tanging malungkot na mga mata lamang nina Mama at Papa ganon din ang nakikita kong mga luha mula kay Ninang.  Hindi ko naman matingnan si Shayne dahil   ramdam na ramdam ko ang galit sa mukha niya.  Kung nakakapatay lamang ang tingin siguro umpisa pa lamang ng ceremony patay na ako. Siya ang maid of honor dahil sabi ni Mitch hindi makakarating ang bestfriend niya na nasa America dahil biglaan ang aming kasal.  Samantalang si Kenzo ay tahimik lamang at laging nakatingin sa akin. 
“Paul  I said you may now kiss your bride.” Narinig kong mahinang sabi ni Father. Parang napahiya naman ako ibig sabihin sinabi na niya at inulit lamang.  Hindi ko talaga nadinig.  “Sorry po Father,” mahina kong sagot sa kanya. Tumango naman siya. 
Humarap ako kay Mitch marahan kong inangat ang belo niya saka bahagyang inilapit ang labi ko sa labi niya.  Narinig ko ang ilang palakpakan ng mga mga tao.  Pinilit kong ngumiti habang kinukunan kami ng picture.  Gusto kong umiyak pero ayokong pag-usapan nila ako. Ayokong gumawa ng eksena dahil alam kong sina Mama at Papa ang unang masasaktan.  Hinayaan ko na lamang at nagpadala sa agos dahil wala na rin naman akong magagawa.  Sana ay panaginip lamang ang lahat ng ito.  Sana hindi ito totoo.  Sana isa lamang itong masamang bangungot. Sana bigla na lamang may gumising sa akin. Iyon ang patuloy kong binubuo sa isip ko.  Sana biglang may gumising sa akin.  Gaya ng madalas mangyari  bigla na lamang akong magugulat saka ko maiisip na panaginip lamang ang lahat.
Sa reception, kahit alam kong imposible umaasa pa rin ako na darating si Patrick.  Madalas pa rin akong nagpapalinga-linga kahit alam kong imposible siyang pumunta.  Pagkatapos ng mga walang kwentang seremonya na hindi ko alam bakit may mga ganon pang kaartehan, nagpasya na akong umuwi.
“Ma, pwede na ba tayong umuwi, gusto ko na pong magpahinga,” bati ko kay Mama paglapit ko.  Hindi ko alam kung nasaan si Mitch, huli kong Nakita kausap yung mga barkada niya.
“Sige anak  uwi na tayo, sasabay na kami ng Papa mo sa inyo, saan ba kayo uuwi sa atin ba o sa condo mo?
“Kahit saan Ma, bahala na po kayo kung saan ninyo gusto.” Sa totoo lamang sa loob ng isang buwan mula nang malaman kong buntis ang babaeng iyon hindi ko pa rin napaghandaan kung saan kami titira.  Maya-maya ay may naisip ako.
“Mas mabuti siguro, doon muna tayo sa bahay, ihanda natin ang mga gamit tapos mula bukas sa Tagaytay na lamang ulit tayo tumira.”
“Sigurado ka ba anak?” si Papa ang sumagot.  Tumango lamang ako.
“Hindi mo ba tatanungun ang asawa mo kung saan niya gustong tumira? Biglaan naman yatang masyado.”
“Hindi na Pa. kung ayaw niya doon e di huwag siyang sumama, kasal lamang naman ang pinag usapan namin diba. Ngayon kung ayaw niya sa ganoong set up nasa sa kanya na iyon..”
“Anak huwag kang pabigla-bigla, pag-usapan ninyo iyan, hindi pwedeng ganyan, magsisimula pa lamang kayo, huwag mo kaming isipin ng Mama mo, kahit saan pwede kami, kung gusto mong bumukod kayo, walang problema sa aming dalawa kaya pa rin naman namin ang aming mga sarili.  Ikaw ang inaalala ko anak.”
“Pa, kung nasaan ako doon din kayo, hindi ko kayo pwedeng iwan.  Huwag kayong mag-alala sa akin.  Kaya ko po ito Pa, basta magkakasama tayo.”
“O ayan na pala si Mitch, makakaalis na tayo.  Mitch halika samahan mo kami, magpapaalam na na tayo sa mga magulang mo gusto na raw magpahinga ni Paul.”
Pagdating sa bahay ay diretso lamang ako sa kwarto ko. Naiwan pa si Mitch sa baba, second  time pa lamang  niyang nakapasok sa bahay namin.  Pinagmasdan kong mabuti ang kabuuan ng kwartong iyon.  Hanggang sa mga oras na iyon hindi ko pa rin mapaniwalaan na nagpakasal na ako.  Hindi pa rin nagsi sink in sa utak ko ang lahat ng nangyari.  Parang ang bilis ng lahat.  Noong isang buwan lamang narito kami ni Patrick nagkukulitan at nagpapaplano sa mga dapat naming gawin.  Yung mga mata niya, ang kanyang halik.  Paano kita makakalimutan Pat, Nahiga ako kahit suot ko pa rin ang aking pangkasal,  Pinilt kong alisin sa isip ko ang mukha ni Patrick habang umiiyak. Alam ko sa mga oras na iyon ay umiiyak siya.  Kahit hindi ko siya nakikita alam kong nasasaktan siya at ang kaisipan iyon ay halos pumatay naman sa akin. Hindi ko mapaniwalaan na kaya kong gawin iyon, ang saktan siya.  Hindi ko matanggap na sa mga oras na iyon nagdudusa siya samantalang wala naman siyang ginawa kundi ang mahalin lamang ko. Iyon na yata ang pinakamasakit na nagawa ko sa buong buhay ko ang saktan si Patrick.
“Pat, sorry, mahal na mahal kita at ikaw lang ang mamahalin ko ng ganito.”
Hindi ko alam nakatulog na pala ako. Dahil sa pagod at sa nagdaang puyat.
“Paul, Paul, gumising ka muna at magpalit ka ng damit para makahiga ka ng maayos. Nang magmulat ako ng mata, nakita ko lamang si Mitch na nakapagpalit na ng damit. Tumayo lamang ako at naghubad ng sapatos inalis ko rin yung aking coat saka bumaba. 
Naupo ako sa sofa at nagbukas ng TV saka ko  napansin na past midnight na pala.  Pinress ko ang remote sa isang lumang English movie pero wala naman doon ang isip ko.  Paano na ako, paano kami magsisimula ano bang klaseng buhay ang naghihintay sa akin ngayong may asawa na ako.  Nanatili ako sa ganoong ayos. Nakaharap sa TV pero malayo ang isip ko.  Pagtingin ko sa relo ko 4:00 am na.  Bumalik ako sa kwarto, nakita ko naman si Mitch na mahimbing na natutulog. 
“Hindi kita mahal alam mo iyon, pero pinilit nyo pa rin ang gusto ninyo, Hindi ko alam kung kaya kong ibigay ang buhay na inaasahan mo.  Sorry Mitch, apelyido ko lamang ang kaya kong ibigay sa iyo dahil kahit kailan, kahit anong mangyari ang puso at katawan ko at buo kong pagkatao ay pag-aari na ni Patrick.  Patawarin mo ako, magiging mabuting ama ako sa magiging anak natin pero hindi ko kayang ipangako sa iyo na magiging mabuting asawa ako.” Iyon ang naibulong ko sa kanya habang tumutulo ang luha ko.
Kinuha ko yung maleta ko at nagsimulang ilagay doon ang aking mga damit. 
“Aalis na ba tayo?” hindi ko napansin nakaupo na pala siya sa kama. Tumango lamang ako.
“Sabi ni Tita, I mean ni Mama, gusto mo raw sa Tagaytay tayo tumira, totoo ba iyon?”  Muli ay tumango lamang ako.
“Pero Paul, narito sa Manila ang work ko baka mahirapan ako kung doon ako mangagaling araw-araw lalo pa sa sitwasyon ko ngayon”
“Kung gusto mo pwede ka namang huwag sumama,  kasi gusto ko talaga doon sina Mama, mahina ang baga ni Mama, hindi siya pwedeng dito sa Manila dahil sa pollution.  Ako naman ay baka sa condo pero uuwi pa rin ako sa Tagaytay kahit twice a week, hindi naman kita pwedeng isama doon kasi sa company iyon.”
“Kung gusto mo Paul sa bahay ka na lamang umuwi tapos kapag pupunta ka ng Tagaytay sabay na lamang tayo para bisitahin sila.” Suggestion niya.
“Bahala na, naka leave pa naman ako ng one month, pagkatapos ng leave ko saka ko na pag-iisipan iyan,  Pero sa ngayon ang gusto ko muna ay sa Tagaytay, gusto kong lumanghap ng sariwang hangin doon.” 
Hindi naman siya kumibo.  Kaya itinuloy ko ang pag iimpake.  Maliwanag na nang lumabas ako ng kwarto, nakita ko lamang si Mama sa kusina.
“Good morning Ma” bati ko sa kanya.
“O anak, nakatulog ka ba ng ayos? Kumusta naman?”
“Yes Ma, ready na po ba kayo? Si Papa nasaan na?”
“Magluluto muna ako at nang makakain tayo bago umalis, ang Papa mo naroon sa kabila magpapaalam daw, alam mo naman yung magkumpareng iyon sobrang close na mula ng dumating ang Ninong mo ay sila lagi ang magkausap kaya ayun maninibago na naman daw siya.”
“Sorry Ma, pati kayo nadadamay sa mga kagaguhan ko.”
“Huwag mo na ngang isipin iyon anak, Ayos lamang naman sa amin doon sa Tagaytay, naalala ko nga ang mga halaman ko doon, sana naman ay hindi pinabayaan ni Berto ipinagbilin ko sa kanyang didiligan yon araw-araw, nag iwan naman ako ng bayad sa kanya.”
 Alam ko namang sinasabi lamang iyon ni Mama para huwag akong mag-alala. Sigurado akong mas gusto niya sa Manila.  Pero may dahilan ako kaya ayokong doon kami tumira. Ayokong araw-araw makita si Patrick dahil lalo lamang akong mahihirapang mag move on kung makikita ko siyang nahihirapan.  Nag-iisip na rin ako kung magreresign ako.  Nangako naman yung Hapon na may-ari ng kumpanya na dati kong pinagtrabahuhan na maari akong bumalik anytime. Sa opisina kasi hindi maiiwasan magkikita at magkikita kami.  Isa pa ay hindi ko talaga alam kung kaya kong makasama sa iisang bahay si Mitch.  Awa lamang ang tangi kong nararamdaman sa kanya higit pa roon wala na talaga.

Patrick

Inabot na kami ng hapon nang magpasyang umuwi.  Pagsakay ko ng kotse saka ko lamang naramdaman ang pagtunog ng cellphone ko.  56 messages at 25 missed calls.  Isa sa maraming missed calls galing kay Mommy.  Tinawagan ko muna siya.
“Diyos ko anak, nasaan ka, kanina pa ako tumatawag sa iyo.  Okay ka lamang ba? Natatarantang tanong ni Mama.
“Ma, wag masyadong OA ha” Natatawang sagot ko sa kanya.  Narinig ko naman ang buntong hininga niya.
“I’m very much fine, Don’t worry.”
“Makukurot talaga kitang bata ka pag uwi mo, nasaan ka ba?” Ramdam ko ang pagkainis sa boses niya.
“Relax ‘Ma, okay nga lamang po ako.”
 “Galing dito si Shayne kanina may usapan daw kayo tapos wala ka naman dito. Kaya lalo akong nag alala”
“Malapit lang Ma, huwag kang mag-alala hindi po ako nagpakamatay, matino pa ang isip ko, pauwi na rin ako, pero mamaya pa ako darating diyan.”
“Ang gulo mo talaga Josh, sabi mo, nasa malapit ka lamang, tapos pauwi ka na pero mamaya ka pa darating nasaan ka bang talaga, susunduin ka namin ng Papa mo”
“Basta Ma. Huwag mo na po akong alalahanin, uuwi din ako mamaya. Relax ka lang sabi ok? Huwag mo na pong idamay si Daddy.”
“Siguraduhin mong uuwi ka ha, hindi kami matutulog ng Daddy mo hanggat hindi ka pa nakakauwi, maghihintay lamang kami dito.”
“Haist, idinamay mo na talaga si Daddy sa pagiging OA mo, ayan dalawa na tuloy ang OA sa bahay.”
“Tumigil ka, kahit anong sabihin mo basta hihintayin ka namin,”
“Sige na po Ma, wala naman akong magagawa, bye, Love you Ma.”
“I love you anak, mag-iingat ka sa pagmamaneho ha.”
Pagkatapos ay si Shayne naman  tinawagan ko ko”
“Hello best friend don’t worry buhay pa ako.” iyon agad ang sinabi ko bago pa siya makasagot.
“Bwisit ka talaga Josh Patrick kung alam mo lamang, kung gaano ako nag-alala sa iyo, nasaan ka ba, magpakita ka nga at sasampalin lamang kita.”
“Paano ako magpapakita sa iyo sasampalin mo pala ako, Pag hindi mo na ako sasampalin, magkita tayo may ikukuwento ako sa iyo.”
“Nako talaga, alam mo ba pati si Kenzo hinahanap ka, pinuntahan yung mga barkada mo sa malapit sa inyo at inalam kung kasama ka?”
“Wow, really concern sa akin ang possessive mong boyfriend? Nakaka amaze naman, haha!”
“Walanghiya ka, nakakatawa ka pa, oo naman, alam mo bang hindi pa yun umuuwi hindi pa nagpapalit ng damit kasi sabi ko pilitin niyang malaman kung nasaan ka, At huwag siyang babalik hanggang hindi ka nakikita.”
“Baliw ka talaga, sige na bye na mag drive na ako pauwi na rin ako kasi si Mommy hinihintay din ako.”
“Josh, sure ka ba na okay ka talaga?”
“Oo naman, bakit?”
“Kasi bakit ganon, diba dapat umiiyak ka? Bakit ang boses mo parang ang saya mo, hindi ka ba nababaliw?
“Haist, nadagdagan na naman ang mga taong OA sa buhay ko. Saan ba talaga kayo ginagawa bakit ang bilis ninyong dumami?” Pero hindi niya pinatulan ang pagpapatawa ko.
“Josh kasi ang imposible lang, ang alam ko kung hindi ka lasing ay umiiyak ka kaya sa mga bar ka hinahanap ni Kenzo.”
“Hoy, luka-luka! Hindi ako lasenggo,  tawagan mo na iyong boyfriend mo at nang makapagpahinga na alam mo namang pagod iyong tao, wala kang consideration”
“Oo na po, basta okay ka lang talaga ha, pupunta ako sa inyo bukas, gala na lamang  tayo isama natin si Tita.”
“Ayy ayoko, may lakad ako bukas, pati sa next week at sa mga susunod na next week.”
“Tse! Babye na. Ingat ka na lamang sa biyahe.”
Napangiti naman ako kahit hindi ko nakikita alam kong nakataas ang kilay nya at inis na inis. Nag drive na ako pero naiimagine ko pa rin ang mukha ni Shayne kapag naasar. Nang makita ko ang tindahan ng paboritong buko pie ni Mommy huminto ako at bumili dinagdagan ko na rin dahil tiyak namang pupunta nga sa amin ang babaeng luka na iyon baka madaling araw pa ay nasa amin na iyon para masigurong hindi ako makakalis.
Kahit sina Mommy at Daddy nagtatanong kung okay talaga ako, alam ko naman sa sarili ko na hindi pa ako okay.  Pero kailangan kong maging okay para sa kanila, alam ko mahabang proseso ang dadaaanan ko pero sigurado ako kakayanin ko rin iyon.  Nang makita ni Mommy ang pasalubong ko, alam niya kung saan ako nanggaling, nakita ko na naman ang lungkot sa mga mata niya.
“Don’t worry Ma kaya ko to, sabi ko po sa yu, lilipas din ito.” Nginitian lamang niya ako bago tumuloy sa kusina para kumuha ng pinggan.  Nginitian ko rin si Daddy bago nagpaalam na aakyat na ako sa kwarto ko.
Pagdating ko sa kwarto tinext ko si Angelika.
“Hi, Josh here!”
“Hi Josh, kumusta nakauwi ka na ba?”
“Yeah, kakarating ko lamang, matraffic uwian kasi.”
“So kumusta ka naman, okay ka lang ba?”
“I’m good, thanks.”
“Thanks saan?”
“Wala, ewan ko basta masaya akong nakilala kita, pati family mo.”
“Same here,”
Iyon ang simula ng araw-araw naming pagtetext at pagtatawagan. Madalas ko ring nakakausap ang makulit na si Chris dahil pag nalamang ako ang kausap ng ate niya ay inaagaw ang phone.
Dahil naka leave si Kuya Paul, ako ang naging temporary na kapalit niya.  Hindi ko ginamit ang office niya dahil ayokong maalala siya.  Bagamat hindi madali sa akin ang trabaho ko dahil bukod sa trabaho niya ay kailangan ko ring gawin ang trabaho ko dati, ayus lamang sa akin mabuti na iyon lagi akong busy at wala ng oras sa pag-iisip ng kung anu-ano sa oras ng trabaho.  Bihira rin naman kaming magkita ni Shayne dahil laging kasama si Kenzo.  Pero minsan-minsan ay sumasabay ako sa kanila sa lunch kaya lang madalas ay ako na ang umiiwas kasi pag nakikita ko silang sweet naalala ko si Kuya Paul. 
Isang hapon nagtext si Angelika na nasa Manila siya, niyaya ko siyang magkita kami sa isang restaurant malapit sa lugar kung nasaan siya.
“Kumusta, bakit ka narito, kasama mo ba sila?” parents niya ang tinutukoy ko pati si Chris na nakasanayan ko na ring kausap at naging close na talaga kami. Ang daldal niya ang dami niyang tanong at kwento kaya nakakatuwa.
“Nope, mag-isa lamang ako, job interview ko at luckily natanggap naman.”
“Really, Congrats, diba Nurse ka?”
“Thanks, Yeah, swerte nga, di na ako nahirapan na mag apply.”
“So decided na talaga kayo na  mag stay dito?”
“Oo, pero si Daddy babalik doon, undecided pa si Mommy pero dahil  si Chris maiiwan dito para mag-aral  for sure hindi na rin sasama si Mommy kunwari lang sabi niya na undecided pa siya. Hindi naman niya pwedeng iwan si Chris especially now magkakawork na ako.”
    “Nice naman.”
Iyon lamang ang nasabi ko.  Habang nakatitig sa kanya.  Ang ganda talaga niya.  Bagay na bagay talaga sa kanya ang name niya para talaga siyang anghel.  Tapos yung lampas balikat niyang buhok parang hindi nagugulo kahit anong galaw niya. Kapag nagsasalita siya hindi ko maiwasan na pagmasdan ang mukha niya.   Mula noon ay madalas na kaming nagkikita.  Tumira siya sa isang condo malapit sa work niya na ayon sa kaniya ay pag-aari ng kapatid ng Mommy niya. Hindi ko alam sa paglipas ng araw unti-unti ko ng nalimutan ang sakit ng pagkawala ni Kuya Paul. Nakatulong din siguro ang hindi niya pagpapakita dahil bago matapos ang isang buwan niyang leave ay nagresign na rin siya.  Wala na kaming naging formal na turn over,  Isang Lunes pagpasok ko nasa table ko na ang lahat ng mga papel na  dapat niyang ibigay sa akin. May mga explanation na rin at sagot sa mga dapat kong itanong.  Nang silipin ko ang opisina niya malinis na ito at wala na ni isang gamit niya.  Napilitan na rin akong lumipat doon kasi may mga kliyente na hindi ko pwedeng kausapin sa opisina namin,
Isang gabi magkausap kami ni Angelika.
“Josh sure ka ba sa sinasabi mo?”
“Six months na rin naman tayong lumalabas, siguro by this time kilala na natin ang isat-isa.”
“Josh natatakot ako aaminin ko mahal kita, unang kita ko pa lamang sa iyo, attracted na ako pero naka move on ka na ba? Wala na ba talaga siya, I mean nalimutan mo na ba siya?”
“I know maiintindihan mo ang  sasabihin ko, hindi ko pa siya nakakalimutan, sabi ko naman sa iyo malalim ang pinagsamahan namin.  Pero yung umasa na magiging kami pa, hindi na,  imposible na iyon. May sarili na siyang buhay, at hindi na kami nagkita mula nang makasal siya, siguro ganon din naman siya e, ayaw na niyang magulo ang buhay namin pareho. Matagal ko ring pinag-isipan ito at ngayon sigurado na ako sa nararamdaman ko.”
“Sana Josh totoo iyang sinasabi mo kasi ayoko ng masaktan, nakakapagod rin ang umiyak.  Sana hindi ka magbago, huwag mo akong lolokohin ha, kasi magkaibigan naman tayo diba?”
“Huwag kang mag-alala, pag ako nagmahal mahal ko talaga at hindi ko kailanman sasaktan ang taong mahal ko.”
“I love you Josh.”
“I love you Angel.”
Iyon ang simula ng bagong chapter ng buhay ko, Natapos na ang isang chapter na puno na luha at panghihinayang.  Nagbago ito sa pagdating ng isang anghel. Isang anghel na nagturo sa akin ng bagong kahulugan ng buhay. Isang anghel na nagbigay ng bagong description ng love. Akala ko noong una ay pinipilit ko lamang ang sarili kong mahalin siya.  Natatakot akong baka ginagamit ko lamang siya para makalimutan si Kuya Paul.  Pero hindi.  Totoong masaya ako kapag kasama siya, yung mga  ngiti niya.  Yung paghawak niya sa braso ko ay may dalang maliliit na kuryenteng nagpapabuhay sa aking dugo.  Kapag tinitingnan ko ang kanyang mga mata, tanggap kong handa akong makasama siya habang buhay.
“Salamat po Diyos ko at hindi mo ako pinabayaang malungkot ng matagal.” Iyon ang madalas kong ibulong sa aking sarili kapag kasama siya.
Sa kakakulit ni Shayne pinagbigyan ko siyang makilala si Angel. Natatakot si Angel dahil sinabi ko sa kanya kung gaano katagal naging parang kami ni Shayne pero inamin ko naman sa kanya na minahal ko si Shayne bagamat higit sa isang kaibigan pero hindi talaga umabot sa puntong naging kami.
“So you are Angel?” sagot ni Shayne pagkatapos ko siyang ipakilala. Tumango si Angel pero ramdam kong kinakabahan siya hindi ko alam kung nahihiya o natatakot.
“Finally na meet ko rin ang taong bumasag sa pusong bato ni Josh Patrick”
           “Glad to meet  you Shayne, Josh had so many stories about you” sagot ni Angel pagkatapos ng kanilang beso-beso. Pero halata pa rin ang kaba.
“Talaga? Please Angel, yung magaganda lamang ang papaniwalaan mo, alam mo iyang boyfriend mo gwapo lamang iyan, pero wala iyang puso kung meron man pusong bato”
“Shayne, ano ba? Para namang hindi ako kaharap kung ilaglag mo ako.” Bulyaw ko kay Shayne, Para namang nahimasmasan si Angel nang marinig kung paano kami mag-usap n Shayne. Tawa na siya nang tawa.
“Shut up Josh Patrick saka hindi mo naman kailangang madinig ang pag-uusap namin, hanapin mo si Kenzo don sa labas, nanghuhuli iyon ng lamok don.”
“Ang sama mo talaga! Hindi ko alam kung tama na ipinakilala ko siya sa iyo.”
“Di ba ang sabi ko gusto kong makilala ang girlfriend mo, mag-uusap kami hindi ko sinabing kasali ka kaya don ka kay Kenzo, mag boys’ talk kayo don dahil may girls’ talk kami dito, hala alis na.”
Wala naman akong nagawa kasi hinila ako ng amasona patayo saka itinulak palayo sa kanila.  Nakatingin lamang sa akin si Angel hindi alam kung ano ang sasabihin. Putek na babae talaga ito wala pa ring ipinagbago.
“Tatawagin namin kayo kapag kakain na, o kaya naman ay pagkatapos naming kumain para bayaran ninyo na lang.” Pahabol pa niya. Napakamot lamang ako ng ulo. Hinanap ko si Kenzo sa labas nakita ko naman agad nakasandal sa kotse niya.
“Ano boi, pinaalis ka ng best friend mo?”
“Baliw talaga ang babaeng iyon, kakainis.”
“Sinabi naman sa akin kanina na dito na lamang ako dahil lalabas ka rin, kakausapin daw niya ang girlfriend mo na sila lamang dalawa.”
“Haist, sira ulo talaga yun, hayaan ko na nga lang,  wala rin namang mangyayari kung kokontra ako.”
“Tama,  Kaya ako sinasakyan ko na lamang din ang topak niyan kasi mahal ko kahit ganon iyon.”
“Siguraduhin mo lamang na hindi mo lolokohin si Shayne ha, kasi kahit ganon iyon mahal ko yun, hindi lang bilang kaibigan, parang kapatid na talaga ang turing ko don. Kaya huwag na huwag mong sasaktan yun, hahuntingin kita kahit saan ka magtago”
“Kaya pala magkaibigan kayo parehas kayong bayolente.” Sabay tawa ng malakas.
“Kaya huwag mong babalakin na magloko bro.” nakangiti ko ring sagot sa kanya.
“Pero Josh maiba ako. Mahal mo ba talaga si Angel? I mean yung totoo naintindihan mo naman ako diba?
“Ang ibig mo bang sabihin kung hindi ko siya ginagamit bilang panakip butas? Na baka front ko lamang iyon para pagtakpan iyong nararamdaman ko para kay Kuya Paul?, o ang worst para hindi isipin ng mga tao na  lalaki ang gusto ko?”
“Grabe ka pala! Ang straight to the point mo pare. Ganyan ka ba talaga?” Napangiti naman ako hindi ko masabi na nahawa na ako sa girlfriend mo sa haba ng panahon na magkasama kami ganito talaga kami mag-usap  diretsuhan.
“Honestly naisip ko na rin naman iyan, at alam kong maiisip ninyo rin ang ganoon. Oo nong una, habang nagiging close kami naramdaman ko mas madali kong nalilimutan ang masakit naming pinagdaanan ni Kuya Paul. Kaya hinayaan ko ang sarili ko. Naging okay kami at masayang magkasama pati family niya.  Naging magkaibigan kami pero habang tumatagal nagbago na, naramdaman ko iba na yung nararamdaman ko para sa kanya.  Kaya nong sabihin ko sa kaniya na mahal ko siya sigurado na ako sa sarili ko mahal ko talaga siya.”
“Kahit naman siguro sino ma iinlove sa kanya.  Ang ganda niya pare super sweet pa. Ang swerte mo talaga lapitin ka ng magaganda, minsan itinuro ni Shayne sa akin yung first girlfriend mo ang ganda rin non pare”
“Ah si Joyce!” maikli kong sagot sa kanya. Tumango naman siya.
“Kumusta na pala si Kuya Paul, saan na siya nag wo work?” pag-iiba ko ng tanong.
“Don sa dati niyang employer yung Japanese.  Inaalok nga raw siyang mag abroad.  Ewan ko ron pag-iisipan pa raw niya. Okay naman daw ang sweldo niya dito.  Hindi rin kasi maiwan ang parents niya.  Hindi niya magawang ipagkatiwala kay Mitch dahil wala raw amor sa mga magulang niya kaya natatakot ang loko. Pabagu-bago rin kasi ang isip non, dati pagkatapos na mag resign sabi sa akin mag aabroad daw siya, last time na kausap ko, iba na ang sinasabi.”
“Namiss ko tuloy sina Tita at Tito, ang tagal ko na silang hindi nakikita,”
“Hayaan mo ikukumusta kita pag nakapasyal ako don sa kanila, Alam ko namang wala kang balak na pumunta don.” Sasagot pa sana ako nang biglang mag ring ang phone ko.
“Hoy mga pangit, pumasok na kayo, naka order na kami kain na tayo baka kinain na kayo ng mga lamok diyan.” Iyon lamang ang narinig ko bago pa ako makasagot.
“Tara na pasok na tayo tapos na raw mag-usap yung dalawa. Pwede na raw tayong pumasok.”
 Napatawa na lamang kami parehas dahil para kaming tanga, Haist kelan kaya magbabago ang katapangan ng babaeng iyon.  Akala ko pa naman pag nagka boyfriend ng totoo magbabago na hindi rin naman pala.
“So kumusta naman ang interrogation?’ nakangiti kong bati sa kanila.
“Well, maupo na kayo at kakain na tayo,” sagot ni Shayne, Tiningnan ko naman si Angel, mukhang happy naman siya at relax na relax.  Ang ganda talaga niya, yung lips niya parang fresh cherry ang itsura.
“Hoy, Josh Patrick, hindi nabawasan iyang girlfriend mo kung makatitig ka naman parang kinikilatis mo talaga kung may nangyaring masama ano?
“Ewan ko sa yo, bro, pede bang pumikit ka muna?” baling ko kay Kenzo
“Bakit?” nagtataka naman niyang tanong.
“Sasapakin ko lamang iyang girlfriend mo, nakakainis na” 
Hahatawin sana ako sa braso gaya ng madalas niyang ginagawa nang  mapansin namin ang dalawang waiters na may dalang trays.
“O sige, pag natapon yung dala ng mga iyan, lagot ka’”
“Napapailing lamang ang dalawa sa aming asaran.”
“Masungit iyang boyfriend mo.”  Muling sabi ni Shayne na nakatingin kay Angel.
“Shut up Shayne,”
“Hindi pala masungit, sobrang masungit, mayabang at suplado”
“Puros negative?” nakangiting taong ni Angel.
“Kenzo itatali ko iyang girlfriend mo.”
“Mabuti pa nga bro, sige ihanap kita ng pantali.” pagkampi naman sa akin ni Kenzo.
“Kenzo, gusto mong maglakad pauwi sa inyo?”
“Bro sabi ko sa iyo tumahimik ka na e” nahihiyang biro sa akin ni Kenzo.
“Takot ka talaga sa amasonang iyan? May kilala akong mangkukulam. Gusto mo samahan kita?” Binato naman ako ni Shayne ng kutsara buti nakailag ako.
“Nakakaaliw pala talaga kayong kasama. I am sure hindi ako nagkamali ng desisyon ko” nakangiting sabi ni Angel sa akin. Tinitigan ko siya.
“I love you Angel.” Sagot ko sa kanya
“I love you too Josh” bahagya ko siyang kiniss sa lips niya.
“Hoy don kayo sa motel kung maglalandian kayo huwag dito. Ayoko ng nakakakita ng ganyan sa harapan ko!” Sigaw ni Shayne. Tawa lamang ako si Angel naman tumungo parang napahiya.
“Shayne, pwedeng pa kiss din ako isa lang, di ka ba naiinggit sa kanila?” pagmamakaawa ni Kenzo habang lumalapit na parang iki kiss na si Shayne..
“Sapak gusto mo, bibigyan kita kahit ilan” biglang urong naman ni Kenzo at bumalik sa upuan niya.
Nagkatawanan lamang kaming lahat at itinuloy ang pagkain. Ang dami pa naming napagkwentuhan pero ang mahalaga sa akin ay magkasundo si Angel at si Shayne kahit papaano ay hindi ako mag-aalala.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This