Pages

Tuesday, October 17, 2017

At Your Service Nikko (Part 12)

By: Lonely Bulakenyo

“Hindi ito ang buhay na pinangarap ko pare. Wala lang talaga akong magawa.” Yan ang patuloy na umaalingawngaw sa isip ko mula nang pumasok sa loob ng airport si Derek.

Masakit sa akin ang paghihiwalay namin.  Pero ang mas nakakasama ng loob ay sa kabila ng pagiging matalik naming magkaibigan ay wala akong magawa sa sitwasyon niya.  Para akong inutil.  Alam ng Diyos kung gaano ko kagusto na pigilan ang kaibigan ko pero tulad niya ay wala din naman akong magagawa.  Sa ngayon, ang tanging magagawa ko lang ay ang magtiis, magtiyaga at tuparin ang ipinangako ko sa matalik kong kaibigan.

“Okay ka lang?” ang tanong sa akin ni Tristan na hindi ko halos narinig dahil sa lalim ng iniisip ko.

“Huy!” ang muli niyang sabi sabay tapik sa balikat ko.

“Ha?” ang agad kong tugon ng maramdaman ko ang pagtapik niya sa akin.       .

“Tinatanong kita kung okay ka lang ba?” ang napapangiti at napapailing na sabi ni Tristan.

“Oo naman. Bakit naman magiging hindi?” Ang malungkot na tugon ko sabay harap sa may bintana at titig sa kawalan.

“Gusto mo bang gumala muna tayo para malibang ka naman?” ang tanong ni Tristan.

“Hindi na siguro Tristan.  Hahanapin na ako ni Lola e.  At gusto ko na ding magpahinga.  Sa susunod na lang siguro.”  Ang tugon ko habang nakatulala sa kawalan.

“Sigurado ka ba?” ang muli niyang tanong.  Hindi na ako sumagot pa.  Bagkus ay tumango na lang ako kahit hindi ako nakatingin sa kanya.

“Okay.  Sige.”  ang huling sinabi niya bago niya inunlock ang pinto ng sasakyan niya.

Ang pagtunog ng lock na iyon ang naging dahilan para magising ako mula sa pagkatulala ko at marealize ko na kanina pa kami na nasa harap ng gate ng bahay namin.
“Oh shit!” ang medyo gulat at nahihiya na sabi ko sabay harap kay Tristan.  Bakas sa mukha niya na matatawa siya kaya lang pilit niya itong pinipigilan.

“Alam mo naniniwala na talaga akong hobby mo ang pagtanga.  Expert na expert ka eh.”

“Nakakalunod ang iniisip mo.  Sobrang lalim.  Hindi mo na namalayang kanina pa tayo nandito eh.  Hehehe.” Ang biro ni Tristan sa akin.  Alam ko naman biro lang ang sinasabi niya pero hindi ko naman magawang tumawa dahil sa bigat ng nadadama ko.  Sa halip na tumawa ay seryoso lang akong tumingin kay Tristan.

“Huy. Ano ka ba?  Joke lang naman yun.  Wag kang mapipikon.” Ang pag-aalala ni Tristan sabay dutdot sa noo ko.

“Tristan…”

“Tinatanggap ko na yung offer mo.  Payag na ako sa kursong gusto mo.  Basta huwag mo akong pababayaan ha?”  Ang seryososong sabi ko.

“Seryoso?!?”  ang gulat pero natutuwang tanong ni Tristan.  Sinagot ko lang ito ng tango.

“Yes!” ang masayang sigaw ni Tristan.

“Huwag kang mag-alala.  Ako ang bahala sa iyo.”

“Buti naman at pumayag ka na.”  ang natutuwang sabi niya.

“Narealize ko kasi na may punto ka.  Kailangan kong makapagtapos para makaangat ako sa buhay.  Kailangan ko ng kurso na makapagbibigay ng magandang trabaho sa akin.  Tutuparin ko yung pangarap ko para kay Lola.  Para sa sarili ko.  At higit sa lahat, tutuparin ko ang pangako ko kay Derek.”  Ang seryoso kong sabi kay Tristan habang nakatitig sa mga mata niya.

Binigyan nya ako ng halfsmile at ekspresyong tila ba nagsasabi na nakikita niya sa mga mata ko ang determinasyon kong tuparin ang mga sinasabi ko.

“Good!”  ang nakangiting sabi niya sa akin.

“Sige na.  It’s been a long day.  Kailangan na nating magpahinga.  Lalo ka na.  Kagagaling mo lang sa sakit.”  Ang dagdag pa niya habang nakangiting nakatitig sa akin.

“Dug dug! Dug dug! Dug dug!” ang halos nagwawalang tibok ng puso ko.

Biglang pumasok sa isip ko ang napag-usapan namin ni Karlo.  Ang kabog ng dibdib ko na yun ay tila ba kompirmasyon ng sinasabi niyang pagtingin ko kay Tristan.  Marami man akong hindi maunawaan pero may isang bagay na malinaw sa akin.  Ang lahat ng nangyayari sa akin ay masarap sa pakiramdam.

Nakatitig lang kami sa isa’t isa.  Unti unting nawala ang mga ngiti ni Tristan at napalitan ng pagtataka.  Hindi niya marahil maintindihan kung bakit ako nakatitig sa kanya.  Marahil ay naghihintay din siya ng mga susunod kong sasabihin.  May gusto pa naman akong sabihin sa kanya pero bago yun ay may nais muna akong gawin.  Nais ko sana siyang yakapin.  Alam ko naman na hindi sapat yun para pasalamatan siya sa lahat ng mga ginagawa niya sa akin. Pero pakiramdam ko ay yun ang kailangan kong gawin.  Kaya hindi na ako nagpatumpik tumpik pa.  Agad kong inalis ang seatbelt ko at sinunggaban si Tristan ng isang mahigpit na yakap.  Alam kong nabigla din siya sa ginawa ko dahil hindi agad siya nakapagreact.  Ilang saglit pa muna ang lumipas bago ko maramdaman ang dalawa niyang kamay na humihimas sa likuran ko.

“Salamat Tristan ha?” ang sabi ko sa kanya bago ako kumalas sa yakapan namin.

Agad na kinuha ni Tristan ang isang kamay ko at…

“Huwag mong intindihin yun.  Tulad mo may pangarap din ako.  At isa sa mga pangarap ko ay yung matulungan kita.”

“Alam kong mabigat sa kalooban mo yung paghihiwalay niyo ni Derek.  Sa maniwala ka man o hindi ay sobrang nasasaktan din ako sa nangyari.  Pero lagi mo sanang iisipin na nandito na ako.  Nandito lang ako palagi.  At pangako ko na hindi kita iiwanan.  Hindi kita pababayaan.  Okay?” ang seryosong sabi ni Tristan sa akin sabay himas sa kamay ko.

“Salamat talaga, ha?” Ang tugon ko habang nakangiting nakatitig sa kanya.

“Tama na ang drama.  Sige na!  Magpahinga ka na.  Text text na lang tayo.” ang huling sinabi ni Tristan bago ako bumaba ng sasakyan niya.

Walang tao sa ibaba ng bahay nung pumasok ako.  Nasa itaas na sigurado si Lola at nagpapahinga.  Kaya dumeretso na ako sa kuwarto ko.  Agad akong nagpalit ng damit.  Mag-aalas-otso na.  Medyo kumakalam na din ang tiyan ko sa gutom pero saglit muna akong nahiga sa kama ko para magpahinga.  Ilang saglit pa ay tumunog ang phone ko.  Isang message mula kay Derek.

DEREK BFF (7:58 pm)
“Pre, dito na ako. Halos kakababa ko pa lang ng eroplano. Hintay ko na lang si Papa.  Sana nakauwi kayo ng maayos ni Tristan.”

Agad ko siyang tinawagan.  Pero hindi niya ito sinagot.  Apat na beses ko ding sinubukan pero hindi talaga niya sinasagot.  Ilang saglit pa ay muli siyang nagtext.

DEREK BFF (8:10 pm)
“Pasensya ka na Pre kung hindi ko sinasagot.  Baka kasi dito pa ako magngangalngal kapag narinig ko ang boses mo.  Alam mo namang kanina pa ako nagpipigil di ba?  Hehehe.  Kailangan ko munang mag-adjust siguro.  Huwag kang mag-alala, tatawag ako agad kapag okay na ako.  Ingat ka diyan.  Baduy mang sabihin pero miss na agad kita Pre.  Hehehe.  Huwag ka nang magreply parang awa mo na. =)”

Hindi na ako nagreply pa sa message ni Derek.  Alam ko kasing mabigat na mabigat ang kalooban niya ngayon.  Alam na alam ko ang pakiramdam na nasa sitwasyon kang alam mong wala kang magagawa kundi pikit matang tanggapin ang kapalaran mo.

Halos napapapikit na ang mga mata ko sa antok nang biglang may kumatok at tumawag mula sa labas ng kwarto ko.

“Nikko, apo!” ang tawag ni Lola habang kumakatok sa pintuan.

“Bukas po yan ‘la.”  ang sagot ko.  Agad na bumukas ang pinto at pumasok ang lola ko.

“Buti naman at nandyan ka na.  Kanina pa ako naghihintay.  Kakadating mo lang ba?”  ang tanong ni Lola sabay upo sa tabi ko.

“Opo ‘la.  Kakadating lang.  Inabot po kasi kami ng traffic ni Tristan sa EDSA kaya ginabi na kami ng dating.”  ang sagot ko habang nakahiga pa rin.

“Ganun ba?  E kumain ka na ba?” ang tanong ni Lola habang hinihimas ang ulo ko.

“Hindi pa po.  Nagpapahinga lang po muna.”  Ang sagot ko.

“Ay naku.  Bumangon ka muna diyan at nang makapaghapunan ka.  Baka magtuloy tuloy ang tulog mo.  Mahirap yung natutulog ng gutom.  Bumangon ka na dyan.  Ipaghahanda kita ng kakainin mo.”  Ang huling sinabi ni Lola bago siya tumayo at lumabas ng kwarto.

Sa totoo lang, kahit na kumakalam ang sikmura ko ay tila ba wala akong ganang kumain.  Halos hindi ako makatayo sa kinahihigaan ko.  Sobrang mabigat talaga ang pakiramdam ko.  Pero ayaw ko naman ipakita kay Lola na sobra akong apektado dahil alam kong mag-aalala siya sa akin.  Kaya pinilit ko na lang ang sarili kong makatayo at dumerecho palabas ng kwarto.

Esaktong paglabas ko ay nakalagay na ang plato, kubyertos at baso sa lamesa.  Nagsasandok ng kanin si Lola kasabay ng pagpapainit ng sinigang na baboy na niluto niya.  Halos pabagsak akong naupo sa upuan.  Dumaudos ito ng kaunti na agad na narinig ni Lola.

“Huy Apo, okay ka lang ba?” ang tanong ni Lola na tangan ang isang pinggan ng kanin habang palapit sa akin.

“Sorry po.  Napatid ko po kasi yung paa ng upuan.”  Ang palusot ko.

“Ah ganun ba?  Sandali na lang yung ulam mo.”  Ang sabi ni Lola sabay lapag ng kanin sa lamesa at balik sa kalan para silipin ang iniinit na ulam.

Eto na naman ako.  Nakatitig na naman sa kawalan.  Pumasok na naman kasi sa isip ko si Derek.  Nagsisimula na namang umalingawngaw sa isip ko ang mga sinabi sa akin ng kaibigan ko.  Lalo tuloy sumisikip ang dibdib ko.  Maliban sa sama ng loob ay nag-iwan din sa akin ng maraming tanong ang pag-alis ni Derek.  At isa sa pinakamalaking tanong ay kung bakit ganun ang pakikitungo  ni Tito Manuel  sa kanya at kung bakit ganun na lang ang galit ni Tito Manuel sa pamilya ni Tristan.  Ilang saglit pa ay bigla akong napatingin kay Lola.  Para bang may bumbilyang nagliwanag sa itaas ng ulo ko.  Naisip kong pwedeng masagot ni Lola ang mga katanungan ko.  Kaya…

“Lola…” ang bungad ko.

“Oh? Bakit?”  ang tugon ni Lola habang nagsasandok ng sinigang.

“May itatanong lang po sana ako.”  ang sagot ko.

“Ano yun apo?” ang tanong niya sabay lagay ng takip ng kaserolang pinaglutuan niya ng ulam namin.

“Hindi ko po kasi maintindihan eh.”

“Ano po ba ang naging kasalanan ni Derek para itrato siya ng hindi maganda ni Tito Manuel?”

“At ano po ba ang dahilan ng galit niya sa pamilya ni Tristan?”  ang tanong ko habang pinagmamasdan ang paglapit ni Lola sa lamesa na tangan ang mangkok na may ulam.

Biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Lola.  Halatang siyang nagulat sa mga  tinanong ko.  Saglit siyang napaisip bago inilapag ang tangan at naupo sa harap ko.  Nagbuntong hininga muna ito bago nagsalita.

“Apo…  May mga bagay na mas makakabuti sa iyo kung hindi mo na malalaman pa.  Kaya kumain ka na lang.”  ang seryosong sabi ng Lola ko.

“Pero Lola…”  hindi ko na natapos ang sinasabi ko dahil agad na nagsalita si Lola.

“Apo, alam kong masama ang loob mo sa pakakahiwalay ninyo ni Derek.  Kahit ako ay nalulungkot din naman.  Kaya lang wala na tayong magagawa.  Yung ang desisyon ni Manuel at kailangan nating irespeto yun.”  ang seryoso pa ding sabi ni Lola.

Hindi na ako nagsalita pa.  Nagsimula na lang akong kumain.  Lalo tuloy sumama ang loob ko dahil mukhang hindi masasagot ang mga tanong ko.  Kaya sa bawat pagsubo ko ay may kasunod na pagbuntong hininga.  Nagsimula na din mamasa at mamula ang mga mata ko.  Parang gusto kong umiyak.  Agad itong napansin ni Lola.

“Apo.  Huwag ka namang ganyan.  Nakukunsensya tuloy ako.”  ang naaawang sabi ni Lola sa akin.  Hindi pa din ako umimik.  Bagkus ay pinunasan ko na lang ng suot kong sando ang mga luha kong malapit nang bumagsak.

“Hay naku Apo.  Hindi ko kayang tiisin na makita kang nagkakaganyan ka.”

“Sige na.  Huwag nang sumama yang loob mo.”

“Sa ikakapanatag ng isip mo… sasagutin ko na ang mga tanong mo.”

“Tutal malaki ka na naman at maiintindihan mo na ang lahat.”

“Basta ipangako mo lang sa akin na wala kang pagsasabihan.  Lalong lalo na sa dalawang kaibigan mo.”  ang pakiusap ni Lola na agad ko namang sinang-ayunan.

Saglit na tumahimik si Lola at nag-isip.  Halata sa mukha niyang iniisip mabuti ang mga sasabihin sa akin.  Agad kong hininto ang pagkain ko at nag-abang ng mga sasabihin ni Lola.  Ilang saglit pa ay humugot ng malalim na hininga si Lola bago ito nagsimulang magkwento.

“Matalik na magkakaibigan ang tatay mo, si Manuel na tatay ni Derek at si Jaime na tatay naman ni Tristan.  Maloloko ang mga bata na yan nung kabataan nila.  Sobra! Kahit hindi sila ang nagsisimula ay lagi silang nasasangkot sa gulo.   Hindi ko naman masasabi na mga siga silang tatlo dito kasi wala naman silang inaargabyadong mga tao.  Basta ang alam ko lang ay maraming kabataan nun ang takot sa kanila.  Maging yung mga kabataan sa kabilang baranggay ay ilag sa kanila.  Makailang beses na din akong napatawag sa baranggay dahil sa kalokohan ng tatay mo at nung dalawa.”

Medyo napangiti ako.  Dahil sa unang pagkakataon mula nang mamatay si Papa ay hindi ako nakakarinig ng kahit ano mang kwento tungkol sa kanya.  Bilang anak na lalaki ay masarap isipin na astig pala ang tatay ko nung kabataan niya.

“Pero sa kabila ng lahat ng sakit ng ulo na ibinigay nila sa akin ay sobra akong humahanga sa samahan nila.  Ni minsan kasi ay hindi nila pinabayaan ang isa’t isa.  Hindi nila iniwan ang bawat isa.  Kapag isa ang naargabyado ay siguradong reresbak ang dalawa.  Ang kaaway ng isa ay kaaway ng lahat. Higit pa sa magkakapatid ang turingan nila.  Sa lalim ng pagkakaibigan nila ay hindi mo iisipim na may kung sino man na makakatibag sa kanila…”

“Hanggang sa dumating dito si Alicia.”  ang sabi ni Lola.

“Si Tita Alice po?”  ang tanong ko.

“Oo.  Yung nanay ni Derek.” ang sagot ni Lola.

“Napakagandang babae ni Alicia.  Masayahing tao.  Maayos ang pamilya.  Agad na nabighani si Jaime sa kanya.  Niligawan niya si Alicia.  At dahil nga sa maayos at mayaman ang pamilya ni Jaime ay agad na pumabor ang mga magulang nito sa kanya.  Kaya lang hindi naman basta basta na babae itong si Alicia.  Ilang buwan din na nanligaw itong  si Jaime sa kanya.  Kinilala muna niya ang manliligaw bago niya sinagot.”

“Unang naging magkasintahan ang tatay at nanay mo bago maging magkasintahan si Jaime at Alicia.  At dahil wala pang nobya itong si Manuel, siya itong laging tampulan ng tukso.  Napipikon man e hindi na lang umiimik si Manuel.”

“Pero ang hindi alam nung dalawa ay may lihim na pagtingin pala itong si Manuel kay Alicia.  Gusto din sanang ligawan ni Manuel si Alicia kaya lang naunahan siya ng kaibigan niya.  May usapan kasi silang tatlo na kapag may nauna ay magpaparaya ang dalawa.  At itinaga din nila sa bato na kailanman ay hindi sila mag-aaway ng dahil sa isang babae.”

“Ang problema, hindi magawang pigilan ni Manuel ang nararamdaman niya.  Kaya pasimple itong dumiga kay Alicia.  Nuong una ay hindi na lang siya pinapansin ni Alicia.  Kaya lang ay umabot na sa puntong makulit na si Manuel at naiilang na siya sa mga ginagawa nito sa kanya kaya isinumbong na niya kay Jaime ang ginagawa ni Manuel.  Pero hindi naman nya ito pinaniwalaan kasi nga may usapan na silang magkakaibigan.  Inisip ni Jaime na igagalang ni Manuel ang usapan nila.”

“Hanggang isang araw ay kumalat na lang ang balita na buntis si Alicia.  At ang masama ay hindi si Jaime ang ama.”

“Kundi si Manuel.”  ang napapailing na kwento ni Lola.

“Huh?  Paano po nangyari yun e si Tito Jaime at Tita Alice ang magkasintahan, di po ba?” ang nagtatakang tanong ko.

“Sabihin na lang natin na ginalaw ng Tito Manuel mo ang Tita Alice mo ng walang paalam.”  ang paliwanag ni Lola.

“Parang ginahasa po?” ang derechang tanong ko.

“Susmaryosep Apo.  Ayoko sanang gamitin ang salitang yan pero ganun na nga.”  ang medyo naiilang na sabi ni Lola sabay sign of the cross.

Hindi ako nakapagsalita ng dahil sa pagkabigla.  Hindi ko maisip na magagawa yun ng tatay ni Derek sa matalik na kaibigan niya.  Hindi ko malaman ang mararamdaman ko.  Halo halo ang emosyon ko.  Pero kahit papaano ay nasasagot na ang isa sa mga tanong ko.

“Ang masama pa nito ay iba ang kumalat na balita dito sa atin.  Inisip ng mga tao na malandi itong si Alicia. Na mababang klase daw na uri ng babae.  Dahil pareho inakit daw niya yung matalik na magkaibigan.”

“Hanggang sa malaman ni Jaime ang totoong nangyari.  Ilang araw din na hinanap ni Jaime si Manuel.  At sa kasamaang palad ay dito pa sila mismo sa bahay nagpantagpo.” Ang sabi ni Lola habang inaalala ang pangyayari.

“E di malaking gulo po?”  ang agad na tanong ko.

“Aba e oo naman.  Halos mapatay ng Tito Jaime mo si Manuel.  Buti na lang at nagawang mapigilan ng tatay mo si Jaime.  Kung nagkataon ay baka matagal nang patay si Manuel.”  ang sabi ni lola na kinikilabutan habang inaalala ang mga pangyayaring iyon.

“Ano pong sabi ni Papa?”  ang muli kong tanong.

“Kailanman ang tatay mo ay hindi kumiling kahit kanino sa kanila.  Hangga’t maaari ay gigitna siya.  Pero maprinsipyo ang tatay mo.  Kailanman ay hindi niya kukunsintihin ang mali.  Kaya pinagsabihan niya ang Tito Manuel mo.”

“Ang masakit ay minasama ni Manuel ang ginawa ng tatay mo.  Inakala niyang kumakampi ang tatay mo kay Jaime.  Kaya nagalit din ito sa kanya.  At simula nuon ay hindi na sila nagkaayos pa.”

“Kahit na labag sa kalooban ni Alicia at ng pamilya niya ay nagpakasal pa din siya kay Manuel.  Pumayag na din yung mga magulang ni Alicia para mailayo ang pamilya niya sa kahihiyan.”

“Natapos ang kasal.  Nagsama ang dalawa.  Ginawa naman ni Manuel ang lahat para matanggap siya ni Alicia.  Nagtrabaho siyang mabuti para maitaguyod ang kanyang pamilya.”

“Hanggang sa malaglag ang dinadala ni Alicia.  Kumalat sa baranggay natin yung balitang iyon.  Na nakunan siya.  Pero….” biglang napahinto si Lola.  Tila ba nagkukuli kung itutuloy pa ba ang kinukwento niya.

“Ano po yun, ‘la?’ ang pangungulit ko.  Muling humugot ng malalim na hininga si Lola bago itinuloy ang sasabihin.

“Yung ang alam ng mga tao.  Na nakunan si Alicia.  Pero ang totoo…”  muling napatigil si Lola.  Muling nag-isip kung itutuloy pa ba ang sasabihin.  Bigla akong nagka-idea sa kung ano ang posibleng nangyari kaya agad ko itong sinabi ng malakas at walang pag-aalinlangan.

“Ipinalaglag po niya?!” ang medyo malakas na tanong.

“Shhhhhh!  Apo, hinaan mo ang boses mo.” Ang gulat na sabi sa akin ni Lola.

“Sorry po. Pero tama po ba?” Ang sabi ko sabay takip sa bibig ko.

“Tama ka apo.  Ipinalaglag niya ang bata.” Ang napapailing na sabi ni Lola.

“Sumalangit nawa.”  ang dagdag pa ni Lola kasabay ng isang sign of the cross.

“Pero bakit po?  Paano ninyo po nalaman?” ang nalilito at nagtatakang tanong ko.

“Inamin niya sa akin.  Dala daw kasi ng sobrang galit niya kay Manuel.” Ang sabi ni Lola.

“Pero ‘la, malaking kasalanan po sa Diyos ang ginawa niya.” ang kinikilabutang sabi ko.

“Tama ka apo.  At hanggang sa huling hantungan niya ay pinagbayaran niya ang kasalanang yun.  Maliban sa araw araw na pag-usig ng kunsensiya niya ay tuluyan na din siyang itinakwil ng pamlya niya sa ginwa niyang kasalanan.” Paliwanag ni Lola.

Napatanga na lang ako.  Hindi ako makapaniwala na magagawa ng mga magulang ni Derek ang ganun.  Hindi ako makapaniwala na ganun pala kasalimuot ang kwento ng buhay nila.  Naaawa ako sa kaibigan ko dahil wala siyang kamalay malay.

“Kahit na ganun ang nangyari ay patuloy pa ding nagsama ang dalawa.  Pero naging miserable ang buhay ni Alicia kay Manuel.  Hindi magawang mapatawad ni Manuel si Alicia sa ginawa nito sa anak nila.  Nagbago ang ugali ni Manuel.  Halos araw araw na siyang umiinum mula nuon.  Hanggang sa nalulong na din sa sugal at droga.  Umabot din sa puntong nambababae na si Manuel.  Kahit hirap na hirap ay pikit mata itong tinanggap ni Alicia.  Dahil nga sa alam niyang may kasalanan siya.  Hindi naman niya maiwan si Manuel dahil una, wala na siyang mapupuntahan pa.  At ikalawa, nagawa na din niyan mahalin ang asawa kahit maya’t maya siyang sinasaktan ng Tito Manuel mo.”

“Naaalala ko pa yung mga panahon na pumupunta dito sa akin si Alicia para maglabas ng sama ng loob.  Hindi ko makalimutan nung minsan na dumating siya dito na puro pasa at dugo ang mukha niya.  Halos hindi na niya maidilat ang isang mata niya dahil sa bugbog.  Awang awa kami ng tatay mo sa kanya.  Gusto na nga sana niyang sugurin ang Tito Manuel mo pero pinigilan lang namin.  Baka kasi kung ano pa ang magawa nila sa isa’t isa. Kilalang kilala ko ang tatay mo kapag nagagalit.”

Muling tumahimik si Lola.  Huminga siya ng malalim at inisip ang mga susunod na sasabihin.

“Ilang taon ang lumipas.  Hindi pa din nagka-ayos ang tatlo.  Nagpakasal na ang mga magulang mo. Nagsasama pa din sina Alice at Manuel.  Dumating yung panahon na nagkapatawaran sina Jaime at Alicia.  Naging maayos ulit ang samahan nila pero bilang magkaibigan na lang.  May asawa na din kasi ang Tito Jaime mo nuon.  May tatlong anak na sila.  Magdadalawang taon na yata si Tristan nuon.”

“Madalas na nagkikita dito sina Alicia at Jaime.  Huwag mong isipin apo na kinukunsinti ko.  Hindi naman kasi nila sinasadya eh.  Nagkakataon lang.  Ako naman ang pinupuntahan ni Alicia at ang tatay mo naman ang pinupuntahan ni Jaime.  Inilihim na lang nila kay Manuel yung pagkaka-ayos nila.  Kasi alam nilang hindi niya ito magugustuhan.”

“Nung una, akala ko ay maayos na ang lahat.  Hanggang sa mabuking ni Manuel na nagkaayos na sina Jaime at Alicia at nagkakausap sila dito sa bahay.  Sumugod siya dito at nadatnan pa niyang magkausap yung dalawa.  Sa madaling salita, ay muli na naman silang nagpang-abot.  Wala ang tatay mo nuon, kaya hindi ko malaman kung paano ko sila pipigilan.”

“Mabuti na lang at sumaklolo ang ibang kapitbahay natin.  Nagawang paghiwalayin yung dalawa.” ang napapailing  na sabi ni Lola habang inaalala ang nangyari.

“Matagal din na hindi nakapunta si Alicia dito dahil binabawalan at binabantaan siya ni Manuel.  Akala kasi niya ay kinukunsinti ko yung dalawa.  Ang hindi niya alam ay palagi kong pinagsasabihan sina Alicia at Jaime.  Minsan ko nang sinabihan yung dalawa na huwag na lang magkita para sa ikakatahimik ng mga buhay nila.  Pero naisip ko din na wala naman silang ginagawang masama.  Kaya hinayaan ko na lang.”

“Hanggang isang araw, nabalitaan kong nabuntis ulit si Alicia.  Sobrang galit na galit si Manuel nuon.  May nakapagsumbong sa akin na binubugbog na naman ni Manuel ang asawa.  At dahil nga buntis si Alicia ay natakot ako, baka kung ano ang mangyari sa kanya at sa bata, kaya pinuntahan ko sila sa bahay nila.  Halos nagkakandaiyak si Manuel nung maabutan ko sa kanila.”

“Hala.  Bakit po?” ang nagtatakang tanong ko.

“Niloko daw siya ni Alicia.  Hindi daw siya makapaniwala na nabuntis ang asawa niya.  Siguradong hindi daw siya ang ama nung dinadala niya.”

“Paano daw mangyayari yun?  Ang sabi ni Manuel ay hindi na daw niya ginagalaw si Alicia nung mga panahong iyon.”

“Pero ang sabi naman ni Alicia, paano daw maaalala ni Manuel ang nangyayari sa kanila ay palaging lasing na lasing daw si Manuel kapag ginagalaw siya nito.  ”

“Pilit kong pinapaamin si Alicia pero iginigiit niya na yun daw ang totoo.  Kaya yun ang pinaniwalaan ko.  Dahil kahit na minsan ay hindi siya nagsinungaling sa akin.  At isa pa, iba na kasing mag-isip si Manuel nung mga panahon na iyon.  Dahil lutong luto na sa alak at droga ang utak at katawan niya.” Ang patuloy na napapailing na kwento ni Lola.

“Hanggang sa ipinanganak na nga si Derek. Ipinagbubuntis ka pa ng Nanay mo nun.”

“Alam mo ba apo na dito sa bahay natin ipinanganak ang kaibigan mo?”  ang tanong ni Lola sa akin.

“Hindi po Lola.”  Ang gulat na tugon ko.

“Ako ang katulong nung kumadrona nuon sa pagpapaanak sa kanya.  Diyan pa nga sa kwarto mo siya isinilang.  Wala si Manuel sa bahay nila nung humilab ang tiyan niya.  Nasa bahay daw ng kalaguyo niya.  Kaya nung pumutok ang panubigan niya ay dali dali siyang nagpunta dito.   Natatandan ko pa yung unang beses na makita ko ang mukha nung batang yun…”  muling napatahimik si Lola.  Bakas sa ekspresyon niya na may kakaiba siyang naalala.

“Ano po yun, ‘la?”  ang tanong ko.  Muling humugot ng malalim na hininga si Lola bago itinuloy ang sasabihin.

“Apo, tutal sinasabi ko na sa iyo ang lahat ng alam ko kaya sasagarin ko na.  Matagal ko nang itinatago ito sa dibdib ko.  Ito na ang una at huling beses na sasabihin ko ito.  Basta ipangako mo lang sa akin na wala kang pagsasabihang iba.  Lalong lalo na kina Derek at Tristan.”

“Ipangako mo yan.” Ang seryosong sabi ni Lola.

Nakaramdam ako ng kilabot. Kinakabahan ako sa mga susunod na sasabihin ni Lola.  Kaya inihanda ko ang sarili ko sa mga maririnig ko.

“Pangako po Lola.” Ang sabi ko habang nakataas ang aking kanang kamay.

Pumikit si Lola at huminga ng malalim bago binitawan ang sinasabi niyang matagal na nyang itinatago sa kanyang dibdib.

“Hindi kamukha ni Manuel si Derek.”  Ang pagbubulgar ng Lola ko.

“Ano ‘la?” ang gulat na tanong ko.

“Hindi sila magkamukha.” ang kinakabahang sabi ni Lola.

“Ano pong….”

“Anong hind… hindi…”

“Hindi po sila magkamukha?”

E sino po ang kamukha ni Derek?”  ang nalilitong tanong ko.

Hindi makaimik si Lola.  Ramdam ko na nahihirapan siya. Gustuhin ko man na itigil na ang usapan namin para hindi na siya mahirapan pero namumutawi sa akin ang kagustuhan kong malaman ang totoo.

“May naitatabi ka bang larawan ni Derek?”  ang seryosong tanong ni Lola.

“Meron po.  Nasa cellphone ko.”  ang tugon ko.

Agad na tumayo si Lola at pumanik sa itaas.  Agad naman akong pumunta sa kwarto para kuhanin ang cellphone ko.  Nang makuha ay dali dali akong humanap ng solo picture niya.  Nang makakita ko ay muli akong bumalik sa hapag kainan.

Ilang saglit pa ay bumaba si Lola tangan ang isang lumang litrato.  Muli siyang umupo sa harap ko at huminga ng malalim bago iniabot sa akin ang hawak.

“Ikaw na apo ang humusga.  Ikumpara mo.  Ikaw na ang magsabi kung sino ang kamukha ng kaibigan mo.”  Ang tila ba kinakabahan na sabi ni Lola.  Kinuha ko ang inaabot ni Lola at ito ay sinipat.

Tatlong masasaya na kabataang lalaki ang nasa lumang larawan na hawak ko.  Si Tito Manuel sa kaliwa.  Si Papa ang nasa gitna.  At si Tito Jaime ang nasa kanan.  Magkakaakbay at mga nakangiti habang nakatingin sa camera.  Itinabi ko ang larawan sa picture ni Derek na nasa cellphone ko at sinimulang pagkumparahin.  Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong hindi nga si Tito Manuel ang kahawig ni Derek.  Halos bumagsak ang mga panga ko nung napatingin ako kay Lola

“Lola…. Si…. Si….”

“Si Tito Jaime?”  ang gulat at kinakabahang tanong ko.

“Si Jaime nga.”  ang pagbubulgar ni Lola sabay yuko at hawak sa dibdib niya.

Bigla akong napasandal sa kinuupuan ko. Para akong babagsak sa lupa sa sobrang pagkabigla.  Sa dinami dami ng beses na nakasama ko si Derek at nakita ko si Tito Jaime, ni minsan ay hindi ko napansin na may similarities sila.  Inisip ko din kung may similarities sina Derek at Tristan pero mas kahawig ni Tristan ang Mama niya.  Nagsisimula nang sumakit ang ulo ko kaya pilit kong iwinaksi ang iniisip ko at muling tumuon kay Lola.  Pero nabigla na lang ako nang makita kong nakayuko pa din si Lola at nakahawak sa dibdib nya.  Nagiging mabigat din ang kanyang paghinga.  Kaya agad akong tumayo at lumapit sa kanya.

“Lola, okay ka lang po ba?” ang nag-aalalang tanong ko sabay hawak at himas sa likod niya.

“Okay lang ako apo.” Ang pagsisiguro niya subalit nakahawak pa din siya sa kanyang dibdib.

“Uminum muna po kayo.”  ang sabi ko sabay abot ng isang basong tubig.  Agad itong kinuha ni Lola at ininom.  Matapos nito ay huminga siya ng malalim at biglang humarap sa akin.

“Apo.  Hindi naman ako sigurado kung tama ang iniisip ko.  Baka nagkakamali lang ako.  Baka niloloko lang tayo ng mga mata at isip natin.  At tsaka alam mo naman na medyo malabo na ang mga mata ko di ba? Kaya wag mong masyadong isipin ang mga sinabi ko  at nalaman mo ha?”

“Kung ano man ang narinig at nakita mo ay huwag mo nang ipaalam sa iba.  Ipangako mo yan.” ang pakiusap ni Lola.  Tumango na lang ako. Pero hindi ko pa din maiwasan ang mag-alala.

“Sige na Apo  Ipagpatuloy mo na ang pagkain mo.  Kailangan ko na sigurong magpahinga.  Medyo napagod ako sa pananahi kanina.

“Alalayan na po kita.” ang nag-aalala pa ring sabi ko.

“Hindi na.  Kaya ko na.  Ikaw na ang bahala dito.  Ipasok mo na lang sa ref yung matitira mo para hindi mapanis.” Ang huling sinabi ni Lola bago niya kinuha sa akin ang lumang larawan at pumanik sa itaas.

Halos kalahati pa lang ang nakakain ko pero nawalan na ako ng gana.  Sino ba naman ang gaganahan sa nangyari at sa mga nalaman ko ngayon.  Alam ko na ang dahilan kung bakit galit si Tito Manuel kay Tito Jaime.  Alam ko na din ang dahilan kung bakit ganun ang pakikitungo ni Tito Manuel kay Derek.  Nasagot nga ang mga tanong ko pero nag-iwan naman si Lola ng mas malaking pang tanong.  Mas lalo akong nalito.

“Posible kayang si Tito Jaime ang tatay ni Derek?  Posible kayang magkapatid sila ni Tristan?”

“Kung totoo man at lumabas man ang totoo…”

“Ano ang mga posibleng mangyayari?”

Hindi ko alam.  Hindi ko maisip.  Pero ang sigurado ako, isa na naman itong malaking gulo.

Three days later…

Eto ako ngayon at nakahiga sa aking kama. Nakapatong sa dibdib ko ang isang librong kakatapos ko lang basahin.  Almost 2 days din bago ko natapos basahin ang nobelang Orosa-Nakpil, Malate na ibinigay ni Karlo sa akin.  Tama siya.  Maganda nga ang istorya.  Marami akong nalaman. Kung ikukumpara ko ang mga main charaters ng nobela sa mga tao sa buhay ko, masasabi kong ako si Dave.  Si Tristan naman si Ross.  Si Derek at Lola naman ang Dana ng buhay ko.  At ang gumaganap bilang  Michael naman ay sina Kuya Joseph, mga kamaganak ko at lahat ng tao na umargabyado sa akin.

Tulad ni Dave, ginahasa na din ako.  Ipinahiya ng walang pangundangan.  Pinaasa.  Iniwan.  At nasaktan.  Pero sa kabila ng lahat ay nanatili akong malakas, matatag at patuloy na lumalaban sa hamon ng buhay para sa mga taong minamahal.

Madami talaga akong natutunan sa nabasa ko.

Unang una, Homosexuality is simply a human reality. At wala tayong magagawa diyan.

Pangalawa, dapat handa ka sa lahat ng mga darating na pangyayari sa buhay mo.  Dapat ay maingat ka sa lahat ng mga taong makakasalamuha mo.  Dahil maraming “Michael” ang nagkalat sa mundo na kaya kang saktan, lokohin, pahirapan, ipahiya at ituro ka sa maling daan.

Pangatlo, ang buhay ay puno ng hirap, pasakit at pagdurusa.  Pero sabi nga nila, ang mga taong hindi na nakakaranas ng problema sa buhay ay yung mga taong patay na.  Wala namang problema na ibinibigay sa atin ng Diyos na hindi natin kayang pagdaanan.  Bilog na umiikot ang mundo.  At sa tuwing nasa ilalim tayo, isipin natin na may mga “Dana” sa buhay natin na handa tayong samahan, tulungan at alalayan.

At pang-apat, kapag nasaktan tayo ng dahil sa pag-ibig, never give up on love.  Dahil, sooner or later, love will find its way back to our broken heart.  Darating at darating sa buhay nating ang isang tulad ni “Ross” na ipapadama sa atin kung gaano kasarap ang mabuhay at magmahal.

May roon pa palang panlima.  Nang dahil sa libro na ito ay natutunan kong maging sensitive, emotional, corny at cheesy!  Bigla akong kinilabutan sa mga nangyayari sa akin.  Nanginig ang aking mga kalamnan kaya agad kong kinuha ang libro mula sa dibdib ko at umakmang ibabato ito sa labas ng bintana.  Pero agad akong napahinto dahil naisip ko na kaya ako nagiging sensitive, emotional, corny at cheesy ay dahil sa tao ako.  Tao pa din naman ako.

Kaya inilagay ko na lang ang libro sa may drawer ng lamesang nasa kaliwang bahagi ng kama ko.  Ilang saglit pa ay nagring ang cellphone ko.  Biglang nagliwanag ang mukha ko at halos umabot ang ngiti ko sa magkabilang tenga nang makita ko kung sino ang tumatawag.  Si Tristan.  Hindi ko agad masagot ang tawag.  Hindi ko maialis ang mga ngiti ko.  Tangina talaga.  Kinikilig ako  Dahil sa kaartehan ko ay biglang huminto ang pagring ng phone ko.

“Putcha naman.  Bad trip.” Ang dismayadong nasabi ko sa isip ko.

Pero panandalian lang ang inis ko dahil muli na namang nagring ang phone ko.  Tumatawag ulit si gago.  This time ay huminga ako ng malalim at pilit na pinigilan ang ngiti ko bago ko sinagot ang tawag.

“Hello?” ang kunwari ay matabang na bungad ko.

“Anak ng tipaklong.  Kailangan ba talaga na dalawang beses pa akong magdial bago mo sagutin?  Ganda nga ng phone pero wala namang silbi.” ang kunwari inis na tanong ni Tristan mula sa kabilang linya.

“Hay nako! Ang dami mong sinabi.  May regla ka ba brad?  Init ng ulo ah?”  ang pang-aasar ko.

“Ulul!”

“Saan ka?” ang kunwaring inis pa din na tanong ni Tristan.

“Bahay lang.  Dito sa kwarto.  Bakit ba?”  ang tanong ko sabay kagat ng labi.  Di ko talaga mapigilan ang sarili ko na mapangiti kapag naririnig ko ang boses niya.

“Bihis ka.  Lalabas tayo.”  utos sa akin ng kausap ko.

“Lalabas?  Saan?” ang tanong ko.

“Huwag ka nang magtanong pa.  Basta magbihis ka.  In 1 hour dapat ayos ka na.  Sunduin kita.  Ok?”

“Bye!”  ang huling sinabi ni Tristan bago naputol ang linya.  Hindi na ako nakaimik pa dahil mabilis na naibaba ni mokong ang telepono.

“Si tanga.  Ibinaba agad. Ano ba yun?”  ang napapanguso at tanging nasabi ko sa sarili ko.

Gaya nga ng sinabi ko before, ang lahat ng sasabihin ni Tristan para sa akin ay batas na hindi pwedeng baliin.  Kaya agad kong sinipat ang oras sa phone ko.  Eksaktong alas singkon a  ng hapon.  By 6 o clock dapat nakabihis na ako.  At dahil lalabas kami ni Tristan dapat ay naka porma ako.  Dress to impress kumbaga.  Kaya agad kong inilabas ang isusuot ko. Light Gray na polo.  Isa sa mga pangmalakasang damit ko na maganda ang fit sa akin.  Dark maong pants na medyo skinny type.  At white Chuck Taylor shoes.  Lahat ay ibinigay sa akin ni Tristan.

Nang maihanda ko ang isusuot ko ay agad akong lumabas para pumunta sa banyo.  Eksakto ko namang nadatnan si Lola na naghahanda ng hapunan namin.  May nakababad sa tubig na tilapia sa may lababo.  Magsisimula pa lang na maggayat si Lola ng kalabasa, ampalaya, talong, okra, sibuyas, bawang at kamatis sa may lamesa.  Mukhang Pritong Tilapia at Pakbet ang hapunan namin.  Napansin naman ni Lola ang nakasakbit na tuwalya sa balikat ko.

“Oh.  Ngayon ka pa lang maliligo Apo?”  ang tanong ni Lola.

“Hindi po.  Nakapaligo na po ako kanina.  Kaya lang tumawag po kasi si Tristan at nag-aayang lumabas.  Baka sa labas na po kami magdinner.” Ang paliwanag ko.

“Ah ganun ba?  Buti at sinabi mo agad.  E di hindi ko na iluluto ito.  Bukas na lang.”  ang sabi ni Lola sabay tayo at ligpit sa gagayatin na gulay.

“E paano ka po?  Ano ang kakainin mo?”  ang tanong ko.

“Yung natira kaninang tanghali na lang siguro.  Madami pa naman yun.  Kasya na yun sa akin.” Ang sabi ni lola habang inaayos pa din ang lamesa.

“Sigurado po kayo?  Gusto niyo po ibili ko muna kayo ng uulamin sa kanto?”  ang tanong ko.

“Hindi na.  Huwag mo na akong intindihin.  Maligo ka na.”

“Anong oras ba usapan niyo?” ang tanong ni Lola.

“Alas sais po.”  Ang tugon ko.

“Ganun ba?  May isusuot ka na ba?”  muling tanong niya.  Tumango na lang ako.

“Akin na at nang maplantsa.”  ang sabi ni Lola.

“La, huwag na po at hindi naman masyadong gusot.” Ang sabi ko.

“Hay naku. Kilala kita.  Kahit gusot na gusot ang damit mo e sasabihin mong hindi.  Akin na yung isusuot mo.”  Ang pamimilit ni Lola.

“Nandun po sa kwarto.”  ang napapakamot kong sagot kay lola.

“O siya, ako nang bahala dun.  Kumilos ka na.  Nakakahiya sa kanya kung mahuhuli ka.” Ang pagmamadali ni Lola sa akin.  Kaya dumerecho na ako sa banyo at naligo.

Matapos maligo ay bumalik na ako sa kwarto.  Nakalatag na sa kama ko ang pinalantsa ni Lola na isusuot ko.  Napangiti lang ako.  Magaling talaga si Lolang mamalantsa.  Unat na unat e.  Sinimulan ko na ang mag-ayos.  Punas ng basa pang katawan.  Suot ng brief.  Kasunod ay ang pantalon na medyo mainit pa.  Pagkatapos ay ang medyas at sapatos.  Nang maitali ang tirintas ay agad akong naglagay ng deodorant.  Naglagay din ako ng wax sa buhok ko at tsaka ito inayos.  Brush up look para madali lang.  Nang maayos ang buhok ay nagspray naman ako ng paborito kong pabango sa katawan ko.  Clinique Happy for Men. Sosyal di ba?  Pero joke lang.  Almost P3,500 kaya ang price nun.  Can’t afford tayo ng original.  Kaya dun tayo sa local version.  Prescripto.  Kasing bango pero di kasing mahal.

Isinuot ko na ang polo ko bago ako muling humarap sa salamin.  Nang maayos na ang sarili ko ay inilagay ko na ang panyo ko sa right pocket ko.  Kinuha ko ang wallet ko at sinipat ang laman.  Picture ni Lola at ng mga magulang ko, ilang resibo, school ID at library card, isang 1 Dirham bill na binigay ng isang parokyano ko dati na nagtatrabaho sa Abu Dhabi at isang malutong na singkwenta pesos.

Sa isang taong gigimik ay hindi kakasya ang singkwenta pesos at alam niyo yan.  Pero dahil kasama ko si Tristan, alam kong hindi ko na kailangan ng pera.  Hindi naman niya ako pababayaan.  Ayaw din naman niya na pagastusin ako.  Nagagalit kapag nagshashare ako.  Napailing na lang ako habang inilalagay ko ang wallet sa back pocket ko.   Kasunod nito ay kinuha ko ang cellphone ko at tiningnan ang oras.  Ten minutes before 6 pm.  Darating na si mokong in 10 minutes.  Laging on time si gago.  Never nalate.  Hindi uso sa kanya ang Filipino time.  Kaya agad kong inilagay ang cellphone ko sa bulsa ko at tsaka lumabas ng kwarto.

Agad akong nakita ni Lola na abala sa paghahanda ng hapunan niya.

“Ayan.  Maayos na maayos.”  ang nakangiting bungad ni Lola habang palapit sa akin.

“Gwapo na po ba?” ang tanong ko.

“Gwapong gwapo, Apo.”  Ang nakangiting sabi ni Lola habang inaayos ang kuwelyo ko.

Nang matapos ay agad niyang pinuntahan ang sinasaing at iniinit na ulam.  Biglang pumasok sa isip ko yung naging usapan namin nung nakakaraang gabi.  Mula nuon ay hindi ko pa nakakamusta si Lola.  Kaya agad akong lumapit sa kanya at niyakap siya mula sa likod.

“Apo.  Baka madumihan at malukot yang polo mo.” Ang gulat na sabi ni Lola.  Sa halip na kumalas ay mas lalo ko pang hinigpitan ang yakap ko.

“Sarap naman.  Bakit naglalambing ang apo ko?  Kailangan mo ng pera no?”  ang banat ni Lola.

“Lola naman.  Hindi po.” ang naglalambing na sabi ko.

“Hehehe.”  ang natatawang sabi ni Lola.

“Lola.  Okay ka na po ba?”  ang medyo nag-aalalang tanong ko.

“Okay na ako apo.  Huwag kang nang mag-alala.  Sa totoo lang, para bang nabunutan ako ng malaking tinik sa dibdib ko nung masabi ko ang lahat sa iyo.  Gumaan talaga ang pakiramdam ko.”

“Basta tuparin mo lang yung pangako mo sa akin.  Walang makakaalam.  Okay?” ang pakiusap ni Lola.

“Opo…” ang nakayakap pa din na sabi ko sabay kiliti kay lola.

“Ay! Ano ba yan Apo.  Itigil mo nga.  Nakikiliti ako!”  ang sabi ni Lola na pilit na inaalis ang kamay ko.

“Hahaha.” ang tanging lumabas sa bibig ko habang kumakalas sa pagkakayakap ko kay lola.

“Napakabugok mo talagang bata ka.  Ayan nalukot na tuloy ang polo mo.  Pasaway ka talaga.” Ang sabi ni Lola habang inaayos ang suot ko.

Ilang saglit pa ay may kumatok sa pinto.

“Lola!”  ang tawag ni Tristan mula sa labas.

“Ayan na ang sundo mo.  Pagbuksan mo ng pinto.”  Ang utos ni Lola sa akin.

Agad na pumunta ako sa may pintuan at ito ay binuksan.  Tumambad sa akin si Tristan.  Bigla itong napanganga at tiningnan ako mula ulo hanggang paa.

“Wow!” ang walang tunog na sabi ng bibig ni Tristan.  Kikiligin na sana ako nang tumingin si Tristan sa relo niya at tsaka nagsabi na…

“May binyagan ba o misa ng ganitong oras?  Saang binyagan ka pupunta?  Hehehe.”  Ang pang-iinis ni Tristan sa akin.

Biglang namula ang mukha ko sa pagkahiya.  Unti unting nawala ang mga ngiti sa labi ko.  Lumala pa ang sitwasyon nung muling nagsalita si Tristan.

“Japorms na japorms ka ah?  May date ka ‘no?”  ang muling pang-aasar ni Tristan sa akin.

Unti unting tumaas ang kilay ko sa inis.  Nakita ni Tristan ang inis na ekspresyon ko kaya.

“Eto naman hindi na mabiro.  Pogi mo kaya.  Hehehe.” ang natatawang sabi ni Tristan na hindi ko sigurado kung nang-iinis pa din.  Kaya tumalikod ako at umakmang papasok sa kwarto.

“O saan ka pupunta?” ang tanong ni Tristan sabay hawak sa braso ko para ako ay pigilan.

“Magpapalit! Ano pa nga ba?”  ang inis na tugon ko.

“Hala.  Biro lang naman.  Pikon neto. Hehehe.”

“Okay nga yan eh.  Bagay na bagay talaga sa iyo.  Hehehe.” Ang sabi ni Tristan.

“Good evening po Lola.”  Ang bati ni Tristan kay Lola sabay lapit at nagmano.

“Good evening din Hijo.  Kamain muna kayo bago kayo umalis.” Ang pag-aya ni Lola.

“Hindi na po Lola.  Salamat po.  Sa labas na lang po kami kakain.  Ipagpapaalam ko lang po sana itong si Nikko.”  ang sabi ni Tristan.

“Oo naman.  Walang problema.  Saan ba kayo tutungo?”  ang tanong ni Lola.

“Luluwas po sana kami ng Manila.”  Ang sabi ni Tristan.

“Ah, ganun ba.  O siya, mag-ingat kayo.  Hinay hinay sa pagmamaneho ha?”  Ang habilin ni Lola.

“Opo.  Paano po?  Mauna na po kami.”

“Tara na Nikko.  Matraffic ngayon.”  Ang pag-aya ni Tristan sa akin.

“Lola, alis na po kami.”  Ang paalam ko kay Lola sabay mano.  Pagkamano ay agad na kaming lumabas ni Tristan ng bahay.  Hinintay ko munang makasarado ng pinto si Lola bago kami lumakad papunta sa sasakyan niya.

Nauunang naglalakad si Tristan.  Nasa likod lang niya ako at pinagmamasdan siya.  Medyo naiinis pa din ako sa pang-aasar na ginawa niya sa akin kanina.  Kumpara sa suot ko ay simple lang ang suot ni Tristan.  Naka plain white Hanes shirt siya, Skinny Levi’s Jeans at Snickers.  Rugged ang look niya dahil na naka-man bun siya.  Yung tipong hindi na sinuklay.  Basta ipinusod na lang ang buhok.  Parang hindi nag-effort.  Ang mas nakakainis pa ay kahit simple lang ang suot niya ay gwapo pa din siyang tingnan. Dahil nga naka skinny jeans ay bakat na bakat ang katambukan ng puwet niya.  Napapakunot noo at napapanguso na lang ako sa inis habang nakatingin sa kanya.  Ilang hakbang ko pa ay bigla siyang huminto at lumingon sa akin kaya nahuli nya akong nakatitig sa puwetan niya.  Agad kong inalis ang tingin ko sa hiya.  Napangiti na lang siya at nagsimula na namang mang-asar.

“Huy!  Bakit mo sinisipat?  Hmm?” ang nakakalokong tanong niya sabay lapit sa akin.  Hindi ako kumibo.  Nakatingin lang ako sa kanang bahagi ko.

Nang makalapit ay agad siyang umakbay sa akin at hinatak ako kapunta sa sasakyan niya.

“Ang bango ah? Hehehe.”  Ang sabi niya sabay amoy sa leeg ko. Medyo nakiliti ako sa ginawa niya kahit hindi naman nagdikit ang leeg ko at ilong niya kaya agad kong tinanggal ang braso niya sa balikat ko at umiwas sa kanya.

“Wow.  Sensitive?”

“Bakit ba?  Galit ka ba? Hehehe.”  Ang natatawang tanong niya.

“E kasi naman.  Kung sinabi mo agad na ganyan ang isusuot mo e di sana nagtshirt na lang ako.” ang medyo naiinis na sabi ko.

“Ano ka ba?  Okay nga yan e.  Bagay na bagay sa iyo.  Natutuwa nga ako na isinuot mo na.”

“Nagtatampo na nga ako sa iyo kasi ang tagal ko nang binigay sa iyo yan pero hindi mo naman sinusuot.  Akala ko tuloy e ayaw mo.” ang kunwari na nagtatampo na sabi niya.

“Tanga. Gusto ko kaya.  Kaya lang pangmalakasan ko kasi ito e.”  ang tugon ko.

“Pangmalakasan?” naglilitong tanong yan.

“Pangmalakasan.  Yung mga damit mo na isusuot mo lang sa mga espesyal na lakad o okasyon.”  Paliwanag ko.

“Ahhh.  Yun ba yun?”

“O e espesyal na lakad naman ito ah.  Kasi magkasama tayo.  Di ba?”  ang naglalambing na sabi ni Tristan.

“Ay sus!  Hindi din!   Tara na nga.  Sabi mo traffic di ba?” ang kunwaring pagkontra ko.  Pero ang totoo ay halos maihi ako sa kilig.

Unang sumakay si Tristan sa kotse niya.  Nang makaayos siya ay agad din naman akong sumunod.  Habang umaayos ako ng upo at nagkakabit ng seatbelt ay hindi ko napansin na napinagmamasdan pala ako ni gago.  Nang makita kong nakatingin siya sa akin ay binigyan ko siya ng masamang tingin.

“Nako Tristan.  Kung mang-aasar ka na naman ay itigil mo na.  Bibingo ka na sa akin.” ang banta ko sa kanya.

“Sungit mo naman.  Kaw yata ang may regla eh.  Hehehe.”

“Gusto ko lang naman sabihin na bagay sa iyo ang brush up.  Fresh na fresh ang hitsura mo.  Hilig mo kasing nakababa yang buhok mo. Natatakpan tuloy ang mukha mo.  Dapat lagi kang nakaganyan.”  Ang sabi niya sa akin.

“Alam mo, lahat na lang napansin mo sa akin.  Tara na nga!”  ang tugon ko sa kanya.

“Ok po.  Boss.  Hehehe.”  Ang natatawa at napapailing na sabi niya sabay paandar ng kotse.

“Siya nga pala.  Bakit bigla kang nag-aya?” ang tanong ko.

“Well, si Karlo talaga may idea nito.  Aalis na kasi siya two days from now.  Gusto daw niyang manlibre bago siya umalis.”  Paliwanag ni Tristan.

“Oh.  E lakad niyo pala ito.  Bakit mo pa ako isinama?” nagtatakang tanong ko.

“Ano ka ba?  E siya nga nagsabi sa akin na isama kita.  Wala naman siyang number mo kaya hindi ka niya personal na naimbita.  Basta ang kabilin bilinan niya lang sa akin e huwag na huwag akong darating na hindi kita kasama.” Paliwanag pa ni Tristan.

“Talaga?  Nakakahiya naman.  Dapat kasi ibinigay mo na number ko.”  Ang sabi ko.

“Hala!  Ayoko nga.” ang sabi ni Tristan.

“Bakit naman?”  pagtataka ko.

“Bakit pa? E aalis na naman siya.” Tugon niya.

“At tsaka huwag ka nang mahiya.  Magkaibigan na din naman kayo di ba?” ang dagdag niya.  Hindi na ako nagsalita pa.  Tinanggap ko na lang ang sinabi ni Tristan.

Nasa kalagitnaan kami ng pagbagtas sa NLEX nang biglang pumasok sa isip ko si Derek.  Naalala ko tuloy ang napag-usapan namin ni Lola kamakailan lang.  Laman na naman ng isip ko ang mga naikwento ni Lola sa akin.  At dahil nga sa mga naiisip ko ay hindi ko na namalayang kanina pa pala ako nakatitig kay Tristan.

“Huy! Okay ka lang ba?”  ang tanong ni Tristan habang palinga linga sa daan.

Hindi ako nakasagot agad.  Nakatingin pa din ako sa kanya. Tinitingnan ko yung facial features niya. Tinitingnan ko kung may similarities sila ni Derek.  Hindi nga nya masyado kamukha ang Daddy niya. Mas kahawig niya ang Mommy niya.  For some reason, kinakati ang dila ko na magtanong sa kanya ng may kinalaman sa nalaman ko.  Alam kong nangako ako kay Lola pero hindi ko talaga mapigilan.

“Huy!  Ano ba?” ang pagsita niya sa akin.  Marahil ay naaasiwa na sa pagtitig na ginagawa ko.

“Tristan, Sino ang mas kahawig mo?  Daddy mo o Mommy mo?”  ang tanong ko.

“Ha?  Anong tanong yan?”  ang napapakunot noo na tanong ni Tristan.  Hindi na ako sumagot.  Pinagpatuloy ko lang ang pagtingin sa mukha niya.  Marahil ay naiinis na kaya sinagot na lang niya ang tanong ko.

“Si Mommy ang kahawig ko. Bakit ba?  Nantitrip ka ‘no?”  ang naiilang na tanong niya.

“Hindi ah.  Naisip ko lang.  Parang wala kang nakuha sa Daddy mo.”  Ang tugon ko.

“Meron naman.  Yung tenga ko.  Parehong medyo pasahod.  Tapos yung kilay ko.  Pareho kaming makapal ang kilay.  The rest kay Mommy na.  Noo, mata, ilong, labi, baba, pati yung complexion ko.”

Medyo napaisip ako.  Ngayon ko lang napagtanto na parang pareho din sila ni Derek ng tenga at kilay.  Ewan ko.  Baka nagkakakamali lang din ako.  Sabi nga nila di ba na ang utak natin ang nagdidikta ng kung ano ang gusto makita ng mga mata natin?

“Pero sa ugali, parehong pareho kami ni Daddy.”  dagdag pa ni Tristan.

“Tulad ng…?”  ang tanong ko.

“Mabait.  Mapagbigay.  Mahaba ang pasensya.  Understanding.  At higit sa lahat…”

“Hopeless romantic.  Hehehe.”  ang sabi niyang with emphasis.

“Hopeless romantic?  Baka babaero kamo. Mahilig sa babae. Pinaganda mo pa eh.”  ang pang-aasar ko.

“Pft!  Babaero? Mahilig sa babae?”

“Paanong mangyayari yun?  E hindi pa nga ako nagkakagirlfriend.  At kahit kelan ba ay may nakita kang babae na kasama ko?”  ang sarkastikong tanong niya.

“Wala pa naman.  Malay ko ba?”  Ang tugon ko.

“So, paano mo nasabi yung mga binibintang mo?”

“At tsaka teka nga.  Ano bang nangyayari sa iyo at all of sudden e tinatanong mo ako ng ganyan.”  Ang pagtataka ni Tristan.

“Wala naman.  Naisip ko lang.”  ang sabi ko sabay tingin sa labas ng bintana.

“Hahaha.  Hindi ka pa din talaga nagbabago no?  Weird ka pa din. Hehehe.”  ang natatawang sabi ni Tristan sabay suntok ng mahina sa braso ko.

“Aray naman!”  ang kunwaring nasaktan na tugon ko sabay himas sa braso ko,  tingin ng masama sa kanya at kasunod ay irap.

Ngumiti na lang si Tristan.  Umiling at nagpatuloy sa pagmamaneho.

Ilang saglit pa ay nasa destinasyon na namin kami.  SM Megamall.  Past 8 na kaming nakarating ng dahil sa traffic.  Agad na naghanap si Tristan ng parking.  Nang makahanap ay agad na tinawagan niya si Karlo.

“Nandun na daw siya.  Nakareserve na daw ang table natin.  Tara na.”  ang aya sa akin ni Tristan matapos ang usapan ng magpinsan sa cellphone.

Malayo pa lang ay tanaw ko na si Karlo na abot abot ang ngiti na naghihintay sa restaurant na kakaninan namin. Nang makalapit kami kay Karlo ay agad niya akong niyakap.

“I am so glad you are here. Gwapo natin ah?  Hehehe. Kamusta ka na?”  ang magiliw na bati ni Karlo sa akin.

“Ok naman.  Ikaw?  Paalis ka na daw?”  ang tugon ko.

“Well, sad to say, yes.  Two weeks lang ang hiningi kong bakasyon.  Kailangan ko nang bumalik.  I’ll be leaving the day after tomorrow.”  Ang sabi ni Karlo sabay duck face.

“Ganun ba?”  ang medyo malungkot na sabi ko sabay buntong hininga.

“Ano ba?  Ang drama naman.”

“Nandito pa kaya ako.  At para namang hindi na ako babalik neto eh.”

“We’re here to enjoy kaya tara na.  I am sure gutom na kayo.”  Ang magiliw na aya ni Karlo sa amin papasok sa restaurant.  Nang makaupo kami sa lamesang nakareserve para sa amin ay agad na inabot sa akin ng waiter ang menu.

“Orderin mo lahat ng gusto mo Nikko.  Akong bahala.  It’s my treat.”  Ang nakangiting sabi ni Karlo sa akin.

“Teka nga, bakit si Nikko lang ang inaasikaso mo?  Samantalang ako hindi?” ang kunwari ay nagtatampo na tanong ni Tristan.

“Ano ba?  Ang laki mo na.  Kaya mo na yan.”  ang kunwari ay masungit na tugon ni Karlo.  Natapos lang ang lokohan nila sa sabay na pagtawa nila.

At dahil nga sa hindi ako pamilyar sa mga pagkaing nasa menu ay hinayaan ko na lang sila na umorder.  Matapos na makuha ng waiter ang orders namin ay sinabihan kaming 15 to 20 minutes daw ang serving time.

“Patay! Gutom na gutom na ako.”  Ang nasabi ko sa isip ko.  Gustuhin ko mang magreklamo ay wala naman akong magagawa.

Habang hinihintay namin ang pagkain namin ay abala sa pagkukwentuhan ang dalawa.  Nanatili lang akong walang imik.  Maliban kasi sa hindi ko alam ang topic nila ay iniinda ko ang gutom ko.  Pero biglang napukaw ang interest ko nang may ibalita si Karlo kay Tristan.

“Cuz, remember Tito Roger and Tita Margaux?”  tanong ni Karlo.

“Yeah.  Why?”  ang tanong ni Tristan.

“They are separted na.”  ang balita ni Karlo.

“What the f…!”  ang gulat na tugon ni Tristan.

“Yup.  Tita Margaux is in Davao na with the kids.  Last week pa yata.”  Ang dagdag ni Karlo.

“What about Tito Roger?”  ang tanong ni Tristan.

“Still in Australia.” ang medyo malungkot na sabi ni Tristan.

“Oh men.  What happened?”  ang interesadong tanong ni Tristan.

“Ano pa nga ba?  Third party!”

“And worst… Tita finds out na may anak si Tito dun sa kabit niya.  At 5 years old na yung bata.  Kasing-age nung pangalawa nila.”

“Meaning, nabuntis nya yung girl nung time na buntis si Tita dun sa second child nila.”  Ang paliwanag ni Karlo.

Biglang nag-init ang pakiramdam ko. Hindi ako makapaniwala sa naririnig ko.  What a coincidence?  Two days ago lang may nalaman ako from Lola and now I am hearing this.  Bigla akong napailing.

“Damn!  Can’t believe it.  Of all the people, si Tito Roger pa?” ang napapailing na sabi ni Tristan.

At dahil nagugulat pa din ako sa naririnig ko ay hindi ko maiwasan ang pangangati ng dila ko.  Hindi ko mapigilan ang sarili kong magreact.  Kaya…

“How would you feel kung sa pamilya niyo nangyari yun?”  ang hindi sinasadyang tanong na lumabas sa bibig ko.  Sa gulat nung dalawa sa tanong ko ay halos sabay silang napakunot ng noo at tumingin sa akin.  Saglit na napaisip ang dalawa.  Halatang nag-iisip ng isasagot.  Hanggang…

“Hindi na ako magtataka?  It runs in the family naman di ba?  So, hindi na ako masusurprise.”  ang sagot ni Tristan.

“Excuse me!  Hindi naman ganun si Daddy ko noh.”  Ang pagdepensa ni Karlo.

“Oh come on.  How sure are you?”  ang sarkastikong pagtanong ni Tristan.

“Heeeyyyyy!” ang naging tugon ni Karlo. Sabay lang na natawa yung dalawa.

Eto na naman ang matabil at makati kong dila.

“Paano kung mangyari din sa inyo yung nangyari sa kamag-anak ninyo? Yung malalaman niyo na may kapatid pala kayo sa labas?”  ang tanong na naman ng matabil kong dila.

“Honestly, hindi ko alam.  For sure, masasaktan ako at first, pero siguradong matatanggap ko din eventually.  Kasi hindi naman kasalanan nung kapatid ko sa ama na ipanganak siya out of my Dad and the other woman’s sin di ba?”  ang paliwanag ni Karlo.

I don’t want to sound rude but hindi talaga yung answer ni Karlo ang hinihintay ko.  Kundi yung isasagot ni Tristan.  Kaya kay Tristan ako nakatingin habang sinasagot ni Karlo ang tanong ko.  Unfortunately, hindi ito sinagot ni Tristan.  Nagkibit balikat lang siya.  Ang masama pa ay biglang tumunog ang phone niya at kailangan niya itong sagutin.

“Oops.  It’s Mom.  I have to take this call.  Excuse me.”  Ang nakangiting paalam ni Tristan sa amin bago siya lumabas ng restaurant.  Dismayado man ay wala na akong magawa kundi ang pagmasdan siya habang naglalakad palabas ng restaurant.  Nang biglang…

“Ayan na naman ang mga tingin na yan.”  ang sabi ni Karlo.  Agad akong napatingin kay Karlo na pinagmamasdan pala ako habang papalabas si Tristan.

“Sorry.  Ano yun?” ang nalilitong tanong ko.

“Sabi ko nakita ko na naman yung kakaibang tingin mo kay Tristan. Hehehe.”  Ang natatawang sabi ni Karlo.

“Hala…” ang nahihiyang tugon ko.  Natawa lang si Karlo sa naging reaksiyon ko.

Saglit na katahimikan ang namagitan sa amin ni Karlo.  Pasimple ko siyang tinitingnan at nag-iisip ng sasabihin sa kanya.  Samantalang siya ay abala sa cellphone niya.  May gusto sana akong itanong  pero biglang pumasok sa isip ko yung librong binigay niya.

“Natapos ko na pala yung book.”  Ang sabi ko.

“Ah.  Talaga?  Nice.”  Ang natutuwang sabi ng kausap ko.

“Uhm.  Kaya lang nasa bahay.  Hindi ko dala.  Hindi ko maisosoli sa iyo.”  Ang nahihiyang sabi ko.

“Ano ka ba?  Sa iyo na yun noh?  Regalo ko nga yun di ba?”  ang sabi nya sa akin.

Muli kaming natahimik. Ang totoo niyan, hindi naman yun talaga ang gusto kong sabihin.  Gusto ko sana siyang tanungin about sa topic nila kanina at titingnan ko kung may mapipiga akong impormasyon.  Eto na naman ang malikot na curiosity ko at ang makating dila ko.

“Karlo, nagtataka lang ako.  Bakit ganun yung naging reaction ni Tristan dun sa topic ninyo kanina?  Sobrang sensitive nun di ba?  And yet parang cool lang siya.  Nagbiro pa nga siya na ‘It runs in the family’ daw?”  ang interesadong tanong ko.

“Yun ba?  Well, I don’t know if I should tell you this…”

“Hmmmm…”  ang napapaisip na tugon ni Karlo.

“Let just say na it’s true.  It really runs in the family.  Hindi na ako nagtaka sa sagot niya kasi nangyari na din sa kanila yun.  Kahit si Tito Jaime ay may mga naging babae na din before.”  ang sagot ni Karlo.

“Talaga?  Uhmmm…”

“Uhmmm…”

“Tulad din nung kamag-anak ninyo, may naging anak din ba si Tito Jaime dun sa mga naging babae niya?”  ang medyo nauutal na tanong ko.

“None that I know of.  Hindi ko alam.  Basta ang alam ko lang ay lima ang anak ni Tito.  Tatlo sa Mama ni Tristan at dalawa dun sa bago.” Paliwanag niya.

“You know what?  It’s better na siya ang tanungin mo.  Sasagutin naman niya yan, for sure.”  ang suggestion ni Karlo.

“Naku hindi na.  Baka isipin pa niya na nakikialam ako sa buhay niya.”  Ang nahihiyang sabi ko.

“Well, you know what?  If there’s one person in this entire planet na gugustuhin niyang makialam sa buhay niya… I am sure na ikaw yun.  Hehehe.”  ang tila ba nanunuksong sabi ni Karlo.

“Ha?  Bakit naman?”  ang nagtatakang tanong ko.  Biglang napailing si Karlo.  Tila nagtataka sa mga naririnig niya sa akin.

“You don’t have a slight clue, do you?” ang medyo sarcastic na tanong ni Karlo na sinagot ko lang ng iling.  Bigla siyang napangiti.

“I don’t know if you’re really that innocent or you’re just pretending.”

“If you are trying to seduce me with your cuteness, you better quit it honey coz it’s working.”

“I am about to French kiss you anytime soon coz you are really turning me on.”

“You are sooo cute.  Love it!  Hehehe.” Ang sinabi ni Karlo sabay pisil sa pisngi ko.

Lalo akong nalito.  Hindi ko na maintindihan ang sinasabi ni Karlo. Hindi ko alam kung dapat ba ako mainsulto o hindi sa sinasabi niya.  Pakiramdam ko ay may pinupunto siya sa akin pero hindi ko naman maunawaan.

Malabo ba talaga yung mga sinasabi ni Karlo o sadya lang talaga na isa akong dakilang tanga?

(itutuloy)    

No comments:

Post a Comment

Read More Like This