Pages

Sunday, October 22, 2017

Lullabies Of A Firefly

By:Joshua Anthony

Gamit ang aking DILA ay panay ang paglalaro ko sa aking suot na retainer habang nilalaro-laro rin ang pendant ng aking suot na kwintas gamit ang aking mga daliri. Tahimik lamang akong nakahiga at hinihintay ang pagtunog ng alarm clock sa lamesita sa tabi ng aking kama.

Nakikini-kinita ko na ang pagsilip ng mayabang na araw sa gilid ng mga nakasarang bintana ng aking silid, ngunit hindi ko itinutuon doon ang aking atensiyon gaya ng buong lakas kong pagpipigil sa sariling huwag lingunin ang orasan na kanina ko nang nabanggit.
   
Sandali ko na lamang munang ipinikit ang aking mga mata.

Hindi ko alam kung ako lang ba o may ugali rin ang ibang mga tao na mas gawin pang kapana-panabik ang isang nakasasabik na bagay? Ewan. Ang alam ko lang ay may kawirduhan din talaga akong tao. Minsan kapag may isang bagay akong nais ibahagi sa iba, hindi ko na naitutuloy dahil nauubusan ako ng mga salita upang mas maipaliwanag pa ang nais kong ipaintindi. Mas mabuti na lamang na itago ko ang bagay na iyon sa aking sarili.

    Nang minsan kong sitahin ang aking guro sa Ingles noong ako ay nasa elementarya pa lamang ay pinilit niya akong magpaliwanag kung bakit sa tingin ko ay mali ang kanyang sinulat na pangungusap sa aming pisara. Nais kong ipaliwanag sa kanya na mahalagang malaman niya ang pagkakaiba ng kuwit at tuldok-gitling at ang kahalagahan niyon sa mga pangungusap. Tinawanan lamang niya ako kasabay ng iba ko pang mga kamag-aral at sinabihang nahihibang dahil pareho lamang naman daw ang gamit ng tutuldok at tuldok-kuwit sa mga pangungusap. Hanggang ngayon ay nag-iinit pa rin ang aking tainga sa tuwing maaalala ko ang kahindik-hindik na pangyayaring iyon.

    Muli, hindi madali sa akin na ipaliwanag ang mga nais kong ipaintindi sa iba.

Mabuti pa ang mga alitaptap…

Sa pagkislap ng kanilang mga ilaw ay naibabahagi na nila sa iba nilang kauri ang kanilang nais sabihin. Kung may natitipuhan sila, kaunting kislap lamang ay ayos na. Ang totoo ay kahit na mga musmos pa lamang ay nagagamit na nila ang kanilang ilaw upang sindakin ang kahit na sinong nais na kumain sa kanila.
Kung ganoon lang sana kadali ang buhay.

Sa kabilang banda, katulad din nang sa sitwasyon ng mga tao, may iilan din na hindi magandang nangyayari sa ibang uri ng alitaptap. Ang ilan sa kanila ay hindi kayang magpakislap ng ilaw kapag tumanda na. Marahil ay ganoon ang aking sitwasyon; hindi ko kayang magbigay liwanag sa isang bagay na nais kong ibahagi, higit lalo na sa isang espesyal na tao. Hindi ko kayang sabihin ang tunay kong nararamdaman.

    Lumaki akong palaging kinukwentuhan ng aking ina ng mga bagay-bagay patungkol sa mga insekto. Sobrang interesado kasi ang aking ina sa buhay ng mga insekto. Sa lahat-lahat ng kanyang mga kwento, tanging patungkol sa mga alitaptap lamang ang aking kinagigiliwan kaya’t iyon lamang ang lagi kong nais na itanong sa kanya. Sa tingin ko ay buong buhay ko nang kahuhumalingan ang buhay ng mga alitaptap. Aminin mo, hindi ba’t nakakaaliw naman talaga ang kumiskislap-kislap na buhay ng mga alitaptap?

Bigla akong napadilat nang tumunog ang aking cellphone dahil sa isang mensaheng natanggap. Agad kong kinuha ang aking salamin at saka isinuot bago inabot ang aking cellphone.

[Time to wander through the woods and find Gretel!]

Ito ang dahilan ng pagkasabik ko kaya hindi pa man sumisikat ang araw ay nagising na kaagad ako. Sumagot na lamang ako ng isang thumbs up emoji upang ipaalam na gising na ako at maghahanda na sa aming lakad.

Huwebes ngayon at ito na rin ang huling linggo bago matapos ang sembreak at muling magsimula ang mga klase. Ngayon na lamang ulit kami magkakasama ni Stefan nang mas matagal sa isang araw. Naging abala na rin kasi kami palagi sa aming pag-aaral. Palagi naman kaming nagkakasama madalas pauwi mula sa aming unibersidad, ngunit dahil na rin sa pagkakaiba ng aming mga kurso ay malimit ko na rin talaga siyang makasama.

Hindi katulad noon.

Nakilala ko si Stefan noong unang taon ko pa lang sa high school. Naaalala ko pa noong una ko siyang makita nang mapukaw niya ang aking atensyon minsan noong break time namin sa school cafeteria. Nakita ko siyang nakaupo mag-isa sa isang patalikod sa lamesa kung saan naroroon ang kanyang mga pagakain. Hindi ko maintindihan kung ano ang kanyang inaatupag at hindi man lang ginagalaw ang kanyang baon. Nang malaman niyang may nakatingin sa kanya ay agad niya akong hinarap na siyang ikinagulat naming dalawa.

Iyon ang unang beses na nasilayan ko siya nang malapitan; ang unti-unting paglisan ng kunot ng kanyang noo nang malaman niyang ako pala ang nakatunghay sa kanyang ginagawa, ang kislap sa kanyang mga tsokolateng mata, at ang pagliwanag ng kanyang mukha.

Nakita ko ang isang libro na kanya palang binabasa. The Chronicles of Narnia: The Last Battle. Nang masilip iyon ay mabilisan ko na lamang siyang nginitian at saka tumalikod upang umalis na sana, ngunit napahinto ako sa aking sunod na hakbang nang bigla niyang tawagin ang aking pangalan. Hanggang ngayon ay isang malaking palaisipan pa rin sa akin kung papaano niya nalaman ang aking pangalan. Ngunit malamang ay dahil iilan lamang naman kami sa klase kaya’t hindi mahirap para sa kanya ang matandaan ang mga pangalan naming lahat.

    Magmula noon ay hindi na kami mapaghiwalay. Madalas kaming magkasama hanggang Sabado at Linggo o kahit na bakasyon at walang klase. Sa kanilang bahay ay palagi kaming naglalaro ng computer games o kaya naman ay Scrabble o chess. Kapag nalalagi naman kami sa aming bahay ay panay pagbabasa ng libro o kaya ay panonood ng movies ang aming inaatupag.

Halos dito na sa amin tumira si Stefan noon. Hindi ko alam kung bakit, ngunit sa tingin ko ay dahil naaawa lamang siya sa akin. Wala kasi talaga akong mga kaibigan, bukod sa kanya. Hindi naman dahil sa walang may nais na makipagkaibigan sa akin, sadyang mas gusto ko lamang ang mapag-isa o ang lumagi sa aming bahay.

Iyon din marahil ang isang dahilan kung bakit natutuwa rin si Papa na naging matalik kong kaibigan ang kulugong iyon. Siya kasi ang walang tigil na humahatak-hatak sa akin upang lumakwatsa kung saan-saan.

Bilang kapalit, tinutulungan ko rin naman siya sa mga bagay na kailangan niya ang aking tulong. Katulad na lamang noong sophomore year namin noong highschool at nililigawan niya si Nicole. Dahil mahilig ang babaeng iyon sa mga pagong ay nakiusap si Stefan sa akin na magsuot ng costume niyon at saka sumamang punatahan siya sa kanilang bahay upang umakyat ng ligaw. Ako rin ang siyang tumugtog ng gitara nang makiusap ang babaeng iyon na kantahan daw siya ni Stefan noong nasa isang bonfire event kami. Ang kulugo, dahil sa pagkahumaling, lahat ay ginawa naman.

Hindi nagtagal ang kanilang pagsasama. Bago pa man kami makapagtapos ng high school ay nakipaghiwalay si Nicole sa kanya dahil sa kung anong kadahilanan. Mabait naman siyang tao, si Nicole. Matabang lamang ang pakikitungo ko sa kanya dahil sa kaartehan niyang taglay. Hindi ko alam kung bakit, ngunit ang aking teorya ay sadyang naka-programa na sa aking utak na huwag katuwaan ang kahit na sinong may interes sa’yo bukod sa iyong pamilya at iba pang totoong mga kaibigan.

Nagdesisyon kaming ituloy na ang ilang taon na naming pinaplanong pagpunta ng Batangas upang makisayaw sa mga alitaptap na sikat doon. Mabuti na lamang at itong si Stefan ay hari talaga ng diskarte; nang nalaman niyang may ninong pala siya na may tirahan sa Batangas kung saan may lawa na pinamumugaran ng mga alitaptap, agad niya itong kinausap patungkol sa aming biglaang pagdalaw.

Tuluyan na akong bumangon at agad na nagtungo sa banyo upang maligo. Hindi ko alintana ang lamig dahil sanay na rin naman akong maligo nang ganito kaaga kahit na walang heater. Panay kasi ang pagpalya ng heater namin na hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapaayos ng abala kong ama. Muli ko na naman nasuot hanggang sa loob ng shower area ang aking salamin. Isa ito sa mga walang kamatayang dahilan nina Stefan at Papa kaya’t lubos ang kanilang paghikayat sa akin na subukan ang pagsusuot ng contact lenses. Ewan, sa tingin ko ay hindi ko talaga iyon kayang subukan.

Matapos maligo ay nagtapis na muna ako ng tuwalya at saka naglagay ng toothpaste sa aking toothbrush. Habang nagsisipilyo ng ngipin ay lumabas na muna ako ng aking banyo upang muling tingnan ang laman ng aking dadalhing knapsack. Maigi nang i-double check ang mga gamit ko sa halip na magsisi sa huli. Napansin kong wala pala akong librong naisilid doon kaya’t kumuha ako ng isa mula sa aking shelf na hindi ko nababasa at saka isinama sa mga gamit sa loob ng aking bag.

Muli kong sinikipan ang pagkakatapis ng aking tuwalya sa aking baywang at saka nagtungo pabalik ng banyo upang magmumog.

Narinig ko ang pagbukas ng pinto ng aking kwarto at ang boses ni Papa na tinatawag ang aking pangalan. Nang makalapit sa akin ay inabutan niya akong ng pera.

“Ayusin niyo paglalaboy niyo niyan ni Ste, ah.” seryoso niyang sambit habang inaayos ang strap ng suot na sling bag. “Iyon pa rin ba ang numero niya?”

“Opo, Pa.” agad kong sagot matapos ang huli kong pagmumog. “Sabado naman ng gabi nandito na ko ulit eh.”

“Umayos ka, Hans.” muli niyang sabi. “Baka kung anong gawin niyo dun sa Batangas! Hindi pa ako handang magka-apo.”

“What the f—” gulat kong tanong. “Pa!”

Tumawa lamang nang malakas si Papa at saka ako marahang piningot sa tainga.

“Joke lang!” pagbawi niya. “Pero baka totohanin mo, ayos lang naman sa’kin.”

“Stop!” sagot ko na mas ikinatawa niya. Nais ko sanang tumawa, ngunit ayaw ko. Hindi ko alam, naiilang kasi ako kapag kasama ko si Papa. Para kasing hindi ko na siya kilala. Hindi ko alam kung papaano ipapaliwanag, ngunit parang naging ibang tao siya magmula noong mawala sa amin si Mama. “Saturday evening naman andito na ‘ko ulit.”

Miss na miss na kita, Pa, nais kong sabihin. Nais ko rin siyang yakapin nang mahigpit at yayain na manood ng sine o kaya ay kumain sa labas dahil kahit na anong saya ko na makasama si Stefan ay kaya ko iyon isantabi bumalik lamang si Papa. Ngunit siyempre, hindi ko iyon kayang sabihin.

    “Binibiro lang kita, anak…” malambing niyang paliwanag. “Parang mamatangkaran mo na ako ah! Tignan mo oh. Ambilis naman umandar ng panahon.” Ginugulo-gulo niya ang aking buhok, ngunit bigla siyang natigilan.

Nang aking tingnan ay nakita kong nakatitig pala siya sa aking suot na kwintas—kwintas na regalo niya kay Mama noong first anniversary nila. Ang heart pendant niyon ang nakagawian kong laru-laruin sa tuwing kinakabahan ako o kaya ay nag-aalala. Ganun-ganon lamang at bigla na namang nawala ang kislap sa kanyang mga mata.

    “Pa,” sambit ko. Sa totoo lang ay hindi ko talaga alam kung ano ang sasabihin.

Agad niya akong tiningnan muli sa mga mata at pilit na ngumiti. “M-mauna na ‘ko. Mag-iingat kayo!” aniya at saka diretsong lumabas ng aking silid.

    Nakita ko na lamang ang aking sarili sa harap ng salamin na nakatulala habang hinahaplos-haplos muli ang kwintas na suot.

Parang may kung anong tumusok sa aking dibdib nang makita kong muli kung papaano niya suotin ang maskarang halos dalawang taon na rin niyang suot. Ang sabi ng aking propesor noon sa Humanities, ang mga taong may angking galing sa sining ay may kakayahang makita ang totoong mukha sa likod ng mga mismong mukha ng mga tao. Aaminin kong hindi iyon naging malinaw sa akin noong umpisa, ngunit ngayon ay lubos ko nang alam ang kanyang ibig sabihin patungkol doon.

    Alam kong hindi mismong mukha ni Papa ang aking palaging nakikita. Hindi na siya iyong amang aking kinagisnan at kinagiliwan dahil magmula nang mawala si Mama ay parang may nagbago na sa kanya. Ilang linggo matapos ang libing ni Mama ay palagi siyang nagkukulong sa kwarto at lalabas lamang upang ipagluto ako ng makakain. Sa tuwing makikita niya ako ay pilit siyang ngingiti at magtatanong kung kamusta ang aking araw, o kung may nais ba akong bilihin.

    Kahit hindi naman sabihin ni Papa ay alam kong ang pagkawala ni Mama ang tanging dahilan ng lahat ng ito.

    Kapag ang tahanan ng mga alitaptap ay nasira o nawasak, sunog o anumang bagsik ng kalikasan, hindi na maghahanap ang mga alitaptap na iyon ng ibang lugar upang tirhan. Hindi nila ugali ang lumipat na lamang basta ng tirahan upang magsimulang muli dahil mas pipiliin nilang mamatay na lamang din at maglaho kasabay ng pagkawala ng kanilang tahanan.

    Sa tingin ko ay ganoon ang nangyari kay Papa. Naglaho siya kasabay ng paglaho ng kanyang tahanan—si Mama. Wala lamang siyang ibang magagawa kundi ay ang buhayin ako bilang responsibilidad. Sigurado ako na kung papipiliin ay mas gugustuhin niyang mawala na lamang din at iwanan akong mag-isa.

Matapos ang ilang linggong pamamalagi sa kwarto at bahay, nagsimula naman siyang maglakad-lakad kung saan-saan. “I’ll just go for a walk,” madalas niyang paalam sa akin. Inabot din iyon ng ilang buwan bago siya nagdesisyong gibain ang flower shop ni Mama at patayuan ng bagong clinic. Nag-resign siya sa ospital na kanyang pinapasukan upang masimulan iyon. Hanggang ngayon, doon na niya naituon ang kanyang atensiyon. Sa pagiging dentistang iyon ng aking ama kami nabubuhay. Kahit kailan ay hindi pa ako nagagawi sa kanyang clinic. Sa tingin ko ay may galit pa rin ako kay Papa hanggang ngayon nang magdesisyon siyang gibain iyon at patayuan ng kanyang dental clinic. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin lubos na maintindihan kung bakit siya naglakas-loob na gawin iyon nang hindi man lang hinihingi ang aking opinyon. Ganoon na lamang ba talaga kadali para sa kanya na alisin si Mama sa aming mga buhay?

Ang daan malapit sa lugar na iyon ang mas maikling daan papunta sa aming unibersidad, ngunit mas pinipili kong umikot pa at sa kabilang dako sumakay ng jeepney upang maiwasang magawi sa lugar na iyon. Mas maigi na rin ang ganoon dahil mas nagiging matagal ang oras ng paglalakad namin ni Stefan sa tuwing magsasabay kami pauwi galing sa aming unibersidad.

Kinuskos ko rin ng aking toothbrush ang aking retainer habang iniisip kung kailangan ko pa ba iyong dalhin o hindi na. Nagdesisyon na lamang akong iwan iyon sa tukador sa tabi ng salamin.

Agad na akong nagbihis at nagsuot ng sapatos. Nang muli kong tingnan ang aking cellphone ay nakita ko ang isang mensaheng natanggap mula ulit kay Stefan.

[Otw na ‘ko with our Uber ride. Be there in 10.]

HINDI NAMAN GANOON KARAMI ang bumabiyahe pauwi ng probinsiya ngayon kaya’t kakaunti lamang ang mga tao sa terminal ng bus nang makarating kami. Kumain na muna kami sandali ng agahan sa isang tindahan ng tapsilog tabi ng terminal dahil hindi pa naman lalarga ang aming sasakyang bus.

Naupo ako sa tabi ng bintana dahil palagi namanng doon ang aking nais na pwesto. Balewala naman iyon kay Stefan dahil parati niya rin akong pinagbibigyan. Isang malaking duffel bag lang din ang dala niya na kung ibabase sa paningin ay mukhang hindi naman puno ng gamit. Ewan ko ba kung papaanong nabubuhay itong kulugo na ito sa kakaunting gamit na dala.

“Akina ‘yang bag mo.” kalmado niyang sambit. “Lagay natin dito sa taas.”

Pwede mo rin ba ‘kong buhatin?, nais ko sanang imungkahi, ngunit agad ko na lamang binuksan ang aking bag at saka kinuha ang libro at isang jacket bago iniabot iyon sa kanya. Dahil nakaupo na ako at siya ay nakatayo pa rin, nakatuon ang aking paningin sa kanyang mukha at sa aming mga bags na kanyang isinisiksik sa itaas ng aming mga upuan. Sa pag-angat niya ng kanyang mga braso ay kasabay ang pag-angat ng kanyang suot na t-shirt at sweatshirt, dahilan upang sumilip ang balat ng kanyang tiyan at pusod. Kahit na sa kanyang mukha nakatutok ang aking mga mata ay sa kanyang tiyan naman nakatuon ang aking atensyon.

May kaluwagan ang aming mga upuan at may sapat din na ispasyo para sa aming mga paa, ngunit hindi ito ang nais ko. Kinatutuwan ko kasi ang palagiang pagkakadikit ng aming mga braso at hita o binti sa mga siksikan naming biyahe—jeepney man, o MRT, o tricycle.

Ibinukas ko ang kurtina ng aming bintana dahil nasa kabilang gilid naman nakasilip ang araw. Nang lingunin ko siya ay nakita kong hawak na pala niya ang kanyang cellphone na bukas ang front camera.

“Selfie, just because…” paanyaya niya.

Natawa siya nang bahagya nang makita ang aming itsura sa litratong iyon. Nakatingin ako sa kanyang mukha habang siya ay maayos na nakangiti sa camera.

“Delete mo ‘yan.” sabi ko. Dapat kasi nakaakbay ka sa’kin, isip ko.

“‘Wag, ayaw ko.” sagot niya. “I’ll send this to Tito nga eh.”

Sinimangutan ko na lamang siya at saka isinuot ang aking jacket. Napansin ko ang isang bagay na nakaipit sa magkabila niyang mga tuhod. Agad ko iyong kinuha at hindin napipigilan ang pag-ngiti.

“Oh, uhm… Yeah, I made that last night.” naiilang niyang paliwanag. “I mean, except the jar itself, of course. I can’t make that jar myself…”

Isang garapon ng mayonnaise na may bulak sa loob at takip na tela na may suporta ng mga goma.

“Just thought you might need it.” pakamot-ulo niya pang dagdag nang lingunin ko siya at ngitian.

Kay sarap pagmasdan ang kanyang maamong mukha. Hindi mo aakalaing may ugaling barumbado at pagkaburara dahil sa mala-anghel niyang awra. Sa tuwing titingnan ko siya sa kanyang mukha ay imposibleng hindi ko rin matitigan ang tatlo niyang nunal sa leeg.

“Oh god, not my moles agai—”

“Thank you…” mahina kong sagot.

Ginulo niya ang aking kulot na buhok at saka bahagyang natawa.

“Gretel, right?” muli niyang pagngiti.

Noong unang beses kong ibinahagi sa kanya ang pagkahumaling ko sa mga alitaptap, pinayuhan niya akong pangalanan ng “Gretel” ang pinakauna kong alitaptap na mailalagay sa garapon. Ilang linggo ang lumipas bago ko napag-alaman na patungkol pala sa pangalan kong “Hansel” ang reperensiya niya sa patungkol sa payo niyang iyon. Nang sabihin ko sa kanya ay sinabi lamang niya na para kahit papaano, magkaroon ako ng kapatid sa loob ng dalawang araw.

Kung nais mong makapiling ang ilang mga alitaptap, maaari mo silang ilagay sa isang garapon na may maliliit na butas ang takip upang makalabas-masok ang hangin at lagyan ng basang papel o bulak sa loob. Magiging parte sila ng iyong pamilya sa loob ng isa hanggang dalawang araw. Matapos iyon ay kailangan mo na sila muling pakawalan upang bumalik sa kanilang tunay na tahanan at hindi mamatay.

Dalawang araw lamang na paglayo sa kanilang pamilya. Dalawang araw upang sandaling maging bahagi ng pamilya ng iba.

Muli niyang kinuha mula sa akin ang maliit na garapon at saka isinilid sa bulsa ng kanyang suot na sweatshirt. Ibinuklat ko naman ang aking hawak na libro upang simulan itong basahin. Sa tingin ko ay antok pa rin naman itong kulugo na ito kaya’t hinayaan ko na muna siyang manahimik at hindi na muna dinaldal.

SIGURO AY NASA TATLONG oras na nang makalarga ang aming sinasakyang bus.

Pabalik-balik lamang ang aking ulo sa pagbabasa ng librong aking dala at tanawin sa labas. Hindi ako masyadong nahumaling sa mga tanawin hanggang sa makapasok kami sa mismong probinsiya. Sawa na kasi ako sa mga matataas at konkretong mga establisyemento, kaya’t mga puno’t kabundukan talaga ang hinihintay kong matanaw.

Nag-aalangan akong gisingin si Stefan dahil napakahimbing pa ng kanyang tulog sa piling ng kanyang neck pillow at earphones. Kahit na suot ang hood ng kanyang sweatshirt ay kita ko ang nakaaakit niyang mga labi sa bahagyang nakabuka niyang bibig, maging ang malambot niyang pisngi. May kung anong kasiyahan din akong nararamdaman sa tuwing makikita ko ang marahang pagtaas-baba ng kanyang dibdib habang patuloy sa kanyang paghimbing.

Walang kahit na anong bagay na makapagpapasaya sa akin kumpara sa kasiyahan ko sa tuwing kapiling ko si Stefan. Pakiramdam ko ay ligtas ako sa kanyang tabi. Payapa. Magaan sa pakiramdam.

Mula sa kanyang mukha ay sumisilip ang haring araw, dahilan upang mas kagiliwan ko pa siyang pagmasdan. Sa likod ng mga punong aming nadaraanan ay pilit na lumalaban ang liwanag ng araw na madampian ang pisngi niya—para iyong niyebe na nais tunawin ng malabo niyang sinag.

Nagitla ako nang bigla siyang kumilos at inabot ang kanyang neck pillow upang tanggalin. Painat niya akong sinilip nang matanggal ang hood ng suot niyang sweatshirt at iniabot sa akin ang kanyang unan.

“Tulog ka?” pahikab niyang tanong.

“No, I’m good.” sagot ko habang kunwari’y nagbabasa pa rin ng libro.

Naramdaman kong isinuot niya sa aking leeg ang unan habang patuloy pa rin siya sa pagkurap-kurap. Ang ngayo’y mas maamo na niyang mukha ay seryosong nakatingin sa aking leeg habang inaayos ang unan. Napansin ko rin ang pagkagulo ng kanyang buhok na mukang naipit sa kanyang hood.

“Just wear it; it’ll make you comfy.” mahina niyang sabi.

Matapos iyong isuot sa akin ay tiningnan niya ang suot na relo at pinunasan ang salamin niyon gamit ang laylayan ng kanyang damit. Sumandal siya at saka muling humikab. Sinuklay-suklay din niya ang buhok gamit ang mga daliri habang nananalamin sa kanyang cellphone.

“Mom made us some sandwiches pala.” sambit niya. “Ham and egg—your favourite.”

Hindi ko siya pinansin dahil hinahanap ko pa rin kung saang talata na ba ako sa librong aking binabasa. Bigla niyang sinagi ang aking libro na agad ko namang naagapang malaglag.

“Stop reading. Talk to me!” reklamo niya.

“The fuck?” tugon ko. “I’m trying to mark the last bit I read, you bozo!”

Tumawa lamang siya at saka kinusot ang mga mata.

“Should I get the sandwiches?” tanong niya.

“Yeah, okay.” sagot ko habang isinisiksik ang aking libro sa seat pocket ng pasahero sa harap ko. “Stop hitting my books, Ste. Asshole.”

Agad siyang tumayo at saka kinalikot ang bag niya sa top compartment ng bus. Tanaw kong muli ang ibabang bahagi ng kanyang tiyan, ngunit patuloy na iniiwasang titigan iyon.

“Stop ignoring me, then.” natatawa niyang pang-aasar. “D-bag.”

Bahagya kong iniangat ang sarili upang maabot siya’t mahampas ng neck pillow sa kanyang balakang. Siguro ay apat na beses ko siyang nahambalos.

“Stop bullying me!” pabulong niyang sigaw habang natatawa.

Napapalingon sa amin ang ibang mga pasahero kaya’t umayos na ako ng upo at saka marahang umubo upang ilayo ang sarili sa hiya.

Inilapag na muna niya sa kanyang upuan ang isang microwavable container na pinaglalagyan ng mga sandwiches. Humugot siya ng isang t-shirt mula sa kanyang bag at saka inilabas mula sa bulsa ng kanyang sweatshirt ang garapon na itinago niya roon kanina. Binalot niya ito ng kanyang t-shirt at saka dahan-dahang ipinasok sa kanyang bag.

Nang makaupo sa aking tabi ay nilingon niya ako at saka nginitian nang pagkalaki-laki habang mabilisang itinataas-baba ang kanyang mga kilay. Binuksan niya ang lalagyan at saka kumuha ng sandwich bago iniabot sa akin. Kagat-kagat niya ang kanyang sandwich habang tinatakpan ang lalagayan. Mas nahuhumaling ako sa kapal ng kanyang mga pilikmata habang nakatingin sa hawak na microwavable container.

“The only problem is that,” aniya habang ngumunguya. “we forgot to buy drinks.”

“Oh.” pagtugon ko. “We’re arriving soon, anyway. No pit stop?”

    “I think, meron.” sagot niya.

    Nakatutok na naman siya sa kanyang cellphone. Sa tingin ko ay may kabilisan ang WiFi ng aming bus dahil sunod-sunod na pagtunog ng kanyang cellphone patungkol sa mga notifications niya sa iba’t-ibang social media accounts.

    “Tito Ned loves our photo!” ngisi niya. “Ingat daw tayo.”

    Patuloy lang siya sa pagkakalikot ng kanyang cellphone habang ngumunguya. Hinila niya ang aking braso upang mapalapit ako sa kanya at saka idinantay ang ulo sa aking balikat.

    Ramdam ko ang bawat paggalaw ng kanyang panga dahil sa pagnguya, maging ang pag-unat ng kanyang pisngi sa tuwing mangingiti siya dahil sa kung anong nakitang larawan o meme. Normal lang sa kanya ang ganoon, ngunit hindi niya alam na abot-abot ang pagtalon ng aking puso sa tuwing nasa ganoong sitwasyon kami. Iyon bang parang nais mo siyang yakapin nang mahigpit o kaya ay panggigilan, ngunit alam mo ring hindi pwede.

    Maswerte pa rin naman ako kung tutuusin dahil masasabi ko ring sa akin lang din ganito kakumportable si Stefan. Sa tuwing manonood kami ng Game of Thrones sa aking kwarto ay mas nais niya na palaging magkapulupot ang aming mga binti. Matagal-tagal na rin nang huling mangyari iyon kaya’t masaya ako na kapiling ko siya nang ganito ngayon. Kadikit. Literal na kadikit.

GALAK NA GALAK KAMING binati ng ninong ni Stefan nang makarating kami sa aming tagpuan pagkababa ng bus. Agad naman na nanlabo ang aking suot na salamin nang madampian ng may kainitang ihip ng hangin. Halos magmadali akong punasan ang salamin ko dahil nag-umpisa na akong ipakilala ni Stefan sa kanyang ninong na Raul pala ang pangalan.

    Sinundo niya kami roon dala ang kanyang van kasama ang isa niyang binatilyo ring anak na si Reuben. Kung hindi ako nagkakamali ay parang ka-edad lamang din namin ang kanyang anak. Mabuti na rin dahil kahit papaano’y may kaedaran kaming makakasama. Sa hitsura pa lamang nila ay mahahalata mo nang nakaluluwag sila sa buhay, ngunit hindi naman iyong tipong nakakailang na kausapin. Mapapansin mo rin kasi na totoo ang interes nila sa bawat sagot mo sa kanilang mga tanong.

    Panay ang daldal sa amin ni Reuben kahit na sa harap siya nakaupo. Lumilingon-lingon lang siya sa amin, ngunit pansin kong kay Stefan lamang siya direktang humaharap. Para siyang sabik na sabik na ibahagi sa amin ang mga bagay-bagay patungkol sa kanilang probinsiya. Ang sabi niya sa amin ay nasa dalawampung minuto naming babagtasin ang daan patungo sa kanilang tahanan. Hindi naman daw iyon ganoon kaliblib, ngunit talagang malayo mula sa bayan. Dalawang beses lamang daw sila sa isang buwan kung magtungo ng bayan upang mamili ng mga gagamitin sa kanilang bahay. Ang pagkain naman daw kasi ay hindi ganoon kahirap hanapin sa kanilang lugar dahil may sarili silang poultry at taniman ng mga gulay.

    Hindi naman iyon mahirap paniwalaan dahil sa pagtahak naming ng daan patungo sa kanila ay makikita rin ang mga bahay na may kanya-kanya ring taniman ng gulay. Probinsiyang-probinsiya, ngunit hindi iyong tipong nakakabagot. Maging si Stefan ay namamangha sa aming mga nakikita sa bawat madaraanan na panay din ang pagtatanong sa kanyang ninong at kinakapatid ng mga bagay-bagay patungkol sa kanilang probinsiya.

Kung ako man ay tatanungin, sa tingin ko ay hindi naman magiging mahirap para sa akin ang tumira sa ganitong lugar sa loob ng ilang buwan. Oo, ilang buwan lamang at hindi pang-habangbuhay. Alam ko kasi kung saan talaga ang aking tirahan. Marahil ay ikamamatay ko ang pagpilit sa sarili na tuluyang lisanin ang aking kinalakhang tahanan. Kapag ang tirahan ng mga alitaptap ay nasira o winasak, hindi sila maghahanap ng ibang lugar upang matirhan; mas pipiliin nilang maglaho na lang din sa hangin kasabay ng kanilang tahanan. Sa aking palagay, isa iyon sa mga bagay tungkol sa mga alitaptap na nakakapagpamangha sa akin nang lubusan.

    Napag-alaman ko rin na sa Maynila rin pala nag-aaral itong sina Reuben at ang isa pa niyang kapatid. Ngayon ay nagbabakasyon lamang din sila at babalik na rin sa Linggo paluwas ng Maynila dahil umpisa na nga ulit ng klase.

    Nang makarating kami sa kanilang tahanan ay ang kanilang hardin ang unang pumukaw ng aking atensiyon. Samu’t saring gulay, halaman, at bulaklak na bumubusog sa iyong mga mata. Sa lawak ng kanilang bakuran ay malayang nakakalaboy doon ang ilan ring mga alaga nilang hayop katulad ng mga manok, kambing, at iba pa. May harang lamang sila upang hindi makapunta sa mismong taniman ng mga gulay.

    Mayroon ding ilan pang mga sasakyan na nakaparada roon. Marahil ay kay Reuben ang isa sa mga iyon, at ang isa ay sa asawa ni Mang Raul.

    Kahit na hindi naman talaga kami lubusang kilala ay mainit din ang pagtanggap sa amin ng kanilang pamilya. Ang asawa ni Mang Raul, si Aling Esther, ay panay ang paghalik sa aming mga pisngi nang aming makadaupang-palad. May ilan din silang kapit-bahay na naroroon at sumalubong din sa amin. Hindi ko alam kung ilang minuto pa ang aking itatagal bago ako tuluyang maglupasay sa lupa dahil sa dami ng tao na kumakausap sa amin. Lahat sila ay kailangan kong tandaan ang mga pangalan kahit hindi pa man kami lubusang nakakapasok sa loob ng kanilang tahanan.

    Nang makapasok ay amoy ko na kaagad ang bango ng mga ulam na kanilang niluto o niluluto pa lamang. Kung hindi ako nagkakamali ay Kare-kare ang siyang pinakamahalimuyak, sunod sa Adobo at Lechong Manok. Si Aling Esther ay inakay na kaagad kami patungong hapag upang maupo na. Sa sandaling pagmasid ko sa loob ng kanilang tahanan ay kaayusan ng mga gamit at kalinisan ang una kong napansin. Gawa sa mamahaling mga kahoy ang kanilang tahanan. Ang kanilang hagdan at sahig ay kumikintab dahil sa kinis ng kahoy na ginamit para roon. Maging ang karamihan ng kanilang mga kagamitan at gawa rin sa kahoy. Mukhang luma, ngunit hindi naman iyong uri na nakakatakot tirhan. Mukhang mamahalin, maganda, elegante.

    Walang humpay si Mang Raul at Aling Esther sa kanilang pagkukwento’t pagtatanong. Ang pakiramdam ko ay kamag-anak ko nga silang talaga dahil ganoon na lamang ang kanilang pagkahumaling sa mga kwento aking naibabahagi. Oo, may ilan silang pag-uusap patungkol sa kanilang pamilya at pamilya nina Stefan, ngunit hindi naman ako nakararamdam ng kahit na anong pagka-ilang. Habang abala sila sa pag-uusap ay panay lamang din ang aking pagnguya at pagmamasid-masid sa paligid. Totoong nakamamangha ang kanilang tahanan. Sa kabilang dako ng bukas na silid na iyon ay makikita ang pinto na papasok marahil ng mismong kusina. Nakakatuwang pagmasdan ang mga dekorasyong nakasabit sa mga pader, maging ang mga ilaw na kanilang pinili upang maging mas kaaya-aya ang kainang iyon.

Hindi ko inaasahan ang paglitaw ng isang babae, na sa tingin ko ay kasing tanda ko lamang din, mula sa pintong aking pinagmamasdan. Sa sandaling iyon ay parang huminto ang oras dahil sa kanyang pagpasok. Napakagandang mukha, mahabang buhok, morenang-morena… Kung panaginip man ito, malamang ay hindi ako binabae sa mundong ito sa aking panaginip. Bumalik ako sa ulirat at umubo nang marahan. Panandaliang nandiri dahil sa pagkamanghang naramdaman at muling pinaalalahanan ang sarili na hindi ako tibo. Bahagya akong napangiti dahil sa kung anu-anong kalokohang aking naiisip, ngunit nawala ang ngiting iyon nang lingunin ko si Stefan na nakatitig pa rin at nakanganga sa babaeng dumating. May kung anong kinang sa kanyang mga mata na para bang isang kagat ng lamok ang sakit na dulot sa akin. Agad kong ibinaling muli ang aking paningin sa babae, pagkatapos ay kina Mang Raul at Aling Esther, at pagkatapos ay kay Stefan ulit. Nagpabalik-balik lamang sa kanila ang aking paningin dahil maging ako ay naguguluhan kung sino ba ang mangkukulam na ito.

    “Ah, Stefan,” pagbasag ni Mang Raul sa aming katahimikan. “Ito na si Gemma, tanda mo pa?”

    Hindi pa rin iniaalis ni Stefan ang kanyang pagkakatitig kay Gemma at bahagya pa ring nakabuka ang bibig. Dahil nakaupo siya sa aking tabi ay pasimple ko siyang sinasagi gamit ang aking tuhod at hita. Nang hindi pa rin siya magising sa dilat niyang pagtulog ay madiin ko na siyang siniko na siyang bahagya naman niyang ikinaubo.

    “What the—” pag-ubo niya. Tinatakpan ang kanyang bibig upang agapan ang pagtalsik ng mga kanin mula sa kanyang bunganga.

    “Mang Raul was asking you a question, dufus.” pagbulong ko habang nakangiti kina Mang Raul at Aling Esther na nakaupo sa tapat namin. “Gemma, was it?” pagtanong ko sa kanila bago lumingon kay Gemma na umupo na rin sa tabi ng kanyang ina.

    Uminom ng tubig si Stefan bago iniabot ang kanyang kamay kay Gemma at nagpakilala. Nakangiti pa rin ako, ngunit sa aking isipan ay kinakatay ko na si Stefan dahil sa mga pagkilos niyang nakakahiya. Maging si Reuben ay hindi mawari kung ano ang nangyayari sa kanyang kinakapatid. Dahil doon ay napansin ko ang malaking pagkakahawig nilang dalawa ni Gemma. Hindi nga ako nagkakamali, kambal pala sila.

    Hindi ko alam kung anong espirito ang sumanib kay Stefan dahil panay ang pagpapatawa niya sa mga kwentong kanyang ibinabahagi. Ayos naman din dahil bumebenta naman kina Mang Raul ang mga banat niyang iyon at maging kay Gemma na mahinhing humahagikgik habang taimtim na tinatakpan ang kanyang bibig. Sa sobrang hinhin ng kanyang pagtawa ay maiisip mo kung totoo bang natatawa siya o nagpapakitang-tao lamang upang hindi mapahiya ang aking kaibigan. Marahil nga ay totoo ang pagtawa niyang iyon dahil sa pagpupunas niya ng luha matapos tumawa na tanging mga multo lamang ang makaririnig dahil sa sobrang hina. Sa totoo lang ay panay ang lingon ko sa iba pang mga tao na naroroon, umaasang may masasalubong din ang aking paningin ng pares ng mga matang nangungusap ng “alam-nating-lahat-na-hindi-totoo-ang-tawa-nitong-bruhang-ito,” dahil nais kong malaman kung ako lang ba ang nakararamdam ng hindi inaasahang pagkagigil sa kakimihan ng mangkukulam sa aming harapan.

    Magandang babae si Gemma. At base na rin sa mga kwento ng kanyang mga magulang, matalino siyang tao at responsable. Sa tingin ay mas namamangha na ngayon si Stefan sa kanya dahil sa pagiging perpekto niya. Sinabi ko na kanina, naka-programa na sa aking utak na kamuhian ang kahit na sinong may interes kay Stefan.

    “Ikaw, Hans?” nakangiting tanong sa akin ng bruha. “Anong course mo? Anong mga interests mo?”

    Ah, gusto mong malunod sa mga achievements ko? Teka lang… Bahagya akong pumikit at saka muling dumilat habang nakausli nang kaunti ang nguso, naghahandang makipagtalastasan.

    “Well, I—”

    “Oh, you’re gonna love this guy!” biglang pagsabat ni Stefan matapos akong akbayan. “He’s taking up Communication Arts and is killing it!” pagmamalaki niya.

    Sige lang, Stefan. Lampasuhin natin ‘tong talanding ‘to.

    “Consistent Dean’s Lister, Supreme Student Council officer, columnist in our uni’s Tribune, host in one of our uni’s radio shows, and lastly, excuse to you, Ruben, and to myself, …” pagbitin niya. “…the best son in the whole-wide world!”

    Suck it, Gemma Gumamela. SUCK. IT.

    Patuloy lang ako sa pagkain dahil ayaw kong tingnan ang mukha niya. Ayaw ko rin naman kasing lumabas na mayabang sa kanyang mga magulang, ayos na ‘yung malaman niya kung sino binabangga niya. Kumbaga sa Plants vs Zombies, first wave.

    “Nako, napakagaling naman pala niyang kaibigan mo.” papuri ni Mang Raul.

    “Grabe, sobrang busy mo pala?” puna ni Reuben. Kanina ko pang nais na matitigan talaga ang kanyang mukha upang mas maihambing sa bruha niyang kakambal, ngunit hindi yata niya hilig ang tumingin sa mata ng kausap. “You’re awesome.”

    “Uh, thanks?” tanging sagot ko sa kanya habang pilit pa ring sinisilip ang kanyang mukha.

    “Wow!” sambit naman ng bruha. “He’s really a good influence to you, Ste.”

    Ste? Sinong may sabi na pwede niyang tawagin nang ganoon si Stefan? Ako lang ang pwedeng tumawag sa kanya nang ganoon. Galing din pumalag nitong lantang bulaklak na ‘to eh.

“Stefan.” seryoso kong sabi sa kanya. Tinitigan ko siya nang walang reaksyon hanggang sa makita ko ang pagkailang sa kanyang mukha, at saka pilit na ngumiti. “Dapat buo… Stefan.” Matuto kang lumugar, gusto ko sanang idagdag.

    “Why?” lito niya pa ring tanong at saka lumingon kay Stefan. “Ayaw mo bang tinatawag kang—”

    “Ang sarap po nitong Kare-kare!” pag-iiba ko ng usapan. “Kayo po ang nagluto?” tanong ko kay Aling Esther.

    “Oo, anak.” nakangiting sagot niya.

    “Specialty ‘yan ni Mama.” sabat naman ni Reuben na sandaling tumingin sa akin at biglang umiwas bago pa man magtama ang aming mga paningin. Nakangiti naman siya at magiliw na nakikisali talaga sa mga usapan. Hindi na rin masama, may itsura rin naman talaga itong isa.

    “Ba’t hindi mo nilalagyan nitong bagoong?” tanong ni Mang Raul.

    “Allergic po ako, Mang Raul.” mahinahon kong sagot sabay kamot ng ulo.

    “Sayang,” ani Aling Esther. “gawa pa naman iyan ni Gemma.”

    Ah, kaya naman pala allergic talaga ako. Tumingin lamang akong muli kay Gemma upang ngitian siya, ngunit abala na naman siya kakangisi kay Stefan.

    Natapos ang aming kainan sa mga tanong at kwentuhan, ngunit para kay Stefan, ang buong pangyayaring iyon ay palitan lamang ng pagngiti at titigan sa pagitan nila ni Gemma. Naiinis ako kay Stefan dahil halata naman na nilalandi niya si Gemma, ngunit mas kumukulo ang dugo ko kay Gemma dahil wala pa man limang minuto kami nagkakasama ay ramdam ko na rin na may kalandian ding nanalaytay sa kanyang katawan. Paniguradong bangungot ang kahihinatnan nitong sandaling bakasyon na ito.

    May mga babaeng alitaptap (mula sa genus Photuris) na ang paboritong pagkain ay mga lalaking alitaptap na kaiba sa kanilang uri. Ang tawag sa ganitong uri ng trick ay “aggressive mimicry.” Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng paggaya sa mga ilaw at kislap ng mga lalaking alitaptap na kanilang nais mabiktima upang sila’y maakit. Hinihintay nila itong lumapit hanggang sa magdikit ang kanilang mga katawan at saka nila ito kakainin.

    Ano ang nais kong sabihin patungkol dito? Simple lang: ayaw kong makain ni Gemma si Stefan.

 “WHAT CAN YOU SAY about Gemma?” nakangiting tanong ni Stefan sa akin habang nakahiga sa aming kama at nilalaro-laro ang kanyang kilay. “God, who would’ve thought she’d turn out to be that gorgeous!”

    Malaki ang aming silid at kung tutuusin ay maaari pang maglatag ng kutson sa sahig upang maging dalawa ang aming hihigan, ngunit tumanggi na si Stefan kanina kay Mang Raul nang imungkahi niya iyong paglatag dahil sanay naman daw kaming magkatabi sa higaan. Hindi na nito nagpilit at sinabi na lamang na kami na ang bahala. Natawa pa  nga ako nang mabanggit ni Mang Raul na tama nga raw ang ama ni Stefan nang masabi nito sa kanya na para kaming kambal ng kulugong ito.

    Nakatunganga kasi si Stefan sa bintana ng aming silid kaya’t hindi niya nakita ang pag-ikot ng aking mga mata nang mabanggit niya ang pangalan ng babaeng iyon. Muli ko na lamang itinuon ang atensyon sa mga gamit kong inilalabas mula sa aking bag. Balak ko kasing maligo at umidlip muna dahil napagod din ako sa biyahe. Mabuti’t nakatulog si Stefan kahit papaano kanina sa bus, ngunit ako hindi.

    “You didn’t tell me they were twins.” puna ko. “She looks exactly like Reuben!”

    “I even thought she was a tomboy, you know.” natatawa niyang dagdag. “I still remember playing sungka with her when they would visit us before tapos we would wrestle—all three of us. Wow, tagal na rin pala.”

    “How come I didn’t know them?”

    Tumango lamang siya dahil hindi niya rin marahil alam kung bakit.

    “Wala ka bang balak maligo?” tanong ko nang makakuha ng damit na susuotin pamalit.

    “Later.” pagtanggi niya. “You go ahead.”

    “Alright.” sagot ko. “Sanay ka naman sa amoy mong mabaho eh.” pang-aasar kong ikinatawa naman niya.

    “Says the guy who always smells.” banat niya.

    Hinubad ko ang aking suot na damit at pantalon bago maayos na inilapag iyon sa kama sa tabi ni Stefan. Hinablot niya ang aking damit at saka inamoy.

    “Smell that?” pang-aasar niya. “Eww… What are you, a sewage?”

    Natawa lamang ako at sinipa siya sa binti bago nagtapis ng tuwalya. Papasok na sana ako ng banyo nang biglang may kumatok at nagbukas ng pinto. Oo, ang bruha.

    “Ready?” tanong niya na parang may alam kami sa kanyang ibig sabihin.

    Kumurap-kurap lamang ako dahil wala talaga akong ideya kung patungkol saan ang kanyang sinasabi. Nilingon ko si Stefan at bakas din ng pagkalito ang kanyang mukha nang tingnan ako. Nakangiti pa rin siya na parang isang robot na kusa na lamang na ngingiti kapag may isang Gemma Gumamela sa paligid.

    “I-I’m sorry, but—” sagot ko.

    “Libot ko kayo!” nakangiti niyang sabi. “Tara! It’s gonna be fun.”

    Patuloy lamang din siya sa pagngiti habang nakasilip pa rin ang ulo mula sa labas ng aming silid. Nagtali siya ng kanyang buhok at napansin ko ang paglagay niya ng manipis na make up sa kanyang mukha dahil mas lumilitaw ang kanyang ganda. Hindi. Hindi nga pala siya maganda.

    “Maliligo pa ‘ko eh.” sabi ko. “And I think, papahinga na muna kami—”

    “No, it’s cool.” biglang sabat ng kulugo. “We’re actually just changing clothes. I was gonna ask you to show us around din, actually.”

    Sinisimangutan ko si Stefan nang lingunin ko siya upang pilitin na tumanggi muna, ngunit iniiwasan niya ako ng tingin. Muli akong lumingon kay Gemma at saka pilit na ngumiti.

    “Kayo na lang siguro?” palingon-lingon ako sa kanilang dalawa. Hindi ko rin alam kung bakit. Siguro ay dahil naiilang din ako.

    “Bakit naman?” tanong ni Gemma habang naka-pout ang mga labi.

    Dahil irita ‘ko sa’yo, hindi mo ba ramdam?, gusto kong sabihin. “Medyo nahihilo pa rin kasi ako eh.” pagsisinungaling ko.

    “D-dude,” utal na sabat ni Stefan matapos biglang tumayo. “Let’s go, man!” Pumagitna siya sa amin ni Gemma. Nilingon niya ako at sinisenyasan gamit ang kanyang mga kilay at saka biglang ngingiti kapag lilingon kay Gemma.

    “Yeah, mag-eenjoy ka!” pag-gatong naman ni Gemma. “Promise!”

    Balak ko pa rin sanang tumanggi, ngunit naisip ko na silang dalawa lang ang mamamasyal. Baka may kainan na maganap kaya’t bigla ko na lamang isinantabi ang aking katamaran at saka muling ngumiti sa kanilang dalawa. Isa pa, alam kong medyo tatanga-tanga ‘tong si Stefan sa harap ng natitipuhan niyang babae kaya’t heto: “BF duties.” BF, as in best friend.

    “Uh, sige. Bihis lang ako.” sabi ko.

    “Yes!” sigaw ni Stefan. Lumingon siya sa akin at saka ako kinindatan. “Quick! We’ll wait for you downstairs.”

    Hindi na ako nakasagot pa dahil agad na rin namang lumabas ang kaibigan kong bubuyog kasama ang kanyang gumamela.

INABOT NA KAMI NG dapit-hapon sa kakalakwatsa. Walang preno si Gemma sa kakakwento ng kung anu-ano sa amin ni Stefan, ngunit kahit na anong pagngiti niya sa akin ay alam ko naman na para sa kaibigan kong kulugo lamang ang lahat ng mga kwento niyang iyon.

    Pilit ko na lamang na inaaliw ang sarili at inaalis sa aking isipan ang katotohanang hindi ko nakatabi si Stefan sa likuran ng sasakyan. Nang magtungo kasi ako kanina, maayos na silang nakaupo ni Gemma sa likod at tanging sa unahan na lamang ako naupo katabi ni Reuben na siya namang nagmamaneho.

    Maging dito sa kabilang bayan ay nagtungo kami. Fiesta kasi roon at may tiangge. Maganda ang lugar dahil nababalot ang mga bilihan ng iba’t ibang kulay ng mga ilaw at nagsasayawang mga banderitas. Ang sabi sa akin ni Reuben kanina ay magkakaroon daw ng fireworks display bukas ng gabi na malinaw daw naming makikita sa balcony ng kanilang bahay.

    Kumain din kami ng iba’t ibang mga pagkain. Kung papipiliin, marahil ay avocado ice cream at rambutan ang mga pagkain na aking pinakakinagiliwang kainin. Binilhan ako ni Stefan ng isang bracelet at siya pa mismo ang nagsuot sa akin. Gusto ko sanang makita ni Gemma ang pangyayaring iyon, ngunit abala sila noon ni Reuben na namimili ng ibang mga disenyo sa mga tinda. Siyempre, binilhan din ni Stefan si Papa ng isa. Iisa lamang ang disenyo ng mga bracelets naming iyon.

    Naupo na muna kami sa isang bench upang magpalipas pa ng ilang minuto bago tuluyang umuwi. Panay pa rin ang tawanan nina Gemma at Stefan. Maging si Reuben ay nakikisali na rin sa kanilang kulitan habang ako ay tahimik lamang na pinagmamasdan ang paligid.

    “I really like it here.” panimulang sabi ni Reuben sa aking tabi.

    Nang lingunin ko siya ay sandali siyang tumingin sa akin at muling ibinaling ang paningin sa mga taong namamasyal din sa paligid. Naroon na pala sa bilihan ng cotton candy sina Stefan at Gemma. Mula sa aming pwesto ni Reuben, kitang-kita ko ang tawanan nilang dalawa. Masakit man para sa akin na aminin, bagay talaga sila.

    “Bagay ba sila?” tanong ko kay Reuben habang nakatingin pa rin sa bubuyog at gumamela.

    Ilang segundong nanahimik lamang si Reuben, marahil ay hindi talaga alam ang sasabihin. Nilingon ko lamang siya at nginitian.

    “They look so cute together, no?” pagngisi ko. “You and your twin, are you close?”

    Nagkibi lamang siya ng balikat. “Yeah, I guess.”

    “You know, lagi kong iniisip ano kaya feeling ng may kakambal?” natatawa kong sabi. “Or kapatid… Instant kakampi, right?”

    “Right,” natawa siya. “instant kakaway din.”

    “So lagi kayong nag-aaway?” tanong ko.

    “Oh, yes!” natatawa niyang sagot. “But only over stupid little things.”

    Natawa ako.

    “Pero hindi na rin masyado ngayon.” dagdag niya. “Unlike dati talaga when we were little kids.”

    “I can imagine…” sabat ko.

    “So,” paghikab niya. “Are you an only child?”

    “Unfortunately.”

    “Wow,” bigla niyang sabi. “Consider yourself lucky!”

    Muli ko siyang nilingon at nginitian. Pansin ko ang pagkailang talaga niya na tingnan ako. Sinagi ko siya ng aking balikat. “Lucky?”

    “Sure,” sagot niya. “No rival, no shadow, whatsoever… Are you kidding me?”

    Tumawa kaming pareho.

    “How’s your life like?” tanong niya ulit. “What does your mom do? Your dad?”

    Nagbuntong-hininga lamang ako at muling tumingin kina Stefan at Gemma sa ‘di kalayuan. Sumagi sa isip ko kung ganoon din ba dati ang aking mga magulang—nagtatawanan sa tabi ng isang cotton candy stall.

    “My dad’s a dentist.” sagot ko kay Reuben. “My mom, she—” napalingon akong muli sa kanya.

    Nanlaki naman ang kanyang mga mata nang maintindihan ang patungkol sa aking ina. “Oh god, Hans, I-I’m so sorry!”

    Nginitian ko siya. “That’s okay, ano ka ba?”

Muli ay napahawak ako sa aking suot na kwintas at saka muling tinanaw ang kinaroroonan nina Stefan. Nakita kong pabalik na pala sila sa inuupuan namin. Pansin ko ang pagtitig pa rin sa akin ni Reuben kahit na hindi ako nakalingon sa kanya.

    “You okay, Hansel?” tanong sa akin ni Stefan matapos akong akbayan at sinusubuan ng hawak niyang cotton candy.

    Nginitian ko siya. “Yep! Why?”

    “Saw you touching your necklace again from afar.”

    “Oh.” sagot ko. “Don’t worry about it. It was nothing, promise.”

    Ngumiti rin siya nang mapagtantong ayos lamang ako. “I hope you’re still enjoying.” bulong niya. “You’re the reason why we’re here, ‘di ba?”

    “Oo naman!” masigla kong sagot. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang aking naging sagot. Marahil ay upang hindi siya mag-aalala sa kung ano man ang aking iniisip. “Time to find Gretel, yes?”

    “Yes!” natatawang sagot ni Stefan.

    “Gretel?” litong tanong ni Reuben.

Si Gemma naman ay nagtataka ring nakatingin sa amin at naghihintay ng sagot kung sino ba si Gretel. “You have a twin, too? I thought—”

    “No, no…” pagtanggi ko. Huminga ako nang malalim dahil muli, magpapaliwanag na naman ako ng isang bagay sa ibang tao. Baka hindi na naman nila maintindihan at magpaulit-ulit na naman ako ng paliwanag.

    Marahil ay napansin ni Stefan ang aking paghihirap kaya’t bigla na lamang siyang sumabat at ipinaliwanag sa magkambal ang kwento patungkol sa alitaptap na si Gretel na ikinatawa naman naming lahat.

    Naramdaman ko ang pagpatak ng tubig sa aking pisngi. Nang tumingala ay nakita ko ang paglakas ng ambon at saka naging ulan.

    “Oh, shit.” bulalas ni Reuben. “Tara na dali sa sasakyan!”

    Para kaming mga basang sisiw sa loob ng sasakyan. Nanginginig kami habang nagpapakiramdaman kung anong sasabihin kina Mang Raul. Ang sabi kasi ni Reuben ay mapapagalitan sila panigurado ng kanilang ama dahil dinamay nila kami sa lakwatsang ito. Nadulas din si Gemma nang mabanggit niyang hindi pala niya naisama sa kanyang paalam ang pagtungo namin sa kabilang bayan. Nakakatuwa rin silang pagmasdan magkambal na nag-aasaran patungkol sa siguradong sermon na sasalubong sa kanila pag-uwi.

    Palingon-lingon lang ako kay Stefan dahil naiilang na rin ako sa ingay ng kambal. Marahil ay napansin ni Gemma ang aming pagkailang kaya’t sandali siyang tumahimik na nagpatahimik din kay Reuben. Nabalot ng katahimikan ang sasakyan ng ilang sandali bago kami sumabog sa tawanan dahil sa aming sinapit. Halos sumakit ang aking tiyan kakatawa habang mas lumalakas ang pagbuhos ng ulan.

Aaminin ko, masaya ako ngayon. Totoong masaya.

GAYA NG INAASAHAN AY napagalitan nga sina Gemma at Reuben dahil basang-basa pa rin ang aming mga damit nang makarating kami sa kanilang bahay.

    Sa tingin ko nga ay pigil pa ang pagalit sa kanila nina Mang Raul at Aling Esther dahil naroroon din kami ni Stefan habang pinagsasabihan nila ang kanilang mga anak. Bukod pa roon, nasa harap kasi kami ng hapag-kainan kaya’t pinipilit pa rin nilang gawing maayos ang aming mga pakiramdam bilang kanilang mga bisita. 

    “Don’t worry…” sambit ni Stefan nang makalabas ng banyo. “Maybe tomorrow’s a good time to go find Gretel na.” Bulol ang kanyang pananalita dahil sa sipilyong nakaipit sa kanyang bibig habang inaayos ang tapis ng tuwalya sa katawan.

    “Yeah, I hope so.” Abala ako sa pagpapatuyo ng aking buhok. Nauna na kasi akong naligo kay Stefan kanina matapos namin kumain ng hapunan. “Plus, there’s gonna be a fireworks display daw, ‘di ba?”

    “Yup, fireworks! Exciting.” masigla niyang tugon, tuloy pa rin sa pagkuskos ng ngipin.

    Sa tuwing sasapit ang bagong taon, hindi maaaring hindi kami magkasama ni Stefan na pinagmamasdan ang mga fireworks sa kalangitan. Hindi ko alam kung kailan at paano iyon nagsimula, ngunit bago pa man sumapit ang alas-dose ay dapat magkasama kami o kaya naman ay magkausap man lang sa telepono.

Kung hindi ako nagkakamali, napansin ko lamang iyon noong unang bagong taon na nawala si Mama sa amin. Wala kasi akong balak noon na magdiwang ng bagong taon dahil parang hindi ko kaya. Maging si Papa ay nakakulong lamang sa kanyang kwarto at ipinagluto lamang ako ng ilang putahe bilang handa. Iyon ang pinakamalungkot naming pagdiriwang ng pasko at bagong taon. Ngunit si Stefan, bilang pinakamatalik kong kaibigan, ay hindi pumayag.

    Hindi pa rin ako noon umiiyak, ngunit punong-puno ako ng kalungkutan kaya’t nagkulong na lamang ako sa loob ng aking silid, habang panay ang pagkatok niya pintuan niyon at pilit na humihiling sa akin na pagbuksan ko siya. Hindi ko alam kung bakit ayaw ko siyang harapin noon. Marahil ay nahihiya ako at sobrang nalulungkot.

Naaalala ko pa kung papaano ako nakasalampak sa sahig sa tabi ng mismong pinto ng aking kwarto habang binibilang kung ilang beses babanggitin ni Stefan ang aking pangalan. Naaalala ko rin kung papaanong nag-alala ako nang sandali siyang tumigil kakakatok sa pinto upang tawagan pala ang aking cellphone.

    Nang hindi ko pa rin sagutin ang kanyang mga tawag sa aking cellphone ay muli siyang nanahimik at narinig ko ang paglalakad niya palayo sa aking silid. Inilapat ko ang aking tainga upang marinig ang pagbaba niya ng aming hagdan at narinig ko na lamang si Papa na sinabihan siyang mag-ingat sa daan pauwi. Ngunit hindi pa siya dumeretso sa kanilang bahay noong mga oras na ‘yon dahil umakyat siya mula sa labas patungo sa bintana ng aking silid. Nakangiti niya akong binati habang nagkakandarapang makapasok ng aking kwarto.

    Isa iyon sa mga sandaling akala ko ay maiiyak na ako nang tuluyan, ngunit hindi. Nagawa ko pa rin pigilan ang aking sarili. Lagi kong sinasabi sa aking isipan na wala akong karapatang umiyak. Wala.

    “Have you texted Tito Ned?” biglang tanong ni Stefan na nagpabalik sa akin sa ulirat.

    “Oh, my god!” bigla kong bulalas at biglang binitawan ang hawak na tuwalya upang kunin ang aking cellphone sa bulsa ng aking hinubad na pantalon. Nakaligtaan ko kasing padalhan ng mensahe si Papa kanina nang dumating kami.

    “Thought so… I already have!” nakangiti niyang sabi. “And he already replied ‘OK’.”

    Huminga ako nang malalim at saka ngumiti rin sa kanya. “Please, don’t take it too seriously, but yeah, I think you’re the bestest.”

    “Aw, stop it you!” maharot niyang sambit habang kunwari’y tinatakpan ang kanyang bibig at saka bumalik sa banyo upang ipagpatuloy doon ang kanyang pagsisipilyo.

    Nang matapos siya sa pagsisipilyo ay nagsuot na rin kaagad ng boxers si Stefan at saka naupo sa kabilang gilid ng aming kama. Ngayon na lamang muli kami nagkasama nang ganito katagal. May bonus pang tabi kami ulit na matutulog din.

Nakatingin lamang ako sa kanya habang kunwari patuloy pa rin sa pagpapatuyo ng aking buhok. Hindi katulad ni Stefan na tanging boxers lamang ang suot, ako ay nakasuot ng t-shirt. May kalamigan kasi ang kwarto dahil sa lakas ng aircon. Palaging ganoon ang hirit ni Stefan sa tuwing magkakasama kaming matulog; dapat malakas ang aircon. Ewan, balat-mammoth kasi yata. Nakita kong nagsuot siya ng isang kwintas na gawa lang din sa kung anong lubid na halos katulad ng bracelet na binili niya sa amin ni Papa.

    “Ay, gaya-gaya!” pang-aasar ko. “Gusto niya may kwintas din siya.”

    “Silly!” pagsimangot niya bago natawa.

    “Why’d you buy that?” tanong ko. “Kala ko ba ayaw mo ng kwintas-kwintas dahil pakiramdam mo nasasakal ka?”

    Nagkibi lamang siya ng balikat at saka nahiga.

    Maya-maya pa ay pinatay ko na ang ilaw at nahiga na rin sa kanyang tabi. Sobrang nakakapagod ang araw na ito kaya’t sa tingin ko ay mahimbing na rin ang pagtulog ngayon ng kambal. Sumagi sa aking isipan, ano kaya kung naging magkakaibigan kaming apat noon pa man. ‘Yung tipong lumaki kami nang sama-sama rin.

    “Hans?” pagtawag ni Stefan.

    Umungol lamang ako dahil nakatagilid ako patalikod sa kanya.

    “Today was fun, right?” sabi niya.

    Humikab ako at tumihaya. Nag-unat din ako ng mga braso at sinasadyang sagiin ang kanyang mukha upang mangulit lang. “Yup.”

    Marahan niyang tinatapik ang aking kamay na nakapatong sa kanyang pisngi. “I’m so glad you’re here with me.”

    “Me, too.” sagot ko.

    Bigla niya ako inakap kasabay ang pagtanday din ng isang binti sa akin. Ramdam ko ang lamig ng kanyang balat na nagbibigay init naman sa akin. “Na-miss ko ‘to.”

MAAGA PA LAMANG AY nagising na ako, ngunit mas nauna pala sa akin si Stefan na magising.

Matapos kong maghilamos ay bumaba na rin ako kaagad upang alamin kung mayroon ba akong maitutulong sa paghahanda ng agahan. Nadatnan ko sina Stefan at Reuben sa likod bahay na salitang nagkakayod ng niyog kasama si Aling Esther. Si Gemma naman ay nasa kusina kasama ang ibang nilang kasama sa bahay na nagluluto na rin ng almusal.

    Nang tanungin ko ay sinabi sa akin ni Aling Esther na balak niyang magluto ng Laing at Bicol Express bilang aming tanghalian. Sinabi rin niya na mag-iihaw sila ng manok mamayang hapon para naman sa aming hapunan. Kung ganito lang kaaliwalas ang buhay sa Maynila, paniguradong mas gaganahan ka talagang mabuhay. Sa tingin ko, matutuwa siguro si Papa kung naririto siya ngayon kasama ko. Ang dating si Papa, ang ibig kong sabihin.

    Mabilis na natapos ang aming agahan. Katulad ng inaasahan, napuno iyon ng tawanan at maingay na kwentuhan. Napakagaan na rin ng pakiramdam ko sa piling ng pamilya nina Mang Raul. Maging si Gemma na madalas ko pa ring kasuklaman dahil sa kalandian nila ni Stefan ay paminsan-minsan ko na ring kinatutuwang kausapin. Si Reuben naman ay panay pa rin ang pagkwento sa akin ng kung anu-anong mga bagay patungkol sa kanilang buhay.

    Hindi katulad kagabi ay maaliwalas na talaga ang panahon ngayong araw. Ang sabi ni Aling Esther ay siguradong tuloy-tuloy na ang pagganda ng panahon hanggang mamayang gabi kaya’t mapupuntahan na namin ang sinasabi niyang maliit na lawa kung saan naglilitawan ang mga alitaptap tuwing dapit-hapon. Bakas din sa kanilang mga mukha ang pagkasabik para sa akin, lalo na si Stefan na pinanggigilan pa ako nang marinig ang sinabing iyon ni Aling Esther.

    Matapos ang agahan ay nagtungo kami sa maliit na taniman ng gulay nina Mang Raul. Halos lahat yata ng gulay sa kantang Bahay Kubo ay nakatanim na roon. Magiliw kaming pinapaliwanagan ni Aling Esther patungkol sa mga gulay niyang tanim roon at ang pagkahilig niya sa pagtatanim. Panay naman ang pagsinghal nina Gemma at Reuben dahil nahihiya na sila sa dami ng kwento ng kanilang ina. Natatawa lamang kami ni Stefan dahil sa nakakatuwa silang pagmasdan bilang pamilya.

    Marami pa kaming ginawa bukod sa paglilibot-libot. Tumulong din kami ni Stefan na magpaligo ng kanilang mga aso. Maging ang sumakay sa kanilang kalabaw at ang manakot ng mga kambing ay aming naranasan. Tuwang-tuwa si Aling Esther at Mang Raul na kunan kami ng litrato at video dahil sa paulit-ulit naming pagsigaw ni Stefan dahil sa takot namin sa kanilang kalabaw. May ilang mga insekto rin akong nakita na kinukuha ko at ginagamit upang mas takutin pa si Stefan. Panay lamang kami tawa lahat dahil sa takot niya sa mga insekto at mga hayop.

    Nang sumapit na ang dapit-hapon ay muli kaming lumabas upang maglakad patungo sa sinasabing nilang maliit na lawa. Kaming apat lamang ulit dahil may kailangan daw puntahan si Mang Raul sa kabilang bayan at si Aling Esther naman ay napagod din sa aming paglilibot-libot mula nitong umaga pa.

Hindi ko maialis sa aking mukha ang ngiti dahil sa pagkasabik. Maging si Stefan ay panay ang sulyap sa akin na animo’y mas sabik pa nga na makita ang aking reaksyon kaysa ang makakita ng mga buhay at lumilipad na alitaptap.

    “Why fireflies?” tanong sa akin ni Reuben habang kasabay kong naglalakad at nilalaro-laro ang hawak na flashlight.

    “Why not?” sambit ko. “Why, do you hate them?”

    Natawa siya. “No, no! I’m just curious.”

    “You know these insects communicate by flashing their lights, right?” panimula ko. “I don’t know… I just think that’s beautiful. I feel like I wanna witness that massive, silent commotion.”

    “O-okay…” natatawang sagot ni Reuben sa akin. Marahil ay nawiwirduhan na rin.

    Natawa ako at saka nginitian siya nang pagkalaki-laki. “Hindi ko kasi kayang magpaliwanag nang malinaw talaga.” dagdag ko at saka huminto muna sa paglalakad.

    Huminto rin siya at nakangiting naghihintay lamang sa aking sunod na sasabihin.

    “I don’t know if you’re gonna get this, but I always struggle explaining something to others—something that I think is very important, mind you! Like, there’s this very detailed, elaborate explanation in my head and I just can’t seem to put them into words, you know? Tapos whenever I try, I would always notice the confusion on the face of the person I’m tryng to explain things to. And my mind would then start focus on that person’s confusion, already forgetting how to start explaining again.” sunod-sunod kong paliwanag.

    Natawa lamang nang mahina si Reuben at saka sandaling tumalikod. “Wow.” sabi niya habang tumatango-tango.

    “Wow what?” tanong ko.

    “I don’t know…” sagot niya. “It’s just crazy ‘cause you just did explain something to me and it was very, very clear. Well, kinda.”

    Napaisip ako ng ilang sandali at saka natawa bago bumalik sa paglalakad.

    “And I think, that’s beautiful.” sabi niya nang mahabol ako sa paglalakad. “To be able to have something that you value so much, even if it’s sort of a weakness to you.”

    Ilang sandali pa ay nakarating na kami sa lawa. Totoo nga at sobrang ganda nga ng lugar. Napakatahimik, mapayapa. Kakalubog lang ng araw kaya’t may bahid ng kalungkutan ang kalangitan, ngunit hindi iyon dahilan upang mawala ang aking pagkasabik na makakita ng mga totoong alitaptap.

    Nilapitan ako ni Stefan at mahigpit na inakbayan. “Ready?” tanong niya.

    Tumango lamang ako at nilingon din sina Gemma at Reuben na nakangiti ring naka-abang sa aking reaksyon. Mahigpit ang pagkakahawak ko sa garapon na ibinigay sa akin ni Stefan. Para akong kinakabahan na malalagutan ng hininga. Kung kaya lamang siguro ay napunit na ang aking mukha dahil sa tindi ng aking pag-ngiti.

    Kapansin-pansin ang pagdilim ng paligid. Naririnig ko ang nakatutuwang paghuni ng mga kuliglig maging ang paghampasan ng mga dahoon ng mga puno sa paligid. Ang ihip ng malamig na hangin at nakalalasing na amoy ng mga tuyong dahon. Mas itinuon ko ang aking atensyon sa mga punongkahoy na nakatayo sa mismong tubig ng lawa, tahimik na naghihintay sa pagkislap na inaasam.

    Maya-maya pa’y may lumitaw na isang dilaw na butlig sa ‘di kalayuan. Sinundan ng isang kislap na mas malinaw. May ilang pagsilip na rin ng maliliit na liwanag sa malapit. Para akong lumilipad habang tinitingnan ang paligid, animo’y hinahabol ang bawat kurap ng ilaw na nagsisimula nang pumalibot sa amin. Para akong nasa piling ng mga bituin sa langit. Para akong nasa kalawakan, buong galak na sinasayawan ng mga anghel na puno ng liwanag.

    Nakita ko ang aking sarili na muli na namang hinahaplos ang aking suot na kwintas. Naramdaman ko ang pagdampi ng palad ni Stefan sa aking pisngi.

    “Go ahead,” bulong niya sa akin. “dance with your Gretels.”

    Sandali ko siyang tinitigan sa mga mata upang pagmasdan din ang mga kislap ng liwanag doon at saka biglang natawa na parang bata na ang pangarap na makarating ng Disneyland ay natupad. Naglakad-lakad ako at inaabot-abot ang mga nagsasayawang mga ilaw. May ilang dumadampi sa akin, ngunit agad din namang lumilipad ulit. Para akong nahihibang dahil panay ang aking pagtawa at paglilibot-libot, walang pakialam sa aking mga kasama.

    Matapos ang napakahabang sandali ng kagiliwan ay nilingon ko ang aking mga kasama. Nakita ko silang nakaupo sa tabi ng isang maliit na puno at nagtatawanan dahil sa aking kahibangan. Lumapit ako sa kanila niyakap sila nang sabay-sabay. Wala mang kahit na anong luha ang pumatak, alam ko sa aking sarili na umiyak ako dahil sa sobrang tuwa.

HALOS ALAS-OTSO NA NANG makabalik kami sa bahay. Sakto naman dahil diretsong hapunan na rin kami. Iyon nga lang at mas gabi na kumpara sa normal na oras ng kanilang pagkain ng hapunan.

    Naging tampulan ako ng asaran dahil sa aking kabaliwan nang makakita ng mga totoong alitaptap. Tuwang-tuwa si Aling Esther sa mga hirit ni Reuben patungkol sa aking inasal. May ilan ding mga litrato mula sa kanilang mga cellphones ang kanilang ipinakita sa kanila. Natatawa lamang din ako dahil lubos-lubos pa rin ang aking kagalakan dahil doon.

    Matapos ang aming hapunan ay sa hardin na muna kami tumambay kasama ang ibang mga kapitbahay upang magkwentuhan at magkantahan. Mayroon silang isang kapitbahay na bihasa sa pagtugtog ng gitara at halos lahat ng awiting sikat noon at ngayon ay kayang tugtugin. Kinulit nila kami ni Stefan na kumanta, ngunit dahil hindi naman ako mahilig sa ganoon kaya’t nakikitawa na lamang ako.

    Nang mapatugtog ang “Pakisabi Na Lang” ay nakisabay ako. Iyon kasi ang isa sa mga paboritong awitin noon sa akin ni Mama.

    Nakatitig lamang ako sa gitara habang sumasabay sa saliw ng awiting iyon. Natuon ang aking atensiyon kay Stefan na nakaupo sa tabi ng tumutugtog. Walang anu-ano ay biglang mas nagkaroon ng laman ang bawat salita sa liriko ng awiting iyon. Para bang isang tula na aking binabanggit para lamang sa kanya. Napapatingin-tingin din siya sa akin at nangingiti. Bago pa man ako tuluyang matunaw ay napalingon ako at nalamang hindi pala para sa akin ang mga titig niyang iyon dahil si Gemma pala ay nakapwesto sa aking likuran.

    Kahit na anong sakit, pinilit ko ang aking sarili na muling lingunin si Stefan at buong tapang na tingnan ang pangungusap ng kanyang mga mata. Totoo nga. May pagtingin na nga talaga sila sa isa’t isa. Nagpatuloy pa rin ako sa kanta at pilit na ngumingiti kahit na parang umiikot nang mabilis ang aking mundo.

    “Fireworks!” biglang sigaw ni Reuben na sa tabi ko pala naupo. “Let’s go to the balcony!” paanyaya niya sabay hatak sa aking kamay.

    Mabilis din naman sina Gemma at Stefan sa pagpanhik ng hagdan.

Si Stefan ang nauna sa aming apat, palibhasa’y sobrang liksi kung kumilos. Sa totoo lang ay para kaming nag-uunahan hindi lamang para makita ang mga fireworks, kundi para makasama si Stefan. Sa isa pang pagkakataon, talo ako.

Nang makarating ako roon ay agad akong tumingala upang pagmasdan ang ganda ng mga fireworks, ngunit hindi ko magawang ituon doon ang aking atensyon. Sina Stefan at Gemma ang nakikita ko—ang ganda ng mga ilaw na nagpuputukan sa kanilang napakagandang kalangitan. Para akong isang paslit na nanonood ng isang napakagandang pelikula na silang dalawa ang bida. Mas lumapit pa si Gemma sa tabi ni Stefan at isinandal ang ulo sa balikat nito. Bagay nga sila.

    Hindi ko alam kung bakit, ngunit kinuha ko ang aking cellphone at saka kinunan silang dalawa ng litrato. Masakit. Halos madurog ako sa aking kinatatayuan kahit na walang kahit na anong bagay ang kumakanti sa akin. Ngunit mas ninais ko na mas saktan pa ang aking sarili.

    ~Pakisabi na lang na mahal ko siya
    ‘Di na baleng may mahal siyang iba~

    Nakakaramdam ako ng kaunting galit, ngunit pilit kong iwinawaksi dahil sa simpleng kadahilanan na wala akong karapatang magalit sa kahit na sino sa kanila. Sino ba naman ako upang makaramdam ng ganito?

    Naramdaman ko na parang totoong maiiyak na ako, kaya agad akong tumalikod at pumasok upang magtungo sa aming kwarto. Alam kong nilingon ako ni Reuben, ngunit hindi ko siya pinansin at dumiretso na lamang sa paglalakad.

    Pagdating sa loob ng silid ay naupo ako sa kama, hawak-hawak ang aking kwintas. Hindi ko mawari kung ano ang aking nararamdaman. Galit, inis, lungkot, sakit, pagkabalisa.

    Nang mabaling ang aking paningin sa aking bag ay nakita ko ang garapong bigay sa akin ni Stefan at ang ilang mga alitaptap na nagsasayawan sa paligid ng mga tangkay at dahon sa loob niyon. Kinuha ko iyon at tahimik na tinitigan. Pilit na sinasariwa ang kagalakan na aking naramdaman nang makita sila sa unang pagkakataon kani-kanina lang.

    “Hey.” pagtawag ni Reuben na sumilip sa pinto ng silid. “What’s wrong?”

    Nahiga ako at huminga nang malalim. “Nothing.”

    Naramdaman ko ang pag-upo niya sa aking tabi. “You okay?” tanong niya.

    “Yeah.” sagot ko bago inilapag sa bandang ulunan ng kama ang hawak na garapon ng mga alitaptap. “Just tired, I guess.”

    Nahiga rin siya paharap sa akin. “I’d like to show you something.” sabi niya habang dinudukot ang cellphone sa bulsa ng suot niyang pantalon. Ipinakita niya sa akin ang ilang litratong kanyang kinuha habang sumasayaw ako sa piling ng mga alitaptap kanina malapit sa lawa.

    Kinuha ko ang cellphone mula sa kanyang mga kamay at saka tinitigang maigi ang litrato. Kahit na anong pagpipilit ay ang imahe nina Stefan at Gemma pa rin ang laman ng aking isipan. Parang nabalewala ang lubos-lubos na kaligayahan na aking naramdaman kanina kasama ang mga alitaptap. Lahat ng pagkasabik, pagkatuwa, nag-uumapaw na kagalakan—lahat nabalewala.

    “You were amazing.” ani Reuben. “It was like watching a movie.”

    Ibinaling ko ang aking tingin sa kanyang mga mata. Nakikita ko ang pagkinang ng mga iyon. Naiilang siyang tumitig din, ngunit lakas-loob niya rin akong pinagmamasdan matapos ang ilang sandali. Ramdam ko ang tuwa sa kanyang mga mata, ngunit ramdam ko rin ang galit kina Stefan at Gemma.

    “You’re perfect, Hans.” dagdag niya pa. “I hope you know that.”

    Agad kong inilapit ang aking mukha kay Reuben at madiin siyang hinalikan.

Pikit-mata kong nilalasap ang kanyang mga labi at walang pakialam kung ano ang kanyang gagawin o sasabihin, kung mayroon man. Ang alam ko lamang ay nais kong malimutan kahit na sandali ang sakit na aking nararamdaman. Binitawan ko ang kanyang cellphone at saka pumaibabaw sa kanya upang mahawakan ang kanyang mga pisngi habang patuloy pa rin sa paghalik sa malambot niyang mga labi. Napansin kong gumaganti rin siya ng halik kaya’t mas naging agresibo pa ako sa aking ginagawa. Ibinaba ko ang aking paghalik sa kanyang leeg at muling paakyat sa kanyang mga labi. Napapansin ko rin ang paglalakad ng aking mga kamay sa kanyang loob ng kanyang damit. Ganoon din ang kanyang ginagawa.

    Si Reuben ang aking kahalikan, ngunit mukha ni Stefan ang nasa aking isipan. Sa pagpikit kong iyon ay siya ang aking nakikita; siya ang katawan na aking hinahagkan.

KINABUKASAN AY TANGHALI NA nang ako ay bumangon. Ang totoo ay maaga pa lamang ay mulay na talaga ako. Hindi rin naman kasi ako nakatulog nang maayos noong nagdaang gabi dahil na rin sa nangyari sa amin ni Reuben.

    Hindi ko alam kung papaano siya haharapin, sa totoo lang. Matapos kasi ng aming pagtatalik ay agad na lamang akong nagtungong ng banyo upang maligo. Umasa na sa pamamagitan niyon ay mahuhugasan din ang kasalanan kong iyon sa aking sarili.

    Dahil tanghali na nga ako bumaba ay ako lamang mag-isa ang nag-agahan sa hapag. Ang sabi ng ilang kasambahay, lumabas daw sina Reuben, Stefan, at Gemma upang maglibot-libot din. Sina Mang Raul naman at Aling Esther ay kinailangang magtungo muna sa munisipyo dahil may dapat asikasuhin, ngunit pauwi na rin naman na raw.

    Nang buksan ko ang aking cellphone at nakita ko ang ilang mga mensahe mula kay Papa. May isang mensahe rin na galing kay Stefan. Walang kahit na ano sa mga mensahe nila ang aking binuksan. Isinilid ko na lamang ulit iyon sa aking bulsa, tinapos ang pagkain, at saka muling bumalik ng kwarto upang maligo at mag-ayos ng gamit. Pagkatapos kasi ng tanghalian ay lalarga na rin kami pauwi ni Stefan. Mabuti iyon upang manahimik na ulit ako sa bahay at hindi na muna siya makasama.

    Naging tahimik lamang ako sa hapag nang kami ay sabay-sabay na muling mag-tanghalian. Katulad pa rin ng dati, panay ang kwento ni Gemma patungkol sa salot niyang buhay at kung papaano niya mabilis na naaakit ang mga bubuyog sa paligid kahit na bilang isang gumamela ay wala siyang nakaaakit na samyo.

    Kasabay niyon ay ang pagkahumaling pa rin ni Stefan bilang isang bubuyog na kahit na anong bulaklak na lamang ay handang lantakan. Siguradong ilang araw lang ay rosas naman ang kanyang kahihiligan.

    Si Reuben ay panay lamang ang pag-asikaso sa akin. Hindi ko alam kung papaano sasabihin sa kanya na wala akong kahit na anong nararamdaman para sa kanya. Paano mo ba sasabihin sa isang tao na ginamit mo lang siya? Marahil ay dapat kong tanungin si Stefan dahil mukhang siya naman ang pinakabihasa sa ganoong bagay.

    Dahil matalino ako at marunong mag-isip, ginawa kong dahilan ang ilang beses na pagkabasa sa ulan upang magkunwaring may sakit. Mabuti na rin naman ang ganito upang makaiwas sa mga tanong nila’t kakulitan. Mabuti na ang ganitong desisyon: muling isara ang sarili sa iba at mabuhay mag-isa.

Matapos sumubo ng ilang kutsara ay nagpaalam na rin ako na maghahanda na pauwi.

    “Feeling any better?” tanong ni Stefan sa akin nang makapanhik siya sa kwarto. “Here,” pag-abot niya ng gamot at isang baso ng tubig.

    Kinuha ko iyon at basta na lamang ininom. Handa na ako sa aming pag-alis kaya’t agad na lamang akong tumayo bitbit ang aking bag at saka lumabas.

    “Hansel…” malambing niyang pagtawag at marahang hinawakan ang aking braso.

    Hindi ko siya tinitingnan at walang reaksyon lamang akong nakatitig sa sahig.

    Dinadampi-dampi niya ang likod ng kanyang palad sa aking noo upang pakiramdaman kung may sinat ba ako. Marahil ay nag-iinit ang aking mukha sa inis o kawalang-pakialam kaya’t nakumbinse siya na hindi nga talaga maayos ang aking pakiramdam.

    “I hope Tito Ned won’t kill me.” aniya. Ngumiti siya sa akin at waring inaabangan din akong ngumiti o tumawa.

    Sa halip ay tumalikod lamang ako at tuluyan nang bumaba.

    Sumama sina Aling Esther, Gemma, at Reuben sa paghatid sa amin ni Mang Raul sa terminal ng bus. Napuno pa rin ng ingay ang aming biyahe patungo roon, ngunit hindi naman ganoon kalakas dahil nagdesisyon akong matulog kunwari sa likod ng sasakyan. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman dahil sa pagpipilit ni Stefan na tumabi sa akin sa likod.

    Nang makarating sa terminal ng bus ay mabilisan lamang ang naging pamamaalam ko sa kanila. Si Reuben ay mahigpit akong niyakap at binulungan na dadalawin niya raw ako pagluwas nila ni Gemma ng Maynila. Si Aling Esther ay napakaraming pabaon sa amin, maging sa aking ama na nabanggit yata ni Stefan sa kanila ay may pasalubong silang ipinaaabot sa akin. Si Gemma naman ay niyakap din ako, ngunit nang mapansin ko ang suot niyang kwintas ay agad ko siyang naitulak at saka pilit na nginitian. Iyon ang kwintas na sinuot din ni Stefan noong isang gabi.

SA LOOB NG HALOS apat na oras ng aming biyahe sa bus at ilang minuto na biyahe namin sa aming Uber ride ay hindi ko kinibo si Stefan.

    Panay ang kwento niya sa tuwing mati-tiyempuhan niyang mulat ang aking mga mata, ngunit hindi ko siya kinikibo. Ni ang tingnan ay hindi ko ginawa. May kung ano sa akin na nagsasabing kailangan ko siyang kausapin upang maipaalam sa kanya ang dahilan ko sa sumpong kong ito, ngunit muli, papaano?

    Dahil hindi naman pwedeng pumasok ang aming Uber ride sa loob ng aming subdivision ay nagdesisyon kaming maglakad na lamang patungo sa aming mga bahay. Ayos lang naman dahil siya naman ang may bitbit ng aking bag na dala. Mas malapit mula sa main gate ng subdivision ang bahay nina Stefan kaya’t mas mauuna siyang makauwi. Nang makarating ay sinabihan niya akong maghintay upang maihatid niya rin ako sa aming bahay.

    Hindi na ako pumasok pa ng kanilang bahay dahil gabi na rin naman at siguradong tulog na ang kanyang pamilya. Sa labas ko na lamang siya hinintay habang akap-akap ang neck pillow na kanyang pinagamit sa akin.

    “Sorry, man.” patakbo niyang sabi palapit sa akin. “Couldn’t find the keys.” Agad niyang isinabit sa kanyang mga balikat ang aking bag at binitbit ang isa pang bag na puno ng mga pasalubong mula kina Aling Esther.

    Imbes na mag-umpisa nang maglakad ay naupo ako sa gutter doon pa rin sa tapat ng kanilang bahay.

    Agad namang ibinaba muli ni Stefan ang aking mga gamit at saka naupo sa tabi ko. “Oh, god! Are you okay? What’s wrong? Feeling dizzy?” pag-aalala niya.

    Nagpangalumbaba lamang ako at tumitig sa kung saan.

    “Okay…” aniya. “If you’re being sick, just go for it, okay? Throw up anywhere. I’ll clean it tomorrow, don’t worry.”

    Nilingon ko siya at sandaling tinitigan. Hindi ko pa rin siya kinikibo kahit na bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala at pagtataka. Magsisimula n asana akong magsalita nang biglang tumunog ang kanyang cellphone.

    Agad niya itong dinukot mula sa kanyang bulsa. “Hello?” aniya. “Hey, Gemma! Yeah, we’ve just arrived. I’m actually—”

    Bigla na lamang akong tumayo at isinuot ang aking bag bago nagsimulang maglakad palayo.

    “Hey, bro—” pagtawag sa akin ni Stefan. “Hey, Gem? Can I call you back? I just have to—Hans—yeah, talk to you later. Bye.”

    Hinabol niya ako at kinukuha mula sa akin ang mga bags kong dala. Panay naman ang paghawi ko sa mga kamay niya.

    “What the f—” natatawa-tawa niyang sabi habang patuloy pa rin sa pagkuha sa mga bags. “Give me this bag, bro.”

    Nagsimula na akong itulak-tulak siya palayo. Ayaw kong magsalita dahil alam kong sasabog ako. Nakikita ko ang aking sarili bilang isang lobo na napupuno na ng hangin.

    “Bro,” aniya. “are you okay? What’s the problem? Are we okay, man?” Patuloy pa rin siya sa pagpilit na makuha ang mga bags ko.

    Napalakas ang sunod kong pagtulak kaya’t halos matumba siya.

    “Hans, what the fuck?!” hinila niya ako sa braso. “What your deal, man?”

    Muli ko siyang tinalikuran.

    “Stop. Hans—” muli niyang pagpipigil. “Dude, what the fuck is happening to you?”

    Huminto ako at tinitigan siya. Nararamdaman ko ang pag-iinit ng aking mga pisngi. Alam kong maiiyak na ako, ngunit ayaw ko. Bigla ko na lamang siyang hinalikan. Kita ko ang pagkagulat sa kanyang mga mata nang gawin ko iyon.

    Agad niya akong tinulak, ngunit muli akong lumapit at mas mariin siyang hinalikan ulit.

    “Dude!” sambit niya nang muli akong maitulak palayo sa kanya.

    Muli akong lumapit at mahigpit siyang niyakap. “I—”

    Pilit siyang kumakawala sa akin. “Hansel, what’s—”

    “I love you, Ste.” sambit ko. Mahina. Patuloy pa rin sa pagkapit sa kanya. “I love you so much, Ste. I still do! Always have! Please, say you love me, too. Please, say you still love me…Please!”

    “Hans—” pagpiglas niya. “S-stop!”

    Muli kong inabot ang kanyang mukha at minsan pang hinalikan ang kanyang mga labi. Pababa sa kanyang leeg, paakyat sa kanyang mga pisngi at labi. “I never stopped loving you, Stefan.”

    “Hans, no—” itinulak niya ako nang malakas kaya’t napahiga ako sa kalsada. Bakas din sa kanyang mukha ang pagkagulat sa nagawang pagtulak sa akin at agad din akong nilapitan. “I’m sorry, but—”

    Hindi ko ininda ang sakit ng pagkakadapa. Muli ko siyang niyakap. “Please, Stefan…” nag-uumpisa na akong magsumamo. “Please, say you still love me! Please!”

    “No, Hans!” malakas niyang pagtanggi. “It’s not the same anymore! We tried before, ‘di ba? What did you tell me? My feelings meant nothing to you. I was nothing, you said.”

    “No! I know you still love me, Ste. You’re just too coward to admit it again…”

    “Hans, no. Please, listen…” pakiusap niya. “We need to get to your house now, okay? You’re not okay.”

    Bumitiw ako sa kanya. Yumuko at binalikan ang lahat ng mga nangyari sa amin noon. Mula sa pinakasimula. Mula sa pinakauna. Binalikan ko mula noong sobra siyang nasaktan nang makita niyang may ibang kasama si Nicole sa mall at bigla niya akong pinuntahan sa bahay upang sumpungan, tabihan, halikan. Binalikan ko noong malaman ko mula sa iba naming kaklase na ginamit niya lang ako upang makaganti kay Nicole na naging dahilan ng paglipat ni Nicole sa ibang paaralan. Binalikan ko kung papaanong naging tampulan ako ng pang-aasar at pangungitya ng ibang mga mag-aaral hindi lamang sa aming paaralan, ngunit maging sa paaralang pinaglipatan ni Nicole. Binalikan ko noong matapos mailibing ni Mama ay nagtungo siya sa aking silid at sinabing totoo ang kanyang nararamdaman para sa akin. Binalikan ko kung papaano ko sinabi sa kanya na walang halaga iyon sa akin dahil hanggang kaibigan lamang ang tingin ko sa kanya. Binalikan ko ang pangyayaring iyon na huling beses ko siyang nakasama bago ang biglaan naming pagbabakasyon sa Batangas para sa mga lintek na mga alitaptap na ‘yan.

Naramdaman ko ang mainit na pagtulo ng luha sa aking mga pisngi, maging ang madiin na pagtaas-baba ng aking dibdib, ngunit ayaw ko iyong pagtuunan ng pansin. Sa halip ay agad akong bumangon at saka muling kinuha ang aking bags. Dinukot ko ang garapon ng alitaptap mula sa isa at tinitigan sandali at saka tumingin kay Stefan.

    “Oh, my god, Hans, are you cry—”

    Hindi niya natuloy ang pagsasalita dahil binasag ko sa harap niya ang garapong iyon. Nag-umpisang magtahulan ang mga aso ng mga bahay sa paligid dahil sa ingay niyon.

    “Hans, what the fuck?!”

    “I—” buong pilit kong pagsasalita. “I don’t need you! You just used me, for all I care! You never changed; you’re still the same dickhead who used me to make Nicole jealous and leave! You were never a friend at all! You’re still using me!” Nakita ko ang sakit ng mga salitang iyon sa kanyang mga mata. Maging ang paglipad ng ilang mga alitaptap sa kawalan ay nakikisabay sa kasawian naming dalawa. Wala na akong nagawa pa, kung hindi ay ang tumalikod at buong lakas na tumakbo palayo sa kanya… sa kanila.

    Buong lakas akong tumatakbo patungo sa aming bahay. Ramdam ko ang pagbuhos ng luha sa aking mukha, maging ang halos sasabog ko nang dibdib. Ilang beses akong nagpatirapa, ngunit agad akong bumabangon at nagpapatuloy sa pagtakbo. Puno ako ng galit at pagkabalisa. Puno ako ng pagsisisi sa lahat ng tao sa aking paligid at sa aking sarili. Alam ko na walang magandang pupuntahan ang galit kong ito dahil nangyari na rin ito noon.

    Ganitong-ganito ang nangyari noon.

Ganitong-ganito ang aking naramdaman nang makita ko si Papa na hinahalikan ng kanyang katrabaho sa ospital na dati niyang pinagtatrabahuan. Punong-puno ako ng galit sa kanya noon kaya’t agad akong umalis at nagtungo sa flower shop ni Mama. Walang habas kong pinagbabasag ang mga flower vases doon ni Mama at sinira ang mga bulaklak niya. Panay ang pagpipigil sa akin ni Mama at nagtatanong kung ano ang problema. Hindi ko alam kung papaano sasabihin sa kanya kaya’t nagpatuloy lamang ako sa pagwawala, hindi alintana ang gulat at pagtataka ng mga tao sa paligid namin. Ganitong-ganito ang nangyrari nang sinabihan ko si Mama na wala na siyang ibang inatupag kundi ang kanyang lintek na flower shop, na wala na siyang panahon sa amin ni Papa… na siyang dahilan kung bakit naghanap si Papa ng iba. Ganitong-ganito ang nangyari nang sigawan ko si Mama sa harap ng mga suki niyang mamimili na wala siyang kwentang ina at asawa. Ganitong-ganito ang nangyari nang sabihin ko sa kanya ang aking nakita, nang isigaw ko sa kanya na may kahalikang iba si Papa. Ganitong-ganito ang nangyari nang bigla siyang lumabas at sumakay ng kanyang sasakyan at humarurot ng takbo patungo sa ospital upang kausapin si Papa.

    Ganitong-ganito ang dahilan kung bakit may dumating na pulis sa aming bahay nang makauwi ako nang araw ding iyon at sinabi sa akin na sumalpok ang kotse ni Mama sa gilid ng kasalubong nitong truck habang rumaragasa patungo sa ospital. Ganitong-ganito ang dahilan ng tatlong beses na pag-ikot sa ere ng kanyang sasakyan, pagbasag ng kanyang windshield, pagtilapon ng dalawang gulong sa kung saan, pagkadurog ng labing-anim niyang mga buto sa buong katawan, pagbigay ng kanyang mga baga, at pagtigil ng pagtibok ng kanyang puso.

Ganitong-ganito nang malaman kong ako ang dahilan ng pagkawala niya sa amin. Ganitong-ganito nang mapagtanto kong ako ang dahilan ng pagbabago ni Papa. Ganitong-ganito ang naging dahilan para magdesisyon akong pilitin ang aking sarili na hindi na kailanman umiyak pa kasabay ng paglimot ko sa kasalanan ko lahat ng nangyari… kaya’t wala akong karapatan na manghina, malungkot, at umiyak.

    Ganitong-ganito…

    “I—” pagpipigil ko sa sarili na humikbi-hikbi sa harapan ni Papa nang pagbuksan niya ako ng pinto matapos ang ilang malalakas na katok.

    “Hans, what’s—” bungad niya. “Umiiyak ka, anak?”

    “Papa,” pagsusumamo ko habang nakahawak sa door knob ng aming main door. Sa tagal ng panahon na hindi ako umiiyak, hindi ko na alam kung anong gagawin sa pagbaha ng luha mula sa aking mga mata.

    Bigla akong niyakap ni Papa. “What’s wrong, anak? Asan si Stefan? Anong—”

    Itinulak ko siya palayo, dahil doon naman ako magaling: ang itaboy palayo ang lahat ng mga natitira sa akin. “I-I killed Mama, Pa!” napaluhod na ako at halos pasigaw na humahagulgol sa harap niya. Ibinaon ko ang aking mukha sa aking isang braso dahil nakahawak pa rin sa door knob ang isa kong kamay. “I killed Mama, Pa! Ako pumatay sa kanya, Papa! Ako! Ako, Pa, ako!”

    Agad na lumuhod din sa sahig si Papa at muli akong niyakap.

    “No, stop! No!” pagtutulak ko sa kanya palayo, kahit na patuloy lang siya sa pag-akap sa akin. “No, Pa! Stop!”

    “Shhh…” mahinahon niyang bulong sa akin. “It’s okay, anak…”

    “No, Pa! Don’t you get it?” paghapis ko, pilit pa ring bumibitaw mula sa kanya. “I killed your wife! I killed Mama, Pa!”

    “No, you didn’t, anak…” pagpapatahan niya habang mas hinihigpitan ang yakap sa akin. “Shhh… It’s okay, son. Just go ahead and cry. Scream all you want, buddy. Papa is just here…” Nararamdaman ko ang mararahan niyang paghalik sa aking noo at pisngi, maging ang panginginig ng kanyang mga braso na nakaakap sa akin at mga kamay na panay ang haplos sa aking likuran.

    Unang beses sa loob ng halos dalawang taon, pinakinggan ko si Papa at muling nayakap. Ibinuhos ko ang lahat ng lungkot at sakit at pagsisisi na ikinulong ko sa aking sarili sa loob ng mahabang panahon.

    “Sorry, Pa—” paghingi ko ng tawad.

    Nais kong ipaliwanag sa kanya ang lahat. Nais kong humingi ng tawad dahil sa aking kasalanan at sa haba ng panahon na hinayaan ko lamang siyang sisihin niya ang kanyang sarili sa pagkawala ng kanyang tahanan.

    “You don’t have to say sorry, Hans.” malambing niyang sabi. “I understand and I love you, son. I’m sorry for making you feel so lost in all this. I love you, okay? Andito lang si Papa…”

    Nagkamali ako, ngunit ngayon ay alam ko na…

Hindi si Papa ang nagbago at hindi kailanman naglaho si Mama sa piling namin. Ganoon pa rin si Papa—natatanging ama na walang ibang ninais, kundi ang mabigyan ng maayos na buhay ang kanyang anak. Narito pa rin si Mama—kahit na hindi namin nakikita o naririnig ay kasama namin sa bawat sandali ng aming mga buhay.

Ako ang nagbago. Ako ang naglaho. Ako ang nagsusuot ng maskara. Ako ang nagtatago ng sariling mukha sa harap ng iba. Hindi ko matanggap ang katotohanan kaya ginawa ko ang lahat para lamang makalimutan iyon. Binago ko ang aming sitwasyon at hindi tinanggap ang totoong mga kaganapan hanggang sa mabulag ako ng kasinungalingan na ako ang nag-iisang biktima ng lahat ng nangyari. Wala akong ibang inisip, kundi ang sarili ko. Wala akong ibang inintindi, kundi ang sarili ko. Wala akong ibang pinagtuunan ng pansin, kundi ang sarili ko.

Kahit na halos manlupaypay na ako dahil sa tindi ng hinagpis ay parang hindi pa rin maubos. Ngunit may kung anong kasarapan niyon sa pakiramdam. Para akong isang dahon na malayang naglalakbay sa bugso ng hangin.

    Ganitong-ganito ang pakiramdam na nais kong madama simula pa noon. Ganitong-ganito.

GISING NA ANG AKING diwa, ngunit hindi ko pa rin iminumulat ang aking mga mata dahil sa hapdi. Sa hula ko, marahil ay para akong kinagat ng bubuyog sa pamamaga ng mga ito.

    Pinilit kong ibuka nang kaunti ang aking mga mata at sinilip ang paligid kahit na hindi pa rin nagbabago ng pwesto sa pagkakahiga. Nakita kong bukas ang mga bintana at nilalaro-laro ng hangin ang mga kurtina sa mga iyon. Kumurap ako dahil may kalabuan pa ang aking paningin, ngunit napagtantong malabo pala talaga ang paligid dahil sa matingkad na sinag ng araw mula sa labas papasok sa mga bintana. Mapayapa kung mamasdang ang paligid. Maging ang aking pakiramdam ay maagan, maaliwalas.

    Naramdaman ko ang pagkilos sa aking tabi kaya’t agad akong umikot ng higa upang lingunin ang aking katabi. Si Stefan.

    Tinitigan ko lamang siya. Ang maamo niyang mukha na mahimbing pa ring natutulog. Ang may kakapalan niyang mga pilik na itinatago ang pamamaga ng kanyang mga mata. Ang mahina niyang paghilik at marahang pagtaas-baba ng kanyang dibdib.

    Hindi katulad ng dati, ngayon ay suot pa rin niya ang kanyang damit na suot niya sa aming biyahe pauwi kagabi. Nang tingnan ko rin ay nakita kong ganoon din ako, suot pa rin ang lahat bukod sa mga sapatos. Tumihaya akong muli at tinitigan ang aming mga paa na may suot pang mga medyas. Nais ko sanang hanapin ang aking cellphone o kaya ay puntahan si Papa sa kabilang kwarto, ngunit nanghihina pa rin ako dahil sa mga pangyayari kagabi.

    “Morning.” paghikab ni Stefan. “What time’s it?”

    Nagkibi lamang ako ng balikat at saka lumingon sa kanya. Ngumiti siya sa akin at sandaling kinusot ang kanyang mga mata bago tumitig sa mga bintana.

    “I missed this room.” sambit niya. “‘Yung ganito: peaceful, beautiful.”

    “Yeah,” sagot ko. “me, too.”

    “Hey, Hans?” paglingon niya sa akin. “I’m so sorry—”

    “No, I’m sorry.” pagputol ko sa kanyang sinasabi. “It was me. It was all me.”

    “No,” sagot niya. “I fucked us up.” Inabot niya ang aking kamay at hinawakan. “I admit, I did use you to make Nicole jealous, to drive her nuts. But when—” nagbuntong-hininga siya. “—when I told you I love you, I meant it. I really wanted us to be together, Hansel.”

    Pinagmamasdan ko lang ang aming mga kamay. “And yet, I didn’t believe you.” sabat ko. “I even pushed you away. I’m sorry…”

    “No, it’s okay.” aniya. “I hurt you and I understand.”

    Muli kong naramdaman ang pagtulo ng aking luha. Iyak, ngunit hindi na kasing tindi noong sa kagabi. Nilingon ko siya at nakitang umiiyak din siya. Agad ko siyang nginitian.

    “And I’m sorry, too.” muli niyang sabat. “I’m sorry if I don’t love you the same way anymore. I still love you, Hans. But like,”

    Bigla ko na lamang siyang niyakap. “It’s okay, Ste. I get it… And that’s enough already.”

    Narinig ko si Papa na malakas na kinlaro ang kanyang lalamunan. “Uh, wow. This early, are you, guys, serious?”

    Biglang bumangon si Stefan at tumayo sa tabi ng kama.

    “Oh my god, Pa!” singhal ko nang lingunin siya.

    Nginitian lamang niya ako at saka sinimangutan si Stefan. “You!” pagduro niya kay Stefan. “How dare you make my son cry?”

    “No, Tito—”

    “Anong ‘Tito-tito’ ka diyan?” Lumapit siya sa kama at naupo sa tabi ko. “Nephew ba kita?”

    Napapakamot na lamang ng ulo si Stefan at mukhang napapahiya. Hindi alam kung seryoso ba si Papa sa mga sinasabi sa kanya.

    Hindi na napigil ni Papa ang pagtawa at sabay kaming sumabog sa paghalakhak.

    “He’s just messing with you, bro.” paliwanag ko kay Stefan na biglang umasta na parang nanghina at naupo sa kabilang gilid ng kama.

    “Oh, gusto niyo pancakes? Nagluto ako.” sabi ni Papa. “Tara, kain na tayo breakfast para matulungan niyo rin ako sa paglilinis. Ang dami na natin basura, anak!”

    Ngumiti lamang ako kay Papa at kay Stefan. Naramdaman ko ang pag-vibrate ng aking cellphone na nasa ilalim pala ng aking unan. Agad ko itong kinuha at nakita ang sanlibong mensahe mula kay Stefan, ngunit napansin ko ang bagong mensaheng kakarating lang mula sa numerong hindi ko kilala.

    [Hey, firefly. Can I come see you today? -R] sabi ng mensahe.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This