Pages

Saturday, February 18, 2017

Ang Boss at ang Driver (Part 9)

By: Asyong Bayawak

Hindi niya malalaman na umaga na pala kung ‘di pa tumunog ang cell phone.

Napangiwi siya nang mabasa ang text. Shit. Male-late na naman. Sa labas ng bintana ay madilim ang kalangitan. Katatapos lamang ng bagyo at may kasunod na naman daw. Bumangon siya ng kama at iniwan ang dalawang hubad na lalaki na natutulog pa rin. Dumeretso siya sa banyo para maghanda nang pumasok.

Sa kusina, habang nagsusuot ng polo ay kumuha siya ng mansanas sa ref. Hindi siya mahilig sa mansanas pero ito nalang ang natitirang pagkain. Kailangan na talaga niyang mag-grocery. Bago maubos ang prutas ay lumabas na ang dalawang lalaki na magkahawak ang kamay. Suot na nila ang mga hinubad kagabi.

‘Thank you, pre, ha,’ sabi ni Ramil na nakangiti. ‘Sa uulitin.’

‘Bye!’ sundot naman ni Alan.

Iyon lang at umalis na ang dalawa. Mag-asawa sila; naghanap ng ka-threesome sa Tinder. Gwapo pareho kaya pumayag siya. Pangatlong beses na nilang nag-sex kagabi, pero napagdesisyunan niya na huli na ‘to. Naiingit lang siya kung paano magmahalan ang dalawa. Mas mabuti pang bumalik nalang sa mga single.

Makalabas ng bahay ay nag-selfie muna siya at nag-post sa IG account ng coffeeshop. #readyforwork!

Ilang sandali pa’y nagsimula nang bumuhos ang mga likes at comments.

Pagdating sa restaurant, nadatnan niyang nakasimangot si Gabe. ‘Oh, hindi ako late, ha?’ pagtatanggol niya sa sarili.

Inirapan siya nito at sinabing, ‘Sabi mo tutulong ka mag-ayos bago ang opening.’ Mahina lang ang boses, pero halatang nagpupuyos. Palagi nalang itong masungit, ewan ba niya. Hindi naman siya late. Sampung minuto pa bago magbukas ang resto.

‘Good morning, Rusty!’ bati ni Jace. Perky na naman. Ngumiti lang si Rusty. Wala pa siyang ganang makipag-usap sa bestfriend ni Gabe. Okay naman si Jace; maayos kausap, matalino, nakakatawa, pero hindi gwapo. Ni hindi manlang hipon. Kahit ayaw nito pahalata ay alam niyang may gusto ito sa kanya. Ang problema, ayaw na ayaw niyang nagpapa-asa ng taong hindi naman niya kayang suklian ang pagtingin.

Pumasok si Rusty ng banyo para umihi at magsalamin. Kailangan perpekto siya pagdating ng kanyang mga fans—este, customers.

----------------

‘Kuya, bakit mo ba kinukunsinti yang taong yan? Late na naman!’ bulong ni Gabe nang makapasok ng banyo si Rusty.

‘Grabe ka naman! Diba nga nagka-problema yung tao? Give him some slack. Oh, ano ibig sabihin ng “give him some slack?”’

‘Additional freedom,’ sagot ni Gabe na nakasimangot. ‘Pero nakakainis na talaga. Magta-tatlong linggo na siya dito sa trabaho, tamad pa rin! Aba, kung may problema sya, ‘wag nya dalhin sa trabaho. Bakit ba kasi pinayagan kong dito tumira yan?’

Napangiti si Jace. ‘Yan ang gusto ko sa ‘yo, friend, very professional ka talaga. Tama yan, aasenso ka, for sure.’

Bumuntong hininga nalang si Gabe. Kapag si Rusty na ang usapan, lagi itong pinagtatanggol ni Jace. Hindi lang bulag ang pag-ibig. Pipi, bingi, pilay, at tanga-tangahan pa. Iniba nalang din ni Gabe ang usapan.

‘Bakit ba “friend” ang tawag mo sa ‘kin? Diba yan din ang tawag mo dun sa kaibigan mo sa Sweden?’

‘Si Trevor? Ah, “friendship” talaga tawag ko ‘don. Kaso nga, oo, minsan “friend” din. Hahaha…’

‘Eh di dapat iba ang tawag mo sa ‘kin kasi nga bestfriends na tayo,’ pagmamaktol ni Gabe.

‘Ano ba dapat? Bestfriend #2? Kasi diba yung Bestfriend #1 ko nasa Dubai? Tapos yung “BFF” naman, taken na rin, kasi si Odet na ‘yon. So, ano nalang tawag ko sa ‘yo?’

Nag-isip si Gabe. ‘Bestie nalang kaya?’

Sumimangot si Jace. ‘Bakit? Para Billy Crawford tapos Vice Ganda? Tapos, ikaw si Billy, ako si Vice?’

‘Hindi,’ sagot ni Gabe. ‘Coco Martin at Vice Ganda. Ako si Coco, ikaw si Vice.’ Sabay tawa nang malakas.

Agad na umiwas si Gabe sa tangkang paghampas ni Jace. ‘Ah ganon pala, ha. Eh kung si Daniel nalang kaya ang bestfriend ko? Tutal sweet ‘yon at palagi akong naaalala.’

‘Ay… walang banggitan ng pangalan ni Dan! Alam mo naman na masakit pa rin eh!’

‘Huwag mo kasi akong binubwiset.’ Kinurot ni Jace sa tagiliran si Gabe. Hindi na ito umiwas dahil hindi naman siya mananalo dito. ‘Oh, sige na, buksan mo na yung pinto, marami nang nakaabang. Kanina pa tayo pinipicturan nung babae sa labas, oh? Baka may bago na naman siyang fanfiction sa Tumblr mamaya. Baka sabihin inaagaw kita kay Rusty-the-ex-boyfriend.’

‘Bakit mo kasi in-announce sa Instagram?!’ Naalala na naman si Gabe ang mga kilig comments sa account ng coffee shop. Ilang libo na ang mga followers nila at nadaragdagan pa bawat araw. Natuklasan din nila na mayroong ilang fan blog sites sa Tumblr tungkol sa mga nagtatrabaho sa coffee shop. Ang pinaka sikat sa mga ito ay ang “Untitled Café” at “Fangirl Fantasies.” (Hindi alam ng mga tao na ang naka-register na pangalan ng restaurant nila ay “Marie’s Imagination.” Marketing strategy ni Marie na huwag ipaalam sa mga tao ang pangalan nito.)

Sa Tumblr blogs, mayroong mga pictures nila na kinopya sa IG account, stolen pictures, fan arts, fanfictions, photo sets, at kung anu-ano pa. Sa mga istorya, si Gabe at Rusty palagi ang bida. Si Jace at ang iba pang nagtatrabaho sa resto, minsan ang role eh kontra-bida, bestfriend, barkada, o sadyang hadlang sa pag-iibigan nina Gabe at Rusty. Naiinis si Gabe, pero pinagtatawanan lang ito ni Jace. Si Rusty naman, tuwang-tuwa, lalo na kapag may discussions tungkol sa kanya.

‘Sinabi ko talaga ‘yon para lalo tayong sumikat,’ saad ni Jace. ‘I mean, at least kayong dalawa ni Rusty. Malay mo may gumawa ng TV series o pelikula tungkol sa inyong dalawa. Parang Coffee Prince lang o Antique Bakery, parang ganon.’

Dumila si Gabe.

‘Very mature!’ komento ni Jace.

‘Selos ka ba?’ panunukso ni Gabe. ‘Kasi lakas ng tama mo kay Rusty eh. Tapos ikaw lagi lumalabas na kontrabida.’ Parang may aninong dumaan sa mga mata ni Jace, na biglang naglaho rin.

‘Naku alam ko namang hindi ako magugustuhan ni Rysty,’ sabi nito na medyo nahihiya. ‘Ang mga type non, yung mga kagaya mo. O kaya naman si Tyler-na-bwisit-na-laging-nakikigamit-ng-wifi-dito, eh tatlong oras tumatambay! Nagtatrabaho daw, tapos isang tasa ng kape lang ang inoorder. Kapal ng mukha, kala mo naman… gwapo.’

‘Gwapo naman talaga, diba?’

‘Oo,’ pag-amin ni Jace. ‘Pero, basta, yuck. Ighk. I can’t even.’

‘Sarap talaga pakinggan ‘pag bitter ka, lumiliwanag araw ko.’

‘Alam mo, Gabe? Hindi ka naman ganyan dati. Bakit tinubuan ka na ng sungay ngayon?’

‘Magaling ang tutor ko eh, hahahah!’

‘Abam sumasagot ka pa—’

Bumukas ang pintuan ng banyo.

‘Teka,’ sabi ni Gabe. ‘Lumabas na si Prince Charming. Pwede na akong magbukas ng Untitled Café.’

----------------

Umaraw na rin sa wakas. Sawang-sawa na siya sa kina-uulan. Hindi tuloy siya makalabas. Puro bahay at restaurant nalang.

Kumuha si Rusty ng mga unan sa sofa at inilabas ang duyan na isinabit naman sa dalawang puno sa likod bahay.

Maganda ang naupahan niyang bahay sa village sa likod ng Main Library. (Hindi kagaya ng maliliit na apartment nina Gabe at Jace.) Malalaki ang mga bahay dito at mayayaman ang nakatira. Hindi na problema sa kanya ang pera dahil malaki nga ang minana mula sa yumaong asawa. Two-storey house ito na may garden at swimming pool sa likod. Naka-kuha siya ng lease pang isang taon. Okay lang din dahil mas mabuti na ito kaysa manirahan sa Maynila o bumalik ng Davao sa kanyang mga magulang.

Nang makahiga na ng maayos ay kinuha niya ang cell phone mula sa bulsa para mag-Tinder. Puro taga-malayo na. Nasaid na nya ata ang mga gwapong sa malapit lang nakatira. Ayaw naman niyang balikan yung iba dahil baka umasa. Parang si Tyler; one-night stand pa lang, akala mo boyfriend na kung umasta.

Tumitig si Rusty sa kalangitan. Ang aga niyang nagising kanina. Problema nga lang, ngayong day-off, hindi niya alam ang gagawin. Ano ba? Date? Nakakasawa na. Bike? Kelangan niyang bumili ng bike. O paano kung bumili na kaya siya ng pick-up truck? Ah, yung Toyota FJ Cruiser nalang kaya? Tama, mas maganda nga ‘yon.

Tumunog ang doorbell. Nagtaka siya. Sino naman kayang pupunta ng ganito kaaga? Pagbukas ng pinto ay nagulat siya. Si Jace at si Gabe. Pawisan at halatang katatapos lang mag-jogging.

‘Hi!’ bati ni Jace. ‘Nadalaw ka na rin namin sa wakas.’

Sa likod ni Jace ay nakatayo si Gabe na hindi pa rin maipinta ang mukha. Nag-undertime kasi sya kahapon. Pumayag naman si Marie, at shempre, walang problema kay Jace. Si Gabe lang naman ang akala mo madre magpatupad ng mga utos.

Matamis na ngiti ang inihain ni Rusty kay Jace, dahil alam niyang lalong maiinis si Gabe. ‘Pasok kayo,’ sabi niya, at nilakihan ang bukas ng pinto.

‘Ah, makiki-ihi lang ako at makiki-inom ng tubig,’ sabi ni Jace. ‘Aalis na rin kami kasi magbubukas pa kami ng tindahan, alam mo na. Ang ganda pala ng bahay mo!’

Tumawa si Rusty. Yung pang boy-next-door. Yung maka-laglag panty. ‘Thank you,’ sabi niya. ‘Sige pasok ka na, dun lang sa dulo. Katabi ng kusina ang pintuan ng banyo.’

Pumasok na si Jace na parang may lukso ang bawat hakbang.

‘Ikaw, Gabe?’ tanong ni Rusty.

‘Huwag na, papahangin nalang ako dito sa labas.’

Tahimik lang sila na nakatayo sa labas, hindi nagtitinginan. Dinig ang huni ng mga ibon at ang pagdaan ng jeep sa kabilang kalsada. Presko ang hangin at nangangako ang kalangitan ng isang magandang umaga.

‘Aminin mo, dumaan lang kayo dito para makita ako ni Jace, no?’

‘Yabang mo talaga,’ asar na sagot ni Gabe.

‘O baka naman ikaw ang gustong makakita sa ‘kin?’

‘Gusto mo ng sapak?’

Tumawa si Rusty. ‘Hindi ka naman mabiro. At ano nga pala… sorry ha, nag-undertime ako kahapon. May mineet kasi ako—’

‘Pinayagan ka naman, diba? At huwag ka sa akin mag-sorry, hindi lang naman ako ang nag-overtime kahapon dahil understaffed kami.’

Sumeryoso ang mukha ni Rusty. ‘Sorry na nga… Babawi ako, promise.’

‘Bakit ka ba nagkakaganyan?’ tanong ni Gabe. ‘Hindi ka naman ganyan dati ah.’

Nakatitig sila sa isa’t isa.

‘Gabe, alam mo naman ang pinagdaanan ko, diba?’

‘Excuse ba yon para umasta ka ng ganyan? Nagkapera ka lang—’

‘Ano?’ Nagtaas na ng boses si Rusty. Uminit ang kanyang mukha. ‘Sige sabihin mo! At inaano ba kita, Gabe? Iyo ba ang Los Banos at gusto mo ‘kong paalisin? Kung iniwan ka ng boyfriend mong hilaw, hindi ko na problema ‘yon. At hindi kita boss kaya huwag kang magalit kung late or nag-a-undertime ako. Bawas naman sa sweldo, diba? Anong problema don?’

Nanginginig si Gabe sa galit. ‘Hindi ako iniwan ni Daniel.’

‘Ah, oo nga pala, ikaw ang nang-iwan. Ganyan ka naman, diba? Ikaw nga din pala yung nakipag-break sa akin.’ 

Nagpupuyos si Gabe. Hindi naman siya makasagot dahil totoo lahat ng tinuran ng ex-boyfriend. Tumalikod nalang siya at nagmartsa paalis. Hindi na nakita ni Rusty ang nangingilid na luha sa mga mata nito.

Si Rusty naman ay kaylakas ng tibok ng puso. Parang gusto niyang manuntok ng tao. Sino ba si Gabe para pagsalitaan siya ng ganon? Ano bang kasalanan niya?

Nasaksihan ni Jace ang mga huling pangyayari, at nang mag walk-out si Gabe ay agad niya itong sinundan. Nag-sorry na lamang siya nang mahina pagdaan sa harap ni Rusty.

----------------

Ginugol ni Gabe ang buong araw sa pagtatrabaho habang pilit na iwinawaksi sa isipan ang mga katagang pinakawalan ni Rusty. Kaybigat ng kanyang pakiramdam ng maghapong iyon. Mabuti na lamang at maraming customers kaya’t wala na siyang panahong mag-isip pa ng iba. Nag-overtime na rin siya, sapagkat mas ninais niyang magpakapagod sa trabaho kaysa umuwi ng bahay at damdamin ang lahat ng narinig niya.

Kasalanan ba niya? Iiwan ba siya ni Daniel dahil sa mga maling desisyon niya sa buhay? Masama bang tuparin ang mga pangarap?

Pagsapit ng alas-nuebe ng gabi ay tinamaan na rin siya ng pagod at nagpasya nang umuwi. Pagdating ng bahay ay naglinis lang siya ng katawan bago matulog. Wala siyang ganang kumain.

Papatayin na sana niya ang ilaw nang marinig ang boses ni Jace.

‘Gabe, open up.’

Binuksan niya ang pintuan. ‘O, kuya, napadaan ka?’

‘Wala lang.’ Hinawi ni Jace si Gabe para makapasok. Naupo ito sa sofa. At dahil studio apartment lang ang tirahan niya, napansin ni Jace ang mesa na wala manlang nakapatong na kahit ano, at ang kusina na ubod ng linis. ‘Hindi ka kakain?’ tanong nito.

Isinara ni Gabe ang pinto at lumakad papuntang kama. Ibinagsak ang sarili pahiga sa kutson. ‘Wala akong gana eh. Tutulog na sana ‘ko.’

‘Pwes, kakain ako.’ Tumayo ito at binuksan ang maliit na ref. ‘Dami ka pang pagkain dito ah. Magluluto ako, ha?’

‘Dun ka nalang sa bahay mo magluto,’ ungot ni Gabe, at pagkuwa’y tinakluban ng unan ang mukha.

‘Dito nalang. Wala akong pagkain sa bahay eh. Hindi kita aabalahin, promise.’ Inilabas ni Jace ang mga kakailanganin. May kanin pa sa Tupperware; papainitin nalang niya ito sa mamaya sa microwave. Marami ring gulay at spices, na tamang-tama para sa mga iniisip niyang lutuin.

Nang kumalat na sa apartment ang mabangong aroma ng bawang at sibuyas ay napansin na lamang ni Jace na nakatayo na si Gabe sa likod niya.

‘Ano yan?’ tanong ni Gabe.

‘Well, hindi ko alam ang tawag. Nakalimutan ko na, alam mo naman, mahina ako sa pangalan. But anyway, ginagaya ko lang yung dun sa nakainan kong Indian restaurant.’

‘Nung kasama mo si Odet?’

‘Oo.’

‘Ang bago ah. Damihan mo kuya, ha, kakain din ako.’

‘Kala ko ba matutulog ka na?’

Tumawa si Gabe. ‘Eh nakakagutom ang amoy kasi!’

‘Uyyy… tumatawa na si bestie… hindi ka na badrip?’ Patuloy si Jace sa pagsasangkutsa sa kawali.

‘Hay, huwag na nga natin pagusapan yan.’

‘Alam mo, Potato, dapat hindi sinasarili ang mga “prublima.” Nagdudulot yan ng stress sa puso. Tapos aatakihin ka sa puso, o kaya naman brain aneurysm, o kaya naman stomach ulcer, o kaya naman cancer of the heart.’

‘Kuya Banana,’ tugon naman ni Gabe, ‘huwag ka na mag-imbento ng sakit. Wala namang cancer of the heart.’

‘Sigurado ka? O sige, broken heart nalang.’

‘Sorry, hindi ako broken-hearted kay Rusty.’ 

‘Alam ko,’ sambit ni Jace. ‘Sa isang tao ka lang naman broken hearted ngayon.’

Tumahimik nalang si Gabe. Kumuha siya ng dalawang mangga sa ref para i-blender. Masarap magluto si Jace, kaso mahilig sa maanghang, kaya’t dapat palagi siyang may handang matamis na maiinom.

Nang magsimulang kumain ay akala mo pareho silang nag-araro sa bukid. Walang imikan. Subo lang ng subo. Hindi akalain ni Gabe na sobrang gutom pala siya. At lalo pang nakakagana kapag maanghang. Tsk. Mapapa-extra rice na naman siya nito. Kelangan na namang bawiin sa gym ang lahat ng makakain niya ngayong gabi.

‘Hindi ko na kaya,’ sambit ni Jace habang hinihimas ang tiyan. Ubos na ang pagkain sa plato. ‘Busog!’

‘Extra rice pa ‘ko,’ sabi naman ni Gabe. ‘Ang sarap nito ah. Galing mo talaga magluto.’

Ngumiti si Jace. ‘Thanks.’ Humugot ito ng malalim na hininga.

‘Hep. Iinterviewhin mo na naman ako eh,’ banat ni Gabe. ‘Magpahinga ka naman, Boy Abunda.’

‘Aba, sino namang may sabi sa ‘yo na iinterviewhin kita?’

‘Kilala kaya kita. Yang buntong hininga mo e prelude sa interview questions.’

Tumawa si Jace. ‘Okay, fine. Pero, Gabe! Anong masasabi mo sa mga sinabi ni Rusty kanina? Sapul ba?’

Nilunok ni Gabe ang nginunguya. ‘Ayoko muna isipin.’

‘Bakit?’

‘Mawawala ako sa focus! Kapag iisipn ko nang iisipin si Dan, pano na ko makaka-concentrate sa pag-aaral?’

‘Kaya nga ako nandito, diba? Kaya nga kita tinutulungan. So, ano namang masama kung makipagkita ka na ulit kay Daniel?’

‘Wag na natin ipilit. Konting panahon nalang naman eh mag-eexam na ‘ko, tapos, pwede na ko makipagkita. Ilang buwan ko nga hinintay, diba? Siguro naman makakapag-hintay pa ako ng kaunti.’

‘Hayyy…’ Sumandal si Jace sa silya. ‘Yan ang hirap sa mga taong may nagmamahal, binabalewala. Tapos, yun namang mga kagaya ko na single, naka-nganga lang.’

‘Wow, hashtag-hugot. Bakit hindi ka kasi mag-boyfriend?’

‘Sino naman?’

‘Choosy ka kasi. Yung mga nakaka-meet mo lagi mo nalang sinasabi walang lukso ng dugo. Kamag-anak ba hinahanap mo?’

‘Spark, Gabe. Spark. Mahirap ba intindihin yon?’ Tumaas ang isang kilay ni Jace.

‘Spark ka nang spark, eh dun ka nga nagkakagusto sa mga lalaking ipinanganak na MALI.’ Sabay salpak ni ng mga palad sa mesa.

‘Yung mga lalaking ang hanap lang sa akin ay ang aking katawan! CHAROT.’

Nagtawanan silang dalawa.

‘Baliw ka,’ saad ni Gabe.

‘Hay, Gabe, kelan kaya ako liligaya, no?’

‘Tanong ko rin yan, kuya. Kelan ka liligaya. Pero ang mas malaking tanong: kelan mo titigilan ang pantasya mo sa hayop na Rusty na yon? Kita mo naman: tamad, madaming excuses, mayabang, at playboy pa.’

‘Eh, ikaw, bakit mo siya nagustuhan?’ ganting tanong ni Jace.

‘Dati yon. Kung ngayon ko sya nakilala, basted agad.’

‘Ganda mo talaga, bestie. Ikaw talaga mambabasted?’

‘Kung sakali lang naman na ligawan ako,’ pagliliwanag ni Gabe.

‘Pano ka nga ba niligawan dati?’

Napangiti si Gabe. ‘Hmmm… Ewan ko kung ligaw ‘yon, ha? Puro paramdam kasi eh, tapos date-date, tapos, ayun, kami na. Wala nga kaming anniversary eh, kasi wala namang nagtanong ng: Tayo na ba?’

Uminom si Jace ng mango juice. ‘Paanong paramdam?’

‘Hmmm… nung una, napapansin lang namin na madalas dumalaw sa coffee shop ni Tito Manny. Tapos, mahilig yan kumanta, yung mahina lang, pero maganda boses. Hindi mo palang naririnig pero ang boses nyan parang kay Darren Criss. Mahilig yan kumanta ng Disney songs. Favorite ko nga yung Part of Your World. Oh, ba’t kilig na kilig ka naman?’

‘Ehhh kasi.’ Malanding tawa. ‘Wala lang. Kinikilig lang naman ako for you.’

‘Naku huwag na dahil nabubwisit lang ako.’

‘Galit ka pa ba sa kanya?’

Bumuntong hininga si Gabe. ‘Ewan ko ba. Oo siguro, pero… totoo naman ang sinabi nya eh. Mula dun sa pagsusungit ko hanggang panunumbat. Napuno nalang siguro yon, no?’

Tumango si Jace. ‘Sa tingin ko rin. Mabait na tao naman sya eh, kita naman. Although mayabang lang talaga. Bad boy ba. Pero bagay yung personality sa itsura. Hahahaha... Yung leading man na masama ugali pero may pusong ginintuan ‘pag nahanap na niya ang taong mamahalin. Parang si Dan, diba?’

‘Hmmph. Bahala ka nga. ‘Pag sa huli iiyak ka, wag mo ko sisisihin.’

‘Sus, bakit naman ako iiyak? Crush lang naman. You can’t lose what you never had, sabi nga nila. Ano na kaya ginagawa nya ngayon, no?’

----------------

Hinithit ni Rusty ang sigarilyo habang pinagmamasdan ang mga ulap sa langit. Walang mga bituin, pero wala rin namang ulan. Bukas ang bintana at pumapasok ang malamig na hangin, hinahalikan ang kanyang hubad na katawan.

May mga brasong pumulupot sa kanyang baywang. Marahang hinatak hanggang mapalapit ang kanyang likuran sa dibdib ng lalaki. Dumampi ang mga labi sa kanyang balikat, leeg, pataas, hanggang sa umabot sa kaliwang tenga. Una’y sinisipsip ang earlobe hanggang sa pinapasok na ng basang dila ang butas ng tenga. ‘Ang sarap mo talaga,’ bulong ng lalaki. Ipinaling nito ang mukha ni Rusty hanggang pagpang-abot ang kanilang mga labi.

Hawak-hawak ang sigarilyo sa pagitan ng dalawang daliri sa kanang kamay, pinatulan na rin ng halik ni Rusty ang lalaki. Siya si Manuel, ang may-ari ng gym na pinupuntahan niya. Halos magsi-singkwenta na ang lalaki, subalit matipuno pa rin. Aakalain mong mahigit trenta pa lamang. Maliit nang bahagya sa kanya pero di hamak na mas malaki ang katawan. Batu-bato ang muscles, moreno, may kaunting balbas, gwapo, at may mahabang titi, na ngayon ay matigas na naman at bumubundol sa butas ng kanyang kweba. Wala nang ganang makipag-sex ni Rusty. Nakadalawang putok na siya kanina. Pero ayaw pa rin siyang dalawin ng antok. Siguro pagkatapos nito, pwede na siyang makatulog.

Hinimod ni Manuel ang kanyang batok. ‘Ang bango mo pa rin, kahit kanina pa tayo nagkakantutan. Ibang klase ka talaga. Kung hindi ka lang lalaki, aananakan kita para nakatali ka na sa ‘kin,’ sabi nito, sabay tawa. ‘Isa pa, ha?’

Ilang sandali pa’y umentra na ang madulas na ulo ng ahas sa kanyang lagusan. Napasinghap si Rusty, at lalo namang humigpit ang yapos ng lalaki. ‘Tangna… ang sikip mo talaga, shet.’ Ipinatong ni Manuel ang noo sa likod ni Rusty at seryosong binayo ang likuran nito. ‘Ohhh, shet, shet… ang sarap mong puta ka, tanggapin mo ang kargada ko—umph! Uh-uh-uh-uh-uh!!!’

Habang tinitira ang kanyang tumbong ay ipinagpatuloy ni Rusty ang paghithit ng sigarilyo. Minsa’y napapangiwi siya sa sakit, dahil ngayon, wala na ang sarap.

----------------

Mabagal na lumipas ang mga araw. Matapos magkasagutan sina Gabe at Rusty ay nagkabati rin sila kinabukasan. Unang humingi ng paumanhin si Rusty, at sino ba naman si Gabe para hindi magpatawad? Iniwasan na ni Gabe pansinin ang mga maling nagagawa ng kaibigan at nag-focus na lamang sa kanyang pagre-review. Sa parte naman ni Rusty, hindi na siya nale-late o kaya naman ay biglang umaabsent. Ang sabi nga ni Jace, mabuti na rin na nagkaroon sila ng “eksena” dahil mas maganda ang kinalabasan. Naging mapayapa na sa coffee shop simula ng araw na iyon. Pero sa puso ni Gabe, hindi pa rin mawala ang alalahanin na baka sa bandang huli iwanan siya ni Daniel.

Kagaya ng naipangako nito sa kanya, wala ngang komunikasyon ang namagitan sa kanilang dalawa. Walang text o tawag. Ni hindi manlang niya alam kung OK pa ba ang boyfriend niya; kung may sakit ito o nalulungkot; o baka kung napapa-ano na. Ayaw lang niya isipin na baka wala na pala siyang babalikan dahil nakahanap na ito ng iba. Kapag nagkataon… Ewan. Ewan niya kung anong gagawin. Baka “new beginning” na naman. Parang gusto niyang maiyak. Pinilit nalang niya ang sarili na huwag alalahanin ang mga bagay na wala na siyang magagawa. Pasasaan ba’t magkikita din sila ni Daniel.

Paminsan-minsan, dinadalaw ni Gabe ang mga kapatid sa Maynila. Wala naman siyang ibang ginagawa sa Los Banos kapag day-off. Doon siya natutulog sa bahay ng tatay niya, pero pagka minsan ay dinadalaw niya si Noel sa luma nilang bahay. Maganda naman daw ang pakikitungo ng mga kapitbahay dito kaya’t hindi nag-aalala ang binata kapag naiiwan mag-isa.

Akala ni Gabe ay hindi na darating ang araw na kanyang pinakahihintay. Gumapang sa bagal ang Agosto at Setyembre, pero sa wakas ay nakarating din sa huli. Sa darating na Huwebes ay kukuha na siya ng entrance exam sa UP. Abut-abot ang kaba at dasal niya sa bawat araw na papalapit ang pagsusulit. Mabuti na lamang at nandyan ang kanyang kuya Jace na palaging nagbibigay encouragement at mga payo.

Malaki ang utang na loob niya sa taong ito. Magaling si Gabe sa Math at Science, subalit pinagkaitan sa English. Pero dahil sa tulong ni Jace, naitatama na niya ang spelling, grammar, pronunciation, intonation, diction, at kung anu-ano pang “tion.” Ikaw ba naman ang may practice ng extemporaneous speech gabi-gabi. Para siyang contestant sa The Voice na palaging naja-judge. Tapos may pangako pa si Jace. Kapag daw pumasa siya sa exam, may ituturo pa daw itong isang skill, pero secret muna sa ngayon. Sa hinala ni Gabe ay tuturuan siya nito ng pagsagot sa question and answer portion sa beauty pageant. Hindi iisang beses na binaggit nito sa kanya ang pagsali sa Mister Philippines.

Dalawang araw bago mag-exam, naka-schedule na ang leave ni Gabe. Ang sabi ng kanyang kuya Jace, panahon ito para mag-relax, at huwag mag-isip ng kung anu-ano. Kailangan daw malinaw ang isip sa araw na iyon. Sa katunayan ay niregaluhan siya ni Jace ng overnight stay sa Bangkong Kahoy sa Dolores, Quezon. Parang resort daw ito sa taas ng bundok. Doon, pwede siyang magdrawing at kumain ng masasarap. Mag-relax lang. Wednesday, pwede na siyang bumalik ng LB, dahil maaga pa ang exam niya sa Thursday. Hindi naman nag-aalala si Gabe tungkol sa coffee shop dahil marami ring ibang staff na naka-leave ng araw na iyon, kaya’t sinabi nalang ni Marie na huwag na muna magbukas. Binigyan silang lahat ng isang linggong paid leave. Sabi ng kuya niya, ito daw ang “Oprah Moment” ni Marie.

Tuesday ng umaga, bago umalis papuntang Dolores, dinaanan siya ni Jace sa apartment.

‘Yihee, excited na mag-exam!’ bati nito sa kanya. Nakatayo silang dalawa sa harap ng pinto. Mataas na ang sikat ng araw, pero presko ang hangin.

‘Kinakabahan nga ako eh,’ tugon naman ni Gabe. ‘Kuya, thank you sa lahat, ha? Kung wala ka, baka hindi na ko tumuloy sa pag-aapply dito.’

‘Sus ito naman, maliit na bagay! Pag pumasa ka sa exam, parang pumasa na rin ako, so galingan mo, OK? AJA!’

Tumawa silang dalawa. ‘AJA!’ sigaw rin ni Gabe.

‘Ay, muntik ko pang makalimutan,’ sabi ni Jace. ‘Tanda mo yung sinasabi ko na super-secret project? Dadating na sila!’ Halos tumalon ito sa pagka-excited.

‘Ay, ano ba yon? Siguro naman, sasabihin mo na.’

‘Well, okay. Meron kasing mga nagpadala sa akin ng somethings na dadalhin ko somewhere. Madami sila eh. Idedeliver sa bahay ni Marie sa Wednesday ng gabi, at kelangan ko na kunin sa Thursday ng umaga para dalhin dun sa pagdadalhan ko. (Wala kasing space sa apartment ko kaya kay Marie idedeliver.) Anyway, pagkatapos, pupunta na ko kay Odet sa Pangasinan.’

‘Ha? Ngayong Thursday na? Sa hapon mo nalang dalhin para matulungan kita.’

‘Naku hindi na, don’t worry,’ masayang sabi ni Jace. ‘Nag-promise si Rusty na tutulungan ako magbuhat. At isa pa, may sasakyan siya diba, so tamang-tama ‘yon.’

Nag-alala si Gabe. Parang mas gusto niya na kasama siya. ‘Ahh, sigurado ka ba, kuya? Hintayin mo nalang ako, aarkila tayo ng jeep. Siguro naman makakapaghintay yan?’

‘Hindi eh, tight deadline, kasi aalis din si Marie sa hapon kaya kailangan ko madala sa umaga. Pati excited yung mga pagbibigyan, kaya ayoko sila madisappoint hahahah…’

Napakamot si Gabe sa ulo. ‘Sige, ikaw bahala.’

‘Oh, huwag ka na mag-alala. Nagbago na si Rusty, kung hindi mo napapansin. Hindi na nale-late! At sinasabayan pa tayo kumain. Tapos palagi tumatawa sa mga jokes ko. Yihee!!! Haha, wow kinilig sa sariling kwento.’

Napangiti nalang si Gabe habang umiiling. Nakakatawa talaga panoorin mainlove itong bestfriend niya. Kala mo high school. Kung sana lang ay matinong lalaki ang napupusuan… kaso hindi. Si Rusty kasi may pagka-mayabang, aloof, minsan seryosong hindi mo maintindihan. Feeling Prince Charming, nakakaasar. Kapag ang kuya niya nasaktan, humanda yang Rusty na yan.

‘O, sige na,’ pagpapaalam ni Jace. ‘I just came to wish you happiness.’

‘Hahahaha… Happiness talaga?’

Kinindatan siya ni Jace at bumalik na ito sa katapat na apartment. ‘Uuwi pala ako sa nanay ko bukas,’ sabi nito bago pumasok ng pinto, ‘so, Thursday afternoon na tayo magkita, okay? Dito ka na sa bahay mag-lunch after ng exam.’

‘Okay,’ sagot ni Gabe sa nakasaradong pinto. Kinuha niya lang ang bag sa loob at umalis na rin papuntang Dolores.

----------------

May bumabarena sa sintido niya. Masakit sa ulo ang tunog na bumabayo sa ulo. Habang nakapikit ay pilit hinahanap ng kamay ang cellphone na natatakluban ng unan. Nang maabot ay tiningnan ito para patayin ang alarm. Hindi agad rumegister sa utak na hindi ito ang tumutunog. Ilang sandali pa’y napagtanto niyang doordell pala ang tanginang ingay na gumigising sa kanya. Tiningnan muli ang cell phone—alas otso pa lamang ng umaga. Tinakluban ni Rusty ng unan ang ulo para hindi na marinig ang doorbell.

DINGGGG DONGGGG

‘OO na, bababa na!’

Padabog na nagmartsa ang lalaki pababa ng hagdan.

Pagbukas ng pinto ay bumungad ang isang chirpy na Jace. Naka-payong pa ito dahil may bahagyang ambon. Pupungas-pungas pa si Rusty kaya’t nakatitig lang siya sa nakangiting katrabaho.

‘Hi,’ sabi nito na may pag-aalangan. ‘Ah… yung ano, Rusty, yung pupuntahan natin ngayong umaga?’

Nakatitig pa rin si Rusty. Bwisit na bwisit si Rusty nang mga sandaling iyon. Ginising siya para dito? Unang araw ng bakasyon tapos…

‘Actually, OK lang naman kung hindi ka makakasama, kung hindi maganda pakiramdam mo. Sige ha aalis—’

‘No, no. Pasok ka, sorry, nagising na rin lang naman ako.’

‘Sorry ha, nagising pa kita.’

Doormat. Tanga-tanga talaga ng lalaking ito, isip-isip ni Rusty. ‘It’s fine. Upo ka muna, maliligo lang ako.’ Hindi na niya nilingon si Jace nang umakyat siya sa kwarto. Muling nahiga sa kama para matulog. 10 minutes lang.

Hindi niya alam kung gaano siya katagal nakatulog, pero namalayan nalang niya na may umuuga sa kanyang mga balikat. ‘Hmmm?’

Mukha ni Jace. Medyo nakasimangot. ‘Akala ko naman bakit antagal mo. Nakatulog ka pala.’

‘Sorry, sorry, babangon na ‘ko. Hindi na ko maliligo; bibihis lang.’ Humikab siya at naupo.

‘May naghahanap pala sa ‘yo, pinapasok ko na rin. Mga kaibigan mo yata.’

Bago pa man makapagsalita si Rusty ay tumambad sa pintuan si Manuel. Naka-shorts ito at hapit na t-shirt na itim.

‘Maligo ka na, bilis, aalis tayo,’ sabi nito na nakangiti. ‘Bumaba ka na, ha? Hintayin ka namin sa gym. Sabi mo bakasyon ka, diba? Punta tayong Boracay. Dumating yung pinsan ko eh.’ Tumalikod ito at bumaba na.

Naiwan silang nakatulala.

Nagtanggal ng muta si Rusty. ‘San nga ba tayo pupunta?’ tanong niya sa katabi.

‘Sa… ano, may kukunin lang tayo kina Marie tapos ihahatid sa—’

‘Okay lang ba, pass muna ako? May lakad pala ako eh.’

Parang napako lang sa pagkakatayo si Jace. ‘Pero sandali lang yon, promise.’

Tumayo si Rusty at hinalikan sa pisngi ang mas maliit na lalaki. ‘Next time nalang,’ sabi niya. ‘O ayan, bayad na ko sa kasalanan ko ha?’

Naghubad ng t-shirt at pajama si Rusty bago pumasok ng banyo.

Paglabas niya, wala na si Jace.

----------------

Parang puputok ang dibdib niya sa lakas ng kabog. Pawisan at basa ang mga palad sa kaba.

Malakas ang ulan na bumabagsak mula sa kalangitan at halos hindi niya marinig ang ring ng cell phone.

Sana sumagot.

Sana sumagot.

‘Hello?’ sabi ng boses mula sa kabilang linya.

Pumatak na ang luha sa mga mata ni Gabe. Hindi siya makapagsalita.

‘I missed you,’ saad ni Daniel. ‘I love you, Gabe. Pwede na ba kita puntahan?’

Umiyak lang nang umiyak si Gabe. Inilalabas niya lahat ng tinatagong lungkot. Kaytagal niyang hinintay ang pagkakataong ito. Hinayaan lang siya ni Daniel. Matyagang hinihintay ang kanyang sagot.

‘…su—sunduin mo na ‘ko…’ sabi ni Gabe, pumipiyok pa.

‘Pupunta na ‘ko. Sunduin kita sa harap ng coffee shop. Sinabi na sa akin ni Jace kung saan yan. Hintayin mo ako, ha? Ite-text kita kapag malapit na ako. I love you.’ Iyon lang at ibinaba na nito ang telepono.

Hindi na napigilan ni Gabe ang sarili. Sinugod niya ang ulan para makauwi at ibalita sa bestfriend ang ligayang nadarama. Malaki ang ngiti sa mukha.

Mahal pa rin siya ni Daniel!

Patalon-talon pa siya habang pauwi ng apartment. Kung ano mang mangyari pagkatapos nito, handa na siyang harapin ang lahat.

Pagdating sa maliit na compound, nagtaka siya kung bakit sarado ang pintuan ni Jace. Sumilong muna siya sa tapat nito at tinawag ang pangalan ng kaibigan. Walang sagot. Kinuha ang cell phone mula sa maliit na backpack. (Basa ang labas pero waterproof naman.) Nagri-ring, subalit walang sagot. Nag-alala siya. Tinawagan niya si Rusty; wala rin. Parang hindi na maganda ang kutob ni Gabe. Muntik na siyang tumakbo papuntang coffee shop nang makitang pumasok sa gate si Jace, nakatungo, walang payong. Hinintay lamang niya ito hanggang magkaharap sila.

Basa rin ng ulan ang lalaki, mula ulo hanggang paa. Pero gayunpaman, kitang-kita ang pamumula ng mga mata.

‘Kumusta exam?’ tanong ni Jace na nakangiti.

Niyapos ni Gabe ang kaibigan. Parang alam na niya ang nangyari.

Parang bata namang umakap si Jace. Humahagulgol ito; nakatago ang mukha sa dibdib ng kaibigan. ‘Gabe…’ nakailang-ulit na hikbi ng lalaki.

Mahigit limang minuto yata silang nakapwesto ng ganon. Nakatayo, basa, gutom, pagod.

Nang kumalas si Jace ay hinawakan nito ang kanyang mga kamay. ‘Thank you, ha?’ Mantsado ng luha ang mga pisngi pero tumigil na sa pag-iyak.

Ngumiti si Gabe. ‘Ipagluluto mo ako, diba? Tara na!’

Bumalik muna si Gabe sa apartment niya para maligo at magbihis. Tinulungan na rin niya si Jace magluto pagkatapos. Ikinuwento niya ang mga tanong tungkol sa exam (kaya naman), ang naobserbahan sa mga estudyanteng kasabay kumuha ng pagsusulit (mukhang mayayaman), at ang pagtawag kay Daniel (success!).

Tahimik lang si Jace na nakikinig. Tumatawa kapag kinakailangan; ngumingiti kapag tinatawag ng pagkakataon. Habang nagkakape sila, ikinuwento na nito ang mga nangyari.

Noong isang araw, pinakiusapan niyang samahan siya ni Rusty para kunin ang mga idineliver na libro sa bahay ni Marie at saka dalhin sa bahay ampunan. May sasakyan si Rusty kaya tamang-tama sana.

Isinalaysay niyo kung papaano niya sinundo sa bahay ang lalaki, at pagkatapos ay isang oras pa pala itong natulog. At nang aalis na sila ay may mga dumating na kaibigan at isinasama ito sa kung saan. Gustong suntukin ni Gabe ang pader nang sabihin ni Jace na hinalikan siya sa pisngi “pambayad kasalanan.” Nag-init talaga ang kanyang mukha. Tinapik lang siya ni Jace sa balikat para kumalma.

Nadala rin naman ni Jace ang mga libro sa bahay ampunan. Ayun nga lang, nag-tricycle lang siya. Nakailang balik ang tricycle dahil sampung kahon daw ang dinala niya. Pero ang pinaka-masakit sa lahat, sinundo na daw ng mga foster parents ang isang batang anak-anakan niya, si Colleen. Napaaga daw ang pagsundo dito kaya hindi na niya naabutan. Kung maaga lang sana siyang nakapunta ay makakapag-paalam pa sa bata. Ang kwento ng mga madre, umiiyak daw ang bata bago umalis, dahil inaantay si Jace. Papunta ito ng Amerika kaya baka hindi na sila magkita muli. Ipinangako na lamang ng mga foster parents na makikipag-Skype pagdating sa States, at dadalaw sa ampunan pagbalik nila ng Pilipinas.

Durog na durog ang puso ni Gabe sa kwento ng kaibigan. Ubos na ang kape pero umiiyak pa silang dalawa.

Nag-text si Daniel; malapit na daw ito.

‘Sumama ka nalang kaya sa amin, kuya? Matutuwa si Dan kapag nakita ka,’ pakiusap ni Gabe.

Umiling si Jace. ‘Hindi na. Para sa inyo ang araw na ‘to. At saka ayokong makita ako ni Daniel ng ganito, nakakahiya. Kapag okay na ko, imi-meet ko kayong dalawa.’

‘Next week?’

Umiling ulit si Jace. ‘Ano kasi… nagdesisyon akong tapusin yung isa ko pang project. Tinawagan ko na si Odet, sabi ko baka hanggang mid-December ako sa resort niya sa Pangasinan.’

‘Ha? Antagal naman! Eh sinabi mo na kay Marie?’

‘Oo, nagpaalam na rin ako. Pumayag na. Magha-hire nalang daw muna siya ng kapalit ko pansamantala, tutal hindi naman nauubusan ng aplikante. At saka nandyan ka naman, diba? Kaya hindi ako nag-aalala na umalis.’

‘Grabe ka naman, pinapaiyak mo ‘ko.’

‘Tumigil ka na. Dapat pogi ka kapag nakita ka ng boyfriend mo. At saka hindi naman ibig sabihin magpapaka-monghe ako doon, no? Babalik-balik din ako dito, pero hindi ko pa alam kung kelan. At syempre lagi kitang itetext at tatawagan. Oh, ano, okay na?’ tanong nito na nakangiti.

Tumango si Gabe. Kailan ba matatapos ang problema ng buhay? Dumating nga si Dan, aalis naman ang kaisa-isang best friend niya sa buong mundo.

‘Pag nakita ko si Rusty, susuntukin ko yun.’

‘Hwag!’ Nagulat si Jace sa tinuran ni Gabe. ‘Wag, please. Dapat hindi malaman ni Rusty ang nangyari. Huwag mo sasabihin, ha? Promise? Dapat hindi niya malaman na… kung paano ako naapektuhan. Sa atin lang ‘to. Wala na ‘kong pakialam kay Rusty. Kung ano mang gusto niyang gawin sa buhay niya eh bahala na siya. Hindi na siya mahalaga sa akin, okay? Pero ‘wag mo itigil ang pakikipagkaibigan sa kanya. Kelangan ka ‘non. Huwag nalang natin sya pag-usapan,’ sabi nito, sabay tawa ng mahina.

Hindi alam ni Gabe ang sasabihin kaya’t tumango nalang siya.

Tumayo ang magkaibigan at nagyakap.

‘Ingat ka, ha?’ sambit ni Gabe.

Hinalikan siya ni Jace sa pisngi. ‘Oo, Potato. Ikaw, kakain ka palagi, baka mangayayat ka. At ingat ka palagi, at bigyan mo ng mahigpit na yakap si Daniel para sa ‘kin. Sabihin ko nalang kung kelan tayo pwede magkita.’

Tumigil na ang ulan.

Niyakap niya muli ang kaibigan bago umalis.

‘Parating na ‘ko, Dan,’ bulong ni Gabe sa sarili.

---ITUTULOY---

No comments:

Post a Comment

Read More Like This