Pages

Monday, February 13, 2017

Some Kind of Love

By: Arkinberg

Author’s note: This will be my last story for now. Salamat sa lahat ng readers sa pag- appreciate nyo sa mga stories ko, sa mga encouraging nyong comments. I just want to share how happy it is to be in love. Kahit na ano pa ang gender nyo, everyone deserves na magkaroon ng isang masayang love story. I may not be able to come back and tell you another story but I hope madami kayong natutunan sa mga stories ko, in life and in love. Hanggang sa muli. Thank you!

Itinuturing kong First Love ko si Albert. Matagal na kaming magkakilala. Magkaklase noong Grade 1 hanggang Fourth Year High School. Nasubaybayan namin ang isa’t isa habang kami ay lumalaki. Magkapitbahay din kami. Iba ang turingan namin ni Albert sa isa’t isa. Kahit na tinutukso kami noon ay hindi kami nagkaroon ng ilangan. Iba ang pagiging malapit naming dalawa. Hindi ko din alam, baka siguro may ganung uri talaga ng pagkakaibigan. Alam ko sa sarili ko na may nararamdaman ako kay Albert noong nasa Fourth Year na kami. Kahit na nagkaroon sya ng ilang girlfriends habang mga teenagers pa lang kami ay parang wala lang sa akin ang mga ito. Hindi kasi nabawasan ang pagiging close namin ni Albert.

Mabait si Albert, pero habang lumalaki kami ay nadiskubre nya ang katangian nyang may pagkapilyo. Matangkad, moreno at gwapo, yan ang madalas na sinasabi tungkol kay Albert. Hindi sya ganun ka-buff pero malaki din naman ang pangangatawan nya.

Ako nga pala si Gabriel o Gab sa mga malalapit sakin. Ako ay 25 na taong gulang na ngayon at nagtatrabaho bilang isang Nurse.

Ikekwento ko sa inyo ang masasabi kong isang pag-ibig na hindi ko inakala.

Hindi ganun kabuo ang buhay ni Albert. Second family kasi sila. Kasama lang nya sa bahay ay ang Mommy nya at ang kapatid nyang babae at ilang kasambahay. Buong buhay nya ay absent ang kanyang Daddy. Kahit na ganun ay hindi naman sila totally iniwan nito at hindi nagtanim ng galit si Albert sa Daddy nya. Nabuhay sa karangyaan sila Albert at dahil dun ay parang hindi nya ramdam ang kakulangan ng Daddy nya sa buhay nya. Kahit na ganun ay pinilit nyang mabuhay sa naayon. Kasi sabi nya wala din naman syang magagawa kung habambuhay nyang iisipin yun.

Magkasama kami ni Albert sa isang dorm nung nasa College na kami. Sya sa FEU at ako naman sa UST. Maayos ang pagsasama namin. Kahit na walang label sa amin ay alam ko na mahal ko sya. Ramdam ko din ang pagmamahal nya sa akin pero ako na mismo ang pumipigil sa nararamdaman nya. Sinasabi ko na sweet lang kami sa isa’t isa dahil childhood friends kami. Madalas ay itinutulak ko sya na makipagdate sa mga babae.
Pero may parte pa din sa akin na umasa na baka mabago yun. Pero sa kabilang banda ay hindi ko na pinursige ang bagay na yun. Ayoko kasi na mag-iba ang tingin ng mga taong nakakakilala kay Albert. Buong buhay ko pakiramdam ko ay prinotektahan ko sya sa lahat ng maaaring makapanakit sa kanya kahit na yun pa ay ang mahalin nya din ako.

Hanggang sa makagraduate kami sa College. Binigyan si Albert ng negosyo ng Daddy nya at ako naman ay nagtrabaho sa isang Government Hospital sa Valenzuela City. Kahit na may kanya kanya na kaming buhay ay hindi pa din nawawala ang presensya ni Albert sa buhay ko. Sa mata ng iba ay magbestfriends kami at yun na marahil ang pilit kong pinupukpok sa sarili ko.

Hanggang sa magkaroon ng girlfriend si Albert noon. Mahal na mahal nya si Kate. Nabawasan ang mga pagkakataon na magkasama kami. Minsan kasi ay nakakakain pa kami sa labas pag madaling araw na. Pero naiba na ngayon. Sa isang iglap ay may pumalit na sa mga ginagawa ko. Sabagay ginusto ko din naman yun.

Pakiramdam ko wala nang magmamahal sa akin noon. Hindi naman kasi ako gwapo. Pango ang ilong ko at mataba ako. Si Albert lang ang tanging tumanggap sa akin ng buong buo. Sinubukan ko din naman maghanap pero puro rejections lang ang nakuha ko. Masakit din pala mareject, hindi ko pa kasi naranasan ito dati. Siguro kahit na ano pang gawin ko ay walang magkakagusto sa akin at tinanggap ko ang bagay na yun.

Noon pa lang ay pinangarap ko na ang magparetoke. May ilang naipon ako pagkatapos ng College pero kulang pa ito. Hanggang sa makatanggap ako ng balita na kailangan ng human dummy ng mga doktor sa isang kilalang ospital sa Quezon City. Ireretoke ang mapilili nilang volunteer. Para kasing may demonstration ang mga doktor sa kapwa nila doktor tungkol sa mga bagong approach sa pagreretoke. Madami kaming nag-apply at akala ko ay hindi ako mapipili, pero isang araw ay laking tuwa ko dahil ako ang napili bilang subject.

Inayos ang ilong ko at ang eyelids ko o yung talukap ng mata. Medyo drooping kasi ito at ang major operation na ginawa sa akin ay niliposuction ako. Sobrang sakit sa katawan pagkatapos pero worth it naman dahil sa malaking pagbabago sa katawan at sa mukha ko. Dahil dun ay nagkaroon ako ng lisensya para makakuha ng taong magmamahal sa akin.

Simula noon ay hindi na ako narereject ng mga natitipuhan ko. Minsan ay binalikan ko yung mga taong nagreject sa akin noon. Laking tuwa ko nang mahulog sila sa akin at tsaka ko sila iniwan. Ang sarap pala sa pakiramdam na makapanakit lalo na alam mong nasaktan ka din nila dati. Alam ko na hindi maganda ito pero ginawa ko pa din dahil gusto kong makaganti.

Hanggang sa makahanap ako ng katapat ko. Nakilala ko si Miko nung kasagsagan ng pagwawala ko noon. Akala ko ay katulad lang din ng mga nang iwan sa akin si Miko kaya hindi ko sya masyadong sineryoso, pero nakuha nya ang loob ko namg minsang mag overnight sya sa bahay namin dahil lasing na lasing ako nun.

Simula noon ay kay Miko na nabaling ang lahat ng atensyon ko. Di nagtagal ay napamahal na din ako sa kanya. Masuyo kasi syang tao at kahit na medyo bad boy ay hindi pa din nawawala ang paggalang nya sa mga tao. Mainitin ang ulo ni Miko pag meron syang hindi nagugustuhan at dahil dun ay mas nachallenge ako sa kanya. Sinabi ko na balang araw ay mababago ko din sya.

Hanggang sa natapos ang kontrata ko sa ospital sa Valenzuela City at lumipat ako sa mas malaking ospital sa Makati. Napagpasyahan ko na tumira kasama si Miko. Malapit lang kasi ang condo na tinitirhan nya dun. Naging maayos naman ang pagsasama namin. Hanggang sa nalaman ko na nakabuntis sya.

Sobrang sakit nito sa akin. Sinabi nyang pananagutan daw nya ang babae. Pilit ko syang pinaamin kung may relasyon sila ngunit sinabi nyang wala silang relasyon. Hindi ko matanggap na magiging Ama na si Miko. Sa buong dalawang taon na kasama ko sya ay akala ko ako lang ang ginagalaw nya. Sobrang sakit sa akin dahil sya ang nakauna sa akin.

Umuwi muna ako sa bahay namin para makapag-isip isip. Pinag-usapan namin ito ni Miko at pumayag naman sya. Una kong pinuntahan si Albert at naglabas ako ng mga sama ng loob. Galit na galit si Albert noon ay Miko at sinabi nyang kung sakaling magkita man sila ay sasapakin nya ito. Gumaan ang pakiramdam ko dahil naramdaman ko yung pag-aalaga sa akin ni Albert na hindi kumupas kahit na may girlfriend na sya.

Sinubukan kong tanggapin ang sitwastyon namin ni Miko. Mahal ko sya pero hindi ko matanggap na nagtaksil sya sa akin. Yung moment na ipinasok nya ang ari nya sa iba ay isang sign na hindi na nya ko mahal, dahil sa pinili nyang gawin yun. Hindi nya pwede sabihin sa akin na hindi nya sinasadya yun.

Sa araw-araw na kasama ko si Miko ay tanging sorry ang sinasabi nya sa akin. Hindi ko alam kung kaya ko pa sya patawarin noon, basta ang alam ko ay mahal ko sya kaya hindi naging mahirap sa akin na patawarin sya.

Dumaan ang mga araw at napatawad ko na din si Miko. Sabay naming binibisita si Anna, yung babaeng nabuntis nya. Tuwang tuwa si Miko sa tuwing mararamdaman nyang sumisipa ang bata sa tiyan ng ina nito. Kitang kita ko ang excitement sa kanya nung mga oras na yun at nasaktan ako dahil sa yun ang isang bagay na hindi ko maibibigay sa kanya kahit kailan.

Hanggang sa nanganak si Anna ng isang baby boy. Tuwang tuwa si Miko dahil kamukha nya ang bata. Kung tutuusin ay parang 100% Miko ang baby. Lahat halos ng features ay galing kay Miko. Tinanggap ko ang baby dahil mahal ito ni Miko at wala namang kasalanan ang bata sa nangyari. Natutunan ko na din mahalin ang bata kahit na masakit sa akin dahil masaya si Miko. Pakiramdam ko kasi ay kapintasan ito sa akin dahil kahit kelan ay hindi ko sya mabibigyan ng sarili naming anak.

Bigla kong naisip si Albert nung mga panahong yun, kung kamusta na kaya sya. Hindi na kasi kami masyadong nakakapag-usap. Hanggang sa isang araw ay tinawagan nya ako.

Pinaalam nya sa akin na ikakasal na daw sila ni Kate at ako ang best man nya.

Nakaramdam ako ng lungkot sa puso ko. Ewan ko ba, kahit na kami ni Miko noon ay hindi nawala ang pagmamahal ko kay Albert, pero naisip ko na kung masaya sya kay Kate sino ba naman ako para humadlang. Sa huli ay naging masaya ako para sa kanya at sinuportahan ko sya sa lahat ng mga gusto nya sa buhay. Kahit na yung pangangarera nya sa motor ay kinukunsinti ko dahil sa tutol si Kate dito.

Naging maayos ang buhay namin simula noon. Si Albert sa buhay may asawa nya at ako naman kay Miko. Namuhay kami ni Miko na kasama si Baby Aiden hanggang sa mag-isang taon na ito. Minsan ay si Miko ang bumibisita kila Anna para dalawin ang bata. Hindi naman ako nagselos dahil alam ko na ang bata lang ang pakay ni Miko.

Makalipas ang isang taon ay naghiwalay din sila Albert at Kate. Sobrang wasak si Albert dahil dito. Hindi ko muna sya inusisa kung bakit sila naghiwalay. Ako ang sumasama kay Albert sa mga hearing nila sa annulment. Kilala kong malakas ang loob ni Albert pero sa puntong yun ay nakita ko ang weak side nya. Madalas syang umiiyak sa akin dahil sa sakit na nararamdaman nya. Hinayaan ko lang sya na umiyak sa akin hanggang sa sinabi nya sa akin ang dahilan. Hindi daw kasi sila magkakaanak ni Kate. Nalaman na baog si Albert, dahil sa gusto ni Kate na magkaanak ay nakipaghiwalay sya dito. Kahit na anong pilit isalba ni Albert ang pagsasama nila ay ayaw na daw ni Kate. Wala din syang nagawa kundi pumayag.

Awang-awa ako kay Albert noon. Ayoko kasing nakikita syang ganun. Kaya madalas ay sinasamahan ko sya. Tanggap naman ito ni Miko dahil madalas din sya noon bumibisita kila Anna para sa anak nila.

Matagal bago nakamove on si Albert. Sinabi nyang eenjoyin muna nya ang pagiging single. Nawala na ang pag-aalala ko sa kanya dahil alam ko na maayos na sya.

Dahil matagal na ako sa pinagtatrabahuhan ko noon ay nagpasya na akong mag-abroad. Usapan na namin ito ni Miko noon pa na magtatrabaho kami sa New York dahil US Citizen naman sya ay hindi kami mahihirapan na makapunta doon dahil nangako din sya sa akin na papakasalan nya ako doon. Biglang nagbago ang isip ni Miko marahil hindi na nya makikita ng madalas ang bata kung nandoon na kami.

Binigyan ko si Miko ng oras para makapag-isip. Pero desidido syang hindi nya iiwan ang bata. Siguro gusto nyang lumaki si Baby Aiden na may kinikilalang Ama.

Isinantabi ko muna ang nasa isip ko na pag-alis ng bansa. Naisip ko kasi kung paano na ako pag malayo kami ni Miko sa isa’t isa. Baka hindi ko din kayanin.

Minsan kapag si Miko ay bumibisita kila Anna ay lumalabas kami ni Albert para kumain at magkakwentuhan. Ayos lang naman kay Miko yun kesa naman mag-isa lang ako sa condo unit nya habang hinihintay syang umuwi. Masaya ako na nahanap na ni Albert ang sarili nya. Umaasa ako na balang araw ay makakahanap sya ng taong magmamahal sa kanya ng buo at matatanggap sya sa kung anuman sya.

Tuwing biyernes pagkatapos ng trabaho ay kila Anna ang diretso ni Miko para bisitahin si Baby Aiden. Dahil hindi pwede noon si Albert ay sumunod ako kila Anna. Hindi ko na nasabi yun kay Miko dahil sa nagbattery empty na ang cellphone ko. Hindi nagtagal ay nakarating ako sa kila Anna. Nakaramdam din ako na sweet sila sa isa’t isa pero hindi ko na pinansin yun dahil sa alam ko ay naging magkaibigan din sila dahil sa bata. Hanggang sa pagtagal na nandoon ako ay napapansin ko ang pagtakip ni Anna sa tiyan nya. Hanggang sa tumayo sya at nakita ko na malaki ang tiyan nya.

Dahil alam ko kung ano ang tiyan ng buntis at sa busog lang ay tinanong ko si Anna tungkol dito. Hindi sila nakapagsalita. Naiyak na lang ako. Nalaman ko na 6 months nang buntis si Anna at si Miko ang Ama nito. Kalmado akong umalis ng bahay ni Anna dahil ayoko magwala doon at baka matrauma ang bata. Hinabol ako ni Miko hanggang sa condo nya. Doon ay nagwala na ako dahil sa sobrang sakit na nararamdaman ko. Sa sakit na dalawang beses pagtaksilan.

Tinawagan ko si Albert para sunduin ako. Nag-empake ako habang pinipigilan ako ni Miko. Hindi ko na napigil ang sarili ko. Halos mawalan ako ng boses sa kakasigaw. Ilang kagamitan na din ang nasira ko sa unit ni Miko. Hanggang sa makuha ko ang mga damit ko at papaalis na nang may kumatok sa pinto. Pagbukas ko ay si Albert pala, halos hindi na ako makahinga sa sobrang iyak habang si Miko ay pinipigilan pa din ako.

Nagalit si Albert kay Miko at sinuntok nya ito. Halos magbugbugan ang dalawa hanggang sa awatin ko sila. Inaya ko si Albert na umalis na kami dala ang maleta ko. Pinangtitinginan kami habang nasa elevator kami pababa pero wala na akong pakialam noon dahil sa hindi ko din alam kung paano papakalmahin ang sarili ko.

Sinabi ko kay Albert na dalhin nya ako sa Tagaytay at gusto ko muna doon mamalagi ng isang linggo. Nirentahan ni Albert ang hotel room ng isang linggo. Akala ko ay babalik sya sa bahay nila nang maihatid nya ako doon pero hindi nya ako iniwan. Namili sya ng damit na gagamitin nya sa isang linggo namin doon.

Wala akong ginawa noon. Puro iyak lang ang ginawa ko. Sa tuwing iiyak ako ay nakahanda ang braso ni Albert para iyakan ko. Hindi nya nilason ang isip ko sa mga nangyari. Mas kinumbinsi pa nya ako na magpatawad na lang. Sa pagkakataong yun ay nakahanap ako ng taong totoong dumamay sa akin.

Makalipas ang isang linggo ay masakit pa din ang mga nangyari. Bumalik ako sa condo ni Miko para kunin ang mga gamit ko. Doon ay nakapag-usap kami ng masinsinan ni Miko. Humingi sya ng tawad sa mga nagawa nya at humingi pa sya sa akin ng isa pang chance pero hindi ko na ibinigay yun sa kanya. Nung puntong yun ay mas alam ko na kung ano nga ba ang talagang makakapagpasaya kay Miko, ang magkaroon sya ng isang pamilya.

Masakit sa akin na iwanan si Miko. Mahal ko sya at pinangarap ko na sya yung makakasama ko panghabambuhay. Pero naisip ko na mas magiging masakit siguro kung hindi ko maibibigay yung totoong makakapagpasaya sa kanya at yun ay ang pagkakaroon nya ng mga anak. Sa huli ay natanggap ko na din, na pinahiram lang sa akin ng tadhana si Miko para maramdaman ko kung paano nga ba yung totoong pagmamahal.

Sinabi ko na din na magpakasal sila. Ramdam ko naman na mahal din nila ang isa’t isa. Pagkapanganak ni Anna sa pangalawang anak nila ay nagpakasal na sila ni Miko. Inimbita nya ako na pumunta dito. Pumunta ako sa kasal nila dala ang ngiti sa puso ko. Marahil ay natanggap ko na ang lahat. Tuwang tuwa ako nang makita ko si Baby Aiden na malaki na bilang isa sa mga nag-alaga sa kanya. Umalis ako sa venue na may ngiti sa labi dahil sa magagandang bagay na dumating kay Miko.

Pagkatapos ng mga nangyari ay nagpasya na akong umalis papuntang New York kung saan ko balak bumuo ng bagong buhay. Kahit na bigo ako na magpakasal doon dahil kay Miko ay marahil ay hindi talaga para sa akin ito. Tourist Visa lang ang nakuha ko at sinabi ko na susulitin ko ang 6 months ko doon. Baka sakaling may magkagusto sa akin at pakasalan ako.

Bago ako umalis ay nagkausap kami ni Albert. Inamin nya sa akin na mahal nya ako. Mahal na higit pa sa isang kaibigan. Sobrang sarap na marinig yun mula sa kanya. Kahit naman noon pa, kahit hindi nya sabihin ay alam ko na mahal nya ako.

Inamin ko din ang nararamdaman ko sa kanya. Napangiti lang sya nang marinig nya yun. Tinanong nya ako kung pwede ba maging kami, na tinanggihan ko.

Ayoko kasi na mag-iba ang tingin sa kanya ng mga nakakakilala sa amin. Ayoko lang na masira sya sa mata ng mga tao lalo na sa magulang nya at sa 18 naming mga kaibigan na naging kaklase namin simula Grade 1 hanggang sa makagraduate kami ng High School.

Nalungkot si Albert sa narinig nya. Kahit na tutol sya ay nirespeto nya ang desisyon ko. Hindi lang kasi sapat na mahal lang namin ang isa’t isa. Kailangan matanggap din kami ng mga taong mahal namin para mas buo ang pagmamahalan namin.

Pinili ko pa din sundan ang pangarap ko. Nagpunta ako sa New York na mag-isa. Mas lalo kong naramdaman ang kakulangan sa akin. Mas hinahanap-hanap ko noon si Albert. Naisip ko kung tinanggap ko sya noon ay malamang masaya ako nung mga oras na yun. Kung hindi ko lang inisip yung magiging opinyon ng mga mahal namin sa buhay ay masaya sana ako nung puntong yun. Kung tutuusin ay para din kay Albert ang lahat ng ginawa ko, dahil dun nakalimutan ko kung ano nga ba yung totoong magpapasaya kay Albert na pilit kong inaalis sa kanya.

Sinimulan kong aminin ang lahat sa isa kong bestfriend na si Christian. Sinabi ko ang lahat sa kanya. Sinabi nya na kahit hindi ko sabihin ay ramdam nila na mahal ko si Albert. Sa mga kinikilos ko daw noon pa lang ay alam na nila. Hindi ko alam na matagal na palang nilang napapansin na mahal ko si Albert kahit noon pa.

“Bilang bestfriend mo, hindi ako tatanggi sa kaligayahan mo. Wala din naman akong ibang gugustuhin na makatuluyan mo kundi si Albert dahil kilala na namin sya simula bata pa tayo. Wag mo labanan yang nararamdaman mo. Mas lalong wag mong pigilan na sumaya si Albert. Kung iniisip mo kung anong sasabihin namin wala kaming pagkontra doon. Kung magiging kayo ni Albert ay mas magiging masaya pa ako para sa inyo”
ang natanggap ko na mensahe sa bestfriend kong si Christian. Naluha ako sa mga nabasa ko. Napakalaki kong tanga. Sana pala hindi ko pinigilan noon si Albert nung nagtapat na sya sa akin. Marahil karma ko ito dahil sa mga nasaktan ko noon, isang karma na tinanggap ko dahil maaaring magbago na din ang isip ni Albert sa akin.

Habang nasa New York ay nagising ako dahil sa tunog ng Messenger sa phone ko. Nang tignan ko ito ay isa itong group chat ng mga kaibigan namin nung High School. Nagulat ako sa mga messages nila. Lahat sila ay payag sa pagkakaroon namin ng relasyon ni Albert, na tanggap na tanggap daw nila ito. Natuwa ako sa  ginawa nila dahil malaking bagay ito para sa akin. Hanggang sa makatanggap ako ng text mula sa Mommy ni Albert na nagsasabing tanggap nya ako kung sasagutin ko man daw si Albert. Hindi ako makapaniwala sa mga nababasa ko. Pakiramdam ko ay nananaginip ako. Lahat kasi sila ay payag at hangad nila ang kaligayahan para sa aming dalawa.

Maya-maya pa ay may nagtext sa akin.

“Puntahan mo ko dito sa Times Square, hintayin kita dito”

Alam kong si Albert yun at dali dali akong naligo at nagbihis para makita sya. Pagdating ko dun ay nakacoat sya na bagay na bagay sa kanya. Hindi ko mapigilang mapangiti dahil sa saya na nararamdaman ko.

Nang bigla nya akong yakapin sa gitna ng Times Square. Wala na akong pakialam sa sasabihin ng iba. Basta ang alam ko ay mahal ko sya.

“Mahal na mahal kita” ang sabi ni Albert sa akin habang magkayakap kami.

Biglang nagflashback sa akin nung mga panahong bata pa kami. Nung mga panahong nagsimula kami magmahalan. Hindi ko alam na si Albert pala ang totoong magmamahal sa akin ng wagas at totoo. Si Albert na palaging nandyan para sa akin simula pa lang nung mga bata pa kami.

Nung punto na yun ay mas naintindihan ko na ang mga nangyari sa buhay ko. Sa pagkakahiwalay nila ni Kate at sa amin ni Miko, ay dahil kami pala talaga ni Albert ang meant to be sa isa’t isa, na sya pala talaga ang leading man ng kwento ko.

THE END

No comments:

Post a Comment

Read More Like This