Pages

Sunday, June 21, 2020

Flicker (Part 58)

By: Loverboynicks

Nagising ako na may humahaplos sa pisngi ko. Nang imulat ko ang mga mata ko ay nakita ko si Mama. Nakangiti siya at bumati sa akin ng good morning.

Nagsalubong ang mga kilay ko. Teka paano siya nakapasok sa silid ko? Inilock ko yung pintuan kagabi matapos niya akong mahuli na nanonood sa kanila ni Tito Benjie.

Naalala ko na may susi nga pala siya ng silid ko.

Marahan naman akong bumangon saka ako tumingin sa kanya. Umiwas naman siya ng tingin at namayani ang ilang sandaling katahimikan.

"Hindi ko inasahan yung nakita ko kagabi Ma." simula ko sa kanya.

Hindi siya sumagot. Nanatili lamang siyang nakatulala sa kama.

Hindi na ako nakatiis at hinawakan ko ang kamay niya dahilan upang mapasulyap siya sa akin.

"Hindi naman kita huhusgahan Ma. Gusto ko lang malaman yung totoo. Ano ba talaga ang namagitan sa inyo ni Tito Benjie noon?" masuyo kong tanong.

Inalis ni Mama yung mga kamay niya mula sa pagkakahawak ko saka siya tumayo patungo sa bintana.

Hinawi niya ang navy blue na kurtina saka niya binuksan ang bintana. Naramdaman ko ang pagpasok ng pang umagang hangin sa probinsiya.

Napakasarap sa pakiramdam ngunit hindi iyon ang kailangan kong pagbalingan ng pansin. Kundi si Mama.

Sumulyap siya sa akin pagkatapos ay tumanaw siya sa labas ng bintana. Malayo ang tingin ay nagsimula na siyang magpaliwanag sa akin.

"Si Benjie ang unang lalaki na minahal ko. Matagal na kaming magkasintahan at balak na sana niya akong pakasalan nang malaman kong ipinagbubuntis ni Ruth si Jordan. Inamin niya sa akin na si Benjie ang ama nito kaya nagsimulang masira ang relasyon namin."

"Noong una ay ipinaglaban namin ni Benjie ang pagmamahalan namin. Wala siyang balak na pakasalan si Ruth noon. Inamin sa akin ni Benjie na nabuo si Jordan nang minsan na malasing siya at inakit siya ni Ruth habang wala ako sa bahay."

"Nalaman ni Tatay ang nangyari at pinilit niya si Benjie na pakasalan si Ruth. Nagprotesta ako at nauwi sa pagtatalo namin na mag-ama. Hindi ko inasahan na dahil sa sobrang sama ng loob ay aatakihin siya sa puso dahilan upang maparalisado siya."

"Sa akin nabaling ang lahat ng sisi kaya sa bandang huli ay wala na rin akong nagawa kung hindi ang pakawalan si Benjie."

"Isinama niya si Ruth sa maynila upang doon ay bumuo na ng pamilya. Napakasakit para sa akin ng mga nangyari ngunit wala akong magawa. Lumipas ang mga taon hanggang sa mamatay si Tatay."

"Naiwan ako na nag-iisa hanggang sa isang araw ay lumapit sa akin si Ruth. Inuwi ni Benjie ang anim na taong gulang na si Kiel sa bahay ng mga Velasco."

"Anak si Kiel ng matalik na kaibigan at business partner ni Benjie. Namatay sa isang malagim na aksidente ang mag-asawa habang pauwi sila galing sa business trip. Milagro naman na tanging si Kiel lamang ang nabuhay mula sa pagkahulog ng kotse nila sa napakatarik na bangin."

Napahinga ng malalim si Mama pagkatapos ay sumulyap siya sa akin. Nakita ko ang pamumuo ng mga luha sa mga mata niya.

Ilang sandali pa ay muli siyang tumanaw sa bintana saka siya nagpatuloy sa pagkukwento.

"Dahil wala nang ibang kamag-anak pa ang mag-asawa ay kay Benjie iniwan ng abogado ang bata. Walang balak si Ruth na alagaan si Kiel kaya sa akin siya nakiusap na ipaalaga ang kawawang bata."

"Hindi sana ako papayag sa gusto niya. Sinabi ko na kumuha na lamang sila ng yaya na mag-aalaga kung hindi naman niya nais na alagaan ang bata."

"Hindi ako pumayag dahil ayoko na makasama pa sila ni Benjie sa iisang bubong. Napakasakit pa rin para sa akin ng lahat kahit na sampung taon na ang nakalipas."

"Ngunit naging mapilit si Benjie. Inalok niya ako ng napakalaking halaga para lamang pumayag ako. Hindi pa rin natinag ang paninindigan ko."

"Nagpasya ako na aalis kinabukasan ngunit nang gabing iyon ay naabutan ko si Kiel na nakatago sa isang sulok ng sala habang walang tigil sa pag-iyak. Nilapitan ko siya at pinatahan. Ako na rin ang bumuhat sa kanya patungo sa silid niya."

"Matagal bago ko siya napatahan. Natatakot daw siya sa mga monsters na nakikita niya sa silid niya. Nadurog ang puso ko sa nakita kong takot sa mga mata niya. Hanggang sa nakatulog siya na nakayakap sa akin."

"Kinabukasan ay nagpaalam na ako sa mga Velasco. Ngunit nang paalis na ako ay bigla akong hinabol ni Kiel. Umiiyak at nakikiusap na wag ko siyang iiwanan."

"Doon na nakialam ang ama ni Benjie. Si Don Renato. Siya na mismo ang nakiusap sa akin na wag ko raw iiwanan ang bata. Sa akin lang daw siya naging kumportable mula nang dalhin siya ni Benjie sa bahay na iyon."

"Sa huli ay wala na rin akong nagawa kundi ang pumayag sa pakiusap nila."

Huminto siya sandali ngunit hindi naman siya gumalaw sa kinatatayuan niya. Nakatitig lang siya sa kawalan na para bang inaalala ang lahat.

Hindi nagtagal ay napangiti siya ngunit hindi iyon umabot sa mga mata niya.

"Inalagaan ko si Kiel. Minahal ko siya na para bang tunay ko siyang anak. Hindi ko ginawa iyon dahil babayaran ako. Ginawa ko iyon dahil naawa ako sa bata at dahil gusto kong gawin iyon."

"Napakabait na bata ni Kiel. Hindi ko pinagsisihan ang naging desisyon ko na alagaan at mahalin siya. Siya ang naging dahilan kaya nagkaroon muli ako ng dahilan upang maging masaya."

"Lumipas ang mga araw at umabot ng mahigit isang taon. Tuluyan nang napamahal sa akin si Kiel. Ngunit kasabay ng pag-usbong ng pagmamahal ko sa batang iyon ay ang muling pagtibok ng puso ko para kay Benjie."

"Sinikap kong pigilan iyon ngunit hindi ko na napaglabanan ang tukso nang isang gabi na naiwan kami ni Benjie sa bahay. Tulog na si Kiel noon at kaarawan ko pa."

"Niyaya niya akong uminom ng wine para daw icelebrate namin ang birthday ko. Pumayag naman ako ngunit hindi ko namalayan na napaparami na pala ako ng inom."

"Hanggang sa tuluyan nang kumawala ang pinipigilan kong damdamin. Namalayan ko na lamang na naghahalikan na kami ni Benjie hanggang sa makarating kami sa kama."

"Doon kami naabutan ni Ruth na noon ay galing sa trabaho. Nakahubad na noon ang pang-itaas ni Benjie habang nakapatong siya sa akin. Galit na sumugod sa amin si Ruth at kinaladkad niya ako palabas ng silid nila."

"Nang sumunod na araw ay wala na akong nagawa nang palayasin na ako ni Don Renato sa bahay na iyon. Masakit para sa akin ang mawalay kay Kiel ngunit alam kong iyon ang nararapat kong gawin."

"Nagkamali ako kaya kailangan kong lumayo sa lugar na iyon. Bumalik ako dito sa lugar na ito at dito ko na rin nakilala ang ama mo. Nagpakasal kami at bumuo ng sarili naming pamilya pero hindi pa rin nawala sa puso ko si Benjie."

Tuluyan nang pumatak ang mga luha niya. Ngunit sa kabila ng nakikita kong anyo niya ay hindi ko maiwasan na manibugho sa kanya.

Ginamit lang ba niya si Papa para makalimutan si Tito Benjie? Bunga lang ba ako ng one sided love? Masakit para sa akin iyon lalo na at lumaki ako na close kay Papa.

Tumigas ang anyo ko saka ako malamig na nagsalita. "Minahal mo ba si Papa?" tanong ko.

Lumingon naman sa akin si Mama saka siya napangiti. "Minahal ko ang ama mo Renz. Alam niya ang damdamin ko para kay Benjie ngunit hindi siya nagkulang sa pagpaparamdam sa akin na tama ang naging desisyon ko na pakasalan siya."

"Tanggap niya na mas matimbang pa rin sa puso ko si Benjie ngunit naging masaya naman kami sa piling ng isa't isa. Napakabuting tao ng ama mo Renz at hindi siya mahirap mahalin."

"Alam kong nagkamali na naman ako kagabi dahil sa nangyari sa amin ni Benjie ngunit sana anak maintindihan mo na tao lang din ako. Natutukso. Nagkakamali." paliwanag niya.

Ilang sandali akong nanatili na tahimik at nakatulala lang sa bedsheet ng kama ko. Nang marealize ko na wala akong karapatan na husgahan si Mama dahil nung mga panahon na ako ang natukso at nagkamali ay hindi niya ako minsan man hinusgahan.

Kaya nawala ang lahat ng panibugho na naramdaman ko para sa kanya kanina.

Kungbkay Tito Benjie siya magiging masaya ay hindi ko sila hahadlangan. Sa katunayan ay hindi na rin naman nakatali kay Tita Ruth si Tito Benjie.

Kaya walang masama kung magkakamabutihan silang muli ni Mama. Pero kailangan muna niyang patunayan na sincere siya kay Mama bago ko siya tuluyang tatanggapin sa buhay namin.

"Hindi kita hahadlangan sa kaligayahan mo Ma. Kung saan ka magiging masaya ay susuportahan kita."

"Pero sana siguraduhin mo muna na sincere sayo si Tito Benjie. Ayoko nang makita ka pa ulit na nasasaktan. Dahil kapag sinaktan ka niya ay ako na mismo ang gagawa ng paraan upang mapaglayo ko kayong dalawa."

Lumapad naman ang ngiti sa mga labi ni Mama saka niya ako mahigpit na niyakap. "Salamat Renz! Maraming salamat!" naiiyak niyang sambit.

Yumakap na rin ako sa kanya saka ako napangiti.

Natapos na sa eksenang iyon ang pagbabalik tanaw ko. Napangiti ako bago ako nag-inat ng katawan.

Bumangon ako sa kama at naghanda para magpapawis sa labas. Nagjogging ako pagkatapos ay ako na rin ang dumaan sa palengke upang mamili ng mga iluluto ni Mama.

May pasok siya sa trabaho ngayon kaya kailangan ay makapamalengke na ako bago mag alas siyete ng umaga.

Mabilis naman akong natapos sa pamimili ko at pasakay na ako ng tricycle nang mahagip ng paningin ko ang isang pamilyar na anyo.

Napahinto ako sa paglalakad at napako ang tingin ko sa lalaking pasakay sa isang mamahaling sasakyan.

Nakasideview siya sa akin at nakasuot ng shades kaya hindi ko masyadong maaninag ang mukha niya.

Ngunit sa hubog ng katawan at nang tumalikod siya ay katindig na katindig talaga siya ni Kiel.

Nakasakay na siya nang tanungin ako ng tricycle driver kung sasakay ba ako o hindi. Napalingon ako sa kanya at sinabi ko na sasakay ako pagkatapos ay muli kong sinulyapan ang sasakyan na noon ay papalayo na sa lugar na iyon.

Napailing na lamang ako saka na ako tuluyang sumakay sa naghihintay na sasakyan.

Pagdating ko sa bahay ay tinulungan ko na sa pagluluto si Mama upang mabilis na siyang matapos.

Nang makapagluto na siya ay sabay na kaming kumain ng almusal. Nag-ayos siya ng babaunin niya saka niya nilagay sa tupperware ang pagkain ko para sa tanghalian.

Initin ko na lang daw para hindi na ako mapagod pang magluto. Tinanguan ko naman siya at nagtungo na siya sa banyo upang maligo.

Napapangiti na lamang ako nang maiwan ako sa kusina.

Mula nang payagan ko sila ni Tito Benjie sa muling pagliligawan nila ay madalas nang pumunta dito ang lalaking iyon.

Nakita ko naman sa anyo ni Mama na naging masaya siya sa lumipas na mga araw. Dahil doon ay nawala na rin ang lahat ng pagdududa ko at tinanggap ko na ang relasyon nila nang buong-buo.

Hindi ko naman pinagsisihan ang naging desisyon ko dahil nakikita ko rin naman kay Tito Benjie na sincere siya sa pakikipagmabutihan niya kay Mama.

Sa katunayan nga ay sinagot na kaagad siya ni Mama dalawang pa lang mula nang magsimula itong manligaw.

Hinayaan ko sila at nagfocus na lang ako sa sariling buhay ko. Hindi pa ako nag aapply ng trabaho dahil dinamdam ko nang husto ang paglayo sa akin ni Kiel.

Halos isang buwan matapos ang paghihiwalay namin ay nagagawa ko nang libangin ang sarili ko sa araw ngunit pagsapit ng gabi, kapag nakahiga na ako sa kama ko ay bumabalik ang lahat ng sakit.

Hindi ko maiwasan ang isipin siya at palagi na lamang ay nakakadama ako ng labis na panghihinayang sa mga nangyari.

Mahal ko si Kiel ngunit siguro ay kailangan ko na lamang talagang tanggapin ang katotohanan na hindi na kami magkakaroon pa ng pagkakataon na magkasamang muli.

Binigyan na ako ng second chance pero ano ang ginawa ko? Pinalampas ko na naman iyon. Tapos ngayon iiyak iyak ako?

Napailing na lamang ako saka ko na ipinagpatuloy ang pagkain ko.

Lumipas ang tatlong araw. Nagfocus na lamang ako sa paghahanap ng matinong online job dahil hindi ko pa rin feel na mag apply ng trabaho at lumayo kay Mama.

Nililibang ko rin ang sarili ko sa pagbabasa ng mga novel books ni Mama. Naaaliw naman ako sa pagbabasa ng mga iyon kaya lumilipas ang mga araw na hindi ako naiinip.

Hanggang sa isang araw ay nakatanggap ako ng message mula sa dati kong kaibigan at classmate noong highschool. Si Jacob.

Dahil matagal ko na rin naman siyang hindi nakikita at nakakasama ay kaagad akong pumayag sa offer niya na magkita kami sa isang bagong bukas na restaurant sa bayan.

Kabubukas pa lang daw nito last week at marami daw ang nagsasabi sa mga kakilala niya na masarap ang sineserve na pagkain doon.

Day off pala ni loko sa trabaho at nagkataon na nakita niya ang post ko sa facebook na nasa province ako kaya mabilis daw siyang nagmessage sa akin.

Busy na rin daw yung ibang mga classmates namin at ako lang daw ang nagreply sa kanya.

Mabilis naman akong naligo at nagbihis upang makaabot sa sinabi niyang oras na magkikita kami.

Hapon na iyon at dinner ang usapan namin. Papalubog na ang araw nang magpasya ako na umalis ng bahay. Nagtext na lamang ako kay Mama upang hindi na siya mag-alala.

Nasa loob na siya ng restaurant nang makarating ako doon. Kumaway pa siya sa akin saka ngumiti nang matanaw niya ako na papasok sa shop.

Gumanti naman ako ng ngiti saka ako mabilis na lumapit sa table niya. Nagkumustahan kami saka na niya tinanong kung ano ang gusto kong kainin.

"Kanina ka pa ba naghihintay dito?" tanong ko nang makaorder na siya at naiserve na sa amin ang pagkain namin.

Ngumiti naman si Jacob habang nakatingin sa akin. Gwapo naman si Jacob at hindi lingid sa kaalaman ko na maraming nagkakacrush sa kanya noon sa campus at isa na ako sa mga iyon pero syempre secret ko lanh iyon.

Ngayon ay mas lalong lumitaw ang gandang lalaki niya at nasisiguro ko na maraming babae at binabae ang nagkakagusto sa kanya.

Well, hindi ko naman sila masisisi. Sa itsura at tindig pa lang ng lalaking ito ay pagnanasahan na siya ng sino mang babae at may pusong babae na makakakita sa kanya.

Pero hindi ko alam kung bakit sa pagkakataong ito ay wala akong interes sa kanya. Siguro ay dahil okupado pa rin ng iisang tao lang ang puso at isipan ko kaya wala akong maramdaman na kakaiba sa kahit na sinong lalaki na nakakasalamuha ko sa araw-araw.

"Sa totoo lang dahil first date natin ito ay sinadya ko talaga na maagang magtungo sa meeting place natin. Ayoko naman mapahiya sayo." sabi niya.

Napanganga naman ako dahil sa narinig ko. First date? "D-date?" bigkas ko pa na para akong out of this world dahil sa narinig ko.

Nawala naman ang ngiti sa mga labi niya at tumitig siya sa mga mata ko na para bang may nais siyang sabihin.

Nailang naman ako dahil sa paraan ng pagtitig niya kaya kunwari ay natawa na lang ako saka ako nagsalita ng kung ano mang unang pumasok sa isip ko.

"Ahh date?" sabi ko na nakangiti saka pa ako tumango-tango. "Oo nga first friendly date pala natin ito mula nung nakagraduate tayo sa highschool."

Napangiti na ulit si Jacob saka siya napatangu-tango. "Oo naging busy ka na kasi nung college kaya hindi na kita nakakasama. Bakit ba kasi sa maynila mo pa pinili na mag-aral. Sana dito ka na lang nag-enroll noon para nakakasama pa rin kita."

"Hayaan mo na nakagraduate na nga tayo pareho diba? May trabaho ka na nga. Hayaan mo magtatagal naman ako dito kaya mas madalas na tayong makakalabas kapag gusto mo." sagot ko naman.

"Ilang buwan lang akong nawala nakahanap ka na kaagad ng ibang lalaki Renz?" galit na sabi ng lalaki na bigla na lamang sumulpit mula sa likuran ko na mabilis na nagpabaling sa akin paharap sa kanya.

Nanlaki pa ang mga mata ko nang makilala ko kung sino ang lalaking iyon. Napatayo ako saka ako natitigilan na tumingin sa kanya.

"K-kiel?" gulat kong sambit sa pangalan niya.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This