Pages

Friday, November 18, 2016

Fortress (Part 3)

By: James Silver

Nang sa tingin ko ay handa nya nang sabihin saken ang lahat ay tumayo kami at pinulot ang mga baril at patalim na hanggang ngayon ay nasa sahig pa rin. Inakay ko sya papasok sa kwarto nya at sabay kaming naupo sa kama. Hinawakan ko ng mahigpit ang kamay nya.

“Nagtatrabaho para sa mga politiko ang mga magulang ko. Pitong taong gulang ako noon at naaalala ko pa lahat ng nangyari. Eleksyon noon, talamak ang bilihan ng boto kahit saang partido. Natural sa mga taong mahihirap ay yun na lang ang nakikita nilang pag-asa. Ibebenta nila ang mga boto nila dahil kailangan nila ng pera. Hindi ko pa naiintindihan nun kung bakit kailangang gawin yon. Ang alam ko lang ay yon ang trabaho ng mga magulang ko. Ang magbigay ng sampol ballot na may nakaipit na pera. Siguro natunugan ng mga kalabang partido na mas malaki ang ibinibigay ng partidong pinaglilingkuran ng mga magulang ko. At nalalamangan na sila. Nilusob kami ng mga armadong kalalakihan sa bahay. Bago sila makapasok sa loob ay pinagtago ako ng ama ko sa silong ng bahay namin. Yung mga panganay ko namang mga kapatid ay nasa labas noon at papauwi pa lang ng bahay. Hindi na sila nakapasok sa loob ng bahay dahil sa labas pa lang ay pinaputukan na sila ng baril. Mga wala silang awa. Pinasok nila ang bahay namin. Pinatay agad nila ang mga magulang ko. Rinig na rinig ko ang sigaw nila. At kitang kita ko pa na sinilip ako ng ama ko sa silong. Masakit, sobrang sakit nung makita kong ngumiti pa sya nang malaman nyang ligtas ako bago sya malagutan ng hininga. Mula noon ipinangako ko na sa sarili kong babalikan ko silang lahat. Papatayin ko rin silang lahat. Lahat silang may hawak ng kapangyarihan na naging ugat ng kaguluhan sa Mindanao. Papatayin ko silang lahat. Lahat ng pumatay sa buong pamilya ko.

Kinuha ako ng kapatid ng tatay ko. Kahit papaano ay masaya akong malaman na meron akong kamag-anak na handang mag-aruga saken. Pero nagkamali ako Janssen. Inalipin nila ako. Hindi ko alam nun kung bakit kailangang mangyari saken yun. Muslim rin naman ako pero bakit nila ginawa yun saken. Ang turo saken ng ama ko ay parurusahan ni Allah ang sinumang magtataksil sa lahing sinasaklawan ng relihiyong Islam. Hindi ba pagtataksil ang ginawa nila? Mahal ko ang pagiging muslim ko kaya hindi ako nagtanim ng galit sa kanila.
Humiling na lang ako kay Allah na sana isang araw kahit sandali lang. Nakiusap ako sa kanya na kahit saglit, kung maaari na makapagpahinga ako kahit konte lang kasi napapagod  ako. Doon lalong tumibay ang paniniwala ko kay Allah. Kasi ibinigay nya yung kahilingan ko.

Nung lumalaki na ako ay nag-aral akong humawak ng baril. Hindi naalis sa isip ko na igaganti ko ang mga magulang ko mula sa mga kristyanong yon. At nang matuto na ako ay nagpaalam na ako sa tiyuhin kong lumuwas ng Maynila. Hindi nila ipinagkait saken ang lahat ng bagay na dapat ay saken. Islam sila kaya alam nila kung anong kaparusahan ang naghihintay sa kanila sa pang-aangkin ng hindi kanila. Ibinenta ko ang lupa at bahay namin doon. Kasama na rin ang ilang kabayo at kalabaw. Yon ang ginagamit ko ngayon araw araw. Dahil wala akong trabaho. Janssen, ako. Ako yung pumapatay ng mga politikong nababalitaan mo.” kwento ni Sadjid saken.

Hindi na ako nagulat nang sabihin nya saking, sya ang pumatay sa mga politikong nabalitaan ko sa t.v. Base kasi sa kwento nya ay iyon na rin ang tinutumbok nya. Ang hangarin nyang maipaghiganti ang pamilya nya ang nagtulak sa kanyang gawin ang mga bagay na iyon. Sa sarili kong pananaw ay mali talagang ilagay ang batas sa sarili nyang mga kamay. Pero hindi ko naman alam ang pakiramdam ng taong nagkimkim ng matinding hinagpis simula pa nang kabataan nya. Ngayon ko naisip na hindi lang sya ang batang nawalan ng magulang dahil sa napakagulong politika. Hindi lang rin sya ang lumaking may pinaghahandaang paghihiganti. Walang may kasalanan sa kanila. Nilamon na lang sila ng sistema. Lahat sila ay biktima. Biktima ang mga napatay. Biktima rin silang mga pumatay. Magulo, paikot ikot. Walang katapusang pag-danak ng dugo nang dahil lang sa pag-aagawan ng kapangyarihan. Ako man ay nahihirapan na ring isipin kung alin ang tama at alin ang mali.

Silang mga nakaluklok na umaabuso sa kapangyarihang mismong taong bayan ang nagbigay. Silang maliliit na umaasa sa magagawa ng tinatawag nating gobyerno. Silang mga walang pakialam. Silang mga pakialamero. Silang malalakas. Silang mahihina. Silang mga nakakaalam at kaming mga naguguluhan. Tayong lahat ang sumasandig sa bansang nawawalan na ng kinabukasan ng dahil rin mismo sa atin.

Hindi muslim at hindi rin kristyano ang may kasalanan o ang masama. Kundi ang sistemang pinatatakbo ng iilang makasarili sa bansang ito at kahit saan pang panig ng mundo. Wala nang nalalabing katahimikan. Mauuwi lang sa wala ang mga pinaghirapan ng mga taong nagbuwis ng buhay para maitatag ang kasarinlan ng bansang ito. Pilipinas ang tawag natin sa bansa kung saan nangangalong ang mga pagkatao natin. Ito rin mismo ang pagkakakilanlan natin. Nakakahiya nang humarap sa ibang lahi dahil sa kaguluhang nagaganap dito. Pero hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa. Alam ko isang araw magiging maayos rin ang lahat. Matatalino ang lahing kinabibilangan natin. Hinding hindi natin papayagan na masira ang lahat. Nagawa na natin noon at magagawa pa nating muli. Buong mundo ang magiging saksi. Sa muling pag-unlad ng Pilipinas, kung saan nanangan ang lipi ng mga magigiting na bayani.

Wala akong nasabi sa mga ikinwento ni Sadjid saken. Hanggang ngayon kasi ay ipinoproseso pa ng utak ko ang mga nalaman ko sa kanya ngayon. Ang kaninang nakahawak kong kamay sa kanya ay binitiw ko na, at niyakap ko sya. Alam kong sa pagbalik ng malagim nyang alala, kasabay nun ang pagbalik ng matinding sakit na naramdaman nya. Kaya niyakap ko sya ng mahigpit para pagaanin ang loob nya. Ito pa lang muna ang magagawa ko sa ngayon.
----------
“Ahy grabe, anghirap naman hanapin nung criminal na yun. Isang tao lang daw ang gumagawa ng krimen eh. Matinik mukhang bihasa sa ganung klase ng trabaho. Napuyat tuloy ako. Ansakit ng ulo ko. Massage mo naman please mahal kong Janssen.” Sabe ni Paul.

“Malamang eh, bata pa yun nag-aaral ng ganun eh.” Sabi ko sa isip ko.

“Tsk! Bakit hindi ka pumunta sa massage parlor, ako pa yung iniistorbo mo dito. Pumunta ka lang yata dito para pahirapan ako eh.”maktol ko.

“Wala man lang kalambing lambing. Wag na nga lang, papamasahe na nga lang ako dun sa spa. Tsk!” pagtatampo nya.

“Tampo tampo ka pa dyan eh ginagawa ko na.” sabay diin ko ng husto sa ulo nya. Na sya namang ikinaaray nya. Maya maya pa ay may kumatok sa pinto. Nang buksan ko ay si Sadjid pala.

“Oh! Bakit?” tanong ko.

“Pahiram nga ulit ako nung plies, nakalimutan mo kasing buksan yung kontador.” Sabi nya.

“Ahy! Oo nga, sorry may dumating kasing asungot dito eh.” Sabe ko. Sabay tingin nya sa loob at dahil magkakilala naman na sila ay nagngitian at nagtanguhan sila bilang pagbati sa isa’t isa. Nang maibigay ko na ang plies kay Sadjid ay agad itong umalis. Hindi nagtagal ay ibinalik nya rin agad. At bumalik na ako sa dati kong pwesto.

“Gwapo yun eh noh?!” sabi ni Paul. “Crush ko yun.”

“Hahaha! Goodluck kung patulan ka nun.” Sagot ko.

“Woooh! Selos ka lang eh. Sagutin mo na kasi ako para hindi na ako maghanap ng iba.”sabe nya na may mayabang na boses.

“Utot mo blue! Tabi nga dyan magsasaing na ako.” Sabe ko sabay lapag ng ulo nya sa sofa.

Matapos akong magluto ay inaya ko na agad si Paul na kumain. Pang gabi ang duty nya kaya naman sisiguruhin kong makakakain sya ng tama. Asawa lang ang peg. Mahal ko naman si Paul, pero malinaw na sa isip ko kung anong  klaseng pagmamahal ang nararamdaman ko para sa kanya. Oo higit pa sa kaibigan pero hindi sapat para sa isang kasintahan. Sya yung tipo ng tao na gugustuhin mong maging kaibigan hanggang sa pareho na kayong mag-ulyanin. Gwapo rin si Paul ah! Matangos ang ilong, maganda ang mata, maputi, maganda rin ang height medyo chubby nga lang. Kaya naman hindi ako nag-aalala na baka walang magkagusto sa kanya. Alam ko na marami pang tatanggap ng pagmamahal nya. Pero alam kong hindi ako ang isa dun. Ayaw ko syang paasahin sa wala kaya nagpapahaging na ako sa kanya. Gusto ko iyong ipaalam sa paraang hindi sya masasaktan. Hirap kaya! Mahirap dahil ayaw kong magkamali. Hindi ko rin kasi kakayanin pag nawala sya sa tabi ko. Bestfriend ko sya eh. 

Kinagabihan. Nang makaalis na si Paul sa bahay ay agad kong pinuntahan si Sadjid. Dahil sa nagmamadali ako ay kumatok lamang ako ng dalawang beses at binuksan ko na agad ang pinto. Hindi naman ito naka-lock kaya nakapasok ako.

“Sadjid! Sadjid!” pagatawag ko sa kanya.

“Nandito ako!” balik na sigaw nya saken.

Sa kwarto ko naririnig ang sigaw nya kaya mabilis akong pumunta doon. May kung ano syang ginagawa sa mga baril nya.

“Anong ginagawa mo?” Tanong ko.

“Nililinis ko lang yung mga baril ko. Mahirap na baka pumalya.” Sabe nya.

“Teka may plano ka na naman ba? Sadjid, tama na yan, itigil mo na ang paghihiganti. Alam mo bang una ka sa listahan ng mga pulis? Pinaghahanap ka na nila. Please ayaw kong mapahamak ka. Nakaganti ka naman na diba? Tama na wag mo na dagdagan pa ang mga krimeng nagawa mo.” Paga-alala ko.

“Tama na?! Yan din ang gusto kong isigaw dati, nung makita kong walang awang pinapatay ng mga tauhan nila ang pamilya ko. Kung ang iniisip mo ay baka mahuli nila ako, wag kang mag-alala hindi mangyayari yun hanggat di ko nauubos ang mga taong yon. Ako ang pinakamagaling na berdugo sa pangkat namin. Hindi ko ba nasabi sayo na, hindi lang ako basta utusan ng tiyuhin ko? Ako rin ang tagapaslang nya. Labin dalawang taong gulang pa lang ako, baril at patalim na ang hawak ko. Tinuruan ako kung papano pumatay. Tinuruan ako kung papano makipaglaban. Tinuruan nila ako kung papaano ako magtatago sa mga kaaway. At natutunan ko rin kung papaano itatago ang puso ko.” Sabe nya.

“Sadjid, hindi ko alam ang gagawin ko kapag napahamak ka. Kung alam mo lang kung gaano ako nag-aalala sa tuwing hindi kita nakikita. Nakikiusap ako sayo itigil mo na ‘to. Sasamahan kita, tutulungan kitang magbagong buhay. Hindi mo ba naisip na may pamilya din ang mga pinapatay mo? Pinangarap mo rin naman ang tahimik na buhay diba, eto na yung pagkakataon mo.” Sabe ko sa kanya.

Napahinto sya sa ginagawa nya. Tinignan nyang mabuti ang mga mata ko. Parang may nais syang sabihin pero hindi ko iyon mahulaan. Inilapag nya ang baril na hawak nya at hinawakan ng kaliwa nyang kamay ang pisngi ko. Hinaplos nya ito ng marahan. Tsaka sya ngumiti.

“Papano mo nagagawa yun?” Tanong nya saken.

“Huh!? Ang alin?” balik tanong ko.

“Ang pahintuin ang mundo ko.” sabe nya.  “Engkanto ka ba?”

“Tsk! Nakukuha mo pa magbiro, sinabing delikado yang gagawin mo eh.” Sabe ko sa kanya na medyo nakasimangot na. Pero ang totoo kinilig ako sa sinabi nya. Simple pero lakas tama. Bumalik na sya sa ginagawa nya.

“Ito lang ang tanging bagay na makakapagpatahimik saken. Wag ka mag-alala palagi akong mag-iingat, para sayo hindi ako mapapahamak.” Seryoso nyang banggit saken.

Napatingin muli sya saken at ngumiti. Ikinabit nya na muli ang mga parte ng baril na nililinis nya. Sabay ikinasa nya ito at itinutok sa pader. Sinisipat sipat nya at “pwede na!” Sabi nya. “Gabi na, dito ka na lang matulog.”

“Huh?! Ah, bakit naman?” Biglang may kung ano kasing pumasok sa isip ko.

“Wala lang kung gusto mo lang. Kung ayaw mo naman ayos lang rin. Inaantok na ako eh.” Sabe nya.

“Ah, ayos lang, sige ba” Hmp! Akala ko pa naman kung ano na.

Bago kami matulog ay nagkwentuhan muna kami. Marami syang tanong tungkol sa mga Kristyano. Kahit minsan daw kasi ay hindi sya nagkaroon ng pagkakataong makipagkaibigan sa mga kristyano. Kwinentuhan ko naman sya at sa tingin ko naman ay masaya nyang tinatanggap ang kaibahan ng aming kultura.

Maaga akong nagising. At pagbangon ko ay wala na si Sadjid sa tabi ko. Kinabahan ako dahil baka pumunta na sya doon sa susunod nyang paghihigantihan. Agad akong lumabas ng kwarto at paglabas ko ay bumungad saken ang napakaganda nyang nigiti. Ang sarap gumising lalo na kung sya ang makikita ko sa tuwing umaga.

“Salamalaykum!” sabe ko sa kanya.

“Hahahaha! Mali ka naman eh. Dapat ‘Assalamu alaikum’ hehehe.” Pagtatama nya saken.

“Assalamu alaikum.” Sabe ko sabay ngiti.

“Pero, hindi ganyan ang pagbati samen. Sa Maguindanaon at Tausug yan eh. Samen kasi ‘mapiya kapipita’ ganun.” Turo nya.

“Ganun? Ilang pangkat ba meron sa Mindanao? Ituro mo nga saken lahat ng pagbati doon sa Mindanao.” Sabe ko sa kanya.

“Marami kami eh.  Sige tuturuan kita habang kumakain tayo ng alamusal. Alam ko lahat ng pagbati doon kasi maraming pumupunta sa bahay ng tiyo ko na galing kung saan saan sa Mindanao eh.” At inihanda nya na ang pagkain namin. Ako naman ay parang naexcite sa ituturo nya.

“Umpisahan natin sa mga Dabawenio, ‘Madayaw nga alaw!’ sa kanila. Sa mga Zamboangenio naman ‘Quetal man tu!’. ‘Assalamu alaikum’ naman sa mga Tausug at Maguindanaon. ‘Hyu hlafus’ sa mga T’boli. At ‘Magey-magey na kow’ sa mga Badjao. Kuha mo? Sameng mga Maranao naman ‘Mapiya kapipita.” sabe nya. Ako naman ay napanganga dahil parang kailangan ko munang isulat para matandaan ko. Sa pagkakasabi nya kasi parang ang hirap espelingin eh.

“Ah meron din kami nyan. ‘Masantos ya agew’ saming mga Panggasinense. Tsaka ‘Kapian kamu pa nu Dios’ sa mga Ivatan, taga Batanes kasi ang tatay ko. ” Sabe ko sabay napangiti sya.

“Masaya ako, kasi kahit napakalayo ng mga lugar na pinag-usbungan natin nagkakilala pa rin tayo.” Sabay higop nya ng kape.

Napangiti na lang ako sa mga sinabi nya. Nagpatuloy kami ng pagkain at maya maya pa ay umuwi na ako para makapaghanda sa pagpasok ko. Bago ako umalis ay ipinaalala ko pa sa kanya na itigil nya na ang mga plano nya dahil tutulungan ko syang magbagong buhay. Napangiti lamang sya saken at lumabas na ako. Masaya akong makita ang mga magagandang pagbabago nya. Dati rati ay palagi syang seryoso pero ngayon ay ngumingiti na sya at tumatawa. Parang bonus na lang saken yung pagiging malapit namin sa isat isa. Masaya ako dahil may nagagawa ako para sa kanya. Alam kong natatakot sya noon sa madilim na landas na tinatahak nya. Ngayon ay hindi nya na kailangang matakot dahil makakasama nya na ako.

Hapon na naman at uwian na. Hindi naman ako masyadong naboring sa trabaho dahil maraming naikwento si Anabelle saken tungkol dun sa kapitbahay nilang madalas naming pagchismisan. Excited ako umuwi dahil gusto ko na makita si Sadjid. Pag-uwi ko ng bahay ay agad kong sinilip ang bahay ni Sadjid. Nakaramdam ako ng lungkot dahil wala sya. Mukhang sa kabila ng mga sinabi ko ay itinuloy nya pa rin ang plano nya. Hindi ko alam kung papano ko aalisin ang galit sa puso nya. Napabuntong hininga na lang ako. Pero hindi ako nawawalan ng pag-asa sa kanya. Pagdating ng araw ay makakalimutan nya rin ang lahat ng masasamang alaala na dulot ng maruming kalakaran sa bansang ito. Politika ang dahilan, sana isang araw ay magkaroon ng malaking pagbabago.

Pagkatapos kong kumain ng hapunan ay tumambay muna ako sa labas. Hindi naman ako nagtagal at pumasok rin ako kaagad. Nakadungaw ako sa bintana at hinihintay kong dumating si Sadjid. Pero lumalim na ng husto ang gabi at wala pa rin sya. Itinext ko sya pero wala syang reply. Nag-aalala man ako ay wala naman akong magawa. Nakadungaw pa rin ako sa nakabukas kong bintana at hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako. Nanaginip ako na hinihimas ni Sadjid ang pisngi ko, napangiti ako sa panaginip ko. Pagkagising ko ay umaga na pala. Tumayo ako agad at sinilip ang bahay ni Sadjid. Nakalock pa rin ang pinto nya nung subukan ko itong buksan. At wala man lang kahit anong bakas na dumating sya kagabi. Kalungkutan na naman ang pumailanlang sa akin. Itinext ko sya ulet pero wala pa rin syang reply. Naghahalo halo na ang nararamdaman ko. Lungkot, pag-aalala at pagkasabik na may halong pagkainis. Para akong naiinip sa paghihintay ng wala. Hindi nya naman sinabing hintayin ko sya. Basta naghintay na lang ako. Parang naging bahagi na sya ng pang-araw araw kong pamumuhay. Nasanay na akong nandyan lang sya, mag-usap man kami o hindi, basta nandyan lang sya ay ayos na saken. Naghanda na lamang ako sa muli kong pagpasok sa trabaho. Matamlay, walang kagana gana.

Ganon pa rin ang nangyari nung mga sumunod na araw. Wala pa ring Sadjid na dumating. Halos nakaugalian ko na ngang matulog habang nakadungaw sa bintana eh. Habang tumatagal na hindi ko sya nakikita ay lalo lang tumitindi ang nararamdaman ko para sa kanya. Ganito siguro talaga pag naghihintay. Parang may naiiwang espasyo sa loob ko at umaasa ako na mapupunan nya ito pag balik nya. Hindi na ako mapakali sa kakaisip sa kanya. Pati sa pagkain ay nawawalan na ako ng gana. Alam ko sa sarili kong mahal ko na sya kaya ako nagkakaganito. Ke mahal man nya ako o hindi ay wala na rin akong pakialam. Basta nandyan lang sya! Basta nandyan lang sya! BASTA NANDYAN LANG SYA! Ayos na ako. Tatanggapin ko lahat basta alam kong nandyan lang sya sa paligid. Gusto ko sya makita. Yung mga mata nya. Yung mga labi nya. Yung ngiti, yung simangot, yung galit lahat yun gusto ko makita. Nakakasira pala ng ulo yung ganito. Shet! Bwiset! Parang gusto ko magbasag ng plato. Tsk! Kaso naisip ko wala akong budget para bumili ng bago.

DALAWANG BUWAN! … … PUTA! … … DALAWANG BUWAN na hindi nagpakita si Sadjid. Alam naman nya ang number ko at araw araw ko naman sya itinitext pero hindi man lang nya naisipang magreply. Sa tagal nun, pareho pa rin ang lungkot na nararamdaman ko. Hindi man lang nabawasan kahit konte. Parang mas lalo ngang lumala eh. Dahil naiimagine ko na yung mukha nya sa pader. Sa mukha ng ibang taong nakakasalubong ko. Andami kong pinanghihinayangan sa tuwing maiisip ko sya. Sana nung huli naming pag-uusap, sana nagtanong na ako sa kanya kung ano bang nararamdaman nya para saken. Ngayong wala sya, kanino ko hahanapin ang sagot? Puta, may kasama kaya syang iba? Baka may nakita na sya na mas higit pa saken. Kung may nakita na syang iba na makakapagpabago ng buhay nya ay. .. . .. hindi ko alam. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Gusto ko nga syang magbagong buhay dahil yun naman talaga ang tama. Pero sa likod ng isip ko ay gusto kong ako ang makapagpabago sa kanya. Naiisip ko pa lang na may ibang gumagawa nun ay parang nasasaktan na ako. Sana ako lang ang makagawa nun sa kanya. Oo na makasariling hangarin na ang iniisip ko. Pero yun talaga kasi ang gusto ko. Ayokong plastikin ang sarili ko.

Dumating si Paul isang araw. Natural wala syang gagawin kundi ang kulitin ako. Sakto naman ang dating nya dahil kailangan ko talaga ang pangungulit nya ngayon. Dahil kung wala pa akong makakausap ay siguradong mababaliw na talaga ako. Umalis si Sadjid ng wala man lang pasabe. Hindi kaya nahuli na sya ng mga pulis? Parang masisiraan na yata ako sa kakaisip.

“Mamasyal naman tayo JL, hindi na tayo nakakapamasyal eh. “sabi ni Paul.

“Paul, kumusta nga pala yung progress nung iniimbestigahan nyong kaso? Yung tungkol dun sa mga pinatay na mga politiko? May nahuli na ba kayo?” tanong ko na may halong kaba sa isasagot nya.

“Ah yun ba? Wala pa nga eh. Mahirap naman talaga hulihin ang mga assassin eh. Malinis sila magtrabaho kaya nahihirapan kami. Nagpakalat na nga ng mga pulis para rumonda malapit sa mga bahay ng mga politiko eh. Nagbabakasakali lang. Pero alam na namin kung sino sino ang mga pinapatay nya. Mga dating nagsama sama sa iisang partido yung mga yon. Kaya mas lalong hinigpitan ang pagbabantay dahil halos napatay nya na lahat at dalawa na lang ang natitira. Teka bakit mo naman naitanong?” sabi ni Paul. Kahit papaano ay nakahinga ako ng maluwag sa sinabi nya. Magaling pala talaga si Sadjid, kung nasan man sya ngayon sana ay maayos ang kalagayan nya. Naaawa man ako sa mga namatayan ay mas lamang pa rin saken ang kaligtasan ni Sadjid.

“Ah wala lang nakikiusisa lang. Teka san mo gustong mamasyal?” Tanong ko.

“Kahit saan. Nood tayo ng sine gusto mo?”

Hindi na ako tumanggi para naman mapagbigyan ko si Paul. Isa pa kailangan ko ring maglibang para maialis ko muna sa isipan ko si Sadjid kahit ngayon lang. Wala naman kasing nakakaalam ng hirap na pinagdadaanan ko ngayon eh. Kaya sarili ko lang ang makakatulong saken.

Halos buong maghapon kaming namasyal ni Paul. Ayos rin talaga si Paul eh. Malakas din talaga ang hatak nya saken dahil kaya nyang burahin si Sadjid sa isip ko. Nag-ikot ikot kami kung saan saan. Nandyan yung aakbayan nya ako at nanakawan ng halik. Wala syang pakialam sa mga nakakakita samen. Nandyan din yung mag-aasal bata sya na parang magpapababy saken. Hahawakan ang kamay ko habang naglalakad. Ako naman ay parang kinikilig na ewan. Hindi ko sya pinipigilan sa anumang gusto nyang gawin. Nakaupo lang kami sa isang bench sa baywalk. Maya maya pa ay pinaurong nya ako at humiga sya sa lap ko. May nakita kaming isang pamilya na panay ang tawanan at kulitan kasama yung mga bata.

“JL, sagutin mo na ako. Antagal ko na nanliligaw sayo eh.” Sabi nya. Pero ewan, walang lumabas sa bibig ko. Hindi ko sya masagot ng oo o hindi dahil ayaw kong makaramdam sya ng kahit ano. Ayaw kong iparamdam sa kanya na mahal ko na sya dahil baka umasa lang sya saken. Ayoko rin syang tanggihan dahil ayoko rin syang masaktan. Alam ko kasi sa sarili ko na pag nasaktan ko si Paul ay babalik saken yun ng triple. Masasaktan din ako kaya ayaw kong gumawa at magdesisyon ng kahit ano para samen. Ganito lang muna kami habang nag-iisip pa ako.

“Pangarap kong magkaroon tayo ng anak kagaya nila oh. Ikaw lang ang pinangarap kong makasama sa habang buhay Janssen.” Sabi nya.

“Hindi naman ako babae ah, papano tayo magkaka-anak?” sagot ko.

“Ampon o di kaya surrogate basta gusto ko meron tayong anak na palalakihin.”

“Kalokohan mo talaga umiral na naman. Maga-gabi na Paul wala ka pa bang balak umuwe?” tanong ko.

“Oo nga noh! Hindi ko kasi napapansin yung oras pag ikaw ang kasama ko eh.” Sabi nya,

“Bumanat ka na naman! Tara na nga uwi na tayo.” Sabi ko sabay pisil ko ng ilong nya. Pagtayo nya ay tumalikod sya saken at bigla na lang syang umutot. “Ambaho! Makapigil hininga ang puta!” sabay tumayo rin ako para batukan sya. Tumakbo sya ng mabilis at hinabol ko naman sya. At nang mahuli ko sya ay hineadlock ko sya at pinagsusuntok ng mahina sa ulo.

Inihatid nya lang ako sa bahay at maya maya pa ay umuwi na sya. Kahit papaano ay nawala rin ang pangungulila ko kay Sadjid. Pero nung matutulog na ako ay bigla na naman syang pumasok sa isip ko kaya nagtungo na naman ako ng bintana at muling naghintay. Tanga ba?! Oo tanga na kung tanga, wala nang pakelamanan. Bumibigat na ang mata ko at hindi ko na talaga mapigilang pumikit. Kaya naman pinagbigyan ko na ang sarili ko at natulog na. Kagaya ng dati ay hindi na ako lumipat pa ng pwesto. Nakaramdam ako ng matinding lamig kaya naalimpungatan ako. Pagmulat ko ay bigla na lamang bumilis ang tibok ng puso ko. Para akong pansumandaling nalagutan ng hininga at kasunod noon ang sunod sunod kong paghugot ng malalalim na buntong hininga. At ramdam ko na papatak ang luha ko anumang sandali. Si Sadjid nakangiti habang nakalapat ang kamay nya sa pisngi ko. Hinawakan kong mahigpit ang kamay nya at napapikit ako para damhin yon. Napakainit. Napakasarap sa pakiramdam. Ayaw kong bitiwan ang kamay nya dahil baka mawala na naman sya saken. Kung panaginip man ito, sana.. sana hindi na ako magising. Ang nangungusap nyang mga mata. Ang korte ng ngiti nya. Ang matangos nyang ilong. Ang buong mukha nya. Ang Sadjid na hinihintay ko ay nasa harap ko na ngayon. Walang lumabas sa mga bibig namin, ang gusto ko lang ay maramdaman sya. Lahat ng alalahanin ko ay bigla na lamang naglaho nang makita ko sya. Napanatag na ang loob ko. Natapos din sa wakas ang paghihintay ko.

“Hinintay mo ba ako?” Sabi nya. Napatango na lamang ako sa kanya habang tuloy tuloy na dumadaloy ang luha sa pisngi ko. Iniunat nya pa ang isa nya pang kamay para pahirin ang luha ko. “Wag ka nang umiyak, nandito na ako. Hindi na ako aalis, hindi na kita iiwan.”

Kumalas ako ng pagkakahawak sa mga kamay nya. At agad akong tumakbo sa pinto para pagbuksan sya. Pinapasok ko sya kaagad. At pagkapasok nya ay niyakap ko sya ng napakahigpit. At ganun din ang ginawa nya saken. Wala na akong pakialam kahit madurog ang mga buto ko sa higpit ng pagkakayakap nya. Sobrang sarap sa pakiramdam. Ramdam ko rin na nangulila din sya saken. Salamat at nandito na sya.

“Saan ka ba nanggaling?” tanong ko.

“Dyan lang, nag-isip isip. Gusto mo bang sumama saken kung saan ako nanggaling? Tanong nya.

“Sige, sasama ako sayo. Baka hindi ka na naman bumalik eh. Sasama ako sayo kahit saan.” Sagot ko sa kanya. “Teka kumain ka na ba?”

“Hindi pa nga eh” sagot nya. Kumalas ako sa pagkakayakap ko sa kanya para ipaghanda sya ng makakain. Pero bigla na lamang nya akong hinatak ulit. “Wag, mamaya na. Dito ka muna, hindi pa naman ako nagugutom eh. Yakapin ka ng matagal, yun lang ang gusto kong gawin ngayon.” Hindi na ako tumutol sa sinabi nyang iyon. Dahil yun lang din ang gusto kong gawin ngayon, ang yakapin sya.

Matagal kaming nagyakap ni Sadjid. Ganun lang hindi kami nagkumustahan o nagkwentuhan ng kahit ano. May ibang oras pa naman kami para dun eh. Nagyakap lang kami. Tahimik lang at pinakikiramdaman ang isat isa. Nilalanghap ko ang amoy ng katawan nya na kahit walang pabango ay gustong gusto ko ang amoy. Nakapikit lang ako at para bang gusto ko na matulog ng ganun. Walang sinuman ang may gustong bumitiw samen. Maya maya pa ay umupo na kami sa sofa. Ipinatong ko ang ulo ko sa balikat nya habang nakayakap pa rin sa kanya. Sya naman ay hinaplos ang ulo ko na para bang hinihele ako. Narinig ko ang kalam ng sikmura nya kaya naman tumayo na ako para maipaghanda sya ng pagkain.

Hindi ganung karami ang nakain ni Sadjid dahil hindi naman talaga sya malakas kumain. Sabi nya kasi saken dati na hindi raw pupwedeng bumigat ng husto ang katawan nya. Kaya nga halos wala kang makitang taba sa katawan nya eh, purong laman lang. Pagkatapos nya kumain ay naupong muli kami sa sofa. Alam ko naman ang ugali nya pagkatapos kumain eh. Naghahanap sya ng sigarilyo. Ganun lang sya, hindi sya katulad ng iba na adik sa sigarilyo. Sya kasi nagyoyosi lang pagka-katapos kumain. Kahit na ayaw ko sa sigarilyo ay hinayaan ko na syang magsindi sa loob. Mas ok na yun kesa naman malayo sya saken kahit saglit. Pagkatapos nun ay pumasok na kami sa loob ng kwarto para matulog.

Maaga akong nagising kagaya ng nakaugalian ko. Alam kong ganun din si Sadjid pero ngayon mukhang tatanghaliin syang gumising. Naghihilik pa rin kasi sya hanggang ngayon eh. Napangiti na lang ako nung makita ko syang nagkamot ng tiyan. Mabalbon si Sadjid, mula hita hanggang binti ay may buhok. Hindi naman ito kakapalan. Ang bawat hibla nito ay parang nakadikit sa balat nya. Hindi sya gaanong kaputian pero hindi sya maitim. Pantay na pantay ang kulay nya. Tinitignan ko ang buong katawan nya at hindi ko maiwasang mapadako sa ano nya. Nakatingin ako doon ng bigla na lang.

“Anong tinitignan mo?” sabay ngiti nya saken.

“Huh?! Wala, dyan ka lang maghahanda lang ako ng almusal.” Sabi ko.

“Janssen!” pagtawag nya saken ay bigla syang tumayo. Hinawakan nya ang magkabilang pisngi ko at marahan nyang inilapit ang mukha nya sa mukha ko. Ikiniskis nya ang ilong nya sa ilong ko. Nakapikit sya habang nakangiti. At maya maya pa ay pinagdikit nya ang mga noo namin.

“Inaro taka!” sabi nya.

“Teka salita namin yan ah, san mo natutunan yan? Hindi ko naman itinuro sayo yan ah?” tanong ko sa kanya na parang nagtataka.

“May nakasama kasi akong Pangasinense eh. Nagpaturo ako sa kanya ng salita nyo.”paliwanag nya.

“Hmp! Antam la siren so mampangasinan?” (talaga? Alam mo na magpangasinan?)  hamon ko sa kanya.

“On, daiset labat balet.” (Oo pero konti lang) sabe nya. Sabay layo nya ng ulo nya at tumitig sa mga mata ko.

“Abalang ko fluent ka la.” (Akala ko fluent ka na.) sabi ko.

“Bao ni nam” (Mura) nanlaki yung mata ko sa sinabi nya.

“Anong sinabi mo?!”Habang nakamulagat ang mata ko at sya naman ay parang nagtataka sa reaksyon ko.

“Huh?! Bakit? Mali ba yung sinabi ko?” pagtataka nya.

“Minura mo kaya ako.” Sabi ko.

“Ganun ba? Hindi ko alam, ang sabi kasi nung nagturo sakin nun ganun daw sabihin ko. Tarantado yun ah.” Sabi nya na may inis.

“Ambagel ka met” (siraulo ka) “Nagpapaniwala ka kasi agad” sabay binatukan nya ako ng mahina.

“Alam ko ibig sabihin nung sinabi mo ah.” Sabay napangiti sya at napangiti na rin ako.

Lumabas na kami ng kwarto at pumunta na ako ng kusina para makapaghanda ng pagkain. At habang kumakain kami ay doon na kami nagumpisang magkwentuhan ng mga nangyari sa buhay namin. Naikwento nya saken na yung pangasinense na nakasama nya ay sa ilalim daw ng tulay nakatira. Hindi nya raw lubos maisip na may mga tao daw palang ganun kahirap. Marami din daw naman ang mahihirap sa kanila. Pero madali lang naman daw mabuhay sa kanila kahit na walang pera dahil marami naman daw mapagkukunan ng pagkain dun. Pero hindi nya raw alam kung papano nabubuhay ang ganung kahirap dito sa siyudad. Walang dagat at walang taniman. Sa ilalim ng tulay nakatira. Si Freddie daw yung nakasama nya. Doon daw sya tumuloy. Dahil sa sobrang awa nya raw sa pamilya ni Freddie lalong lalo na daw sa tatlong batang anak nito ay sya raw ang sumagot ng halos lahat ng pang-araw araw na pangangailangan nila doon.

“Awang awa ako sa pamilya nila. Dahil yon sa pagnanakaw ng mga politiko. Sa dami ng perang kinukuha nila ni hindi man lang nila mabahagian yung mga ganun ang kalagayan. Ayaw ko na sana pumatay pero grabe na talaga sila. Masahol pa sila sa demonyo. Tapos pag nakikita mo pa sa tv panay mga nakangiti pa. Nakakatulog pa kaya ng mahimbing yung mga yun? Mga hayop sila. Yung isang taong gulang na anak ni Freddie, nung makita ko tubig lang ang dinedede. Tapos bibili lang sila ng kalahating kilong bigas, paghahatian nila sa buong maghapon. Asin lang ang ulam ah. Tapos naikwento saken ni Freddie na dumarating daw sa kanila yung hindi kumakain ng dalawang araw. Puta! Lalo akong nanggagalaiti sa mga politikong yan eh. Mga walang ginawa kundi magpayaman. Gusto ko na talaga silang ubusin para mapalitan na lahat eh. Hindi ko pinatay yung dalawang natitira sa listahan ko dahil gusto kong sundin ka. Dahil gusto kong magbagong buhay kasama ka. Pero parang nahihirapan na naman ako ngayon. Hindi na para saken. Parang gusto kong gumanti para sa mga mahihirap. Igaganti ko sila sa mga hayop na yun.” Sabi nya na
medyo nanggigigil na. Hinawakan ko ang kamay nya ng mahigpit.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This