Pages

Tuesday, November 29, 2016

Wheels (Part 1)

By: E.S. Marasigan

Maraming nagsasabi na ang buhay daw ay bilog, minsan nasa ilalim at minsan nasa ibabaw. Pero para saken ang buhay ay isang parisukat pag nasa ilalim ka, nasa ilalim ka na talaga. Kasi kung pagbabatayan ang naging buhay ko ay masasabi kong magmula noon hanggang ngayon mahirap pa rin kami at hindi man lang umusad ang buhay para sa amin. Kakainis! Wala naman akong magawa kundi umasa na lang sa mga biyayang natatanggap namen sa amo ng nanay ko at sa balut ni tatay na kinukulang pa pangtutos sa lalamunin namen araw araw. Ang tatay ko kasi hindi na makakuha ng stable na trabaho. Isang beses na nga lang nagpakabayani hayun pa ang tinamo, naputulan ng paa dahil sa nagligtas ng isang matandang muntikan nang masagasaan, sya tuloy ang nadale. Nadurog ang mga paa nya kaya kinailangan na itong tanggalin. Wala man lang syang nakuhang reward. Ewan ko ba! Mahirap na nga ang buhay namen eh inuna pang intindihin yung kapakanan ng iba. Hindi naman ako galit sa kanya. Galit ako sa buhay namen na para bang wala nang napala kundi puro kamalasan. Sabihin nang wala akong utang na loob, pero may mga pagkakataon talaga na ikinahihiya ko ang pamilya namen. Bakit ba kasi ako napabilang sa isang mahirap na pamilya? Ang malas ko!

Reginald Quirante Hidalgo. Yan ang buo kong pangalan, pero Reggie o Rej kung ako’y kanilang tawagin. Third year student sa college, Architecture. Siguro swerte na rin dahil walang anak yung mag-asawang Reyes kaya yung gagastusin sana nilang pang-aral para sa kanilang anak eh saken na lang iginugol. Magmula nang tumungtong ako ng kolehiyo ay sila na ang nagpapaaral saken. Bilang utang na loob ay hindi ko sila binibigo sa pag-aaral ko. Laging mataas ang mga grado ko, hindi naman kasi sila humihingi ng kapalit eh. Yun na lang ang tangi kong maibabayad sa pagmamagandang loob nilang mag-asawa. Paminsan minsan doon ako umuuwi sa kanila lalo na kapag wala silang kasama. At sa mga araw naman na walang pasok ay tagalinis ng swimming pool at tumutulong kay nanay sa paglalaba. Kaya pati baon ko sa kanila na rin nanggagaling. Suma total, walang kahit isang kosing na inilalabas ang mga magulang ko para sa pag-aaral ko.
Sa isang paaralan sa Diliman, Quezon City ako pumapasok. Ang paligid ng paaralang ito siguro ang nagtanim ng walang kakwenta kwentang uri ng pag-iisip saken. Sa tuwing nakikita ko ang mga kamag-aral ko na nakakotseng pumapasok o di naman kaya ay nagpapayabangan ng bagong model ng cellphone ay naiinggit ako. Buti sila may pambili nun, ako kahit siguro magdugo ang mga tuhod ko sa kaka-novena sa Quiapo para humiling ng mamahaling cellphone eh hindi matutupad. Jusko, kalabisan na kung hihilingin ko pa yun sa mga Reyes noh! Kaya heto, pikit mata na lang sa tuwing makakakita ng mga bagay na hinihiling ko na sana magkaroon din ako. Ganyan talaga ang buhay.

Huwebes ng umaga, pupungas-pungas pa akong bumangon sa higaan nang bigla na lang akong napalundag ng makita kong, takte! Maga-alas diyes na pala. Agad akong dumiretso sa banyo para maligo. Dumampot lang ako ng isang pandesal tsaka ako nagpaalam sa mga tao sa bahay. Sa Fairview pa ako manggagaling kaya naman todo madali ako dahil siguradong malelate ako pag tumunganga pa ako kahit isang segundo. Hindi pa nangyayaring nahuli ako sa klase, bwiset naman kasi yung kapit bahay namen eh, gabi na nagvivideoke pa rin. Kaya halos buong magdamag kong hiniling na sana sumabog yung punyetang videoke na yun, na sa kasamaang palad eh hindi nangyare. Nang makarating ako sa FCM sakay ng isang tricycle ay agad akong tumakbo papuntang sakayan ng jeep.

“Putang ina mo magbayad ka hoy! Kupal!” sigaw ng isang binatang nasakyan ko. Bigla akong napabalik dahil naalala kong hindi pa nga pala ako nagbabayad

“Shit, nakakahiya!” bulong ko sa sarili ko habang nakayukong patakbo takbo pabalik sa tricycle. Pakiramdam ko, lahat ng tao ay nakatingin saken sa sobrang lakas ng sigaw netong punyetang driver na ‘to. Nang maiabot ko na ang bayad ay tsaka nagmadali ulit akong tumakbo sa sakayan ng jeep hindi ko namalayan na may paparating palang sasakyan na muntikan nang sumagasa saken. Buti na lamang at agad akong nakaiwas.

“Putang ina mo! Magpapakamatay ka ba?” sigaw ng driver habang patuloy na tumatakbo ang kanilang sasakyan.

“SYYYYYYYYYEeeeeeeeeetttttttt! NAPAKAGANDANG ARAW NITO!” Halos mangiyak ngiyak na ako sa kamalasang nangyayari saken. Jusme, eh halos alingaw ngaw ng malulutong na mura yung nasa isip ko. Tangina! Ni hindi pa man lang ako nabibigyan ng candy nitong mga hayop na ‘to tapos kung murahin ako wagas?! “NAKAKAGIGIL!”

“Get out!” sigaw saken ng prof kong kamag-anak yata ni Hitler. Nalate ako sa sobrang tagal bago ako nakasakay ng jeep. Napakamalas ko grabe “syet!” na lang ang nasabi ko sa sarili ko dahil nakatitig saken ang mga kaklase ko habang papalabas ako ng room. Kakahiya. “3 units yun! Syet!” sa sobrang panghihinayang ko ay halos magpapadyak na ako habang nasa corridor. Wala na akong magagawa kaya naman tumambay na lang ako sa ilalim ng isang puno hanggang sa matapos ang unang klase ko.

Wala naman nang kamalasang nangyare after nun. Tapos na yata ang monthly period ng kapalaran ko kaya ok na ulit. Nandyan na ang mga kaibigan ko, well sosyal sila at nakiki-ride on lang ako. Kailangan ko kasi sila para mag-survive sa school na ‘to. Dahil pag mag-isa ka dito eh malamang magpakamatay ka na lang dahil sa sobrang boring.

“Tara! Starbucks tayo!” yaya ng isa kong kaklase na si Kevin. Syempre hindi ako nagsalita at naghintay na lang sa sagot ng iba ko pang kaklase.

“Sana, tumanggi silang lahat!” hiling ko sa isip ko.

“Tara! Nakakainip dito. Wala naman na tayong klase eh.” Pag-sang ayon naman nitong bestfriend ko kuno na si Denver. Patay ako dahil kakapusin ako ng pamasahe ‘pag sumama ako sa kanila, kaya naisip kong tumanggi.

“Guys I need to go. May lakad pa ako eh.” Palusot ko na lang sa kanila.

“Well if that’s more important than us, go ahead pare, ganyan ka naman palagi eh!” pangungonsensya nitong maputlang si Anthony.

“Sama ka na Rej, minsan lang naman ‘to eh. Whatever that is, I’m sure makakapaghintay yan, tama guys?” si Denver at sumang-ayon naman ang lahat. Great! Napilit nila akong sumama sa kanila. Naloko na!

Pagdating sa Starbucks ay agad silang nagsi-order. Wala naman akong alam dito kaya, hindi ko alam kung ano ang masarap inumin. Tangina, ito pa naman ang ayaw ko sa lahat. Ang mapunta sa isang lugar na hindi ako nababagay. Yung mismong school ko pa lang isang malaking parusa na eh, papano pa kaya sa mga lugar na nakasanayan na nilang puntahan.

“Ahm! Frappuccino saken!” yun na lang ang nasabi ko kasi nabasa ko dun sa menu. (Buti na lang magaling ako magbasa.) Ang akala ko ay may manlilibre, ang kaso lang, wala pala. KKB ang puta! Kailangan ko nang magbayad, sabay dukot sa bulsa ko. Nagbayad na ako, ayokong mapahiya sa kanila kaya naman tiniis ko na lang kahit na naghihikahos na ang bulsa ko. Buti na lang at may dalawang daan ako sa bulsa.

Kwentuhan tungkol sa mga babae, cellphone, kotse at kung anu ano pang bagay na para sa kanila lang. Ako? Tahimik at panay ngiti lang ang sagot sa kanila dahil wala akong alam sa mga pinagsasabi nila lalo na yung tungkol sa mga babae. Ang masaklap pa nyan, lalake kasi ang gusto kong pag-usapan namen. Sa pagkakataon ‘kong ito lang narealize na napakarami ko palang ginagawang kasalanan sa sarili ko. Ang lumebel sa buhay nila kahit hindi ko naman talaga kaya, ang pagtatago ng tunay kong pagkatao at higit sa lahat ang ikahiya ang sarili ko. Sobrang hirap. Gusto kong isumpa ang buhay ko at bigla na lang maglaho sa mundo. Habang tumatagal ay lalo ko lang nararamdaman at nakikita ang kamalasan ko sa buhay.

“Bakit ako mahirap? Bakit sila mayaman? Bakit hindi pantay ang buhay ng tao?” yan ang mga tanong na namutawi sa aking isipan. Kitang kita ko kasi ang deperensya ng katayuan ko sa katayuan nila.

Nang matapos na ang punyetang bonding namen ay naghiwa-hiwalay na ang lahat. Nagpaiwan ako kunyari dahil sabi ko may bibilhin lang ako. Puro sila may sasakyan at ako naman ay kailangan nang maghanap ng jeep. Nang mawala na sila sa paningin ko ay tsaka ako nagpaikot ikot muna. Wala lang. Gusto ko mag-isip. Gusto kong huminga sandali kasi nahihirapan ako sa sitwasyon ko. Alam kong mali ito, pero ito lang naman kasi ang nakikita kong paraan para makasabay sa buhay. Ang magkunwari.

Papauwi na ako. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nag-isip isip tungkol sa buhay nang bigla kong maalala na naibayad ko pala yung dalawang daan ko sa Starbucks kanina. Bigla akong napakapa sa bulsa ko. Isa, dalawa, tatlo nagbibilang ako ng baryang natira. Sana sakto pa itong pamasahe. Inilabas ko ang baryang nakapa ko sa bulsa ko at binilang ito. Pumunta ako sa isang gilid para doon magkwenta. Dalawang limang piso, tatlong piso at isang sampu. Kasya ang pera ko pamasahe. Kasya! Putang ina! Kasya! Bigla na lang nanginig ang katawan ko at napahikbi ako. Sa pangangatal ng labi ko ay nasambit ko ang salitang “Malas”.

“Rej?! May problema ba pre?!” tanong ng isang boses. Nagulat ako at bigla ko na lamang pinunasan ang luhang dumaloy sa pisngi ko at medyo ngumiti. Nang mapalingon ako ay nakita ko si Denver. Lumapit sya saken sabay tapik sa balikat ko. “Anong problema?”

“Ah wala naman, napuwing lang ako.” Ang isang gasgas na palusot ng mga taong umiyak na pinaniniwalaan naman ng mga tanga.

“Anlaking alikabok naman nun at namaga yang mata mo. Come on bro, tell me! Is there anything wrong? Trust me, magaling yata ako pagdating sa advise.” Pangungulit nya.

“Ah wala ‘to. Hindi ko kasi makita yung wallet ko eh. Nahulog yata kung saan. Wala akong pang-taxi.” Palusot ko na naman.

“Ambigat namang problema nyan!” sabi nya habang nakangiti.

“Pag ako nawalan ng pamasahe, maglalakad ako kesa sayangin ko yung oras ko sa pag-iyak.” At inakbayan nya ako.

“Tara, hatid na kita sa inyo. Buti na lang bumalik ako, kung hindi malamang dyan ka na natulog sa kakaiyak mo. Hehehe.”

Sumakay kami sa kotse ni Denver. Maganda ang kulay asul nyang sasakyan. Kumportable sa loob, yun nga lang amoy yosi. Nagkwentuhan kami habang itinuturo ko sa kanya ang daan. Maga-alas syete na nun kaya medyo matraffic. At nung binabay bay na namin ang daan sa Regalado ay nagsindi muna sya ng yosi. Binibigyan nya ako kaso tumanggi ako dahil hindi naman ako naninigarilyo. Tinutumbok namen ang daan patungo sa Neopolitan Village, kung saan nandoon ang bahay nila Mr and Mrs Reyes. At sa daan namen papunta doon ay bigla na lamang kami napahinto dahil may nakita sya.

“Sandali lang ah dyan ka lang, may bibilhin lang ako.” Paalam nya. Nang makabalik sya ay may dala dala na syang supot.

“Ano yan?” tanong ko.

“Balut, gusto mo? Dati palagi akong bumibili nito, tuwing ihahatid ko si Trisha, malapit lang din kasi sya dito eh. Yun sila manong, suki nila ako, ambait kasi ng mga yan eh.” Sabay nguso nya doon sa mga nagtitinda ng balut. Kumabog ang dibdib ko ng napakalakas. Si tatay at si kuya pala yun. Medyo nagulumihanan ako. Naaawa ako kay tatay at kuya, kaso hindi ko sila magawang puntahan dahil ayokong may makaalam sa hirap ng buhay namen. Nakakahiya!

Nagpababa ako sa tapat ng gate ng village. Gusto nya pa sanang ipasok yung sasakyan kaso tumanggi na ako. Hindi kasi alam nila Mr. At Mrs. Reyes na pupunta ako. Nakakahiya naman kung iistorbohin ko pa sila nang dahil lang sa kalokohan ko. Umalis na si Denver at ako naman ay naglakad papuntang sakayan ng jeep. Isang jeep at tricycle pa ang kailangan kong sakyan papunta sa Republic. Sa lugar kung saan ako nababagay. Sa squatters area. Ngunit bago pa man ako makasakay ay bigla kong naalala sila tatay at kuya. Kaya naman binalikan ko sila at sa kanila na lang ako sasabay sa pag-uwi. Makabawi man lang sa kasalanang nagawa ko nang hindi nila alam.

Pagbalik ko ay agad ko naman silang nakita. Nagliligpit na sila at mukhang handa nang umuwi. Lumapit ako at nang makita nila ako ay agad kong kinuha ang iba pang mga gamit na kailangang dalhin para hindi naman mahirapang magbit-bit si kuya. May kung ano ano pa kasi silang tinitinda bukod sa balut. Mga chichirya at ibat ibang brand pa ng mga sigarilyo.

“Oh, buti dumating ka. Daming bibit bitin kasi hindi naubos yung paninda eh. Antumal.” Sabi ni kuya.

“Buti na lang dumating si Idol ‘keep-the-change’ hahaha, 500 para sa limang balut hindi nya na kinuha yung sukli.” Dugtong pa nya. Napangiti na lamang ako at nagbit bit ng mga gamit. Alam ko kung sino ang tinutukoy nya kaya naman hindi na ako nagsalita pa dahil ayokong pag-usapan.

Madali lang kaming nakasakay ng jeep. Medyo matinding ehersisyo ang nararanasan ni kuya araw araw dahil sa pagbubuhat kay tatay at sa wheelchair. Buti na lamang at dumating ako dahil kung hindi ay mahihirapan na naman sila. May muscles naman ako dahil nagji-gym ako kila Mr & Mrs Reyes tuwing nandoon ako at wala namang gagawin. Kaya naman hindi problema saken ang buhat. Ganun din si kuya, na-improve rin yung muscles nya, siguro dahil sa palagiang pagbubuhat nya kay tatay. Kung tutuusin ay kaya naman ni kuyang mag-isa na magtinda. Si tatay lang naman ang mapilit dahil ayaw nya raw tumunganga sa bahay habang lahat kami ay may ginagawa para sa pamilya. Ayaw nyang mag-mukhang inutil.

Nasa tricycle na kami. Papunta nang Republic. Sa daan namen papunta roon ay marami kang makikitang mga kabahayan. Magaganda. Puro pang mayaman. Pero habang umuusad ang takbo ng tricycle ay mapapansin mong nagbabago ang itsura ng mga kabahayan. Unti unting nababawasan ang ganda ng mga ito. Unti unti ring makikita ang pagbabago sa pamumuhay. Mula sa pinakamaganda, medyo maganda, maganda, medyo pangit, pangit at pinakapangit. Hanggang sa makarating sa lugar namen. Nagsisiksikan ang mga bahay sa hindi naman kalakihang lote. Maraming bata sa lansangan na gabing gabi na eh naglalaro pa rin ng kung ano ano. Mga nag-iinuman sa kalye na wala kang marinig na usapan kundi purong kayabangan. Maingay! Puro sigawan. Nakakarindi. Mga sirang daanan na hindi man lang makuhang ipaayos ng barangay. Mga tagilid na poste ng Meralco na kinalalagyan ng mga sala salabat na kawad ng kuryente. Magulo at walang katahimikan. Pero dito, sa lugar na ito lang ako nakakaramdam ng kalayaan. Walang pagkukunwari at higit sa lahat dito ako nababagay. Ito ang tunay kong mundo.

Huminto na ang tricycle. Isa isa na naming ibinaba ang mga gamit at sumunod naman ang pagbaba namen kay tatay at sa sasakyan nyang wheelchair. Ako na halos ang nagbuhat ng mga gamit pauwi sa bahay. Para malayang magabayan ni kuya ang wheelchair ni tatay. Medyo malubak kasi sa amin kaya hindi sya pwedeng pabayaang mag-isa dahil baka bumalentong sya ng di oras.

“Putangina mo! Wala ka nang ginawa kundi mag-inom. Kaya walang nangyayari sa buhay naten dahil napakabatugan mo. Lintek ka! Napapagod na ako sa paglalabada tapos ikaw nagpapasarap lang dito.” Si Aleng Carol habang sinusundo si Mang Temyong na talamak na sa drugs eh tomador pa.

“Tangina mo eh! Andami mong dakdak, bigwasan kita makita mo!” sagot ni mang Temyong.

“Ayan! Ayan! Dyan ka magaling ang manakit pag nalalaseng. Subukan mo pa akong saktan kahit isang beses, tangina mo bubula yang bibig mo. Lalasunin kitang hayop ka.”sigaw na naman ni Aleng Carol.

Sanay na ako sa ganyang eksena dito sa lugar namen. Katulad ng mag-asawang ‘yan, panay ang reklamo sa kahirapan pero wala namang ginagawa para paunlarin ang pamumuhay. Palagi silang nag-aaway at mababalitaan mo na lang na sa makalawa eh buntis na naman itong si Aleng Carol. Boring ang buhay mahirap kaya wala na silang maisip na ibang libangan kundi ang magsex. Normal. Yan ang mga nakakarinding sitwasyon dito sa lugar namen. Tipikal na buhay mahirap.

Nang makapasok na kami ng bahay ay agad naman kaming sinalubong nina nanay at Reagan na bunso naming kapatid. Agad na naghanda ng aming kakainin si nanay. Anong oras na rin at nagugutom na talaga ako. Punyetang kape kasi yun eh. Kung yung ipinambayad ko ng kape na yun ay ibinili ko ng kanin at ulam, malamang hindi ako nahihilo sa gutom ngayon at may softdrinks pa, sana. Sulit sana kung ganun ang ginawa ko.

Habang kumakain kami ay nabanggit ni nanay na aalis sila Mr & Mrs Reyes. Pupunta daw ang mga ito sa abroad upang magbakasyon. Marahil ay naiinip na sa paglilibot dito sa Pilipinas kaya sa abroad naman nila naisip. Mga retirado na kasi kaya naman wala nang magawa. Hindi rin siguro alam kung papaano uubusin ang kanilang mga pera kaya puro pagkakagastusan ang iniisip.

“Nakakainggit talaga pag mayaman.” Sabi ni Reagan habang ngumunguya pa ng pagkain.

“Kaya magsipag ka sa pag-aaral kagaya ng kuya Reggie mo para magkaroon ka ng magandang buhay.”Payo naman ni nanay sa kanya.

“Kelan raw sila babalik?” tanong ko.

“Mga anim na buwan daw sila doon. Maraming gusto puntahan si madam eh. Tayo daw ang magbabantay sa bahay kaya simula sa linggo doon na tayo matutulog.” Sagot naman ni nanay.

Hanggang matapos kami kumain ay ‘yun lang ang pinag-usapan namen. Medyo natuwa ako kasi sa loob ng anim na buwan ay hindi ako masyadong mahihirapang magkunwari. Dahil magiging amin ang bahay na ‘yon pansamantala. Doon ako uuwi hanggang matapos ang pagbabakasyon ng mag-asawang Reyes.

Nasa sala ako ng bahay namen at nakakalat lahat ng libro at kung anu anupang gamit sa eskwelahan. May research kasi kami at kailangan kong magpuyat sa pagbabasa ng mga librong hiniram ko pa kila Mr Reyes nung isang linggo pa. Dalawang buwan ang palugit kaya naman marami pa akong oras. Kailangan ko ang mga nalalabing oras na yun sa pagpupuyat. Wala naman kasi kaming computer at internet. Pupunta lang naman ako sa computer shop kapag may mga bagay akong hindi nakita sa libro o kaya naman ay itype yung mga natapos ko nang sulatin. Me pagka terorista kasi yung prof ko sa subject na ito kaya naman kailangan kong pagbutihan. Isa pa, sa akin kasi iniatang ang isa sa pinaka metikolosong arkitektura sa mundo, Mediterranean Architecture. Kaya naman kailangan kong magpakitang gilas. Dito lang kasi ako babawi. Ito lang talaga ang laban ko sa eskwelahang iyon na pinamumugaran ng mga anak mayaman.

“Oh anak, matulog ka na. Bukas mo na yan tapusin.” Sabi ni nanay nang magising sya sa kalaliman ng gabi at naabutan akong subsob pa rin sa pag-aaral.

“Naku nay, matulog na po kayo. Kailangan kong samantalahin ito dahil ayokong magahol sa oras. Hapon pa naman po ang schedule ko bukas eh.” Sagot ko.

Dumiretso si nanay sa kusina. Siguro iihi lang yun kaya nagising. Pero pagbalik nya ay may dala dala na syang isang baso ng gatas at ibinigay nya ito saken. Ipinatong nya ito sa ibabaw ng lamesita.

“Oh hayan, inumin mo para hindi bumagsak yang katawan mo sa kapupuyat.” Pagkatapos ay hinaplos nya ang buhok ko na animo’y bata “Angsipag naman ng anak ko.” Sabay ngiti nya.

Oo, nanay ko na yata ang pinakamaasikasong nanay sa buong mundo. Ganyan sya palagi. Kaya naman sa mga ganitong pagkakataon ay damang dama ko ang hiya sa sarili ko. Nahihiya ako sa mga pagkakataong hiniling ko na sana ay iba ang mga magulang ko. Na sana anak mayaman din ako katulad ng mga kaklase ko. Nahihiya ako sa mga pagkakataong ikinahihiya ko sila. “Syet!”sa isip sip ko. Ayoko naman talaga gawin at isipin ang mga bagay na ‘yun eh. Napipilitan lang ako dahil wala na akong maisip na paraan para tanggapin ako sa mundong ‘yon.

Pabalik na si nanay ng kwarto nya ng bigla ko syang tawagin. “Nay.” At agad naman syang napalingon. Nilapitan ko sya at niyakap ko sya ng mahigpit. “Salamat nay!” namasa ang mga mata ko nung sinabi ko ang mga katagang iyon.

“Walang anuman anak. Matulog ka na kaagad pagkatapos nyan ah.” At sinagot ko na lamang sya ng “opo.”

Halos puputok na ang araw ng mapagod ako sa ginagawa ko. Masakit na sa mata ang hangin na sumasalpok sa mukha ko galing sa bentilador. Iniligpit ko na ang mga gamit ko at ibinalik ito sa kani-kaniyang mga lalagyan. Tsaka ako naglatag at nag-umpisa nang matulog.

——————————————

Nasa jeep na ako papasok sa school. Medyo mainit ang panahon kaya malamang nahawaan ang mga taong lulan ng jeep na ‘to. Yung babae kasi na nandoon sa unahan eh ayaw abutin yung mga sukli at yung mga bayad. Maganda sya at mukhang may kaya.

“Miss paabot naman ng bayad.” Sabi ng isang aleng mukhang principal sa suot nyang salamin.

“Po?” sagot nung babae na para bang nagtataka at itinuturo pa yung sarili para makasigurong sya nga ang kinakausap nung ale.

“Oo ikaw nga. Ikaw ang pinakamalapit sa driver kaya obligasyon mong abutin ang mga bayad at sukli.” Sabi nung ale.

“Ha?! E hindi naman po ako konduktor ng jeep eh.” Sagot nung babae habang nakasimangot.

“Tanga ka?” Sarkastikong tanong nung ale na mukhang makakapanabunot na anytime. “Ahy, miss nasa jeep ka, wala ka sa taxi. Kung ayaw mong gawin yan eh wag ka nang sumakay ng jeep. Mayaman ka ba kaya hindi mo alam ang kalakaran?”

“Wow!” sabay irap nung babae. “Kung makatanga naman kayo. Grabe ha! At sino naman ho kayo para sabihan ako ng ganyan.”

“Oo nga po manang, grabe naman kayo makatanga!” sabat nung isang lalake na mukhang nagpapa-cute doon sa magandang babae.

“Kinakampihan nyo ‘to? Alam nyo kaya walang pag-unlad ang Pilipinas eh. Dahil sa mga kagaya nyo. Ipinagtatanggol nyo yung mga tanga. Ayaw nyong punahin yung katangahan nila dahil iniisip nyo na pang-aapi sa kapwa yun. Ayan! Namimihasa. Kaya yung katangahan nagiging normal na lang!” sermon nung ale.

At sa sobrang kahihiyang inabot ay biglang sumigaw yung babae ng “Para!” tsaka tuloy tuloy na bumaba ng jeep habang nagdadabog ang paa. Yung ale naman ay tuloy tuloy na nanermon hanggang sa makababa na rin ako ng jeep.

Napapangiti na lang ako sa eksenang nasaksihan ko. “May point sya ah!” sabi ko sa isip ko.

Maaga akong nakarating sa school namen. Pupunta pa sana ako ng library nang bigla kong makasalubong si Anthony.

“Hey bro!” pagbati nya na para bang tuwang tuwa.

“Invite kita sa house party. Birthday ko next Saturday, put that date on your list, your presence is a must so don’t forget.”

Tapos para syang 10 years old na sumali sa that’s my boy sa mwestra nya na may pabang bang pa. “Bang! Tsaka ipapakilala ko rin yung childhood friend ko. Lilipat na sya sa school naten kaya kailangan may kasangga na sya rito.”

Natuwa naman ako dahil ininvite nya ako. Nga naman pala, isa ako sa mga mayayamang friends nila kaya ganun. Napailing na lang ako sa pumasok sa isip ko.

“Haynaku!” hindi na ako natuloy sa pagpunta ng library dahil hinatak nya na ako sa cafeteria. Ililibre nya raw ako kaya naman hindi na ako tumanggi pa sa biyaya.

Natapos na naman ang araw. Wala namang nagyaya kung saan saan kaya safe ang bulsa ko. Medyo maaga pa kaya naman pinuntahan ko sila tatay at kuya. Gusto kong makatulong kahit sa maliit lang na paraan. Maihatid ko man lang sila sa bahay, malaking kabawasan na rin yun sa trabaho nila lalo na kay kuya.

Lumipas ang ilang araw at nakasanayan ko na rin yung ganoong routine. Kahit papaano ay nabawasan yung guilt na nararamdaman ko para sa pamilya ko. Mahal ko ang pamilya ko at yun ang bagay na hindi ko kayang itago, gaano man ako kagaling sa pagkukunwari.

———————————————

Dumating ang linggo doon muna kami tutuloy ni nanay sa bahay ng mga Reyes. Maiiwan sina tatay, kuya at Reagan sa bahay. Nagkasundo sila na hindi muna magtitinda si tatay tutal kaya naman daw ni kuya eh. Para may maiwan sa bahay.

Nagdala kami ng ilang bihisan at syempre lahat ng gamit ko sa school para doon ko na gawin ang mga pending projects ko. Magiging madali saken ang lahat dahil may internet doon.

“Hay! Salamat naman!” nakangiti kong banggit sa sarili ko.

Pag dating namen sa bahay nina Mr & Mrs Reyes ay agad naming dinala ang mga gamit namen sa maids quarter. Iniwan ako ni nanay dahil may gagawin daw sya sa labas. Ako naman ang nag-ayos ng mga gamit namen. Actually gamit ko lang kasi damit lang naman ang dala ni nanay eh. Ako ang maraming dala dahil dala ko lahat ng gamit ko sa school.

Ilang sandali pa ay nakaramdam ako ng gutom kaya agad kong hinanap si nanay. Dumiretso ako sa kusina sa pag-aakalang nandoon sya. Nagulat na lang ako nang makita ko ang isang lalake. Naka-topless at jogging pants lang. May kaputian ito pero sakto lang. Maganda ang pangangatawan dahil sa mga kurbang nakikita ko sa likuran nya. Napadako ako sa pwet nya at “Syet!” naiinggit ako sa tambok nito. Para syang live version ni Adonis. Adonis?! May nakakita na ba sa kanya?. Ahm artista na lang. Si Justine Hartley, oo yun si Justine Hartley nga ang katipo ng pangangatawan nya. Medyo nakatingala ito habang umiinom ng tubig. Magtatago na sana ako nang bigla na lang syang humarap sa kinaroroonan ko.

“Hala! Hala! Anggwapo! Syet!” may kalandiang reaksyon sa isip ko. Wala syang kamukhang artista pero putek! pasadong pasado ‘to kahit saang artista search dito sa pinas. Anlakas ng appeal, basta wala syang kamukhang artista. Bigla na lamang akong natulala dahil hindi ko alam ang gagawin ko, kung magtatago ba ako. Para bang gusto kong hablutin yung sahig at lumusot sa ilalim nito. Para akong naiilang na ewan nung makita nya ako. Pero wala na akong nagawa kundi harapin sya. Nandito na eh. Nakatingin sya saken na tila ba nagtataka at ganun din ako sa kanya

“sino kaya ‘to?” tanong ko sa sarili ko.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This