Pages

Tuesday, November 22, 2016

Fortress (Part 4)

By: James Silver

“Bakit hindi ka na lang humiling kay Allah na gawing maayos ang lahat ng ito? Sadjid, alam ko yung nararamdaman mo. Pero hindi mo pupwedeng idahilan yan para lumabag ka sa batas. Kahit saan mo tignan mas mali pa rin ang pagpatay ng tao. Makinig ka saken, hindi mo na ulit gagawin yun. Hindi ka na ulit papatay. Sadjid, natutuwa ako sa ipinakita mo saken. Hindi ako nagkamali. Hindi ako nagduda kahit minsan. Dahil alam ko sa sarili kong mabuti kang tao. Tama na yung mga nagawa mong kasalanan. Pagsisihan mo na yun at magsimula ka na ng bagong buhay.” Sabi ko sa kanya.

“Alam mo, napakalaki ng pagsisisi ko kung bakit ko nagawa yung mga bagay na yun. Hindi ko na yun gagawin ulit. Talaga lang nanggigigil ako sa kanila. Salamat Janssen, nandyan ka para palinawin ang nagdidilim kong utak. Pangako magbabagong buhay na ako. At gusto kong ikaw ang kasama ko. Magsisimula ako ulit, na may ikaw sa tabi ko.” Piniga nya ang kamay ko. Napangiti ako sa sinabi nya at tumuloy na kami sa pagkain.

Pinuntahan namin ni Sadjid ang bahay ni Freddie nung mismong araw na yun. Katulad nya ay hindi ko rin maimagine kung gaano ang hirap na pinagdadaanan nila sa araw araw. Tinanong ko naman si Freddie at sabi nya naman ay sanayan lang daw yan at patibayan ng sikmura. Halos gusto kong maiyak sa sinabi nya saken. Ngayon ko lang nalaman kung gaano ako kaswerte sa buhay. Kahit na mahirap kami ay hindi naman kami nagutom kahit minsan. Alam ko kung bakit nagbago ang isip ni Sadjid. Alam kong nakita nya rin kung gaano sya kaswerte sa buhay. Base kasi sa ikwinento nya saken ay ginawa lang syang utusan. Pero hindi naman sya ginutom o sinaktan ng tiyuhin nya kahit kelan. Ang naging mali nga lang ay tinuruan sya kung papaano humawak ng baril. Habang nasa bahay kami ni Freddie ay naisip ko bigla na sa dinami dami ng magagandang proyektong ipinamamalita sa tv ay bakit may ganito pa rin. Mas inuuna kasi ang pagpapagawa ng kung ano anong istruktura na hindi naman talaga nakakatulong sa pag-unlad ng bansa. Pampaganda lang ng itsura ng bansa natin. Para ipakita sa ibang bansa ang pekeng uri ng pag-unlad. Ang Pilipinas at gobyerno ay maihahalintulad mo sa isang mag ina. Ang gobyerno ang nanay at Pilipinas naman ang anak. Mas inuuna ng nanay na bilhan ng magagandang damit ang anak nya. Wala itong pakialam kung nagugutom na ang anak nya basta ang mahalaga sa kanya ay maging maganda ang itsura ng anak nya pag iniharap nya ito sa mga tao. Ibinibili lang nito ng pagkain ang anak nya kapag may natira sa budget nya para sa damit.
Nakaramdam ako ng matinding kalungkutan. Ngayon ay naiiintindihan ko na kung bakit nagagalit na naman sa mga politiko si Sadjid. Pero isa lang ang napatunayan ko. Sa sarili kong pananaw ay mas mapapatawad pa ng langit si Sadjid sa mga nagawa nyang pagkakamali. Dahil ilang tao lang naman ang kaya nyang patayin sa buong buhay nya eh. Pero ang pabayang gobyerno ay kayang pumatay ng libo-libong nasasakupan nito sa isang iglap lang. Kung hindi ito mamamatay sa gutom eh magpapatayan na lamang ito sa pagkain. Battle of the fittest, battle of the strongest, battle of the wisest. Tama si Freddie, magpatibayan na nga lang ng sikmura. Pero sa kabilang banda, ang mag-anak na ito ang matitirang buhay kung sakali mang maghasik ng kagutuman dito sa Pilipinas. Dahil nakasanayan na nila ang ganitong uri ng pamumuhay. Salamat na lang sa mga magnanakaw sa gobyerno. Natututunan na ng taong mag-isip at lumaban para sa tama. Ultimo gutom ay hindi na sila kayang pabagsakin.

Pag-uwi namin ng bahay ay agad kaming pumunta kay aleng Irma para bayaran yung dalawang buwang palya nya sa bahay. Pati ako ay napagalitan na naman, pero sakto lang. Tinanggap naman ni aleng Irma, akala ko nga ay papalayasin na nya si Sadjid eh. Well, maganda sana yun hahaha. Dumiretso kami sa bahay ni Sadjid. Naglinis kami dahil andami nang alikabok, Ilang buwan daw ba kasing iwan. Masaya kaming naglilinis nang biglang.

 “JANSSEN?! JANSSEN? ASAN KA?!” boses iyon ni Paul. Bakit naman kaya sya nagsisisigaw, ang aga aga eh.

Sabay kaming pumunta ni Sadjid sa pinto, sinilip namin si Paul. At nang makita nya kami ay bigla na lamang nanlaki ang mga mata nya.

“Janssen, lumayo ka sa lalakeng yan.” Sabe ni Paul.

“Huh?! Bakit naman?” tanong ko.

“Kriminal yan.” Sabi nya sabay tutok ng baril kay Sadjid. Kahit nakakaramdam ako ng takot sa baril. Humarang pa rin ako kay Sadjid at tsaka kami umatras papasok sa bahay.

“Sandali lang Paul hindi mo naiintindihan. Hindi sya masamang tao, ibaba mo yang baril mo.” Pakiusap ko kay Paul.

“Anong hindi?! Kriminal yang lalakeng yan, namukhaan sya nung anak ng isa nyang pinatay. Nakita ko yung pictographic sketch kanina. At nakakasiguro akong sya yun kaya ako nagpunta dito agad para sabihan ka. Masamang tao sya Janssen, layuan mo sya baka kung anong gawin nya sayo. Hoy Sadjid! gago ka magkamali ka lang saktan si Janssen tangina lahat ng bala ko uubusin ko sa bungo mong hayop ka.” Si Paul.

“Hindi Paul, hindi sya masamang tao. Hindi nya ako sasaktan. Pakiusap naman ibaba mo yang baril mo at mag-usap tayo ng maayos. Please Paul.” Pakiusap ko ulit.

“Janssen naman. Marami nang pinatay yan, masamang tao yan. Ilang pamilya na ang naulila ng dahil sa kanya. Layuan mo sya baka madamay ka pa sa mga krimeng nagawa nya. Ako ang nakikiusap sayo Janssen, baka kung ano pang mangyari sayo.”

“Hindi Paul, hindi ako lalayo kay Sadjid.” Tinapik ko si Sadjid at pinapapasok ko sya sa kwarto. “Kunin mo yung mga gamit mo bilis. Tatakas tayo, ako nang bahala dito kay Paul.” Alam kong dapat makulong si Sadjid dahil sa mga krimeng nagawa nya. Pero wala akong tiwala sa maaari nilang gawin kay Sadjid pag nasa loob na ito ng kulungan. Mga politiko iyon kaya, kaya nilang mandohan ang mga nasa loob. Baka doon na matapos ang buhay ni Sadjid, at yon ang hindi ko papayagan. Dahil pag nangyari yon. . … malamang. . malamang … makapatay na rin ako.

“Pero. . . ..!” tututol pa sana si Sadjid.

“BILISAN MO!” napasigaw na ako para maniwala syang seryoso ako sa sinasabi ko.

“Janssen ano ba!?” sabi ni Paul at sabay bigla na lamang syang pumasok sa loob ng bahay ni Sadjid. “Bakit ba ayaw mong makinig saken ah. Krimen na rin yang ginagawa mo ah. Makukulong ka dahil dyan. Maya maya lang andito na ang mga kasama ko para hulihin ang lalakeng yan.”

“Paul pabayaan mo sya please.” Sabi ko. Ewan, hindi ko alam kung bakit ko ginagawa ‘to. Basta ayaw kong malayo kay Sadjid. Maya maya pa ay lumabas na ng kwarto si Sadjid at dala dala na nya ang isang bag. Si Paul naman ay parang nataranta at agad na itinutok kay Sadjid ang baril na hawak nya. Huhugot din sana si Sadjid ng baril pero pinigilan ko sya. At muli akong humarang.

“JANSSEN, PUTANG INA NAMAN  EH UMALIS KA DYAN! Kailangang mahuli ang kriminal na yan!” sigaw ni Paul saken.

“Hindi ako aalis dito, hindi ko sya iiwan. Baka kung anong gawin nila kay Sadjid.” Sabi ko. At nakita kong naluluha na si Paul.

“Bakit ba pinoprotektahan mo yang kriminal na yan?” tanong nya.

“Dahil mahal ko si Sadjid, Paul hindi ko hahayaang may mangyari sa kanya.” Ayaw ko sanang sabihin yon pero napilitan na talaga ako. Alam kong masasaktan ko ang damdamin nya pero wala na talaga akong magawa para tumigil sya. At doon ko nakitang pumatak na ng tuluyan ang luha nya.

“MmmAahal?! Mahal mo sya?! Bakit? Bakit ako? Hindi mo ba ako mahal?” nangangatal na ang labi nya dahil sa emosyon. Mayat maya nya pinapahid ng kaliwang kamay nya ang luhang tumutulo sa mukha nya. “Janssen. Ayos lang saken kung magmahal ka ng iba. Tatanggapin ko yun, pero bakit dyan pa sa kriminal na yan. Sinaktan mo na damdamin ko, pati pride ko dinale mo pa rin. Pulis ako Janssen naiintindihan mo ba yun? Bakit sa kriminal pa!”

“Paul, hindi ko yun sinasadya, kaya humihingi ako ng tawad sayo. Please pabayaan mo na kami.” Maya maya pa ay nilamon na sya ng emosyon nya. Tumitig sya saken na para bang nagmamakaawa.  Ibinaba nya na ang baril nya at napaupo na lang.

“Hindi ko kayang talikuran ang tungkulin ko bilang isang pulis Janssen. Pero binibigyan ko kayo ng pagkakataon. Bilisan nyo dahil malapit nang dumating yung mga kasama kong pulis. Wala na akong magagawa pag inabutan nila kayo. Janssen alam mo bang krimen na rin yang ginagaw mo?” Mahinahong sabi ni Paul. Napatungo sya.

“Hhanda akong maging kriminal para sa kanya .” Sabi ko. At napatitig saken si Paul na punong puno ng luha ang mukha nya.

“ Akala ko pa naman matuwid kang tao. Bakit ka nagkaganyan? Hindi na ikaw yung Janssen na kilala ko. Takot kang sumuway sa batas ng gobyerno pero bakit ganyan ka na? Ganon mo ba talaga sya kamahal? Handa kang maging kriminal? Tinalo nya lang ng ganun ganon na lang lahat ng pagsisikap ko para mahalin mo rin ako. Janssen, sana.. sana maging masaya ka sa pinili mo. Kung magbago ang isip mo, nandito lang ako. Hihintayin kita mahal na mahal kita Janssen. Sige na umalis na kayo.” Sabi ni Paul.

“Patawarin mo ako, pero yung mga pinaglilingkuran natin ang may mali dito. Ang mga politkong yon ang dahilan kung bakit namatay ang pamilya ni Sadjid. Hindi mo naiintindihan Paul.” Paliwanag ko kay Paul.

“Pero Janssen mali pa rin ang pumatay ng tao. Kasalanan yon hindi lang sa batas kundi pati na rin sa Dios. Kaya wag mong idahilan yan saken. Mali yon, maling mali yon.” Sabi ni Paul. Sandali akong natigilan sa mga sinabi ni Paul.

Alam ko yon, alam na alam ko. Kaya nga gusto kong tulungang magbagong buhay si Sadjid eh. Pero sa paraang masisiguro ko ang kaligtasan ng buhay nya. Marami na syang hirap na pinagdaanan kaya hindi ko ipagwawalang bahala ang pagkakataon nyang magkaroon ng maligayang buhay. At isa pa, alam kong pinagsisisihan nya na ang mga kasalanan nya. Hindi katulad nung mga magnanakaw na politikong nasa tv na nakulong na nga sa pagnanakaw, nakangiti pa rin at hindi man lang nagpakita ng kahit konting pagsisisi. Hindi ko sila nilalahat. Pero hindi ko maialis sa isip ko na karamihan sa kanila ay nagiging sakim na pag nakahawak na ng kapangyarihan.

“Umalis na kayo bago pa magbago ang isip ko. Huling pagkakataon na itong ibinibigay ko sa inyo. Janssen pakiusap maging masaya ka. Hinding hindi ko mapapatawad ang sarili ko sa oras na mabigo ka dyan sa pinili mo. Janssen! Janssen! Mahal na mahal kita. Tatandaan ko ang araw na ‘to, magiging maligaya ako dahil sa wakas ay naibigay ko rin ang totoong magpapaligaya sayo. Kahit hindi ako yon. Kaya pinakakawalan na kita. Malapit nang dumating ang mga kasamahan ko, kaya bilisan nyo.” Sabi ni Paul.

“Salamat Paul, napakabuti mong kaibigan.” Sabi ko.

“Wag mo na akong saktan pa Janssen, please umalis na lang kayo!” At agad kaming lumabas ni Sadjid. Mabilis kaming tumakbo papuntang kalsada. Pero nakita na namin ang mga pulis na paparating na. Napabalik kami at nakita naming nasa labas na si Paul. Sa kabilang kalsada kami dadaan. Nang biglang sumigaw si Paul at inihagis sa amin ang susi ng kanyang motor.

“Paul salamat ulit.” Habang sumasakay kami ng motor. Si Sadjid ang magmamaneho.

“Sadjid, pakiusap pumunta kayo sa lugar kung saan walang nakakakilala sa inyo. At sana magbagong buhay ka na. Mahal ka ni Janssen, kaya sana mahalin mo rin sya. Protektahan mo sya katulad ng pagprotektang ginawa nya sayo. Ingatan mo sya dahil sya lang ang nag-iisang minahal ko. Bilis na! andyan na sila!” Sabi ni Paul. Tiningnan ko si Paul pero iniwas nya ang tingin nya saken. At huli kong nakita ay ang pagpatak ng luha nya. Lalo akong nakonsensya sa nangyari, pero ano bang magagawa ko. Gipitan na eh.

Mabilis na pinatakbo ni Sadjid ang motor. May mga humahabol nang pulis samen pero napakalayo na nila. Hindi ko na malaman kung nasaang lugar na ba kami. Basta pinapatakbo nya lang ang motor at kung saan saang eskinita nya iyon pinapapasok. Para makalayo kami nang hindi nakikita ng mga pulis. Patuloy ang takbo namin hanggang sa makapasok kami sa isang liblib na lugar. Inihinto nya ang motor doon at nagpahinga kami sandali. Magkatabi kaming naupo sa ilalim ng isang puno.

“Bumalik ka na Janssen, hindi naman alam ng mga pulis na ikaw ang kasama ko eh. At tsaka nakakasiguro akong hindi ka ilalag-lag ni Paul. Nahiya ako sa sarili ko nung nakita ko kung gaano ka nya kamahal. Gusto ko rin. Gusto ko rin na isang araw ay may magawa ako para sayo, katulad ng ginawa nya. Naiinggit ako sa kanya. Kaya bumalik ka na lang muna. Kaya ko na ‘tong mag-isa, magaling naman akong magtago eh.” Seryoso nyang pagkakasabi habang nakatingala sa langit..

“Hindi Sadjid, hindi ako babalik. Sasamahan kita. Pinagdesisyunan ko na ‘to noon pa. Alam ko namang darating ang araw na ‘to eh. Kaya matagal ko nang inihanda ang sarili ko para dito. Hindi kita iiwan.” Sabi ko.

“Hindi kita pwedeng isama dahil laban ko ‘tong mag-isa. Ayaw kong mapahamak ka ng dahil saken. Kaya bumalik ka na. Ginamit lang kita para makatakas ako.” si Sadjid.

“Wala akong pakialam. Gamitin mo ako hanggang gusto mo basta dito lang ako sa tabi mo. Susundan kita kahit saan ka magpunta.” At tinignan ko sya ng diretso. Napatingin din sya saken. “Kahit sa impyerno.”

“Hindi ka ba natatakot sa mangyayari sayo? Janssen kriminal ang pinili mong samahan. Mas ligtas ka kung si Paul ang pinili mo. Bakit ako ang pinili mo? Wala akong maidudulot na maganda sayo. Baka mamaya nyan makulong ka pa ng dahil saken eh.” Sabi ni Sadjid.

“Hindi naman ako namili eh, diniktahan ako ng puso ko. Sumusunod lang ako. Mahal kasi kita eh. Tsaka mas mabuti na rin yung ganito. Ayaw ko kasing mag-alala sayo. Kaya sumama ako sayo para alam ko kung anong nangyayari sayo. Kesa naman mamatay ako sa pag-iisip na baka kung napano ka na.” Sabi ko. At parang bigla syang nagtataka saken.

“Bakit ka ganyan kung mag-alala saken. Pakiramdam ko tuloy napakaswerte kong tao. Sa kabila kasi ng mga krimeng nagawa ko binigyan pa ako ni Allah ng kagaya mo.”

“Alam Nya kasing hindi ka masamang tao. Ito na siguro ang paraan Nya para ipaalam sayo na hanggang ngayon nananatili Sya sa likod mo. Na kahit kelan hindi ka Nya iniwan. Sadjid, sasamahan kitang magbagong buhay. Hindi ako lalayo sa tabi mo. Basta ipangako mo saking kakalimutan na natin ang lahat ng ito.” Sabi ko. At napangiti sya.

“Alam mo Janssen, ikaw ang gusto kong makasama sa bagong buhay na bubuuhin ko. Gusto kong ikaw lang ang nasa tabi ko. Gagawa tayo ng sarili nating mundo. Mundong walang gulo, mundong walang ibang bahagi. Malaya. Walang muslim, walang kristyano. Ikaw lang at ako sa ilalim ng iisang langit. Na may basbas ng lumikha.” Napanatag ako sa sinabi nyang gusto nya ng bagong buhay kasama ako. Salamat at kakalimutan na namin ang lahat ng ito. Mamumuhay kaming magkasama.

“Mahal na mahal kita Sadjid.”sabi ko.

“Mahal rin kita Janssen.”sabi nya.

“Walang muslim!” sabi ko.

“Walang kristyano!” si Sadjid.

“Ikaw lang at ako.” Ako.

“Walang hanggan.” Sagot nya.

Tanghali na nung mga panahong iyon. Alam naming hindi tumitigil ang mga pulis sa paghahanap samen kaya naman pinilit pa naming makalayo. Magaling syang magmaneobra ng motor. Kaya nyang lumusot kahit sa makikitid na espasyo. Sapat na ang kakayahan nyang iyon para makalusot sa mga tollgate na maaari naming daanan. Tutal pinaghahanap na lang din kami ng batas kaya lulubusin ko na ang pagpapasaway. Naisip ko kasing pumunta ng Pangasinan, doon sa lolo’t lola ko. Taon taon kami pumupunta doon kaya kabisado ko ang daan pag nandon na kami. Kailangan lang naming sundan ang mga bus na paparoon. Buti na lang at dala ni Sadjid ang lahat ng pera nya. Dala nya rin ang mga baril, patalim at ilang damit nya na nakalagay lahat sa bag nya. Samantalang ako ay walang dalang kahit ano. Kahit cellphone ko ay naiwan ko sa bahay. Bahala na.

Pagdating namin sa Pangasinan ay agad kaming dumiretso sa bahay nila lola. Halos otso na kami nakarating. May kaagahan matulog sila lola kaya kinailangan pa naming kumatok nang makailang beses dahil sa totoo lang eh may pagkabingi na sila pareho. Nang pagbuksan nila kami ay.

“Oh, Janssen! Waja ka manaya, kapigan ka unsabi ey?” (Oh, Janssen! Nandyan ka pala, kelan ka ba dumating?) tanong ni lolo.

“Kakasabi ko labat lo, kulantoy bae?” (Kakarating ko lang lo, nasan si lola?) sabi ko.

“Kakaugip labat. Walay kaibam manaya? Pa man ey?” (Kakatulog lang. May kasama ka pala? Sino ba yan?) sabi ni lolo.

“Si Sadjid lo, kaibigan ko po.” Sagot ko sa kanya.

“Magandang gabi sayo iho, halikayo pasok kayo.” Pag-anyaya ni lolo. Purong panggalatok si lolo kaya medyo hirap sya magtagalog. Pumasok na kami sa loob. Medyo nahihiya pa nga si Sadjid eh. Alam kong hindi sya sanay na nasa ibang bahay. Sa bahay ko lang naman sya nasanay na maglabas pasok eh.

“Angan ki la?” (Kumain na kayo?) tanong ni lolo.

“Andi ni lo.” (hindi pa lo.) sagot ko. At agad kaming niyaya ni lolo sa kusina para makakakin. Gigisingin nya pa sana si lola para makita ako pero pinigilan ko sya. Sabi ko ay bukas na lang tutal matagal naman kaming magi-stay dito. Pagkatapos naming kumain ay pinagpalit ako ni lolo ng damit at ganun din si Sadjid. Mukhang nakakagiliwan ni lolo si Sadjid dahil panay ang kwento nito kahit pilipit na ang dila sa pagtatagalog. Naalala ko tuloy si Paul. Ganyang ganyan din si lolo nung nakilala nya si Paul. Pero hindi sya naging close kay Gelo (Ex ko) . Ramdam siguro ni lolo kung sino ang mga nagmamahal saken ng totoo. At kung ganun nga ay masaya akong malaman na mahal pala talaga ako ni Sadjid.

Matutulog na kami at bigla akong tinawag ni lolo. At iniabot saken ni lolo ang isang kulambo. Hehe! Ako ang paboritong apo ng lolo at lola ko. Kaya lahat ng tungkol saken ay alam nila at suportado nila. Lalong lalo na ang kulambo ko. Hahaha! Hindi kasi ako makatulog pag walang kulambong kumikiskis sa paa ko. Si Paul at Sadjid ay parehong naiinis dito sa tuwing tatabihan nila ako sa pagtulog sa bahay. Pag wala kasing kulambo ay napakaaga ko magising dahil parang tulog lang ang katawan ko pero gising ang diwa ko. Hindi ako narerelax. 

No comments:

Post a Comment

Read More Like This