Pages

Sunday, May 3, 2020

Lovers and Friends (Part 10)

By: Nickolai214

Nathaniel's POV

Lumipas ang mga araw at naging masaya kami ni Mark sa piling ng isa't isa. Lalo na at napaka-supportive sa amin ng mga kaibigan namin.

Nakalimutan ko na rin ang tungkol kay Denise dahil hindi na rin naman siya nabanggit pa ni Mark kahit minsan.

Ngunit hindi ko inasahan ang pagdalaw niya minsan kay Mark sa school. Dahil kaibigan siya ni Mark ay hindi niya maaaring tanggihan ang alok ng babae.

Nagpaalam naman siya sa akin ngunit pinayagan ko siya dahil may tiwala ako sa kanya.

Pero nung nag-iisa na lamang ako sa loob ng silid ko ay hindi ko maiwasan na hindi maparanoid. Kung anu-ano na ang mga eksena na pumapasok sa utak ko na halos ikabaliw ko na.

Kahit gaano katibay ang assurance sa akin ni Mark na wala silang gagawin na hindi tama ay nasasaktan pa rin ako sa kaalaman na ang boyfriend ko ay kasama ngayon ng ibang babae.

Kinagabihan ay hindi kaagad ako natulog dahil hinihintay ko ang message mula kay Mark.

Pero nagising na ko kinabukasan ay wala pa rin akong natanggap na kahit isang text mula sa kanya. Bagay na ikinainis ko. Samantalang dati pati yata pag-ihi niya tinetext niya sa akin kahit hindi ko siya tanungin.

Nahihiya naman ako na usisain siya dahil baka akalain niya na nagdududa ako sa kanya.

Nagkibit na lamang ako ng balikat saka na ako naghanda para pumasok sa school. Hindi rin pumasok si Mark nung araw na iyon at hindi rin alam ng tatlo kung ano ang nangyari sa kanya.

Nakadama ako ng matinding pag-aalala kaya minabuti ko nang tawagan siya pero nakapatay ang cellphone niya.

Nasa loob na ako ng silid ko habang nag-iisip ako ng kailangan kong gawin para makontak si Mark nang tawagan ako ni Mama.

Kinukulit na niya ako tungkol sa graduation namin at siguraduhin ko raw na maaayos ko ang lahat ng papel ko sa school para madali na nila akong maihanap ng school na papasukan doon.

Lalo lamang dumagdag iyon sa napakaraming iniisip ko na nagpapasakit na ng ulo ko.

Kinabukasan ay pumasok na rin si Mark pero napakatahimik naman niya at para bang napakalalim lagi ng iniisip.

Kahit sina Errol ay napapansin na iyon ngunit sa tuwing tinatanong naman siya ay sinasabi niya na wala siyang problema sa amin.

Hindi na raw niya kami kailangan pang idamay sa mga personal niyang problema sa bahay kaya hinayaan na lang namin siya.

Ngunit ang higit na nakakuha ng atensyon namin ay ang pasa niya sa pisngi na hindi niya gustong pag-usapan.

Hindi na rin masyadong sumasama sa amin si Mark sa mga sumunod na araw.

Hanggang sa minsan na pauwi kami ay nakasalubong namin si Elizer kasama ang mga kaibigan niya.

Huminto siya saka siya nakangising nakatitig kay Mark.

"Hindi mo pa rin pala itinigil ang kabaklaan mo!" sabi niya sa nakakalokong ngisi kaya hindi na nakapagpigil si Mark at sinugod na niya ng sapak ang pinsan niya.

Hindi kaagad naiawat ang dalawa na nagpang-abot pa ng suntukan hanggang sa sumali na sa pag-awat ang iba pang estudyante.

Dinala ko si Mark sa convinient store saka ko ginawa sa kanya ang mga ginawa niya sa akin nang gabing mapagtripan ako ng mga estudyante dito sa school.

Ginamot ko ang mga sugat at pasa niya pero nang patapos na ako ay hinawakan niya ang kamay ko.

"Siguro kailangan na muna natin ihinto ito Nat." seryosong sabi niya habang nasa gubat kami.

Natigilan naman ako at parang may bumundol na matinding kaba sa dibdib ko dahil sa sinabi niya.

"Nagiging komplikado na ang lahat. Hindi ko inasahan na darating ang araw na ito na malalaman ng lahat ang tungkol sa relasyon natin. Mahirap, Nat! Napakahirap!" naiiyak na sabi niya.

Nagsimula na rin mamuo ang mga luha sa mga mata ko habang nakatitig ako sa gwapong mukha niya.

"I-isinusuko mo na ba ako?" garalgal na tanong ko.

Matagal na sandali ang lumipas bago ako sinagot ni Mark. Napapikit muna siya saka niya hinawakan ang kamay ko.

"Hindi ko gustong gawin, Nat. Pero alam kong kailangan. Mahirap ang sitwasyon na kinalalagyan nating dalawa." aniya.

"Paano naging mahirap ito? Hindi naman natin kailangan makinig sa mga sinasabi ng iba?" katwiran ko.

Marahan siyang umiling saka niya itinaas ang kamay ko na hawak niya. Hinalikan niya iyon.

"Sa mundong ginagalawan natin ay mahirap ang ganitong uri ng relasyon, Nat. Kahit hindi natin sila pansinin. Kahit hindi tayo makinig sa mga sinasabi nila ay hindi pa rin sila hihinto sa mga panghahamak nila sa atin."

"Dahil sa lugar na ito ay walang karapatan ang mga lalaki na magmahal ng kapwa nila lalaki. Siguro masyado lang tayong naging close sa nakalipas na mga taon kaya akala natin ay pag-ibig itong nararamdaman natin. Hindi ko na papaabutin pa ang problema nating ito sa punto na masasaktan ka pa nila. Masakit para sa akin pero kailangan kong gawin ang tama. Maghiwalay na tayo, Nat!"

Ang mga huling salita na lumabas mula sa bibig niya ay umukilkil ng husto sa isipan ko.

Napahagulgol ako ng iyak sa harapan niya. Hinila naman ako ni Mark saka niya ako niyakap ng mahigpit. Nakita ko rin ang pagtulo ng mga luha sa mga mata niya at ang pagsisikap na itago ang sakit na nararamdaman niya.

Matapos kaming mag-iyakan na dalawa ay hindi na kami nag-usap pa hanggang sa maihatid niya ako sa bahay.

Kahit na hindi maganda ang kinahinatnan ng relasyon namin ay hindi pa rin nawala ang pagiging malambing at maalaga ni Mark sa akin.

Nakita ko iyon kung paano niya ako itrato hanggang sa makarating kami sa bahay.

Pagbaba ko sa motor niya ay hinawakan pa niya ng matagal ang pisngi ko habang mapait siyang nakangiti at nakatitig sa mukha ko.

Nagkulong ako sa loob ng silid ko pagkapasok ko sa bahay. Mabigat ang pakiramdam ko. Para akong binagsakan ng langit.

Hindi rin ako nakatulog sa buong magdamag na iyon. Iniiyakan ko si Mark at hindi mawala-wala ang matinding sakit na nararamdaman ko sa dibdib ko.

Hindi ako nakapasok sa sumunod na araw at dahil weekend na ay ilang araw din akong nagkulong sa loob ng silid ko.

Hindi ko man lang ginagalaw ang pagkain na iniaahin sa akin nina Lola. Sa totoo lang ang nahihiya na rin ako sa kanila pero wala talaga akong gana na kumain.

Sa gabi ay paulit-ulit ko na binabalikan sa alaala ko ang masasayang araw na pinagsamahan namin ni Mark.

Mga araw na hindi pa kami humaharap sa matitinding problema. Mga araw na masaya lang kami. Nagkukulitan. Nag-aasaran. Nagbibiruan.

Kung kaya ko lang sanang ibalik ang lahat sa dati ay gagawin ko. Ngunit sa bandang huli ay nagigising pa rin ako sa katotohanan na wala na sa buhay ko si Mark.

Nagpaalam na siya. Ngunit wala akong makapa kahit na kaunting galit para sa kanya dito sa dibdib ko.

Sadyang malupit lang talaga ang mundo. Kadalasan hindi patas. Dudurugin ka hanggang sa maging pulbos ka.

Mula sa araw na nagpaalam sa akin si Mark ay hindi na nagbalik pa sa dati ang sigla ng buhay ko.

Nagbalik ako sa dating pagkatao ko. Sa dating Nathaniel na dinala ng Mama niya sa bayan na ito.

Matigas ang loob kung pagmamasdan pero kapag nakita mo kung ano ang totoong nilalaman ng puso ay mahahabag ka dahil sa loob ay durog na pala siya.

Linggo ng gabi ay inubos ko na ang lahat ng luha na mailalabas ko mula sa mga mata ko.

Para pa ring pinipiga ang dibdib ko sa sakit na dulot ng kaalaman na hindi ko na makakasama si Mark katulad ng dati. Masakit dahil ang nag-iisang lalaking minahal ko at nagmahal sa akin ay abot kamay ko pa rin pero hindi ko na maaaring mahawakan pa.

Sa school ay magkatabi nga kami sa upuan ngunit hindi ko pa rin siya maabot. Para na kami ngayong nasa magkaibang mundo.

Maaari pala talagang mangyari iyon. May dalawang tao na magtatagpo. Magmamahalan. Pero hindi rin pagbibigyan ng mundo ng pagkakataon na manatiling masaya.

Hindi na ako minsan man kinausap pa ni Mark ngunit kapag nahuhuli niya ako na nakatingin sa kanya ay binabati pa rin naman niya ako saka niya ako ngingitian.

Minsan din ay nahuhuli ko siya na nakatingin sa akin mula sa malayo. Kahit pilitin niyang itago ay nakikita ko rin ang sakit sa mga mata niya sa tuwing pagmamasdan niya ako.

Hanggang sa sumapit ang araw ng graduation namin. Bumalik sa pilipinas ang mga magulang ko para ihatid ako sa stage at sabitan ng medalya.

Hindi man ako ang nanguna ay nakatapos pa rin naman ako na may honors.

Palabas na kami ng school nina Mama nang makasalubong namin ang pamilya ni Mark. Sabay pa kaming napahinto sa paglakad at napatitig sa isa't isa.

Lalapitan sana ako ni Mark pero nakita ko ang pagpigil ng Daddy niya sa braso niya. Kaya sa huli ay nagpasya na lamang silang umalis.

Nasa bahay na kami nang makatanggap ako ng text mula sa kanya na labis na ikinagulat ko.

Congratulations, Nat! iyon ang laman ng unang message niya.

Nagpasalamat naman ako saka ko na rin siya binati. Graduate din naman siya. Pero hindi ko inasahan na sasagot pa siya.

Pwede ka bang lumabas ngayon? One last time. Gusto kitang makita.

Kumabog ang dibdib ko dahil sa text niya. Nakadama ako ng pag-asa na magbabalik sa dati ang lahat sa amin.

Sinundo niya ako sa plaza saka kami nagtungo sa gitna ng gubat. Mula nang unang beses niya akong dinala sa lugar na ito ay ngayon na lamang kami bumalik dito ng gabi.

Tahimik lamang kaming humiga sa malawak na damuhan at sabay na pinagmasdan ang makikinang na bituin sa kalangitan.

Hanggang sa isang parang wishing star ang nakita ko. Pumikit ako saka ako nagdasal.

"Nagwish ka ba?" tanong niya.

Tumango ako. "Ikaw?"

"Isa lang naman ang wish ko mula pa noon. At alam mo iyon. Palagi ko lang naman hinihiling ay sana maging masaya ka." sabi niya.

"Hindi na ako magiging masaya ngayon kung wala ka sa buhay ko." tapat na sagot ko sa kanya.

Tumagilid siya ng higa saka siya padapa na umikot para mas makalapit pa siya sa akin ng husto.

"Kaya mong maging masaya kahit wala ako sa tabi mo. Pero ako hindi ko alam kung magiging masaya pa ako." tunghay niya sa akin.

Hindi na ako nakasagot pa dahil pumikit siya saka niya dahan-dahan na inangkin ang mga labi ko.

Napakatamis ng mga halik niya. Pumikit na rin ako saka ko tinugon iyon.

Nang kumalas siya ay umupo na kami sa damuhan. Saka siya may dinukot sa bulsa niya. Isang maliit at pahaba na kahon.

"Ano to?" tanong ko.

"Regalo ko sayo." nakangiting sabi niya. "Buksan mo."

Inalis ko ang ribbon saka ko binuksan ang box. Nakita ko ang isang white gold necklace na may dalawang pendant na letrang M at N.

Napasulyap ako sa kanya kaya dinampot niya iyon saka niya ipinasuot sa akin.

"Salamat!" sabi ko. "Wala man lang akong regalo sayo." nahihiyang sabi ko.

Umiling naman siya. "Hindi ko kailangan ng regalo. Sapat na sa akin na nakasama kita ngayong gabi." nakangiting sabi niya ngunit hindi iyon umabot sa mga mata niya.

"Sana kahit hindi mo na ako kasama ay maalala mo pa rin ako. Hindi kita makakalimutan, Nat." naiiyak na sabi niya.

"You will always be my bestfriend. Nag-iisa ka lang din sa puso ko." dagdag pa niya.

Naiyak na rin ako pero wala akong masabi sa kanya. Naiisip ko pa rin na may chance pa kaming dalawa.

Pero hanggang sa maihatid niya ako ay wala ma siyang sinabi pa. Pagkababa ko ay isang salita lang ang narinig ko mula sa mga labi niya.

Goodbye!

Nagbalik ang lahat ng sakit na naranasan ko noong unang beses na makipaghiwalay sa akin si Mark.

Napakabigat ng dibdib ko na nakatulog ako nang gabing iyon.

Isang buwan kaming nanatili nina Mama at Papa sa Carmen matapos ang graduation namin.

Sa loob ng isang buwan na iyon ay wala na akong narinig na balita tungkol kay Mark.

Nalaman ko na lang mula kay Kath na lumipad na pala ang buong pamilya nila patungong London na labis na nagdulot ng sakit sa dibdib ko.

Hindi man lang siya nagpaalam ng maayos sa akin.

Dahil sa sama ng loob at gusto ko na ring makalimot ay pumayag na ako sa gusto ng mga magulang ko.

Natapos ang buwan na iyon. Kasama na ako ng mga magulang ko na lumipad patungong California.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This