Pages

Sunday, May 3, 2020

Flicker (Part 47)

By: Loverboynicks

Nakasimangot si Addy nang makita niya kami ni Kuya Kiel na magkasamang pumasok sa loob ng restaurant.

Nagsasalubong ang mga kilay niya nang makalapit na kami sa kanya.

"Good morning!" masiglang bati ka sa kanya.

Hindi siya sumagot. Sa halip ay ibang salita ang lumabas mula sa bibig niya. "Yan ba ang dahilan kung bakit hindi ka sumasagot sa mga tawag ko mula pa kagabi?"

"Nag-usap lang kami ni Kuya Kiel. Wag kang mag-isip ng kung anu-ano diyan." naiinis na sagot ko saka na ako lumapit sa upuan na nasa tabi niya pero hinila ni Kuya Kiel ang kamay ko saka niya ako pinaupo sa kabila.

Pumagitna siya sa amin ni Addy kaya mas lalong lumukot ang mukha nitong isa.

"Paupo na siya pinigilan mo pa? Bakit ba alam mo pa sa kanya kung saan siya uupo?" naiinis na sita ni Addy sa kapatid niya.

"Relax bro! Mas gusto kitang katabi eh." nang-aasar na sabi ni Kuya Kiel kay Addy.

"Ano ba yan pwesto lang issue pa?" reklamo ko.

"Nagugutom na ako bahala kayo diyan." sabi ko saka ako tumayo pero pinigilan na naman ako ni Kuya Kiel.

"Stay here! Ikukuha kita ng makakain mo." sabi ni Kuya Kiel saka na siya tumayo at lumapit sa buffet table.

Napatingin naman ako kay Addy at makahulugang mga tingin ang ipinukol niya sa akin.

"Nilambing ka lang bumigay ka na kaagad. Samantalang kapag ako na ang naglalambing lagi ka na lang galit." nakasimangot na reklamo niya.

"Kung ano man yung naglalaro diyan sa maruming utak mo ay tigilan mo na. Nag-usap lang kami. Palibhasa kasi gawain mo yang nasa isip mo kaya napaparanoid ka tuloy diyan." masungit na sagot ko sa kanya saka na ako umiwas ng tingin kay Addy.

Sa pag-iwas kong iyon ay nagkataon naman na nagtama ang mga mata namin ni Gino na noon ay nasa kabilang sulok ng restaurant.

Matatalim na tingin ang ipinukol niya sa akin na ipinagkibit-balikat ko na lang saka ako bumaling sa buffet table upang icheck kung ano na ang mga pinagkukuha ng loko.

Ilang sandali pa ay bumalik na ito sa mesa namin dala ang napakaraming pagkain. Napatingala ako sa kanya. Ano ba ito? Fiesta?

Kinindatan naman niya ako saka niya inilapag sa harapan ko yung ibang laman ng tray na dala niya. "Kumain ka ng marami para magkalaman ka naman."

Umingos ako saka ko sinimulang tusukin ng tinidor ang tocino na dala niya. Infairness masarap yun ah.

Umupo na si Kuya Kiel sa tabi ko saka na kami nagsimulang kumain. Lumingon siya kay Addy saka niya ito inabutan ng pagkain.

"Baka sabihin mo hindi kita inaalok." nakangising sabi niya sa kapatid niya.

Kinuha naman ni Addy iyon at hindi na siya sumagot pa sa Kuya niya.

Natutuwa naman ako na makitang nagkakasundo ang dalawa kahit na sa maliit na bagay.

Maaaring hindi ko kayang mahalin si Addy katulad ng pagmamahal ko kay Kuya Kiel pero masasabi ko na napakahalaga rin niya para sa akin.

Bukod sa siya ang naging sandalan ko sa mga panahon na lugmok na lugmok na ako ay hindi pa rin mababago ang katotohanan na pinsan ko siya at mahal ko siya bilang isang kapatid.

Marami man kaming napagdaanan at nagkaroon man kami ng ipinagbabawal na relasyon ay wala akong pinagsisisihan sa mga panahon na nakasama ko siya.

At si Kuya Kiel? Sinabi niya kagabi sa akin na malapit na siyang umalis at sa tuwing naaalala ko iyon ay kakaibang kirot ang bumabalot sa dibdib ko at parang may kamay na pumipiga sa puso ko.

Nagfocus na lamang ako sa pagkain at inihinto ko ang pag-iisip sa mga bagay na nagpapawala ng isip ko sa kasalukuyan.

Matapos ang almusal ay nagpasya si Addy na humiwalay na sa amin. Isang warning look ang ipinukol niya sa akin bago siya umalis.

Niyaya ako ni Kuya Kiel na ikutin ang gubat gamit ang stallion na madalas niyang gamitin. Sumama naman ako dahil gusto kong sulitin ang mga araw na natitira para sa aming dalawa.

Alam kong ako rin ang masasaktan sa huli. Kapag tuluyan nang umalis si Kuya Kiel ay muli na naman akong makakaramdam ng labis na pangungulila sa kanya pero alam ko na iyon ang tama.

Kailangan ko nang tanggapin na hindi na talaga kami maaari pang maging masaya. May pamilya na siya at ayokong maging kabit niya.

Pero bago siya umalis ay pupunuin namin ng masasayang alaala ang bawat araw na magkasama kami.

Kaya ngayon ay nagpasya kami na magtungo sa batis kung saan kami nagkita noong araw na maligaw ako sa gubat.

Naghubad ng damit si Kuya Kiel at hindi ko naiwasan na pagmasdan ang bawat kurba ng maskulado niyang katawan.

Nang mapasulyap siya sa akin ay nahuli niya ako na nakatitig sa katawan niya. Mabilis akong bumaling sa kabila at pakiramdam ko ay namumula ang buong mukha ko dahil sa pagkapahiya.

Lumapit sa akin si Kuya Kiel saka niya hinila ang mukha ko patingala sa kanya. Amused na nakayuko sa akin si Kuya Kiel at tila ako nahipnotismo sa taglay niyang appeal.

Marahan siyang umupo sa harapan ko hanggang sa magpantay na kami. Inilapit niya ang mukha niya sa mukha ko at nagpipigil ako ng paghinga
"Maghubad ka na rin. Samahan mo akong maligo dito." bulong niya pagkatapos ay lumayo siya ng bahagya sa akin.

"Ayokong maligo." sagot ko kaya mabilis siyang napasulyap sa akin.

Nagsalubong ang mga kilay niya saka siya muling naglakad pabalik sa kinauupuan ko. Huminto siya sa mismong tapat ko saka siya muling umupo.

"Bakit?"

"H-hindi ako marunong lumangoy." nahihiyang sagot ko saka ako nagyuko ng ulo.

Ngumiti naman si Kuya Kiel saka niya inangat ang baba ko gamit ang mga daliri niya.

"Hindi naman kita pababayaan. Kasama mo ako." sabi niya.

Ilang sandali kaming nagtitigan bago ako marahan na umiling. "Ayoko." sabi ko.

"Pero Renz-"

"Kung pipilitin mo pa ako ay babalik ako sa hotel namg mag-isa." masungit na putol ko sa sinasabi niya.

Napabuga na lamang ng hangin si Kuya Kiel saka siya malungkot na tumayo. Kinuha niya yung damit na hinubad niya saka niya muling isinuot iyon.

"Kung gusto mong maligo papanoorin na lang kita." sabi ko.

Seryosong umiling si Kuya Kiel saka na niya ipinagpatuloy ang pagbibihis.

"Ipapasyal na lang kita dito sa gubat sakay ng kabayo ko." bulong niya saka niya ako nilapitan at dinampian ng masuyong halik sa labi.

Namula naman ako at kaagad akong umiwas ng tingin sa kanya. Tumayo ako saka na ako nagsimulang maglakad.

"Ayoko sa kabayo." sabi ko. "Kung maaari rin ay tigilan mo na ang mga ginagawa mong paghalik sa akin." dagdag ko pa saka ako seryosong bumaling sa kanya.

Puno ng pagtataka ang mababakas sa gwapong mukha niya dahil sa sinabi ko.

"Bakit?" galit na tanong niya.

"Dahil hindi ito tama. May asawa ka nang-"

"Wala akong asawa! Bakit ba napakakulit mo?" galit na sigaw niya na ikinabigla ko.

Tumigas ang anyo ko. Lumapit ako sa kanya saka ko siya sinampal nang malakas. Alam kong nasaktan siya pero hindi ko naaninag sa mukha niya ang galit pero nakita ko ang pagkainis niya.

"Alam kong nasaktan kita sa ginawa kong pagtalikod sayo noon Renz. Kaya kahit ilang beses mo akong sampalin o kaya ay saktan. Hinding-hindi ako magagalit sayo. Ganyan kita kamahal." malungkot na sabi niya saka niya sinalubong ng malalamlam niyang mata ang nanlilisik kong mga tingin.

"Paano mo nasasabi yan? May asawa ka. Inako mo ang anak ng kapatid mo hindi ba? Kaya kasal ka pa rin. Nagmamahalan man kayo o hindi ng asawa mo ay hindi ko papayagan na gawin mo akong-"

"Hindi ako ikinasal. Inako ko ang bata at pinalabas namin sa lahat na ikinasal kami ni Natalie. Pero hindi legal ang naging kasal namin."

Bumakas ang lungkot sa mga mata niya habang nakatitig siya sa akin. "A-anong sinabi mo?" naguguluhang tanong ko sa kanya.

"Kinailangan kong gawin iyon para bigyan ng panahon ang kapatid ko na ayusin ang buhay niya. Patawarin mo ako kung kinailangan kitang iwanan noon."

"Napakalaki ng naging kasalanan ko kay Kuya Jordan at ang pagsuporta ko sa kanya mula sa patung-patong na problema na kinakaharap niya ang tanging paraan na alam ko para nakabawi ako sa mga nagawa kong pagkakamali noon."

"Kaya hindi kita kaagad nabalikan Renz. Ilang beses akong nagpadala ng mga messages sayo sa facebook pero kahit isa sa mga iyon ay wala kang sinagot. Nakablock pa ako sayo. Kaya naisip ko na tigilan na lang ang paghahabol ko sayo."

"Wala akong natanggap na messages mula sayo. Ikaw ang nangblock sa akin. Dahil isang araw habang hinahanap kita sa friend lists ko ay hindi na kita mahanap pa." sagot ko.

"Bakit ba ang kulit mo? Ikaw ang nangblock sa akin. Bakit hindi mo icheck?" hamon niya.

Natigilan ako saka ako nag-isip ng mabuti. Wala akong natatandaan na inalis ko siya sa friend list ko. Nagising na lamang ako isang araw na hindi ko na siya mahanap pa.

Isang malabong alaala ang bigla na lamang nagflash sa utak ko.

Kagagaling ko lang sa banyo noon nang maabutan ko si Addy na ginagamit ang cellphone ko.

Natigilan pa siya nang bigla na lamang akong nagsalita.

"May nagtext ba? Bakit hawak mo yan?" tanong ko.

"Wala. Naubusan kasi ako ng load. Makikitext lang sana ako. Busy ka sa pagligo mo kaya hindi na kita inistorbo. Pasensya ka na ha? Hindi na ako nakapagpaalam pa. Hayaan mo sa susunod hindi na ako basta makikialam sa mga gamit mo." sabi niya.

Ngumiti naman ako saka na ako nagtungo sa lagayan ko ng mga damit. "Ano ka ba hindi naman ako nagdadamot. Nagtanong lang ako kasi baka may importanteng text."

"Wala naman nagtext. Bilisan mo nang magbihis diyan. Ang aga ko nagising para lang masundo ka dito tapos kukupad-kupad ka pa? Bahala ka kapag nalate tayo malalagot ka na talaga. Ang dami mo pa namang absent." naiinis na reklamo niya sa akin.

"Oo na. Bibilisan na po!" sagot ko naman saka na ako nagmadaling kumuha ng mga isusuot ko. "Hindi ko naman kasi sinabing daanan mo ako dito. Napakalapit lang naman ng school dito no."

"Gusto ko lang masiguro na safe ka. Baka mamaya inaabangan ka na pala sa labas ng mga tarantado mong kaklase. Mabuti nang naninigurado." sabi naman niya.

Nagkibit-balikat na lamang ako saka na ako nagsimulang magsuot ng uniform.

Napapikit ako at mas lalo akong naguluhan dahil sa naiisip ko. Tumingin ako kay Kuya Kiel na seryosong nakamasid sa akin.

Nagpakawala ako ng mahabang paghinga saka ako nagsalita.

"Please Kuya, bumalik na tayo sa hotel. Sumasakit ang ulo ko." pakiusap ko sa kanya.

Nawala naman ang pagkunot ng noo niya at napalitan iyon ng nag-aalalang mga tingin. Mabilis niya akong nilapitan.

"Ayos ka lang ba?" sabi niya saka niya ako hinawakan sa noo.

"Okay lang ako. Kailangan ko lang magpahinga." sabi ko naman kaya mabilis niya akong inalalayan pasakay sa kabayo.

Sinasadya kong ilayo ang katawan ko sa kanya dahil naiilang ako pero mapilit siya at pilit niya akong hinihila palapit sa kanya hanggang sa yumakap siya ng mahigpit sa akin gamit ang isang braso niya.

Pumalatak pa siya bago siya nagsalita habang mahigpit siyang nakayakap sa akin. Ramdam na ramdam ko ang kakaibang init na nagmumula sa maskulado niyang katawan kahit nababalutan pa kami pareho ng damit.

"Bakit ba napakalikot mo? Mahuhulog ka niyan sa ginagawa mo eh." naiinis niyang sermon sa akin.

"Sorry!" sabi ko na lang at hinayaan ko na siyang nakayakap sa akin.

Pagdating namin sa hotel ay nakasalubong namin si Gino.

Kung nakakamatay lamang ang mga tingin na ipinukol niya sa akin ay malamang na bumulagta na ako sa kinatatayuan ko ngayon.

Hindi ko siya pinansin at nilampasan ko lang siya. Kasunod ko naman si Kuya Kiel.

Napahinto ako sa paglalakad nang marinig ko ang boses ni Gino.

"Magsisisi ka sa pagsama mo kay Renz!" galit na sabi niya.

Marahas akong napalingon sa kanya at nakita kong hawak niya ang isang braso ni Kuya Kiel. Mabilis namang binawi iyon ni Kuya Kiel saka siya sumagot.

"Hindi ako kailanman magsisisi sa pagsama ko kay Renz. Hindi rin ako magsisisi na tinanggihan kita sa ginawa mong pang-aakit sa akin kagabi. Isa ka lang namang basura na dinala dito ng magaling kong kapatid."

Pagkasabi ni Kuya Kiel sa mga katagang iyon ay naglakad na siya patungo sa elevator. Sumulyap naman ako kay Gino at mas lalong tumindi ang nakita kong galit sa mga mata niya habang nakatingin kay Kuya Kiel.

"Tatayo ka na lang ba diyan? Akala ko ba magpapahinga ka?" sigaw ni Kuya Kiel na ikinalingon ko sa kanya.

Muli akong napasulyap kay Gino bago ako naglakad patungo sa elevator. Hinintay ako na makapasok ni Kuya Kiel bago iyon nagsara.

Nagtataka man ako sa mga sinabi niya kay Gino ay minabuti ko na lang na wag isatinig ang nasa isip ko.

Hinatid ako ni Kuya Kiel hanggang sa tapat ng silid ko. Nagrequest pa siya na sasamahan ako sa loob pero hindi ko siya pinayagan dahil plano kong icheck ang facebook ko.

Nakasimangot na umalis si Kuya Kiel at napapailing na lamang ako habang isinasara ko ang pintuan.

Mabilis akong nagtungo sa kama ko saka ako nagbukas ng facebook. Hindi ko ugaling icheck ang settings ko kaya hindi ko nakikita kung sino ang nakablock sa akin at kung sino ang hindi.

Ilang sandali pa akong nagpipindot doon at natigilan ako nang makita ko ang pangalan niya sa mga nakablock sa akin.

Siya lamang ang nag-iisang tao na naroon dahil hindi ko ugali ang magblock ng account sa facebook.

May namuo na galit sa dibdib ko para kay Addy. Paano niya nagawa sa akin ito? Paano niya nagawa sa kapatid niya ito?

Naiinis akong nagdabog sa kama ko bago ako dumapa doon at ibinaon ko ang mukha ko sa unan.

Ibig sabihin lang nito ay walang kasalanan si Kuya Kiel at totoo lahat ng sinasabi niya sa akin. Pero nasaan yung mga sulat? Ano kaya ang nilalaman ng mga iyon?

No comments:

Post a Comment

Read More Like This