Pages

Sunday, December 18, 2016

Red Paint (Part 6)

By: Rezso

Isang sulyap muli sa salamin ang ginawa ko bago ako tuluyang maligo. Sa tuwing titingin ako doon ay parang may mali akong nakikita sa aking sarili. Napakunot ng husto ang aking noo dahil sa ikalawang pagkakataon ay hindi nagbago ang nakikita ko. Talagang may mali.

Nang matapos akong maligo ay agad akong umakyat ng kwarto. Naroroon si kuya, sa paborito nyang lugar sa kwarto. Sa bintana, kung saan makikita ang maliit na kubo.
"Kuya? Nakita mo ba sila mama?" tanong ko sa kanya.
"Hindi." matipid nyang sagot.

Pagkatapos ko syang tanungin ay agad na akong nagbihis upang ako na lamang ang maghanap. "Antahimik ni kuya. Nalulungkot ako." sabi ko sa isip ko. Babalik sana ako sa kwarto para tanungin kung may problema ba sya. Pero pag balik ko ay nakahiga na sya sa kama at mukhang matutulog kaya hindi ko na sya inistorbo pa.

"Winston! Asan sila mama?" tanong ko kay Winston.
"Nagpunta sa bayan. May bibilhin ata." sagot nito saken.

Medyo nagiging ok na kami ni Winston nitong mga nakaraang araw kaya nakakausap ko na sya ng maayos ng hindi naiilang. Pero minsan, nahihiya pa rin ako. Kaya may pagkakataon pa ring parang nag-iiwasan kami. Pero ayos na. Sana tuloy tuloy na ang mabuting relasyon naming magkapatid.

Dumating ang kinagabihan. Wala pa rin sila mama. Nakaramdam ako ng pagkabagot kaya naman naghanap ako ng gagawin. Gusto ko sana magpinta pero nitong mga nakaraang araw kasi ay parang hindi ko kaya. Parang may nagbabago. Parang hindi ko na maalala ng malinaw ang mukha ni Godfrey. Siguro, ito yung epekto nung nangyari. Yung nasira ang ipinipinta kong mukha nya. Nakakatakot yung kinalabasan kaya hindi ko na muna sya inisip. Ayokong maalala ang mukha nya sa pinaka-kinatatakutan kong itsura nya.

Naglakad lakad ako sa labas para makalanghap ng saiwang hangin. Ayos na ang pakiramdam ko. Madalang na akong bangungutin at hindi na rin ako nakakatulog kung saan saan. Siguro, unti unti ko nang tinatanggap ang mga pagbabagong nasa paligid ko.

Sa paglalakad ko ay nakita ko si Wilbert. Pero hindi nya ako napansin dahil seryoso itong naglalakad patungo kung saan. Tatawagin ko sana sya pero hindi ko ginawa dahil parang may napansin akong kakaiba sa kanya. Mabilis ang lakad nito at mukhang nagmamadali. Sinundan ko na lamang sya upang malaman ko kung saan sya patungo. Nagulat na lamang ako nang makita ko syang may sinalubong na isang lalake. Magkasabay na silang naglalakad ngayon at nagtaka ako sa lugar na pinuntahan nila. Pumasok sila doon sa abandonadong bahay.

Gusto kong alamin kung anong gagawin nila doon. At nang makarating na sila ay palihim akong lumapit. Pumasok sila sa pinto at ako naman ay naghintay pa ng ilang sandali para sundan sila ng hindi ako nahahalata.

Sumilip ako sa bintana. Nakita ko ang dalawa na may dalang flash light at mayroon silang tinitignan. Gusto kong alamin kung ano iyon kaya balak ko na sanang magpakita na at makiusyoso. Nang bigla ko silang marinig na nag-uusap.

"Anong ebidensya?" tanong ni Wilbert.

"Heto!" at ipinakita nung lalake kay Wilbert yung bagay na hawak nya.

"Naipa-DNA mo na ba yan?" tanong ni Wilbert

"Oo, at sigurado na akong bahagi ng katawan nya ito."

"Connor maghintay ka, lilinisin ko ang pangalan mo." sabi ni Wilbert.

"May isa pang kulang." sabi nung lalake

"Yung 'Mirage Renata' kailangan nating makita iyon." sabi ni Wilbert

"May ilang kopya nun. Papano naten malalamang authentic ang makikita naten." tanong nung lalake.

"Ipapa-DNA din naten. Kailangang lumabas ang dugo ni Connor at Godfrey doon. Dahil pinagsamang dugo nila ang ipinangpinta doon." sabi ni Wilbert.

"Kung mixed na yung dugo mahihirapan tayong makita ang resulta nun." sabi nung lalake

"Hindi. Magkaibang dugo ang ipininta nila sa bawat imahe. Magkasama, pero hindi magkahalo." sabi ni Wilbert

Nakakaramdam ako ng pangamba sa pinag-uusapan nila. Hindi ko alam kung ano yun, basta naririnig ko ang pangalan ni kuya. Ano kayang binabalak nila? Anong lilinisin ang pangalan? Naguguluhan ako. At yung 'Mirage Renata' hindi pupwedeng dugo ni kuya yun. Hindi maaari.

Nag-umpisang manginig ang katawan ko. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Nangangamba ako dahil sa narinig kong usapan.
"HINDI!!! Hindi maaari!!!" sabi ko sa isip ko.

Hindi ko na napigil pa ang sarili ko. Nagpakita na ako sa kanila. Pareho silang naestatwa nang makita ang paglabas ko.

"Anong ginagawa nyo? Wilbert!!! Ipaliwanag mo 'to!" sigaw ko sa kanila. Akala ko ay sila lang ang magugulat sa paglabas ko. Pero nang makita ko ng malinaw yung mukha ng lalakeng kasama ni Wilbert ay para akong pansumandaling napatiran ng hininga.

"Godfrey!!!" bulalas ko. Marahan akong lumapit sa kanya. Unti unting pumatak ang luha ko nang hindi ko namamalayan. "Godfrey." ulit ko. Ngunit habang papalapit ako ay tila nagbabago ang nakikita ko. Pero patuloy akong lumapit. Nang makalapit akong mabuti ay hinawakan ko ang mukha nya. Ngunit tinapik nya ang kamay ko.

"Hindi ako si kuya Godfrey. Ako si Guilrom. Kapatid nya ako." sabi nito saken. Siniguro kong mabuti. Hindi nga sya si Godfrey. May ilan silang pagkakaiba sa itsura at higit sa lahat yung titig nya saken. Blangko. Imposibleng titigan ako ng ganun ni Godfrey.

"Collin. Hindi sya si Godfrey. Sya ang nakababatang kapatid ni Godfrey at nandito sya para tumulong lutasin ang kasong kinalimutan na ng mga taong sangkot dito." sabi ni Wilbert.

"COLLIN?! Collin ba kamo?!" ang mabigat na banggit nung lalake sa pangalan ko. Nabigla ako nang hawakan nya ang damit ko at ambang susuntukin ako. Agad namang namagitan si Wilbert samen. Inawat nya yung lalake.

"Guilrom!!! Itigil mo yan!!! Nagkakamali ka ng iniisip." sabi ni Wilbert.

"Anong ibig mong sabihin?!" tanong ni Guilrom at itinutok nito ang flashlight na hawak nya sa mukha ko. "Malamlam na mga mata. Matangos na ilong. Mapupulang labi. Yan ang paglalarawan ni kuya sa kaniya. Hindi ako pwedeng magkamali. Bakit mo pinatay ang kuya ko!!!" sabi ni Guilrom at nag-umpisa itong tumangis.

"Hindi si Collin ang pumatay sa kuya mo." sabi ni Wilbert. Habang pilit pa rin nyang inilalayo si Guilrom sa akin.

Naguguluhan ako. Anong pinatay?! Hindi ko magagawa 'yun. "Anong pinatay!!! Ipaliwanag nyo saken 'to!! Wilbert!!! Anong nangyayari dito?! IPALIWANAG NYO SAKEN 'TO!!!" sigaw ko sa kanilang pareho. Si Wilbert naman ay hindi halos alam ang gagawin. Sa isang malagim na aksidente namatay si Godfrey. Isang bagay na hindi ko na maalala. Saan nanggaling 'yung ideyang pinatay sya. At bakit ako ang pinagbibintangan n'ya.

"Pakiusap. Huminahon kayong dalawa. Hayaan nyo na lang na malutas naten 'to ng maayos. Walang mangyayari saten kung tayo mismo ang magkakagulo." sabi ni Wilbert.

"WALA AKONG PAKEALAM SA KASO!!! ANG GUSTO KO IPALIWANAG MO SAKEN 'TO!!!" Sigaw ko ulit.

"PINATAY MO ANG KUYA KO!!! AT WALA NANG DAPAT IPALIWANAG PA!!!" balik na sigaw saken ni Guilrom.

"Magsitigil kayo pakiusap. At 'wag nyong itanong saken ang bagay na hindi ko kayang sagutin. Pakiusap... Magsitigil kayo..." sabi ni Wilbert at bigla na lamang itong naluha. "Guilrom, hindi si Collin ang pumatay sa kuya mo. Maniwala ka, hindi ba't ang bagay na 'yan ang nilulutas naten. Pakiusap huminahon kayo. Magtulungan na lang tayo."

"Naguguluhan ako. Hindi ba't sa isang aksidente namatay si Godfrey. Hindi sya pinatay. Hindi. hindi... HINDI!!! HINDI!!!" lalo akong nagiging emosyonal sa mga naririnig ko.

"Pinatay n'yo ang kapatid ko. Pareho kayo ng kuya mo. Pinatay nyo sya!!! Kaya pagbabayaran n'yo 'to." sabi ni Guilrom habang nakatitig ito ng matalim saken.

"Collin. Alam mo ba kung nasaan ang 'Mirage Renata'?" tanong ni Wilbert.

"Bakit? Bakit nyo hinahanap 'yun?" balik tanong ko sa kanya.

"Kung totoong wala kang kasalanan. ipakita mo samen 'yun. Mapapatunayan nun kung inosente ka talaga." mahinahong sabi ni Guilrom.

"Anong kinalaman nun sa pagkamatay ni Godfrey?" tanong ko ulit.

"Hindi ko maintindihan, pakiusap ipaliwanag n'yo saken kung anong kinalaman nun sa pagkamatay ni Godfrey." sabi ko habang patuloy na tumutulo ang luha ko.

"Collin. Mahirap sagutin ang itinatanong mo. Malalaman mo rin ang lahat kapag nalutas na ang kasong ito. Pakiusap naman, 'wag ka munang magtanong. Kailangang mahanap ang painting na 'yun para matapos na ang lahat ng 'to." pakiusap ni Wilbert

"Hindi ko alam. Nakalimutan ko na kung nasaan na 'yun. Ipininta namen ni. . . . ..." putol kong pagkakasabi. Pinilit kong alalahanin kung nasaan na 'yun. "Ang alam ko, ipininta ko iyon... kasama si. . .." Hindi ko talaga maalala. "Bakit?! Bakit?! Hindi ko maalala. Bakit hindi ko maalala!!!"

Habang iniisip ko iyon ay bigla na lamang sumakit ang likuran ko kasabay din nun ang pagsakit ng ulo ko. Hanggang sa nagsulputan ang mga imahe sa utak ko. Lumalabas na naman ang demonyo.

Mainit! Sobrang init! Hindi ko matagalan ang biglaang pag-init ng lugar. Pakiramdam ko sa sarili ko ay basang basa na ako sa pawis. Iminulat ko ang aking mata. Nakita ko ang buong paligid na gumagalaw. Umiikot at yumayanig. "Waaaahhh!" at narinig ko ang sigawan at mga daing na para bang nahihirapan. Nag-umpisa nang tumulo ang luha ko dahil sa mga daing. Hindi ko alam ang gagawin ko. Naaawa ako pero wala akong maisip na paraan para makatulong. Binabalot na rin ako ng takot sa paligid na ginagalawan ko. "Mainit! Mainit! Napakainit! WAAAAhhhhh!" sigaw ko. Pero wala man lang nakarinig. "Tulungan nyo ako!!! PAKIUSAP!!!" muli kong sigaw ngunit wala pa ring nakaririnig. Nilalamon na ako ng matinding takot sa lugar na ito at wala akong magawa para makalabas.
"Tulungan mo kami!!!" sabi ng isang boses at nasundan pa ito ng isa pa.
"Humingi ka ng tulong, pakiusap. Tulungan mo kami."
Hindi ko sila makita. Hindi ko alam kung papaano ko sila tutulungan. Gusto kong sumigaw pero hindi ko na magawa dahil isang kamay mula sa kawalan ang sumulpot upang takpan ang bibig ko. "Wag kang sisigaw!!! Wala rin namang makaririnig!!" sambit ng isang galit na galit na boses.
Nanginginig na ang katawan ko. Mas gugustuhin ko pang mamatay kesa maransan 'to. "Ayoko na!!! Tulungan nyo 'ko!!!" sigaw ko sa isip ko. At lumabas mula sa dilim ang isang mukha. Lalo akong nakaramdam ng takot. Lalo akong nawalan ng pag-asa nang makita ko kung sino ang nagpapahirap saken. Si kuya Connor. Pilit nyang tinatakpan ang bibig ko. Binusalan nya ako at itinali nya ang mga kamay ko ng napakahigpit, ganun din ang ginawa nya sa mga paa ko. May hawak syang lighter! May hawak syang lighter!.. nanlaki ang mga mata ko sa labis na takot. Masaya sya sa ginagawa nyang pagpapahirap saken. "Kuya! Bakit?" tanong ko sa isip ko. Iniwan nya ako na nasa ganoong ayos. At nang mawala sya sa harap ko ay isang buhay ngunit duguang lalake ang tumambad sa harap ko. "GOdfrey!!!" muli kong pagsigaw sa isip ko. Natataranta ako. Gusto kong makawala dito para matulungan ko sya. Kitang kita ko ang katawan ni Godfrey na tadtad ng sugat. Nakahandusay sya sa sahig. Gumagapang ito papalapit saken. Pinipilit nyang iabot ang kamay nya saken. Gusto ko iyong abutin, ngunit hindi ko magawa. Nakagapos ako. Nagpatirapa ako at nag-umpisa ring gumapang papunta sa kinalalagyan nya. At nang makalapit ako sa kanya ay nakita kong naglalabas na sya ng dugo mula sa kanyang bibig. "Godfrey!!!" ang paulit ulit na pagsambit ko ng pangalan nya sa isip ko. Magkatapat na ang mga mukha namen. Ikinikiskis ko na lamang ang aking pisngi sa pisngi nya upang ipahiwatig na hindi ko sya iiwan. Bigla na lamang lumayo ang katawan ni Godfrey saken. Hinatak sya ni kuya Connor palayo saken. Dinala nya ito sa kabilang gilid ng silid. Ganoon din ang ginawa nya saken, dinala nya ako sa kabila. Malayong malayo na ang agwat namen.
"Mamamatay kayong magkalayo!!! Hindi nyo makakapiling ang isa't isa kahit sa impyerno!!! Isinusumpa ko kayong dalawa!!!" sabi ni kuya.
Lumabas na si kuya ng silid. Sumulyap ako kay Godfrey. Durog na durog ang damdamin kong makita sya sa ganoong kalagayan. Wala nang paglagyan ang luha ko sa sobrang hinagpis na nararamdaman ko. Muli ay pinilit kong gumapang papunta sa kanya, gusto ko syang damayan sa paghihirap nya. Hinding hindi ko sya iiwan. Nakita ko ang muling pag-gapang ni Godfrey palapit rin saken. Dahan dahan. Dahan dahan. Lima... Apat... Tatlo... ilang sandali na lang at magkakalapit na kami. Kung ito na ang huling sandali ng mga buhay namen ay sisiguruhin kong sabay naming lilisanin ang mundong ito. Kasama ko sya sa lahat ng hirap. Kasama ko sya sa ginhawa. Kaya hinding hindi ko sya iiwan sa pagkakataong ito. Dalawa... ii...

Muling pumasok si kuya Connor sa loob ng silid may dala itong canvas at brush. Kitang kita ko ang naglalagablab na apoy sa labas. Halos wala na rin akong lakas pa para sumigaw. Pero pinilit kong ibuhos lahat ng boses ko nang bigla na lamang nyang hatakin si Godfrey papalabas ng silid.
"Hindi! Hind! Ibalik mo sya rito kuya. Kuya!!!" sigaw ko hanggang sa isinara nya na ang pinto habang hatak hatak ang nanghihina nang katawan ni Godfrey.

Nagising na naman ako mula sa isang bangungot. Masakit pa rin ang ulo ko pero hindi ko na iyon ininda. Pagbangon ko ay nakita ko si kuya. Nakatitig ito saken na para bang awang awa sya saken. Agad akong tumayo para lapitan sya.
"Kuya. Nanaginip ako. Masamang panaginip kuya. Kuya... Nakakatakot." at unti unti na naman akong lumuha.

"Bakit hindi mo subukang tanggapin ang totoo? Bakit mo kasi tinatakasan. Maging matapang ka naman pakiusap. Hindi mo malalaman ang katotohanan kung patuloy kang tatakbo palayo. Pakiusap." sabi ni kuya saken.

"Kuya? Natatakot ako." sabi ko

"Wag kang matakot, nakikiusap ako sa'yo. Yakapin mo ang katotohanan para makalaya ka na. Kung patuloy kang magbubulag bulagan. Baka mangyari na ang kinatatakutan ko. Ayaw kitang iwan, pero unti unti na akong naglalaho. Pakiusap ayaw kitang iwan. 'wag mo akong hayaang mawala. Pakiusap." natakot ako sa sinabi ni kuya. Kung pati sya mawawala saken ay tuluyan na ngang mawawalang saysay ang buhay ko.

Yayakapin ko sana si kuya ngunit madali itong umiwas saken. Patungo sya sa pintuan. "May naghahanap sa iyo sa baba." huling sabi nya bago ito tuluyang lumabas. Pagkatapos nun ay nagbihis ako ng maayos na damit tsaka ako bumaba. At pag baba ko ay nakita ko ang maraming tao. Nang mapansin nila ako ay sabay sabay silang napatitig saken.

Ilang pulis ang naroroon. Kasama si Wilbert at naroroon din si Guilrom. Kausap nila si mama at tito Ronald. Naroroon din si Winston ngunit wala si kuya.

"Ano bang gagawin nyo sa anak ko. Wala syang ginagawang masama. Wilbert, pakiusapan mo naman 'tong mga kasama mo. Kaibigan mo si Collin, alam mong wala syang kasalanan sa nangyare." pakiusap ni mama.

"Sya po ang prime suspect sa nangyaring pagpatay limang taon na ang nakalilipas. May search warrant po kami at may karapatan na po kaming dakpin sya. Matagal na po s'yang pinaghahanap ng batas. At kung hindi kayo papayag na mahuli s'ya ay mapipilitan kaming hulihin kayo dahil sa kasong pagkukubli. Alam naming alam n'yo kung saan sya nanggaling sa loob ng limang taon hindi po ba." sabi nung isang pulis.

"Ako, ako na lang ang hulihin nyo. Oo, may kasalanan ako kaya ako ang hulihin nyo. Pakiusap, pabayaan nyo ang anak ko. Hindi nya kakayanin ang buhay sa bilangguan." sabi ni mama.

Ayoko. Ayokong makulong. Pero kung itinuturo ako sa salang pagpatay kay Godfrey ay hindi ko iyon tatakbuhan. Ito ang katotohanan. Dapat ko itong tanggapin. Ayaw kong mawala si kuya. Kaya hindi na ako tatakbo.

Habang bumababa ako sa hagdan ay unti unti kong tinitibayan ang loob ko. Pumunta ako sa kinaroroonan nila at inilahad ang magkatabing kamay ko. Handa na ako para dakpin nila. Agad nila akong pinosasan. Pinipigilan ni mama ang paghuli saken ngunit sinaway ko sya.
"Ayos lang ma. 'wag kang mag-alala. Kaya ko ang sarili ko." sabi ko kay mama at tuluyan na nga ikinabit ang posas sa aking mga kamay.

Nakita ko ang seryosong mukha ni Guilrom. Ganun din ang nag-aalalang mukha ni Wilbert at mama. Ang naguguluhang mukha ni Winston at tito Ronald. Paglabas namen ng bahay ay nakita ko si kuya sa hindi kalayuan. Tinanguhan ako nito upang ipakita saken na tama ang naging desisyon ko. Sa kabilang dako ay nakita ko ang mukha ng demonyo. Nakangisi itong tumitig saken. Hindi ako nakaramdam ng takot. Subalit unti unting namanhid ang katawan ko. Kasabay ng aking pagkabingi. Wala na akong marinig sa paligid ko. Pero patuloy akong naglakad patungo sa sasakyan ng mga pulis. Isang sulyap pa sa mabatong lupa at tuluyan na nga akong nakapasok sa loob ng sasakyan. Sumilip ako sa labas bago isara ang pinto. Nakita ko yung demonyo na nakangisi pa rin. Ngumiti rin ako sa kanya at napalitan ng galit na ekspresyon ang mukha nung demonyo.

Palalayain ko ang sarili ko mula sa mapanganib na kamay ng demonyo. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanang matagal ko nang tinatakbuhan. Hindi na ulit ako matatakot. Kung hindi lang rin ako patatahimikin ng demonyo ay mabuti pang makasanayan ko na lang na nandyan sya. Mula ngayon ay hahayaan ko syang gawin ang gusto nya.

Isang paanyaya sa demonyo ang sinambit ko sa aking isipan. "Halika na, mahal kong kapatid."

Pagkarating namen sa istasyon ng pulis ay agad akong dinala sa isang silid. Silid na walang tao. Walang bintana. Naroroon ay isang salamin. Tatlong tao lamang ang pumasok roon bukod saken. Ang magkapwa pulis na sina Wilbert at Guilrom. At ang isa pang pulis na may bitbit saken.

"Tanggalin nyo ang posas nya." sambit ni Wilbert

"Hindi pupwede. Baka kung anong gawin nya. Mas mabuti nang sigurado." sabi ng pulis na humahawak saken.

"Akong bahala sa kanya. Hindi sya gagawa ng masama dito." sabi ni Wilbert. Pagkatapos ay agad namang tinanggal ang posas ko.

Nang makaupo na ako ay agad na lumabas yung isang pulis na humahawak saken. Pagkalabas na pagkalabas nung pulis ay agad naman akong kinausap ni Wilbert.

"Collin. Sabihin mo lang lahat ng totoo. Sinisiguro ko sayong hindi ka magtatagal sa kulungan. Patutunayan ko sa kanilang wala kang kasalanan. Ipinaliwanag ko na kay Guilrom ang lahat. Ang kailangan na lang ay ang statement mo at yung natitirang ebidensya." sambit ni Wilbert.

"Wala naman akong balak tumakas eh. Kaya nandito ako ay para malaman din ang totoo." sabi ko.

"Pero ikaw ang nakakaalam ng totoo." sabi ni Guilrom

"Maipapangako nyo bang malulutas nyo ang kaso at pagkatapos ay kalilimutan na natin itong lahat?" tanong ko.

"Malulutas ang kaso kung magsasabi ka ng totoo." sabi ni Wilbert.

"Ano bang gusto nyong malaman?" tanong ko.

"Sino ang pumatay sa kuya ko?" tanong ni Guilrom.

"Ako ang pumatay sa kuya mo." sagot ko. At isang malakas na suntok ang tinanggap ko mula kay Godfrey. Natumba ako kasama ng upuan.

"GAGO KA!!!" ang galit na galit na sambit ni Guilrom. Agad na pumunta si Wilbert saken upang ako'y itayo.

"Collin, magsabi ka ng totoo. Alam kong hindi ikaw ang pumatay kay Godfrey. Papano malulutas ang kaso kung patuloy kang magsisinungaling." sabi ni Wilbert.

"Akala ko ba handa ka na?! Kaya ka sumama dito. Bakit naduduwag ka na naman?!" sambit ni Guilrom.

"Huminahon ka Guilrom. Wag kang magpadala sa init ng ulo mo." sabi ni Wilbert.

"Mukhang hindi pa naten makakausap ng maayos yan tungkol sa kaso." sabi ni Guilrom

"Kung hindi ka pa handang ipagtapat ang lahat. Sabihin mo na lang samen kung nasaan ang 'Mirage Renata'" si Wilbert

Tinitigan ko sya diretso sa kaniyang mga mata. "Nasa libingan ko." ang maigsi kong sagot.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This