Pages

Saturday, December 31, 2016

Vladimir's Lullaby

By: Jam Camposano

Hindi ko alam kung ilang beses nang nasaktan ang damdamin ko sa iba't ibang dahilan. Nandyan ang pag-ibig, pamilya o di naman kaya ay mga kaibigan. Ang bagay na nararanasan ko ay natural lamang na pinagdaraanan ng isang tao. Given na ang lahat ika nga. Pero ikaw rin mismo ng nagsusubo sa sarili mo ng mga pighati. Kung sa una pa lang ay naiintindihan mo na ang takbo ng sitwasyon ay siguradong makakaiwas ka. Ang kaso lang, may pagkamanhid ako. Pikit-mata ko lang na tinatanggap ang mga mali, dahil gusto ko ang ginagawa ko.

Late 20's nako nakatungtong ng college. Trabaho ang inuna ko imbes na pag-aaral. Pero kahit naman gustuhin ko ay hindi pa rin maaari dahil kailangan kong kumayod para sa pamilya ko. Kaya nung makapasok ako ng kolehiyo ay parang nasisisi pa ako ng pamilya ko dahil nagkaroon pa kami ng malaking gastusin.

Nahihirapan ako sa kahit anong klase ng sitwasyon. Marunong naman ako pero ayaw na ayaw ko lang sa lahat eh, nasasaktan ako. Pero sa patuloy kong paghahanap ng kaligayahan ay palagi na lamang akong nasusuong sa mga bagay na magbibigay saken ng panandaliang saya at sakit na inaabot ng pangmatagalan. Pero hindi ko lubos naisip na sa isang libro ko lang pala matatagpuan ang kasagutan sa mga katanungan ko. Ang librong naglalaman ng isang kwento ng pag-iibigang sinubok ng mundo. Ang pag-ibig na hindi makasarili walang pag-iimbot. At ang pag-ibig na hinamak ang lahat, maging ang kamatayan.

Kasama ko noon si Lee sa isang project namen. Kaklase ko sya sa literature. Sa totoo lang matagal na akong may gusto sa kanya, ang kaso lang hindi ko maamin dahil baka masapak nya pa ako o di naman kaya ay masira ang pagkakaibigan namen. ayokong mangyari yun kaya mas mabuti nang ganun. Isikreto na lang hanggang mawala.

Naghahanap kami ng mga hindi kilalang literatura galing sa ibang bansa. Sa internet, sa library. Pero ang hindi namen alam ay makikita lamang namen ang libro sa isang lumang bookstore sa Recto.

Nakita ko ang libro na ito na natatabunan ng iba't ibang klase ng libro na mas kilala. Hindi ito napapansin dahil kahit ako ay hindi ko kilala ang author. Naisulat ang libro noong 1300's. Kaya iniisip ko kung bakit hindi sumikat ito. Samantalang si Shakespear eh kung saan saan nakabalandra ang libro. Ganun di si Miguel de Cervantes. Pero ang author na ito na nagngangalang 'Dantoin' (Walang apelyido) ay hindi man lang nakilala kahit papano. O baka ako lang ang walang alam tungkol sa kanya. Ewan.
Dahil hindi kilala ang author ay pinasya ko itong bilhin. Kung hindi kilala eh malamang sa malamang rare ito. Wala akong kahit anong ideya tungkol sa libro. Ang mahalaga lang saken ay hindi kilala ang author at muka itong luma. Sa sobrang dumi ng librong ito ay nagmistula na itong bagong hukay na kamote. Sabagay ganyan naman talaga ang mga tindahan dito sa Recto, basta hindi mabili eh pinapabayaan na. Buti na lang at interesante ang cover nito. Isang lalakeng nakahubad na nakahandusay sa lupa.

Matapos naming pumili ni Lee ng librong gagamitin namen sa project ay agad kaming tumuloy sa kanila. Upang umpisahan ang aming gagawin.

"Upo ka muna dyan dre, magbibihis lang ako." sabi ni Lee nang makarating na kami sa bahay nila.
"Sige lang. Uhm pwede makiinom?" tanong ko.
"Sige lang, feel at home." sabi nya sabay ngiti.
Ewan, sa tuwing makikita ko yung ngiti nya eh parang umiinit ang tenga ko. Ayoko nga masyadong tignan eh kasi, tuwing gagawin ko iyon eh, medyo nahihirapan akong alisin yung pagkakatitig ko doon. Yung singkit nya kasing mata eh lalong lumiliit sa tuwing ngitngiti sya. Tapos parang ang sincere sincere ng mukha nya. Mukhang inosente na ewan kung inosente nga ba..

Marahan akong naglakad papunta sa kusina. Medyo nagaalangan kasi ako dahil baka may makakita saken na kasama nya sa bahay at mapagkamalan pa akong magnanakaw.

Nang makarating ako sa kusina ay agad ko namang nakita ang ref. Sabi nya 'feel at home' edi feel at home nga. Pagkatapos kong makainom ng tubig ay tsaka ako dumiretso sa c.r. nila. Nasa kusina lang din ito banda. Hindi naman kalakihan ang bahay nila pero maayos. Madaling makita ang lugar na hahanapin mo.

Nang matapos ako ay tsaka ako ulit bumalik sa sala. Medyo natagalan sya sa itaas kaya naman medyo nabagot ako. Isinandal ko ang aking likod sa sofa at nagpumiling na nasa bahay ako. Medyo nakakaantok pero nagising ang diwa ko nang biglang marinig ko ang mga yabag sa hagdan. Napalingon ako sa hagdan at "Ehmerrgggerrrdd!" Nang makita ko syang naka-boxers lang at walang pang itaas.
"Ahy! Jusme!!" sabi ko sa isip ko. Ang ganda ng katawan nya. Hindi naman sya macho pero pucha! Pangkama ang katawan. Yung medyo may taba pero sakto lang. Maputi at higit sa lahat. Nyeta! Ang ano nya nakabakat. "Ahynakupo!!! goodluck sa project! Sana makapag concentrate ako."

"Pasenya na ah. Iniligpit ko pa kasi yung kama ko. Baka maabutan ni mama, pagagalitan na naman ako nun. Tara umpisa na tayo." sabi nya.

"Tara, umpisahan na naten para makarame." sabi ko.

"Asan na yung librong binili naten?" tanong nya sabay labas ko nung plastic na may lamang libro. Binuksan ko ito at tsaka ko inilabas yung dalawang libro. Umupo sya sa tabi ko at kinuha yung mga libro. Medyo nakakailang pero, pag-aaral ang ipinunta ko dito. hindi paglalandi!

"Viennois? Mukhang ayos yan ah." sabi nya.
"At hindi kilala ang author." sagot ko naman sa kanya.
"Unahin na nating gawin yan. Mukhang interesante yan kesa dito sa nabili ko. !700's lang eh. Mas luma yang sayo." sabi nya. Hindi na kami nagatubili pa at agad na naming binuklat ang librong una naming babasahin.

-Viennois, 1380 by Dantoin-
(Isinalin sa wikang tagalog)
——————————

"Ang kalayuan ng paglalakbay sa parang ng walang katapusang kawalan,
Sa pagal na katawan na ang natanto lamang ay pagdurusa, pighati at panimdim
Ang kadenang bakal ng nakalipas na nakagapos sa dibdib, na inadya ng kalawakan,
Sa aming pusong pinaglayo na umaasang magtagpo sa kamay ng madilim kong langit."

Ang malamig na samyo ng hangin sa akin ngang nanghihinang katawan na nagbibigay nginig sa buo kong kalamnan. Kasabay ng ilang patak ng ulan na nanggagaling sa nagbubukas sarang bintanang akala ko ay naisara ko na. Nag-uumpisa nang pumalahaw ang paparating na galit ng nagngingitngit na bagyo. Na pumupuno sa loob ng aking blangkong silid.

Umuusbong na ang kalungkutan na dinaramdam ko sa loob ng napakahabang panahon. Habang isinusulat ko ang laman ng aking isip sa isang mantsado nang papel. Nauupos na rin ang kandila at nagbabadya na itong pumanaw. Ngunit matiyaga ko itong ipinagsasanggalang sa ihip ng galit na hangin.

Kakaunti na lamang at matatapos na ang aking akda. Ngunit bigla na lamang pumalo ang malakas na hangin at tuluyang nagdilim ang paligid.
"Bakit?! Bakit?!" ang galit kong banggit sa bawat tanong.

Nag-umpisang tumulo ang luha ko dahil hindi man lang ako pinahintulutang tapusin ang aking isinusulat. Iilang linya na lamang ng mga salita ang aking iguguhit. Ngunit bigla na lamang pinatay ang ilawan ng isang galit na panahon. Malupit talaga ang mundo!
"Anong kasalanan ko sayo!!!" sambit ko na may nag-uumpisa nang manginig na boses.

"Nais mo nang wasakin ang lamesita sa harap mo ngunit malamyos pa rin ang iyong tinig. Iyan ang boses na kaytagal kong hinintay na muling marinig. Hanggang ngayon ay banayad ka pa rin sa pagkagalit." ang sambit ng isang boses sa hindi kalayuan. Ngunit hindi ako lumingon. Sapagkat hindi ko mapipigil ang aking sarili mula sa pagtangis. Nakikilala ko sya.

Nakapagtatakang huminto ang malakas na hangin na kanina lamang ay nagwawala sa apat na sulok ng mabatong silid. Pagdakay naramdaman ko ang init ng kamay na humipo sa aking balikat. Iyon na ang aking hudyat at tuluyan na nga akong lumuha.
"Inulila mo ako sa loob ng napakatagal na panahon? Bakit ngayon ka lang?" sambit ko.
"Tahan na. Paumanhin sa pagkaantala ng pagbalik ko. Ngunit masaya akong malaman na matiyaga kang naghintay sa akin." sabi nya.
"Kung hindi kita hihintayin? Sino pa ang maghihintay sa'yo?" tanong ko sa kanya. Napipi syang bigla sa aking itinuran.
"Wala akong inaasahang maghihinatay sa akin kundi ikaw. Sapagkat ikaw na lamang ang meron ako." malungkot niyang tinig.
"Patawarin mo ako. Nanabik lang ako ng husto." sabi ko at ako'y lumingon sa kinaroroonan nya. Marahan akong tumindig at siya naman ay untiunting ibinalot ang mga braso sa aking katawan.
"Natakot ka ba?" tanong niya.
"Ano pa bang katatakutan ko? Nariyan ka na, hindi ka na ba mawawala ulit?" balik tanong ko sa kaniya.
"Hindi na ako lilisan. Mananatili na ako sa tabi mo upang mahalin ka ng walang hanggan. Hindi ka na muli pang masasaktan." ang kaniyang pangako.

Tinitigan ko sya sa kaniyang mga mata at unti unting naglapat ang aming mga bibig. Inakay nya ako upang maupo sa isang malaking bato. Malayo sa malalamig na rehas ng piitang matagal ko nang itinuturing na silid.

Nang makasandal na kami sa pader ay tsaka niya ako muling niyapos. At pagdakay nakaramdam ako ng matinding antok.
"Matulog ka nang mahimbing. Maglalakbay na tayo sa lugar na wala nang maaari pang makapaghiwalay sa atin." sambit nya.
"Hintayin mo ako Vladimir." pakiusap ko sa kanya at nakita ko ang kaniyang matapat na pagsang-ayon.
"Naririto lang ako. Hindi ka na muli pang mag-iisa." sambit nya bago ko tuluyang ipikit ang aking mata.
———————————————————

Malamig na hapon nang lumipat kami sa isang nayon dito sa Pransya. Naglilingkod kasi ang aking ama kay Charles VI na kamakailan lamang ay kinoronahan bilang hari. Bilang sukli sa katapatan ng aking ama ay pinagkalooban kami ng malawak na lupain at malaking kongkretong bahay. At ginawaran din ang pamilya namin ng natatanging pagkilala. Mainit ang ginawang pagtanggap ng mga tao sa lupaing nasasakupan namin. Ngunit hindi ako nasisiyahan sa kanila. Akoy hindi pinalaki ng mga magulang ko na nakikihalobilo sa mga kagaya nila. Kaya iilang kaibigan lamang ang nakikilala ko sa buong buhay ko.

Nang matapos ang pagsasaayos ng aking silid ay agad akong nagtungo roon upang makapagpahinga. Matamlay akong nahiga sa aking higaan. May lungkot at pangungulila mula sa mga malalapit na kaibigan ang aking nararamdaman. Mas nanaisin ko pang bumalik sa aming dating tirahan. Maliit man ay may mga kaibigan naman ako. Ngayon ay wala na. At magsisimula na naman ako ng panibagong pakikisama.

Sa mura kong edad ay nakasanayan ko nang magkulong sa aking silid sa tuwing ako’y nakakaramdam ng kalungkutan. Dahil ang aking ina na dapat ay umaalo sa akin ay hibang sa pagmamayabang ng mga bagay na meron kami. Hindi ko gusto ang ugali n’yang iyon. Malupit sya sa aming mga tagapaglingkod at hindi sya kahit minsan nahabag sa kahit kaninong walang kakayanan sa buhay. Ang aking ama naman ay walang alam kundi ang sundin ang ipinag-uutos ng kanyang pinaglilingkuran. Halos lumaki ako sa kamay ng mga tagapaglingkod. Sila na nga ang itinuturing kong mga magulang. Ngunit sa tuwing makikita ako ng aking ina, na masayang nakikipag-usap sa mga naglilingkod sa amin ay agad syang nag-uumapoy sa galit. Ayaw nitong nalalapit ako sa kanila dahil mga alipin sila. Nais ko nga minsang ipaunawa sa aking ina; na ang mismong nagtataguyod sa aming pamilya ay isa ring alipin. Isang mataas na personalidad lang ang pinaglilingkuran ng aking ama, ngunit hindi maikakailang isa rin syang alipin. Hambog; yan ang aking ina.

Hindi ako nakatulog ng matiwasay dahil sa paninibago. Maagap akong bumangon. Mahimbing pa ang tulog ng aking mga magulang kaya naman lihim akong lumabas ng bahay para makapag-ikot. Nang makita ako ng isa sa aming tagapaglingkod ay binati ako nito at ipinaghanda ng makakain. Nang matapos akong kumain ay agad akong lumabas upang isakatuparan na ang aking nais gawin.

Sa labas ay marami ang bumati sa akin. Nginingitian ko lamang sila. Nais ko sanang may makausap sa kanila, ngunit ni isa ay walang naglakas loob na lumapit sa akin. Nagpatuloy na lamang ako sa paglalakad. Kagaya ng nauna ko nang plano ay mag-iikot ako sa lupaing nasasakupan ng aking ama.

Napad pad ako sa kakahuyan. Tahimik. Napakapayapa. Huni ng ibon at ingay na gawa ng mga dahong hinahampas ng malamyos na hangin lamang ang naririnig ko. Hanggang sa masilayan ko ang isang malawak na kapatagan. Nakaramdam ako ng matinding kasiyahan. Nilanghap ko ang mabangong hangin na gawa ng tagsibol. Tumakbo ako. Tumakbo ako ng tumakbo sa labis na kaligayahan. Malaya ako rito. Walang tigil akong tumakbo at sumigaw. Masaya, tahimik, mapayapa at malaya, itong mga bagay na ito ang ninanais ko. Naglaro ako at inihayag ko sa kapaligiran ang aking musmos na kaisipan. Naglaro ako ng naglaro at walang ni isa man ang sasaway sa akin. Walang sinuman ang nakakaalam ng aking malawak na mundo. Ako lang ang naririto. Walang iba.

Napagod ako sa pagtakbo at paglalaro kaya naupo ako sa isang malaking bato para magpahinga. Hanggang sa makarinig ako ng isang kaluskos. Nahintakutan ako. Hindi kaya isa iyong mabangis na hayop? Tumayo ako at dumampot ng sanga. Dahan dahan akong lumayo sa pinanggagalingan ng kaluskos dahil sa takot. Pero handa ako sa anumang mangyayari. Hindi ako basta magpapalapa na lang ng hindi man lang lumalaban. Nagpakatapang ako. Nanginig naman ako sa takot nang makita ko ang isang lobo. Hindi ko maintindihan kung bakit may lobong lalabas ng umaga. Hinawakan ko ang sanga ng mahigpit habang umaatras ako. Dahan dahang lumalapit ang lobo sa aking kinaroroonan. Handang handa na ito upang ako’y salakayin. Ngunit isang batang sa tingin ko ay kasing edad ko ang lumabas mula sa likuran ng lobong nasa harapan ko. May dala itong patalim at agad n’yang inundayan ng saksak ang lobo sa leeg nito. Nagpumiglas pa ang lobo ngunit hindi na nito nagawang sakmalin ang bata dahil sa labis na dugong nawala rito. Hanggang sa unti unti nang bumagsak ang katawan ng lobo at namatay. Namangha ako sa batang iyon. Napakabilis nyang kumilos at higit sa lahat ay sigurado sya sa bawat galaw nya. Hindi ko kaya ‘yon.

Hindi man lamang ako nagawang tingnan ng batang iyon, bigla na lamang n’yang binuhat ang katawan ng wala nang buhay na lobo at tsaka umalis. Agad ko s’yang hinabol upang makilala. Marahil sa bigat ng kanyang dala kaya sya hindi makapagmadali, kaya agad ko s’yang naabutan.

“Ano ang iyong pangalan?” tanong ko sa kanya.

Huminto sya pansumandali at nagsalita “bakit mo nais malaman ang aking pangalan?”

“Dahil nais kong makapagpasalamat sa ginawa mong pagliligtas sa akin mula sa lobong tangan mo ngayon. Labis akong namamangha sa iyong husay at katapangan. Nais kong makipagkaibigan sa ‘yo.” Sambit ko sa kanya habang sya ay nakatalikod pa rin.

“Walang nagnanais na ako’y maging kaibigan. Base sa iyong pananamit ay nakikita kong nanggaling ka sa pamilyang may mataas na antas sa lipunan kaya bakit mo naman gugustuhing makipagkaibigan sa akin. Ang mga tulad ninyo ay mga hambog, na ang tingin sa mga taong may mababang uri ng pamumuhay ay alipin. At para sa kaalaman mo hindi ko iniligtas ang buhay mo. Kanina ko pa binabantayan ang lobong ito. Nangangaso ako para may makain ako sa katanghalian. Nagkataon lang na nagsilbi kang pain para lumabas ang lobong ito kaya hindi mo kailangang magpasalamat sa akin.” Sabi nya sa akin na may seryoso at malagong na boses.

“Patawarin mo ako kung ganun ang asal ng karamihan sa amin. Ngunit iba’t iba ang uri ang aming mga pagkatao. Hindi alipin ang tingin ko sa mga mahihirap. Ang tingin ko sa inyo ay kauri ko ring tao na mabubuhay at mamatay, pantay lang ang kalagayan natin dito sa ibabaw ng lupa. Kaya kung iyong mamarapatin ay nakikiusap akong ibigay mo sa akin ang iyong pangalan.” Hindi sya sumagot at tumuloy na sya sa paglalakad.

Hindi ko na alam kung gaano na ako katagal na sumusunod sa kanya. Pamisan minsan ay nililingon nya ako pero hindi naman nya ako pinipigilang sumunod sa kanya. Malayo layo na rin ang aming inilakad. Ni hindi man lamang nya nagawang magpahinga. Kung ako ngang walang kahit anong tangan ay napapagod na, marahil ay sya man. Napalayo na ako ng husto sa aming tahanan. Kung babalik akong mag-isa ay tiyak na maliligaw ako. Hindi ako sanay na malayo, lalo pa’t naririto ako sa lugar kung saan ako’y isang baguhan.

Sumapit na ang araw sa katirikan nito. Narito na ang takdang katanghalian ngunit hindi pa rin kami nakararating sa kaniyang tahanan. Napad pad kami sa isang napakagandang lugar. May batis, naglipana ang mga ligaw na sarwelas sa paligid at sa ‘di kalayuan ay matatagpuan ang isang yungib. Sa ikalawang pagkakataon ay huminto sya pansumandali at inilapag ang katawan ng lobong kaniyang pinaslang. Lumingon sya sa kinalalagyan ko.

“Isang napakalaking kahangalan ang sumunod sa isang estranghero. Naririto na tayo kung saan malayo sa kabayanan. Kung papaslangin kita ngayon ay walang sino man ang maka-aalam. Maliwanag pa, kaya umuwi ka na. Nakasisiguro akong hindi ka na makararating sa bahay ninyo ng buhay kung magpapagabi ka sa kakahuyan. Sa gabi naglalabasan ang mga mababangis na hayop. Lalapain ka nila at mamamatay ka ng walang pagsala kung aabutan ka ng hating gabi.” Itinuran nya na may seryosong mukha.

“Kung magkagayon man ay mas pipiliin ko na lamang na manatili dito. Hindi ko alam ang daan pabalik. Kung kanina pa ay sinambit mo na ang iyong pangalan, siguro ay kanina pa ako nakauwi.” Sambit kong tila pinahahagingan ang kaniyang konsensya.

“Vladimir.” Maigsi nyang sagot at tinitigan nya ako ng diretso sa aking mga mata. Tila humahagilap ng kung anumang reaksyon ang makikita nya sa akin.

“Steffan, iyan ang aking pangalan. Ikinagagalak kitang makilala ginoong Vladimir.” Ginawaran ko sya ng isang ngiti ngunit wala syang isinukli rito. Muli syang kumilos at ipinasan ang patay na lobo. Nagpatuloy sya sa paglalakad at ako naman ay nagpatuloy sa pagsunod. Hindi ko na talaga alam ang daan pabalik dahil sa napakalayo na ng aming narating. Pumasok sya sa yungib na nasa hindi kalayuan at ganun din ang ginawa ko.

Pagpasok ko sa yungib ay nakaramdam ako ng kaunting takot. Napakadilim sa loob. Wala akong makitang anuman. Maya maya pa ay narinig ko ang pag-uumpugan ng mga maliliit na bato. Nasisilayan ko rin ang mga mumunting kislap na mula roon. Gumagawa sya ng apoy. Ilang sandali pa ay nagningas na ang kumpol ng mga tuyong sanga at kumalat na ang liwanag sa buong yungib. Nagpatuloy lamang sya sa mga ginagawa nya na tila ba walang ibang tao sa paligid nya.

Tinanggal nya ang balat ng lobo. Inihiwalay nya ang mga balahibo nito at inumpisahang pira-pirasuhin ang mga laman nito gamit ang patalim na ginamit nya kanina para patayin ito. Naglinis sya ng isang sanga at dito nya itinuhog ang piniraso nyang laman ng lobo. Lumabas ito at tumungo sa batis upang hugasan ang karne ng lobo. Pagkatapos ay bumalik ito upang ihawin na sa apoy na nilikha nya ang karne. Ako naman ay hindi na makatagal sa sobrang katahimikan kaya kinausap ko na sya.

“Nag-iisa ka, nasaan ang mga magulang mo?” tanong ko sa kaniya. Natigilan ito at tsaka siya sumagot.

“Wala na akong mga magulang. Namumuhay akong mag-isa dito sa gitna ng kakahuyan.” Sagot nito.

“Papaano kang mabubuhay kung wala kang mga magulang? Nasaan sila at bakit hinahayaan ka nila dito?” muli kong tanong sa kanya. Napabaling sya sa akin at tinitigan ako nitong mabuti.

“Patay na sila.” Sagot niya at nagpatuloy na ito sa kaniyang ginagawa.

Hindi ko alam kung ano ang mga dapat kong maramdaman. Nalulungkot ako sa kalagayan nya pero sa kabilang banda ay nakararamdam ako ng inggit sa kalayaan nya. Ngunit sa kalayaang taglay niya ngayon ay ramdam ko rin ang pangungulila.

Ilang sandali pa ay naluto na ang karneng idinadarang niya sa apoy. Nag-umpisa na itong kumain. Nang makita ko syang kumakain ay napalunok na lamang ako ng laway dahil ako man ay nakararamdam na rin ng gutom. Napabaling siya sa akin at inalok nya ako ng pagkain.

“Alam kong gutom ka na. Malayo ang nilakad mo sa pagsunod sa akin. Halika at saluhan mo ako, kung wala ka ay hindi ko naman mahuhuli ang lobong ito kaya nararapat lamang na matikman mo ang karne ng lobong muntikan nang sumalakay sa iyo.” Sambit niya. Sa labis na gutom ay hindi na ako nagdalawang isip pa. Lumapit ako sa kinaroroonan nya upang saluhan siya sa pagkain. Kumuha ako ng isang tuhog at inumpisahan ko na itong kainin. May katigasan ang laman nito. Malangis at matabang ito kumpara sa mga inihahain sa aming tahanan ngunit sapat itong pantawid gutom. Habang kumakain ako ay nag-iisip ako ng mga bagay na maaari naming mapag-usapan. Sumulpot na lamang sa aking isipan ang isang tanong.

“Anong naramdaman mo nung paslangin mo ang lobong ito?” tanong ko.

“Wala.” Maigsi niyang sagot.

“Hindi ka man lang ba nagdalawang isip?” muli kong tanong.

“Pagkain ang tingin ko sa anumang ligaw na hayop dito sa kagubatan. Dahil pagkain din naman ang tingin nila sa akin. Uunahan ko na sila bago pa man nila ako maging laman tiyan. Lamunan ang sistema ng pamumuhay dito sa kakahuyan. Kakainin ng malalakas ang mahihina. Kung nais mong mabuhay rito, kailangang malakas ka para hindi ka maging talunan.” Makahulugang sagot niya. Siya naman ang hinintay kong magtanong sa akin ngunit hindi sya nagtanong kaya naman hindi na ako nagpumilit pang kausapin sya.

Pagkatapos naming kumain ay tumayo na siya at lumabas sa yungib. Sinundan ko sya dahil ayaw kong maiwang mag-isa sa loob. Siya lamang ang nakaalam ng pasikot sikot sa lugar na ito kaya hindi ako maaaring mahiwalay sa kaniya. Paglabas namin ay tumungo kami sa batis tumayo lamang siya sa gilid noon at ako naman ay naupo sa tabi ng isang puno. Hindi ko inasahan ang mga sumunod na nangyari. Walang pasubali niyang tinanggal ang kaniyang kasuotan. Mula sa kaniyang pang itaas hanggang sa kniyang pang ibaba. Hindi ako mapalagay sa kaniyang ginagawa kaya ibinaling ko na lamang ang aking paningin sa kung saan. Hanggang sa marinig ko ang paglusong niya sa tubig. Nang muli ko siyang pagmasdan ay nasa gitna na siya ng batis at nakaupo sa isang bato at nililinis ang kaniyang katawan. Nakasisiguro akong malamig ang tubig dahil tagsibol subalit natitiis niya ang lamig ng panahon. Pinagmasdan ko lamang siya habang nililinis ang kaiyang katawan. Hindi man ako mapalagay ay hindi ko na inilihis pa ang paningin ko sa kinaroroonan nya. May katagalan din siya sa ganoong kalagayan hanggang matapos na ito sa paglilinis ng katawan at aahon na. Tumayo siya sa batong kaniyang kinauupuan at naglakad patungo sa gawi ko. Sa tingin ko naman ay magkasing edad kaming dalawa ngunit pagdating sa katawan ay mas matipuno siya kung ikukumpara sa akin. Patuloy ko lamang siyang pinagmasdan hanggang sa makalapit na siya sa gilid ng batis. Hindi ko namalayan ang pagsulyap ng mga malalam-lam niyang mga mata sa akin. Muli ko na namang naibaling ang aking paningin sa kung saan. Nang makaahon na siya ay pinulot niya ang kaniyang mga kasuotan at tumungo sa lugar na nasisikatang mabuti ng araw. Doon ay hubo’t hubad pa rin siyang nahiga at pumikit. Ang pagkailang sa akin ay nawala na kaya naman sinamahan ko siya sa kinaroroonan niya. Humiga rin ako at pumikit. Nais kong maranasan ang pakiramdam ng mahiga sa damuhan habang nasisikatan ng araw. Napapawi ng init ng araw ang lamig na dulot ng tagsibol. Nakagiginhawa ng pakiramdam. Iminulat ko ang aking mga mata at bumaling ako sa gawi niya. Nakapikit pa rin siya at tila mahimbing na natutulog.

Hindi ko namalayan ang pagkakahimbing ko. Pagmulat ng aking mga mata ay wala na si Vladimir sa tabi ko. Agad akong napabangon at inilibot ang aking paningin. Namumula na ang langit na kani kanina lamang ay bughaw na bughaw. Tumayo ako at hinanap si Vladimir. Ngunit hindi ko sya matagpuan. Nag-ikot ako sa lugar upang makita ko sya subalit iniiwasan kong mapalayo ng husto sa yungib. Hindi ko kabisado ang daan at hindi makabubuti sa akin kung ngayon ako maliligaw sa gitna ng kakahuyan dahil malapit nang dumilim. Patuloy lamang akong nag-ikot upang matagpuan ko siya ngunit nabigo ako. Wala akong makitang kahit anong bakas nya.

Hindi ako tumigil sa paghahanap sa kaniya hanggang sa hindi ko napansin na napapalayo na ako sa yungib. Unti unti na akong nakakaramdam ng takot hanggang sa ang karuwagan ko ay tuluyan nang pumailanlang sa aking kaisipan. Nawawala na ang liwanag na dulot ng araw. Unti unti na ring naglalaho sa paningin ko ang aking nilalakaran.

Tuluyan na ngang naglaho ang araw at kumalat na ang dilim. Nasa gitna pa rin ako ng gubat. Halos nangangatog na rin ang aking katawan sa lamig ng paligid. Madilim. Nag-iisa ako. Paano na lamang kung bigla na naman akong salakayin ng mga lobo. Pinilit kong makabalik sa yungib, ngunit hindi ko talaga alam ang daan. Sinubukan ko ang bawat direksyon ngunit tuluyan na nga akong naligaw. Ito ang bunga ng kahangalan ko. Napad pad ako dito dahil sa sarili ko ring kagustuhan. Saan na ako paroroon? Nagpatuloy ako sa paghahanap ng daan hanggang sa makarinig ako ng kaluskos na nagmumula sa aking likuran. Isa. Dalawa. Tatlong lobo ang biglang nagsulputan sa aking harapan. Ang bawat isa ay kapwa handang sumalakay anumang oras. Hindi ko na alam ang dapat kong gawin. Punong puno na ako ng takot. Dumampot ako ng sanga upang ipanlaban sa mababangis na lobong nasa harapan ko ngayon. Naririnig ko na ang pagngangalit ng kanilang mga bibig. Umatras ako ng umatras. Nanghihina na ang tuhod ko sa labis na takot. Isa pang hakbang paatras ay bigla na lamang akong natalisod at napaupo. At ang mga lobo ay sabay sabay na sumugod patungo sa akin. Hindi pa man sila nakalalapit ay iwinasiwas ko ang sangang hawak ko. Napasigaw ako sa labis na takot habang patuloy ang pagwasiwas ko sa hawak ko.

"TULUNGAN NYO AKO!!!" sigaw ko.

Mabilis ang kilos ng isang lobo at bigla itong lumundag sa akin at ako’y napapikit, hinihintay ko na lamang ang paglapat ng kaniyang matutulis na ngipin saan mang parte ng aking katawan. Ngunit walang lumapat sa akin na kahit ano. Nagtaka ako kaya naman napamulat ako at nakita ko si Vladimir na may hawak na sulo at iwinawasiwas nya ito upang palayuin ang mga lobo. Tumayo ako at nilapitan ko sya. Tinulungan ko sya upang mabugaw ang mga lobo. Napapaatras na ang mga lobo at nang sapat na ang layo nila ay mahigpit na hinawakan ni Vladimir ang aking kamay tsaka kami tumakbo.

“ ‘wag kang bibitiw sa akin. Ligtas hangga't nasa tabi mo ako.” Sabi nya hanggang sa makarating kami sa yungib.

Nang makapasok kami sa loob ng yungib ay agad niyang dinagdagan ang mga panggatong at mas lumiwanag pa ang paligid. Naupo sya sa isang tabi at pumunit ng tela mula sa kaniyang kasuotan. Ang napunit na tela ay itinali nya sa kaniyang braso. Doon ko lamang napansin na nasugatan pala sya. Piniga nya ang bahaging may sugat at pinadugo ito. Lumapit ako upang tulungan syang paduguin ito. Ngunit tinapik nya ang aking kamay. Maya maya pa ay huminto na sya sa pagpiga rito at sumandal na lamang sa pader. Pinagmasdan ko siya at kitang kita ko ang pag-inda nya sa sakit. Ang pawisan niyang mukha at ang malalim na paghinga nya. Tahimik lamang sya at wala man lamang kahit anong imik. Maya maya pa ay dinampot nya ang isang tuhog ng karne na kanina pa pala nakadarang sa apoy. Kumain sya at ganun din ang ginawa ko. Pagkatapos ay nahiga sya at tuluyan nang pumikit. Ako naman ay sumandal lamang sa pader at pinagmasdan ko lamang sya habang natutulog. Ngayon lamang sumapit sa aking isipan na baka nag-aalala na ang mga magulang ko at ipinapahanap na ako. Ngunit napagtanto ko rin na wala naman akong magagawa kundi ang maghintay na mag-umaga para makauwi. Nagpatuloy lamang ako sa pagtitig sa natutulog na si Vladimir.

Nakaidlip ako. Nang maimulat ko ang aking mga mata ay nakita kong nanginginig si Vladimir. Lumapit ako sa kanya at hinipo ang katawan nya. Nilalagnat sya at nangangatog sa matinding lamig. Kaya naman dinagdagan ko pa ang gatong sa apoy. Ganun pa rin, hindi nagbago, nanginginig pa rin sya. Kaya naman hinubad ko ang pangibabaw na kasuotan ko at ibinalot sa katawan nya. Hindi pa rin sapat. Kaya naisip kong tabihan sya at yakapin.

Malapit ang mukha ko sa mukha niya. Ngayon lamang ako nakakita ng isang mukha sa ganito kalapit na distansiya. Tinitigan ko ang bawat parte ng mukha niya. Ang mahaba niyang pilik-mata. Ang ilong niya, labi at ang kabuuhan ng mukha niya ay kaaya ayang pagmasdan. Napabangon ako ng kaunti upang mapagmasdan ko pang mabuti ang mukha niya. Pumintig ang dibdib ko habang pinagmamasdan ko siya na mahimbing na natutulog. Isang pakiramdam na ngayon ko pa lamang naranasan. Ang malakas na pagpintig ng puso ko na nagdadala sa akin sa kawalan. Ang paninikip ng kalooban kong may kasamang kasiyahan. Ang pagkaaliw ng aking damdamin. Narinig ko ang isang ‘di pamilyar na tunog. Pinakakalma nito ang kaisipan at damdamin. Napangiti ako at muling yumakap sa kaniya.

Pagkagising ko kinaumagahan ay wala na si Vladimir sa aking tabi at ang kasuotang ibinalot ko sa kaniya ay sa akin na nakalagay. Bumangon ako at agad ko siyang hinanap ngunit bago pa man ako makatayo ay nasilayan ko na siyang pabalik sa loob ng yungib. May dala itong mga prutas. Naupo ito sa isang tabi at tsaka sya kumain. Inalok nya ako para kumain.

“Marahil ay nakararamdam ka na ng kalam ng sikmura. Halika’t kumain ka na rin.” Sambit nya. Lumapit ako sa kinaroroonan nya at tsaka dumampot ng prutas. “Pasasalamat ko yan sa iyong matiyagang pagbabantay kagabi.”

Patuloy lamang kami sa pagkain at pumailanlang na naman ang katahimikan. Nang pagmasdan ko siya ay nakatingin lamang siya sa labas ng yungib. Tila may hinihintay na dumating. Nais kong magtanong ngunit hindi ko na magawa. Hinayaan ko na lamang siya sa kanyang malalim na pag-iisip. Kahapon lamang kami nagkakilala at hindi lingid sa akin ang kasanayan niyang mag-isa. Mas makabubuti kung hindi ko siya gagambalain. Hindi ko mapapayagang makagalit ko ang nag-iisang taong nakaaalam ng daan ko palabas sa kakahuyang ito.

Ilang sandali ko pa siyang hinayaan sa pag-iisip nya at maya maya pa ay nagsalita na ako.

“Nais ko nang makauwi. Maaari mo na ba akong gabayan patungo sa aming nayon?” tanong ko sa kaniya.

“Maaari bang manatili ka muna kahit sandali? Sasamahan kita sa paglabas mo rito. Maaari bang samahan mo muna ako hanggang sa paglipas ng katanghalian?” tanong niya habang nakatingin pa rin sa labas ng yungib. Katahimikan lamang ang isinagot ko sa kaniya at ako’y nahiga na lamang at sumulyap rin sa labas ng yungib.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This