Pages

Thursday, May 11, 2017

Brad Mahal Kita, Matagal Na (Part 3)

 By: GuessWho

'BWISIIIT!! Ano ba ang pumasok sa isip ko at nagawa ko yun?' Sigaw ng utak ko.

Mukhang napalala ko pa ang sitwasyon. Ano nalang ang mukhang ihaharap ko kay Luke.

Binalikan ko sa isip ko ang mga nangyari.

Pinagbuksan niya ako ng pinto, nakita ko ang itsura niya, naawa ako, yumakap ako sa kanya at... at... hinalikan ko siya???

'NAMO ZION! Bakla ka ba? Paano nangyari yun? Tang-ina, PUKE lang ang gusto ko!' Galit na sigaw ng isip ko.

Putang-ina talaga. Tang-ina lang.

Pero bakit hindi mahinto ang kabog ng dibdib ko ngayon. Sa buong pagkakaalam ko ay kaibigan ko lang si Luke. Alam ko special siya sa akin pero, ano ang nangyari?

Gulong-gulo na talaga ako. Hindi ko makuha ang sagot sa mga katanungan ko. Naisip ko kung magpapakita pa ba ako kay Luke o magtatago na lang. Hindi ko pwedeng maidahilan na lasing ako dahil normal lang ako nang ginawa ko yun.

Nag-isip ako ng maidadahilan kung sakaling tanungin ako ni Luke kung ano ang ibig sabihin ng ginawa ko.

Pero bakit ko nga ba ginawa yun? Dahil ba naawa ako sa kanya? Pero bakit halik? Pwede namang yakap lang.

Tsk... Tsk...

Bahal na, iiwas na lang muna siguro ako sa kanya. Hindi ko kayang makita siya o matitigan. Paano kung ipagkalat niya sa tropa ang ginawa ko?

Kumulo ang tiyan ko, naalala ko hindi pa nga pala ako kumakain ng hapunan.
Masakit ang buong katawan ko at puro dugo ang mukha at damit ko. Kaya naisipan ko na munang maligo.

Hindi ko na masiyadong naalintana ang sakit na naramradaman ng katawan ko dahil bukod sa sanay na ako ay mas nangibabaw sa utak ko ang nangyari sa amin ni Luke kanina.

Nang matapos akong maligo ay ginamot ko muna ang mga sugat ko na nakaharap sa salamin.

Tiningnan ko maige ang taong nakikita ko sa salamin.

Puro sugat sa mukha at pasa sa katawan.

Napayuko ako.

'Hanggang kailan ba ako ganito?' tanong ng isip ko.

Nang matapos kong gamutin ang sarili ko at nakapagbihis ay paika-ika akong lumabas ng kwarto. Tutungo kasi ako sa carinderia na kinakainan ko na malapit lang sa tinutuluyan ko.

Pagka-lock ko ng pinto ay napansin ko si Luke na lumabas din ng kwarto niya.

Nataranta ako, hindi ko alam kung papasok ba ulit ako o tuluyan na lang na umalis at kunwari hindi ko siya nakita.

Mas minabuti kong magkunwari na lang na hindi ko siya nakita at tuluyang tumalikod papunta sa elevator na maghahatid sa akin pababa.

Kahit nakatalikod ako ay napansin kong nakasunod siya sa akin dahil sa mga tunog ng yapak niya. Mukhang maghahapunan din si Luke sa carinderia.

Patay na.

Nakalapit na siya sa akin at pareho na kaming naghihintay ng elevator.

Hindi ko siya tiningnan at hindi din naman siya nagsalita. Mabuti nalang din yun dahil wala akong alam na sasabihin sa kanya. Hiyang-hiya pa din ako sa ginawa ko.

Pagbukas ng elevator ay nauna akong pumasok at sumunod lang siya. Iniiwas ko pa din ang tingin ko hanggang sa mag sarado ang pinto.

Nasa 3rd floor lang naman kami pero parang antagal ng oras na nasa loob kami. Mahabang katahimikan lang ang namamagitan sa amin.

Nang marating ang groud floor ay nagmadali akong lumabas kahit na paika-ika, saka niya ako tinawag.

"Brad! Kakain ka rin ba?" Malumanay niyang sambit.

Naramdaman ko sa tono niya na parang wala lang sa kanya ang nangyari. Nag-isip ako kung sasabihin ko ba na kakain din ako o magdadahilan para hindi ko lang siya makasama na kumain. Wala talaga akong mukhang maiharap sa kanya.

Nakatalikod lang ako sa kanya at nakaisip ng isasagot.

"M-may bibilhin lang ako." Pautal kong pagdadahilan habang nakatalikod pa din sa kanya.

"Samahan na kita."

Kinabahan ako lalo. Saka ako lumingon pero iniiwas ko pa din ang mata ko na tumingin sa mga mata  niya.

"D-di na brad! M-mediyo malayo kasi pupuntahan ko." Pagsisinungaling ko.

"Ayos lang sa akin." Nakangiti siya.

Patay na.

Paano ko malulusutan ang Luke na ito. Mukha wala naman na akong maidadahilan. Pero bakit parang wala na lang sa kanya ang mga nangyari sa amin.

Pinapatawad niya na ba ako?

Nag-isip ako.

"San ka ba pupunta?" Tanong ko sa kanya.

"Kakain sana, gusto ko lang din sana ng may makasabay sa pagkain." Tila normal niyang sabi.

Hindi ko na nahihimigan o nararamdaman na galit pa siya sa akin. Parang bumalik ang Luke na dati kong kaibigan.

Pero teka, parang may mali. Hindi ba dapat mas nagalit siya sa akin dahil sa ginawa kong paghalik sa kanya?

"S-sige." Wala sa sarili kong sambit.

"Isasama mo na ako?" Excited niyang tanong.

"O-oo, ah h-hindi.. a o-oo." tang-ina nauutal ako. Nawala na ata ang pagiging Zion ko.

Tiningnan niya lang ako na mukhang naguguluhan sa inaasta ko.

Hindi ko talaga mawala ang nararamdamang hiya.

"Ibig kong sabihin. Sige, kain na nalang muna tayo. Mamaya na ako bibili." Sabay kamot sa ulo ko kahit wala namang makati.

Sa tingin ko namumula na ako sa kahihiyan.

"Tara na!" Pag-aaya niya.

Nilagpasan niya na ako samantalang nakapako lang ang mga paa ko sa kinatatayuan ko. Naguguluhan kasi ako sa inaasta ni Luke.

Pinapatawad niya na ba ako?

Lumingon siya sa akin.

"Ano? Sasamahan mo ba ako o sisipain ko yang mukha mo?" Seryoso niyang sabi pero alam ko nagbibiro siya.

Napangiti ako.

Nagbalik na nga ang kaibigan ko. Gantong-ganto kasi kami mag-usap.

Napailing na lang ako na sumunod sa kanya. Ang kaninang pagkailang na naramdaman ko ay napalitan ng saya.

'Mukhang pinapatawad niya na nga ako' sabi ng utak ko.

Nang marating namin ang carinderia ay umorder kami ng ulam at kanin, saka pumuwesto kami sa lamesa na lagi naming pinupwestuhan.

Mediyo naiilang pa din ako. Binabasa ko ang mga kinikilos niya.

Nakailang subo na kami ng pagkain ngunit wala pa ding nagsasalita sa amin. Naisip kong tuluyan nang humingi ng tawad.

"Luke."

"O brad?"

"Y-yung.... nangyari kanina...." naputol ang sasabihin ko dahil sumabat siya.

"Brad anong plano mo sa sem-break?" Pag-iiwas niyang tanong sa sasabihin ko.

Nahinuha kong ayaw niyang pag-usapan ang nangyari kanina. Mediyo ikinaluwag ng dibdib ko dahil ang totoo ay hindi rin ako handang pag-usapan namin yun. 

Hindi kaagad ako nakasagot sa tanong niya.

"Wala kang plano?" Dagdag tanong niya.

"Ah.. Oo meron, siguro uuwi muna ako sa probinsiya." Sa totoo lang hindi ko pa naiisip kung ano ang gagawin ko sa darating na sem-break. "Ikaw ba?"

"Uuwi ako ng Zambales, magsisiuwian din kasi mga pinsan ko. May outing daw kami." Saka siya sumubo ng pagkain.

Tumango lang ako saka ipinagpatuloy ang pagkain.

"Baka gusto mong sumama.." Pag-aaya niya.

Napaisip ako. Teka, hindi ko pa lubos maunawaan kung napapatawad niya na ba ako sa kagaguhang ginawa ko sa kanya tapos aayain niya akong sumama?

Ok lang naman sa akin ang sumama dahil wala naman talaga akong planong gagawin sa bakasyon.

"Pag-isipan ko." Naguguluhan pa din kasi ako sa sitwasyon.

"Brad masaya yun. Beach sa may Subic ang pupuntahan namin. Madaming chicks dun."

Anak ng!!

Hindi ko alam kung maasar o magi-guilty ako sa sinabi niya. Parang may dating kasi ang pagkakasabi niya, parang pinapaalala niya sakin kung gaano ako kagago pag dating sa babae. Pinapaalala niya ang kagaguhan na ginawa ko sa kanya. Pero wala naman akong karapatang magreact.

Kung ibang tao lang ang kaharap ko baka nabigwasan ko na siya.

Napansin niyang parang minasama ko ang pag-aaya niya.

"Ibig kong sabihin brad, masaya yung magiging outing namin. Sumama ka na! Akong bahala sayo."

"Nampucha naman brad! Hindi pa nga ako nakakabawi sa kagaguhan ko sayo... Kinukonsensya mo pa ako."

"Kalimutan mo na yung nangyari brad.. Wala na sa akin yun." Saka siya ngumiti.

Iba rin tong tukmol na ito ano. Sabagay, gantong-ganto naman talaga kami dati kapag may tampuhan. Hindi na kailangan humingin ng kapatawaran. Pero sa bigat kasi ng nagawa ko sa kanya ay hindi basta-basta at pakiramdam ko kailangan ko humingi ng tawad sa kanya. Pero sa inaasta niya ngayon, sa tingin ko ay hindi ko na kailangan gawin yun.

Tuluyan nang nawala ang agam-agam ko. Sa tingin ko kasi seryoso siya sa mga sinabi niyang "wala" na sa kanya kung ano man ang nagawa ko noon.

"Ano? Sasama ka na? Kung mag-iinarte ka pa, sasalaksakiin ko ng hawak kong tinidor yang lalamunan mo." Pagbibiro niya.

"Tang-ina mo!... Ooo na! Sasama na!" Kunwari pagalit kong tono.

Ang totoo ay sobrang saya ko. Bumalik na ang dati kong kaibigan. Kung ano man ang nasa isip niya kung bakit niya akong kinakausap muli ay hindi ko na tinanong. Mahalaga magkaayos na kami.

"Brad! Nakakapanibago lang..." Sambit ko.

"Ang alin?"

"Wala.."

Ang nasa isip ko talagang sabihin ay tungkol doon sa nangyari kaninang paghalik ko sa kanya.

"Oo nga pala! May utang ka sa akin."

Wala akong matatandaang utang na sinasabi niya.

"Nakalimutan mo na?"

"Namo! Wala akong utang sayo.!" Buraot kong sabi sa kanya.

"Namo din! Baka nakakalimutan mo ang ginawa mo sakin kanina?" Sinabayan ng nakakalokong ngiti.

Tang-ina, ito na nga ba sinasabi ko. Akala ko hindi na namin pag-uusapan.

Hindi ko magawang tumingin nang direcho sa mata niya. Nahihiya ako. Lakas kasi makabakla ng ginawa ko.

Parang may bara sa lalamunan ko at hindi ako makapagsalita. Ano naman ang idadahilan ko.

"Nakalimutan mo na?" Nang-aasar pa rin ang gago.

"Sige ipagsigawan mo!!!" Pikon kong sabi sa kanya.

"Ah gusto mo?"

Saka lumingon siya doon sa isang ate na nagseserve ng pagkain.

"ATE!!!" Sigaw niya sa babae.

"Namo brad! Subukan mo.."

Lumapit ang babaeng tinawag niya.

"Ano po yun sir?"

"Itong kaibigan ko kasi may utang sa akin.." saka tumingin sa akin.

Inabot ko ang bibig niya at tinakpan ko ng kamay ko. Malakas niya itong winaksi.

"Hindi pa ako tapos.." Sabi niya sakin.

"Paorder kami ng isang litrong Coke at i-charge mo dito sa tukmol na to." Sinabayan ng mahinang tawa.

Akala ko kung ano na ang sasabihin niya. Kasing kulay na ata ng pulang mantle na nakasapin sa lamesang kinakainan namin ang mukha ko.

"Ang gago mo lang brad! Namo!" pailing-iling kong sabi habang nakangiti at nakatingin sa plato.

"Tingnan mo yang mukha mo! Mukha ka ng kamatis sa kapulahan." Tawang-tawa pa din siya.

"Tigilan mo nga ko, baka gusto mong dagdagan ko yang blackeye mo!" Biro ko.

Sumeryoso siya.

"Ikaw na nga itong may utang ikaw pa itong galit?" nawala na yung ngiti sa labi niya.

"Nakakagago lang kasi."

Dumating ang inorder niyang coke at nagsalin siya sa baso. Saka uminom. Pagkakuwa'y biglang natawa habang punong-puno ng coke ang bibig. Sumirit tuloy sa mukha ko ang nailuwa niyang coke. At tuluyan siyang tumawa ng malakas kasabay ang pagpunas ng tumilamsik ng coke sa mukha niya.

Napaurong ako sa kinauupuan ko at kumuha ng tissue na nakalagay din sa mesa namin at agad na pinunasan ang tumilamsik na likido sa mukha ko.

"Gago!" Malakas na sambit ko at pinagtitinginan nadin kami ng mangilan-ngilan na kumakain doon.

Ngunit di ko na din maiwasang matawa sa itsura niya. Nababaliw na ata itong isang to.

Napapailing na lang ako. Hindi ko alam kung anong nakakatawa.

Pero masaya ako. Basta masaya lang.

Nang makauwi kami sa tinutuluyan at akmang bubuksan ko na ang pinto.

"Akala ko ba may bibilhin ka?" Tanong niya habang sinususian ang pinto ng kanyang kwarto.

"Bukas nalang siguro." Wala naman talaga kasi akong bibilhin dahilan ko lang talaga yun.

"Okay!" Saka tuluyan na siyang pumasok sa kwarto niya.

Pagkapasok ko naman ng kwarto ay dahan-dahan akong humiga sa lower bed ng double deck ko. Masakit pa din kasi ang katawan ko.

Naisip ko lang ang mga nangyari kanina. Hindi ko inaasahang ganun ang magiging pakikitungo sakin ni Luke. Naisip ko din kung ano kaya ang naramdaman niya ng hinalikan ko siya.

Nang ginawa ko yun, may malaking bahagi ng pagkatao ko na nagustuhan ang halik na yun. Pero laging sinasabi ng utak ko na mali.. Hindi pwedeng mangyari yun. Kaso nangyari na.

Namalayan ko na lang ang sarili kong napapangiti habang hawak-hawak ang ibabang bahagi ng labi ko. Pakiramdam ko kasi nakadikit pa doon ang labi ni Luke.

Bigla kong iniwaksi ang kalokohang naiisip ko. Hindi nga maaari yun. Hindi ako bakla at hinding-hindi ko naisip na magiging bakla ako.

Baka lang siguro nadala lang ako ng emosyon noong hindi kami okay ni Luke.

Gawa ng pagod at sakit ng katawan ay hindi ko na namalayang nakatulog na ako.

Maaga akong nagising kinabukasan. Masakit pa din ang katawan ko ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay pakiramdam ko napakasigla ko.

Parang... Parang gusto ko na ulit makita si Luke.

Habang lumilipas ang mga oras mas lalong hindi ko na naiintindihan ang nararamdaman ko sa kanya.

'Baka naman sabik lang ako na makabonding ulit siya.'  Pangungumbinse ko sa sarili.

Tiningnan ko ang repleksiyon ko sa salamin. Humuhupa na ang ilang sugat sa mukha ko at sa tingin ko pwede na ulit akong pumasok. Tutal napagbigyan naman ako ng dean kahapon kahit na ganito ang itsura ko.

Mabilis akong nagtungo sa banyo at nilinis maige ang katawan. Inahit ko din ang di kakapalang mustache at beard ko. Kailangan maging presentable ako sa harap ni Luke.

'Oooopsss!! Teka, kailan ko pa ba naisip na dapat maging presentable ako sa harap niya.'

Pinukpok ko ang ulo ko.

Buhat ng mahalikan ko siya ay kung anu-ano na ang pumapasok  sa kukote ko.

Nang matapos maligo ay agad kong binalot ang katawan ko ng tuwalya saka lumabas ng banyo.

Nagbihis ng uniform at muling tiningnan ang itsura sa salamin. Napangiti ako. Kahit na may mga sugat ako sa mukha ay hindi pa din maikakailang may dating pa din ako.

Nag spray ako ng pabango na matagal nang nakatago sa cabinet ko. Bihira ko lang talaga gamitin yun. Nag wax din ako upang ayusin ang buhok kong magulo sa tuwing pumapasok. Bihira ko lang din gawin yun dati. Nag wawax lang ako ng buhok kapag may mga importanteng okasyon.

Hindi ko mapigilang mas humanga sa taong nasa salamin.

Hindi ko din maiwasang maguluhan sa mga ikinikilos ko. Parang all of the sudden ay gusto ko nalang na maging presentable sa mata ng lahat ng tao. Lalo kay Luke.

Napapailing na lang ako sa kalituhan.

Sinipat ko ang oras sa wall clock na nakasabit sa may dingding.

6:45 AM

Masiyado pang maaga para ayain si Luke na pumasok. Alas otso pa kasi ang pasok namin at kinse minutos lang naman naming lalakarin ang school.

Kumain muna ako ng cereal nang magkalaman naman ang sikmura ko. Pagkakain ko ay muli akong tumungo sa salamin. Eto na yata ang pinakamatagal kong pananalamin sa tanang buhay ko.

7:10 AM

Napagpasyahan kong katukin si Luke sa kwarto niya. Excited ako na ewan na naguguluhan na ewan.

Nang marating ko ang tapat ng pinto ay nagdadalawang isip akong katukin ito. Parang may pumipigil sa kamay ko na gawin ito. Ilang beses kong sinubukan na katukin ngunit hindi ko natutuloy.

Kakatukin ko na sana nang biglang nagbukas ito. Bumungad ang mukhang nagulat na si Luke. Pero maya-maya ay rumehistro ang ngiti sa mga labi.

"Tang-ina sino ka?" Kunwa'y gulat niyang tanong pero nakangiti.

Sigurado akong nagulat siya sa itsura ko ngayon. Malayong-malayo sa Zion na kilala niya.

"Namo!" Tugon ko.

Tumawa siya.

"Mukhang nadilaan ng baka yang buhok mo ah." Panunudyo niya.

"Maaga pa brad para mang alaska.... Tara na!" Pag-aya ko.

Habang naglalakad ay hindi matigil sa pang-aasar ang tukmol. Paulit-ulit niyang sinasabi na nadilaan daw ng baka ang buhok ko dahil sa sobrang pagkakaayos nito. Ano daw nakain ko at pumuporma ako ng ganito ngayon at nagpapabango na din daw ako. May liligawan na naman daw ba ako.

Tanging pambabatok lang ang sinasagot ko sa kanya. Pero deep inside masaya ako dahil napansin niya ang mga pagbabago sa akin.

"Ang gwapo mo ngayon brad!" Madiin niyang pagkakasabi. "Pakiss nga!"

Nampucha! Pinaalala na naman niya ang nangyari kahapon. Natameme tuloy ako.

Tumikhim siya at nakaramdam ng pagkailang. Marahil sumagi din sa isip niya ang nangyari kahapon. Kaya binago niya ang topic.

Nang marating namin ang school ay napansin kong pinagtitinginan ako, lalo na ng mga babae. Maging sila siguro ay hindi makapaniwala sa Zion na nakikita nila ngayon.

Gumanda lalo ang umaga ko ng madami sa mga babae ang nakikipagtitigan sa akin ng malandi.

Inulan kami ng pang-aasar ng tropa naming malilibog.

"Mga brad! Bati na ang magkasintahan." Pangunguna ni JC.

"Kita mo nga naman ang tadhana." Ani Marco.

"Love is sweeter than second time around." Sabat ni Jerome.

Napansin kong todo ngiti lang si Luke na wala nang nagawa sa pang aasar ng mga mokong.

Binigyan ko lang sila ng masigasig na "MIDDLE FINGER SIGN".

"At dahil diyan, Magpapainom daw si Jerome sa bahay nila mamaya." Segunda ni Rey.

"May vitamins din akong imbak sa bahay. Siguradong solve tayo doon." Ani Jerome na sinabayan pa ng sunod-sunod na pagtaas ng kilay.

(Tsongke/Marijuana ang tinutukoy niyang vitamins)

"Ayos! Siguraduhin mo lang na solve kami diyan." Tugon ko bilang pagsang-ayon.

"Ako bahala sa inyo! Kailan ko pa ba naman kayo binitin." Pagyayabang ni Jerome.

Naniniwala naman ako sa kanya, si Jerome kasi ang malakas mag tsongke sa aming magtotropa. Gumagamit din naman ako nun. Wala lang, sarap kasi ng trip kapag nakasinghot. Puro laughtrip lang.

Dumating na ang prof namin at nagsitahimik na kami.

Nang matapos na ang lahat ng klase ay naghintayan kami sa tambayan namin. Saka nagtungo sa grocery para bumili ng alak na iinumin mamaya kila Jerome.

Nang makarating kila Jerome ay naghapunan muna kami. Pinagluto kami ng nanay niya dahil tumibre si Jerome sa nanay niya na doon kami maghahapunan, kaya noong dumating kami ay nakahanda na ang hapunan namin.

Pumuwesto kami doon sa bakanteng lote sa katapat lang din ng bahay nila Jerome. Doon kasi kami laging nag iinuman session. Napapaligiran naman ito ng bakod kaya mediyo tago parin ang lugar.

May nakahanda na doong mesa at mga upuan na sinadyang ilagay upang magamit sa tuwing mag-iinuman kami.

Bitbit ni Jerome ang kanyang gitara. Mahilig kasi siya tumugtog nun. At isa na din sa libangan namin yun sa tuwing nag-iinuman kami.

Habang umiinom ay walang humpay kaming nag-aalaskahan, nagbibiruan at nagtatawanan. Ipinaikot din namin ang sinindihang marijuana para mas masaya ang trip.

Lahat kami ay gumagamit nun, walang KJ sa tropa namin.

Dahil sa epekto nito, mas sumaya tuloy lalo ang kwentuhan. May biglang tumatawa sa tuwing nakatitig sa mga mukha ng bawat isa kahit wala namang nakakatawa.

Kalagitnaan ng inuman ay nagpasimuno ng laro si JC. Truth or Dare daw.

"Pambabae lang yang laro na yan! Chicks ka ba?" Panunudyo ko sa kanya.

Nagkatawanan ang lahat.

"Namo brad! Trip lang to. Ngayon lang natin lalaruin. Walang mawawala kung lalaruin natin ito." Pagdedepensa niya sa naisipan niyang kakornihang laro.

"Kayo gusto niyo bang laruin ang kabaduyang naisipan ng mokong na yan!?" Tanong ko sa kanila.

"Ayos lang." Sambit ni Luke.

"Oo ayos lang din sakin." Sabat ni Marco.

Nagsisang-ayunan lang din ang iba.

Napakamot na lang ako ng ulo.

Ayoko talaga kasi ng mga ganyang laro. Nababaduyan ako. Okay lang sana kung may babae kaming kasama na kapag 'DARE' ang pinili ko ay pwede nila akong utusan na halikan kung sino mang babae na yun. Kaso puro barako tong nasa harap ko.

"Okay GAME!" Sambit ni JC habang hawakhawak ang walang lamang bote ng alak.

"Umayos muna kayo ng pwesto, dapat nakapalibot tayo." Dugtong ni Jerome.

Hindi ko man gusto ang lalaruin namin ay napilitan na din akong sundin ang pinapagawa nila. Inilipat ko ang upuan ko at pare-pareho na kaming nakapalibot sa mesa.

Sinimulan nang paikutin ni JC ang bote at tumapat ito sa kanya. Napaatras pa siya at astang umiiwas sa bunganga ng bote. Pero siya talaga ang tinuturo nito. Katapat niya naman si Marco na siyang dapat magtanong sa kanya.

"Truth or Dare?" Tanong ni Marco kay JC.

"Dare! Sinong uupakan ko?" Maangas na tanong ni JC, habang hinihimas ang kanang kamao.

"Tang-ina mo! Ako ang mag-uutos sayo..." Ani Marco habang hinahawakan ang baba tila nag-iisip ng ipapagawa.

"Ano? Tagal naman!" Pagmamaktol ni JC.

"Bunutan mo ng buhok sa ilong si Rey! Limang buhok brad!" Utos ni Marco sabay tawa.

Nagkatawanan ang buong tropa samantalang si Rey ay ang sama ng tingin kay Marco.

"Punyeta ka! Ako pa nakita mo!" Walang magawang reklamo ni Rey.

Madali namang lumapit si JC sa kinaroroonan ni Rey at mabilis na hinawakan ang ulo nito. Pumapalag pa si Rey pero walang nagawa dahil tumulong na din ang ibang tropa na hawakan siya upang hindi magpumiglas..

Napapasigaw sa sakit si Rey habang binubunutan ng buhok sa ilong.

Puro tawa lang ang lumalabas sa bunganga naming magtotropa.

Nang matapos mabunutan ay nagsalita si Rey.

"Mga bwisit kayo! Walang pwedeng tumanggi sa inyo sa mga ipapagawa. Kapag tumanggi papasuin ng sigarilyo sa mukha!" Galit-galitang lahad ni Rey.

"Oo ba!" Sang-ayon naman ng iba.

Napapailing nalang ako sa kagaguhan ng mga ito.

Kinuha ni JC ang bote at muling pinaikot. Tumapat naman ang bunganga ng bote kay Jerome. Si Julius naman ang katapat ni Jerome na magtatanong.

"Mag sit-ups ka ng limang beses!" Agad na utos ni Julius.

"Tangna! Yun lang? Sisiw sakin yan." Pagyayabang ni Jerome sabay tayo.

"Sit-ups na nakapiring sa mata." Sambit ni Julius sabay ng nakakalokong tingin kay Jade. Tila nakuha naman kaagad ni Jade ang ibig sabihin ni Julius.

Mukhang may gagawing matinding kalokohan ang dalawang to kay Jerome.

Napakunot na lang ng noo si Jerome at pumuwesto sa sementadong sahig. Agad namang piniringan ni Julius ng panyo ang mga mata ni Jerome.

"Pag bilang ko ng tatlo saka ka magsimulang mag sit-ups." Ani Julius.

"ISA."

Lumingon siya kay Jade at sumenyas na parang sila lang dalawa ang nagkakaintindihan.

"DALAWA."

Pumuwesto si Jade na nakatayo patalikod sa nakahigang si Jerome. Bigla niyang hinubad ang pantalon. Nakalabas ang puwet niya ngunit tinakpan ang kanyang ari.

Nahinuha ko na kung ano ang gagawin niya, kaya di ko napigilang tumawa. Maging ang ibang tropa ay nagsitawanan na din.

"TATLO!"

Nagsimulang bumangon si Jerome para simulan ang sit-ups. Hindi pa siya tuluyang nakaupo ay sumalpak na ang mukha niya sa nakaabang na puwet ni Jade.

Napamura ito ng malakas at mabilis na inalis ang piring. Pinahid-pahid niya ng palad ang kanyang mukha at napapaduwal pa, marahil ay sumakto ang mukha niya sa tumbong ni Jade.

Hindi maipinta ang mukha niya sa kasamaang palad na naranasan. Agad niyang itinulak ang tawang-tawa na si Jade.

Humagalpak kaming lahat sa katatawa. Si Luke naman hawak-hawak pa ang tiyan sa sobrang katatawa.

Nang makabawi na ang lahat ay pumuwesto na ulit kami sa pagkakaupo.

Kinuha ni Jerome ang bote at pinupuntirya niyang tumama ito kay Julius. Marahil gusto sigurong makaganti. Sa kasamaang palad, sa akin tumutok ang bote at kaharap ko si Rey.

Malademonyo ang itsura ni Rey na tila gusto niya akong pahirapan kung Dare ang pipiliin ko.

Napaisip ako kung Truth ba o Dare. Sa huli ay Dare ang napili ko. Kinabahan ako sa maaaring ipagawa ng Rey na ito. Baka pakainin ako ng ipot ng manok o ng kung ano pa man. Kung anu-ano ang naisip ko bago ako sumagot.

"DARE!" Pasigaw kong sabi.

Napaisip si Rey ng ipapagawa sa akin.

Napatingin siya kay Luke na siyang lalong ikinakaba ko.

'Ano kaya ang naisip ng kupal na ito' Sa isip ko.

Ngumiting aso si Rey at inilahad ang ipapagawa sa akin.

"Halikan mo si Luke. Yung torrid ha! Mga five seconds" Utos na may halong pagbabanta.

"PUTANG-INA! Ano to? Baklaan? Walang ganyan BRAD!" Napalingon ako kay Luke na parang napapaatras din sa sinabi ni Rey.

"OO Brad! Walang ganyan. Hindi kami talo!" Matigas na sabi ni Luke sabay ng pag-iling.

"O sige! Dilaan mo ang puwet ni Luke." Pagbago niya ng utos.

"PUTANG-INA TALAGA!" Mediyo pagalit kong sabi.

"Mamili ka, hahalikan mo si Luke o didilaan mo ang puwet niya?" Sinabayan ng tawa na sabi ni Rey.

Nakitawa din ang mga ugok.

"Brad! Tandaan mo ang tatanggi sa utos. Papasuin ng sigarilyo sa mukha." Paalala ni Jerome.

"ANDUDUGAS NIYO!!" Pagrereklamo ko.

"Ano? Mamili ka na?" Yamot na sabi ni Rey.

"Bakla ka yata Zion." Gatong ni Julius.

"Namo! Baklain mo mukha mo." Sagot ko.

"Ano nga? Mamili ka na! Dami mong satsat!" Sambit ni Rey.

"KISS!! KISS!! KISS!" sigaw ng mga ugok kong kaibigan.

Napapailing na lang ako na napaisip.

'Kung didilaan ko ang puwet ni Luke. TANG-INA! Bakit ko naman gagawin yun. Wala yata akong choice sa binigay nilang DARE. Sana pala truth nalang ang pinili ko. Bahala na!'

"OO NA!.. Kiss na lang." Pahayag ko na hindi tumitingin kay Luke.

Okay lang naman sana sa akin yung utos nila. Madali lang yun kung tutuusin, wala naman halong malisya. Kung nagkataong sa ibang tropa nila ako pahahalikin ay baka hindi na ako nagdalawang-isip at kanina ko pa sana nagawa.

Ang kaso si Luke ang gusto nilang halikan ko.

Matapos kasi yung halikan na nangyari sa amin ay parang naiilang na ako kay Luke pag dating sa ganitong biruan.

"Ano pang hinihintay mo?" Excited na sabi ni Rey.

"Ipagdasal mong huwag tumapat sayo ang bote mamaya! Gangantihan kitang gago ka!" Pagbabanta kong may kasamang nakaambang na kamao kay Rey.

Tumawa lang ito.

Atubili akong lumapit sa kinaroroonan ni Luke na noon at makikita mo talaga sa mukha niya ang pagka disgusto. Kaso tulad ko ay wala rin siyang magawa dahil pareho naming ayaw mapaso ng sigarilyo sa mukha.

Nakalapit na ako kay Luke.

"Brad! Walang malisya to." Sabi ko sa kanya.

"Gagawin mo talaga?" Pag-aalangan niya.

"May magagawa ba tayo?" Balik tanong ko.

"KISS KISS KISS!!" Sigawan ng mga UGOK.

"Daming satsat! Gawin mo na!" Si Rey.

Mabilis kong inilapit ang mukha ko sa mukha ni Luke na noon ay nanlalaki ang mga mata. At mabilis kong inilapat ang mga labi ko sa mga labi niya. Nagtagal siguro ng dalawang segundo at agad akong lumayo sa kanya. Hindi kasi ako kumportable.

"Puta! Yun lang?... Brad sabi ko TORRID, hindi smack!... Ano mga brad pasuin na natin ang mukha nito?" Paghihingi niya ng suporta sa mga ugok.

"PASUIN NA YAN!" Segunda naman ng mga ugok.

"Brad naman, lalake yan eh. Buti sana kung babae yang si Luke para gawin ko yun." Hinaluan ko ng mediyo nagmamakaawa na boses baka sakaling madala ko sila.

"Ito yung dare ko sayo brad, kaya sa ayaw at sa gusto mo, gagawin mo." Pagmamatigas ng hudas.

Wala na yata talaga akong lusot. Napakamot nalang ako ng ulo sa pagkabanas at muling tumingin kay Luke. Nakatulala  lang ito at walang emotion na naka rehistro sa mukha.

"Oo na. PUNYETA!"

Muli akong lumapit kay Luke.

Hindi ko na hinayaan ang sarili kong mag-isip ng kung anu-ano pa. Nang sa ganoon ay mas madali kong magawa ang pinapagawa nila.

"Okay! Ready, one! two! three! KISS!" Ani Rey

Hawak ko sa dalawang palad ko ang ulo niya at mabilis kong inilapat ang mga labi ko sa mga labi niya. Hindi masiyadong madiin ang ginawa ko. Pero sumagi sa utak ko na 'Torrid Kiss' nga pala ang pinapagawa nila sa akin. Kapag hindi ko ginawa yun baka paulit-ulitin nila ako sa paghalik kay Luke.

Bumalik noon ang pakiramdam na naramdaman ko noong hinalikan ko si Luke.

Naririnig ko silang sabay-sabay na nagbibilang ng mabagal. Dalawang segundo yata ang katumbas ng isang segundo ng mga hinayupak sa pagbibilang.

Matapos ang dalawang segundo ay nagsimula na akong igalaw ang mga labi ko at pinaglaruan ang mga labi niya. Pinilit kong buksan ng dila ko ang mga labi niya dahil madiin ang pagkakatikom nito.

Hindi pwedeng hindi siya sumunod sa ipanapagawa ng mga ugok dahil hahaba ang halikan namin na ito kapag nagkataon.

Tila nakuha niya naman ang gusto kong ipahiwatig kaya ibinuka niya ang mga labi niya at marahan na gumanti sa mga halik ko.

Marahan na naglaro ang aming mga labi at dila.

Nagsimula na ding magrigodon ang aking dibdib. Sobrang bilis ng tibok nito.

Parang napakatagal ng limang segundo na ibinigay nila sa amin. Gusto ko nang matapos kaagad ang limang segundo na yun dahil hindi talaga ako kumportable. May iba eh.  May iba talaga sa halikan namin ni Luke.

"FIVE" pagtatapos nila sa pagbibilang.

Agad kong binitawan si Luke at dumura sa gilid na tipong pinapakita kong nandidiri ako sa ginawa namin. Ganun din ang ginawa ni Luke. Sabay kaming nagpunas ng mga nabasang labi dahil sa halikan.

Pero ang totoo. Hindi ako nandidiri at yun ang pilit kong nilalabanan. Iniisip ko na nakakadiri talaga ang ginawa namin. Yan ang pilit kong isinasaksak sa kokote ko. Hindi ko maaaring magustuhan ang halikan namin ni Luke.

Bumalik na ako sa pwesto ng tahimik lang. Wala akong pinansin sa mga tawanan nila at pang-aasar. Mas malakas kasi ang kabog ng dibdib ko kaysa sa mga ingay nila.

"Ganyan! Sports lang tayo. Walang malisya." Sabi ni Rey na hindi pa din mapigilan ang pagtawa.

Napalingon na lang ako sa gawi ni Luke na noon ay tahimik lang din. Nakita niyang nakatingin ako sa kanya kaya binawi ko ang tingin ko.

Hanggang sa natapos ang asaran at inuman ay nag-iiwasan kami ng tingin ni Luke.

Pare-pareho kaming lasing na nagsiuwian. Mabuti nalang pare-pareho kaming panghapon ang schedule kinabukasan.

Dahil sa pareho kami ng tinutuluyan ni Luke, magkasabay kaming sumakay ng jeep. Sa bandang likuran kami pumuwesto. Ako sa pinakadulo.

Sa sobrang dami kong nainom ay hindi ko napigilang sumuka. Mabuti nalang ay nasa bandang likod ako ng jeep at sa may bukana ko pinakawalan ang suka ko. Hinimas-himas ni Luke ang likod ko. Mas matibay kasi siya sa akin pag dating sa inuman.

Pinagtinginan kami ng mga pasahero at nang makita ng driver ang pagsusuka ko ay agad niya itong pinahinto at sapilitan kaming pinababa kahit na hindi pa kami nakarating sa paroroonan namin.

Muntik na akong magwala at pinagmumura ang driver nang makababa kami. Hahabulin ko sana ng suntok kung hindi lang ako napigilan ni Luke.

Nagsimula na kaming maglakad ng pasuray-suray sa kalsada. Mabuti nalang ay may mga jeep pa ding dumadaan kaya mabilis din kaming nakasakay ulit.

Nang makauwi na kami ay nahihilo pa din ako, pero hindi na ganoon katindi. Pero inalalayan pa din ako ni Luke hanggang sa mabuksan niya ang kwarto ko.

Pagkabukas ng kwarto ay parang ayaw ko pang pumasok. Pilit niya akong pinapapasok at nagtagumpay siya. Tuluyan na kaming nakapasok at dahan-dahan niya akong inihiga sa kama.

Hinubad niya suot kong polo at sando lang ang naiwan. Hinubad niya din ang sapatos at mediyas ko. At inayos niya ang pagkakahiga ko.

Saka siya nagpaalam.

May kung anong kademonyuhan ang pumasok sa isip ko.

Mabilis akong umupo sa bed at pinigilan ang kaliwang kamay niya nang makatalikod siya. Tumayo ako niyakap siya sa likuran. Kinadyot-kadyot ko ang likuran niya.

Bumulong ako sa kanya.

"Gustong-gusto mo sigurong hinahalikan kita no? Bakla ka no?" bulong ko sa kanya.

Nagpumiglas siya at humarap sa akin.

Muli kong inilapit ang katawan ko sa kanya at muli siyang hinalikan ng mariin.

Nagpumiglas ulit siya.

Nagpakawala ng malakas na suntok sa mukha ko na ikinatumba ko. Nauntog pa ako sa upper deck ng kama ko bago tuluyang nahiga sa higaan ko.

Naramdaman ko na lang na tuluyan na siyang nakalabas ng pinto. Malakas ang pagkakasara niya.

Naiwan lang ako na hindi alam kung maiinis o matatawa.

Tuluyan na akong tumawa ng hindi ko alam ang dahilan.

Nababaliw na ata ako..

Itutuloy....

AN: Sorry kung natagalan ang UD ko. Busy lang po. Sorry guys.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This