Pages

Saturday, March 11, 2017

A Beautiful Artifice (Part 1)

By: Joshua Anthony

“Wag mong sabihin na uubusin mo ang oras mo sa mga alak na ‘yan.” mahinanon kong sabi kay Sebastian habang dahan-dahang pinupulot ang mga bote ng alak sa paligid.
    Parang wala lang siyang naririnig at nakatingala pa rin sa langit. Pinagmamasdan marahil ang ganda ng mga bituin sa maaliwalas na kalangitan.
    “Tara na, Seb. Baba na tayo.” matapos kunin ang ikaapat na bote ay lumapit ako sa kinaroroonan niya upang kunin naman ang huling bote na hawak niya. “Akina, ako na rin ang magbibitbit niyan.”
    Iniiwas niya ang bote nang akmang kukunin ko na. Iniling-iling ang kanyang ulo upang matanggal marahil ang ngalay ng kanyang leeg mula sa pagkakatingala.
Tinitigan ko siya. Habang yakap-yakap sa magkabilang mga braso ang mga bote ng alak, tinitigan ko ang aking kaibigan. Ang kulot niyang buhok na nilalaro ng malamig na hangin ng Disyembre. Ang kanyang makakapal na mga kilay na bahagyang nakakunot at salubong. Ang maputi at maamo niyang mukha na may mapupulang pisngi dahil na rin sa bahagyang pagkakalasing.
Pinagmasdan ko rin ang matitingkad niyang mga mata na animo’y namamangha sa ganda ng kalangitan. Iniisip na habang siya ay nakatingala sa langit, ako naman ay nakayuko at pinagmamasdan ang isang anghel.
“Hayaan mo na muna ako rito.” mahina niyang sambit nang hindi man lang iniaalis ang kanyang tingin sa mga bituin.
Natuon ang aking atensiyon sa kanyang mga labi. Mapula, manipis.
“Lasing ka na yata, Seb. Tara na, pahinga ka na.” pang-aamo ko sa kanya; umaasang sa ganoong pakikipag-usap ay makikinig siya.
Bahagya siyang pumikit. Hindi ko mawari kung dahil lang ba iyon sa antok niya na marahil ay epekto na ng alak o dahil humapdi lamang ang kanyang mga mata mula sa pagkakatitig sa mga bituin sa kalangitan. Magsasalita na sana akong muli nang bigla kong napansin ang pamumula ng kanyang ilong. Sumisinghot din siya ng marahan na parang pinipigilan ang sarili sa kung ano mang bagay na ayaw niyang gawin. Maya-maya pa’y nakita ko ang pagtulo ng mga luha mula sa kanyang nakapikit na mga mata.
Ang aking anghel, ang taong pinakamalapit at mahalaga sa akin, nilulunod ang sarili sa alak dahil sa pag-iwas na malunod sa sariling luha.
“S-seb…” wala na akong sunod pa na nasabi dahil hindi ko rin naman alam kung ano ba ang dapat sabihin.
Iminulat niya ang kanyang mga mata at nagmadaling tumayo patungo sa akin. Walang anu-ano ay bigla siyang nagpatirapa payakap sa akin at ibinuhos sa pag-iyak ang sakit na nadarama. Nabitawan ko naman lahat ng hawak kong bote upang saluhin siya. Hindi ko maiwasan na maiyak din dahil sa lakas ng kanyang hagulgol, ngunit ginagawa ko ang lahat upang pigilan ang pag-agos din ng aking luha.
“D-duwag kasi a-ako, Chard, eh. D-duwag ak-o!” sambit niya na animo’y umiiyak at nagpapaliwanag sa ina dahil sa isang kasalanan na nagawa. “W-wala ak-ong k-kwentang kai-bi-gan, Ch-chard. L-lahat ng pinag-sama-han n-natin, s-sina-yang ko l-lang. Bina-le-wala k-ko!”
Habang inaalalayan siya sa kanyang mahigpit na pagkakayakap ay ako naman ang tumingala at tumitig sa langit. Kasabay ng ingay ng mga sasakyan sa kalsada sa ibaba ay ang ingay ng mga bagay na tumatakbo sa aking isipan.


Bata pa lang ay magkaibigan na kami ni Sebastian. Dahil sa magkatabi lang naman ang aming mga bahay sa aming subdivision, palagi kaming magkasama halos sa lahat ng bagay.
    Ilang buwan lamang ang tanda ni Seb sa akin, kaya naman sabay din kami halos sa lahat ng karanasan talaga sa buhay. Mula sa pagpasok sa eskwelahan, hanggang sa paglalaro sa labas at ng computer games, maging ang panonood ng paboritong palabas ay sabay naming kinalakhan.
Si Sebastian kasi talaga ang una kong naging kaibigan nang lumipat kami sa subdivision namin na ‘yon. Mula sa Benguet ay nadestino kasi ang trabaho ng aking ama dito sa Cavite at hindi muling nadestino pa sa ibang lugar magmula noon.
Mabait na tao si Seb. Katulad ng mga nabanggit ko kanina, siya ay may maamong mukha, kulot ang buhok na kulay dark brown, mapupungay na mga mata na kulay asul, maninipis na mapupulang labi, at makakapal na pilik-mata’t kilay. Matipuno nang bahagya ang kanyang katawan dahil na rin sa hilig niya sa sports lalo na sa swimming. Maputi rin siya at di hamak na mas matangos ang ilong kaysa sa akin dahil Briton ang kanyang ama. Halos ilang beses lang din sa isang taon kung magsama-sama sila ng kanyang mga magulang dahil sa London nagtatrabaho ang pareho niyang ama at ina. Iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit naging sobrang lapit ng loob namin bilang magkaibigan.
Halos sa bahay na rin kasi siya tumira at normal na sa amin ang maglabas-masok sa kanya-kanyang mga bahay lalo na’t dalawang kasambahay at isang driver lang naman ang kasama niya palagi sa kanila. Anak na rin ang turing sa kanya ng aking mga magulang at Mama at Papa na rin ang tawag niya sa kanila.
Ang pamilya ko naman ay hindi naman ganoon kayaman. Nakaaangat sa buhay, oo, pero hindi ko rin naman masasabi na sobrang mayaman. Engineer ang aking ama at isang butihing guro naman ang aking ina. Katulad ni Seb, nag-iisang anak lang din ako.
Bahagya ring kulot ang aking buhok ngunit hindi lang masyadong halata dahil palaging malinis ang aking gupit. Makapal din ang aking mga pilik-mata at kilay, may malamlam na mga mata, at katamtamang kapal ng labi. May kaputian din naman ang aking balat ngunit hindi katulad ni Seb dahil sa ako ay purong Pinoy. Tubong Benguet kasi talaga ang aking mga magulang. May katangkaran din naman ako, ngunit di hamak na mas matangkad sa akin si Seb. May kapayatan din ako kumpara sa kanya. Marahil ay hindi naman talaga payat kung tutuusin, hindi lamang siguro batak ang aking mga laman-laman.
Mabuti na lamang at pamilya na rin ang turing sa akin ng mga magulang ni Seb dahil heto nga’t dito ako ngayon sa condo nila sa Makati tumutuloy upang mag-aral ng kolehiyo.
“So paano, Chard, ikaw na lang muna bahala diyan sa tukmol na ‘yan ah?” natatawang paalala ni Tita Liza habang magkakausap kami sa Skype. Sila ni Tito Lance ang nasa kabilang screen, habang ako naman at si Seb ang nasa isa.
“Mom, stop! Ask dad if he knows what ‘tukmol’ means.” sabat naman ni Seb na abalang naghuhugas ng aming pinagkainan sa lababo.
“Hey. I know what that means! That’s some sort of dimwit, yeah?” banat naman ni Tito Lance na nakangiting nang-iinis sa kabilang screen.
“Sebastian, take good care of Richard, yeah?” paalala ni Tita Liza. “Alagaan mo ‘yang si Chard kundi ay sige ka, malalagot ka rin sa Mama Edith mo.”
“Ayos lang naman po kami, Tita.” sabi ko. “There’s nothing to worry about. Really.”
“Yes, mommy. Takot ko lang kay Mama Edith na makurot ako sa singit.” pagbibiro pa ni Seb. Si Mama kasi, palagi kaming kinukurot sa singit kapag masyado kaming pasaway. Kahit na ngayong nasa kolehiyo na rin kami.
Ilang minuto pa kaming nag-usap at nag-asaran, ngunit nauna na ako sa kwarto upang mahiga. Iniwan ko na lamang si Seb sa dining table upang makapag-usap pa silang pamilya. Gusto ko rin na munang magbasa ng libro kaya naisipan ko na rin talagang mahiga.
Two-bedroom ang unit ng condo nila Seb, ngunit sa iisang kwarto kami natutulog. Ang kabilang kwarto kasi ay ginagamit ng mga magulang niya sa tuwing sila ay uuwi upang magbakasyon dito. Bukod pa roon, mas tipid sa aircon. Kaya kahit na anong pilit nila na gamitin ko na muna iyon ay pinilit ko talaga silang kumbinsihin na ayos lang sa akin ang sa kwarto ni Seb manatili.
Maya-maya pa ay pumasok na rin ng kwarto si Seb at sumampa sa itaas na kama. Bunkbed kasi ang aming higaan; siya sa top bunk at ako naman ang sa ibaba.
“Excited ka na bukas, ano?” sambit niya habang pilit na inilulusot ang isang kamay sa gilid ng aming higaan upang i-plug in ang kanyang cellphone charger.
“Ayos lang. Parang ganun din.” sagot ko at bahagyang bumangon upang tulungan siyang isaksak ang charger. “Ikaw siguro ang excited. Magkikita na ulit kayo ng syota mong hilaw na si Angela.” pang-aasar ko sa kanya.
“Haha! Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na hindi ko nga siya girlfriend.” paglilinaw niya. “At isa pa, lumipat na raw sila ng pamilya niya sa Cebu.” paliwanang pa nito. “Ikaw kamo! Ano, kayo na ba nung babaeng patay na patay sa’yo?”
“Si Maddie? Hahahaha! Hindi ko naman ‘yun gusto. At makulit lang talaga ‘yung tao, ‘wag mong bigyan ng kulay.”
“Sige ka. Kapag ikaw naunahan ng iba, wag kang iiyak-iyak sa harap ko ah.” banat pa niya.
Isinara ko ang librong hawak at inilapag sa maliit na mesa sa tabi ng kama. “Utut! Never. Ikaw lang naman itong iyak ng iyak dahil sa mga babae na ‘yan.”
“Haha! Utut pala ha. Tignan mo lang kapag ikaw tinamaan din, tatawanan din kita kapag umiyak ka rin.” sagot niya.
Sa totoo lang, alam ko naman ang ibig niyang sabihin. Oo, hindi pa naman ako umiiyak dahil sa pag-ibig pero alam ko kung papaano ang may mahalin at masaktan. Sa kanya ko iyon nararanasan, ‘yun nga lang at hindi niya alam. Wala rin naman akong balak na ipaalam dahil ayaw kong masira ang aming pagkakaibigan.
Inaamin ko na noong mga bata pa lang kami ay palagi ko talagang gusto na kasama si Seb. Maaaring noong mga panahong iyon ay hindi ko pa lubusang naiintindihan ang aking pagkatao, lalo na ang aking sekswalidad. Hindi naman kasi ako malambot kumilos. May malalim at bilugan din naman akong boses. At higit sa lahat, lumaki naman ako na nahihiligan ang mga laro at laruan na sinasabi ng karamihan na panlalaki.
Ngunit sa paglipas ng maraming taon ay mas naging bukas ang aking isipan sa realidad ng buhay. Alam ko sa sarili ko na attracted ako sa kapwa ko lalaki at pinagpapantasyahan sila. Kahit na hindi naman halata sa aking panlabas na itsura at pakikitungo sa iba, alam ko na hindi ako isang totoong lalaki.
Mas nag-iba ang tingin ko sa aking matalik na kaibigan simula noong kami ay maging junior sa high school. Nabawasan ang tindi ng aming asaran at mas nagkaroon ng puwang ang maturity sa aming mga usapan. Madalas akong iyakan ni Seb dahil sa mga palpak niyang karanasan sa pag-ibig sa mga naging girlfriends niya dahil halos kapatid na nga ang turing niya sa akin. Lingid sa kanyang kaalaman ay nasasaktan din ako sa tuwing nakikita siyang nasasaktan. At sa tuwing nagiging maayos ang kanyang kalagayan kasama ang bago niyang nagiging nobya, ay lihim pa rin akong nasasaktan.
Siya kasi ang nais kong makasama habambuhay. Siya at siya lang.
Siguro masasabi ko na pinipili ko  na lang maging masaya sa kung ano ang meron sa amin sa ngayon. Mas ayos na ang ganito, kaysa naman ang mawala siya sa akin kung sakaling hindi niya ako matanggap kapag inamin ko sa kanya ang aking nararamdaman.
“Sophomores na tayo oh. First day as sophomores bukas! Nakakatuwa, ang bilis ng panahon.” masaya kong sambit sa kanya.
“Oo nga, sophomore na pero wala pa rin ako nagiging matinong girlfriend.” aniya.
“Girlfriend na naman? Puro na lang girlfriend pinoproblema mong bata ka!” sagot ko naman sa kanya.
“Eh kasi naman! ‘Yung huling beses na nagka-girlfriend ako ng matino noong nasa senior high pa tayo! Gusto ko na magkaroon ng maayos na lovelife, tol.” pagrereklamo niya.
Si Naomi ang sinasabi niyang matinong girlfriend noong high school. Totoo naman na matinong nobya si Naomi. Maasikaso, matalino, malambing, responsable, at higit sa lahat ay mahal na mahal siya. Hindi ko lang din talaga alam kung bakit siya biglang iniwan ng babaeng ‘yun. Kaibigan ko rin naman kasi si Naomi dahil naging classmate na rin namin siya grade school pa lang.
Ang balita ay bigla raw itong nag-migrate sa Australia kasama ang kanyang dalawa pang kapatid dahil nai-petition ng ina.
Iyon na yata ang pinakamatinding kasawian noon ni Seb. Hinding-hindi ko makakalimutan ang nangyari na ‘yon dahil naisipan pa niyang magpakamatay nang dahil doon. Mabuti na lamang kahit papaano ay nariyan din ang aking mga magulang na siyang sumoporta kay Seb sa kanyang pinagdaanan. Iyon marahil ang dahilan kung bakit abut-abot na lang din ang pasasalamat nina Tito Lance at Tita Liza at kami ang nakakasama palagi ni Seb.
“Huy!” Nawala ang pagbabalik-tanaw ko sa nakaraan na iyon dahil bigla akong binato ni Seb ng unan sa mukha.
“Aray ko! Bwisit ka!” daing ko sa kanya.
“Tulungan mo na akong magkaroon ng matinong girlfriend, tol!” bigla nitong sagot. “Iyon lang! Iyon lang talaga, tol, magiging okay na ako!” dagdag pa niya.
“Seb naman… Saan naman ako kukuha ng matinong girlfriend? At isa pa, wala akong panahon sa mga ganyang bagay.” rason ko sa kanya. “Kaysa mamroblema ka riyan, bakit hindi mo na lang igugol ang atensiyon mo sa pag-aaral? Para naman gumanda-ganda grades mo, tukmol ka!”
“Wow! Tigil-tigilan mo nga ako sa mga kakaganyan mo.” sagot niya habang nakadungaw mula sa top bunk ng aming higaan. “Ganyan na nga lagi ang bukambibig nila Mommy at Daddy, pati ba naman ikaw?”
Binato ko rin sa kanya ang unan at nasalo naman niya ito kaagad.
“Ayoko naman grumaduate ng college nang hindi pa nagkakaroon ng matinong girlfriend.” mahina niyang sambit matapos bumalik sa pagkakahiga. “Sige ka, kapag ako hindi nagkaroon ng girlfriend bago tayo maging juniors, ikaw na lang gagawin kong girlfriend.”
Nagulat ako sa sinabi niyang ‘yun. Alam ko rin naman na hindi siya seryoso sa sinabi niyang ‘yon. Napaisip lang ako kung may ideya na ba siya kahit kakaunti sa kung ano ang tunay kong nararmdaman sa kanya.
“Hoy! Narinig mo?” malakas niyang sabi. “Sabi ko, ikaw na lang ang gagawin kong girlfriend kapag hindi mo ako tinulungan.”
“Ulol!” bigla ko namang sagot. “Sa tingin mo naman tutulungan talaga kita? Asa ka.” pang-aasar ko pa na ikinatawa niya naman ng malakas.
“Try me!” sagot niya. “Ikaw ang gagawin kong girlfriend. Richard James Dela Rosa—the girlfriend of Sebastian Collins!” sabay tawa ng malakas.
Bigla ko na lamang sinipa ang kanyang higaan habang natatawa rin. Kung sa kanya ay isang biro lamang ang lahat ng iyon, ako naman ay hindi na malaman kung saan ilalabas ang tuwang nararamdaman. Mabuti na lamang at hindi niya kita kung papaanong namumula na siguro ang aking mga pisngi dahil sa kilig. Alam ko na hindi ‘yon kailanman magiging totoo, pero hindi ko lang talaga mapigilan ang aking sarili kahit sa mga maliliit na kulitan namin na ganon.
“Gago, tol. Magiging mas sikat tayo sa school kapag nagkataon!” hirit pa ng tukmol.
Kahit naman kasi papaano ay popular naman kami talaga sa school. Siya bilang part ng swimming team at ako naman bilang parte ng Student Council and Scholars’ Org. Bukod pa roon ay palagi rin akong naaatasan na mag-host ng mga school events.

Kinabukasan ay maaga kaming nagising ni Seb.
10:30 pa naman ang first class niya, ngunit mayroon siyang swimming training ng 8:30 kasama ang ilan sa kanilang team. Ako naman ay may 9:30 class, ngunit kinakailangang pumunta ng school ng maaga dahil imi-meet ko ang ilan sa mga magiging student marshals para sa mga incoming freshmen. 
Mabuti na lamang din at may sasakyan si Seb. Kaya naming magpasikot-sikot sa kabuuan ng Makati upang makaiwas sa traffic, lalong-lalo na sa kahabaan ng Kalayaan Ave. Hindi rin naman kasi ganoon kalapit ang aming university mula sa kinatatayuan ng condo nila.
“Kaunting tumbling na lang at teacher ka na!” panimulang sabi ni Seb sa loob ng sasakyan. Madalas kasi ay may topak ako kapag sobrang aga kaya’t siya ang palaging nag-uumpisa ng mapag-uusaapan. Hindi kasi talaga ako morning person. Hindi katulad niya na madalas gumising ng maaga upang tumakbo-takbo.
Sinimangutan ko lang siya at nagsuot ng earphones upang makinig ng music sa Spotify. Bigla niyang tinanggal ang kaliwa kong earplug at nang lingunin ko ay patay-malisya lamang siyang nagmamaneho at sumisipol-sipol pa. Inilagay ko na lamang ulit ang earplug sa aking tainga at ibinaling ang paningin sa right-side mirror ng sasakyan. Maya-maya ay muli na naman niyang hinablot ang aking isang earplug at nagpapatay-malisya naman.
“Pampam ka?” sambit ko sa kanya habang ibinabalik ang earplug sa kaliwang tainga.
“Huh? I’m not doing anything. I’m just driving here.” sagot nito na may pangisi-ngisi pang nalalaman.
Hindi pa ako lubusang nakakalingon muli sa side mirror ay bigla na naman niyang hinablot ang earplug ko.
“Not me! Not me!” natatawa niyang sabi kaagad. “I don’t know who did that!”
Bigla ko na lamang siyang sinuntok sa kanyang kanang braso na ikina-aray at nagpatawa naman sa kanya ng malakas. “Tumigil ka. Ang aga-aga, Sebastian.”
Kahit na pikon ay hindi ko maiwasang ngumiti dahil sa pangungulit ng halimaw. Lagi siyang ganito. Huling-huli ang kiliti ko kapag wala ako sa mood at may topak.
Halos sa buong biyahe ay panay pangungulit ang ginawa niya habang nagmamaneho. Mabuti na rin dahil nawala naman ang topak ko.
Pagka-park sa parking area ng school ay agad akong nagpaalam kay Seb at bumaba na ng sasakyan. Kailangan ko pa kasing tapusin ang PowerPoint presentation ko para sa meeting nga namin.

“Here comes the superstar!” biglang hirit ni Zeke nang makapasok ako sa auditorium. “Kala ko ba 8 o’clock, pre?”
“Wow. Pustahan, kakadating-dating mo rin lang?” bati ko naman sa kanya sabay fistbump.
“Hindi ah! Kanina pa ko dito mga alas-siete!” sagot niya.
“Liar!” biglang sabat ni Maddie mula sa likuran ko. “7:30 ang bukas nitong auditorium! Wag mo kaming lokohin.” dagdag pa nito na ikinasimangot ni Zeke.
“Ayan, nasabihan ka tuloy na sinungaling, tol!” tawa ko naman habang inilalabas ang laptop mula sa aking bag.
“Well, at least mas maaga ako sa inyong dalawa!” sagot ng loko.
Bukod sa pagiging president ng Student Council, ay ako rin ang head ng Scholars’ Organisation. Isa rin kasi akong iskolar. Si Zeke ang aking VP sa SC at si Maddie naman ang aking Secretary pareho sa SC at Scholars’ Org. Ito ang unang taon namin sa panunungkulan dahil last year lamang, bago magtapos ang taon, kami na-elect.
“Tapos mo na ‘yung PowerPoint mo?” tanong sa akin ni Maddie sabay abot ng cafĂ© latte mula sa Starbucks. Halos sa tuwing may meeting kami ay lagi akong may libreng kape mula sa kanya.
“Thanks! Hindi pa nga eh.” marahan kong sagot dahil nahihiya ako sa panibagong libreng kape mula sa kanya. “Pero ilang slides na lang. Hindi ko na kasi natapos kagabi.”
“Where’s mine?” hirit ni Zeke.
“Andun sa table, kunin mo!” natatawang sagot sa kanya ni Maddie.
“So kapag si Chard may abot-abot pang kadramahan, kapag ako, wala? Ano ‘to?” pag-iinarte ni Zeke na nagpatawa sa aming lahat.
Maya-maya pa ay napupuno na ang buong auditorium ng mga student marshals na siyang aking kakausapin. Kailangan ko kasi silang mai-orient sa mga panibagong freshmen na kanilang ie-entertain. Sila kasi ang magsisilbing tour guides ng mga bagong students at ililibot nila ang mga ito sa buong university. Bukod pa roon ay papaalalahanan din nila ang mga ito patungkol sa mga nakasaad na rules sa aming student handbook. Bilang presidente ng Scholarship Org, kailangan kong siguraduhin na malinaw para sa kanila ang mga dapat nilang gawin.
Matapos kong ibahagi ang lahat ng mga paalala at ang ilang mahahalagang parte ng programa, si Zeke naman ang sunod na sumalang.
Pagkababa ay binati kaagad ako ni Maddie na parang nahihiya pa na makipag-usap sa akin. Mabait na tao naman talaga si Maddie at responsable pa. Alam ko rin na may lihim siyang pagtingin sa akin na matagal ko na ring nahahalata noon pa. Bukod sa pang-aasar na ginagawa sa amin ng mga kaibigan namin sa school, hindi rin naman iyon mahirap malaman. Lalo pa’t isa rin naman akong hamak na nagmamahal din naman ng palihim.
“That was nice!” panimula niya.
“Thanks.” ngitian ko lamang siya.
May mga ilang bagay pa siyang tinatanong-tanong na sinasagot ko naman ng tig-iisang salita. Hindi kasi talaga ako interesado makipag-usap sa kanya dahil natuon ang aking atensiyon sa isa sa mga bagong students ng school na kausap ang isa sa mga marshals.
Napansin ko ang babaeng iyon na kanina pa tingin ng tingin sa akin kahit na wala na ako sa harapan at si Zeke na ang naroon na nagsasalita. Sa tuwing mapapatingin ako sa kanya ay agad siyang iiwas at ibabaling ang tingin sa unahan. Maganda siya at may maamong mukha. Hindi ko na lamang iyon masyadong pinansin at bigla na lamang nagpaalam kay Maddie dahil mag-uumpisa na ang aking unang klase sa loob ng ilang minuto.

Matapos ang unang klase ay nagtungo kaagad ako sa cafeteria. Hindi kasi ako sanay mag-almusal kaya kailangan ko na agad ding humanap ng makakain bago pa man ang lunch time. Kinuha ko ang aking cellphone habang naglalakad sa cafeteria at nagbasa ng mga bagong SMS na natanggap. Ang dalawa ay galing kay Mama na nag-goodluck sa aking first day. Agad ko naman itong nireplyan at sinabi na katatapos lamang ng aking unang klase.
May isang mensahe rin akong natanggap mula kay Maddie na nagtatanong kung gusto ko raw ba sumama sa malapit na mall at doon maghanap ng makakainan para sa lunch. Sinabihan ko na baka sa susunod na lang dahil may kailangan pa rin akong tapusin.
Si Seb ay nagsend din ng isang SMS sa akin: Bro! I think I finally found the one!
Hindi ko na lang siya nireplyan. Natawa na lang ako dahil sa kalokohan na naman ng tukmol na ‘yun.
Pagkapasok ng cafeteria ay agad akong sinalubong ni Seb. Sobrang excited na ibahagi sa akin ang kanyang balita patungkol sa kanyang the one.
“Tooool! Tingin ko eto na ‘yun eh. Siya na talaga!” sabik na sabik niyang bati sa akin. “I think, freshman siya dahil hindi ko naman siya nakita pa before. Sobrang ganda, pre! As in!”
“Tigilan mo nga ako. Nagugutom na ko, kuha muna tayo ng pagkain!” sagot ko sa kanya.
“No worries, tol! Here!” sabay turo niya sa mesa sa kanyang likuran. “Kanina pa nga kita hinihintay, kaya bumili na rin ako ng makakain natin.”
“Bat sobrang dami naman? Sige na, kain na tayo.” bigla akong naupo at agad na nilantakan ang pagkain matapos ilapag ang mga gamit. Magkapatong na dalawang slices ng pizza sa kaliwang kamay, cheeseburger naman sa kanang kamay.
“Excited kasi talaga akong ikwento sa’yo itong si Ms Forever ko, tol. Kahit sa klase ko kanina, hindi ko maiwasang kiligin. Ano kaya name niya?” sambit ng loko habang nakangiting tinitignan ako sa pagkain.
Patuloy lang ako sa pagkain at hindi talaga nakikikinig sa mga kinukwento niya.
“Ang sarap ba, tol? Eto pa oh. Bumili rin ang ako ng softdrinks natin.” galak na galak niyang dagdag. “Alam mo kasi, tol. Nakita ko kasi siya kanina na may kausap na isa sa mga student marshals niyo.”
Napahinto ako sa pagkain at biglang kinuha ang softdrinks upang uminom. Matapos makainom ay tinignan ko siya. Pinanliitan ko lang siya ng mata at sinimangutan. Patuloy naman siya sa pagpapa-cute sa akin.
Anak ng tinapa, sobrang gwapo niyang tingnan! Lalo na’t ganito na suot niya ang dark green na beanie na binili ko sa kanya noong nagpunta kami ng Sagada noong sembreak. Hindi kasi nakabalandra sa kanyang mukha ang malago niyang kulot na fringe.
“Parang alam ko na kung bakit mo ako binubusog ngayon…” mahina kong sabi sa kanya. “Sabi na eh. Hindi ito totoo eh. Pakitang-tao lang ‘to, Sebastian.”
Agad naman siyang tumawa nang malakas. Halos lahat ng tao sa cafeteria ay napalingon sa amin. Hindi naman masyadong nakakahiya dahil lagi namang kaming ganoon at dahil kilala naman kami sa school, hindi naman nawiwirduhan sa amin ang ibang mga estudyante.
“Si Marky, pare! Si Marky ang kausap niya kanina!” biglang sabi niya sa akin. “Dali na, tol! Tanong mo lang naman kung anong pangalan niya at kung ano course niya.” pagmamaka-awa nito.
“Ulol! Nababaliw ka na!” sagot ko. “Ano naman irarason ko kay Marky kung bakit ako biglang interesado sa babaeng ‘yun? Ni hindi ko nga kilala ‘yun.”
“Tol! Kahit ano na lang irason mo! Please, tol! At kaya mo nga itatanong dahil hindi mo nga kilala, diba?” pagpipilit niya sa akin. “Eto lang, Chard! Please…”
“Ba’t kasi hindi na lang ikaw? Idadamay mo pa talaga ako diyan sa kalokohan mo.” tanong ko.
“Alam mo naman na hindi kami magkasundo niyang gagong Marky na ‘yan. Tol, kung kaya ko lang, sa tingin mo kukulitin pa kita?” rason niya.
Tinitigan ko siya ng matagal dahil patuloy pa rin siya sa pagpapa-kyut. Parang isang bata na nagpapabili sa magulang ng isang kendi.
“NO.” bigla kong sabi sa kanya sabay kagat ng malaki sa cheeseburger.
Pilit kong nginunguya ang isang malaking kagat ng cheeseburger sa loob ng aking bibig nang mapansin ko ang pananahimik ni Seb. Bigla kong ibinaling sa kanya ang aking paningin. Bigla akong umiwas ngtingin nang makita ang kalungkutan sa kanyang mukha habang nakayuko at nakatitig lamang sa mesa. Bakas din sa kanyang mga mata ang pagka-dismaya.
Kailan ko ba huling nakita ng ganoon si Sebastian? ‘Yung ganoong klase ng kalungkutan. Tama. Noong iniwan siya ni Naomi. Noong halos mawalan siya ng pag-asa na magpatuloy sa buhay.
Iyon ang itsura ni Seb na kahit kailan ay hindi ko nais na balikan pa. Iyon din kasi ang nagpapaala-ala sa akin na minsan niyang pinili na huwag mabuhay kasama kami—ako—dahil sa sobrang sakit na nararamdaman.
Muli akong kumagat ng malaki mula naman sa magkapatong na slices ng pizza. Bahagyang ngumuya.
“Pangalan.” sabi ko habang nakatingin sa hawak kong pizza. “Kurso.” dagdag ko habang punong-puno ang bibig ng pagkain.
Bigla siyang napatingin sa akin. Kahit na hindi direktang nakatingin sa kanya ay nakita ko kung papaanong umunat mula sa pagkakakunot ang kanyang noo. Dahan-dahan ko na ring ibinaling sa kanya ang aking paningin.
“’Yun lang. Nothing else!” dagdag ko.
Nakita ko kong paano nagliwanag ang kanyang mga mata at ngumiti ng pagkatingkad-tingkad. Hindi ko rin mapigilan na ngumiti kahit na punong-puno ang aking bibig ng pagkain.
“Pareeeeee!!!” tuwang-tuwa niyang sabi at pagkatapos ay tumayo upang yakapin ako sa aking kinauupuan. “Salamat, tol! Salamat talaga, pre!”
Halos mabilaukan ako sa aking kinakain dahil sa pagaalog niya sa akin habang yakap-yakap ako. Natatawa rin ang ilang mga tao na nakatingin sa amin kahit na hindi nila alam kung tungkol saan ba ang aming pag-uusap.
“Oo, tol. Pangalan at kurso lang! Ako na bahala sa iba!” sabik nitong sambit pa at hindi pa rin bumibitaw sa pagkakayakap sa akin. “Maaasahan ka talaga, tol! You have no idea how massive this is for me, Chard.”
Pinilit ko namang alisin ang kanyang mga matitipunong braso sa akin dahil nahihirapan na rin akong huminga. Kahit naman kasi hindi sobrang laki ng kanyang katawan, eh hindi ko kaya kapag sobrang higpit ng yakap niya sa akin.

Halos alas-otso na ng gabi nang matapos ang huli kong klase. Tinext ko na rin si Seb na palabas na rin ako ng aming building at papunta na sa parking area.
Pagbaba ko sa hagdan ay nasalubong ko ‘yung babae na nahuli kong nakatitig sa akin noong orientation ng mga student marshals kaninang umaga. Nagkatinginan kami ng saglit at napansin ko na napangiti siya at namumula. Medyo nawirduhan ako sa kanya kaya’t nagmadali na lang akong umalis.
Hindi na ako tumuloy sa parking area dahil sinabihan na lang ako ni Seb na dadaanan na lang niya ako sa tapat ng building namin palabas ng gate. May idadaan lang daw siya sa locker niya sa malapit sa indoor pool area ng school. Minabuti ko na lamang na maghintay doon at maupo sa gilid.
“Cha.” isang boses ang narinig ko mula sa aking likuran.
Pagkalingon ay ang babaeng iyon na naman. Nakangiti itong lumapit sa akin at naupo sa tabi ko. Hindi ko alam kung anong ibig niyang sabihin kaya’t tatanungin ko na dapat siya nang bigla na naman siyang umimik.
“My name is Cha Robles. It’s Charisse, actually. Pero yeah, Cha is good.” sabi niya. Nakangiti.
Napabuntong-hininga na lang ako at tumango. Iniayos ko rin ang pagkakasabit ng aking bag sa aking mga balikat.
“What, you won’t say anything? Ayan ba ‘yung katorpehan na tinatawag?” bigla niyang sabi.
Dahil hindi ko nga siya maintindihan ay ikinunot ko na lang ang aking noo.
“Aren’t you gonna say anything?” dagdag pa niya.
“Miss…”
“Cha. It’s Cha. And by the way, I’m taking up B.S. Entrepreneurship.”
“Okay, Cha. I don’t have any idea what’s you’re implying here.” sabat ko.
Natawa ito at napatingala. “This is how you wanna play, huh?”
“Seriously, what are you talking about?” lito kong tanong sa kanya.
“Very funny, Chard. Very funny!”
“Bahala ka sa buhay mo.” mahina kong sagot.
“Marky told me that you wanted to know who I was.” sabi niya bigla. “Pati na rin course ko. Kaya nga heto at sinasabi ko na. Pero gusto mo yatang magpaka-mysterios eh. Edi game!”
Nagulat ako sa sinabi niya kaya’t napamura na lang ako.
“Anyway, it was nice meeting you, Mr Mysterious. See you around.”
Magrarason pa dapat ako pero bigla na siyang umalis. Nakakaloko lang dahil pangiti-ngiti pa siya habang papalayo.
Ito ang ayaw ko sa ilang mga babae. Masyadong assuming.
Bigla naman akong nagulat ulit dahil sa pagbusina ni Seb na nariyan na pala. Agad naman akong sumakay sa sasakyan at nagsuot ng seatbelt.
“Charisse Robles. B.S. Entrepreneurship.” bigla kong sabi kay Seb matapos makapag-seatbelt.
Katulad ng inaasahan ay biglang naglulundag sa driver’s seat si Seb at inaalog-alog ang aking balikat.
“Toool! Thank you! Thank you!” sabik nitong pasasalamat sa akin.

Kinagabihan bago matulog ay nakatanggap ako ng SMS mula sa isang hindi kilalang numero. Inisip ko na baka isa lamang iyon sa mga kaibigan ko na nagpalit ng sim card. Medyo unusual nga lang dahil halos alas-dos na ng madaling araw.
Hi there!
Hindi ko na lang ‘yon masyadong pinansin. Ngunit maya-maya ay may panibagong message na naman.
Mr Mysterious?
Nalintikan na! Akala siguro nitong lukaret na ‘to na interesado ako sa kanya. Inisip ko, paano ko kaya sasabihin sa kanya na hindi ako interesado sa kanya. Ayaw ko rin naman na ilaglag si Seb sa kanya. Naisipan ko na lang na replyan siya.
Cha? Look, I was just asking about your name and course because I lost the copy of the list of the new students this year. I also asked all the other freshmen about it even their courses. That’s all.
Bigla ko na lamang dinelete an gaming conversation at ni-lock ang aking cellphone. Maya-maya ay nakatanggap na naman ako ng message mula sa kanya:
Blah blah. Yeah, right. Well, you also forgot to ask for my number. Here it is.
Naglabas na lang ako ng isang malakas na paghinga at inilagay ang aking cellphone sa ilalim ng aking unan.
“Ano ‘yan?” biglang sabi ni Seb mula sa top bunk.
“Wala. Matulog ka na.” sagot ko habang nakasubsob ang mukha sa unan.
“Tol, kung may kailangan kang ilabas, ‘wag dito ah.” natatawa nitong sambit. “Nood kasi ng nood ng porn imbes matulog eh.”
“Gago! Bastos talaga ng utak mo!” tugon ko naman.
“Basta ‘wag dito, tol. Andun lang ‘yung banyo oh.” pang-iinis pa niya.
“Ulol!”
Hindi ko na dapat siya papansinin nang bigla kong nararamdamang ang kalikutan niya sa higaan. Bigla pala siyang bumaba at tumabi sa akin sa bottom bunk.
“Ano na naman ‘yan? Matulog na tayo, Seb.” reklamo ko sa kanya.
Pumwesto siya sa bandang ulunan ko. Ginawang unan ang likod ko sa bandang balikat habang nakapatong sa pader ang mga paa. “Tol, pakiramdam ko in love na talaga ako kay Cha. Iba eh. Ibang-iba!”
“In love? Gago! Ngayon mo lang nakita, in love agad?” ibinalik ko sa pagkakasubsob sa unan ang aking mukha.
“Hindi mo kasi ako naiintindihan eh. Ito na yata ‘yung sinasabi nilang ‘love at first sight,’ tol.” paliwanag niya. “Nakakatawa, pero parang tinamaan talaga ko eh.”
“Sus. Tapos bukas-makalawa, in love ka na naman sa iba. Kilala ka na, tol. Don’t me!” sagot ko.
“Haha! Grabe ka naman sa kaibigan mo!” natatawa nitong tugon. “Pero seryoso, sobrang saya ko talaga ngayon. Salamat ah!”
“Sus.” tanging naging tugon ko.
Bigla na naman niya akong niyakap at iniikot ang aking ulo upang humarap sa kanya. Humiga na rin siya ng maayos sa tabi ko paharap sa akin. Nagulat ako nang makitang halos isang pulgada lang ang pagitan ng aming mga mukha. Napatitig ako sa mga labi niya. Mapula at mukhang napakalambot.
“Buti na lang talaga at kaibigan kita, tol.” seryoso niyang sabi sa akin. “Hindi ko alam kung anong gagawin ko kung hindi kita utol.”
“Gago!” agad kong inalis ang aking pagkakatitig sa kanya mga labi at muling lumingon pabalik sa aking unan. “Sinusumpong ka na naman ng pangungulit mo.”
Pinigilan niya ang paglingon ko pabalik sa aking unan at muli akong iniharap sa kanya. Marahil ay alam niyang lilingon ulit ako kaya ipinatong lamang niya ang kanyang kaliwang kamay sa aking ulo upang mapigilan ako kung sakaling lilingon ulit.
“Seryoso ako, Chard. Hindi mo lang alam kung gaano ako nagpapasalamat na kaibigan kita.” sabi niya. “Kahit na topakin ka!’ nangingiti pa niyang dagdag.
“Ulol! Ikaw kaya ang topakin.” sagot ko sa kanya.
“Haha! Pero kahit na lagi ka pang topakin, kahit araw-araw! Laking pasasalamat ko pa rin dahil utol kita.” Bumalik siya sa pagiging seryoso at nakatitig sa akin.
Nararamdaman ko na naman na malapit nang mamula ang aking mga pisngi kaya bigla kong tinabig ang kanyang kamay at umayos ng higa. Mula sa pagkakadapa ay tumihaya na ako at tumitig sa kanyang kama sa itaas ng bunkbed. Kahit patay ang ilaw ay ramdam ko na nakatitig pa rin siya sa akin at pinipigilan ko ang aking sarili na lingunin siya.
“Chard.” tahimik niyang sabi.
“Mmm?” tugon ko.
“Sana babae ka na lang, no?”
“Gago ka.” nakatitig pa rin ako sa taas ng bunkbed. “Matulog ka na.”
“Edi sana…” mas humihina na ang kanyang boses. “Ikaw na lang…”
Nagulat ako sa sinabi niyang ‘yon. Balak ko sana siyang murahin at pagtawanan para pagtakpan ang gulat ko sa kanyang sinabi ngunit paglingon ko ay nakita kong nakapikit na siya at malalim na ang paghinga.
Ang mahal kong gago, mabait at gwapo kahit na gago, ay tinulugan ako.
“Sana nga…” bulong ko sa sarili. “Sana nga ako na lang, Seb.”
Humiga na lamang ako patagilid at tumalikod sa kanya. Pilit na idinaan sa tulog ang lungkot na muling naramdaman.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This