Pages

Thursday, March 16, 2017

Ang Boss at ang Driver (Part 12)

By: Asyong Bayawak

Sumapit na naman ang Disyembre. Bakit ganon? May mga panahong parang ang bagal-bagal, pero sa isang saglit, natapos na pala ang isang kabanata ng ‘yong buhay?

Tandang-tanda pa ni Gabe na noong isang taon, ni hindi siya tinitingnan ni Daniel. Nag-away sila nang dahil kay Rusty. Nagkalabuan. Akala niya’y katapusan na ng mundo.

Noong isang taon, ayaw niyang kausapin ang ama, at malaki ang pagtatampo sa mga kapatid. Tila ba ninakawan siya ng dahilan para mabuhay. Kung wala na ang mga taong mahal, ano pang silbi mo sa mundo?

Hindi niya alam kung tadhana lang ba na naging maayos din ang lahat, o baka naman kaya mirakulo lang ng Pasko? Noong inakala niyang wala nang pag-asa, biglang nagbalik ang lalaking mahal, muli siyang kinupkop. At sa tulong ni Daniel, napatawad niya ang ama at lalo pang napalapit ang kalooban sa mga kapatid.

Syempre, hindi doon nagtapos ang lahat. Napakarami pa niyang pinagdaanan. Talagang sinubok kung gaano siya katatag.

Pero sa kabila ng lahat, natupad din ang kanyang mga pangarap. Ang makapag-solo travel, ang muling kumuha ng exam sa pinapangarap na unibersidad, at ang tuluyang balikan ang naiwang lalaking pinakamamahal. Bonus pa na nakatagpo siya ng matalik na kaibigan. Tunay ngang may plano ang Diyos para sa lahat. Akalain ba niyang nang dahil sa muntik siyang masagasaan dahil sa gutom at pagkalito ay mapapapadpad siya sa kinalalagyan niya ngayon?

May brasong umakbay sa kanyang balikat.

‘Love, anong iniisip mo?’ tanong ng nobyo. ‘Tapos na ang misa, hindi pa ba tayo aalis?’

Nginitian ni Gabe ang napaka-gwapong lalaki sa kanyang tabi. Ang lalaking kanyang mapapangasawa.

‘Iniisip ko lang…’

‘Na?’

‘Na ano… Huwag kang mako-kornihan, ha? Na ano… na hindi ko akalaing makakatagpo ako ng isang kagaya mo.’

Hinalikan siya ni Daniel sa pisngi. Namula ang mukha ni Gabe, pero napanatag ang kalooban nang makitang nakangiti ang mga taong nakatingin sa kanila habang naglalakad palabas ng simbahan. Puno ng Christmas lights ang paligid at umaawit ng Hark the Herald Angels Sing ang mala-anghel na koro. Paborito talaga niya ang unang simbang gabi.

‘Oh, tapos?’ Kinurot nang bahagya ni Daniel ang kanyang tagiliran.

‘Tapos,’ pagpapatuloy ni Gabe, ‘nagpapasalamat ako kay Lord dahil sa lahat ng nangyari sa buhay ko noong gabi na nagkita kami ni Tito Manny. Kasi, dinala niya ako sa ‘yo, tapos, nagwapuhan ka sa ‘kin, tapos sineduce mo ako.’

Nagtawanan silang dalawa.

Hinawakan ni Daniel ang kanyang mga kamay. ‘Syempre, ise-seduce kita, baka maunahan pa ako nung lalaki sa beach, tanda mo?’

‘Si Kellin.’

‘Oo, ‘yun nga. Eh kita mo naman, nagwagi pa rin ako.’

‘Kahit na tinatanggi mo pa noong una na gusto mo ‘kong maging boyfriend,’ panunukso ni Gabe.

‘Yun na nga ang malaki kong pagkakamali. Hindi pa ako naniwala sa LOVE eh nasa harapan ko na pala.’

‘At hindi ka din ganyan ka-sweet dati. Para kang taong bato na may pusong yelo.’

‘Okay, kalimutan na natin ang nakaraan,’ sabi ni Daniel, sabay tawa. ‘Nagbago na naman ako, diba? Kasi nga mahal kita at ayokong bigyan ka ng dahilan para magdalawang isip pa.’

‘Huli na ang lahat,’ tugon naman ni Gabe, ‘dahil buntis na ako. Ha-hantingin ka ng tatay ko kapag iniwanan mo ako.’

‘Iyon nga, laking takot ko nalang sa tatay mo. Hindi iilang beses na pinagsabihan ako nung huli kaming nagkita. Pwede silang mag-duet ng papa ko sa pangangaral. Tapos ikaw, hindi ka manlang pinagsasabihan? Parang nakakahalata na talaga ako.’ Nag-pout si Daniel na tila nagtatampo.

Pinisil ni Gabe ang pisngi nito. ‘Eh ako naman ang kakampi mo, diba?’

Ngumiti si Daniel. ‘Buti nalang, dahil malaki kang shield. At malaki rin ang… ah, huwag nalang pala, nasa simbahan tayo eh. Hahaha…’

‘Halika na nga, baka malaman pa ni father kung gaano kadumi ang pag-iisip mo.’ Tumayo na si Gabe at hinila ang nobyo.

Dumeretso ang magkasintahan sa kanilang bagong apartment na nasasakupan ng Forestry. Bagama’t nais ni Gabe na magkapitbahay lang sila ng bestfriend ay nauunawaan din niya ang pangangailangan ng nobyo na magkaroon ng malaking espasyo dahil sa bahay ito nagta-trabaho. Ang tanging hiling lang ni Gabe ay sila ang gagawa ng mga gawaing bahay, at hindi naman siya binigo ni Daniel.

Ilang linggo nalang ay malalaman na niya ang resulta ng exam. Kung papasa man siya sa UP o hindi, sigurado siyang sa Los Banos na niya gustong manirahan. Naghahanap lang ng magandang property si Daniel na maaaring pagtayuan ng bahay. Eto na ang buhay niya ngayon at wala nang iba pang makapagpapasaya sa kanya.

Matapos mag-umagahan ay hinugasan na ni Daniel ang mga pinagkainan. Nagpupunas naman ng lamesa si Gabe.

‘Matutulog ka pa ulit bago pumasok?’ tanong ni Daniel.

‘Ay, hindi na,’ sagot ni Gabe, ‘Naka-leave kami ni kuya, diba? Kasi blessing na nung library na tinulungan niyang ipatayo, eh alam mo naman kapag napadpad ‘yon sa ampunan, ayaw pakawalan ng mga bata.’

‘Ah, oo nga pala, no? Sumama nalang kaya ako? Mabuti na rin yon, para may makatulong kayo, at hindi pa ako nakakapunta don eh. Wala naman akong gagawin ngayon.’

‘Okay, sige, pero… nandoon din si Rusty, ha? Alam ko naman na okay na kayo, baka lang magulat ka.’

‘Talaga? Pinatawad na ba ‘yon ni Jace?’

‘Oo naman. Sabi ni kuya, matagal na daw niya ‘yong pinatawad. At nag-sorry na ng personal si Rusty, so ayon, nagpapa-bibo, bumabawi. Kung anu-anong inaalok na tulong. Kaso…’

‘Kaso ano?’ pag-uusisa ni Daniel.

‘Tinatanggihan lahat ni kuya. Oh, bakit ka natawa?’

‘Yun ba yung mga nakikita kong ipinapaabot sa ‘yo ni Rusty?’

‘Oy, huwag ka maingay. Pero, oo, yung mga gustong ibigay ni Rusty, dumadaan muna sa mga kamay ko, para lang tanggapin nung isa. Pero syempre, secret lang.’ Napatawa na rin si Gabe sa sarili. Umiling-iling siya. ‘Ewan ko ba dun sa dalawang yon, parang mga baliw.’

‘So, teka, hindi alam ni Jace na kay Rusty galing yung mga libro, art materials, at chocolates? Ano namang palusot mo?’

‘Sabi ko galing sa mga fans ko. Binibiyayaan ko lang sya. Hahaha…’

‘Pero… hindi ba sobra naman yata yang ginagawang pag-so-sorry ni Rusty? Hindi kaya…’

‘Oy, huwag kang mag-assume. Walang gusto si Rusty kay kuya. Guilty lang talaga. At huwag siyang magbabalak na pormahan yung bestfriend ko. Hindi siya karapat-dapat.’

Napatawa si Daniel. ‘Hinusgahan mo naman agad.’

‘At isa pa,’ dugtong nig Gabe, ‘sabi ni kuya may nakilala daw siya. Parang may pag-asa.’

----------------

Kinabahan na si Rusty nang matanaw ang jeep na nakaparada sa harapan ng gate. Itinabi niya ang sariling sasakyan sa pinaka-malapit na parking space at agad na pumunta sa apartment compound. Hindi nga siya nagkamali. Nagbubuhat si Jace at ang isang babae ng mga kahon na inilalagay naman sa jeep.

‘Jace,’ tawag ni Rusty.

‘Oh, Rusty.’ Para na namang nakatingin sa kawalan ang lalaki. Parang kahit nakatutok sa kanya ang mga mata nito ay hindi siya nakikita.

‘Yan ba yung mga dadalhin sa ampunan?’ tanong niya. ‘Diba sabi ko naman yung sasakyan ko nalang ang gagamitin?’

‘Ah, oo nga pala, no? Sorry, nakalimutan ko. Anyway, free lang naman yang jeep, hiniram lang yan ng boyfriend ni Odet.’ Ipinatong ni Jace ang isang kahon sa loob ng jeep at saka ito itinulak papasok. ‘Si Odet nga pala. Odet, si Rusty.’

Kinamayan niya ang babae. Ito pala ang Odet na palaging kasama sa usapan nina Jace at Gabe. Maliit, payat, singkit, malaki ang mga ngipin, na kasing laki ng ngiti nito.

‘Ah, ikaw pala si Rusty.’ May kislap ang mga mata nito na parang nanunukso.

Tila hinila pababa ang kanyang bituka. ‘Ako nga, nice to meet you. Pero sabihin ko na rin, kung ano mang ikinuwento sa ‘yo ni Jace, totoo ‘yon, pero nag-sorry na ako, diba Jace?’

‘Uh-huh,’ sagot ni Jace, sabay talikod. Napatawa naman si Odet.

‘Oo nga, nasabi na rin sa akin.’

Muntik nang mapakamot sa ulo si Rusty. Talaga palang walang sikretong natatago sa mga magkakaibigang ito.

May isang lalaking lumabas ng apartment na may dalang mga plastic envelopes ng school supplies.

‘Hon,’ pagtawag ni Odet sa lalaki, ‘this is Rusty, Jace’s coworker. And Rusty, this is my boyfriend, Mark. He’s Singaporean, so he doesn’t speak Filipino.’

‘Hi,’ bati ni Mark, at saka siya kinamayan matapos ibaba ang mga gamit sa sasakyan.

Paglabas ni Jace ay isinarado na nito ang pintuan ng bahay. ‘O, pano, uuna na kami,’ sabi nito.

‘Ha? Hindi ba kayo pupunta sa ampunan?’ tanong ni Rusty.

‘Pupunta,’ sagot ng lalaki.

‘Kasama ako, diba?’

‘Ay, sorry, makakalimutin. Sige, sunod ka nalang.’ Sumakay na ang tatlo sa jeep at iniwan siyang nakatayo sa harap ng gate.

‘Sorry?’ tanong ni Rusty sa hangin. Lumiko na ang sasakyan at nawala na sa kanyang paningin. ‘Sa pulis ka magpaliwanag!’

Namumula ang kanyang mukha sa inis. Sabi ni Jace, napatawad na sya, pero lagi namang ganito, patay malisyang hindi naalala ang mga pangako niya. Lahat ng tulong tinatanggihan. Lahat ng regalo tinatanggihan. Umiiwas kapag nilalapitan! Tipid ang sagot kapag kinakausap! Bwiset talaga!

Nagmarcha si Rusty patungo sa apartment at padabog na binuksan ang pinto gamit ang susing hindi na isinauli. Deretso sa kwarto at pinagsusuntok ang kutson ng kama.

‘Bwiset ka! Bwiset ka!’

Hingal na hingal siya matapos ang ang tatlong minutong pakikipagbakbakan sa kutson. Kasunod niyon ay kinuha ang pinaka-malaking unan at niyakap ito nang mahigpit na parang nananakal. Dumapa siya sa kama at ibinaon ang mukha sa iba pang mga unan, habang nagsusumigaw ng kung ano-anong hindi maintindihan. Tumihaya si Rusty at naglabas ng malalim na buntong hininga.

Mahigit isang oras din siyang nakatulog sa ganong posisyon.

Payapa ang pakiramdam nang siya’y magising. Malamig ang kwarto kaya’t binalot niya ng kumot ang sarili. Halos sampung minutong nagmuni-muni bago tuluyang bumangon. Gusto pa sana niyang matulog pero baka wala na siyang abutan sa blessing.

Lumabas si Rusty at siniguradong naka-lock ang pintuan ng apartment. Muling ibinulsa ang susi.

Nang makarating sa ampunan, walang tao sa reception area. Unang beses pa lang niyang makapunta dito at hindi niya alam kung nasaan ba ang library. Tatawagan na sana niya si Gabe nang may sumulpot na babaeng gwardiya mula sa likod ng building.

‘Good morning po, sir. Sino pong hanap nila?’

‘Hello po, ma’am. Nandito po ako para sa blessing nung library.’

Humagikgik ang babae, kahit wala namang nakakatawa sa sinabi niya. Halatang kinikilig. ‘Ah, bisita po kayo ni Jace?’

‘Opo.’

‘Naku naman si sir, huwag ka nang manganupo. Halika, dito po tayo.’

Malaki pala ang lote ng ampunan. May covered court, cafeteria, recreations room, dormitories, at kung anu-ano pa. Ayon sa paliwanag ng gwardya, mahigit isang taon pa lamang ang ampunan (na ang pangalan ay Ribblestrop, mula sa paboritong libro nung may-ari), at mayroon na silang mahigit singkwentang mga bata. Magtatayo din daw sila ng paaralan dito para masiguradong maayos ang matututunan ng mga bata, para ready sila paglabas ng ampunan. Palagi rin daw silang nangangailangan ng mga volunteers. Maraming galing sa UPLB, pero ilan lang ang regular na pumupunta na kagaya ni Jace.

Nasa labas ng aklatan ang mga bisita, mga bata, caretakers, at mga opisyal ng Ribblestrop, habang nagbabasa ng bibliya ang pari. Tahimik ang lahat at karamihan ay may hawak na kandila. Nagulat si Rusty dahil kahit ang mga batang bulinggit ay behaved at hindi naglalaro. Maya-maya pa’y binindisyunan na ng pari ang harap ng gusali at saka pumasok, kasunod ang mga tao. Naghintay na lamang si Rusty sa labas dahil hindi lahat ay magkakasya sa loob.

‘Ang babait pala ng mga bata dito,’ komento ni Rusty sa gwardyang hindi na umalis sa kanyang tabi. 

Napatawa naman ito. ‘Naku, kapag may mga bisita lang. Sabi kasi ni Jace, hindi makakatanggap ng regalo ang mga makukulit, kaya ayan akala mo mga anghel!’

‘Matagal na po bang volunteer si Jace dito?’

‘Oo, nauna pa nga ‘yan sa akin. Parang empleyado na ‘yan dito, pero hindi sumusweldo. Baby nga niya yang library. Siya ang nagpinta ng loob nyan, hindi mo pa siguro nakikita, no? Naku, napakaganda! Lahat ng bisita idinadaan namin dyan, pang highlight ba. Pati yung unang mga libro nyan, galing lahat kay Jace. Siya ang solong nagbitbit kahit umuulan. Nakaka-awa nga eh, hindi lang namin natulungan kasi walang magbabantay sa mga bata. Pero sabi naman niya, okay lang basta masaya ang mga bata.’

Tumango lang si Rusty. Tulo ang malamig na pawis. ‘Sino palang may-ari nito?’ tanong niya, pagbabago ng usapan.

‘Ah, si sir Jamie, taga-Argentina. Hindi pa nga yon pumupunta dito, baka sa Pebrero daw. Yung mga kamag-anak niya ang nag-ma-manage ng ampunan, pero siya talaga ang may-ari.’

‘Sige, ate, salamat. Pupuntahan ko lang sila, mukhang tapos na magbendita.’

‘Sige po, sir, dalaw ulit kayo ha!’ Umalis na ang gwardya at iniwan siyang nakatayo. Lumabas na sa aklatan ang mga tao. Kausap ni Jace ang pari, kasunod sina Gabe, Daniel, Odet, Mark, at iba pa. Pumunta sila sa reception hall sa likod.

Kaunti nalang ang natirang tao sa isang-palapag na gusali. Hindi ito kalakihan, mga seventy square meters, pero kitang-kita mo ang lahat ng pagmamahal na ibinuhos dito. Ang isang pader ay nababalutan ng mural, na ngayon ay nare-recognize niya na kay Jace. Kilalang-kilala na na niya ang estilo at kulay. Sa ceiling ay may chandelier na gawa sa mga ginupit na pwet ng bote ng Coke 1.5; sa mga panabi ay ang mga cabinet na puno ng mga libro; sa gitna ay mga mesa’t upuan. Malalaki ang mga bintana kaya’t pasok ang liwanag ng araw. May ilang mga bisitang nakaupo at nagbabasa, pero karamihan ay pinagmamasdan ang mural at ilang paintings na naka-kwadro.

Gusto na naman niyang lamunin ng lupa sa kahihiyan. Dahil sa pagiging makasarili, hindi siya nakatulong sa pagbuo ng lugar na ito. Mas pinili niya ang magpakasaya, na wala rin namang pinatunguhan. Bumuntong hininga siya. Ilang beses na ba niyang tinangkang samahan sa pagvo-volunteer si Jace? Lahat ‘yon tinanggihan. Hindi naman daw niya kailangang “bumawi.”

Palabas na sana siya ng aklatan nang tila may bumbilyang nagliwanag sa kanyang isipan.

Nilapitan niya ang ale na naka-upo sa likod ng mesa sa tabi ng pintuan. Naka-uniporme ito na kagaya sa mga caretakers ng ampunan.

‘Ate,’ pagtawag ni Rusty.

Ngumiti ang babae. ‘Ano po, ‘yon, sir?’

‘May nagtuturo na ba ang singing lessons dito?’

----------------

‘Hindi pa kayo uuwi?’ tanong ni Jace.

Nilingon ito ni Gabe. ‘Mukhang hanggang mamaya pa kami, kuya. Kita mo naman, marami pang customers yung isa.’

Kagaya ni Gabe, may buhat ding batang natutulog si Jace. Napagod na kinalalaro ang mga chikiting. Sa ‘di kalayuan ay pinagkakaguluhan naman ng mga bata si Daniel. Hindi nila marinig ang sinasabi nito, pero tawa nang tawa ang mga batang nakapalibot sa lalaki.

‘Ang laki ng ngiti mo, ah,’ pansin ni Jace. ‘Nakaka-inlove si Daniel, no?’

Lalong lumapad ang ngiti ni Gabe. Hindi na siya sumagot. Alam naman ni Jace ang nararamdaman niya para sa nobyo.

‘Ano na bang plano nyo?’ tanong ni Jace.

‘Saan?’

‘Kailan ba kayo magpapakasal?’

Tiningnan ni Gabe ang platinum na singsing sa daliri, nilaro-laro ito. ‘Hindi ko pa alam eh.’

‘Paano kung surprise pala?’

Tumawa si Gabe. ‘Baka kasabwat ka na naman, ha? Sabi ko kay Dan, huwag nya ako gugulatin ng kasal. Una, hindi ako mahilig sa sorpresa; at pangalawa, gusto kong paghandaan ang araw na ‘yon dahil minsan lang ako ikakasal.’

Nagkwentuhan pa sila tungkol sa buhay-buhay, hanggang namalayan nalang nila na alas-siete na pala. Sinusundo na ng mga ‘nanay’ ng ampunan ang mga bata para makapag-linis na at maghapunan bago matulog.

Umalis na ang mga kaibigan ni Jace kanina kaya’t si Gabe na ang nagprisintang ihatid ang bestfriend sa apartment.

Pagdating sa library para kunin ang mga gamit, nagulat sila sa nakita: si Rusty, naka-upo sa silya at may hawak na gitara, napapalibutan ng mga bata at nagkakantahan. Tumigil lang ito nang mapansin na nakatayo silang tatlo sa may pintuan.

‘Aalis na ba tayo?’ tanong ni Rusty.

‘Ah… oo, aalis na,’ sagot ni Jace. ‘Pero kung gusto mong magpaiwan, okay lang—’

‘Sasabay na ‘ko.’ Tumayo si Rusty. ‘Oh, mga bata, babalik nalang ako sa Sabado, ha? Wala akong pasok kaya pwede ulit akong mag-lesson.’

‘Yehey!!!’ sigaw ng mga bata. Kanya-kanyang kuha ng gamit bago nagsilabasan sa aklatan. Nag-mano lahat kay Jace.

‘Kay tito Gabe at tito Daniel din,’ utos ni Jace, kaya’t nag-mano rin ang mga ito sa kanila bago umalis.

‘Good night!’ sigaw ng mga bata habang naglalakad palayo.

Lumapit si Rusty, dala ang gitara. ‘Tara na,’ sabi nito. ‘Jace, sa akin ka na sumabay, hindi ko kabisado ang daan dito eh, baka maligaw ako.’

‘Ah—eh, ano kasi, ah…’

‘Good night,’ bati ni Rusty kina Gabe at Daniel, at saka hinila papuntang parking lot si Jace.

Naiwang nakatulala ang mag-nobyo.

Tumawa nang malakas si Daniel. ‘I told you— oh, san ka pupunta?’ Hinawakan niya sa braso ang kasintahan.

Hindi mapakali Gabe. ‘Diba sa atin sasaby si kuya? Bakit—’

‘Relax, babe. Malaki na yung kuya mo. Kung ayaw nong sumama kay Rusty, tatanggi ‘yon. At ano bang inaalala mo?’

Tumigil na sa pagpupumiglas si Gabe. ‘Ayoko lang namang makitang masaktan yung tao,’ mahinang sabi nito. 

‘Ihahatid lang naman sa bahay. Hindi naman hinihila papuntang simbahan.’

‘Halika na nga, umuwi na tayo,’ pagyayaya ni Gabe, na halatang yamot pa rin.

Nang makauwi sa bahay ay agad na nagluto si Gabe. Nagsaing at nagpainit ng ulam galing sa ref.  Sobrang nakakapagod nga palang mag-alaga ng mga bata. Naalala tuloy niya noong maliliit pa ang kanyang mga kapatid, kaya’t tinawagan niya ang mga ito habang naghahanda ng mesa si Daniel.

Wala muna silang pansinan habang kumakain dahil sa gutom. At nang matapos ay sabay silang naghugas ng mga pinagkainan. Naunang naligo si Daniel at pagkatapos naman ay si Gabe. Paglabas ni Gabe ng banyo ay naabutan niyang nagsisipilyo si Daniel sa lababo sa kusina. Nakasuot lang ito ng itim na brief. Sa tambok ng pwet ay hapit na hapit at mukhang kinulang na sa tela ang underwear.

Nilapitan niya ang lalaki at niyapos mula sa likod. Umungol lang si Daniel at ipinagpatuloy ang pagsisipilyo. ‘Ang galing mo palang mag-alaga ng mga bata,’ sabi ni Gabe sa nagmumumog na lalaki. ‘Akala ko wala kang pasensya.’

Idinura ni Daniel ang tubig at binanlawan ang sipilyo. ‘Noong high school at college ako, inalagaan ko mga pamangkin ko.’

Inamoy-amoy ni Gabe ang basang buhok ng kasintahan. ‘Kaya pala kahit sungitan mo sila, sunud-sunuran pa rin.’

Tumawa si Daniel. ‘Aba, ako yata ang nagpapalit ng diaper nila dati. Nagpapadede, nagpapaligo, nagpapatulog. Hindi lang halata, pero magaling akong mag-alaga ng bata.’

Hinalikan ni Gabe ang batok ng nobyo.

Humarap si Daniel sa nobyo. Magkayapos, pero magkalayo ang mukha.

‘Pag ba… kinasal tayo,’ sabi ni Daniel, ‘gusto mo bang mag-ampon?’

Nag-isip si Gabe. ‘Siguro… hindi ko pa talaga alam. Gusto ko syempre, maayos muna ang kalagayan natin. Oo nga, kaya natin buhayin ang mga magiging anak natin, pero sigurado ba tayo na matututukan natin sila ng maayos? May trabaho ka, mag-aaral naman ako. Ayoko namang maiwan ang mga bata sa katulong. Gusto ko kapag may assignment, matuturuan natin. Kapag may meeting sa school, at least isa sa atin makakapunta.’

Nakangiti si Daniel. ‘Eh kung sabihin ko sa ‘yo na hindi ko naman kailangan magtrabaho? Payag ako na house husband. Hindi naman natin po-problemahin ang pera.’

‘Ha? Ta-talaga ba? Sigurado ka?’

‘Oo naman!’ Dinampian ni Daniel ng halik ang kasintahan. ‘Itong mga nagdaang buwan na yata ang pinaka-masaya sa buhay ko. Yung palagi kitang kasama. Ipinaghahanda ng pagkain, ipinaglilinis ng bahay, ipinagpa-plantsa ng damit.’

Tumawa si Gabe. ‘At masarap ka magluto at palaging malinis ang bahay at maganda ang pagkaka-plantsa ng mga damit.’

‘Oh, kita mo?’

Hinigpitan ni Gabe ang yakap. ‘Kitang kita,’ sagot ni Gabe.

‘Babe… sa Pasko…’

‘Hmmm?’

‘Pakasal na tayo.’

Biniyayaan ni Gabe ng pagkatamis-tamis na ngiti ang nobyo. ‘Handa na ‘ko.’

---ITUTULOY--- 

No comments:

Post a Comment

Read More Like This