Pages

Wednesday, March 29, 2017

Halik sa Hangin

By: Raphael Lexton

Lumaki akong alam kong nagkakagusto din ako sa kapwa ko lalaki pero hindi pa ako nagkaroon ng relasyon dito. Karaniwan ay babae ang mga nakakarelasyon ko pero walang nagtatagal. Medyo pilyo kasi ako dati kaya madalas ay hinihiwalayan ako ng mga ex girlfriend ko. Pero ayos lang ito sa akin dahil naniniwala akong madaming isda sa dagat.

JC ang tawag sa akin ng mga nakakakilala sa akin. Ako ngayon ay nagmamanage ng sarili kong Coffee shop. Masaya at happy go lucky ang aking disposisyon sa buhay. Hanggang makilala ko ang taong tuluyang nakapagpabago sa akin.

2012 nang buksan ko ang Coffee Shop ko “Coffee Prince” ang ipinangalan ko dito at ito ay matatagpuan sa tapat ng Makati Medical Center. Maganda kasi ang lugar na ito dahil sa madaming tao. Bukod sa ospital ay may mga katabi itong opisina at mga condo. Tiyak hindi ako mawawalan ng customer. Nang mag-opening kami ay masaya ako dahil madaming tao ang sumubok ng aking coffee shop. Hanggang sa magtanghali na at kumonti ang mga tao. Dun ko napansin ang isang lalaking nakaputi. Nakita ko na may logo ang suot nya na Makati Med. Malamang ay empleyado sya dito, sa tingin ko ay isa syang Nurse. Nakatayo sya sa labas ng shop habang nagmamasid sa mga poster sa labas. Nakangiti sya nung mga oras na yun. Napako ang tingin ko sa kanya. Sa hindi ko inaasahang pagkakataon ay napatitig ako sa kanya. Bigla akong lumapit sa kinatatayuan nya at mas lalo ko syang natitigan.

Masasabi ko na may presentable naman syang itsura. Nabighani ako sa maganda nyang mga mata. Naguluhan ako dahil hindi ako ganito sa mga kapwa ko lalaki, pero sa kanya ay parang ang lakas ng loob ko. Binati ko sya sa labas na pumasok at i-try ang mga produkto namin. Ngumiti lang sya sa akin na para nya akong hinihypnotize.

Maya-maya pa ay umalis na sya. Nag snap back ako sa reality. Ewan ko kung bakit ganun na lang ako sa kanya. Hindi ko din maipaliwanag nung pagkakataon na yun.

Pag-uwi ko ng bahay ay binati ako ng aking Mommy. Ipinagpaalam nya sa akin na ipapalipat nya sa basement ang vault ng aking Great-great grandfather. Nasa aking pangangalaga kasi iyon simula nung ipinamana sa amin ito ng Lolo ko.
Hindi ko alam pero masyado akong naging attached sa vault na ito simula nung bata pa ako. Walang nakakaalam ng code nito kaya matagal na itong hindi nabuksan simula nung mamatay ang Lolo Juan nung panahon pa ng mga Kastila. Nagpasalin salin sa ilang henerasyon ang vault na yun. Imbes na buksan ay hinayaan na lang nila itong nakasara. Bago daw kasi umalis ang Lolo Juan ay ibinilin nya na wag itong sisirain kaya walang nangahas na sirain ito.

Walang nakakaalam kung ano ang laman ng vault pero sigurado silang hindi pera o alahas ang laman nito dahil hindi daw nagtatago ang Lolo Juan ng mga ganung bagay sa vault nya. Malamang ay personal na gamit nya ang nakalagay doon. Sinubukan na din itong ipabukas sa mga marurunong talaga. Pero lahat sila ay bigong mabuksan ito. Ayaw ng Mommy ko na ipasira ito dahil sa mawawalan ng value ito at mawawala ang magandang porma ng vault. Baka daw multuhin sya ng Lolo Juan kapag sinira nya ang hiling nito na wag sirain ang vault.

Tumanggi ako sa Mommy ko na ipalipat ng lugar ang vault. Sinabi ko sa kanya na ako na ang bahala dun.

Matagal ko na ding sinusubukang buksan ito. Sa mga Youtube videos na napanoood ko hanggang sa pag mix and match ng mga number ng birthday nila ay wala pa din.

Kinabukasan ay mas lalong naging malakas ang coffee shop. Mas dumami ang naging customers namin. Nakita ko nanaman yung lalaking nakita ko kahapon. Tila naghahanap sya ng mauupuan. Pero dahil puno kami ay wala syang nakitang bakante. Kaya umalis na lang sya. Mukhang tinamaan na ako sa kanya ang sabi ko sa sarili ko. Para kasi akong nawawala sa katawang lupa ko sa tuwing nakikita ko sya. Nakakatawa pero noon lang ako nakaranas ng ganun. Hindi karaniwan sa akin na parang ma-in love at first sight lalo na sa isang lalaki, pero iba sya.

Kinagabihan ay paalis na sana ako nang bigla syang pumasok. Malamang tapos na ang trabaho nya. Habang papalapit sya ng counter ay mas lalo ko syang naappreciate. Mala-anghel ang mukha nya at ang ngiti nya ay tila ba walang katapusan. Ibang pakiramdam ng makita ko sya. Pakiramdam ko ay matagal na kaming magkakilala.

Nang makaupo sya ay pinadala ko sa isang staff ko ang isang croissant sa kanya. Pinasabi ko na on the house ito. Kitang kita ako ang reaksyon sa mukha nya. Sobrang nabighani ako sa kanya. Kung babae lang sya ay hindi na ako magdadalawang isip na hingiin ang number nya. Pero dahil lalaki sya ay hindi ako naglakas ng loob. Baka mamaya kasi ay masapak pa nya ako.

Sa mga araw na dumaan ay hindi sya nawala sa isip ko. Pero wala akong pagkakataon na makilala man sya dahil sa magkakaibang sitwasyon. Hindi ko din alam kung napapansin ba nya ako sa tuwing bumibisita sya sa shop. Ganun yata talaga yun pag nalove at first sight ka. Mahirap din pala pero masaya dahil sa palagi ko syang nakikita, minsan nasa loob ng shop ko o minsan kapag nagdadaan sya.

Isang araw ay nakita ko syang nakatayo sa labas ng shop habang pinagmamasdan ang poster namin. Papalapit ako sa kanya ng biglang magbukas ang glass door nito at tinamaan ako sa mukha. Napaupo ako sa sakit kasabay ng pag-alalay ng nagbukas nito na isang customer na babae. Dahil sa nangyari ay pinagtinginan ako sa labas at pinuntahan nya ako. Hindi ko inaakala na sa ganung pangyayari ko pa sya nakilala.

Tinulungan nya akong makatayo at dinala sa loob ng shop ko. Magalang syang humingi ng yelo sa mga staff ko para ilagay sa namumula kong noo. Sumama ang babae sa amin at walang tigil syang humingi ng patawad. Dahil sa nagmamadali ang babae ay nagbigay sya ng calling card nya kung sakaling kailangan ko daw ipaospital ay sabihan lang sya. Agad ko namang inassure ang babae na maayos ako. Umalis na ang babae at naiwan kaming dalawa.

“Thank you nga pala, I’m JC, ikaw?” ang sabi ko sa kanya habang inaayos nya ang yelo na ilalagay sa noo ko.

“Ron” ang sabi nya at ngumiti sya sa akin. Inilagay nya ang binalot nyang yelo sa noo ko at dumampi ang kamay nya sa mukha ko. Nakaramdam ako ng kakaibang saya nung mga panahong yun. Para akong nasa euphoria. Nakapikit ako nung mga oras na yun at may mga luhang pumatak sa aking mga mata.

“Ok ka lang?” ang tanong ni Ron sa akin.

Nagulat ako dahil naiyak ako ng walang dahilan.

“Ah oo ok lang ako” ang sagot ko sa kanya. Hindi ko din alam kung bakit ako naiyak nung mga oras na yun. Makalipas ang ilang minuto ay nagpaalam na umalis si Ron at nagbilin sya na kung sumama ang pakiramdam ko ay magpasugod lang ako sa katapat na Makati Med. Inalok ko sya ng maiinom bilang pagtulong sa akin pero tumanggi sya. Sinabi ko sa kanya na babawi ako next time at ngumiti lang sya.

Simula noon ay naging magkakilala na kami ni Ron. Madalas syang tumambay sa shop pagkatapos ng shift nya. Palagi ko syang natityempuhan na nasa shop sya at nagkakakwentuhan kami. Magaan ang pakiramdam ko sa kanya at masaya ako pag nag-uusap kami. Hindi nagtagal ay naging magkaibigan kami. Ewan ko ba, pero mukhang tinamaan na talaga ako sa kanya.

Minsang pag-uwi ko ay may kasama si Mommy na nagpapausok sa mga sulok ng bahay namin. Mahilig kasi maniwala ang Mommy ko sa mga superstition. Isa pala itong psychic na si Master Chen. Inalok nya ako na alamin ang past life ko at natawa ako.

“Seryoso po?” ang sabi ko kay Master Chen at tila seryoso sya.

Pinagbigyan ko ang Mommy ko na gawin ito. Para kasi sa akin isa lang itong kalokohan. Hinayaan ko na lang sila sa trip nila sa akin at sinakyan na lang ang trip nila para good vibes na lang at dahil na din sa hindi naman ako KJ. Pinaupo ako ni Master Chen sa pinakagitna ng aming sala. Dito ay may sinasabi syang kung anu-ano. Naghahalong natatawa ako at naaamaze kung anuman ang mababasa nya sa akin.

Maya maya pa ay parang nananaginip na ako. Dito ay nakita ko ang aking Lola Lara na kapatid ng aking Lolo Juan. Tila ako ay nagtime travel sa nakaraan. Para akong nasa party nung sinaunang panahon. Alam ko ang itsura ng Lola Lara dahil sa malaki nitong portrait sa ancestral house namin sa Manila. May nakita din akong isang lalaki pero hindi ko masyadong maaninag ang mukha nya.

Pagkatapos noon ay parang bumigat ang pakiramdam ko. Nagdahilan na lang ako na inaatok na ako kaya pinayagan na ako umalis ng Mommy ko.

“Kalokohan” ang sabi ko sa sarili ko. Pero hindi ko maipaliwanag ang mga nakita ko habang nakapikit ako.

Simula noon ay iba’t ibang pangyayari na ang naganap. Sa isang iglap ay marunong na akong umintindi ng salitang Kastila. Sobrang weird talaga dahil nung Grade 1 lang ako nag-aral nito at hindi na naulit. Pero ang pinaka nakakagulat sa lahat ay mas lalong tumindi ang nararamdaman ko para kay Ron.

Dahil magkaibigan na kami ni Ron ay inaya ko syang kumain sa bahay gawa ng birthday ko kinabukasan. Isa itong early treat dahil hindi ko alam kung makakapunta ba sya kinabukasan dahil sa trabaho nya. Nakilala nya ang Mommy ko at madali silang nagkasundo. Puro tawanan ang maririnig sa bahay dahil sa saya namin nung mga oras na yun. Nang gumabi na ay nagpaalam na si Ron na umalis. Pumunta muna sya sa kubeta namin bago umalis. Bago ko sya inihatid ay napadaan kami sa portrait ng Lolo Juan. Inilabas kasi ito ni Mommy gawa ng magkabirthday kami ng Lolo Juan. Habang tinitignan ni Ron ang litrato ay nakita kong tumulo ang luha nya. Nagulat ako sa nakita ko dahil sa napaiyak sya sa harap ng portrait ng Lolo Juan ko. Tinapik ko sya at nagulat din sya sa reaction nya. Bigla lang daw syang nakaramdam ng saya ng makita ang portrait ng Lolo Juan. Hindi na ako masyadong nagtanong dahil naguguluhan din ako. Napansin nya na tila magkamukha daw kami ng Lolo Juan.

Simula noon ay mas naging mabuti kaming magkaibigan ni Ron. Mas lalo kaming naging malapit sa isa’t isa. Ramdam ko na mahal din ako ni Ron pero nahihiya akong magtapat sa kanya. Baka kasi hindi pala kami pareho ng nararamdaman sa isa’t isa.

Dinala ko si Ron sa isang date sa Tagaytay. Dito ay ipinagtapat ko ang nararamdaman ko sa kanya. Naiyak sya sa nalaman nya dahil wala pa daw nagparamdam sa kanya kung gaano sya kamahal ng isang tao. Sa sobrang tuwa nya ay hinawakan nya ang pisngi ko at para akong nakuryente sa paghawak nya.

Para akong nasa trance nung mga oras na yun. May naalala akong pangyayari pero hindi sa panahon natin. Parang nakita ko si Ron sa visions ko pero parang nasa ibang panahon kami. Pareho kaming naiyak ni Ron habang nakahawak sya sa pisngi ko, parang pareho kami ng nakita. Naguluhan ako dahil hindi pwedeng mangyari ang mga ganitong bagay lalo na sa panahon natin ngayon.

Kinabukasan ay tinext ako ni Ron na masama ang pakiramdam nya. Ako man ay masama din ang pakiramdam. Simula nung gabi na yun ay nananaginip na ako na parang nasa sinaunang panahon ako. Mga pangyayaring parang napapanood lang sa mga historical na pelikula. Ang matindi pa ay ang mga salitang ginamit sa panaginip ko ay sa wikang Kastila na naiintindihan ko. Nagkaroon ako ng kutob na baka nangyayari ang mga yun ay dahil sa may gustong ipahiwatig ang Lolo Juan sa akin.

Si Ron man ay ganun din ang nararamdaman. Nagsimula na din daw syang managinip nang kakaiba. Pero ang kaibahan namin ay marunong sya magsalita ng Kastila. Palagi daw nyang napapaginipan ang Lolo Juan ko. Sinabi ko sa kanya na baka may gustong iparating sa amin ang Lolo Juan kaya isinama ko sya kay Master Chen para alamin kung ano nga ba talaga ang nangyayari sa aming dalawa.

Pagdating namin sa opisina ni Master Chen ay parang nag-iba daw ang pakiramdam nito. Nagulat kami ni Ron dahil wala namang kakaiba nung dumating kami doon. Habang nag-oorasyon si Master Chen ay naluluha si Ron. Hinayaan ko lang sila sa ritwal at nang matapos ay niyakap ako ni Ron.

Sinabi ni Master Chen na nabuhay ang dating namatay na pag-ibig. Hindi namin maintindihan ito pero sinabi sa amin ni Master Chen na malalaman din namin ang mga sagot na hinahanap namin.

Pagkatapos noon ay dinala ko si Ron sa Manila Bay para makapag-isip isip sa mga kakaibang pangyayari. Naging masaya naman ang usapan naming dalawa habang kumakain ng fishball at umiinom ng buko juice. Nagulat si Ron sa akin dahil sa hindi nya inakala na kumakain din ako ng mga streetfoods.

Pagkahatid ko sa kanila ay umuwi na din ako. Masaya ang gabing yun sa akin dahil nakasama ko si Ron.

Hanggang sa nanaginip ako ulit tungkol sa Lolo Juan ko at sa isang lalaki na ang mukha ay hindi ko makita nang malinaw. Hanggang sa nakita ko sa panaginip ko kung paano binuksan ng Lolo Juan ang vault nya. Tinandaan ko ito mabuti at nakita ko sa panaginip ko kung ano ang laman ng vault. Isang libro at ilang mga litrato. Kitang kita ko kung gaano kasaya ang Lolo Juan nang buksan nya ang libro hanggang sa ako ay magising na pawis na pawis at nauuhaw.

Pinuntahan ko kaagad ang vault at nilagay ang konbinasyon na nakita ko sa panaginip ko.

“Click” at biglang nagbukas ang vault. Hindi ko inaasahan na makukuha ko ang tamang kombinasyon base sa panaginip ko. Sa loob ng halos 100 na taon ay nabuksan ko ang vault. Kinakabahan akong binuksan ito hanggang sa makita ko ang laman nito. Tama ang nasa panaginip ko. Isang libro at mga litrato ang laman nito.

Nanginginig akong binuksan ang libro at nakita ko ang pangalan ng Lolo Juan. Juan Carlos ang pangalan nya, na nakakamangha dahil sa Juan Carlos din ang pangalan ko. Magkamukhang magkamukha kami ng Lolo Juan base sa ilang litrato na nandun. Nakita ko din ang kaisa-isahang kapatid nya na si Lola Lara na syang pinangalingan ko.

Nang buksan ko ang libro ay puro salitang Kastila ang nakasulat dito pero walang problema sa akin dahil sa biglang pagkatuto ko sa salitang Kastila. Isa itong Diary ni Lolo Juan. Hindi kasi palakaibigan ang Lolo kaya sa Diary nya ibinuhos ang lahat.

Nalaman ko sa Diary na si Lolo Juan ay ang panganay sa pamilya. Dahil sya ang Lalaki ay inasahan na sya ang magtetake over sa negosyo ng pamilya na taniman ng coffee beans. Itinakda nang ipakasal si Lolo Juan sa isang babae na si Anastacia pero hindi natuloy dahil nagpakamatay ito bago pa man sila magpakasal ng Lolo. Sa diary nya ay meron syang nabanggit na Ronaldo na kaibigan nya simula nung bata pa sila.

“Si Ronaldo ay isang ampon ng mga Fraile sa simbahan. Dahil sya ay ampon, parang naging alila daw ito ng mga Pari, pero dahil sa angking katalinuhan nya ay pinag-aral ito ng mga Pari sa Escuela Municipal de Manila o Ateneo sa panahon natin. Naging matalik na magkaibigan sila hanggang sa magbinata sila. Dahil sa gustong mag-aral ng medisina ni Ronaldo ay naging “apprentice” muna sya ng isang sikat na doktor na nag-aral pa mula Madrid na si Dr. Armando. Naging matiyaga si Ronaldo sa lahat para makita ng mga Pari na karapat-dapat syang mag-aral ng Medisina sa Madrid.

Habang tumatagal ay mas nagiging malalim ang pagkakaibigan ng dalawa at nauwi ito sa pagkakaroon nila ng mas malalim na relasyon. Pareho nilang mahal ang isa’t isa pero madaming tututol at hindi ito maaari kaya hindi nila ito itinuloy pa.”

Habang binabasa ko yun ay bumigat ang pakiramdam ko. Ramdam ko ang bawat salita na nakasulat sa diary ng Lolo Juan. Masakit sa dibdib ang mga nalaman ko. Uso na din pala ang pagiging bakla nung unang panahon sabi ko sa sarili ko. Marahil kaya ganito ako ngayon ay dahil nasa lahi namin iyon. Natawa na lang ako dahil ang daming sorpresa sa pagkatao ko.

Pero hindi ako pinatahimik ng gabing yun. Simula nung mabuksan ko ang vault ay palagi ko nang napapanaginipan ang mga nabasa ko. Nasa panaginip ko ang isang lalaki na malamang ay siyang tinutukoy ng Lolo na si Ronaldo. Pareho kami ng Lolo Juan na nabighani sa kanyang mata at ramdam ko ang bawat salita ni Lolo Juan sa panaginip ko na parang ako yung nasa pagkatao nya.

Hindi ako mapakali kinabukasan kaya nagpasya akong magpunta kay Master Chen para matigil na ang mga tumatakbo sa isip ko pero nalaman ko na nakaalis na sya papuntang China at kung kelan sya babalik ay hindi din alam ng mga staff nya. Dumiretso na lang ako sa coffee shop ko at dun ko nakita si Ron na nakatambay. Nakipagkwentuhan ako sa kanya hanggang sa maikwento nya yung mga kakaibang panaginip na nararanasan din nya. Sinabi ko na lang na baka dahil yun sa picture ng Lolo Juan na nakita nya. Sinabi ko sa kanya na makakalimutan din nya yun at nagkangitian kami.

Pinilit kong pigilan ang sarili ko na basahing muli ang diary ng Lolo Juan hanggang sa dalhin ako ng mga paa ko papunta sa vault at nagsimula akong basahin ito muli. Hindi ko na mapigil ang sarili ko sa pagbasa ng diary. Nabasa ko kung gaano kamahal ng Lolo Juan si Ronaldo. Kung gaano kabusilak ang nararamdaman nila para sa isa’t isa. Dito ay inihayag ng Lolo Juan ang mga “frustrations” nya dahil hindi nya maaaring mahalin si Ronaldo nung panahon nila. Naging mabigat ang mga sumusunod na tala ng Lolo Juan. Hangang makaabot ako sa parte na kung saan ito ang pinakamasakit at huli nyang entry sa diary nya.

Sinalin ko ito sa salitang Kastila:

“14 Pebrero 1880.

Nalaman na ng Papa ang tungkol sa amin ni Ronaldo. Kitang kita ko sa mga mata nya ang hiya at pagkamuhi na nararamdaman nya. Agad syang pumunta sa simbahan para isumbong sa mga Fraile si Ronaldo dahil daw ay inaakit ako nito. Dahil ang Papa ang malakas magbigay sa mga Fraile ay naniwala ang mga ito sa kanya. Pinarusahan nila si Ronaldo. Puro latay ang inabot nya dahil sa isang kasalanan na hindi naman talaga nya ginawa. Sobra ang galit ko sa Papa nang makita ko kung gaano naghirap si Ronaldo sa kamay ng mga Fraile na nagpalaki sa kanya. Halos hindi na din pinapakain si Ronaldo dahil sa kahihiyan na dinala nito sa simbahan. Hinang hina si Ronaldo nang makita ko sya pero wala akong nagawa dahil nakamasid ang mga Fraile sa akin. Halos isang linggo na simula nung parusahan si Ronaldo. Naiyak na lang ako sa tagpong iyon. Parang gusto ko syang hatian sa lahat ng sakit na nararamdaman nya. Hanggang sa kaninang madaling araw ay ipinatawag ako ni Royo may gusto daw sabihin si Ronaldo sa akin. Dali-dali akong tumalon sa bakod namin habang natutulog ang buong pamilya. Dinantnan ko si Ronaldo na nakahiga sa lapag ng kusina ng mga Fraile. Hinang-hina na sya. Humihingi sya ng tawad sa akin. Walang mapagsidlan ang nararamdaman ko. Naiyak lang ako habang yakap sya. Ang taong mahal ko ay tila susuko na sa laban namin. Hanggang sa magpaalam sya sa akin at sinabi nyang “Sana balang araw makasama kitang muli” at siya ay namatay na. Halos mawalan ako ng ulirat sa kakaiyak nung mga oras na yun. Pinilit ako ni Royo na umalis na dahil sa narinig na ingay nila na gawa ko. Nagpaalam ako sa walang buhay na katawan ni Ronaldo at umalis na, dala ang kahilingan nya na sana ay matupad. Sobrang nalugmok ako sa pangyayari pagkatapos nun. Hindi ipinalibing si Ronaldo dahil isa daw syang kahihiyan sa simbahan. Wala akong magawa kung hindi magdusa sa mga pangyayari. Ronaldo, mahal na mahal kita. Balang araw ay magkakasama ulit tayo. “

Sobrang sakit sa dibdib nang mabasa ko ito. Halos humahagulgol na ako nung matapos ko itong basahin. Ito na ang huling entry ng Lolo Juan sa diary nya. Ayon sa aking Lola (ang nanay ng nanay ko) ay umalis daw ng walang dahilan ang Lolo Juan at nagpuntang Madrid mag-isa. Dahil hindi pa naman daw uso noon ang mga communication devices ay hindi na nalaman ng pamilya ang totoong dahilan kung bakit nagpunta ng Madrid ang Lolo Juan hanggang sa makalipas ang isang taon ay nabalitaan na namatay na ito sa Madrid dahil sa lumubog ang sinasakyan nyang barko pabalik ng Pilipinas.

Hindi na ako nakatulog simula nung mag-umaga na at sinabi ko sa Mommy ko na nabuksan ko na ang vault. Manghang-mangha sya dahil sa wakas ay nabuksan na ito. Sinabi nyang titignan nya ito pero dahil sa abala nya ay nakalimutan na din nya ito.

Hindi ako umalis buong araw at napagpasyahan kong tignan ang mga litrato na nandoon. Totoong kamukha ko si Lolo Juan. Para kaming pinagbiyak na bunga dahil sa pagiging magkamukha namin.

Kinagabihan ay maaga ako natulog. Maayos na sana hanggang sa mapanaginipan ko ang mga nabasa ko. Kitang kita ko sa panaginip ko kung paano namatay si Ronaldo pero hindi ko maaninag ang mukha nya sa panaginip ko at nalaman ko din kung bakit nagpunta si Lolo Juan sa Madrid. Nasaktan sya nang mamatay si Ronaldo at ang pag-alis noon ay sya lang ang daan para makalimot sya sa sakit. Hinanap nya si Dr. Armando sa Madrid para ibalita ang nangyari sa “protégé” nyang si Ronaldo. Sobrang nalungkot ang Doktor sa sinapit ni Ronaldo. Kung alam lang daw nya na mangyayari iyon ay isinama na nya si Ronaldo sa Madrid para di na nya sinapit ang mga nangyari sa kanya. Sinubukan muli ng Lolo Juan na mabuhay sa Madrid na malayo sa Pamilya nya hanggang napagpasayahan nyang umuwi dahil 1st death anniversary ni Ronaldo hanggang sa lumubog ang sinasakyan nyang barko. Hawak ang isang orasan na bigay ni Ronaldo sa kanya hinalikan nya ito at sinabing “Parating na ako, Ronaldo”

Hanggang sa magflashback sa akin ang lahat simula nung nakita ko si Ron sa coffee shop. Hanggang sa napagtanto ko na ako.. Ako si Lolo Juan na nabuhay ulit.

Nagising ako na basa ang pisngi ko. Basa ng luha ang unan ko sa kakaiyak. Hindi ako makapaniwala na ako si Juan Carlos de Segovia na nabuhay ulit para ipagpatuloy ang naudlot na pag-iibigan nila ni Ronaldo. Inisip ko na si Ron ay si Ronaldo pero wala akong pruweba na sya nga iyon. Kaya tinignan kong mabuti ang mga litrato na nakalagay sa vault pero wala ni isang litrato ni Ronaldo ang nandoon.

Habang tinitignan ko ang mga litrato ay kilala ko ang mga tao na nandoon. Tila sariwa sa alaala ko ang mga nangyari noon. Parang kahapon lang ang mga nangyari nung nakaraan. Nagpapasalamat ako dahil sa nabuksan ko ang totoo kong pagkatao.

Handa ko nang ipabasa ang diary ko kay Ron. Gusto ko kasing malaman kung sya nga ba talaga si Ronaldo. Pinapunta ko sya sa bahay at hinayaan syang magbasa mag-isa. Nasusulyapan ko na humahagulgol si Ron sa kakaiyak nya. Marahil ramdam nya ang sakit na naramdaman ko noon nung mawala si Ronaldo. Hanggang sa lumabas sya ng kwarto at niyakap nya ako ng mahigpit. Dito ay nakaramdam ako ng “relief” yung parang matagal mo nang hinahanap at nakita mo na din sa wakas. Habang hawak ko ang diary ay may nahulog na isang litrato. Nakasulat sa likod nito ay “Juan & Ronaldo” nang tignan ko ito ay kamukhang kamukha ni Ron si Ronaldo. Naiyak kaming dalawa sa nakita namin.

Simula nung dalhin ko si Ron kay Master Chen ay parang na-unlock daw ang kanyang past life. Madalas din daw syang managinip tungkol sa sinaunang panahon at nakaramdam na daw sya na parang may bumalik sa alaala nya. Naikekwento ni Ron ang mga nangyari sa mga tala ko sa diary noon. Para lang kaming nagkekwentuhan. Doon ko nalaman na totoo pala talaga ang wagas na pag-ibig. At sa wakas ay napagbigyan kaming ipagpatuloy ito sa akmang panahon para sa amin.

Tinanggap naming dalawa ang second chance na ibinigay sa amin ng tadhana. Kaya pala sa una pa lang ay nahumaling na ako agad sa kanya ay dahil sa may nakaraan kami. At dahil din sa pagdampi ng balat nya sa akin ay may kakaiba ding epekto dahil sa ito yung mga bagay na hindi namin nagawa noon.

Mas madami na akong kayang gawin simula nung nalaman ko na ako ang Lolo Juan. Naging mas matatas na ako sa wikang Kastila at parang kabisado ko ang Madrid. Nalaman ko din na isang pangarap ni Ronaldo sa akin na magkaroon ng Coffee Shop dahil madalas nya akong tinatawag na Prinsipe ng Kapihan dahil sa nagmanage ako noon ng taniman namin ng kape. Kaya pala malakas ang ideya ko noon na pangalanan ang aking coffee shop na “Coffee Prince” na nagawa ko.

Simula noon ay naging maayos ang relasyon namin ni Ron. Kung naging officially mag on kami noon ay nagcecelebrate na siguro kami ng ika 100+ years na anniversary namin sa ngayon, pero sabi nga nila may mga bagay na hindi ibinibigay kaagad kaya kailangan nating hintayin ang tamang panahon. At sa mga nangyari sa amin ay alam namin na ito na ang tamang panahon para sa amin.

Sabado noon at tinawagan ko si Ron kung nasaan sya para magkita kami. Sinabi nyang pupunta sya sa lugar na kung saan kami unang nagkakilala. Walang nakasulat na ganun sa diary at sinabi din ni Ron na kung ako talaga si Juan Carlos de Segovia ay alam ko kung saan iyon. Pumikit lang ako at napangiti.

Nang pumunta ako sa lugar na tinutukoy ni Ron ay alam ko na ito ang tamang lugar. Maya maya pa ay nakita ko na si Ron na nakangiti sa akin. Kagaya ng ngiti nya nung mga batang paslit pa kami. Ito yung grounds ng Ateneo noon sa Intramuros kung saan kami nag-aral noon at kung saan kami unang nagkakilala. Nilapitan ko sya at inabot ang kamay ko.

“Hi! Pwedeng makipagkilala? Ako si Juan Carlos de Segovia noon, pero ngayon ako na si Juan Carlos Benavides, at ikaw?” ang sabi ko kay Ron at nagkangitian kami.

“Ronaldo Lopez, pero ngayon I am Ronnie Cruz, nice to meet you, finally” ang sagot ni Ron sa akin at bigla kaming nagkayakapan.

Hindi matapos ang saya namin ni Ron habang nandoon kami. Marahil ito yung itinadhana sa aming dalawa. Salamat sa tadhana dahil tinupad nito ang tanging hiling ni Ronaldo bago sya mamatay noon na “Sana balang araw makasama kitang muli” at tinatamasa na namin ngayon ang isang pag-ibig na walang hanggan.

WAKAS

No comments:

Post a Comment

Read More Like This