Pages

Monday, April 24, 2017

Brad Mahal Kita, Matagal Na (Part 1)

 By: GuessWho

Hi, gusto ko sanang ibahagi sa inyo ang kwento na ito. Hindi po ako manunulat kaya pagpasensyahan niyo na po ang sulat ko. Inspired din ako sa maraming writers na nag sa-submit ng stories nila dito. Kaya naisipan kong isulat ang kwento ko.

Kung magustuhan niyo man ang kwento na ito. Please po mag-iwan po kayo ng komento.

Maraming salamat.

“PUTANG INA MO ZION!!!!  Hindi ko akalaing magagawa mo din sakin ito!” malutong na murang pinakawalan ni Luke sa pagmumukha ko.

Matalik na kaibigan ko si Luke. Sa walong magtotropa ay siya ang pinaka close ko. Kung tutuusin bestfriends nga yata kami eh.

Kilala kasi ako sa magtotropa na manunulot ng girlfriend. At oo, hindi nakawala si Luke sa kagaguhan ko.

Hindi ko naman din kasi kasalanan na lumalapit sa akin ang mga girlfriends or nililigawan nila. Syempre mahina ako sa tukso kaya sinusunggaban ko. Hindi ko din maintindihan ang sarili ko kung bakit ganito ako.

Yung iba sa mga tropa ko ay nasanay na sila sa ugali ko. Yun nga lang sa tuwing mag gi-girlfriend sila or sa tuwing may nililigawan sila ay hindi na nila ipinapakilala sa akin. Takot sila na masulutan din ng jowa. Apat na sila sa tropa ang naagawan ko ng girlfriend. At alam kong wala na silang tiwala sa akin at alam ko din na madalas nila akong pag-usapan.

Pero si Luke lang ang alam kong maaasahan ko at kalianman ay hindi ako pinagkanulo. Siya ang nagtatanggol sa akin sa tuwing pinag-uusapan ako ng mga tropa.

Naiinis man ako sa sarili ko dahil nagawa ko din kay Luke yun, kaso nangyari na eh. Alam ko hindi niya na ako mapapatawad o kung mapatawad man ay hindi na siya magtitiwala sa akin.

“Brad, sorry. Hindi ko sinasadya. Nadala lang…” naputol kong paliwanag.

“Puntang ina brad. Nagpapaliwanag ka pa! Antindi din ng mukha mo no?!!”

Malakas na sigaw niya. Pinagtitinginan na kami ng ibang estudyante.
“Sorry na brad!.” Seryoso ako na humihingi ng tawad. Ayoko magalit siya sa akin ng tuluyan at hindi na kausapin pa.

Si Luke lang ang napagsasabihan ko ng mga sikreto at siya lang ang naaasahan ko. Nagagalit ako sa sarili ko dahil nagawa ko din sa kanya yun. Kaso huli na ang lahat, nadala na ako ng tukso. Nanganganib na ang pagkakaibigan namin.

Kitang-kita ko ang pamumula ng mukha niya sa galit.

Bigla siyang nagpakawala ng isang malakas na suntok sa mukha ko na sanhi ng pagkaka out of balance ko. Tuluyan na akong natumba sa sahig habang hawak ang masakit kong panga. Napansin ko ding dumugo ang gilid ng labi ko dahil sa lakas nang pagkakasuntok niya sa akin.

Narinig ko ding nagsisigawan ang mga babaeng estudyante dahil sa nasaksihan nila. Lunch time ‘yon at nasa karendirya kami, kasama ang iba pa naming tropa.

Inawat ni Marco si Luke dahil balak pa ng huli na sundan ang naunang suntok niya sa akin.

Galit na galit ang itsura ni Luke. Hindi ko siya matagalang tingnan dahil sa pagkaka konsensiya ko. Hindi ko dapat ginawa sa kanya yun.

“Huwag na huwag mong ipapakita sa akin yang pagmumukha mong traydor ka!!! Dudurugin ko yan, PUTANG-INA KA!” sabay talikod at naglakad nang mabilis palayo. Nasiko niya pa si Marco para makaalpas sa pag-aawat nito sa kanya.

Nilapitan naman ako ni Jerome. Kagaya ni Marco ay tropa din namin si Jerome.

Inalalayan ako ni Jerome na makatayo.

“Brad, kung sa akin ay pinalagpas kita dahil sa panunulot mo ng nililigawan ko. Aba! ibahin mo si Luke. Itinuring ka na nun na parang kapatid tapos nagawa mo pa sa kanya yun.” Paninermon ni Jerome.

“Putang ina mo naman kasi brad! Bakit ka ba kasi ganyan? Ako nga ay hindi mo din pinalagpas na agawan ng girlfriend. Masisira ang pagtotropa natin sa pinaggagawa mo… Mahiya ka naman brad!” segunda ni Marco.

“Tang-ina kung wala ka lang pakinabang sa tropa ay baka matagal ka na naming itinakwil.” Sabat ni JC na isa din sa tropa namin.

Ako kasi ang source nila ng sagot sa tuwing may exam. Sira ulo akong tao pero pag dating sa academics ay hindi naman ako nagpapabaya. Hindi naman sa pagmamayabang, pero madali kasing pumasok sa isip ko ang bawat lessons na itinuturo ng mga professors. Madaling ma analyze ng utak ko kaya hindi ako nahihirapan sa mga exams. At yun na nga, ako ang kopyahan nila at source ng sagot sa tuwing may homework. Ako din ang pambato nila sa tuwing may group activities. Kaya malaking pasasalamat na rin nila at nakitropa ako sa kanila dahil doon. Hindi naman kasi ako madamot sa sagot.

Hindi ko na tinugon ang mga paninermon nila. Sa halip ay naglakad na lang ako palayo. Tumungo ako sa paborito naming tambayang magtotropa sa likod ng school. May mga puno kasi ng mahogany doon at may mga benches na ginagawa naming tambayan sa tuwing vacant time. Pero ako ang mas madalas tumambay doon dahil gustong-gusto ko ang lugar dahil makakapag-isip ka talaga dahil tahimik.

Umupo ako sa isang bench na naroroon. Katabi iyon ng maliit na batis na may mga maliliit din na isda at mga itim na susu. Naririnig ko ang mga huni ng ibon na malayang naglalaro sa mga sanga ng mahogany trees.

Pumasok sa isip ko ang galit na galit na mukha ni Luke. Sigurado akong mahihirapan akong makipag-ayos sa kanya.

Ano ba naman kasi ang pumasok sa isip ko at pinatulan ko ang panunukso sa akin ng nililigawan niya. Pakiramdam ko wala akong kwentang kaibigan. Ay hindi pala, napaka walang kwentang kaibigan pala. Bakit kay Luke ko pa ginawa.

Alam ko nasaktan siya sa ginawa ko dahil tinuring niya na akong bestfriend pero maging siya ay hindi napalagpas ng kagaguhan ko.

‘PUTANG INA MO ZION!’ nag echo yun sa pandinig ko.

Natauhan ako sa mga kagaguhang ginawa ko. Yung tatlong beses kong ginawa na panunulot sa ibang tropa namin ay parang wala lang sa akin. Tinatawanan ko lang sila kapag nagagalit sila sa akin. Sabi ko nga na layuan na nila ako kung ayaw na nila akong tropahin.

Pero this time kay Luke, parang ambigat ng loob ko. Tumalab sa puso ko ang galit niya. Yun ang first time kong nakita si Luke na galit na galit sa akin. May mga times dati na nagtatampo siya pero mild lang yun. Sa pagkakataong ito kasi, iba eh. Ambigat sa pakiramdam.

Pinukpok-pukpok ko ng dalawang palad ang ulo ko. Nagagalit kasi ako sa sarili ko talaga at hindi ako kumportable sa nararamdaman ko ngayon.

Yumuko na lang ako at naramdaman ko nalang na may namumuong tubig sa mga mata ko. Nagsisisi na kasi ako at puno ng panghihinayang. Paano kung tuluyan nang lumayo si Luke sa akin? Hindi ko na yata mapapatawad ang sarili ko.

Ako pa naman ang nagturo sa kanya kung paano niya liligawan ang babae na yun. May paka torpe kasi si Luke. Ako pa nag advised sa kanya ng mga bagay na gagawin niya. Ako din pala sisira sa pinaghirapan niyang panliligaw.

Kinuha ko ang ballpen sa bag at naisipan kong magsorry kay Luke sa pamamagitan ng pagsulat nito sa bench na inuupuan ko. Hindi niya man mabasa ito, pero alam ko sa sarili ko na seryoso ang paghihingi ko ng sorry.

[Sorry na brad! Ayokong iwan mo ko =’(  -- Zi]

Yan ang sinulat ko sa bench. Hindi ko talaga maisip na hindi ko makakausap si Luke kahit na isang araw.

Sinipat ko ang relo ko at nakita kong sampong minuto na lang pala ay papasok na ang next subject namin. Kaya pinahid ko muna ang namumuong tubig sa mga mata ko at tumungo sa room.

Pag dating ko sa room ay napansin kong umiba ata ng pwesto si Luke. Magkakatabi kasi kaming walo at napapagitnaan ako ni Chris at Luke. Sa pagkakataong ito ay lumipat siya sa pinakadulo namin, napakalayo niya sa inuupuan ko. Si Jerome at Chris nalang tuloy ang nasa tabi ko. Naiintindihan ko naman siya. Galit siya sa akin.

Umupo ako ng tahimik at tinanguhan ko lang si Chris na nasa tabi ko. Tiningnan lang din ako ng ibang tropa at tinanguhan ko lang din sila. Tapos tumitingin din sila kay Luke na noon ay seryosong nagrereview.

Dumating na ang prof namin sa subject na yun. Kumuha ako ng 1/4th sheet na papel dahil may quiz kami. Hindi ko makapa ang ballpen ko.

‘Shyeeeet naiwan ko pa ata sa bench’ sigaw ng utak ko.

“Brad! May extrang ballpen ka diyan?” tanong ko kay Chris.

“Wala brad.” Tugon niya.

Binaling ko ang tingin kay Jerome sa kabilang side ko.

“Ikaw brad meron ka bang extrang ballpen?” tanong ko kay Jerome.

“Wala brad!, tanungin mo si Luke baka meron.” Hindi ko alam kung nang-aasar tong timawa na ito. Kung hindi lang ako nagmamadali baka naitumba ko na ito.

Inutusan ko si Chris na ihiram ako ng extra kay Luke. Si Luke kasi ang resourceful sa amin. Lagi siyang may dalang extra, sa katunayan nga yung ballpen na naiwan ko sa bench ay bigay niya. May pangalan niya pa nga yun na nakasulat sa papel at isiniksik sa loob ng ballpen. Si Luke din ang madali naming mauto sa tuwing wala kaming pangyosi. May kaya kasi ang pamilya ni Luke at malaki ang allowance na natatanggap niya.

Lumapit si Chris kay Luke at nakita kong kinausap niya ito.

“Brad pakisabi sa tropa niyo, naibigay ko na sa kanya lahat. Pati nga niliigawan ko naibigay ko na din. Wala na kamong natira sa akin.” Mediyo may kalakasang sabi ni Luke. Hindi naman dinig ng lahat pero may mga ilang kaklase na nakarinig.

Nakonsensiya lalo ako sa narinig ko. Mukhang seryoso talaga si Luke. Hindi ko alam kung mapapatawad niya pa ako.

Nanghiram na lang ako sa isang babae kong kaklase. Buti nalang may nagpahiram pa sa akin.

Nang magsiuwian na ay nagyosi muna kaming magtotropa sa tambayan namin. Doon din sa bench na tinambayan ko kanina. Nauna nga lang silang magpunta doon dahil nag CR muna ako bago sumunod. Nakita kong nakaupo si Luke doon sa inupuan ko kanina.

May bahagi sa isip ko na sana nabasa niya ang sinulat ko sa bench. Pero may bahagi din na nahihiya na baka mabasa niya yun. Naisip kong huwag na lang muna akong lumapit malapit sa kanya. Dahil alam kong galit siya sa akin.

Nagkwentuhan lang kaming magttropa. Iniiwasan din nilang mapag-usapan ang nangyari sa amin kanina ni Luke.

Nang magsiuwian na ay lalo akong nalungkot. Hindi ko na kasi kasabay si Luke. Dati-rati kasi lagi kaming magkasabay dahil iisang dorm lang ang tinutuluyan namin. Pero ngayon, wala na akong Luke na kasabay.

Dalawang linggo na ang lumipas, hindi pa rin ako kinakusap ni Luke. Minsan naman ay nakikita kong nakatingin siya sa akin pero umiiwas din kapag nahuhuli ko. Pero mas madalas akong sumulyap sa kanya. Humahanap kasi ako ng tyempo para kausapin siya, kaso napakailap niya.

Mediyo affected na din ang ibang tropa namin dahil nararamdaman nilang laging may ilangan sa pagitan namin ni Luke. Hindi nila magawang mag-alaskahan at magbiruan ng brutal dahil tinatantiya nila kami. Minsan naman dahil hindi ko kaya ang coldness na ipinapakita ni Luke ay mas minamabuti ko nalang na umiwas muna sa tropa sa tuwing nagkakaayaan na mag inuman. Madalas na akong absent sa gatherings nila.

Kailangan ko din siguro yun, sa kabila ng kagaguhan na ginawa ko sa kanila, wala na dapat akong mukhang ihaharap sa kanila. Parang yun din kasi ang nais iparating ng pakikitungo sa akin ni Luke. Parang sinasabi niya na lumayo na ako sa kanila dahil wala akong kwentang kaibigan.

Miss ko na si Luke.

Wala na akong kaasaran sa paglalakad pauwi ng dorm.

Buti na lang linggo bukas. Naisipan kong uminom sa videokehan na lagi naming pinupuntahan magtotropa. Hindi na ako nag aya dahil gusto kong mapag-isa. Iba kasi ang tama sa akin ng galit ni Luke. Masakit.

Naka siyam na bote ng beer na ako. Mediyo nahihilo na ako. Isang bote na lang ang uubusin ko tapos uuwi na ako.

Kahit nakainom ako, hindi ko pa din maalis ang galit na mukha ni Luke sa isipan ko. Nalulungkot talaga ako. Hindi ko alam na ganito katindi ang magiging impact ng kasalanan ko sa kanya.

Alas dose na pala. Kaya nagsimula na akong maglakad. Malapit lang kasi yun sa dorm  na tinutuluyan ko.

Isang malakas na sipa mula sa likuran ang nagpatumba sa akin. Nangudngod pa ang mukha ko sa sementadong kalsada na dinaanan ko. Naramdaman ko na nasugat ang mukha ko dahil sa hapdi. Dahil nga sa lasing na ako ay hindi kaagad ako nakabawi. Tumihaya na lang ako dahil hirap akong tumayo.

Nakita ko si Robin. Siya ang sumipa sa akin. May kasama siyang dalawa pang backup na alam kong kaklase niya rin. Pareho kami ng school na pinapasukan at pareho din kaming 2nd year college. Ibang course nga lang sila.

Napangisi ako nang malaman kong si Robin ang sumipa sa akin. Alam ko naman ang dahilan kung bakit niya ginawa yun. Natikman ko kasi ang girlfriend niya at sigurado akong nalaman niya na ito kaya sinipa niya ako ngayon.

Nakita kong mas lalo yata siyang nainis sa pagngisi ko. Kaya pinagsisipa niya pa ako. Masakit ang mga sipa na yun. Tumatama sa binti, sikmura at mukha ko. Sumali na din sa pagsisipa ang dalawa niyang kaklase. Nagmistula akong football. Hindi ako makapalag dahil lasing talaga ako at wala akong lakas para gawin yun. Kung nagkataong hindi ako lasing ay baka sa kangkungan pulutin ang mga ito. Sanay kasi ako sa basagan ng mukha.

Hinayaan ko nalang silang gawin yun hanggang sa magsawa sila.

Nakapamaluktot lang ako at tinatakpan ang mukha ko na gustong-gusto nilang puntiryahin. Pero hindi ko magawang iwasan lahat ng sipa nila kaya natatamaan pa din ang mukha ko. Balak ata nilang sirain ang kagwapuhan ko.

Nang matapos sila kakasipa sa akin ay binantaan ako at pinagmumura. Hinayaan ko lang sila. Iniisip ko na lang, na si Luke ang gumagawa sa akin nun. Kung sa ganoong paraan ay mapapatawad niya ako, hahayaan ko lang din siyang bugbugin ako.

Nahirapan akong tumayo dahil sa sakit. Pero tiniis ko yun dahil kailangan kong makauwi. Naglakad ulit ako at mistula akong zombie na sobrang dumi ng damit at puro dugo ang mukha. Pinagtitinginan din ako ng mga taong nakakasalubong ko.

Nang marating ko ang dorm halos hindi ako makilala ng guard at nag-alalang inalalayan ako hanggang sa makarating ako ng pinto. Sabi ko, kaya ko na ang sarili ko kaya nagpaalam na siya upang bumalik sa pwesto.

Hinagilap ko ang susi ko sa bulsa ng pantalon. Hindi ko ito makapa. Naisip ko na baka nahulog doon sa lugar kung saan pinagsisipa ako ng grupo nila Robin.

Dahil nga sa wala na akong lakas ay pasalampak nalang ako na humiga sa harap ng pintuan at nakatulog.

“Zion!..... Brad!” panggigising ng pamilyar na boses.

Nahirapan akong buksan ang kanan kong mata dahil pakiramdam ko namamaga ito. Nasobrahan yata sa kakasipa nila kanina. Gamit ang kaliwa kong mata ay nasilayan ko si Luke na mukhang nag-aalala.

“Nananaginip ba ako?” mahina kong sambit. Hindi kasi ako makapaniwala na ang nag-aalalang luke ang makikita ko sa pagmulat ko ng mata.

“Ano bang nangyari sayo?” nag-aalala din ang boses niya.

Hinawakan niya ang mukha ko at napaaray ako. Ibig sabihin hindi ako nananaginip.

“Luke??” Puno ng pananabik ang boses ko. Umaasang si Luke nga ang nasa harapan ko.

“Oo brad, ako nga. Ano ba ng nangyari sayo? Amoy alak ka pa. Napaaway ka na naman ba?”

“Luke??” ulit ko sa kanya. Parang naluluha na ako dahil kinakausap na ako ni Luke. Nag-aalala din siya sa akin.

“Oo nga, ako nga to brad!” tugon niya at tuluyan na akong inalalayan upang makasandal sa pinto.

Mabilis akong yumakap sa kanya at tuluyan nang bumuhos ang luha ko. Hinigpitan ko ang yakap para hindi siya makapalag. Kahit masakit ang katawan ko ay hindi ako nagpatinag nang maramdaman kong pumapalag siya.

“Sorry na brad.. Sorry..” nauutal kong sabi sa kanya.

May tama parin ako ng alak kaya nagawa ko siyang yakapin at humingi ng sorry ng hindi nahihiya.

Tuluyan na siyang nakawala sa pagkakayakap ko at hawak niya ang dalawang balikat ko at muling isinandal sa sa pinto.

Nakita ko ang biglang pag seryoso ng mukha niya. Pero tuluyan niya na akong inalalayan para makatayo. Nang akmang bubuksan niya na ang pinto ay nagsalita ako.

“Hindi ko makita ang susi ko.” Mahina kong sabi.

Hindi siya umiimik. Sa halip ay inakay niya ako papunta sa kwarto niya.

Nang makarating ay pinaupo niya ako sa double deck. Tumungo siya sa cabinet upang kumuha ng damit at inihagis sa tabi ko. Pumunta din siya sa banyo na may bitbit na face towel. Pagkabalik niya ay may bitbit na siyang maliit na planggana na naglalaman ng tubig.

Walang nagsalita ni isa sa amin. Tuloy-tuloy lang siya sa pinaggagawa niya. Binasa niya ang bimpo at pinigaan. Dahan dahan niya itong ipinahid sa mukha ko. Maingat ang pagkakapahid niya dahil maraming sugat ang mukha ko.

Hinubad niya ang suot kong t-shirt na puro mantsa ng dugo. Napahinto siya saglit nang makita ang katawan ko. Pero muling nagpatuloy, marahan na pinunasan ang katawan ko. Hindi pa din siya umiimik.

Napaluha akong muli.

Sa kabila ng lahat ng kagaguhang ginawa ko. Narito parin si Luke at inaalagaan ako. Kahit galit siya ay hindi niya parin ako nagawang tiisin. Sobra tuloy akong na konsensya.

Tahimik lang ako habang tumutulo ang mga luha sa mata ko. Hindi ko man lang napahalagahan ang pagkakaibigan namin. Puro sarili ko lang ang iniintindi ko.

Ang gago ko.. Ginago ko si Luke.

Itutuloy……

No comments:

Post a Comment

Read More Like This