Pages

Thursday, April 13, 2017

Living the Dead Life (Part 4)

By: CountVladz

"May leukemia ako,"

Sa narinig ko gumuho lahat ng pangarap ko para aming dalawa, lahat ng plano namin sa aming hinaharap.

"Boi,sorry akala ko magiging ok ako eh, akala ko makukuha pa sa gamot, akala ko,"

"Ano ba ko sayo?" Putol ko sa sinasabi niya,
"Bakit kailangang hindi mo ipaalam sa akin to?, bakit? "

"Boi, alam mo kung ano ang masakit sa kalagayan ko?" Tanong niya sa akin, tumingin ako sa kanya, sa kabila ng ilang linggong pangungulila ko sakanya at awa na nararamdaman nangibabaw ang sama ng loob ko dahil sa ginawa niyang paglihim sa akin.

"Mas masakit na makita na yung taong kasama kong binuo ang pangarap ko sa hinaharap ay nasasaktan, wala nang mas sasakit pa na makita yung mga mahal ko sa buhay ay nasasaktan para sa akin."

Isinantabi ko ang sama ng loob ko at lumapit sa kanya, hinawakan ko ang kamay niya, gusto ko man siyang yakapin ay di ko magawa dahil na din sa mga nakakabit na aparatos sa katawan niya.

Hinalikan ko ang kamay niya, sa kanyang noo, at naupo sa tabi niya, sa tabi ng kanyang ama na noong panahon lamang na iyon ay nakita ko ang hinagpis na tangan ng kanyang mga luha.

"Iiwan muna namin kayo dito para makapag-usap kayo ng maayos" ang Nanay ni Ej

"Doon muna tayo sa may labas, tara na," ang Tatay naman ni Ej.

"Brad, babalik kami mamaya," si Joseph

Hinawakan ako sa balikat ng iba naming mga kaibigan, at isang yakap ang ibinigay sa akin ni Clarisse, at nagpaalam na sila kay Ej.

Pagkalabas nila, nagkaroon kami ng katahimikan, inaala ko yung mga panahon na pakiramdam ko parang lumalayo siya, yun pala ito na yun.

"Kamusta ka?" Basag ni Ej sa katahimikan,

"Madaya ka Ej," sagot ko, "ang daya mo talaga, bakit di mo man lang sinabi? Napaka selfish ko ni hindi ko man lang naisip na ganito na pala kalala ang sitwasyon mo, tapos wala akong ibang inisip kundi kung kailan ka babalik sa dati, kung kailan babalik yung dating ikaw,"

"Sssshhhh tahan na, ito ang ayaw kong makita sayo, yung sisihin mo sarili mo, yung masaktan ka, yung maawa ka, pero sana maintindihan mo din na ginawa ko yon dahil akala ko kaya pa ng gamot, balak ko naman talaga bumalik after 3days kaya lang nung 2nd day ko dito hindi na kinaya ng katawan ko."

Nagpatuloy ang usapan namin, tumagal iyon ng mahigit isang oras, nalaman kong bata palang siya ay may nagkaroon na ng leukemia, pero nadaan daw iyon sa blood transfusion kung kaya ang buong akala nila ay maayos na siya, hindi daw nila inasahan na babalik iyong sakit niya. May ibang detalye pa siyang sinabi pero hindi na iyon tumatak sa isip ko kasi wala akong ibang gustong gawin noong mga panahon na iyon kungdi ang tignan siya, at bumawi sa oras na nawala sa amin. Hawak ko ang kamay niya, naaawa man ako sa kalagayan niya pilit ko pa ring pinapalakas ang loob niya kahit mahirap. Naalala ko pa nga iyong sinabi ko sa kanya na,
"Gagaling ka, gumaling ka noong bata ka pa, kaya gagaling ka ulit, lumaban ka, para sa mga magulang mo, para sa akin na din ha, no more secrets, no more lies, last na to Ej ha,"

"Yes, boss, " sagot niya habang nakangiti saken, pero batid ko pa rin na medyo nahihirapan pa din siya.

Bumalik na ang mga magulang ni Ej at mga kaibigan namin, may dala silang pagkain, pinagsaluhan namin ang mga pagkain na iyon,  kwentuhan at minsan inaalala yung mga kalokohan namin sa pag-aaral.

Batid ko na nais lamang nila na palakasin ang loob namin dahil sa pangyayaring ito. Pero ramdam ko pa rin na maging sila ay apektado sa pangyayaring ito. Hindi na din naman na kasi iba ang turingan namin, para talaga kaming magkakapatid pag magkakasama, maski noong nalaman nila ang relasyon namin walang nagbago, sila pa nga ang dahilan ng mas lalong pagtibay ng relasyon namin, dahil sa suporta nila, kaya alam kong masakit din sa mga kaibigan namin ang nangyayari.

Matapos ang mahaba habang kuwentuhan ay nagpaalam na ang mga kaibigan namin na uuwi na dahil medyo gabi na din naman na.

Sa puntong iyon nagpasiya akong umuwi muna para kumuha ng ilang gamit ko at gamit Ej. Nagsabi ako na babalik din agad para makapag pahinga din ang mga magulang niya, pero,

"Bukas na ka na lamang ng umaga bumalik, magpahinga ka muna para may lakas ka bukas." Tatay ni Ej

"Pero Tito," sagot ko

"Hijo, sumunod ka na lang sa itsura mong iyan mukhang wala ka pa talagang pahinga, kaya mas maiging magpahinga ka doon sa bahay niyo para may lakas ka." Si Tita.

Tutol man ako ay sumunod na lamang ako, naisip ko na baka makadagdag pa ko sa hirap ng sitwasyon kung pati ako magkakasakit.

Napagpasyahan ng aming mga kaibigan na sa bahay na tinutuluyan namin Ej magpahinga. Nagpaalam na kami, at muli ay lumapit ako kay EJ, humawak ako sa kamay niya at muling humalik sa kanya, "I love you Boi," nakangiting sabi niya, naluluha man ay sumagot ako sa kanya, " I love you too, laban lang ha,"

Pagkauwi ay nakatulog kaming lahat kaagad dala ng pagod. Ako naman ay may isang oras pang nag mumuni muni bago tuluyang nakatulog.

Kinaumagahan, nagpasya akong umuwi muna sa amin bago dumirecho sa hospital, upang maiparating ko din saking mga magulang ang nangyari, awang-awa sila sa kalagayan ko noon dahil para akong bata na umiyak sa kanila. Matapos noon ay hinatid nila ko sa hospital, doon ay nagkakilala na din ang mga magulang namin. Sa labas nag uusap sila kami ay naiwang muli sa loob ng kuwarto.

Mabilis na lumipas ang araw, isang linggo na pala akong pabalik balik sa hospital, halos dito na din ako natutulog at kumakain, naliligo at nag re review dahil sa finals.

Nagalit pa nga si Ej dahil inaabuso ko daw ang katawan ko, pero nanindigan ako na mananatili sa tabi niya hanggang gumaling siya.

Araw ng linggo

 at kinabukasan ay finals na, maaga akong nakatulog sa hospital, dala ng pagod, pero nagising ako dahil sa may tumabi sakin, si Ej pala,

"Bakit ka bumangon? Ang tigas ng ulo mo eh,"
Pagalit ko sa kanya.

"Hindi naman pinagbabawal ang tumayo paminsan minsan, tsaka wala naman na akong kable sa katawan, tsaka namimiss na kitang mayakap," at tila nagpapaawa siya sa tinuran ng kanyang mukha,

Niyakap ko siya, doon ay muli naramdaman ko ang luha ko, pero luha iyon ng ligaya dahil nakikita kong lumalaban siya at mukhang nagiging ok naman na siya.

Nag request siya na matulog akong nakahawak sa kamay niya, at sinunod ko naman iyon. Masaya ako ng gabing iyon, nakikita kong may improvement na sakanya. At tuluyan na ngang nakatulog na kame.

Nagising ako sa kamay na nasa ulo ko, kamay ni Ej, at ang nanay niya na nandoon na din pala at may dalang almusal dahil alam niyang may exam ako.

Pumasok akong positibo ang pag-iisip, na gagaling siya.

Isang linggo akong namalagi doon, at nakita ko ang uni unting pag ayos ng lagay niya.
Pero mali ako ng akala.

Sa ikalawang araw ng exam ay nakatanggap ako ng text message mula sa Ate niya,

"Ibarra, pumunta ka dito, ngayon na, si Ej,"

Nasa kalagitnaan ako ng pagsusulit noon, kaya hindi ko agad nabuksan ang message na iyon, mga 5 minuto pa ang lumipas bago ko sinilip ang mensahe na iyon, may limang messages doon

"Nasaan ka na ba?"
"Hinahanap ka ni Ej"
"Boy"
"Boy bilisan mo"

Hindi ko na inisip kung babagsak ako sa exam na iyon nagpaalam ako sa proctor at sinabing hindi ko tatapusin ang exam dahil may emergency, nakita kong tatayo sana ang mga kaibigan ko para samahan ako, pero pinigilan ko sila. Sinabi kong sumunod na lang sila pagkatapos nila. Ako, bahala na kung pumasa o hindi, kailangan ako ni Ej. Nag commute ako dala ng kapos na ang perang dala ko para mag taxi.

"Ate, otw na po ako, ano po nangyayari?"

Imbes na text message ang matanggap ko ay isang tawag ang nag rehistro sa aking cellphone.

"Boy, nasaan ka na? Si Ej naghihingalo na,"

"Po?!" Sa narinig ko bumagsak ang luha ko, at siya namang pakiusap ko sa jeepney driver na bilisan ang kasi naghihingalo na yung boyfriend ko sa hospital. Oo sinabi kong boyfriend ko, hindi ko na inisip ang sasabihin ng iba. Ibinigay ko ang natitirang pera sa bulsa ko para palipatin sana ang ibang pasahero pero naging mabait ang kapalaran ko at nakisama ang mga nakasakay doon sa jeep,marahil ay sa awa kaya wala pang 15minutos ay nandoon na ako.

Nagpasalamat ako sa lahat ng nakasakay doon yung isang babae iniabot pa sa akin yung perang nahulog ko. Tumuloy ako sa hospital at derecho sa kuwarto ni Ej, nakita ko ang ilang mga nakaputing staffs doon sa kuwarto. Natigilan ako, lumapit at nakita kong ginagamitan na siya ng kuryente upang buhayin,

Nakita ako ng nanay at tatay niya, lumapit ako at yumakap sakanila, umakbay sakin ang tatay niya, nagsalita ako

"Laban Ej," pero mahina iyon

"LABAN EJ" Nilaksan ko iyon, pero parang walang nangyayari,

"LABAAAANNN PLSSS."

Nagsalita ang doktor, "Time of death 2:47PM"

Doon naramdaman ko ang luha ng kaniyang ama sa balikat ko, ang hikbi ng kanyang ina at kapatid, pero ako parang walang pakiramdam, namanhid ako, hinawi ko ang mga nakaharang kau Ej, binigyan ko siya ng alam kong gawin para buhayin siya, breast pump at mouth to mouth resuscitation. Nakatingin silang lahat sakin, sabi ko i charge nila ulit yung makina tapos isang shock pa, tuloy lang ako sa ginagawa ko, pinagalitan ko pa yung isa sabi ko, wag kayong tumunganga diyan i charge niyo na yan please, hinawakan ako ng isang nurse at sinabing,

"Sir, wala na po siya,"

"NO!" Bulalas ko

"Pwede ba i charge niyo na yan please." Pakiusap ko. At isa isa nagsisilabasan na ang mga nurse at doktor.

Pero hindi ako natinag, tuloy pa din ako.

Hanggang sa naramdaman ko ang kamay ng kanyang Tatay sa balikat ko, doon napatigil ako, tumingin ako sa kanya. At niyakap niya ako at sinabing,
 " Salamat ng marami sa yo anak," sabi ng kanyang ama.

Tulala na ako at hindi kumikilos. Sila Tita at Ate ay umiiyak pa rin. Muli ay nagsalita ang kanyang ama,

"Iiyak mo na iyan, mas magiging madali iyon,"

Tuluyan na akong bumigay sa damdamin ko.

"EJJJJJJJJ!"

Itutuloy

No comments:

Post a Comment

Read More Like This