Pages

Friday, April 28, 2017

Living the Dead Life (Part 6)

By: CountVladz

"EJJJJJJJ"

Matapos kong muling lingunin ang labi ni Ej ay isang pilit na ngiti ang iginawad ko sa harap ng maraming tao. Nasa dalawang minuto din bago ako nagsalita.

Hirap man ay ginawa ko pa din.

"Marahil ang iba sa inyo ay nagtataka kung sino ako, ngunit hindi na mahalaga iyon. Narito ako upang ipabatid sa inyo kung anong klaseng tao si Ej." Gumaralgal ang boses ko pero nagpatuloy ako.
"Nung una kaming nagkakilala akala ko after ng 1st sem ay hindi na siya muling mag-aaral kasi madalas ay laging last 5 minutes na lang kung gumawa yan ng activity." Kalmado ako habang sinasariwa ang mga bagay na iyon. Madami akong nasabing magagandang ala ala namin bilang magkaibigan. Pero ang isang ala ala ang naging dahilan upang muli ay lumuha ako. Derecho man ang pananalita ko ay hindi nito maitatago ang luhang bumabagsak sa aking mga mata.

" napakasakit para sa akin ng nangyaring ito. Hindi ako naging handa sa ganitong sitwasyon, yung inaakala kong bubuo ng pagkatao ko wala na, walang ibang laman ang isip ko kundi ang tanong na bakit? Bakit siya? Bakit ang aga? Bakit ako andito pa? Bakit? Hindi ko magawang magtanong sa Kanya ng derecho kasi wala akong karapatan. Hiniling ko sa Kanya yung taong magpapa unawa sakin ng pagmamahal, at kay EJ ko naramdaman yun, sabi ko pa nga, bakit ang suwerte ko sa taong ito,pero napalitan iyon ng isang katanungan na masuwerte pa din ba ko ngayon? Ganun pa man alam kong may plano siya para sa aming lahat na labis na naghihinagpis ngayon dahil sa pagkawala niya. Hindi ko po alam kung papaano ko malalampasan itong pagsubok na to. Pero sa kabila ng lahat ng ito nangako akong magiging matatag at matibay para sa kanya at hindi hahayaan na magpatalo sa kalungkutang ito, pero hindi ko alam kung hanggang saan ko kakayanin ito. Sa mga taong nandirito ngayon, kung kayo ay may Nanay at Tatay, kapatid o minamahal, huwag na huwag ninyo hayaang lumipas ang isang araw na hindi niyo naipadarama na mahal niyo sila, kasi maaring huli na ang lahat bago mo pa maisipang gawin iyon. Gawin ninyo ang bawat araw na parang huling araw niyo na ng sa ganoon hindi man maging maluwag ang lahat pag dumating ang oras na ang isa ay kailangan ng magpa alam, kahit papaano wala kayong pagsisihang nasayang na oras. Ipadama niyo na ang lahat ng bagay ay di kayang tumbasan ng pagmamahal na ibibigay niyo. Maraming salamat sa inyo at sa'yo Ej,"

tumikhim ako at tumingala at muling nagsalita.

"Maraming salamat sa pagmamahal na ibinigay mo sa akin, marami man ang hindi bukas ang isipan sa kung anong meron satin napapaligiran naman tayo ng mga taong mahahalaga sa atin. Masaya ako dahil naging masaya tayo. At lahat ng ito ay dahil sa pinadama mo sakin kung paano magmahal ng totoo. Maraming salamat at ito na ang huling paalam ko sayo dito. I LOVE YOU EJ"

doon ay bumaba na ko, nanatiling blangko ang ekspresyon ko sa mukha. Dala na din siguro ng pagod sa pag-iyak.

Matapos basbasan ay wala na akong nagawa upang pigilan ang unti unting pagbaba ng kanyang mga labi. Tinignan ko lang iyon habang nakatayo mula sa kinauupuan ko. Ang mga magulang at kapatid niya ay nandoon malapit sa kanya. Inihakbang ko ang paa ko , unti unti ay lumalapit ako, ang sakit pala makita ang ganito. Hanggang sa makarating ako sa tabi ng kanyang kuya at tatay. Gusto kong magwala at umiyak ng malakas pero nanatiling blangko ang ekspresyon sa mukha ko kahit na umiiyak ako nanatiling ganun ako, umakbay sakin ang tatay at kuya niya. Doon ay ibinigay ko na ang lahat tumingala ako at ang tahimik kong iyak kanina ay napalitan ng malakas na hikbi at di kalaunan ay napaluhod ako pilit inaabot ang ataul na malapit nang maibaba. Inakay akong muli patayo ng kanyang kuya.

"Tumayo ka boi., ipakita mo kahit sa huling pagkakataon na magiging matatag ka at matapang na haharapin ang bukas mo."

Lumingon ako sa kanya at ngumiti kahit na may luha at sinabing "Oo kuya."

Taas noo ako at nakatingin sa langit. At tuluyan ng naibaba ang kanyang ataul at isang kongkretong papag. At ang lupa.

Natapos na ang libing at tanging kami na lamang ng kanyang pamilya ang naiwan. Nagpa alam na sila na babalik ng bahay ngunit nagpasya akong magpa iwan.

Sa kanilang pag-alis nanatili akong nakatayo doon. Blangko ang isipan at walang kahit anong nabubuong isipin sa akin. Marahil ay nasa 4 o limang oras na akong nakatayo doon. Inabot ako ng halos magdidilim na nakatayo simula ng umalis sila kaninang mga tanghali. Binalikan ako ng kuya niya at siya namang tingin ko sa kanya. At sinabing "kuya wala na si EJ, wala na talaga siya. Wala na siya kuya."

Niyakap ako ng kuya niya, "shhhh, tama na tara na uwi na tayo, nag-aalala na sila mama sayo." Si kuya.

Pagkauwi ay nandoon pa din ang hinagpis ng bawat isa. Niyakap ko silang lahat. At doon natapos ang araw na iyon. Nagpahinga na kame. Kinabukasan ay lumuwas na ko. Upang  ipagpatuloy ang naipagpaliban kong pagsusulit.

Pero nanatili ako sa aking tinutuluyan ng isang linggo. At lumalabas lamang kapag nagugutom, nang dahil dito ay bumagsak ako kahit na may pagkakataon pa para maisalba kahit papano at maka graduate na. Pero wala na akong gana noon. Hanggang isang umaga nagising ako na sobrang lungkot ko, nakita ko yung katol sa may kusina. Dinurog ko yon at itinimpla sa baso, kulay maitim na green yun, iinumin ko na sana pero natakot ako, kaya itinapon ko iyon sa lababo dahilan para mabasag ang baso at tumalsik sakin ang bubog at masugatan ang kanang kamay ko. Ang daming dugo masakit siya pero hindi nito kinaya yung sakit na nararamdaman ko.

Bumukas ang pinto ng tinutuluyan ko, sila Clarisse, Jane, Mark at Joseph.

Nakita nilang duguan ang kamay ko, nakita din nila iyong tinimpla ko dahil sa sinabi ni Clarisse, "ano to?" Hindi ako umimik, "tumayo ka diyan," sabi ni Clarisse, "tumayo ka sabi," at itinayo niya ko at isang malakas na sampal ang natanggap ko mula kay Clarisse, "kung gusto mong magpakamatay mag-isip ka naman. Hindi ka na naka graduate dahil sa pagluluksa mo, alam kong mahirap ang pinagdaraan mo ngayon. Pero mag isip ka meron pang mga taong takot ding mawala ka. Andirito pa kame, pwede mong i share sa amin yang nararamdaman mo. Wag kang selfish, kaibigan din namin si Ej at parang kapatid."

Habang hawak ko ang kaliwang pisngi ko naiyak ako hindi dahil sa sakit kundi dahil sa sinabi niya. Lumapit sila Mark at Joseph sa akin at niyakap ako. Sapat na iyon upang ipabatid nila ang kanilang kalungkutan sa pangyayari.

Matapos noon ay nagpahinga ako at muling natulog. Pag gising ko naroon pa rin sila. Malinis na ang bahay. Inilabas ako nila Mark at Joseph papuntang barber shop. Doon ay pinaayusan nila ako. Kitang kita ko ang sarili ko, nakakawa ang itsura ko para akong ibang tao. . Pagbalik namin ng bahay, ipinakita nila ang kanilang mga diploma, at nagsalita si Jane.

"Inilakad ka namin sa Dean at nakausap siya ng personal, puwede kang mag summer class para maka graduate."

"Sayang ka boi, magiging cum laude ka sana, pero nagpatalo ka sa emotion mo." Si Clarisse.
"Tatapusin mo ang college mo, para kay Ej. Para sa mama mo, at kung may hiya ka pa para sa amin na ding mga KAIBIGAN MO!"

Doon ay nagdesisyon akong tpusin ang pag aaral ko. Hanggang naka graduate na ko. At nagtrabaho. Lahat ng gawin ko ay ala ala ni EJ ang bumabalik. Sinubukan ko ang lahat ng bagay na maaaring gawin upang malimutan ang sakit, pero lumipas ang buwan, at taon hanggang sa inabot na ako ng halos 7 taon bago sinubukang makipag date. Baguhan ako sa ganitong larangan kaya madami sa kanila ay hindi ako nagugustuhan. Meron sa kanila ay tanging pakikipag sex lang ang gusto meron naman kahit na alam kong nais makipag relasyon ay hindi ko pa.din ma entertain.

Naging ganito ang gawain ko tuwing uuwi ako galing trabaho, hanggang sa sibukan kong makipagtalik sa iba. Nalasing ako pero alam ko ang ginagawa ko, matagal na kong nakikipag-date sa taong ito gusto kong subukan baka sakaling siya na ang magpapawala ng kalungkutan ko. Pero ng may nangyari sa amin. Nasa kalagitnaan kami ng aming kainitan ng inusal ko bigla ang pangalan ni EJ. Hindi iyon nakawala sa pandinig niya at ng matapos kami ay sinabi niyang, " kung hindi mo pa nalilimutan si EJ, hindi mo ko mamahalin gaya ng pagmamahal ko sayo."  At iyon na ang huling beses na nagkita kame ng long time dating partner ko.

Naging ganito ang takbo ng buhay ko, naging napaka lungkot ng 7taon ko na parang may kulang sa akin.

Hanggang sa nito lamang nakaraang 2 taon, noong January 2015 may nakilala ako at nagkausap kame sa isang social site. Nagkainteres ako sakanya at sa unang pagkakataon habang kausap ko siya ay hindi na sumagi sa isip ko si EJ. Masaya siyang kausap.

Umabot ng mahigit isang taon bago ko nakuha ang number niya. At sa unang pagkakataon ay magkikita kame. Sa unang pagkakataon naging malaya ako sa ala ala ni EJ.

Wakas.

Salamat po sa lahat ng bumasa at nakisabay sa aking pagbabalik tanaw. Maraming maraming salamat po sa inyong lahat.

No comments:

Post a Comment

Read More Like This